She Found Me
Lumaki ako sa pamilyang mahilig mag-alaga ng hayop.
Naalala ko na nagkaroon at nag-alaga kami ng mga aso, pusa, manok, ibon ... at bayawak.
Oo, bayawak!
Nahuli ni Tatay sa loob ng bakuran namin, may kinakain na isang sisiw na alaga din ni Tatay. Pero pinataba lang pala ni Erpats, tapos ginawa nilang pulutan ng mga kumpare nya.
Nakakaloka!
Kasalanan ito ng nanay ko.
Laking siyudad si Ermats pero nakapangasawa ng probinsyano... well, yung tatay ko nga.
Di sa dina-down ko si Erpats. Maki-tatay kaya ako!
At sa aming magkakapatid, ako na ang pinakanagmana nang ganoong ugali ni Tatay.
Maawain at maalaga sa hayop.
Ang nanay at ate ko, madidiriin sa hayup. Wala lang silang magawa dahil kay Erpats.
Si Kuya naman, isang beses ko lang nakitang nahilig sa hayup.
Yung may inampon akong abandonadong mga kuting. Isa dun ang naging paborito nya. To the extent na parang anak na ang turing nya. Yung tipong mas pamilya pa ang turing nya sa pusa kesa sa amin. Halos maiyak sya nung di na yun umuwi one day. Tapos isang buwan nyang hinahanap.
Ang pagkakatulad naman ni Ate at Kuya, mainit lagi ang ulo kapag nagkakalat na ang mga hayup sa bahay.
At dahil bunso, ako ang dakilang utusan – tagalinis ng ihi at jebs ng mga alaga namin.
Lalo na nung mamatay si Tatay.
Doon na rin nagsimula na unti-unting nawala ang mga alaga namin.
High school pa lang ako nun kasi. Nag-aaral ako at di ako ganun kaalam kung paano mag-alaga lalo na ng mga manok.
Hanggang sa bumalik kami sa siyudad.
Dalawang beses pa kaming nagkaroon ng aso nung estudyante pa lang ako.
Yung una, namatay sa kabobohan ni Kuya.
Nagkagalis kasi yung aso at bagong panganak pa man din. Dahil di namin afford magpa-vet, paliguan ba naman ng gamit na langis ng sasakyan tapos di binanlawan. Yun daw kasi sabi ng kabarkada nya.Isang araw lang daw, ayos na.
Tegi yung aso pati puppies kinagabihan. One day cure nga!
Galit na galit ako pag-uwi ko galing sa university.
"Pinakialaman mo pa kasi! Ako na nga ang gumagamot paunti-unti kay Basha. Hindi ka makapaghintay?!" sigaw ko habang umiiyak.
Suntukan galore talaga kami. Hirap si Ermats na umawat. Ang ending, ako pa rin ang naglibing sa aso namin habang ngumangalngal.
Walang maasahan sa dirty jobs kina Ate at Kuya.
Yung pangalawa, nasagasaan. Nakalabas kasi sa gate nung di maayos na sinara ni Ermats pagpasok nya sa trabaho.
Naalala ko pa, para akong sira ulo nung inaway ko yung nakasagasa. Tapos heavy drama sa kalye ang peg ko nung balikan ko yung aso namin at kargahing parang baby pabalik sa bahay.
Lakompake nun kahit kumalat sa damit ko yung dugong lumalabas sa bibig at ilong nung aso namin.
Hiyang-hiya si Nanay at Kuya nung malaman nila ang eksena ko pagdating nung gabi.
Mabuti at sa ibang lupalop na nakatira si Ate that time. Nagtanan kasi. Di na hinanap ni Ermats since sobrang di nya bet yung jowa ni Ate.
Pag nagkataon, tatlo ang kukuyog sa akin.
"Hindi na tayo mag-aalaga ng mga hayop mula ngayon," litanya ni Nanay. "Nakakahiya ka, Jena! Anak ni Konsehal yung inaway mo!"
"Oo nga. Nakakahiya ka!" sabi ni Kuya, may kasama pang kutos.
At dahil sa kutos na yun, nagrambol uli kaming magkapatid.
Hello! College na 'ko, tapos gaganunin nya 'ko?!
Kaya bawal na kami tumanggap ng mga bigay na tuta. At kapag may nadadaaan akong mga umiiyak na kuting sa kalye, naluluha na lang ako na itatabi sa ligtas na lugar.
Hanggang sa dumating yung panahon na parang wala na rin sa akin. Hanggang awa na lang.
Ang pinakanagagawa ko na lang, manaway ng mga bata na nananakit ng mga pusa o asong kalye.
Nung mamatay si Ermats, umalis ako sa bahay namin. Di kasi talaga kami magkasundo ni Kuya.
Afford ko na naman umupa nang maliit na apartment. May trabaho na ako that time.
"Jena, bakit di ka mag-alaga ng pets? Ang lungkot ng bahay mo," komento yun nang isa kong kasama sa trabaho.
Walwalan session kami sa apartment ng mga kasabayan kong walang pasok sa call center. In the process of pag-iinarte ako nun dahil isang buwan pa lang naming kaka-break ng boyfriend ko.
Actually, yun ang dahilan na napapadalas ang pag-inom ko.
"Ayoko. Nakakasama lang ng loob kapag namamatay eh. Tsaka dagdag trabaho lang yan," sagot ko.
"Kahit goldfish lang o kaya ibon. Mas madali ang maintenance," sabat nung isa ko pang kasama.
"Alam nyo, ang isda, para sa dagat, hindi sa aquarium. Ang ibon, para sa himpapawid," katwiran ko.
"Tangna, Jena! May amats ka na nga. Environmentalist ka na eh."
"Gago!" natatawa kong sabi.
Although, totoo sa loob ko yun. Prinsipyo na minana ko kay Tatay.
Si Tatay kasi, pinapakawalan nya rin yung mga ibon na inalagaan namin noon kapag mature enough na. At never kaming nag-alaga ng isda.
"Di ka ba nalulungkot? Mag-isa ka lang dito. Walang kang relatives nearby," tanong nung isa pa naming kasama.
"Ay sus! Jowa na lang gagawin kong pet!" natatawa kong biro.
"Bet ko yan!"
"Hanap ka muna nang bagong jowa, Jena!"
"Ouch!" biro kong napahawak sa tapat ng dibdib ko.
Tapos tawanan kami.
Hanggang sa dumating yung araw na kakainin ko ang mga sinabi ko sa kanila.
Umaga yun, galing ako sa trabaho.
"Shoo! Alis!"
Kasunod ang mahinang iyak ng aso.
Parang nagising ang natutulog kong utak. Alam nyo na, graveyard shift sa call center.
Nilingon ko yung ingay.
Si Aling Cora pala. Yung kapitbahay ko sa tapat na feeling mayaman eh kutis at kulay ewan naman.
May tinataboy itong aso na magalis.
Umiyak uli yung aso kasi pinalo nya ng walis-tingting.
Naasar ako.
"Teka, Aling Cora," awat ko. Napatawid na tuloy ako. "Wag nyo na saktan. Di na nga makalakad nang ayos eh."
Payat na payat din kasi yung aso. Parang dalawang bulate na lang ang pipirma, ma-tegi na.
"Aba'y baka dito pa mamatay yan! Tsaka ang dami nyang garapata. Mahawaan pa si Cheche ko."
Ayun ang dahilan nang pagpi-feeling mayaman nito. Nagkaroon lang ng shih tzu, akala mo na kung sino. Regalo lang naman sa kanya nung kaibigan nya sa kabilang street na sandamakmak na ang imported na aso.
Tao nga naman!
"Di nyo naman kailangang saktan eh. Ako na ho."
Nilabas ko sa bag yung binili kong hotdog sandwich sa 711.
"Tsut-tsu, lika dito," tawag ko sa aso palayo.
Sumunod naman. Dun ko nilapag sa bakanteng lote yung pagkain. Nung nagsimula na nyang kainin, saka ako umalis.
Pambihira! Ako pa tuloy nawalan ng agahan!
Cup noodles na lang ang kinain ko bago matulog.
Ilang beses ko pang nakita ang asong yun at may isang beses na nakipagsagutan ako sa isang construction worker sa ginagawang bahay sa bakanteng lote kasi sinipa yung aso.
"Ano'ng pinagkakaguluhan nyo dyan?" tanong ko sa isang teenager na nakaharang sa may gate nung computer shop sa kahilera kong apartment, pangatlong pinto mula sa inuupahan ko.
Naka-sick leave ako sa trabaho.Wala akong sakit. Tinatamad lang pumasok.
"Si Kuya Ryle kasi," turo nila sa tambak ng mga sirang monobloc chairs sa loob ng gate sa shop.
Ayun nga si Ryle, naka-squat parahap sa tambak nyang mga upuan at mga anik-anik.
May hawak na karton na may pagkain.
Hampoge talaga ng nilalang na ito kahit nakatalikod.
Ay opo! May dakila akong pagnanasa sa isang ito. Ang may-ari nung compshop. Ang kaso, may jowa.
Mali! Kabi-kabila pala ang jowa.
"Ano'ng meron? Nanghuhuli ng daga?" pabiro kong bulong dun sa mga nag-uusyoso.
"Hindi, 'te. Yung asong gala dyan nung mga nakaraang araw, andyan sa ilalim nung mga upuan. Kanina pa."
Na-gets ko na. Inaakit niya yung aso sa pagkain para lumabas.
"Psst! Ryle," tawag ko.
Nawala ang pagkakakunot ng noo nito nung malingunan ako. Tapos ngumiti nang pagkatamis-tamis.
Tadong 'to! Malanding lalaki talaga!
"Oh, Jena? Lalaro ka?"
"Malamang," pabiro na papilosopo kong sagot.
"Wait lang," ang sabi. "Papalabasin ko lang yung aso. Parang mamamatay na eh. Baka dito pa mamaho."
"Di yan lalabas kapag ang dami nyo dito. Iwan nyo lang yung pagkain dyan pati tubig. Kakain yan mamaya," payo ko.
"Sigurado ka?"
"Oo. Laro na 'ko," bumaling ako sa mga tambay na bata. "Wag nga kayo dyan. Natatakot yung aso. Di yan lalabas."
Matagal-tagal ko na ring kakilala si Ryle. Nauna pa ito sa aking umupa dito. Balita ko, hiwalay ang mga magulang nya. May kanya-kanya ng pamilya.
Ginawa nyang compshop yung sala at isang kuwarto sa apartment. Yung isang kuwarto na malapit sa kusina, dun sya natutulog.
IT graduate at gamer kasi ito. Pero ayaw magtrabaho na may boss. Ang isa sa raket nito, mag-home service sa pag-aayos ng PC at may mga internet shops na sya ang nagme-maintain. Yung monthly nya pinupuntahan para i-check kung ayos ang takbo ng mga computers.
May dalawang part-time na bantay ito sa shop. Mga estudyante rin.
Kasundo ko naman si Ryle at mga pasaway na players dito, kahit tingin ng mga kapitbahay ko, suplada at isnabera ako. Di kasi ako palalabas sa bahay, maliban kung papasok sa trabaho, may bibilhin sa tindahan, mamamasyal o magko-computer dito. May PC naman ako sa bahay pero hindi pang gaming ang specs.
Dito ako sa shop ni Ryle kapag gusto ko maglaro.
Malapit ako sa pinto nakapwesto kaya kitang-kita nung lumabas na nga yung aso. Ang kaso, pagkatapos kumain at uminom ng tubig, bumalik sa ilalim ng mga tambak ng upuan at kalat ni Ryle sa loob ng gate.
Sinabi ko yun. Napakamot ito ng ulo, "Paano ba yan?"
"Hayaan mo na. Nagpapalakas lang yan. Basta wag mong sasaktan, kundi sisipain kita."
Tinawanan lang ako.
"Wag ka mag-alala. Dadalhan ko rin ng pagkain," dugtong ko.
Ganun na nga ang nangyari. Lagi kong dinadalhan ng pagkain yung aso. Binilhan ko pa nga ng sariling kainan.
"Pambihira naman, Jena. Di na umalis yung aso. Ang baho na tuloy pagpasok sa shop ko," reklamo ni Ryle nung ilapag ko ang pagkain sa may gate nya.
Papasok na ako nun sa trabaho, "Hayaan mo lang. Nagpapalakas lang yan."
"Tumaba na nga eh. Tsk! Baka akala nyan, ako amo nya."
Kinabukasan ng umaga, nakita ko yung binili kong kainan ng aso sa labas ng gate ng compshop.
"Umalis na yung aso?" tanong ko.
Naglilinis si Ryle ng shop nya that time pero sarado pa talaga.
"Eh ano kasi..." nagkamot ito ng batok.
"Pinaalis mo?!"
Tumango sya.
Asar na kinuha ko yung kainan. Inuwi ko at nilinis. Ewan ko pero naiiyak ako habang ginagawa ko yun.
Dalawang araw bago ko uli nakita yung aso. Pagbaba ko sa dyip sa kanto, andyun sya sa ilalim nang isang nakaparadang bulok na kotse sa bakanteng lote. Nakahiga pero gising.
Nilapag ko yung dalawang order ng siomai na binili ko malapit sa kanya saka ako umalis.
Isang linggo na ganun ang routine namin nung aso. Pinoproblema ko pa nga kung saan ito umiinom ng tubig.
"Uy, Jena," bati ni Ryle sa akin. "Di ka naglaro nung off mo."
Nagsasara ako ng gate ko nun papasok sa trabaho.
"Wala ako sa mood. Sige."
"Galit ka ba sa 'kin?"
Di na ako sumagot. Umalis na 'ko. Kunwari di ko sya narinig. Asar pa ako sa ginawa nya sa aso.
Pag-uwi ko kinabukasan ng umaga, wala yung aso sa ilalim nung kotse.
Nag-alala ako. Pag-aalala na nawala kasi andun sya sa tapat ng gate ko.
"Andito ka pala!"
Tapos excited na binigay ko yung hotdog sandwich from 711.
Inilabas ko rin yung kainan nya para lagyan ng tubig.
"Nagkita na pala kayo ng bestfriend mo."
Pagtingala ko, si Ryle. Nakangiti.
Dinedma ko. Binalik ko lang ang tingin ko sa umiinom na aso.
"Tss. Para aso lang," narinig kong sabi nung tumalikod sya pabalik sa compshop.
"Dog, ipapasok ko lang sa loob ito ha," turo ko sa kainan nya. "Baka may kumuha kapag iniwan ko dito sa labas eh. Sige, tutulog na 'ko."
Kinagabihan, palabas ako papunta sa trabaho, "Ano'ng amoy yun? Ang baho."
Binuksan ko yung ilaw sa labas ng pinto.
Yung aso, pumasok na sa gate ko. Nakikitulog!
Napakamot ako sa ulo pero hinayaan ko na.
Inabutan ko pa rin sya dun pag-uwi ko kinabukasan. Ilang araw na di sya umaalis.
Kaya kong balewalain na yung amoy, kaso may ilang garapata na rin akong nakita sa loob ng apartment ko, lalo na dun sa kuwarto na may bintana sa may gate.
Naku, eh andun ang mga damit at PC ko. Tambakan ko ang kuwartong yun.
Pangalawang araw nang magkasunod kong off, maaga akong gumising. Magge-general cleaning ako.
"Hayaan nyong masagasaan. Tapos hingian natin ng pera yung makakasagasa."
Sumilip ako sa labas ng gate.
Si Aling Cora at yung isa pa naming kapitbahay.
Letse! Yung 'guest dog' ko yata ang pinag-uusapan nila.
Nasa may tapat kasi ng gate ko. Parang nagpapa-araw yung pobre.
Mabilis kong nilinis yung maliit na espasyo sa loob ng gate ko. Sapat lang kasi na sampayan ng damit ang laki nun. Isang dipa lang ang pagitan mula sa dingding nang inuupahan ko.
Tinawag ko yung aso, "Dog, lika dito sa loob."
"Ano yan, Jena? Inaampon mo na? Ampangit nyan," si Aling Cora.
Tiningnan ko lang sya tapos walang kibong sinara ko yung gate ko. Wala ako sa mood makipag-usap sa mga ganung klaseng tao.
Pinakain ko yung aso tapos nilagyan ko ng karton na harang yung mga puwang sa grilled gate.
"Dog, wag kang lalabas. May bibilhin lang ako sa bayan. Babalik ako agad," parang tanga kong kausap dito na tila isang tao.
Bumili ako ng dog shampoo at powder para sa garapata.
Namrublema uli ako pagbalik sa bahay.
"Paano ba ito?" napapakamot ako sa ulo.
Nagpunta ako sa harap ng shop ni Ryle para mag-abang.
"Psst! Jan-jan," tawag ko dun sa isang teenager na maglalaro pa lang.
"Oh, 'te. Baket?"
"Ano, tulungan mo naman ako. Magpapaligo ako ng aso."
"Wala ka namang aso ah."
"Hindi. Yung ano, yung dating aso na pumasok dito. Nasa bahay ko kasi. Aampunin ko na."
"Ay, ayoko. Baka kagatin ako."
"Ako'ng magpapaligo. Hawakan mo lang mula sa likod. Bayaran kita ng one hundred."
Tumanggi pa rin ito.
May lima pa yata akong inalok dun hanggang three hundred, pero wala talaga.
Bagsak na bagsak ang kalooban ko pabalik sa apartment.
"Jena!"
Si Ryle, humabol bago ko pa mabuksan yung gate ko.
"Oh?"
"Ako na lang tutulong sa 'yo magpaligo sa aso."
Tumaas kilay ko, "Sino nagsabi sa 'yo?"
"Pinag-uusapan nila sa shop eh."
"Sigurado ka? Sino bantay sa shop mo?"
"Andun na si Eddy. Mamaya pang hapon ang pasok nun sa school."
Ganun na nga ang nangyari.
Inabot kami nang halos isang oras sa banyo. Ayaw kasing bumula nung shampoo sa sobrang dumi at grasa nung aso. Wala na itong halos balahibo dahil sa mange. Tsaka, tyinaga ko talagang alisan ng kuto at garapata.
Mabuti na lang at di nagalit yung aso. Siguro, naiintindihan nya na gusto ko syang alagaan.
"Jena, uwi na ako. Nahihilo ako. Ang tagal natin sa banyo. Kulob yung amoy nung aso."
Pinupunasan ko nang isang lumang tuwalya ko yung aso.
"Ah, sige. Pasensya na sa abala."
"De, ayos lang yun. Bumawi lang ako. Nagalit ka sa 'kin nung pinaalis ko yan sa shop."
Di ako nagkomento. Nahiya rin ako sa inasal ko.
Nagsakripisyo ako nang ilang luma kong damit para may mahihigaan yung aso sa loob ng gate. Binudburan ko ng tick powder ang pwesto nung aso at yung paligid sa loob ng gate.
Kinahapunan, nag-grocery ako at nag-take out sa McDonalds.
Yun ang binigay ko kay Ryle.
"Bayad ko sa pagtulong sa 'kin kanina."
Dun kami nagkabati. Bumalik na ako sa paglalaro sa shop nya.
Gaya nang nagsimulang bumalik ang balahibo nung aso, kasabay nang pagtaba nya.
Saka ko nadiskubre, magandang aso ito. Parang may konting lahing labrador. Kulay brown.
"Choco na'ng itatawag ko sa 'yo," sabi ko habang hinihimas ang ulo nya.
Nasa kanto kami nun.
Lagi syang naroon sa umaga. Parang alam nya na ganoong oras ang uwi ko. Gaya nang hinahatid din ako nito sa kanto sa gabi pagpapasok ako.
"Ganda na ng alaga mo ah," bati nung ilang tricycle driver sa pondohan.
Ngumiti lang ako, "Manong, wag nyo sasagasaan ha? Aso ko na 'to."
"Walang problema."
Marami na ang nakakaalam na ako na ang may-ari kay Choco. May ilan nga na di makapaniwala na sya yung payat at pangit na aso dito sa amin.
Pina-injection-an ko na rin sya for anti-rabies nung magkaroon ng project ang city health veterinary sa lugar namin. At natuto syang mag-call of nature sa banyo, kahit di ko tinuturuan.
Dumating na rin ang panahon na katabi ko na matulog si Choco. Tuwing sinisipag akong mag-jogging, nakasunod sya. Kasama ko rin kapag naglalaro ako sa shop ni Ryle. Basta nakaupo lang sya sa paanan ko. Kapag natagalan ako, dun na rin matutulog. Uunan na lang sa paa o kaya tsinelas ko. Minsan, kandong ko. Kinakarga ko na lang pauwi.
"Tangna, Jena. Amoy dog shampoo ka na ah," sabi nung isa kong kasama sa trabaho. "May balahibo pa ng aso ang jacket mo."
"Magagawa ko. Naglalambing si Choco nung paalis na 'ko."
"Pucha! Akala namin, jowa ang hanap mo. Aso pala trip mo."
"Tado! Babae si Choco. Tsaka, mas masaya magmahal ng aso. Mas loyal at consistent kesa sa jowa."
"Huwaaaw! Hugot!" kantyaw ng mga kasama ko.
"Tangna, Jena. Di ka pa rin nakaka-move on ke Warren? Isang taon na ah."
Nag-eyeroll ako. "Sino yun?"
Tawanan na naman.
Ex ko yung paksyet na si Warren. Kasamahan namin dito dati. Lumipat ng call center kasi di na-promote katulad ko. Nahuli kong may ibang girlfriend sa bagong pinapasukan.
Iyak to the max ako nun. Hello naman! Two years kami.
At totoo sa loob ko yung sinabi ko. Simula nang alagaan ko si Choco, nawalan na ako ng interes mag-jowa.
Palagi ko nang iniisip umuwi agad.
Paano ba naman, isang beses na magkayayaan kaming mag-inuman after shift, nakalimutan ko na naghihintay sa akin si Choco sa kanto.
Nag-Uber ako pauwi kasi maliban sa hilo ako sa alak, umuulan pa.
Pagbukas ko sa gate, walang Choco na sumalubong sa akin. Saka ko na-realize,
"Ay shit!"
Nawala lahat ng amats ko.
Mabilis kong kinuha yung payong sa bag ko at hinagis yung bag sa set.
Takbo ako sa kanto.
Naiiyak ako sa sobrang guilt nung makita ko si Choco.
Nakasilong sya sa lugawan dun. Basang-basa na. Tapos nakatingin sa humintong dyip. Malamang inaabangan kung dun ako bababa.
"Choco... baby," tawag ko.
Umangat ang matamlay nyang tenga. Tapos excited na tumakbo papunta sa akin.
Kinarga ko agad tapos ibinalot sa kanya yung suot kong jacket.
"Naku, Jena! Kanina pa yan nag-aantay sa 'yo. Ayaw umuwi nung tinaboy ko nung umulan na. Binigyan ko na nga lang ng tubig at laman dito sa lugaw ko," sabi nung tindero.
"Oo nga," gatong nung isang tricycle driver. "Saan ka ba galing?
"Eh may lakad kami ng mga kasama ko sa trabaho," sagot ko. "Sige po. Salamat sa pagtingin-tingin ke Choco."
Pag-uwi sa bahay, tinuyo ko agad ito. Sa kabila nang matagal nyang paghihintay sa ulanan, excited pa rin sya na makita ako. Basang-basa ang leeg at baba ko kakadila nya.
"Sorry, Choco. Nakalimutan ni Mommy," ilang beses kong sinabi.
Simula nun, di ako basta sumasama sa inuman after shift. Kung di naman maiwasan, binibilin ko ke Ryle.
Natatawa nga ang lalaki nung minsang ipaayos ko sa kanya yung PC ko kasi nag-blue screen.
"Kasabay talaga natin kumain yan sa mesa?" ang sabi.
Dun ko sya pinakain nang tanghalian.
"Oo, anak ko yan eh. Tsaka, behave kaya."
Totoo yun. May naka-assign na upuan si Choco. At may sarili syang pinggan. Although yung inuman nya, sa lapag pa rin.
Never kong pinakain ng tira-tira ko o panis na pagkain si Choco.
Alam sa office at sa lugar namin na spoiled sa akin ang aso ko. At di ko alam kung pinagtatawanan ako ng mga kapitbahay ko dahil kinakausap ko ito na parang tao. Wala naman akong pake.
Nakakatuwa kasi kung mag-react si Choco, parang tao.
Sumasagot nang patahol o kaya uungot at maglalambing kapag napapagalitan ko.
Minsan, muntik makakagat si Choco.
Paano, itong isa sa mga jowa-jowaan ni Ryle, inabangan ako sa kanto isang gabi.
"Wag mo nilalandi si Ryle!" duro sa akin.
Shookt ako, pramis!
Mukhang magkaedad lang kami pero kung umasta si Ateng, parang high school na inagawan nang uhuging boyfriend.
"Excuse me?! Ako ba?!"
"Sino pa? May nagsabi sa akin na pumunta sa bahay mo si Ryle. Tapos nagtagal dun."
"Natural, nagpaayos ako ng PC."
"Dun pa raw kumain."
"Aba, ayaw nya tumanggap ng bayad. Di inalok ko na lang kumain."
"Sinasamantala mo kasi malandi ka!"
"Girl, get a life! Kulang ka yata ng purpose sa buhay kaya insecure ka."
"Putang 'na ka!" susugod sana ito pero inangilan sya ni Choco kaya napaatras.
Kaso, umabante uli si Ateng. Planong pukpukin si Choco ng payong.
Nagalit ang aso ko at susugurin na rin sya, buti nahawakan ko.
"Choco, no!"
"Peachy!"
Eto na ang Ryle.
"Oy, lalaki!" tinantuan ko si Ryle. "Ayusin mo mga syota mo ha! Ang chaka ng ugali!"
Hinatak na ni Ryle yung Peachy.
Lakompake! Ang importante, hindi nasaktan si Choco.
Kinakalma ko ito at hinihimas sa ulo at katawan, "Baby, thank you sa pagtatanggol kay Mommy, ha?"
As usual, dinilaan lang ako sa baba sabay kahol.
"Uwi ka kaagad pagsakay ko. Baka abangan ka nung panget na jowa ni Ryle."
"Ayos magbilin ah! Anak na anak," biro nung maglulugaw.
Natawa lang ako.
Pagdating ko sa office, excited na nagbalita ang isang teammate ko.
"Jena, isali mo si Choco!"
"Saan?"
"Pet-selfie contest. Selfie with your pet tapos may description o kaya narrative."
Ginawa ko yun.
Maraming sumali sa office namin. May pet na aso, pusa, ibon at kung anu-ano pa.
Ang masaklap nito, si Choco lang ang entry na Aspin o sa mas kilalang askal.
Yet, sobrang proud ako para sa baby ko.
Kami ang nanalo. Taob ang mga imported na lahi sa Choco ko.
Nag-circulate sa company email namin ang malupit kong narrative at pictures namin ni Choco : isang bago ko pa lang sya inampon na marumi at payat, at ang recent pic namin. Si Ryle ang kumuha nung pic na yun sa shop nya. Kandong ko si Choco habang naglalaro ako ng LOL.
Yung narrative ng kwento namin ni Choco ang talagang nagdala sa pagkapanalo namin. Yun ang nagtulak sa company na magkaroon kami ng event sa isang animal shelter.
Ang napanalunan ko, binili ko ng dog shampoo at iba't-ibang dog treats.
Kaya lang, isang linggo matapos yun, isang tawag galing kay Ryle ang natanggap ko.
"Jena, uwi ka muna!"
"Bakit?"
"Pinasok ng magnanakaw ang apartment mo."
"Ano'ng nakuha?"
"W-wala naman. Naagapan namin, pero nakatakas yung magnanakaw. Kaya lang kasi..."
"A-ano?"
"Si Choco..."
Di ko na tinapos ang sinabi ni Ryle.
Umiiyak akong nagpaalam sa immediate supervisor ko.
"Baby ko..." iyak ko, yakap si Choco.
Tabingi ang panga nya at may dugong lumalabas sa bibig. Tapos pilay pa.
"Tama na, Jena," pang-aalo ni Ryle. Ito ang sumama sa akin. "Buhay naman si Choco. Gagaling agad yan. Ikaw pa. Mahusay ka mag-alaga."
Iyak ako nang iyak habang nasa byahe papunta sa vet. Sa city boundary pa yung twenty-four hours open na vet clinic. Madaling-araw na kasi. Umarkila pa ako ng dyip.
Si Ryle ang nagkwento. Dahil bukas ang shop nya hanggang madaling-araw, narinig nilang tahul nang tahol si Choco tapos biglang umiyak nang malakas.
Naglabasan yung iilang naglalaro sa shop nya para mag-usyoso. Akala nila lumabas si Choco at kung napaano.
Nagulat sila na may lalaking lumabas sa gate ko na medyo paika-ikang tumakbo.
Tatlong araw akong nag-leave sa office. Gusto ko ngang gawing isang linggo pero nagagalit na ang boss ko. Para aso lang daw eh nagkakaganun ako.
Sa kanila, aso lang. Sa akin, parang anak na ang sinaktan ng hayup na magnanakaw na yun.
"Thank you, aking Choco," kausap ko dito. Nakauwi na kami nun sa bahay. "Pagaling ka agad ha? May pasok na si Mommy sa work mamaya. Ibibilin kita kay Ryle. Magpakabait ka, ha?"
Halos isang buwan na iniiwan ko si Choco kay Ryle pag papasok na ako, tapos susunduin ko sa umaga pag-uwi.
May nag-chika sa akin na regular na player sa shop.
"Nagpunta dito yung gelpren ni Kuya Ryle. Si Peachy. Inaway si Kuya dyan sa labas dahil kay Choco at sa 'yo. Nagalit si Kuya nung pumasok sa kuwarto nya yung Peachy. Sasaktan yata yung aso mo, 'te. Kamukat-mukat namin, nagsisigaw na yung babae sa labas. Yun pala, nakipag-break si Kuya Ryle sa kanya."
Ay syet!
Nahiya ako kay Ryle. Humingi ako ng dispensa sa kanya.
"Wala yun. Buti nga nagkaroon ako ng dahilan makipag-break dun," sabi nya lang na natatawa. "Naubos na yung dahilan ko dun sa isa kong syota."
"Sira ulo ka talaga eh," napapailing na lang ako. "Anyway, salamat uli at pasensya sa abala."
Awa naman na bumalik sa dating malusog na katawan ang aso ko. Actually, parang nasobrahan pa nga.
"Choco, may iba pa bang nagpapakain sa 'yo? Di ka lang tumaba, bumigat ka na rin," karga ko sya nun, pauwi.
As usual, sinundo ako. Kahit yun ngang iika-ika pa ito, nakaabang pa rin sa akin sa kanto pag-uwi ko sa umaga. Kahit ilang beses kong pagalitan, di naman nakikinig.
Gaya nang dati, pag-iiwan ko sya sa loob ng bahay, umaalulong. Nakakabulahaw sa mga kapitbahay. Wala akong choice kundi dun ko sya iwan sa loob ng gate, pati pagkain at inumin nya.
Nasagot ang katanungan kong yun makalipas pa ang dalawang linggo.
"Malandi kang aso ka!" tungayaw ko.
Yukung-yuko si Choco sa pagkakaupo sa wooden sala set ko. Feel na feel nya ang drama naming dalawa.
"Porke wala ako lagi, nagliliwaliw ka sa gabi! Sinong tatay nyan?! Ituro mo at idedemanda ko ang amo nya!"
"Huy, Jena! Para kang tanga!"
Si Ryle, nasa may labas ng gate. Nakatingin sa amin dahil nakabukas ang pinto ko.
"Putris kasi eh!" asar kong sabi. Lumapit ako sa pinto.
"Aso yan, natural na magkaganyan yan dahil nakakalabas. Isa pa, adult na yan nung ampunin mo two years ago. Sobrang late bloomer na nga yan."
"Kahit na. Baby pa rin ang tingin ko dyan."
"Lagyan mo na kasi ng harang ang gate mo."
"Di ko naman magawang lagyan. Hatid-sundo ako nito," turo ko kay Choco.
"Eh... di ako na lang maghahatid-sundo sa 'yo. Gusto mo sa mismong trabaho mo pa."
Pucha! Nag-init ang mukha ko sa sinabi nya. Dinaan ko sa pagsusungit. Sinamaan ko ng tingin.
"Tigilan mo 'ko sa kalandian mo, Ryle, ha? Baka me mang-away na naman sa 'ken na babae dyan sa kanto!"
"Dinispatsa ko na nga, di ba?"
"Ay ewan ko! Alis na! Istorbo ka sa sermunan session naming 'mag-ina'."
Sinara ko yung pinto nang hindi hinihintay ang sagot nya. Tapos, impit akong napatili.
"Choco, narinig mo yun?!" kinulong ko sa palad ang mukha nya tapos hinalik-halikan. "Syeeeet! Kinikilig ako!"
Bati kami bigla ng aso ko, kasi tumahol pa ito nang perky tapos dinilaan ako sa baba.
"Ako, Jena. Dinig ko dito. Pati nung mga dumaan."
Ampotaah! Nasa labas pa rin pala si Ryle.
Nakakahiyaaaa!
Takbo ako sa kuwarto karga si Choco, sabay sara sa pinto.
"Aso ka! Ba't di mo sinabi na andun pa yun?!" akusa ko nang pabulong kay Choco.
Tambling ako nang tambling sa kama ko buong gabi. Kasi buong gabi kong naiisip yung nangyari.
Grabeeee!
Di na muna ako naglaro sa shop ni Ryle. Lagi ring nakasara ang pinto ko dahil iniiwasan ko na magkita kami kahit tatlong bahay lang ang pagitan namin.
Dyahe kasi!
Tinuon ko na lang ang oras ko kay Choco.
"Di ka na naman sasama?" reklamo ng tropa ko sa trabaho.
Araw ng sweldo. Araw na dapat ay regular na walwalan session namin.
"Eh, di pwede. Alam nyo naman si Choco, buntis. Baka mapa'no yun kakahintay sa akin sa kanto."
"Puta, Jena! Nakakaduda ka na ha? Ikaw yata nakabuntis sa aso mo eh!"
"Ulul!" sikmat ko.
"Maniwala kami sa 'yo na sinusundo ka ng aso mo. Baka nagdadahilan ka lang. Ayaw mo na ba sa 'men kasi tropa pa rin namin si Warren?"
"Tange, hindi. Kung gusto nyo, sa apartment na lang tayo uminom. Sagot ko yung isang case ng San Mig Light."
Ganun na nga ang nangyari. At dun ko napatunayan sa kanila na totoo ang sinasabi ko.
"Ayos ah!" sabi nung isa naming kasama.
Karga ko na si Choco. Malaki na rin ang tyan nito.
"Parang Pinoy version ni Hachiko," sabi nung isa pa.
"Baliw! Wala pa akong plano mamatay para lang hintayin lagi ng aso ko!"
"Mga bakla, may pogi!" biglang sabi nung isa kong kasamang babae.
Kasalubong namin si Ryle. Mukhang bibili pa lang ng agahan nya.
"Uy, Jena! Di ka na naglalaro sa shop," ang bati.
"Ah ... eh..."
"Hala! Sya ba si Kras? Yung kinukwento mong shop owner sa inyo?"
My Ghaad!
Ito ang disadvantage kapag may tropa kang bading na matabil.
"Kras?" tumaas ang kilay ni Ryle.
Nangangapal na ang mukha ko sa hiya.
"Tara na nga!" yaya ko sa mga katrabaho ko. "Ang daldal nyo eh!"
"Si Jena, nagdadalaga na uli. Marunong na namang mag-blush!"
"Ayiiie!"
"Pak yu kayo ha! Papakagat ko kayo kay Choco!"
"Ako na kay Choco," boluntaryo ni Ryle.
Walang sabi-sabi na kinuha nya yung aso ko.
"Ayyiiieee!!!"
Aaargggh!!!
Nakakahiya na talaga! Imbes na mawawala na yung pagkadyahe ko ke Ryle, lumala pa tuloy.
Tado kasi 'tong mga kasama ko.
Ang ending, alak at pulutan ang inagahan ni Ryle. Sumali sa inuman namin.
Halos tanghali na nag-uwian na mga kasama ko kasi ganung oras kami natapos mag-inuman.
Gabi na ako nagising. Another incident na nakakahiya kay Ryle kasi andun sa kanya ang aso ko.
"Di mo naisara yung pinto mo kanina. Lumabas si Choco, nagugutom yata. Nagpunta sa shop. Pinakain ko na."
Kamot-batok na lang ako, "Ah... eh... sige. Salamat!"
"Tara, hatid ka namin ni Choco sa kanto."
Di na 'ko nakatanggi.
Kinabukasan, nagulat ako na andun uli si Ryle sa kanto.
Nakikipagkwentuhan sa mga tricycle driver. May hawak itong brown paper bag, tapos si Choco, nasa paanan nya.
"P're, ayan na yung nanay ni Choco," biro ng kausap nya.
"Uy," patay -malisya kong bati.
Sumabay sya sa aming umuwi. Kagaya kagabi, sya ang kumarga kay Choco.
Gusto ko nang magselos, kasi parang sobrang close na sila.
Nagseselos ako sa kanila pareho. Anak ng tipaklong naman, oo!
Nalaman ko na yung brown paper bag, agahan pala. Agahan naming tatlo, kasama ang aso ko.
Kunwari dedma lang ako.
O sya, e di sabay kami mag-agahan! Pabor naman sa akin.
Libre agahan na, libre sight-seeing pa kay Kras! Hoho!
Isa pa, di na uli nagbabanggit si Ryle sa pambubuking sa akin ng mga kasama ko nung inuman namin.
Tsk! Sayang! Charot!
Ganun nang ganun ang naging routine namin hanggang nakasanayan ko na rin. Naglalaro na rin ako sa shop uli kapag free time ko.
"Ate Jena! Ate Jena!"
Isa sa mga players sa shop. Naglalaro ako that time. Actually, ka-team ko nga si Ryle sa LOL.
"Oh, bakit?"
"Si Choco, narinig naming umuungot sa may gate nyo."
Tumayo agad ako.
Di ko pinansin ang pagtawag ni Ryle at mga kakampi ko sa shop kasi di pa tapos yung game namin.
Napapamura ako sa isip ko habang binubuksan ko yung gate.
Dinig ko na parang umiiyak si Choco.
Gusto kong sisihin ang sarili dahil di ko sya sinama sa shop. Baka masipa kasi yung tyan ganyang bundat na bundat na sya.
"Baby..." tawag ko sa kanya pagbukas ng ilaw sa loob ng gate.
Hinawi ko yung mga sinampay ko.
Magkahalong pag-aalala at excitement ang naramdaman ko nung makita ko sya.
Magiging 'lola' na ako!
Syeeeet!
Pucha! Dapat andito tatay ng mga 'apo' ko eh. Kahit moral support lang.
Hayup na yun! Iresponsable!
Para akong tanga na pati aso sinisisi ko. Natataranta na kasi ako.
Paano, parang hirap na hirap si Choco sa pagle-labor.
Gusto ko syang ilipat sa loob ng bahay kaya lang baka lalo syang masaktan.
Takbo ako sa isang kuwarto para kumuha nang lumang kumot o tuwalya.
"Ano ba'ng nangyari?" Si Ryle, sumunod sa apartment.
Nakasalubong ko pabalik kay Choco. Napatingin sya sa hawak kong kumot.
"Aanhin mo yan?"
"Manganganak na si Choco," sagot ko.
Naiiyak ako na binabantayan ang panganganak nya. Hinihimas ko nga ang tyan kapag di sya mapakali.
"Jena, baka kagatin ka," paalala ni Ryle.
Kasama ko syang nagbi-vigil buong gabi. Napa-absent nga ako sa trabaho eh.
"Hindi nya gagawin yun," confident kong sagot.
Sumalampak na ako sa sahig dahil umikot uli si Choco habang ungot nang ungot. Tapos pasandal na pumuwesto sa kandungan ko na parang humihingi ng tulong sa akin. Di ko alam ang gagawin. Basta himas lang ako nang himas sa ulo at tyan nya.
Tahimik akong lumuha nung lumabas ang una nyang anak.
Patay ang tuta.
Tuluy-tuloy ang pagluha ko dahil ganun din ang pangalawa.
Naimpit ko ang pag-iyak ko dahil buhay yung pangatlo at pang-apat. Kaya lang, parehong mahina.
"Choco, I'm sorry..." umiiyak kong sabi kasi ilang beses nyang dinilaan yung dalawa nyang baby pero di gumagalaw.
Tapos umungot sya nang mahaba na parang paalulong, tapos titingin sa akin na malungkot.
"W-wala akong magagawa, baby," iyak ako nang iyak. "Wala na sila talaga eh."
"Jena..." pang-aalo sa akin ni Ryle.
Hinihimas nya ako sa balikat. Dun ko lang na-realize, nakaupo na rin pala sya sa sahig at nakakulong ako sa nakabuka nyang hita.
Di na ako nakaisip ng awkwardness. Napaiyak ako sa isang tuhod ni Ryle habang yung isang kamay ko hinihimas pa rin ang ulo ni Choco.
Madaling-araw na nung ipasok ni Ryle si Choco sa loob ng kuwarto ko. Di na ako nailang na yun ang unang beses nya makikita ang tulugan ko. Ako ang nagbitbit nung dalawang puppies na buhay.
Umungot na naman si Choco. Tila bilang nya na kulang nang dalawa ang kasama nya sa hinanda kong higaan nila.
"Ako na maglilibing sa mga tuta. Samahan mo na lang sya dito," sabi ni Ryle nung bumalik kami sa may gate. "Tapos matulog ka na rin. Ano'ng oras na oh."
"S-sige. Ano, Ryle... salamat!"
Ngumiti lang sya.
Pumasok na ako kinabukasan ng gabi. Medyo worried lang ako kasi parang matamlay pa rin si Choco. Sobrang bilin ang ginawa ko kay Ryle nung iwan ko sa kanya ang susi ko sa apartment para tingnan-tingnan ang aso ko.
Pangatlong araw, tila nakalimutan na ni Choco yung dalawang anak nya na namatay. Sumigla na ito.
Kaya lang, hindi ako makampante.
"Huy, Jena!" kalabit nung teammate ko. "May escal. Walang available na TL. Ikaw lang pwedeng mag-take nung call."
Shadowing na kasi ako as next team lead for promotion, from being assistant TL.
Medyo sabaw ang nangyari sa call na yun. Buti nabawi ko bago pa ma-escalate sa Operations Manager namin.
"Ano ba kasi'ng problema?" tanong nung mga teammates ko.
"Si Choco kasi..."
May ilang nag-eyeroll at ilang nakisimpatya nung ikuwento ko. Wala akong pake sa mga di nakakaintindi.
At least, medyo gumaan ang pakiramdam ko bago mag-uwian. Kaso pag-uwi ko, kumambyo ang tadhana.
Sumusundo pa rin si Choco sa akin kahit bagong panganak sya mula nung pumasok ako. Pero nung araw na yun, si Ryle lang ang naghihintay sa akin sa kanto.
First time!
At base sa expression ng mukha nya, bad news.
"Asan sya?" mahina kong tanong pagkalapit ko.
"Ayaw lumabas sa kuwarto mo."
"B-bakit?" tanong ko pa rin kahit parang alam ko na ang sagot.
Kiniling ni Ryle ang ulo tapos umiling, "Walang natira, Jena. Ayaw iwan ni Choco kahit matigas na."
Inakbayan nya ko kasi naiyak na ako. Tapos hinapit ako sa kanya, "Huy, wag ka nga umiyak. Baka isipin nung mga tricycle drivers, pinapaiyak kita."
"K-kasi bakit di mo itinawag o kaya itinext sa akin?"
"Ngayon ko lang din nalaman nung susundo na kami dapat sa 'yo."
Totoo ang sinabi ni Ryle. Tiningnan lang ako ni Choco pagpasok ko sa kuwarto.
At nagbabantayan kaming 'mag-ina' kung sino ang unang matutulog.
Hindi na ako nakatiis, tinawag ko si Ryle sa shop nya.
"Ipapasok ko si Choco sa banyo, tapos kunin mo yung puppies, okay lang ba?"
"Baka kagatin ka."
"Hindi. Hindi yun gagawin ni Choco sa akin."
Ganun na nga ang ginawa namin.
Naiiyak ako nung kargahin ko si Choco at pumalag ito. Alam nyang kukunin namin ang babies nya.
Niyakap ko sya nang mahigpit, "Choco ... baby ... let go mo na."
Paulit-ulit kong bulong sa kanya hanggang magkulong kami sa banyo.
Umalulong sya nung marinig ko na sumara na yung pinto sa sala. Nakalabas na si Ryle.
Saka ko binuksan yung banyo. Tumakbo agad ang aso ko sa kuwarto tapos papunta sa sala.
Saka halinhinang umungot at umalulong si Choco.
Umiiyak ko syang niyakap.
Sa sala kami natulog 'mag-ina'. Yakap ko sya sa pagkakahiga ko sa nilatag kong kumot dun.
Ilang araw kaming ganun.
Nahihiya nga ako ke Ryle kasi, pati sya naaabala ko. Inuuwi nya si Choco sa kanya sa gabi pagkahatid sa akin. Sila ang tabi sa kuwarto nya.
Magtatatlong linggo na na matamlay si Choco, pati sa pagkain. Nag-umpisa na akong mag-alala nang husto dahil nangangayayat na sya.
"Dalhin mo kaya sa ibang vet, Jena. Masyadong mahabang depression naman yata sa aso yun. Di naman kulang sa pagmamahal sa 'yo tsaka sa tatay nya," advice nung isa kong teammate na mahilig rin sa aso. Di ko magawang mangiti sa magaan nyang biro. "Parang di ako sold sa sinabi nung vet nya na depression lang yan kasi naubos lahat ng pups nya. Lalo na yan, sabi mo, may ibang amoy ang ihi."
Ganun nga ang ginawa ko, at tama ang hinala ng ka-trabaho ko.
"May naiwang placenta kay Mommy Choco," sabi nung bagong vet.
Makakahinga na sana ako nang maluwag nung sinabi nyang mailalabas naman nung aso yun after injection-an nang tamang gamot pero,
"Kumalat na yung infection sa katawan nya kasi ilang linggo na ang lumipas. Kailangan syang mag-antibiotics."
Halos mangalahati ang ipon ko sa pagpapagamot kay Choco.
Masakit man sa loob ko na mawalay sa kanya nang tatlong araw, pero kailangan syang i-confine sa vet clinic.
Kasama ko pa rin si Ryle sa pagsundo sa ikaapat na araw.
"Doc, normal ba na medyo matamlay pa rin sya?"
"Kailangan nya lang magpahinga tsaka wag kakaligtaan yung oral meds. Also, don't forget TLC for your fur baby."
"Ho?"
Natawa yung vet, "Tender loving care."
"Ah..."
Akala ko magiging okay na. Pero isang linggo na, matamlay pa rin si Choco. Napakakonti kumain at uminom ng tubig kahit tapos na yung araw nang pag-inom nya ng gamot.
Kita ko na ang ribs nya nung sunduin nila ako si Ryle nung umagang yun. At kinabahan na ako dahil nung bago ako matulog, dark brown at malansa ang jebs nito.
Kahit antuk na antok ako, binalik ko sya sa vet. Bumalik para manlumo lang dahil,
"May canine distemper sya," malumanay na sabi nung vet. "I'm afraid there's no known cure for it yet. Only prevention via vaccine. Treatment for the disease, is heavily focused on alleviating the symptoms. You have to do the medication at home to make your fur baby at least comfortable as she passes on. Highly contagious ang virus nyan. We have to protect other patients here."
Yun ang simula.
Isang buwang pahirap sa tinuturing kong anak. Nag-iisang kapamilya na meron ako ngayon.
"Jena, pati sarili mo at trabaho, nakakalimutan mo na," paalala ni Ryle. "Don't you think, kailangan mo na i-let go si Choco?"
"Ano'ng pinagsasabi mo, Ryle?!" tumaas agad ang boses ko.
"Teka, wag kang magagalit," mahinahon nyang sabi. "Look at you. Ilang araw ka nang absent. Nag-loan ka kung saan-saan para sa medication nya but ... just look at her."
Ginawa ko pero agad rin akong nag-iwas ng tingin. Kasi bumabalik lahat sa akin yung mga nangyari nang mga nakaraang linggo.
Kahit hirap maglakad at pagewang-gewang, hinahatid at sinusundo pa rin ako ni Choco sa kanto. Kapag nila-lock ko sya sa loob ng bahay, umiiyak at umaalulong pa rin, hindi na nga lang ganun kalakas dahil sa sakit nya.
Sabi nga nung kasama ko sa trabaho, "Hayaan mo lang sya, Jena. Dun masaya si Choco."
Pareho sila nang sinabi ni Ryle. Nung mga huling araw na pumapasok pa ako, kinakarga ko na si Choco papunta sa kanto, tapos si Ryle ang kakarga pauwi. Ganun din kapag sinusundo nila ako sa umaga.
Kaya nga ayoko muna pumasok. Napapagod ang aso ko sa paglakad.
Pero ang totoo, subconsciously, alam kong malapit na talaga. Malapit na kaming magkahiwalay.
Ayoko lang tanggapin. Inilalaban ko talaga!
Kahit may dextrose sya at dun din pinapadaan ang mga gamot nya, pilit ko syang sinusubuan ng pagkain at tubig.
Ilang syringe na nga ang naubos ko pati medical gloves.
Madalas kasi, oatmeal at baby food na lang ang kaya nyang kainin. Hindi na maigalaw ni Choco ang panga nya para ngumuya.
Tapos puro plema at nana na ang lalamunan nya.
Araw-araw ko syang pinapalitan ng higaan kasi, iba na talaga ang amoy nya at nilalanggam sya kung di ko yun gagawin. Pero hindi ako kailan man nandiring himasin sya sa buong katawan.
Dahil kapalit nun ang pagkawag ng buntot ni Choco. Kahit konting-konti at hirap sya. Masaya na ako na makitang gumalaw yun.
That time, sa sala na kaming dalawa natutulog para mas may ventilation.
"Baka ayaw nyang umalis kasi nakikita ka nyang ganyan. Pinapahaba mo lang ang paghihirap ni Choco, Jena. Wag kang selfish," dugtong ni Ryle.
Naiyak ako sa sinabi nya. Deep inside, may katotohanan yun kasi...
"Di na ako sanay mag-isa, Ryle. Baka di ko kayanin kapag wala na si Choco," umiiyak kong pag-amin habang nakayupyop sa yakap kong tuhod ko.
Nakaupo kami nun ni Ryle sa tabi ng wooden box na higaan ni Choco.
Ayokong umiyak nang malakas, kasi baka magising ang aso ko. Hirap na itong makakuha ng tulog dahil sa sakit na nararamdaman sa kung saan-saang parte ng katawan at hirap huminga.
Kaya lang ang sakit sa lalamunan magpigil ng hagulgol.
Narinig ko ang malalim at mahabang buntung-hininga ni Ryle.
"Andito naman ako, Jena. Hirap sa iyo, alam mo naman kahit di ko na inungkat sa 'yo ulit yun. Pero sinasadya mong di pansinin."
Di ako kumibo.
"Di kita iiwan," dugtong pa.
"Bad timing ka, Ryle," sabi ko.
"Ito ang pinakatamang timing, Jena. Para sa iyo... lalo na kay Choco."
Naiyak uli ako.
"Aaminin ko, di ko na mabilang ang pinagsabihan ko nyan. Pero this time, seryoso ako sa sinasabi ko sa 'yo."
Umuwi si Ryle na walang narinig na kahit ano sa akin.
Yet kinabukasan, bumalik sya sa apartment. Gaya nang dati, nagdala ng pagkain ko. At pilit akong pinapakain.
Di na nya binanggit ang sinabi nya nung nakaraang gabi.
Ganun nang ganun nang sumunod pang dalawang araw.
Kung pursigido akong mabuhay si Choco, pursigido rin si Ryle na patunayan sa akin ang sinabi nya.
Pangatlong araw, dumating ang bill ko sa Meralco.
Saka ko na-realize, hindi ako nakabayad for last month, gaya nang hindi ako nakabayad sa upa ng bahay.
Sobrang focused kasi ako kay Choco.
Napakunut-noo ako nung makita ang bill ko. Walang previous balance?
"Binayaran ko. Ako nag-receive nung disconnection mo last month."
Si Ryle, di ko napansin na nasa tapat ko sa gate.
Nakagat ko ang labi ko, "Y-yung collector ni M-madam. Hindi ko naalalang nagpunta."
Ngumiti lang sya nang tipid sa akin.
"B-bakit, Ryle?"
Nagkibit lang sya ng balikat.
Biglang umungot si Choco nang mahaba.
Napangiwi ako. May masakit na nararamdaman na naman ito.
Tapos umungot uli kasabay nang tunog na parang hinihingal pero parang maplema rin at the same time.
"E-excuse me," sabi ko ke Ryle.
"Jena...?"
Nilingon ko sya.
"Wag mong kakalimutan at iwawala ang sarili mo," sabi nya. "Nami-miss na kita sa shop ko."
Tumango lang ako nang isang beses tapos pumasok na ako sa bahay.
Buong maghapon hanggang gabi, nakaupo lang ako sa tabi ni Choco. Himas lang ako nang himas sa ulo at katawan nya.
Lakompake kahit ang baho na rin ng kamay ako.
Ganun ako inabutan ni Ryle. May dalang pagkain para sa hapunan namin.
Napansin ko ang bahagyang pagkunot ng ilong nya. Alam ko, kakaiba na rin ang amoy ng bahay ko dahil kay Choco, yet never akong nakarinig ng reklamo sa lalaki.
Sya na rin ang nagboluntaryong maghugas ng pinggan.
"Marami kang nakain ngayon," magaan nyang puna.
Nakaupo sya nun sa sala set.
As usual, ako sa sahig, katabi ng aso ko.
Ngumiti lang ako nang tipid.
Tapos nagbuga ako ng hangin sa bibig, "Choco...baby...."
Huminga uli ako sa bibig kasi nagbabara ang lalamunan ko sa pigil na pag-iyak.
"...pahinga ka na, aking Choco..."
Napaiyak na ako.
Naramdaman ko ang pagpisil ni Ryle sa balikat ko.
Dumilat ang mata ni Choco nang kaunti.
"Ayos na si Mommy, aking Choco. Sapat na yung lampas dalawang taon na pinasaya mo ako. Na hinanap mo ang bahay ko ... para samahan ako ... ihatid at sunduin ... araw-araw... kahit umuulan..."
Para akong bata na pinunasan yung luha at sipon ko gamit ang isang braso.
Tuloy lang ako sa paghimas kay Choco.
"...pahinga ka na, baby ko...Salamat sa oras... sa masayang tahol at pagsalubong mo sa 'kin... sa pagbabantay mo sa 'kin tsaka sa bahay natin... sa matyagang paghihintay... sa pagkawag ng buntot mo.... sa lahat-lahat," napahagulgol na ako.
"Wag kang mag-alala... hindi mo man sadya ... nahanap mo ang magiging kapalit mo na maghahatid at susundo sa akin araw-araw..."
"Jena..."
Umungot uli si Choco, yung mahaba at magaspang.
Naupo si Ryle sa tabi ko.
Tapos ipinatong nya yung kamay nya sa kamay kong humihimas sa ulo nang pinakamamahal kong aso.
"Di ko iiwan ang Mommy mo, Choco. Wag ka na mag-alala. Pahinga ka na."
Naiyak uli ako kaya inakbayan ako ni Ryle at dun na ako umiyak sa dibdib nya.
That evening, Choco drew her last breath.
At sa pagdadalamhati ko sa pagkawala ni Choco, hindi umalis si Ryle.
Gaya nang hindi sya umalis sa tabi ko nung nag-umpisa ko uling ayusin ang sarili ko at ang trabaho ko.
Tinupad ni Ryle ang sinabi nya sa akin at kay Choco.
Actually, hinigitan pa nga.
Hatid-sundo nya ako araw-araw, hindi lang sa kanto... hanggang sa trabaho ko.
Dun ko naisip...
Choco found me para di na ako mag-isa sa bahay at buhay ko.
She was one great, loving and loyal family.
Sabi nila sa PAWS, give a rescued dog a forever home.
In my case, it was the other way around.
Yes, she was just a dying and dirty stray dog.
A dog, which my neighbors call a lucky one when I found her. What they didn't know, I was the one who was lucky because... she found me!
An abandoned mutt who found me to give me home : in both her existence and in her absence.
Because a year after her death, kinasal kami ni Ryle.
*** T H E E N D ***
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro