Chapter 26
Pangangatawanan
Halos ilang minuto din akong nakatingin kay Julio. Hindi na-proseso ng utak ko yung sinabi niya. Para bang hindi niya 'to matanggap.
Si Ericka, ang aking asawa ay kusang sasama pabalik sa kanyang pamilya?
"Magka-away ba kayo?" tanong ni Julio sa akin.
Aligaga akong naglakad kasama siya pabalik sa kanyang sasakyan. Nasa Malolos pa kami pero mukhang nauna na yung isip kong naka-uwi sa amin. Gusto kong malaman kung anong nangyari.
Bakit siya kusang sumama?
Wala sa sarili akong sumagot kay Julio. Pero bago pa man 'yon ay alam ko na kaagad ang sagot. Wala naman talaga kaming pinag-awayan. Ako lang itong nang-away sa kanya ng walang dahilan.
Pero sapat ba 'yon para umalis siya at sumama sa kanyang pamilya? Imposibleng dumalaw lang siya sa mga ito at pagkatapos ay pababalikin din siya.
"Pag nakuha siya ng mga San Miguel baka hindi na siya ibalik sa akin," sumbong ko kay Julio.
''Nag-away ba kayo?" tanong niya ulit.
Sa klase ng pagkakatanong at tingin niya sa akin habang tinatanong 'yon ay para bang alam niyang ako ang may kasalanan kung bakit umalis si Ericka.
"Hindi kami nag-away pero...nawalan ako ng oras sa kanya nitong mga nakaraan. Medyo mainitin din ang ulo ko at..."
"Bakit?" tanong ni Julio. Hindi na niya pinatapos ang paliwanag ko.
Napabuntong hininga ako. Wala akong ma-isagot sa kanya. Hindi ko din naman alam ang isasagot ko. Para sa kanya naman 'tong ginagawa ko, para sa pamilyang bubuoin namin pero imbes na makabuti at napasama pa ata.
Nag-iwas ako ng tingin. Hindi nawala ang titig ni Julio sa akin na para bang alam kaagad niya ang dahilan.
"Alam ko na kahit hindi ka magsalita," sabi niya bago siya naunang sumakay sa kanyang sasakyan.
Mabilis na din akong pumasok sa loob para maka-uwi na kami. Si Ericka ang nasa isip ko buong byahe namin pauwi. Hindi ko pa din ma-intindihan ang sitwasyon.
Walang ibang tanong na nasa isip ko ngayon kundi bakit?
"Kasama na namin si Tita. Ayos naman siya, umiiyak lang dahil nga kinuha daw si Ericka ng mga tauhan ng pamilya niya," sabi ni Boss Eroz sa akin.
Pinuntahan kaagad nila si Nanay sa bahay ng malaman nila ang nangyari.
Rinig ko sa background ang pagk-kwento ni Nanay ng tungkol dito sa kung sinong kasama pa ni Boss Eroz sa aming bahay.
Tumikhim siya at napabuntong hininga.
"Hindi pala kinuha, kusang sumama..." pagtatama niya.
Mas lalo akong naguguluhan, mas lalong bumigat ang loob ko. Para bang kung ang mga salita ay sapilitan siyang kinuha ng mga ito ay malalaman ko na kaagad ang aksyon na gagawin ko.
Pero ang sabihing kusa siyang sumama...anong gagawin ko? Kukuhanin ko ba siya pabalik gayong siya mismo ang nagdesisyon non?
"Pwede namang pinalabas lang na kusa siyang sumama di ba?" tanong ko kay Julio.
Kanila ko pa siya binabato ng kung ano-anong spekulasyon habang abala siya sa pagmamaneho.
"Pwedeng 'yon ang nangyari. Pinalabas lang na kusa siyang sumama para pag-awayin kami. Alam ko na 'to, ganito din sa pelikula e," sabi ko pa sa kanya.
Natahimik ako nang makita ko kung paano siya umirap sa akin. Tinalo pa ang babae kung maka-irap.
"Pinalabas lang ni Tita na sumama si Ericka? Bakit naman gagawin ni Tita 'yon?" tanong niya sa akin.
Ang lahat ng espekulasyon, at ideya na binuo ko sa aking isip para palakasin ang loob ko ay mabilis na gumuho. Tama nga naman, kay Nanay nanggaling ang mga salitang 'yon. Bakit naman sasabihin 'yon ni Nanay kung hindi totoo?
Kung sa ibang tao siguro nanggaling ay may pag-asa pang baka nabago lang. Pero si Nanay na mismo ang nagsabi. Siya mismo ang nakakita dahil siya ang kasama sa bahay.
"Anong gagawin ko?" problemadong tanong ko. Halos maihilamos ko ang aking palad sa aking mukha.
"Kuhanin mo. Kuhanin mo pabalik ang asawa mo," seryosong sabi ni Julio sa akin.
Para bang may pinanghuhugutan siya. Na kung mangyayari man sa kanya ang gantong sitwasyon ay ganoon ang gagawin niya. Kukuhanin niya pabalik, babawiin niya.
"Pero kusa siyang sumama..." nanghihinang sabi ko kay Julio.
Ang lahat ng tapang sa katawan ko ay para bang nawala. Hindi ko na makita, nakakapanghina.
"Kaya nga mas lalo mong bawiin." madiing sabi niya sa akin.
Hindi ko na lang namalayan na may tumulo ng luha sa aking mga mata.
Napadaing ako ng maramdaman ko ang suntok ni Julio sa aking braso.
"Anong iniiyak-iyak mo diyan?" tanong niya.
"Baka iniwan na ako ng asawa ko," sumbong ko sa kanya.
Para akong batang nagsusumbong.
Hindi natapos ang pagkastigo nila sa akin lalo na ng maabutan namin si Boss Eroz na nasa bahay pa din. Tulog si Nanay pagkarating namin, mukhang napagod ito kaka-iyak kanina. Sobrang stress at nag-aalala din sa mga nangyayari.
"Ang problema kasi sayo sa lahat ang bait-bait mo. Pagdating kay Ericka ganyan ka...inaaway mo," si Boss Eroz.
Hindi na ako nakapagsalita. Salitan silang nagbitaw ng mga salita sa akin, na hindi ko naman ma-itatangging tama naman. Ako ang mali.
"Alam mo kasing mahal na mahal ka kaya pag sinabihan mo ng masakit na salita gusto mong tanggap lang siya ng tanggap." pahabol pa nila.
"Pag nakuha mo na yung babae hindi dapat nagbabago yung trato mo sa kanya. Dapat mas lalo mong minamahal...hindi porket sigurado kang sayo na gaganun mo," sabi pa nilang dalawa.
Tumingala ako, nakatayo silang dalawa sa harapan ko habang kinakastigo ako. Wala naman silang parehong nobya. Wala din silang nababanggit na may gusto silang babae, kung ganoon saan sila humuhugot na dalawa?
"May hinihintay 'yang dalawa na 'yan," natatawang sabi ni Tito Darren sa akin ng minsang matanong ko sa kanya kung may nobya na ba si Boss Eroz sa Maynila.
Sino kaya ang hinihintay nilang dalawa? Masasabi kong swerte ang mga babaeng mamahalin ng aking mga kaibigan. Mukhang stick to one din ang mga ito kagaya ko. Mana sa akin.
"Hindi ko naman..." hindi ko na din natuloy pa ang paliwanag ko. Alam ko namang kahit saang anggulo ay ako ang mali. Kasalanan ko.
"Hindi naman nagbago ang trato ko sa kanya. Na-pressure lang ako dahil sa pamilya niya..."
"Dahil sa estado ng buhay niya. Hanggang kailan mo panghahawakan 'yang ideya na 'yan na lahat ng mayayaman ay matapobre?" tanong ni Boss Eroz sa akin.
Silang dalawa lang ni Julio at ang mga pamilya nila ang tinatanggap kong mabuting mayayaman. Ang iba kasi ay sa tingin ko pare-pareho. Basta mayaman ay matapobre, masasama ang ugali. Namulat ako sa ganoon dahil sa ginawa ni Tatay at ng pamilya niya sa amin ni Nanay.
"Mahal mo si Ericka pero hindi mo pa din matanggap na galing siya sa estado ng buhay na pinaka-ayaw mo." dugtong pa nila.
"Hindi naman lahat, Junie..." Si Julio.
Napatango ako. Alam ko naman 'yon, silang dalawa nga ay mga matalik kong kaibigan.
Tumikhim si Boss Eroz.
"Hindi ba sumagi sa isip mo na kahit itanggi mo ay Villaverde ka pa din? Mayaman ka din, Junie..." pagpapa-intindi niya sa akin.
Sandali akong napahinto. Biglang may kung anong pumasok sa isip ko.
"Ayoko..." sambit ko madiin.
"Ang alin?" tanong ni Julio.
Ayoko ng nasa isip ko. Hinding hindi ako hihingi ng tulong sa mga Villaverde.
Tumayo ako, marahas na pinahiran ang mga luha sa aking mukha.
"Kukuhanin ko ang asawa ko. Iuuwi ko siya," madiing sabi ko sa kanila.
Nag-presinta pa silang dalawa na sumama sa akin, pero dahil walang ma-iiwan kay Nanay ay nagpresinta si Julio na siya na muna ang maiiwan sa bahay kasama ito.
"Dalian niyo ha. Wala ng dog food si Bruno, baka kagatin na ko pag uwi ko," sabi niya sa amin.
Hindi ko alam kung matatawa ako o mananatiling seryoso.
Tahimik kami ni Boss Eroz habang nasa byahe papunta sa mga San Miguel.
Saktong bukas ang malaki nilang gate pagdating namin. Mukhang may lalabas na sasakyan kaya naman ganon. Mabilis akong bumaba sa pick up truck ni Boss Eroz para tumakbo papasok. Pero hindi pa man ako tuluyang nakakalapit ay hinarang na kaagad ako ng mga guard.
"Sino ka? Saan ka pupunta?" tanong nila sa akin.
"Kukunin ko ang asawa ko. Ericka!" sigaw ko.
Panay sigaw at pagpupumiglas ang ginawa ko. Hanggang sa bumba ang sakay ng itim na SUV. Ama iyon ni Ericka, kita ang iritasyon sa kanyang mukha.
"Anong kailangan mo?" tanong niya sa akin. Kung makatanong ay para bang walang problema.
"Iuuwi ko na po ang asawa ko," matapang na sabi ko sa kanya.
Mula sa akin ay nakita kong lumipat ang tingin niya sa tao sa aking likuran. Mukhang namukhaan niya ito. Sino ba naman kasi ang hindi makakakilala sa mga Herrer dito sa Sta. Maria.
Puminta ang gulat sa kanyang mukha, hindi marahil makapaniwala na may kaibigan akong kagaya ni Boss Eroz.
"Tama na. Si Ericka mismo ang kusang umuwi ito," sabi niya sa akin.
Marahas akong umiling. "Hindi ako naniniwala. Hangga't hindi ang aking asawa ang nagsasabi niya, hindi ako naniniwala," giit ko.
Tamad siyang ngumisi. Niligon niya ang isa sa mga guard.
"Tumawag kayo sa loob. Tawagin niyo si Ericka," utos niya dito.
Mas lalo akong nagulat, walang pag-aalinlangan yon. Para bang kumpyansa talaga siyang ako ang mapapahiya dito at hindi siya.
Ginagawa ng guard ang inutos niya. At talagang papalabasin nila si Ericka na para bang hindi sila takot na tumakas ito.
Hindi nagtagal ay lumabas ito, hindi siya mag-isa kasama niya si Madam Estel.
"Junie anong ginagawa mo dito?" tanong niya sa akin.
Mas lalo akong naguluhan, bakit 'yon pa ang naging tanong niya. Malamang ay nandito ako para kuhanin siya.
"Umuwi na tayo," sabi ko sa kanya.
Naglahad pa ako ng kamay pero bumaba lang ang tingin niya dito. Tiningnan niya lang 'yon. Wala man lang akong nakitang excitement o tuwa dahil nakita niya ako. Para bang tama nga talaga sila na kusa siyang sumama.
"Ericka...tara na," yaya ko sa kanya.
Mula sa nakalahad kong kamay ay tumingin siya sa kanyang inang kanina pa nakangisi. Para bang katatawanan ako para sa kanya.
"Umuwi ka na, Junie."
Halos malaglag ang panga ko. Hindi ako makapaniwala sa lumabas sa kanyang bibig.
"B-bakit?" tanong ko.
Pero bago pa man siya makasagot ay nakita ko na kung paano siya ma-iyak. Doon pa lang ay alam kong may hindi tama sa nangyayari.
"Uuwi tayo, akong bahala..." paninigurado ko sa kanya.
Hindi na nanahimik pa ang kanyang ama, humarang na ito sa aking harapan.
"Ayaw na ng anak ko. Umalis ka na..."
"Hindi po! Asawa ko siya...sasama siya sa akin," giit ko.
Muling natawa si Madam Estel.
"Anong pinagmamalaki mo? Ang kapirasong papel ng kasal kasalan niyo? Gumising ka nga sa kahibangan mo!" mapanuyang sabi niya sa akin.
Para akong naubusan ng lakas. Nanginig ang aking tuhod. Mariing pumikit si Ericka bago niya sinegundahan ang sinabi ng kanyang ina.
"Tama si Mommy. Ayoko na Junie...sawa na ako, hindi ko kayang mabuhay kasama ka. Hindi ako sanay sa buhay na...sa buhay na meron ka," nahihirang sabi niya.
Ramdam kong labag 'yon sa loob niya. Pero sobrang sakit pala talaga.
"Hindi ko nakikita ang sarili kong kasama kang tatandan. Wala akong future sayo...ayoko na," sabi pa niya.
Kung nagawa akong durugin ng kanyang pamilya gamit ang masasakit na salita. Ganoon din ang ginawa ni Ericka sa akin, pinong pino.
"Nagsisimukap ako...magsusumikap ako," sabi ko sa kanya. Halos magmaka-awa.
Marahan lang siyan umiling.
"Umalis ka na..." pagtataboy niya sa akin.
Halos hilahin na lamang ako ni Boss Eroz paalis doon. Dahil kung hindi ay handa na sana akong lumuhod at magmakaawa. Nakatulala lang ako buong byahe, para bang naiwan ang kaluluwa ko sa tapat ng gate nila. Maging ang isip ko ay wala sa akin, para akong mababaliw. Nakakabaliw.
Tuloy tuloy ang pagtulo ng luha sa aking mga mata.
"Iliko mo..." sabi ko kay Boss Eroz.
"Bakit?"
"Pupunta tayo sa amin..." sabi ko sa kanya.
Nakita ko ang pagtataka sa kanyang mukha. Naguguluhan. Ang daang tinatahak namin ay pauwi sa amin kaya naman hindi niya maintindihan.
"Pupunta tayo sa mga Villaverde," sabi ko pa sa kanya.
"Tama ka. Kahit anong tanggi ang gawin ko, isa akong Villaverde..."
"Anong plano mo, Junie?" tanong niya sa akin.
Naikuyom ko ang aking kamao.
"Magiging Villaverde ako," nanggigigil na sabi ko.
Kung ito ang paraan...pangangatawanan ko ang pagiging Villaverde ko. Makikita nilang lahat.
(Maria_CarCat)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro