SDMI (One-Shot)
***
"HMM . . . flights, done! Accommodation, done! Ano pa ba'ng nasa checklist ko? Hmm . . ."
"Hindi ka pa ba tapos mag-check d'yan?" tanong ko kay Ate. Kanina pa siyang parang binasang manok na hindi alam kung naiihi ba siya. Actually, hindi lang pala today siya nag-check. "'Yong checking mo ang mapapagod sa 'yo sa sobrang repetitive mo na. Araw-araw mo yata bubungkalin 'yang maleta mo."
"Nagsisigurado lang!" anas niya agad. "Mahirap na 'pag may nakalimutan!"
"Nagsisigurado? Pero lampas pa sa bilang ng buhok mo ang times na inasikaso mo 'yan! Don't me, Ate! Don't me!" pang-aasar ko sa kaniya at muling binalik ang atensiyon ko sa binabasa kong story sa Wattpad.
Totoo naman kasi. Buwan na ang bibilangin kung ilang beses na niyang inayos ang bagahe niya. Feeling naman niya sobrang layo ng pupuntahan niya. Tatlong linggo lang naman siya sa Hong Kong. Pero ang bagahe niya, halos wala na espasyo para sa ibang gamit. Hindi na 'ko magugulat kung wala siyang maiuwi na pasalubong.
Kung hindi lang siya manunuluyan sa bahay nina Tita Laura—nakababatang kapatid ni Mama—hindi siya papayagan nina Papa na magbakasyon dahil sa laki ng magagastos niya sa transport at hotel pa lang.
"Hay naku, Isme! Bakit gan'yan ang level ng support mo sa 'kin? Hmp!" At talagang inirapan pa niya ako.
Hinila ni Ate ang maleta niya upang maitabi sa aparador pero bigla nasiko niya ang pabango na nakapatong sa study table ko.
Agad ko siyang nilingon at namilog ang mga mata ko. "Ate naman! Bakit mo sinagi?!" pahiyaw kong tanong nang makita ang basag na bote ng paborito kong pabango.
"Bakit mo ba naman kasi pinatong dito?" aniya nang kinuha ang tsinelas. "Ibibili na lang kita ng bago, ha?"
"Dapat 'yong ganyan na ganyan, Ate, ha?" Paborito ko pa naman 'yon tapos babasagin niya lang. Hay naku!
"Oo na. Sa sunod kasi, itago mo nang maayos para hindi mapapaano, 'kay?"
"Okay!" Iyon na lang ang sinagot ko habang nililinos niya ang nabasag na pabango ko. Wala naman na akong magagawa kasi nabasag na nga niya. Alam ko naman na ibibili rin ako ni Ate. Hindi naman siya madamot, maarte lang.
***
ILANG linggo pa ang nakalipas na napapraning siya sa kaniyang mga gamit. Ilang beses pa niyang sinilip ang mga bagahe upang masiguro na wala na siyang nakalilimutan. Maging ang dadalhin niyang pasalubong para sa pamilya ni Tita Lau ay malalamog na dahil sa daming beses na niya binago ang pinaglalagyan ng mga iyon.
Balisang-balisa talaga siya. Hindi talaga mapirmi lang. At ganoon pa rin hanghamg dumating ang gabi na tutulak na siya papunta sa Hong Kong.
Aminado akong naiinggit ako dahil magbabakasyon siya pero wala rin naman akong magagawa kasi pera naman iyon ni Ate at deserve niya rin ang magbakasyon at hindi puro trabaho lang.
"Mag-iingat ka, anak," ani Papa nang tulungan si Ate na ilagay ang maleta sa likod ng taxi.
"Oo naman, Pa! I-u-update ko kayo ni Tita Lau kung nasaan na 'ko kaya chill lang kayo!" sagot ni Ate bago lumingon sa akin. "Ikaw muna ang bahala sa kanila, hm?"
"Oo na, 'Te! Enjoy-in mo 'yang soul-searching mo. Pagbalik mo, ako naman!"
"Gagi! Mag-aral ka muna. 'Pag may work ka na, saka tayo magplano ng mga bakasyon na 'yan."
"Pramis, Ate? Libre mo ba 'ko sa SoKor?" Nagtaas-baba ang kilay ko sa kaniya.
"Hmm . . . " Nagusot pa ang mukha ni Ate. "Pag-isipan ko!"
"Grabe ka, 'Te!"
Lumapit siya sa akin at binigyan ako ng mahigpit na yakap. "Basta pagbalik ko, saka natin pag-usapan, okay?"
Tumango ako sa kaniya at sinuklian ang yakap niya. Ilang linggo lang naman pero may bahagi sa akin na nalulungkot kasi panandalian kong hindi makikita si Ate. Buong buhay ko, nandiyan siya. It would be so weird not seeing her for a few weeks. Ang tahimik siguro ng bahay 'pag gano'n.
"O siya, aalis na 'ko para 'di ako ma-late sa flight! Alam n'yo naman sa immigration," she chuckled.
Tama siya. Dapat nga ay umalis na siya dahil baka maipit pa siya sa trapiko. Mahirap na. Hindi na lang namin maihahatid pa dahil maaaga pa ang pasok namin bukas. Kung bakit ba naman kasi Miyerkules pa niya naisipan na lumipad sa halip na Sabado para nakasama kami sa paghahatid sa kaniya sa airport.
"Mag-iingat ka," muling paalala ng mga magulang namin sa kaniya.
"I love you, Ma, Pa!" ani Ate.
"Mahal ka rin namin," usal ni Mama. Grabe! Puwede na silang sa aktingan!
Binigyan ni Ate ng yakap ang mga magulang namin at saka pumasok ng taxi.
"Love you!" hiyaw ni Ate sa direksiyon ko.
Sa halip na sagutin, binigyan ko siya ng nangangasim na mukha at saka binelatan. Natatawa siyang umakto na parang susuntukin ako at ginaya ko siya.
Sinilip ko si Manong taxi driver at medyo matanda na pero mukhang maayos naman. Kahit nga ang uniporme nito ay halatang bagong plantsa dahil hindi gaano karami ang gusot at naka-seatbelt naman.
Napalingon sa akin ang drayber at binigyan ako ng tango. Tinanguan ko rin siya at muling bumalik ang tingin kay Ate. Kumaway siya sa aming direksiyon hanggang sa umalis na ang taxi.
Bago pa man kami pumasok ng bahay, nahinto ako sa paglalakad nang maputol ang goma ng tsinelas ko. Bigla akong kinabahan at binalik ang tingin sa taxi ngunit hindi na kita sa aming kinatatayuan.
Napahawak ako sa aking dibdib, ngunit sa huli ay iwinaksi na lang iyon. Baka nahawa lang ako sa pagkapraning ni Ate. She will be fine. Walang mangyayari sa kaniya. Sigurado ako roon.
***
"MA, PA, nandito na ang pinakamagandang anak sa balat ng Earth!" anunsyo ko pagpasok sa bahay. I was hoping they would join me in my quirks but something weird was looming over our house.
I saw my parents' faces turned blue as they looked at me. Parang may dumaan na anghel sa harap nila kahit ako lang naman ang dumating.
"Pa, Ma, ano'ng problema n'yo?" I asked casually, trying to lighten up the dark atmosphere circulating them. "Hindi kayo nakapagsaing, 'no?"
I saw how my father's Adam's apple bobbed up and down as I noticed a pool of tears building up in his darkened eyes. My father was a man of steel—he wasn't one to cry in front of me.
May nangyari ba habang wala ako?
"Anak . . . "
"Po?"
"Ang Ate Gizella mo . . . "
Nangunot ang noo ko. "Ano po'ng nangyari kay Ate? Nakausap niyo na ba? Nand'on na ba siya?"
Umiling si Mama. "H-hindi, w-wala siya r'on."
"O? Na-stuck po ba sa airport?" Lumapit ako sa kanila at mukha pa rin silang balisa. Parang iiyak na talaga si Mama. "Nagpapasundo po ba?"
"Anak . . . " Muling napalunok si Papa. "Nakita ang maleta ng Ate mo sa isang abandonadong sasakyan. Nand'on din ang passport at cellphone niya."
Nanginig at nanlamig ang buong katawan ko. Parang panandalian na nilisan ng kaluluwa ko ang katawan ko. Nag-replay pa sa isip ko kung paano siya nagpaalam kagabi.
It was flashing in my mind how we were bickering as we said our goodbyes. Naging dramatic si Ate, pero kailan ba hindi? Lagi naman siyang gan'on na animo'y batang nakakain ng sandamakmak na asukal o matanda na hindi na natapos sa pagtagay.
"Ikaw muna ang bahala sa kanila, hm?"
"Oo na, 'Te! Enjoy-in mo 'yang soul-searching mo. Pagbalik mo, ako naman!"
"Gagi! Mag-aral ka muna. 'Pag may work ka na, saka tayo magplano ng mga bakasyon na 'yan."
Hindi pa naman 'yon ang huling beses na makikita ko si Ate, 'di ba?
"T-teka, Pa! Pina-prank n'yo lang naman ako, 'di ba? Ilabas n'yo na 'yang camera!" But I knew better. Their faces were too pale and serious to be joking around. "B-baka naman nandito pala talaga si Ate sa bahay tapos inaasar n'yo lang ako?"
"S-sana gan'on nga lang, anak . . . " Pinahid ni Mama ang luha sa mukha niya. "Ang kaso . . . m-may nakita silang d-dugo sa sasakyan . . . at nag-match sa Ate mo."
My world went still.
Dugo? Imposible. Sabi ni Ate aalis siya at uuwi 'pag tapos na siyang maglibot sa Hong Kong.
"Natawagan niyo na ba sina Tita Lau?"
"Anak." Muling pinunasan ni Mama ang kaniyang mga luha. "Ang Tita Laura mo ang tumawag kaya hinanap namin ang Ate mo. Ilang oras silang naghintay sa airport dahil dumating na ang flight niya, pero wala ang Ate mo. Hindi rin niya sinasagot ang telepono niya!"
"W-wala siya sa Hong Kong?"
Umiling si Papa. "Wala . . . "
Napayakap ako sa aking sarili. "H-hindi pa. Imposible. S-sabi ni Ate mamamasyal lang siya . . . " Ramdam ko ang panginginig ng boses ko.
I didn't even manage to tell her that I love her, too . . .
What happened to my sister? What happened the moment the taxi left our place? Bumaba ba siya at may ibang pinuntahan? Kung ganoon, bakit iniwan niya ang maleta at ibang mahalagang gamit niya sa ibang sasakyan na sinsabi ni Papa?
Something was amiss, but what was it?
Nasaan si Ate? Why didn't she make it?
*****
P R I N C E S S T H I R T E E N 0 0
JO ELLE
9th July 2023
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro