Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 31

BAGO pa lamang napapalitan ng liwanag ang madilim na kalangitan nang dumating kami ni Gerald sa isang private beach-resort sa Batangas. Inarkila nila Erika ang buong resort for three days. Ang ibang bisita ay narito na simula pa kahapon at ang iba naman tulad namin at nila Bianca ay ngayon palang darating dahil sa trabaho.

Dahil maaga pa naman ay pinili naming magpahinga muna. Hinatid ako ni Gerald sa room sa fifth floor na itinext ni Erika. Kasama ko roon si Bianca at ilang pinsan ni Erika sa father's side. Si Gerald naman ay kasama si Tristan, Elion at Xander sa kwarto sa third floor.

Hindi na rin naman ako nakatulog ng matagal. Seven pa lang. Umidlip nga lang ako. Nang puntahan ko naman si Gerald ay tulog pa raw ito. Hindi ko na muna inabala dahil alam kong napagod din ito sa pagda-drive.

Bumaba ako sa hotel kung saan gaganapin ang reception. Maayos na iyon. Naglilinis-linis na lang ang mga staff na nakatoka roon. Sunod kong pinuntahan ang pool kung saan gaganapin ang wedding ceremony. I can't help but to check the venues. Kasal ito ng pinsan ko at ayokong magkaaberya. Kahit noong kasal ni Bianca last year ay ganito ako.

Habang pabalik ng hotel ay nakakasalubong ko ang ilang bisita, kilala ang iba at ang iba naman ay bago sa aking paningin. At ayon si Tita Grace sa lobby, kasama ang gwapong anak.

"Tita Grace!"

Nanlaki ang mga mata nito nang makita ako.

"Samantha, hija!"

Saglit kaming nagyakap at nagbeso. "Saan po ang punta ninyo? May breakfast na sa restaurant kung gutom na po kayo."

"Maglalakad-lakad muna." Nilingon nito si Elion, nakabusangot ang mukha. "Gutom ka na ba?" Umiling lang ito. Naiiling na bumaling muli sa akin si Tita. "Ang aga-aga mainit ang ulo. Nabasted yata," bulong niya sa akin.

Nilingon ko muli si Elion. Mahina akong natawa nang makita ang masamang tingin nito sa ina. Napakatangkad na nito. Hindi nga mapapansin na bente dos lang ito. Mas matangkad na ito kay Xander. Higanteng higanteng tingnan para sa edad.

"Hindi nga ako nabasted, 'My!"

"Eh, bakit nakabusangot 'yang mukha mo?" pagalit na ani Tita. Lalo lang sumimangot ang anak.

Nagpaalam na rin sila Tita. "Ilulublob ko sa pool para lumamig ang ulo," biro pa nito na ikinatawa ko. Tinutukso ang anak.

Sasakay pa lang ako sa elevator nang makita ko ang paglabas doon ng mag-asawa ni Tristan at ni Gerald. Agad na lumapit sa akin si Gerald.

"Saan ka galing?"

"Tiningnan ko lang ang reception area."

"Oh, punong-abala ka na naman?" biro ni Tristan. Inirapan ko lang ito.

"Breakfast muna tayo."

Isang beses pang kinausap ng wedding organizer ang mga secondary sponsors na may gagampanan nang sumapit ang tanghali. Kaming dalawa ni Bianca ang Maids of Honor at si Xander at Tristan naman ang Best Men.

Alas singko y media ng hapon nang mag-umpisa ang kasal. Vintage ang theme na napili ng mag-asawa. Nagsilbing aisle ang glass na nasa ibabaw ng pool. At sa harapan ay makikita ang karagatan. Kitang kita ko ang saya sa mga mata nila.

Habang naglalakad si Erika sa aisle, sa saliw ng awiting "Beautiful in White" ay panay ang pagluha ko. Chill na chill pa nga ang groom kaysa sa akin. Pakiramdam ko ay isa ako sa ikinasal dahil halos sumabog ang puso ko sa labis na saya para sa kanilang dalawa. Idagdag pa ang papalubog na araw na isa sa nakapagpadagdag ng ganda habang pinapanood ang pag-iisang dibdib nila.

Habang nagpapalitan sila ng wedding vows, mas lumala ang pag-iyak ko dahil naalala ko wng itsura nilang dalawa noong bago pa lamang ako sa Santa Clara. Noon pa man matatag na ang relasyon nila. Kahit mga bata pa no'ng pumasok sa relasyon, makikita na ang maturity nila roon. At saksi ako kung gaano nila kamahal ang isa't isa. At makalipas nga ng sampung taon nilang relasyon ay aapak na sila sa bagong yugto ng buhay nila.

"Okay ka lang?" natatawang tanong ni Bianca na namumula rin naman ang mga mata.

"Ang saya ko, B!" Napalingon sa amin ang mga ninang na nasa unahan namin dahil napalakas ng kaunti ang boses ko.

"Bakit sa kasal ko hindi ka naman umiyak nang ganyan?" natatawang aniya.

Umirap ako. "Sino'ng may sabi sa'yo? Sinipon nga ako pagkatapos, eh. Bakit ba kasi ang hilig ninyong magpakasal kung kailan gabi?"

"Gaga!" Natatawa niyang hinampas ang braso ko. Ipinatong niya ang ulo sa 'king balikat at hinawakan ang kamay ko. "Sa susunod kami namang dalawa ni Erika ang nanonood sa kasal mo."

Matunog akong napangiti ngunit hindi nagawang sumagot. Mukhang matatagalan pa iyon.

Nang makarating sa reception area ay binigyan ng pagkakataon ang mga magulang na magbigay ng mensahe para sa bagong kasal. Kung naluha kami sa mensahe ng mga nanay, ay siyang tawa naman namin sa mensahe ng mga tatay. Lalo na sa daddy ni Troy.

"Sabi ko noon sa mga batang ito na okay lang pumasok sa relasyon basta hanggang doon lang. Wala munang ibang papasukin."

Naghagalpakan ang mga bisita. Nakangisi akong napapakamot sa noo. Kung anong itinahimik ng anak ay siya namang kulit ng ama.

"Eh, ngayong kasal na. Aba anak, galingan mo! Hindi na kami bumabata nitong kumpadre ko." Tumango-tango si Tito Ethan, may bahid pa ng tawa ang mukha. "Pag-aaral ang tangi naming maipapamana sa inyo... At mga apo naman ang tangi ninyong maipapamana sa amin."

Malakas na tawa muli ng mga bisita ang sumunod doon.

"Jusmiyo!" natatawang komento ni Bianca.

Naging maingay at masaya ang gabing iyon. Halos magkagulo sa reception nang masambot ng pinsan ni Erika sa father's side ang bouquet at boyfriend naman niyon ang nakakuha ng garter.

Kasama ko sa lamesa si Gerald, si Bianca at ang asawa nito, si Marcus at girlfriend nito, si Elion at maging si Xander. Nagparoon at parito ang bagong kasal para harapin ang kanilang mga bisita. Nang makitang papalapit ang mga ito sa gawi namin ay pareho naming ikinaway ni Bianca ang pareho naming kamay.

"Congratulations, E... Troy!" Mahigpit kong niyakap ang dalawa. Maging ang mga kasama ko roon ay binati ang dalawa.

"Okay lang ba kayo rito? Pakabusog kayo, ha! Uubusin ang pagkain at baka mapanis," ani Erika.

"Nagkapalit talaga ng ama 'tong dalawang 'to, eh," bulong ni Bianca na ikinatawa ko.

Tumayo si Tristan at umakbay kay Troy. "P're, may plastic ba kayo?"

Hindi pa man nito sinasabi kung bakit naghahanap ng plastic ay natatawa na kami. Bakas naman ang pagtataka sa mukha ni Troy.

"Bakit?"

"Lalagyan ko lang ng handa para may makain kami sa mga susunod na araw."

Napahagalpak kami ng tawa. Napailing na lamang si Troy na inalis ang pagkakaakbay nito at hinila na ang natatawa pa nitong asawa papunta sa kabilang table kung nasaan ang college friends niya.

Sumandal ako sa balikat ni Gerald. "Tiyak na mamimiss ko ito. Sana kahit abala na sila sa mga sariling pamilya ay magkaroon pa rin kami ng oras na magkasama-sama."

Naramdaman ko ang paglapit niya pa sa akin at inayos ang pagkakasandal ng ulo ko sa kanya. "Hindi man katulad ng dati pero siguradong magkakaroon pa rin kayo ng oras. Sigurado ako roon." Matunog siyang ngumisi. "Ikaw pa! Hindi ka naman papayag na hindi kayo magkikita."

Natawa ako. Totoo iyon. Kahit anong abala namin pilit ko silang hinihila para magkita-kita kahit isa o dalawang beses sa isang buwan.

"Damot ninyo! Kukuha lang ng kaunti, eh!" Pahabol pa ni Tristan.

"Huwag mo namang ipahalatang naghihirap tayo," ani Bianca na hinila paupo ang asawa.

"Na-e-excite ako kapag nagkaroon na sila ng baby. Dagdag sa ingay ng mga 'to." Ngayon pa lang ay naiimagine ko na ang mga nagtatakbuhang bata.

"Masakit ang binti mo?" tanong ni Gerald. Napansin yata ang pasimple kong pagmamasahe sa binti.

"Oo. Ngalay. Ang taas kasi ng takong," daing ko.

"Dito, mamamasahiin ko."

Napapabungisngis kong ipinatong ang binti sa kanyang hita.

Tumugtog ang malumanay na kanta at muling nagsayaw ang bagong kasal. Agad nagtayuan ang ibang bisita nang i-anunsyo ng master of ceremony na maaaring samahan ang newlyweds sa gitna. Kahit ang dalawang couples sa lamesa namin ay nagtungo roon.

"Ba't di ka magsayaw? Isayaw mo ang crush mo," tukso ko habang nakatingin kina Erika bago siya nilingon.

"Masakit ang binti."

"May I have this dance?"

Napatitig ako sa kamay na nakalahad sa harapan ko. Dahan-dahang umangat ang tingin ko sa nagmamay-ari niyon. Mabilis kong naibaba ang mga binti Hindi ko inaasahan na lalapitan niya ako ngayon... dito.

"Pasensya na, p're, masakit pa ang binti ni Sam-"

"Okay lang Ge." Pigil ko rito. Nagtataka niya akong tiningnan nang tumayo ako. Mahina ko pang tinapik ang balikat niya. "I'll be back."

"Okay na ba ang... binti mo?"

Tumango ako. "Kaya ko naman."

Tanging buntong-hininga lang ang naging sagot niya.

"Excuse us," ani Xander.

Isang beses ko pang nilingon si Gerald habang naglalakad kami papunta sa unahan. Nakatutok na ang atensyon nito sa pagsasalin ng wine sa kopita. Napanatag ako nang lapitan ito ni Elion.

"How are you?" agad na tanong ni Xander nang tumigil kami sa gitna at mag-umpisa sa mabagal na pagsasayaw. Natuon ang atensyon ko sa kanya. Hindi pa rin ako makapaniwala na kaharap ko na siyang muli nang malapitan. And for the first time after six long years ay tinanong niya ako niyon.

Sa mga pagkikita naman namin noon ay hindi kami nag-uusap. Oo, maski ang magbatian bilang magkakilala ay hindi namin nagawa sa loob ng ilang taon. Ganoong kalupit ang pag-iwas na ginawa niya sa akin. Kalaunan ay nasanay na lang din ako.

Nakakapanibago dahil masayang masaya ang relasyon namin noon, na bigla na lamang nagbago at mabilis siyang nawala sa akin na hindi ko man lang napaghandaan. At ngayon, hindi ko muli napaghandaan na lalapit siya sa akin. Hindi ko inaasahan kahit pa ilang beses kong hiniling na sana ay mangyari ito.

"Okay lang. Ikaw, kumusta?"

Tumango-tumango siya. "I'm good," aniya at napatango rin ako doon.

Natitigan ko siya. Hanggang ngayon ay naninibago pa rin ako sa malaking ipinagbago niya. Naging matured ang itsura niya at lumaki ang pangangatawan. Wala na ang mahaba niyang buhok. Malinis na malinis na ang pagkakagupit niyon. Wala na ang hikaw sa labi niya, maging ang nasa kaliwang tenga niya. Hindi na rin ito mahilig sa all black outfit.

Maraming nagbago kay Xander, pero isang bagay ang pinakagusto ko sa mga nagbago sa kanya... iyon ay ang pagkawala ng lungkot sa mga mata niya na parati kong nakikita noong nalaman niya ang tungkol sa mga magulang namin.

Gusto ko siyang tanungin, naging sapat ba ang paghihiwalay natin noon? Naging sapat ba iyon para mawala ang sakit sa puso mo? Kung iyon lang ang makakapag-alis ng sakit na nararamdaman mo, kahit siguro ilang beses ulitin ang mga nangyari noon ay ilang beses din akong handang magparaya.

"Ilang beses kong hinugot ang lakas ng loob na kausapin ka ngayon, Samantha. At sa wakas ay nagawa ko na," muling aniya.

Natulala ako saglit. Hindi ko inaasahan ang narinig ko. "Cong... grats?" Hindi rin sigurado kung anong isasagot doon. Mahina siyang natawa. Na-miss ko iyon. Actually, na-miss ko siya. Ang buong pagkatao niya.

"Can we talk outside? Masyadong maingay rito at... baka hindi tayo magkaintindihan."

Dahan-dahan ang naging pagtango ko. Gusto ko iyon pero... Nilingon ko si Gerald. Kasama niya na muli ang dalawang pares sa lamesa.

"You know... I have a lot of things to tell you."

Ibinalik ko ang tingin sa kasayaw.

"Please, Samantha?"

May pagsusumamo sa tinging ibinibigay sa akin ni Xander. Ito na ang hinihintay ko. Siya na mismo ang nagbibigay sa akin. Kaya naman tipid akong ngumiti kasabay ng pagtango.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro