Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 16

Tunay



Napuno ang paligid ng ingay mula sa sigawan ng mga takot na tao. Mula sa aming kinakatayuan ay halos hindi na din namin alam kung ano ang unang gagawin. Ang manatili doon o makitakbo din.

Mas lalong humigpit ang yakap ko kay Ericka ng kalaunan ay sa direksyon na namin nagtungo ang mga tao. Masyaong magulo ang paligid, hindi namin alam kung saan talaga nanggaling ang putok ng baril dahil hindi din namin malaman kung anong direksyon ang iniiwasan ng mga tao. Mukhang kahit sila ay hindi din alam kung saang parte ng lugar ang dapat iwasan.

"Guards!" sigaw ni Madam Estel.

Maging sina Tatay at ang kasama nito ay tahimik lang din na nakatayo doon. Hindi din alam ang gagawin, para bang gulat pa kahit kita sa mukha nila na gusto na din nilang tumakbo.

"Tumakbo na tayo," sabi ko sa kanila.

Nagtagumpay naman akong kuhanin ang atensyon nilang tatlo. Dahil nang makita nila kung paano ko yakapin si Ericka ay para bang nagising sila isang masamang panaginip.

Halos magkasabay na puminta ang pandidiri, gulat, at inis sa mukha nina Madam Estel at Isaac.

"Bitawan mo si Ericka," sita ni Isaac sa akin.

"Get your filthy hands off my daughter," galit na sita ni Madam Estel sa akin.

Walang pagdadalawang isip niyang hinila si Ericka mula sa aking yakap. Ayoko man sanang bitawan siya dahil nagkakagulo pa ay wala na akong nagawa pa.

Nanay na niya ang kalaban ko, wala akong magagawa kung gusto niyang bawiin ang anak niya sa mga bisig ko.

"Umalis na tayo dito," muling suwestyon ko.

Hindi ko na ininda pa ang matalim na tingin sa akin ng kanyang ina, kita ko ang nag-uumapaw na pandidiri sa klase ng tingin niya sa akin. Tila mo'y nadumihan ng putik ang kanyang anak dahil sa pagyakap ko dito.

"Isaac, si Ericka..." utos niya dito.

Sinundan ko ng tingin ang galaw kung paano niya malayang ibinigay si Ericka kay Isaac, walang pag-aalinlangan.

"Saan kayo nanggaling?" galit na asik niya sa mga bodyguard na ngayon lang lumapit sa kanila kahit kanina pa dapat.

"May tama po si..." hindi ko na nasundan pa ang sumunod na sinabi ng mga ito.

Kaagad nilang pinalibutan ang mga ito at halos itulak ako palayo dahil hindi ako kasali sa mga dapat nilang protektahan.

"Neil..." tawag ni Tatay sa akin.

Pilit niya akong inaabot, hindi niya magawa 'yon dahil napapalibutan na din siya ng mga bodyguard para protektahan.

Halos humupa na ang komusyon sa paligid ng muli nanamang lumakas ang sigawan dahil sa sunod-sunod na putok ng baril.

"Neil!" sigaw pa din ni Tatay.

Pilit niyang kumakawala sa mga lalaking nakapalibot sa kanila. Hindi ko mawari kung ano talaga ang gusto niyang gawin, ang hilahin ako palapit sa kanila o ang kumawala sa mga 'yon para samahan ako.

"Junie, magtago ka na...takbo na," si Ericka.

Wala din siyang magawa. Gusto ko 'yong gawin, kayang kaya kong iligtas at ilayo ang sarili ko sa lugar na 'yon. Pero hindi ko gagawin hangga't hindi ko nasisiguradong maayos siya, na ligtas siya.

Mabilis ang naging pagkilos ng mga bodyguard na nagp-protekta sa kanila, dila nila ang mga ito sa direksyon kung nasaan ang mga nakaparada nilang sasakyan.

"Ericka!" sigaw ko.

Ilang hakbang na lang ang layo nila sa mga sasakyan ng muli naming marinig ang sunod-sunod na putok ng baril. Ngayon, mas malapit na...sila na ang target.

Hindi ko na halos nasundan pa ang mga sumunod na nangyari, isa sa kanila ang natamaan, umingay din dahil sa pagdating ng mga pulis.

Sandaling nagkapalitan ng putok ng baril, hanggang sa unti-unting tumahimik ang lahat.

"Tito!" sigaw ni Isaac.

Nag-ugat ang mga paa ko sa aking kinatatayuan ng makita ko ang bakas ng dugo sa sahig kung saan sila dumaan.

"Tay..." sambit ko.

Nakita ko kung paano siya halos alalayan makatayo lamang ng mga bodyguard.

May tama siya ng bala pero hindi nila alam kung saang parte ng kanyang katawan. Nawala ang lakas niyang tumayo mag-isa dahil sa iniindang sakit.

Dumating ang ilang ambulansya para kuhanin siya, kasama na din ang isa pang kandidato na may tama din ng bala. Ang isa nga ay hindi na nakababa pa ng stage dahil doon na siya natamaan.

Ilang sibilyan din ang sugatan, ilan ang halos nakaladkad dahil sa naging kumusyon at naganap na takbuhan. Ilan sa mga ito ay mga bata at mga matatanda.

Mabilis na nawala ang mga kumakandidato sa lugar na 'yon para iligtas ang kanilang mga sarili. Na-iwan ang mga sibiliyan na sumusuporta sa kanila sa magulong lugar na 'yon.

Gustuhin ko mang tumakbo kaagad pasunod sa kanila ay hindi ko nagawa. May kung ano sa akin na gustong malaman ang magiging lagay ni Tatay. Sandaling nawala ang nararamdaman kong galit para sa kanya.

Gusto ko lang masigurado na ayos ang Tatay ko.

"Junie..." tawag ng isang kakilala.

May ilang katrabaho din akong sugatan. Sinubukan din kasi nilang tumulong na walang sibilyan na masaktan at makalabas ng maayos pero masyado ng magulo.

Paalis na sana ako sa lugar na 'yon ng humarang ang isang pulis sa akin.

"Ikaw may tama ka ba?" tanong niya sa akin.

Nagtaka ako kung bakit niya ako tinanong ng ganon gayong maayos naman ang lakad ko at nakakatulong pa. Bumaba ang tingin ko sa aking damit at doon ko nakita ang mantsa ng dugo ng kung sinong tinulungan kong alalayan papunta sa mga medic.

"W-wala po..." sagot ko.

Kahit pa ganoon ay halos hindi pa din ako makapag-isip ng maayos. Hindi din kasi biro ang nangyari. Maraming nasugatan, may ilan ding may tama.

"Kritikal ang isa sa mga kandidato," rinig kong usapan ng mga pulis nang madaan ako sa kanilang gawi.

Dahil doon ay mas lalong nabuhay ang kagustuhan kong pumunta sa hospital kung saan dinala si Tatay. Kahit hindi na ao makita, hindi din naman talaga ako magpapakita. Gusto ko lang masiguradong nasa maayos siyang kalagayan. 

Hindi naman ako nahirapan malaman kung saang hospital siya dinala, kumalat kasi kaagad ang balita. Kaya naman hindi na nakakapagtaka na may mga media na kaagad sa labas ng hospital.

Naging mahigpit ang sekuridad sa paligid pero hindi naman ako nahirapang makapasok. Dumiretso kaagad ako papunta sa may emergency room, nakapalibot doon ang ilang bodyguard nila. Nakita kong nasa labas din sina Ericka at ang pamilya niya.

"Anong kailangan mo?" tanong ng isa sa mga bodyguard, hindi pa nga ako halos nakakahakbang ay humarang na kaagad siya sa akin.

 "Kay Nigel Villaverde," diretsahang sagot ko.

Walang kahit anong takot kong sinagot ang tunay kng pakay.

Nakita ko kung paano sila sandaling nagkatinginan ng kasama. Para bang gusto nila akong tawanan dahil sa naging sagot ko sa kanila.

"Sino ka at anong pakay mo? Pamilya lang ang pwede dito," sabi niya sa akin.

Bumaba ang tingin ko sa kanyang bandang bewang ng sadyain niyang ipakita sa akin na may baril siya doon. Para bang gusto niya akong tukutin, bakit ako matatakot?

Pamilya ako.

"Neil Juancho Villaverde...anak niya," matapang na sagot ko.

Sa halos kalahati ng buhay ko ay 'yon ang pinakaunang pagkakataon na sinabi ko ang mga katagang 'yon. Sinabi ko 'yon ng buong tapang, kahit ang totoo ay pilit ko 'yong kinakalimutan.

Sandaling natawa ang lalaki sa aking harapan, pero ang kanyang kasama ay nagtagal ang tingin sa akin. Na para bang sa mukha ko ay makikita niya ang sagot.

Lumapit siya sa kasama at may ibinulong dito, ngayon ay silang dalawa na mismo ang tumingin sa akin.

"Ikaw ba yung anak ni Sir Nigel sa dati niyang asawa?" tanong nila sa akin.

Kumunot ang noo ko, balak pa atang maki-chismis ng mga ito.

"Dating asawa? Wala akong nabalitaang naghiwalay na sila ni Nanay. Kasal pa din sila kahit iniwan niya kami," seryosong sagot ko sa kanila at pangaral na din.

Hindi ko gustong gamitin ang katauhan kong 'yon para sa sarili kong pakinabang. Kinailangan ko lang 'yon ngayon dahil may gusto akong malaman.

"Itatanong muna namin."

Umalis sandali ang isa para lumapit sa mga taong nasa labas ng emergency room. Nakita ko ang gulat sa mukha ni Isaac ng may ibulong sa kanya ang guard kanina, pero napalitan naman kaagad 'yon ng galit ng ituro ako. 

Dahil sa pagtayong 'yon ni Isaac ay nakuha niya ang atensyon ng lahat. Para akong namanhid nang makita kong nasa akin ang kanilang atensyon, ang tingin nila sa akin ay kakaiba. Na para bang kahit hindi ako ang may kasalanan sa mga nangyari ay ganoon na din ang tingin nila.

Lahat ata ng makikita nilang hindi nila ka-lebel ay iisipan na nila ng masama dahil sa nangyari. Hindi ko din naman sila masisisi dahil hindi biro ang nangyari. 

"Anong ginagawa mo dito?" galit na asik niya sa akin.

Hindi ako natinag, nanatili akong nakatayo sa kanyang harapan. May karapatan ako kaya naman bakit ako matatakot?

"Andito ako para kay Tatay," diretsahang sagot ko sa kanya.

Tumaas ang kilay niya na para bang hindi siya makapaniwala na sa akin mismo nanggaling ang mga salitang 'yon.

"Wala kang tatay dito," laban niya sa akin.

Nakipagsukatan ako ng tingin kay Isaac. Matagal din naman akong nanahimik, matagal din naman kaming nanahimik ni Nanay.

"May karapatan ako dito," paalala ko sa kanya.

May karapatan akong sumama doon sa kanila, sa labas ng emergency room para hinatayin ang balita ng Doctor.

Mas lalo siyang natawa, ramdam ko ang inis niya.

"Anong karapatan ang pinagsasabi mo?" mayabang na tanong niya sa akin.

Tiningnan ko siya diretso sa kanyang mga mata. Pinag-iisipan ko pang mabuti kung sasabihin ko sa kanya ang nasa isip ko.

"Sino ka ba?" dugtong pa niya.

Ayoko sanang tumulad sa kanya na walang ginawa kundi puro yabang lang, pero minsan kailangan mo din siguro talagang lumaban.

"Ikaw ang sumagot niyan," hamon ko sa kanya.

Nanatiling walang ekspresyon ang aking mukha. Mukhang nahimigan niyang wala talaga akong balak na makipagbiruan sa kanya.

Nagtaas ang noo niya, papaandaran nanaman niya ako ng yabang niya.

"Hindi ka importante," sabi niya lang.

"Kung karapatan ang pag-uusapan...mas may karapatan ako," matapang na sabi ko sa kanya.

Kaya naman ang kanyang ngisi ay unti-unting nawala. Mukha namang tinablan na din ng hiya kahit papaano.

"Tarantado..."

"Ikaw 'yon, Isaac."

Mas lalo siyang nagalit. Hindi pa din ako natinag, sa tuwing nasa ganitong sitwasyon ay wala siyang pinapa-iral kundi yung init ng ulo niya at yabang. Kaya naman hindi siya nakakapag-isip ng maayos. Hindi siya nag-iisip ng maayos. 

"Anak pa din ako ni Tatay. Karapatan kong malaman ang kalagayan ng Tatay ko," dugtong ko pa.

Dahil sa mga sinasabi ko ay mas lalo siyang parang manginginig sa galit. Ayaw niyang tanggapin ang katotohanan kahit alam naman niyang 'yon ang totoo. Kung pipiliin kong ilaban ang karapatan ko ay pwede naman talag, pero hindi 'yon ang focus ko.

Mula kay Isaac ay napansin ko mula sa dulo ng hallway na sinubukang tumayo ni Ericka. Mukhang balak sana niyang lumapit sa amin pero kaagad siyang pinigilan ni Madam Estel.

"Tama nga, mukha ka talagang pera...ano? Gusto mo ng yumaman ngayon?" tanong niya sa akin.

Ang tanong na 'yon ay hindi ko malaman kung saan nanggaling. Masyadong malayo sa tunay ko naman talagang pakay. Hindi naman ako pumunta doon para humingi ng pera, ang pinunta ko doon ay ang impormasyon at kasiguraduhan na ligtas si Tatay.

"Halos isuka mo na si Tito Nigel bilang ama mo, di ba? Anong kagaguhan 'tong pupunta ka dito para magkunwaring may pakialam ka sa kanya?" tanong niya sa akin.

Isa't kalahati din palang tanga ang isang 'to. Hindi marunong umintindi.

"Tanga ka ba? Ano sa mga sinabi ko ang hindi mo maintindihan?" tanong ko. Hindi ko na mapigilan ang inis ko. Naghalo-halo na ang lahat ng nararamdaman ko.

Lumapit siya sa akin at kinwelyuhan ako. Nagkaroon ng kumusyon sa dulo dahil sa nangyari.

"Ang yabang mo na ah. Ano bang akala mo? Mamamatay na si Tito kaya balak mong habulin ang mana?"

Kumunot ang noo ko. Masyado na siyang lumalayo. Hindi ko alam kung paano siya napunta sa usaping 'yon.

"Hindi mana ang pinunta ko dito. Saksak mo sa baga mo..."

Muli pa sana siyang aamba ng suntok ng lumapit na si Madam Estel sa amin.

"Isaac, don't stoop so low...wag mong patulan 'yang lalaking 'yan." Si Madam Estel.

"Sumusubra na, Tita..."

Mula kay Isaac ay tiningnan ako mula ulo hanggang paa ni Madam Estel. Ramdam ko ang pandidiri niya sa akin.

Lumapit siya at dinuro ako.

"Akala mo siguro hindi ko din alam na lumalapit lapit ka sa anak ko," pag-uumpisa niya.

Muli niya akong tiningnan mula ulo hanggang paa.

"Hindi kagaya mo ang gusto ko para sa anak ko. Hindi ka nababagay kay Ericka."

Bayolente akong napalunok. Pwedeng maging malala ang mga susunod na mangyayari dahil sa sasabihin ko.

"Mahal ko po ang anak niyo," matapang na sabi ko.

Imbes na magalit ay natawa pa siya.

"Ang kapal ng mukha mo. Ang anak ko ay para lang sa isang Villaverde," sabi niya sa akin at niligon si Isaac.

Ganoon din ang ginawa ko, nilingon ko din si Isaac.

Pero imbes na magyabang ay nakita ko ang pamumutla sa kanyang mukha.

"Tama po. Para lang siya sa totoong Villaverde." pag-sangayon ko.

(Maria_CarCat)


Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro