Chapter 29
Pagak na lang na tumawa si Madam Estel dahil sa sinabi ng Don. Ramdam ko sa tawang 'yon na na-insulto siya. Ganito pala mag-away ang mga mayayaman. Paramihan ng kayamanan, patimbangan ng halaga.
Mula sa kanila ay mas nag-focus ako sa aking asawa na umiiyak ngayong sa aking tabi. Alam kong nahihirapan din siya sa sitwasyon. Sino ba naman ang gustong mamili kung pamilya o ang mahal mo. Tunay ngang walang makakapalit sa pamilya mo, pero paano naman kung nasa katulad ka niyang sitwasyon.
"Tahan na. Uuwi na tayo," pag-aalo ko sa kanya.
Marahan siyang tumango habang nagpapahid ng kanyang luha. Kahit ako ay parang takot na hawakan siya dahil sa nalaman kong kalagayan niya. Sobrang saya ko dahil sa nalaman, hindi ko lang magawang ipakita 'yon ngayon dahil sa nangyayaring kaguluhan.
"Apo, umuwi na tayo..." sabi sa akin ni Lolo.
Hinintay nila kaming dalawa ni Tatay kung anong susunod naming gagawin. Sa mga oras na ito ay wala akong nagawa kundi ang sumunod na muna sa kanila, hindi na din kasi ako makapag-isip ng maayos.
Gusto kong ituon ang buong atensyon ko sa aking asawa, sa aming anak. Sa kanilang kalagayan. Base sa sabi ng kanyang ina ay maselan ang kalagayan nito kaya naman kailangang mas mag-ingat.
"San Miguel is really something, huh..." naka-ngising puna ni Lolo habang umiiling-iling pa.
Hinigpitan ko na lamang ang pagkakahawak ko sa kamay ng aking asawa. Ang buong akala ko noon ay pag naging Villaverde na ako ay mas magiging madali para sa amin, ngunit may mas malalim pa palang away ang dalawang pamilya, mukhang madadamay pa kami.
"Sa atin na muna kayo dumiretso, kailangang magpahinga ni Ericka. Pag katapos ay tsaka tayo mag-usap sa kung anong magiging desisyon mo," sabi ni Tatay sa akin.
Tumango ako at nagpa-ubaya.
Tahimik kaming lahat habang nasa sasakyan. Pero kahit pa ganoon ay hindi ko ipinaramdam kay Ericka na mag-isa siya. Na Villaverde ang mga kasama niya dahil ang totoo ay isa na din siyang Villaverde.
Huminahon na din si Ericka bago pa kami makarating sa mansion ng mga Villaverde. Kahit siya ay sinabing kailangan niya 'yon. Medyo maselan ang pagbubuntis niya ayon sa doktor.
"Siguradong matutuwa si Nanay pag nalaman niya," nakangiting sabi ko sa kanya matapos ko siyang yakapin at halikan sa ulo.
"Lola na siya..." natatawang sabi ko pa para pagaanin kahit papaano ang sitwasyon.
Matapos kong sabihin 'yon ay napansin ko ang paglingon ni Tatay sa amin. Hindi ko pa din siya nakakausap tungkol kay Nanay. Pero pansin ko ang mga nagiging reaksyon niya sa tuwing nababanggit si Nanay.
"Dito ka na nakatira? Paano si Nanay?" tanong niya kaagad sa akin pagdating namin sa mansion ng mga Villaverde.
Marahan akong umiling. "Joke joke lang 'yun," sabi ko kaya naman kumunot ang noo niya.
"Anong Joke joke?"
Tipid akong napangisi, halos hindi ko maalis ang tingin ko sa aking asawa, para bang mas lalo ko siyang gustong alagaan ngayon. Na para bang ni ultimo paglalakad niya ay mas gusto ko na lang na buhatin na lang siya.
"Sasabihin ko sayo mamaya," sabi ko pa sa kanya.
Hindi din ako ganoon ka kumportable na mag-usap kami tungkol doon na nasa paligid lang sina Lolo at Tatay.
"Sige na, magpahinga na muna kayo sa itaas. Pagpahingahin mo na si Ericka. Ipapatawag na lamang namin kayo pag handa na ang hapunan," sabi pa ni Tatay.
Tumango na lamang ako kahit gusto ko sanang sabihin na baka hindi na kami magpaabot pa ng hapunan dito.
Excited na din kasi akong ibalita kay Nanay ang tungkol sa pagbubuntis ni Ericka. Sigurado akong matutuwa siya. Excited na siya maging Lola.
"Higa ka muna. May gusto ka ba...juice, tubig?" tanong ko kaagad sa kanya.
Umupo siya sa malambot na kama habang inililibot ang kanyang paningin.
"Gusto ko ng kiss...madaming madami," malambing na sabi niya na hindi ko naman kaagad nakuha.
Natawa si Ericka dahil sa pagkabato ko. Mukha siguro akong tanga na nakanganga pa dahil sa pagkamangha.
Sa huli ay halos patakbo akong tumalon sa kama para lang lumapit sa kanya. Kaagad ko siyang sinungaban ng halik, hindi naman ako nabigo dahil sinuklian niya 'yon.
Matapos 'yon ay marami siyang itinanong sa akin tungkol sa paglapit ko sa mga Villaverde. Alam na alam ni Ericka na ayoko sa mga ito, na hangga't maaari ay iiwasan ko sila.
"Ginawa mo 'yon para lang mabawi ako?" hindi makapaniwalang tanong niya.
Walang pagdadalawang isip akong tumango. Pareho kaming nakahiga sa kama, nakaunan siya sa king braso at nakayakap. Nakatitig lamang ako sa kisame, dinarama ang pagpapahinga. Kahit wala naman kaming masyadong ginawa ng araw na 'to ay para bang pagod na pagod ako.
Mas ramdam ko pa nga ang pagod ngayon kesa pagod sa tuwing nasa rice mill factory ako at nagbubuhat ng mga sako.
"Syempre..." sagot ko sa kanya.
Naramdaman kong mas lalong humigpit ang yakap niya sa akin. Hindi na siya nagsalita pero ipinadama niya sa yakap niyang natuwa siya, na na-appreciate niya yung ginawa ko para sa kanya.
Hindi naman 'yon kailangan. Asawa ko siya, natural lamang na gawin ko ang lahat para sa kanya at sa magiging anak namin. Dahil nang pinakasalan ko siya ay nangako akong iaalay ko sa kanya ang buong buhay ko. Gagawin ko ang lahat para lang mabuo ang pamilyang 'to.
"Sorry kung ginawa mo yung bagay na ayaw mo para lang sa akin..."
Hinila ko siya lalo palapit sa akin, hinalikan ko siya sa ulo at sandali pang nagtagal ang halik ko doon.
"Dahil ikaw ang pinaka-importante sa lahat...kayo ng magiging anak natin. Kayo nila Nanay," sabi ko sa kanya.
Hindi nagtagal ay naka-idlip din si Ericka. Kinuha ko ang pagkakataon na 'yon para bumaba na muna ay kausapin si Tatay. Nakuha ko na ang pakay ko, nakabalik na sa akin ang asawa ko kaya naman uuwi na kami sa amin.
"Sigurado ka na ba? Hindi ba't mas makakabuti sa inyo kung dumito na kayo..."
Pumasok at lumabas lamang 'yon sa aking magkabilang tenga. Hindi ko alam kung bakit sa hirap ng buhay na pinagdaanan ko ay hindi kailanman ako na-enganyo sa buhay ng mga mayayaman.
Siguro isang beses kong naisip kung paano kaya kung lumaki ako sa kanilang puder? Ibang ba sigurado ang buhay ko ngayon. Baka ibang Junie na din ako no'n.
"Hinihintay na po kami ni Nanay," diretsahang sabi ko sa kanya.
At sa muli, natahimik nanaman siya sa kanyang narinig. Na para bang malaki ang epekto ni Nanay sa kanya. Dapat lang...
"Hindi man lang ba kayo magtatanong tungkol sa kanya?" tanong ko.
Na sa bawat pagkakataon na magkasama at nagkikita kami ay 'yon palagi ang gusto kong itanong sa kanya.
Wala na ba talaga siyang pakialam dito? Sa babaeng pinangakuan niya ng panghabang buhay pero sa uli ay iniwan niya lamang sa ere.
Tipid na ngumiti si Tatay, sandali pinaglaruan ang tasa ng kape na nasa kanyang harapan.
"Alam ko naman ang lahat sa kanya," sagot niya sa akin kaya naman kumunot ang aking noo.
"Ano pong ibig niyong sabihin?"
"Simula naman nung umalis ako hindi ko naman talaga kayo nakalimutan," sabi pa niya. Pero imbes na matuwa ay parang mas lalo lang akong nainis sa kanya.
"Huminto lang 'yon nung napunta ako sa America para magpagamot..." kwento pa niya sa akin.
"Magpagamot para saan?"
Marahan siyang umiling. Para bang ayaw na niyang malaman ko pa ang parteng 'yon.
"Muntik na akong hindi makabalik. Matagal akong nawala dahil akala ko din hindi na ako makakabalik," dugtong niya.
Hindi ako nagsalita. Gusto kong siya ang magtuloy ng kwento niya.
"Kaya nung bumalik ako dito sa Pilipinas at nakita kong maayos na ang lagaya niyo. Na kinaya niyong mabuhay na wala ako...hindi ko na kayo ginulo pa."
"Hiyang hiya ako...na wala na akong mukhang ihaharap pa sa inyo. Kasi alam ko din naman sa sarili ko na sa kabila ng lahat ng 'yon...hindi niyo na ako kailangan," dugtong pa niya.
Nai-kuyom ko ang aking kamao.
"Hindi ka namin kailangan," madiing sabi ko. Pag-sangayon sa kanyang sinabi.
Kahit ang totoo ay kabaliktaran 'yon. Hindi totoong hindi namin siya kailangan. Dahil sa kabila ng sobrang galit ay may parte pa din sa batang ako na umaasa...araw-araw umaasa na bigla na lang siyang susulpot sa harapan ng aming pintuan at babalik sa amin ni Nanay.
"Sobrang tapang mo, Neil. Proud na proud ako sayo. Napalaki ka ng maayos..."
"Kinaya ni Nanay mag-isa. Kinaya naming dalawa..." sabi ko pa sa kanya.
Tango lang ang isinagot niya sa akin habang nakangiti.
Kahit alam kong hindi masaya si Tatay sa naging desisyon namin ay hinayaan niya kaming umuwi na. Ipinahatid na lamang niya kami sa driver para hindi na kami mahirapan pa sa pag-uwi.
"Salamat po sa tulong..." sabi ko.
Imbes na sumagot si Tatay ay yakap ang ibinigay niya sa akin. Hindi na lamang ako kumontra pa.
Pagka-uwi sa bahay ay halos maiyak sa tuwa si Nanay dahil sa aming ibinalita sa kanya. Doble ang saya niya dahil bukod sa nakabalik na sa amin si Ericka ay may dala pa kaming masayang balita.
"Magiging Lola na ako!"
Naging maayos ang sumunod na araw pagkatapos no'n. Mas binigyan ko ng pansin ang aking asawa. Kahit ang totoo ay nasa isip ko pa din ang pagdagdag ng trabaho, lalo't hindi naman nawala sa isip kong kaya umalis si Ericka ay dahil natakot siyang hindi ko sila mabibigyan ng magandang buhay.
Nakakalungkot man ay naiintindihan ko naman 'yon.
"Gusto mong bumalik sa factory? Pero mas kailangan mong magpahinga..." sabi ko kay Ericka.
Gusto niyang bumalik ng factory at magluto ulit.
"Pero mas gusto kong nalilibang ako..."
Hindi man buo ang pagsang-ayon ko sa gusto niyang mangyari ay tumango na lamang ako. Ayokong magtalo pa kami sa mga maliliit na bagay, hindi siya pwedeng ma-stress.
"Sige, kakausapin ko si Boss Eroz tungkol diyan," sabi ko sa aking asawa bago ako tuluyang nagpaalam sa kanya at kay Nanay na papasok na sa trabaho.
Pagkadating ko sa ricemill factory ay nakita ko ang tuwa ng aking mga kasama. Halos ilang araw din kasi akong nawala dito.
"Congrats, tingnan mo nga naman..." nakangising sabi ni Boss Eroz sa akin.
Siya ang una kong sinabihan. Wala kasi ang kaibigan naming si Julio dahil may project sa ibang lugar.
"Ninong kayo ah..." sabi ko pa na kaagad niyang ikinatango.
Bumalik sa normal ang buhay namin matapos 'yon. Pero 'yon ang akala naming lahat, 'yon ang akala ko. Dahil hindi pa din pala tapos ang mga magulang ni Ericka, at ngayon kasali na din si Isaac na piniling pumanig sa mga San Miguel kesa sa mga Villaverde.
"Malabo na 'yan kung hindi nila maaayos. Kung may mananalo man ay bilang na lang..." rinig kong pag-uusap ng ibang kasama tungkol sa nalalapit na eleksyon.
Mukhang hindi na talaga nagkasundo ang dalawang panig. Mukhang wala na din naman silang balak pang ayusin dahil hinayaan na lamang nila.
Hindi ko sinasabi kay Ericka ang mga nalalaman ko sa labas. Ayokong ma-stress siya kaya naman pinili kong wag na lamang ikwento pa sa kanila. Nagkaroon na din ng kanya kanyang pangangampanya ang dating nasa iisang partido.
Sino nga naman ang maniniwala sa kanila na kaya nilang patakbuhin ang buong bayan kung sa sarili nilang grupo ay hindi pa sila magkasundo.
"Sobrang swerte talaga netong si Junie, araw-araw masarap palagi ang baon," sabi ng aking mga kasama.
Nagkanya-kanyang baon muna kami dahil simula ng umalis si Ericka noon sa trabaho ay hindi na nakahanap pa si Boss Eroz ng papalit na magluluto.
Naputol ang masaya sanang pagkain namin ng tanghalian ng makatanggap ako ng tawag mula kay Nanay.
"Bakit ano pong nangyari?" tanong ko.
Sinamahan ako ni Boss Eroz sa ospital kung saan dinala si Ericka. Bigla na lamang daw itong dinugo kaya silang dalawa mismo ni Nanay ang pumunta na sa ospital dahil sa pag-aalala.
Umiiyak si Nanay ng maabutan namin siya sa labas ng emergency room.
"Ano pong nangyari?" tanong ko kaagad.
Pero bago pa man siya makasagot ay lumabas na ang Doctor para sabihin ang isang napakasakit na balita.
"I'm sorry the baby didn't make it..."
(Maria_CarCat)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro