Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 27

Heir




Diretso ang tingin ko sa kalsada papunta sa mansion ng mga Villaverde. Matagal tagal na din ng huli kong makita si Tatay. Sa dami ng koneksyon nila at pera imposibleng hindi pa din maayos ang lagay niya matapos ang nangyaring insidente sa kampanya.

"Sigurado ka na ba dito?" marahang tanong ni Boss Eroz sa akin.

Mas lalo kong naikuyom ang aking kamao. Ang totoo ay hindi ko din alam. Masyadong mabigat ang dibdib ko, alam ko din sa sarili kong bugso lamang ito ng damdamin. Pero gagamitin ko 'tong pagkakataon para magkaroon ng lakas ng loob para lumapit sa mga Villaverde.

Ilang taon ko silang nakayang layuan, tiniis kong hindi humingi ng tulong sa kanila kahit anong mangyari.

"Ayoko lang na pagkatapos ng araw na 'to may pagsisishan ka. At baka masisi mo pa akong hindi kita pinigilan," sabi pa ni Boss Eroz na may halong biro.

Pansin kasi niyang masyado na akong seryoso, hindi na ako makapag-isip ng maayos dahil ang gusto ko na lang mangyari ay makaganti, ang maipamukha sa mga San Miguel na Villaverde din naman ako.

Marahan akong umiling. "Wala akong pagsisisihan," paninigurado ko sa aking kaibigan.

Marahan din siyang tumango. Dahil sa nakuhang sagot mula sa akin ay mas lalo niyang binilisan pagpapatakbo ng sasakyan. Naramdaman ko 'yon kaya naman nilingon ko sa siya.

Nagtaas siya ng kilay sa akin. "Bakit?"

"Bakit binibilisan mo?" tanong ko.

Nakita ko ang nagtatagong ngiti sa kanyang labi. Pilit niyang pinapagaan ang paligid. Alam kong gusto niyang kumalma ako para kahit papaano ay makapag-isip ako ng maayos.

"Para makarating tayo agad," pagdadahilan pa niya sa akin.

Bahagya akong kumalma. "Dahan dahan lang..." mahinang sabi ko, medyo nakaramdam pa ako ng hiya.

Ngumisi na siya ng tuluyan.

"Walang mabuting dulot ang padalos dalos na desisyon," pangaral niya sa akin.

Mas lalong bumagsak ang aking magkabilang balikat. Naramdaman ko na ding bumalik na sa normal na bilis ang pagpapatakbo niya ng kanyang sasakyan.

"Hindi na ako makapag-isip ng maayos. Para 'to sa asawa ko, para 'to kay Ericka..." pag-uumpisa ko.

Muli ko siyang nilingon para tanongin.

"Ikaw ba Boss Eroz kung para sa babaeng mahal mo hindi ka ba aaksyon agad? May oras ka pa ba para makapag-isip ng maayos kung nasa ganito ng sitwasyon?" tanong ko sa kanya.

Nakita ko kung paano sandaling tumulis ang nguso niya habang ang kanyang isip ay para bang tinangay na ng hangin sa kung saang malayong lugar.

"Depende..." mahinang sagot niya sa akin.

"Oh, di ba?" pagbibida ko sa kanya.

Sa tingin ko ay ganoon naman talaga. May mga pagkakataon talagang hindi ka makakapag-isip ng maayos. Gagawin mo na lamang yung mga options na sa tingin mo ay mas mabilis...mas madali.

Ilang taon pa ang lilipas para lang mapantayan ko ang yaman ng mga San Miguel. Kahit siguro araw-araw, bente kwatro oras akong magtrabaho ay maraming bigas pa ang kakainin ko, baka ugod-ugod na ako pag naabot ko 'yon.

Wala ng oras.

Isang punta ko lang sa mga Villaverde, kausapin ko lang sila ng maayos. Kailangan ko lang lunukin ang prinsisyo at pride ko, sa isang iglap ay kaya ko ng pantayan ang pamilya ng aking asawa.

Bahala na. Ang mahalaga sa akin ay makabalik siya sa akin.

Huminto ang sasakyan hindi kalayuan sa gate ng mga Villaverde.

"Samahan kita?" tanong sa akin ni Boss Eroz.

Marahan akong umiling. Kaya ko 'to.

"Kaya ko na mag-isa...salamat, Boss Eroz," sabi ko.

Tipid siyang ngumiti at umiling. "Hihintayin kita dito hangga't matapos kayo," sabi niya sa akin kaya naman nanlaki ang aking mga mata.

"Talaga?" tanong ko kaya naman sinagot niya ako ng tango.

Dahil doon ay tangkang lalapit ako sa kanya para yumakap ng pigilan niya ako.

"Yayakap pa," pang-aasar niya sa akin bago kami nagtawanan na dalawa.

Naglakad ako papalapit sa may gate. Kagaya ng inaasahan ay malayo pa lang ako lumabas na ang dalawang guard na akala mo ay manggugulo ako.

"Sino ka? Bawal mamalimos dito," sabi nila sa akin.

Nakakagalit man ang sinabi niya ay hindi ko na lamang pinansin pa. Hindi ako pumunta dito para tumanggap ng kahit anong pamamaliit. Pumunta ako dito para kuhanin ang aking trono.

"Pasabi kay Nigel Villaverde gusto ko siyang maka-usap," sabi ko sa mga ito.

Nagtinginan silang dalawa, halatang natatawa sa akin. Hindi ata talaga ako siniseryoso ng mga tao dito. Palibhasa kasi ay palabiro ako kaya naman kung tingnan siguro nila ako ay ganoon.

"At bakit? Sino ka ba?" mayabang na tanong nila sa akin.

Hindi ako ganito pero kailangan.

"Neil Juancho Villaverde..." matapang at taas noong sagot ko sa kanila.

Nagkatinginan silang dalawa. Dahan dahang nawala ang ngiti sa kanilang labi. Kahit hindi sigurado ay muling pumasok ang isa sa kanila sa may guard house para ipaalam sa loob ang aking pagdating.

Hindi nagtagal ay muling lumapit sa amin ang isang guard habang ang isa naman ay nanatili sa aking harapan.

"Anak daw ni Sir Nigel. Papasukin daw..." sabi nito sa kasama.

Matapos 'yon ay walang pagod silang yumuko at humingi ng tawad sa akin. Hindi ko na lamang pinansin, hindi ako sanay sa ganoong trato. Simpleng tao lang din naman ako.

Binuksan ang malaki nilang gate para sa akin. Inaamin kong tumayo ang balahibo sa buong katawan ko dahil sa tagpong 'yon.

Ganito pala ang pakiramdam ng pagiging importanteng tao, ganito pala ang pakiramdam ng pagiging mayaman. Kaya naman ang iba ay ginagawa ang lahat para manatili sa itaas.

Malayo ang gate sa mismong mansyon kaya naman may kalayuan din ang nilakad ko. Hindi naman bago sa akin ang mga ganitong lugar. Ganito din naman kagara ang kagarbo ang mansion ng aking mga kaibigan.

Nasa malayo pa lang ay tanaw ko na ang front door ng bahay. Doon ay may dalawang lalaking nakatayo. Namukhaan ko kaagad base na din sa tindig. Sina Tatay at Lolo 'yon. Nakatanaw sila sa aking pagdating.

"Neil...anak," tawag ni Tatay sa akin.

Halos gusto niya akong salubungin ng yakap pero pinigilan niya. Marahil dahil na din sa pagiging seryoso ng aking mukha.

Maging si Lolo ay nakangiti habang nakatingin sa akin.

"I'm so happy that you're here," sabi nilang dalawa sa akin.

Marahan akong tumango. "Kailangan ko po ng tulong," diretsahang sabi ko.

Nagkatinginan silang dalawa.

"Kahit ano...Apo," sabi ni Lolo sa akin.

Pinapasok nila ako sa kanilang bahay. Muli nanaman akong namangha sa ganda at laki ng isang lugar. Una ko 'yong naranasan ng papasukin ako ng mga Herrer sa kanilang mansion, pagkatapos ay sa mansion ni Julio na kahit mukhang haunted sa labas ay mapapa-wow ka naman pagnakapasok sa loob.

Pinatuloy nila ako sa kanilang magarang sala. Halos mabali ang leeg ko sa mga naglalakihang muwebles, mga painting, at kung ano anong naka-display doon.

"Feel at home, Anak..." sabi ni Tatay sa akin.

Halos ipalabas niya ang lahat ng pagkain na pwede niyang ipakain sa akin. Pinigilan ko 'yon kahit ang totoo ay natatakam ako.

"Hindi din naman po ako magtatagal," pag-uumpisa ko.

"Anong klaseng tulong ba ang kailangan mo?" tanong ni Lolo sa akin.

Kahit hindi ako kumportble na ikwento sa kanila ang buhay ko at ang tungkol sa amin ng asawa ko ay kinailangan ko 'yong ikwento.

Ngumisi si Lolo. "Wrong timing. But we can do something about that," sabi niya kaya naman kumunot ang noo ko.

Doon sinabi ni Tatay sa akin na hindi mabuti ang relasyon nila sa mga San Miguel ngayon dahil sa hindi pagkakasundo sa nalalapit na eleksyon.

"Hindi nila ako tanggap bilang asawa ni Ericka dahil hindi ako kasing yaman nila," pag-amin ko sa mga ito.

Hindi sila nagsalita, pinanatili nila ang pagiging tahimik habang pinapakinggan ako.

"Sa madaling sabi po ay gagamitin ko ang apelyido niyo. Pagnakuha ko na ulit ang asawa ko ay hindi niyo na ulit ako makikita," pag-amin ko.

Hindi naman kailangang magsinungaling pa. Kagaya na lamang ng kung paano sila vocal sa ideyang hindi nararapat ang mga mahihirap sa mga mayayaman na kagaya nila.

Ngumisi si Lolo at napa-inom sa tasang may lamang tsaa.

"Feisty..." nakangising sabi niya habang nakatingin kay Tatay.

"Anong kailangang gawin?" tanong ni Tatay sa akin.

"Ipakilala niyo ako bilang anak niyo," matapang na sabi ko.

Wala na akong ma-isip na iba pang paraan.

"Walang problema..." sagot niya kaagad sa akin ng walang pagdadalawang isip.

Sila ni Lolo ang kaagad na nagplano ng araw at kung kailan ang magandang pagkakataon para dito. Saktong may meeting sila sa susunod na araw para ayusin ang hindi nila pagkaka-intindihan.

Halos araw na lamang din kasi ang bibilangin bago ang eleskyon. Sigurado akong hindi papayag ang dalawang kampo na hindi sila manalo.

"Anong sabi ng Nanay mo?" tanong ni Tatay sa akin habang naglalakad kami palabas ng kanilang mansyon.

"Hindi pa po ito alam ni Nanay," sagot ko sa kanya.

"Pwede naman kayong lumipat na dito," sabi niya sa akin.

Marahan akong umiling. "Maayos na po ang lagay namin ni Nanay. Tahimik na kami..." sabi ko pa sa kanya.

May problema lang talaga ngayon kaya kailangan ko ng tulong nila. Dahil kung hindi naman ay hinding hindi naman talaga ako pupunta dito at makikipag-usap sa kanila.

"Bukas ay magkita tayo...para sa mga kailangang bilhin para sa magiging meeting," sabi ni Tatay sa akin.

Napatingin ako sa aking suot na damit at sa aking ayos na din. Hindi ko man gustong baguhin kung ano talaga ako ay tama naman siya. Parte ito ng gusto kong mangayari. 

Alam kong hindi tama na magsikreto ako kay Nanay. Ayoko lang maging mas kumplekado pa ang mga bagay. Hindi din naman magtatagal 'tong gusto kong mangyari. Pagkatapos kong makuha ulit ang aking asawa ay babalik naman ang lahat sa dati.

"Mag-iingat, Anak..." sabi ni Nanay sa akin ng magpaalam ako sa kanya na aalis na.

Tumango ako. Halos hindi ako makatingin ng diretso sa kanyang mga mata dahil sa pagsisinungaling ko.

Dumiretso ako sa mansion ng mga Villaverde dahil doon kami magkikita ni Tatay. Bago ang lahat ng 'to para sa akin. Hindi ko din naman naisip na darating ako sa ganitong pagkakataon.

Nakabukas na kaagad ang malaki nilang gate. Nakahanda na din ang kulay itim na SUV. Naabutan kong nandoon si Tatay at kinakausap ang driver. Kita sa kanya na handang handa siya. Para bang excited siya sa magiging lakad na 'to.

"Anak, nandito ka na pala..." salubong sa akin ni Tatay.

Tipid na tango lang ang isinagot ko sa kanya.

Sa ngayon, kailangan ko muna silang ituring na kakampi. Kailangan para sa aking plano.

Lumuwas pa kami ng Manila para pumunta sa malalaking mall para doon daw mamili ng mga kailangan namin. Naging mahaba ang katahimikan sa pagitan naming dalawa lalo na ng pumasok ang aming sinasakyan sa NLEX.

Ilang beses kong nahimigan na gusto niyang magsimula ng pag-uusap pero hindi ko siya hinayaan. Ayoko din naman dahil baka mawala yung momentum ko maging drama na lang ito imbes na paghihiganti.

Hindi na ako nakaramdam pa ng hiya ng si Tatay na mismo ang gumastos ng lahat ng damit na pinili niya para sa akin. Nagpagupit din kami, bumili ng pabango, pumunta sa bilihan ng mamahaling relo. Lahat ng akala ko ay hindi ko mararanasan...nararanasan ko na ngayon.

Yun bang mamimili ka na hindi mo na kailangan pang tingnan yung presyo.

"Masyado na po itong madami," puna ko ng halos umabot na sa hindi ko mabilang ang mga damit at sapatos na binili niya.

"You deserved ito, Neil. Kulang pa yan sa lahat ng..." hindi ko na siya pinatapos.

Hindi ito ang panahon para magdrama kaming dalawa at magsumbatan.

"Kung ganoon, yun pong isa gusto ko din..." sabi ko pa sabay turo sa kung anong damit para lang matigil ang tungkol doon.

Hindi natapos ang pamimili namin ng hindi ko naisip si Nanay.

"Pwede po bang ibalik ko 'tong mga 'to at ipalit 'yon?" tanong ko sa bestida na nakasuot sa mannequin.

Pag nakita 'yon ni Nanay ay sigurado akong magugustuhan niya 'yon.

Ngumiti si Tatay. "Pumili ka pa para sa Nanay mo, ako ang bahala," sabi niya sa akin.

"Yun lang po," sabi ko.

Ilang araw din kaming naghanda para sa darating na meeting. At masasabi kong kahit ako ay naninibago sa aking sarili sa tuwing sinusubukan ko ang mga damit na binili ni Tatay sa akin. Sa mansyon ni Julio ko muna 'yon ipinatago dahil kung iuuwi ko sa bahay ay makikita ni Nanay.

"Ayos na ba 'to?" tanong ko sa mga kaibigan ko.

Sa bahay ako ni Julio manggagaling. Ilang araw na ding nakalagak dito ang itim na SUV na ipinahiram ni Tatay sa akin. Akin na lang daw, kung makapagsabi ay akala mo nagbibigay ng candy.


Hindi ko tinanggap at sinabi kong hiram lang 'yon. Ibabalik ko din pagkatapos ng lahat ng 'to.

"Kaya mo 'to, Junie..." sabi ko sa aking sarili.

Ilang pagbuga ng hininga din ang nagawa ko bago ako tuluyang tumuloy. Nakita ko ang tingin ng ilang tauhan mula sa lahat ng headquarters. Kinalimutan ko muna sandali kung sino talaga ako.

Kailangan ko 'tong gawin.

Binati kaagad ako ng mga ito na para bang kung sino akong importanteng tao. Tumango lang ako bilang sagot. Mula sa may nakaawang na pintuan ay narinig kong nag-uusap na sila.

"Sino pa bang hinihintay natin, Nigel?" tanong ni Madam Estel.

"My grandson of course. Ang tagapagmana ng buong Villaverde corporation," sabi ni Lolo.

Pinagsasabi neto?

"Tito?" gulat na tanong ni Isaac. Ramdam ko 'yon sa tono ng kanyang pananalita.

"Grandson? Wala kaming narinig na iba pang batang Villaverde bukod kay Isaac," sabi pa ni Madam Estel.

Kumatok na ako para matapos na ito.

"Maybe he's here," sabi ni Tatay.

Pumasok ako. Kita ko ang gulat sa mata nilang lahat, halos malaglag ang panga ng mga San Miguel. Hindi ko alam kung para saan 'yon. Baka dahil sa sobrang gwapo ko ngayon.

"Anong ginagawa ng hampas..."

"This is my son...Neil Juancho Villaverde," pagpapakilala ni Tatay sa akin.

"Villaverde Heir..." pahabol pa ni Lolo.

Napatayo si Madam Estel, halos hawakan ang kanyang batok.

"Paanong nangyaring?"

"You heard it right, Estel. Si Neil ay anak ko...isa siyang Villaverde," paninigurado ni Tatay sa kanya.

Narinig ko maging ang mahihinang bulungan mula sa kanyang mga pinsan. Maging sila ay hindi makapaniwala.

Unang hinanap ng aking mga mata ang aking asawa. Kumunot ang noo ko ng makita kong maputla siya. Para bang may iniinda siyang sakit.

"Iuuwi ko na ang anak ko..." sabi niya at tangkang hihilahin patayo si Ericka ng pinigilan niya ito.

"Mommy..."

"Careful with her Estel...maselan ang lagay ng anak mo," sabi ng kanyang ama.

Mas lalong napaawang ang aking bibig.

Maselan? anong maselan? May sakit ba ang aking asawa?


(Maria_CarCat)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro