Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 21

Kasal


Nawala ang kabang nararamdaman ko ng makita ko kung paano umabot halos hanggang tenga ang ngiti ni Ericka. Kita don, walang halong biro na nagustuhan talaga niya ang singsing na ibinigay ko.

Iba ang saya ng puso ko dahil ramdam kong na-appreciate niya ang simpleng bagay na 'yon. Siguro tama nga si Ericka, 'yon na ang lahat ng meron ako. Na kahit gusto ko pa siyang bigyan ng higat pa doon ay 'yon lang ang kaya ko sa ngayon.

Pero hindi naman ibig sabihin na tanggap niya kung anong meron ako ngayon ay titigil na ako doon. Tinanggap niya ako nung mga panahong walang wala ako. Kaya naman pagsusumikapan kong ibigay kay Ericka ang lahat ng higit pa sa kaya ko.

Tipid akong napangiti nang makita ko kung paano dahan dahang namuo ang luha sa kanyang mga mata.

"B-bakit ka umiiyak?" marahang tanong ko sa kanya.

Natawa siya habang nagpapahid ng luha. Marahang umiling na para bang ayaw niyang pansinin ko 'yon.

"Masaya lang ako...sobrang saya ko lang," sagot niya sa akin.

Hinila ko siya palapit sa akin. Inabot ng palad ko ang kanyang pisngi, marahan kong pinahiran ang mga luhang kumawala sa kanyang mga mata.

Matapos 'yon ay kaagad niya akong niyakap ng mahigpit. Ginantihan ko ang yakap na 'yon. Mas mahigpit, hinding hindi ko na papakawalan si Ericka simula ngayon. Ipaglalaban ko siya, paninindigan ko.

"Tara na," yaya ko sa kanya.

Naramdaman ko ang kanyang gulat. Sandali siyang humiwalay sa akin para harapin ako. Para bang naguguluhan siya, may naisip na pero sinisigurado niya muna.

"Anong tara na?" tanong niya sa akin. Natatawa.

Biglang uminit ang magkabilang pisngi ko, mas nakakakaba pala ito kesa nung ibinigay ko ang singsing.

Napakamot ako sa aking batok. Mas lalong bumilis ang pintig ng dibdib ko dahil sa sobrang kaba.

"T-tara na...magpakasal na tayo ngayon," sabi ko kaya naman nakita ko kung paano bahagyang nanlaki ang kanyang mga mata.

"As in?" hindi makapaniwalang tanong niya sa akin.

Marahan akong tumango. Hindi ko man napaghandaan ng maayos ay nagawa ko naman ang lahat ng kailangan sa maiksing panahon.

"A-ayaw mo ba?" kinakabahang tanong ko.

Sandali siyang napatigil. Mas lalo akong kinabahan sa kung anong pwede niyang isagot. Mai-intindihan ko naman kung mas gusto niya ng mahaba pang preparasyon.

Matapos ang sandaling pananahimik ay natawa siya sa akin at pabiro pa akong hinampas sa braso. Bago tuluyang sumagot ay hinawakan niya ang aking magkabilang pisngi, iginaya niya ang mukha ko palapit sa kanya para mahalikan.

"Syempre gusto...gustong gusto," sagot niya sa akin kaya naman halos pumiyok pa ako kahit natatawa.

Kaagad siyang humiwalay sa akin, para bang gusto kaagad niyang pumunta sa kwarto. Alam ko na ang gusto niyang gawin kaya naman inilabas ko na ang puting bestida na binili ko.

"Hahanap ako ng pwedeng..."

"Binilhan kita ng isusuot mo," sabi ko na muli niyang ikinagulat.

Nanlalaki ang kanyang mga mata ng tumingin siya sa akin bago sa damit na nakasupot na hawak ko.

"Junie, sobra sobra na 'to...pwede namang..."

"Kulang pa 'to. Pakakasalan ulit kita, mas pinaghandaan, may mas mahal na sing-sing, may magandang gown, at higit sa lahat sa simbahan," paninigurado ko sa kanya.

Nag-ayos kami ni Ericka para sa aming kasal sa munisipyo. Nagulat si Nanay at naiyak din dahil pagkauwi niya ay sinabihan kaagad namin siya na magbihis para dito.

Naiiyak si Nanay habang naghahanda. Mabuti na lamang at mayroon din siyang mga bistida na pwede niyang isuot para sa okasyon na 'to.

"Naalala mo 'to?" tanong niya sa akin.

Ipinakita niya ang suot na bestida, umikot pa sa harapan namin ni Ericka para mas maayos naming makita 'yon.

Napangiti ako habang pinagmamasdan 'yon na suot niya.

"Syempre po, Nay..." nakangiting sagot ko sa kanya.

Ang bestida na 'yon ay binili ko para sa kanya nung graduation ko. Ito pa lang ang pangalawang beses na isusuot niya 'yon.

"Ngayon isusuot ko naman para sa kasal mo," sabi pa niya sa akin.

Nilapitan ko si Nanay at niyakap ng mahigpit. Si Nanay na hindi kailanman ipinaramdam sa akin na may kulang sa amin.

Na kahit kami lang dalawa sa buhay ay hindi kailanman siya naging mahina, palaging lumalaban sa hirap ng buhay na pinagdaan naming dalawa. Utang ko kay Nanay ang lahat ng meron ako ngayon.

Pinalaki niya akong isang mabuting tao kaya naman hindi ko siya kailanman bibiguin, dadalhin ko lahat ng 'yon lalo na ngayong gagawa na ako ng sarili kong pamilya.

"Ang ganda po, Nay. Magaling pong pumili si Junie," sabi pa ni Ericka sa kanya.

Ginaya din niya ang ginawang pag-ikot ni Nanay kanina para ipakita ang suot na bestida.

Lumaki ang ngiti ko sa kanilang dalawa.

"Syempre...ganyan mga taste ko," pagyayabang ko pa.

Napanguso si Ericka at umirap pa bago sila sabay na natawa ni Nanay.

Nasa kalagitnaan kami ng pagtatawanan ng makarinig kami ng busina mula sa labas.

"Oh, may inaasahan ka bang bisita anak?" tanong ni Nanay sa akin.

Nagkatinginan kaming tatlo. Inalala ko ding mabuti kung meron pero wala naman. Sandaling naghari ang katahimikan sa pagitan naming tatlo. Alam kong maging sila ay nakaramdam din ng kaba.

Ayoko mang isipin pero hindi ma-iwasang sumagi sa aking isip na may posibilidad na pamilya ni Ericka 'yon. Malakas ang koneksyon nila sa kahit saan, alam kong kahit anong tago namin dito ay hindi ma-iiwasan na makarating ito sa kanila.

"Ako na po," matapang na sabi ko sa kanila.

Ni hindi na ako nakapag-isip pa sa kung anong gagawin. Kung kailangan bang magtago ni Ericka at Nanay. Matapang akong lumapit sa may bintana para tingnan muna kung sino 'yon.

Nakahinga ako ng maluwag. Parang may kung anong mabigat at malaking bagay na nakadagan sa dibdib ko ang nawala ng makita ko kung sino ang mga 'yon.

"Sina Boss Eroz," sabi ko kila Nanay.

Binuksan ko ang pintuan. Halos magkasabay silang lumabas ni Julio sa sasakyan nito.

Nagtaas ng kilay si Boss Eroz ng makita niya ang suot kong puting longsleeve at itim na slacks.

"Sabi ko sa 'yo, e," rinig kong sabi ni Julio.

Sa reaksyon nilang dalawa ay para bang nakasagap sila ng chismis at nakumpirmang hindi chismis 'yon.

"Anong meron?" tanong ni Boss Eroz sa akin.

Humalukipkip ito at sumandal sa nguso ng kanyang itim na pick-up.

Ngumisi si Julio.

Nalaman kong nalaman niya mula sa kakilala sa munispyo ang kasal namin ni Ericka ngayon dahil sa isang kakilala.

Matapos niyang malaman 'yon ay kaagad niyang sinabi kay Boss Eroz kaya naman napasugod silang dalawa dito.

"Hindi nagiimbita," kantyaw ni Julio.

May plano naman talaga akong imbitahin sila. Sa sobrang dami kong inasikaso ay nawala na 'yon sa isip ko. Pero nasa plano 'yon, silang dalawa ang matalik kong kaibigan. Gusto ko ding maging parte sila ng espesyal na araw na 'to.

Dahil sa pagdating nina Boss Eroz at Julio ay ang sasakyan na nila ang ginamit namin papunta sa musipyo.

"Ipagt-tricycle mo si Ericka, edi nakita kayo," pangaral nilang dalawa sa akin.

Alam kong maging ang pagtatago ko kay Ericka ay hindi ko nasabi sa kanila. Pero simula kanina ay wala akong narinig tungkol doon. Para bang tinanggap na nila na naglihim ako at na-iintindihan nila 'yon.

Sakto ang dating namin sa munisipyo. Habang naglalakad papasok ay nandoon pa din ang kaba. Nalaman nga ni Julio na ikakasal kami ngayon, paano pa kaya ang mga San Miguel.

Hinawakan ni Boss Eroz ang balikat ko.

"Relax, pagpapawisan ka...mababasa ang kili kili mo," pang-aasar niya sa akin na pareho nilang pinagtawana ni Julio.

Pansin nila ang kaba ko, kaya naman gumawa talaga sila ng paraan para pagaanin ang loob ko.

"Bilisan na natin," sabi ko sa kanilang dalawa kahit hindi naman sila ang magkakasal sa amin.

"Wala pa po si Mayor...sandali lang po," sabi ng kanyang secretary na nag-aayos ng schedule nito.

Sa sobrang kaba ko ay kung ano-ano na ang pumasok sa isip ko. Nilingon ko si Ericka na masaya pang nakikipag-usap kay Nanay. Ang mga kaibigan ko na tahimik lang din at kampanteng nag hihintay sa pagdating ni Mayor.

Samantalang ako heto, bigla kong na-isip na baka kaya wala pa si Mayor ay dahil may humarang sa kanya. Paano kung habang nasa byahe ay hinarang siya ng mga tauhan ng pamilya nila Ericka at tinakot na sasaktan pag itinuloy niya ang kasal niya sa amin.

"Nata-tae ka ba?" nakangising tanong ni Julio sa akin.

Maging ako ay ramdam ko ang namuong pawis sa aking noo.

Nilingon ko si Julio, gusto kong sabihin sa kanya ang mga tumatakbo sa isip ko.

"Julio paano kung..."

Hindi ko pa man nauumpisahan ang gusto kong sabihin ay kaagad na kaming napatigil ng dumating ang kanina pa naming hinihintay.

"Kaka-nuod mo 'yan ng pelikula..." natatawang sabi niya sa kausap sa phone.

Hindi man para sa akin 'yon ay bigla akong natamaan. Tama si Mayor, kakanuod ko 'to ng pelikula.

Pinaghinatay lang kami ng ilan pang minuto para makapaghanda si Mayor sa loob ng kanyang opisina bago kami pinatawag para simulan ang kasal.

Kilala ni Mayor si Julio at Boss Eroz. Kaya naman nagkaroon pa ng kaunting pag-uusap bago ang totoong seremonyas.

Nasa kay Ericka ang buong atensyon ko, rinig ko ang pagsasalita ni Mayor at kung ano ang sinasabi niya pero nasa aking magiging asawa ang tingin ko.

Hindi ko kailanman naisip na darating ako sa puntong 'to. 

Hindi mawala ang tingin ko kay Ericka. Hindi matatapos ang araw na 'to magiging isa na kami. Asawa ko na siya, iisang bahay na lang ang uuwian namin, lahat ng meron ako ay sa kanya. Ang buong pagkatao ko ay sa kanya. Araw-araw akong gigising at matutulog na kasama siya...habang buhay.

"Baka matunaw ako," nakangising bulong niya sa akin.

Walang kahit anong colorete sa mukha. Sobrang ganda ng asawa ko...sobrang swerte ko sa kanya.

Napatanong tuloy ako kung bakit ngayon lang kami nagkakilala. Bakit neto lang, sana ay dati pa.

Pero tama nga, may tamanag oras para sa lahat ng bagay. It's always God's perfect timing.

Si Ericka yung klase ng babaeng pakiramdam ko ay hanggang pangarap ko lang. Hindi ko alam na siya pala ang para sa akin, at hindi ko kailanman sasayangin ang pagkakataon na 'to.

Mamahalin ko siya sa paraang hindi na namin kailangan pang maghangad ng susunod na buhay...dahil mamahalin ko siya ng sobra at higit pa sa kaya ko sa pagkakataon na 'to.

"Let's begin the adventure of marriage with a kiss," sabi ni Mayor matapos ang seremonyas.

Nawala ang kaba ko na may kung sinong pipigil sa kasal. Nasa aking asawa ang buong atensyon ko na maging 'yon ay nawala sa isip ko.

Malaki ang ngiti ni Ericka ng harapin ko siya. Malaki din naman ang ngiti ko, pero hindi ko napigilan ang pagtulo ng luha mula sa aking mga mata.

"Mahal na mahal kita..." buong pusong sabi ko sa kanya bago ko siya hinalikan.

Nagpalakpakan sina Julio at Boss Eroz, ramdam ko din ang saya ni Nanay na kagaya ko ay naluha din matapos sabihin na mag-asawa na kami ni Ericka.

Mahigpit na yakap ang ibinigay ko sa kanya matapos ang halik.

Bilang regalo sa amin ni Ericka ay sinagot ni Boss Eroz ang pagkain namin matapos ang kasal.

Dinala niya kami sa mamahaling kainan, pina-order ang lahat ng best seller nila. May sinabi din siya sa waiter kaya naman hindi nagtagal ay may nag-abot ng cake sa amin.

Gamit ang phone ni Julio ay nag-picture picture kami. 

"Ang regalo ko kay Junie...isang linggong bakasyon with pay," natatawang sabi ni Boss Eroz.

"Isang linggo lang?" natatawang pang-aasar ni Julio sa kanya.

Nagtaas siya ng kilay.

"Absent na pag lagpas isang linggo," sabi pa nito bago sila natawang dalawa.

Matapos naming kumain ay inihatid na din nila kaming dalawa sa bahay.

Bago sila tuluyang umalis na dalawa ay may inabot na sobre si Julio sa aking asawa.

"3 days and 2 nights sa isang resort para sa inyong tatlo nina Tita. Pero may hiwalay na kwarto si Tita syempre..." sabi nila na maging si Nanay ay natawa din.

"Maraming salamat dito..." nakangiting sabi ni Ericka sa kanila.

Ngumisi sina Boss Eroz at Julio na tumingin sa akin.

"Congratulations ulit sa inyong dalawa."

Ayaw pa sana ni Nanay na sumama, pero sayang dahil bayad na 'yon ng aking mga kaibigan. Hindi naman daw kailangang mag-alala dahil may sariling kwarto si Nanay. Makakapag-honeymoon daw kami ni Ericka. Mga siraulo talaga ang dalawang 'yon.

Nag-ayos kaagad kami ng mga gamit na dadalhin namin. Naunang pumasok si Ericka sa kwarto para ayusin ang gamit naming dalawa. Habang ginagawa niya 'yon ay niyakap ko siya mula sa likuran.

Hinalikan ko siya sa pisngi.

"Humanda ka sa akin mamaya..." nakangising bulong ko sa kanya.

Gusto ko sana siyang asarin, pero mas ako pa ang nakaramdam ng kaba ng harapin niya ako, kinawit sa aking leeg ang magkabilang braso niya at humalik sa aking labi.

"Ikaw ang humanda sa akin mamaya, Mr. Villaverde," nakangising sabi niya.




(Maria_CarCat)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro