Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 10

Warning: This might contain words, settings, and content not suitable for everyone. Read at your own risk.
___________


Trip




Natahimik si Nanay matapos kong mabanggit ang tungkol kay Tatay. Kaagad ko 'yong pinagsisihan, nakita ko kung paanong kaagad na nagbago ang timpla ng kanyang mukha.

Kung kanina mukhang siya matamis na 3in1 coffee ay mukha na siyang kapeng barako ngayon. Seryoso, matapang at kayang kaya kang ipaglaban.

Bumawi naman kaagad ako kay Nanay kinabukasan. Alam ko kasing kahit papaano ay napabigat ko ang loob at dibdib niya dahil sa pagbanggit ko kay Tatay. Ni hindi na nga ako nag-abala pang i-kwento sa kanya ang naging pagkikita namin.

Hindi din naman kasi 'yon maganda, lalo na't ang lakas maka-panira nung pamangkin niyang si Isaac. Mukha lang mabait pag narinig mo yung pangalan, pero ang panget naman ng ugali.

Pag narinig mo ang pangalanag Junie, alam mo kaagad na cute. Pero pag nakita mo na ako sa personal ay mapapatunayan mong hindi ako cute dahil gwapo ako.

"Umagang umaga ngumingiti ka mag-isa," puna ng kagigising lang na si Nanay.

Nagulat pa ako at kaagad na napaayos ng tayo. Ni hindi ko na namalayan ang paggising niya. Masyado akong natatawa sa kalokohang naiisip ko.

"Magandang umaga po, Nay. Pero syempre mas maganda ka sa umaga."

Dahil sa sinabi ko ay napangiti siya. Pabiro pa niya akong hinampas sa braso.

Pinaghila ko si Nanay ng upuan, hand ana din ang almusal sa hapag. Sandali akong umalis para ipagtimpla siya ng kape.

"Anong oras ka nagising?" tanong niya sa akin.

"Ganoon pa din po, Nay...maga-alas kwatro po," sagot ko sa kanya.

Nasanay na ata talaga ako na magising ng ganoong oras. Kahit minsan ay gusto ko pang matulog ay hindi na nangyayari, kahit ano kasing pilit kong bumalik sa tulog ay wala na talaga. Para bang buhay na buhay na ang katawang lupa ko pag ganoong oras at naghahanap na kaagad ng pwede kong gawin.

Itlog na may sibuyas, sardinas, at sinangag ang almusal namin ni Nanay. May saging din na nakuha ko sa puso ng saging na nadaanan ko habang pauwi ako sa amin.

Matapos kong maghugas ng kamay ay kumain na din ako kasama si Nanay. Masarap ang itlog na maraming sibuyas lalo na kung may kasamang ma-anghang na suka.

Pinaghatian namin ni Nanay ang isang latang sardinas. Hindi naman ako malakas sa ulam, naranasan ko nga noon na mag-ulam ng toyo sa tuwing nasa trabaho pa si Nanay para makabili kami ng pagkain, tapos ay gutom na ako.

"Bukas ng gabi ay sa aalis kami ng mga kaibigan ko, baka doon na kami magpapalipas ng buong gabi," sabi ni Nanay sa akin sa kalagitnaan ng aming pagkain.

"Wow, mago-overnight po kayo, Nay?" tanong ko sa kanya.

Nakita ko kung paano kumunot ang noo niya dahil sa naging tanong ko sa kanya.

"Anong overnight?"

Noo ko naman ang kumunot ngayon.

"E, saan po ba kayo pupunta ng mga kaibigan niyo?" tanong ko.

"Makikilamay sa kabilang bayan," sagot niya sa akin.

Kaagad ako nasamid sa aking kinakain. Panay ang ubo ko, pero ako pa ang napagalitan ni Nanay.

"Ano bang nangyari sa'yong bata ka?" tanong niya sa akin.

Habang pinapagalitan ako ay nagawa naman niyang ipagsalin ako ng tubig sa baso para pa-inumin.

"Akala ko pa naman po Nay makakapag-overnight ka na...lamay pala," sabi ko pa.

Ako na din ang nagligpit ng mga pinagkainan namin. Matapos kong maghugas ng plato ay naligo na ako para makapasok na sa trabaho. Kailangan kong umalis ng maaga dahil maglalakad lang ako.

Desidido ako na mabilhan si Nanay ng TV. Kaya naman gagawin ko ang lahat para mabilhan siya. Ako kasi yung klase ng tao nap ag may gusto akong bilhin, pag-iipunan ko talaga. Kahit gaano kamahal, kahit mukhang impossible.

Basta para kay Nanay.

"Aalis na po ako, Nay..." paalam ko sa kanya pagkalabas ko ng kwarto.

Kaagad kong inabot ang kamay niya para makapagmano ako.

"Mag-ingat, Junie. Aalis din ako mamaya..." sabi niya sa akin.

"Saan po kayo pupunta?"

Nasabi ni Nanay na pupuntahan niya ang mga dating kaibigan sa kabilang bayan. Mukhang gagala lang 'tong si Nanay. Wag ko ngang payagan.

"Wag magpapagabi, Nay ha..." sita ko pa sa kanya na pareho naming ikinatawa.

Kaagad akong kumuha ng pera sa bulsa ko para ibigay sa kanya.

"Ito po ang baon niyo," sabi ko sa kanya.

Ayaw pa sana niyang tanggapin nung una. Pero ayoko naman na kung may pupuntahan sila o kaya naman ay kakain...nakatingin lang si Nanay.

Hindi na nakatanggi pa si Nanay, alam din kasi niyang hindi ko siya titigilan kung tatanggihan niya 'yon.

"Ang swerte ko talaga sa 'yo, Neil. At alam kong swerte din ang babaeng mamahalin mo...ang bubuuin mong pamilya sa hinaharap."

Ngumiti ako at niyakap si Nanay.

"Mas swerte ako sa inyo, Nay. At mas swerte ako kay Ericka kung sakaling papayag siyang maging maybahay ko," sabi ko pa kay Nanay.

Natawa ako at kaagad na napabitaw sa kanya nang abutin niya ang tagiliran ko at sinubukan akong kurutin.

"Hindi lahat ng babae gusto yung mga materyal na bagay. Kagaya na lang ni Ericka, ramdam ko ang sinseridad niya. Ramdam ko ma mahal ka niya...at masaya ako para sa 'yo, Anak. Deserve mo 'yon," sabi pa ni Nanay sa akin.

Bago pa man ma-uwi sa tunay na drama ang tagpong 'yon ay humalik na ako sa ulo niya para magpaalam.

"Inuuto niyo lang ata ako Nay, e. Hindi pa din po kayo pwedeng magpagabi...may curfew," biro ko sa kanya.

Ibang tsinelas ang gamit ko ngayong araw, hindi ko maatim na gamitin yung mamahaling tsinelas na ipinahiram ni Tatay sa akin. Bukod sa ayoko dahil galing sa kanya...ay ayoko din dahil ayokong masira 'yon. Mas gusto ko na lang 'yong itago.

May kalayuan ang daan palabas sa amin papunta sa may mainroad. Pag dating naman sa main road ay malayo din papunta sa may factory. Hindi naman na bago sa akin ang paglalakad ng malayo kaya naman hindi na naging problema 'yon.

Makakasanayan mo na lang talaga ang isang bagay ng hindi mo namamalayan. Hawak ko sa isang kamay ko ang nakatuping tshirt, magpapalit ako pagkarating sa factory dahil sa pawis sa paglakad.

Ayoko din naman na maging mukhang malagkit at amoy pawis sa harapan ni Ericka. Mahilig pa naman 'yon na yumakap at bigla bigla na lang humalik.

Addict ata 'yon sa akin e. Ang gwapo ko pero nagmumukha na ata akong droga para sa kanya.

Nasa factory na si Ericka nang dumating ako. Imbes na dumiretso papasok ay sandali akong huminto sa may Guard house para doon na magpalit ng damit.

"Hoy, Junie!" sita sa akin ni Manong Guard dahil sa paghuhubad ko sa harapan niya.

Natawa ako dahil sa naging reaksyon niya, kaya naman imbes na tumigil ay gumiling pa ako sa harapan niya para mas lalo siyang asarin.

"Siraulo ka talaga!" sita niya sa akin.

Sinigurado kong maayos akong haharap kay Ericka, kaya naman panay ang suklay ko sa buhok ko gamit ang mga daliri ko. Malaki na kaagad ang ngiti ko naglalakad pa lang ako palapit sa may pantry.

Ilang hakbang pa ang layo ko nang makita ko ang pagbaba ni Alice mula sa may second floor kung nasaan ang office nila.

Mukhang papunta din siya ng pantry, nakabusangot na kaagad ang mukha niya nang tumingin siya sa akin.

"Para kang tanga," sita niya sa akin.

"Oh, ano nanamang ginawa ko sa 'yo?" tanong ko sa kanya.

Halos magpapapadyak siya sa harapan ko, na para bang may kinaiinisan siya at gusto niya ibunton sa akin ang inis.

"Ang panget mo sa umaga!" pang-aasar niya sa akin.

"Aba't...aswang!" asik ko.

Hindi nagpatalo ang kaibigan ko, hanggang sa halos mahirapan akong humingi ng yakapin niya ako sa leeg gamit lang ang isang braso niya.

"Ano ba..." pigil ko sa kanya.

Habang nakasakal sa akin ay panay pa ang paggulo niya ng buhok kong kanina ko pa sinusuklay.

Naabutan kami sa ganoong posisyon ni Ericka kaya naman napabuntong hininga na lamang ako. Bawas pogi points nanaman ako nito.

Tumatawa siya habang pinapanuod si Alice na saktan ako. Napatingin ako sa kanya, napatitig ako dahil sa pagtawa niya, halos lumabas ang maputi, kumpleto, at pantay niyang ngipin dahil sa ginagawa.

Mas lalong gumaganda si Ericka sa tuwing ngumingiti siya, sa tuwing nginingitian niya ako.

Parang gusto ko na lang palaging magpa-api kay Alice kung tatawa siya ng ganito palagi.

"Aray ko naman!" asik ko sa gulat.

Ok na sana yung pagyakap ng mahigpit sa leeg e, pero may pabaon pang kaltok sa ulo.

Pumasok si Alice sa may pantry kasama si Ericka. Hindi ko tuloy mapigilang hindi mapabusangot. Mang-aagaw ng girlfriend si Alice!

"Sigurado ka na ba?" tanong niya kay Ericka. Pilit na sinisigurado kung totoong boyfriend na baa ko nito o baka daw wala pa siya sa tamang pag-iisip.

Tumango si Ericka na may malaking ngiti sa labi.

"Siguradong sigurado ako kay Junie," walang pagaalinlangang sagot niya sa aking kaibigan.

Ang lahat ng tampo at pag-iinarte ay biglang nawala sa sistema ko.

Lumaki ang ngiti ko habang nakatingin sa kanya, nang lingonin naman ako ni Alice ay kaagad akong nagtaas ng noo.

"Ako lang 'to," pagyayabang ko sa kanya.

Nang umalis si Alice para bumalik sa opisina ay tsaka lang ako na-solo ni Ericka.

"Bestfriend talaga kayo ni Alice..." nakangiting puna niya.

"Nagseselos ka ba?" tanong ko.

Tumawa siya at umiling.

"Natutuwa nga ako sa inyong dalawa, para kayong magkapatid kung mag-away," sabi pa niya.

Humigpit ang yakap ko sa bewang niya.

Nababasa ko 'to online. May mga girlfriend daw na hindi gusto yung mga boyfriend na may girl bestfriend. Ma-swerte ako dahil magkasundo sina Alice at Ericka. Kulang na nga lang ako yung ma-out of place sa kanilang dalawa sa tuwing magkasama sila.

Wala naman 'yong problema sa akin, ang mahalaga ay magkasundo silang dalawa.

"Labas tayo bukas," yaya ko sa kanya.

Nanlaki ang mga mat ani Ericka, ramdam ko ang saya at excitement niya dahil sa sinabi ko.

Marahan kong inabot ang tungki ng ilong niya para pisilin, tumango ako bilang sagot.

Marahan din siyang tumango bilang pagpayag sa imbetasyon ko sa kanya, halos hindi mawala ang ngiti sa labi niya. Kahit ako din naman ay excited na sa paglabas namin bukas.

"Ako na po...bukas ng madaling araw, nandito na ako."

Dahil may date kami bukas ng hapon ni Ericka ay kailangan ko munang mag-part time sa may palengke ng pagbubuhat ng mga gulay.

Malaking tulong din 'yon para hindi ko magalaw ang ipon ko. Ayoko din naman na tipirin ang date namin, hindi niya deserve 'yon.

Nasabi ko na din kay Nanay na maaga akong aalis kinabukasan. Nagpaalam na din siya sa akin na hindi kami magkikita sa gabi dahil nasa kabilang bayan siya.

Bago ako umalis kinabukasan para pumunta sa palengke ay sinigurado ko ng may almusal na kakainin si Nanay pag gising niya. Sinigurado ko ding naka-lock ng mabuti ang bahay pag-alis ko, para kahit tulog pa siya ay panatag ako sa seguridad niya.

Pinagbutihan ko ang pagbubuhat ng mga gulay, kahit medyo nakaramdam ako ng antok ay pinili kong ginising ang sarili ko. Madilim pa dahil halos hating gabi pa lang, pero abala na ang buong palengke.

Ng matapos ang pagbubuhat namin ng gulay ay ibinigay na din kaagad sa amin ang bayad. Pasikat na din ang araw ng matapos kami, tamang tama lang 'yon na makarating ako sa factory at pwede pang makaligo bago dumating si Ericka.

Nilakad ko ang papunta sa factory, kaunti pa lang ang dumadaang sasakyan sa may kalsada dahil maaga pa. Hanggang sa napalingon ako nang makarinig ako ng malakas na tugtog mula sa dumaang sasakyan.

Sa klase ng tugtog nila sa sasakyan at sa ingay ay mukhang galing sila sa gimikan. Mukha ding mga lasing pa.

Lumagpas na sila sa akin kaya naman hinayaan ko na lang. Tahimik akong naglalakad hanggang sa makarating ako sa may kanto, hindi kalayuan sa akin ay nakita kong nakaparada sa gilid ng daan ang sasakyang dumaan sa akin kanina.

Dalawang lalaki ang nasa labas, parehong naninigarilyo habang ang isa ay nakasandal sa sasakyan.

Hindi na lang ako tumingin sa kanila, mga lasing kasi. Baka pag nakipagtitigan pa ako ay iba ang dating sa kanila at mapa-away pa ako.

Nagawa kong makapalagpas sa kanila ng walang kahit anong gulo, hanggang sa magulat na lang ako ng may tumakip na sako sa ulo ko.

Sinubukan kong magpumiglas, pero ang kaninang dalawang lalaki ay mukhang naging tatlo na.

Sinubukan kong sumigaw, pero sa tuwing ginagawa ko 'yon ay mas lalo nilang hinihigpitan ang pagkakatakip ng sako sa ulo ko.

Kinaladkad nila ako sa kung saang lugar, hindi ko na nasundan, habang hinihila kasi ay nakatanggap ng ako ng suntok, batok, at iilang mura mula sa kanila habang nagtatawanan.

Tinulak nila ako hanggang sa napasubsob ako sa lupa. Hindi pa ako tulayang nakakabawi ay kaagad na nila akong inambahan ng suntok, sipa, tadyak at kung ano-ano pang pananakit.

Sinubukan kong humingi ng tulong, pero sobrang hirap. Ni hindi nila ako pinagpahinga. Tatlo silang gumugulpi sa akin habang nagtatawanan.

"Sige pa. Mayang 'tong gagong 'to!" rinig kong sabi ng isang lalaki.

Pamilyar sa akin ang boses niya.

Isang malakas na suntok sa mukha ang nagpatulog sa akin. Hindi ko alam kung gaano katagal akong walang malay, halos hindi ko maramdaman ang buong katawan ko. Nagising ako na nakatakip pa din sa mukha ko ang sako.

Inipon ko ang lahat ng lakas ko para tanggalin ang sako na nakatakip sa ulo ko.

Hinang hina ako, hindi ko alam kung paano ako tatayo. Ang pamamanhid ng buong katawan ko ay indikasyon ng labis na sakit na natamo ko sa panggugulping ginawa sa akin.

Hindi ko din alam kung paano ko pa nadala ang sarili ko papunta sa may factory sa ganoong sitwasyon, wala na ako sa tamang pag-iisip, hindi ko din alam kung saan pa ako pwedeng pumunta. Wala na ding tao sa masukal na daan na pinagdalhan sa akin.

"Junie!" gulat na tawag ni Manong sa akin.

"Tulong! Si Junie!" sigaw niya sa kung saan.

Kaagad na tumakbo ang mga ka-trabaho namin para buhatin ako at dalhin sa loob. Wala na akong ma-intindihan pa, basta ang alam ko lang ay nagkakagulo din sila.

"Hindi namin 'to palalagpasin," rinig kong sabi ni Boss Eroz sa kung sinong kausap niya sa telepono.

Tsaka lang ako nakabalik sa aking sarili ng mahimasmasan ako.

"Kilala mo ba kung sinong may gawa nito sa 'yo?" tanong niya sa akin.

Marahan akong umiling.

"Ang sabi ay baka napag-tripan daw ng mga lasing," sabi pa ni Julio.

"Kilala si Junie dito. Baka mga dayo..." sabi pa ni Boss Eroz.

Pero hindi 'yon ang inisip ko. Kaagad akong lumingon sa paligid para hanapin si Ericka.

"Kamusta ang itsura ko? Masama ba ang tama?" tanong ko sa kanilang dalawa.

Mas lalong sumimangot si Boss Eroz.

"Namamaga lang naman buong mukha mo, nakasara ang isang mata at puno ng sugat. Kailangan mo ding dalhin sa hospital para makita kung may mas matindi pang tama ang katawan mo," paliwanag ni Boss Julio.

Pumasok at lumabas lang 'yon sa magkabilang tenga ko.

"Nakita na ba ako ni Ericka?" nag-aalalang tanong ko.

Sandaling naghari ang katahimikan.

"Hindi siya pumasok ngayong araw, nagtataka nga din kami...alam mo ba kung bakit?" tanong nila sa akin.

Mas lalo akong nag-alala. Anong problema at bakit hindi siya nakapasok ngayon?

"Ayos lang kaya siya?" nag-aalalang tanong ko.

Sinubukan kong tumayo pero pinigilan nila ako.

"Ikaw ang hindi ayos, Junie..."

Muling tumunog ang cellphone ni Bozz Eroz dahil sa isang text. Kumunot ang noo niya habang binabasa 'yon.

Seryoso siyang tumingin sa akin matapos mabasa ang laman ng text.

"Isaac Villaverde, kilala mo?" tanong niya sa akin.

"Oo, bakit?"

Hindi kaagad nakasagot si Boss Eroz, nilingon niya si Julio. Sa tinginan nilang dalawa ay alam ko na kaagad kung bakit.

Si Isaac ang may gawa nito.




(Maria_CarCat)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro