Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 13

Tunay




Naging abala si ang buong bayan ng Sta. Maria para sa nalalapit na eleksyon. Napuno ang bawat kalsada ng mga poster at tarpauline ng mga nangangampanyan. Naging sanhi din ng traffic ang ilang kandidatong naglalakad para magpamigay ng papel na may mukha nila.

Nasabi na sa akin ni Ericka na magiging abala siya sa mga susunod na araw para tumulong sa pakakampanya ng kanyang ama. Nasa iisang partido lamang ang mga San Miguel at Villaverde, kaya naman kahit inabisuhan na niya ako ay hindi ko pa din ma-iwasan alalahanin na madalas silang magkakasama.

"Oh, bakit ang tamlay mo?" tanong ni Boss Eroz sa akin pagkapasok ko sa may rice mill factory.

Maagang pumasok ang lahat dahil sa dami ng trabaho. Madami ding delivery kaya naman buong araw kaming abala. Mas gusto ko 'yon, para naman hindi ko gaano mapansing wala si Ericka dito.

"Walang vitamin E," nakangising sagot ng isa sa mga kasama namin.

Ngumisi si Boss Eroz. "Wala nga pala si Ericka," pag-uulit pa niya.

Halatang nang-aasar na din. Alam naman talaga niya kung bakit ako matamlay kanina pagpasok ko, tinanong pa talaga ako. Bully din talaga, mabuti na lang at wala pa si Julio. Kung hindi ay pagtutulungan pa nila akong dalawa.

"Minsan kailangan niyo ding ma-miss ang isa't isa," sabi pa nung ka-trabaho namin.

Hindi na lamang ako umimik pa. Kahit naman nandito si Ericka at miss ko pa din siya. Paano pa kayang ngayong wala talaga siya. Dagdag pa sa isipin kong kasama niya ang Isaac na 'yon.

Alam ko naman, at halos ng lahat, na boto si Madam Estel dito para kay Ericka.

Puno at sunod sunod ang schedule ng delivery namin ngayong araw. Halos buong araw akong nasa labas kaya naman nagdala na kami ng mga gamit namin, mga pamalit na damit at baong pagkain kung meron man.

"Nagpadala si Boss Eroz ng pera para sa pananghalian daw," sabi sa amin ng isa sa mga katrabaho.

Natuwa ang lahat dahil sa narinig. Bihira ka na lang talaga makakakita ng Boss na totoong may malasakit sa mga trabahador niya. Sobrang swerte namin kay Boss Eroz, sobrang swerte ng mga taong malalapit sa kanya.

"Hindi ba luge si Boss Eroz dito? Halos libre na ang lahat para sa atin, hindi pa bawas ang sahod...sobra pa nga kung minsan," rinig kong pag-uusap ng ilan sa kanila habang naghahanap kami ng makakainan.

"Kaya nga mas lalo silang binibiyayaan...mababait kasi," sagot ng isa pa na kaagad ko namang sinang-ayunan.

"Swerte ng magiging asawa ni Boss Eroz."

Siguradong swerte talaga.

Sa huli ay kila Sanie kami na-uwi. Pagkapasok pa lamang namin doon ay nagtagpo na kaagad ang mga mata naming dalawa. Tipid akong ngumiti sa kanya, pero kaagad lang din siyang nag-iwas ng tingin sa akin.

Imbes na pansinin 'yon ay hinayaan ko na lamang. Baka wala lang sa mood si Sanie, sana ay hindi maalat ang sabaw nila.

Nang makakuha na kami ng mauupuan para sa aming lahat ay isa isa na kaming lumapit sa harapan para pumili ng ulam.

Habang nakapila ay napalingon kaming lahat sa labas ng makarinig kami ng ingay. Nakita namin ilang kumpol ng mga taong papunta sa malapit na open court.

"Anong meron?" tanong ilan.

"Andyan ang mga San Miguel at Villaverde, may pakain din ata..." Sagot ni Sanie sa amin.

Matapos niyang sabihin 'yon ay tumingin siya sandali sa akin at muli nanamang nag-iwas ng tingin.

Hindi na si Sanie ang kumuha ng order ko. Mukhang iniiwasan niya ako sa hindi ko malamang dahilan. O baka alam ko? Hindi ko lang talaga kayang i-proseso ngayon ang mga bagay bagay.

Ang dami kong iniisip.

Kahit pagod ay nagawa pa ding magtawanan at mag-kwentuhan ng mga kasama ko habang kumakain. Nakikisali naman ako sa kanila, pero hindi ko ma-iwasang mapatingin sa gawi papunta sa may open court.

"Pumunta tayo sa kampanya, baka may makuha pa tayong pagkain," suwestyon nila.

'Yon din ang gusto kong gawin. Pero may parte sa akin na ayokong sa akin manggaling 'yon.

Pumunta kaming lahat sa may open court. Madami na ding tao pero hindi pa nagsisimula ang programa. Tama nga sila at may pinamimigay na pagkain, marami ding kung ano-anong bagay na may naka-printang pangalan at mukha ng mga kandidato.

"Ayos may pamaypay..."

Inilibot ko ang aking paningin sa buong paligid. Mukha wala pa sina Ericka, pero may mga nakaparada ng magagarang sasakyan sa paligid ng court. Marami na ding bantay at guard.

Sa harapan ay ang malaking tarpauline na may mukha at pangalan ng lahat ng kandidato nila. Sandaling nagtagal ang tingin ko sa pangalang Villaverde, wala man lang akong kahit anong naramdaman ng makita ko ang apelyido ko doon.

Marahil kasi ay hindi ko naman kailanman naramdaman na parte ako no'n. Na isa akong Villaverde. Kung pwede nga lang na apelyido na lang ni Nanay ang gamitin ay 'yon ang gagamitin ko.

"Si Junie ang ibo-boto ko," nakangising pang-aasar nila sa akin.

Inirapan ko silang lahat bago sila muling natawa.

"Junie Villaverde...Junie Villaverde," sabay sabay na sabi pa nila.

Narinig sila ng ilan kaya naman nilingon kami. Kaagad ko silang sinuway, baka mamaya ay may Villaverde na makarinig sa kanila, akalain na gustong gusto ko ang apelyido nila. Saksak nila sa baga nila.

"Tigilan niyo nga..." suway ko sa kanila.

Nasa ganoong tagpo kami ng pare-pareho kaming mapatigil dahil sa paglapit ni Isaac sa amin. Ang lakas pa ng loob niyang lumapit sa amin ng nakangisi.

"Sinong Villaverde?" tanong niya sa amin.

Nagkatinginan ang mga kasama ko, alam nila ang tungkol sa away sa pagitan naming dalawa. Tumahimik kaagad sila, hindi naman ako natinag, matalim pa din ang tingin ko sa nakangisi niyang mukha.

Akala siguro niya dahil ako itong galit at siya ang nakangisi ay panalo na siya.

"Si Junie ay isang Villaverde," matapang na sabi ng isa sa mga kasama ko.

Doon pa lang alam kong panalo na ako, hindi man ako mayaman sa pera at materyal na bagay ay mayaman naman ako sa kaibigan, sa mga taong alam kong nandyan sa tabi ko kahit anong mangyari.

Mas lalong ngumisi si Isaac. Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa.

"Siguro nga...pero hindi halata, hindi bagay," sabi pa niya.

Naputol ang saya niya nang muling magsalita ang mga kasama ko.

"Ikaw nga Isaac ang pangalan mo pero masama ka..." sabi pa nila na ikinagulat niya.

Hindi ko naiwasang matawa dahil sa sinabi ng mga kasama ko. Hindi ko expected 'yon sa kanila. Ang dapat sanang seryoso ay naging parang asaran na ng mga bata.

"Yung anak nga ni Aling Chato, Moses pangalan pero minura ako," kwento pa ng isa sa kanila kanya naman nagtawanan na ang mga ito.

Kita ko ang labis na inis sa mukha ni Isaac. Nilingon niya ako kaya naman pinagtaasan ko siya ng kilay.

Galit siyang naglakad palayo sa amin. Hindi ko na siya inintindi pa at kaagad na nakitawa sa mga kasama ko.

Sobrang yaman ko sa mga kaibigan, sobrang yaman ko sa mga taong alam kong totoo sa akin, nakaharap man ako o hindi.

Wala akong kahit anong naramdaman nang makita kong umakyat sa stage si Nigel Villaverde. Para sa akin isa na lamang siyang ordinaryong tao.

Ordinaryong tao na walang ambag sa buhay ko. Mabubuhay ako nandyan man siya o wala. Kilala man niya ako o hindi.

Unti unti na silang dumadami sa taas ng stage. Hanggang sa hindi na maalis ang tingin ko doon ng makita ko ang pagdating ng mga San Miguel. Kumpleto silang lahat maging ang mga pinsan ni Ericka ay nandoon din.

Madaming tao sa harapan pero nasa kanya ang buong atensyon ko.

Sa kanilang lahat ay halatang ang ngiti lang ni Ericka ang totoo, yung alam mong ngiti na walang kailangang kapalit.

Nakaputing pantalon siya at yung tshirt na may mukha ng Daddy niya. Sa tingin sa kanya ng lahat ng nandoon, halatang gustong gusto siya ng lahat. Pero para sa aming nandito sa ibaba ng stage, para siyang artista. Artista na hindi naman pwedeng lapitan, artista na pwede lang naming tingnan sa malayo. 

Kaya kong tumayo doon buong araw para lang panuorin si Ericka. Wala na akong pakialam pa sa mga sasabihin o gagawin ng mga tao sa stage, kahit nakaupo lang siya ngumingiti at kung minsan ay nakikipagusap ay sapat na sa akin.

"Oh, may tumutulo yung laway dito," pang-aasar nila sa akin.

Halos ma-out of balance ako sa tuwing tinutulak tulak nila ako. Natatawa na lang ako at napapakamot sa aking batok.

Hindi naman kami masyadong halata doon dahil madami ding tao. Kumbaga hindi kami yung klase na mag-stand out para mapansin ako ni Ericka mula sa harapan.

"Junie..." tawag nila sa akin.

Nginuso nila ang harapan. Doon ko nakita na lumipat si Isaac ng upuan sa tabi mismo ni Ericka.

"Naku, Junie. Yung star ng pasko mo..." sabi nila sa akin.

Natawa ang ilan pero hindi ako. Tumalim ang tingin ko kay Isaac na halatang nananadya. Alam kong plano niya 'yon dahil alam niyang nandito ako.

Buong kampanya silang magkatabi, nakikita ko din kung paano niya pilit na kinakausap si Ericka para lang masabi na naguusap sila.

Hindi ko na napigilan ang selos ko, kaya naman kaagad akong nag-send ng message sa kanya.

Tinanong ko kung kamusta siya, nag-send naman 'yon. Inaasahan kong matagal siyang makakapag-reply dahil abala siya at hindi naman niya hawak ang cellphone niya.

Halos hindi ako kumurap sa bawat galaw ni Ericka. Ilang bulong na din ang ginawa ko na sana tingnan na niya ang cellphone niya at mabasa na ang message ko. Hanggang sa nabuhayan ako ng loob ng hawakan na nga niya 'yon.

Pero para akong sinuntok ng paulit ulit ng makita kong tiningnan niya lang ang message ko, ni hindi man lang nag-abala na magreply.

"Sakit..." bulong na pang-aasar ng ilan.

Kaagad naman silang sinuway ng ilan. Nanginig ang kamay ko habang hawak ko ang phone ko. Tiningnan ko pa 'yon habang umaasang may reply kahit alam kong wala dahil hindi naman niya pinansin ang text ko.

"Busy lang..." sabi ko na lang. Para pagaanin na lamang din ang loob ko.

"Nakadepende ang bilis ng pagkareply sa level ng halaga," parinig pa nila sa akin. 

Tama sila. Pero mas nangibabaw ang kagustuhan kong intindihin si Ericka. Abala siya dahil sa kampanya. Hindi niya ako masasagot dahil kasama niya ang pamilya niya. Baka makita na ka-text niya ako at mapagalitan siya.

Oo, tama. Hindi pwedeng malaman sa kanila na ako ang boyfriend niya. Iintindihin ko na lang.

Hindi nalaman ni Ericka na nandon ako ng mga oras na 'yon. Nag-reply naman siya sa akin nung gabi ding 'yon. lahat naman ng sinabi niya ay tugma sa kung ano yung mga nakita ko.

Ilang araw din kaming hindi nagkita ni Ericka. Hanggang sa hindi ko na kinaya at ako na mismo ang gumawa ng paraan.

"Kailangan ng mga tao na tutulong sa kampanya."

Tumanggap ako ng trabaho bilang taga bigay ng flyers at dikit ng poster. Ginawa ko 'yon ng tinatakpan ang mukha ko ng face mask at nagsuot na lang ako ng cap.

Matapos magpamigay ng flyers at magdikit ngp poster ay dumiretso na kami sa headquarters ng mga Villaverde at San Miguel. Kailangan daw ng lalaki doon dahil maraming mabibigat na bubuhatin.

Nasa kanilang headquarters din ang conference room kung saan may meeting sila ngayon. Sa kabilang banda ng lugar ay inihahanda ang mga pagkain na naka-cater pa.

"Matapos ang issue na kinasangkutan ni Isaac Villaverde? Tagilid talaga," rinig kong usapan ng mga kasama ko.

Tingnan mo nga ang mga ito. Hindi mo talaga malalaman kung sino talaga ang kakampi mo. Kung sino ang nandoon lang para sa pera, at sa kagaya kong nandoon lang para makita si Ericka.

Naphinto kaming lahat ng bumukas ang conference room at isa-isang lumabas ang pamilya ni Ericka. Nakasunod siya sa mga ito, naka-suot siya ng kulay asul na dress, at sa kanyang likuran ay nakasunod si Isaac.

"Delikado si Ericka diyan sa Isaac na 'yan."

"Ang sabi ay gustong ipagkasundo ang dalawa," rinig ko pang pag-uusap nila.

Halos dumikit ang tingin ko sa kanila. Hanggang sa nai-kuyom ko ang aking kamao ng makita ko kung paano hinawakan ni Isaac sa likod ang girlfriend ko.

Inaasahan kong lalayo si Ericka, tatanggi siya o kaya naman ay susuwayin niya ito. Pero para nanaman akong pinagbagsakan ng langit at lupa ng makita kong imbes na gawin niya ang mga naiisip ko ay matamis pa niyang nginitian si Isaac.

"Pero alam niyo ba ang balita tungkol sa totoong anak ni Sir Nigel? Kung gusto talaga ni Madam Estel na maging tunay na Villaverde ang anak niya...dapat 'yon ang ilakad niya sa anak niya," pag-uusap pa nila.

"'Yon ang tunay na Villaverde."




(Maria_CarCat)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro