Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 30

"OH, ano'ng ginagawa mo rito?" kunwaring pagtataray ko nang mapagbuksan si Gerald ng pinto. Nakangisi niyang iniangat ang kamay na may hawak na paper bag mula sa isang convinience store.

"Siopao."

Mahina akong natawa. "Nabasa mo ang post ko?" Nagpost lang naman ako na nagke-crave ako sa siopao. Pero dahil tinatamad lumabas at alas onse na rin naman ng gabi ay pinaglabanan ko na lang ang katakawan. Alangan naman lumabas pa 'ko para sa isang siopao, 'di ba!

Nagkibit-balikat ito. Nilawakan ko ang pagkakabukas ng pinto para makapasok siya.
Dumiretso kami sa kusina. Kumuha ako ng plates habang inilalabas niya ang binili niya. Nalingunan ko ang paglapit niya sa akin.

"May hot water?"

"Luh! The best ka talaga, Ge!" malakas na ani ko nang makita ang cup noodles. Ang babaw na talaga ng kaligayahan ko.

Dala namin sa sala ang mga pagkain at doon iyon nilantakan habang nanonood ng korean drama na pinapanood ko bago pa siya dumating.

"May pinag-ipunan akong bahay at lupa."

Mabilis akong napalingon sa kanya. Natawa pa ito nang makita ako. Hindi ko pa kasi tuluyang nadadala sa bibig ko lahat ng noodles na nasa tinidor. Mabilis ko 'yong hinigop. Mabilis din ang pagnguya ko at paglunok.

"Talaga?"

Tumango siya. Pinunasan pa ang gilid ng labi ko. "Nakuha ko na at ipapaayos na tutal ay tapos na sa bahay ni Nanay."

Napangiti ako. "Hala! I'm happy for you, Ge!" Isinandal ko ang noo sa kanyang noo. Hindi ko kasi siya mayayakap dahil sa hawak.

Ngumisi siya. "Alam mo na ang ibig sabihin niyan. Ikaw ang iha-hire ko for remodel ng bahay."

"Aba, magtatampo ako kapag hindi ako ang kinuha mo, 'no!"

"Kahit libre?"

"May kilala akong architect. Gusto mong tawagan ko ngayon?"

Malakas siyang natawa.

"Just kidding. But I really want you to remodel it."

"Anong pangarap mong bahay?" tanong ko para makakuha ng ideya sa gagawin sa bahay niya.

"Actually wala, iyon din ang isa sa dahilan kaya ikaw ang kukunin ko. Just do whatever you want. May tiwala naman ako sa'yo, Samantha."

Natitigan ko pa ito kung seryoso ba siya. Tinaas-baba pa ang makabilang kilay. Napailing ako. "Okay. Pagagandahin ko bahay mo."

Napangiti ito.

Gusto ko pa sana siyang usisain kung bakit iyon pa ang napili niyang kunin. Pwede naman kasing lupa na lang para hindi na siya magre-remodel. Pero hindi na lang isinatinig 'yon. Siguro ay nagustuhan niya sa lugar kung saan niya nakita ang bahay na tinutukoy.

Matagal ng pangarap ito ni Gerald, ang magkaroon ng sariling bahay. Hindi niya pa lang napagtuunan ng pansin noon dahil marami pa siyang inasikaso. Isa na roon ang pagpapagawa ng bahay ni Nanay Beth ang pagpapatapos sa dalawang kapatid. Kahit naman daw huli na siya ay ayos lang.

"Nga pala next month na ang birthday ni Nanay Beth. Ano'ng plano ninyo?" tanong ko nang makaupo sa harap niya.

"Simple lang naman ang palaging gusto ni Nanay. Pero sixtieth birthday niya kasi kaya nagplano na sila George last month. Hindi ko lang alam kung ano'ng balak ng dalawang iyon dahil hindi sinasabi sa akin," naiiling na aniya.

"Baka raw kasi kontrahin mo na naman," natatawa kong sabi.

"Paanong hindi ko kokontrahin, eh, puro kalokohan ang naiisip ng dalawang 'yon." Natawa ako dahil para na siyang problemado. "Noong nakaraang taon gusto nilang sa bar i-celebrate ang birthday ni Nanay. Ano 'yon, dalaga?" gulantang na aniya habang nanlalaki ang mga mata niya na ikinahagalpak ko ng tawa.

"Baka kasi gusto lang nilang iparanas 'yon kay Nanay Beth," natatawa pa rin na sabi ko. Maging siya ay natawa na lang sa kalokohan ng dalawang kapatid.

"Ito naman si Nanay, sige lang nang sige. Aba't gusto rin yatang mag party party."

Muli akong napahagalpak ng tawa. Nakangisi siyang napapailing.

"Magkakapatid nga kayo. Puro kayo kalokohan." Pinunasan ko ang naluluhang mata dahil sa ginawang pagtawa.

Nakapangalumbaba siya habang nakangiting nakatitig sa akin. Tikom ang bibig akong ngumiti at itinuon ang tingin sa telebisyon. Nang muli ko siyang tingnan ay ganoon pa rin ang itsura niya. Inihilamos ko ang kamay ko sa kanyang mukha pero hinuli niya lang iyon at hinawakan.

•••

"Coffee again?" tanong niya nang sabihin kong dumaan sa coffee shop. Kagagaling namin sa pakikipag-meeting kay Mrs. Gensolin, our client from Cebu, na maraming negosyo rito sa Manila. "Later ulit, okay lang?" mahinahon niyang tanong.

Napasimangot ako pero hindi naman talaga nalungkot. Well, nalungkot dahil gusto ko ng kape pero hindi dahil sa pagpipigil niya sa akin.

"Come on. Baka hindi ka na naman makatulog at magheart burn ka na naman."

Nawala din naman ang simangot ko matapos niyang sabihin iyon.

"Tubig na lang. Ibibili pa kita ng isang galon," biro niya pa.

Malakas akong natawa. "Tapos maghapon na akong mag-iihi. Sa banyo na ako titira."'

Gerald is my constant reminder na limitahan ang mga bagay na sobra ko nang ginagawa at nakakasama na sa akin, na minsan ay hindi ko na rin napapansin. Too much caffeine, too much sweets... Hindi ko mapigilan ang sariling lalong mahulog kapag ganoon siya. Ramdam na ramdam ko kasi ang malasakit at pag-aalaga niya sa akin.

Nakarating kami sa J.Harolds. Naalala ko pa noong ilang beses akong kinumbinsi ni Gerald na ipapasok niya ako sa firm nila pagka-graduate ko pa lang. At aaminin kong ang paglimot kay Xander ang isa sa dahilan kung bakit ako pumayag. Nakakatawang isipin na noon ay pumunta ako sa Santa Clara para kalimutan ang sakit na naranasan ko sa Manila. Pero bumalik din naman ako rito para kalimutan ang nangyari sa Santa Clara.

Ilang taon ko ring dinamdam ang mga pangyayari. Hindi na lang dahil sa paghihiwalay namin ni Xander, maging ang malalim na dahilan niyon, ang aming mga magulang. Hindi rin mawaglit sa isip ko ang sinabi niyang kasalanan ng mga magulang namin ang naaalala niya sa tuwing titingin sa akin. Dumaan ang mga taon, pero nanatili 'yon sa isip ko. Iyon marahil ang dahilan kung bakit kahit may nararamdaman kay Gerald ay hindi ko magawang maging masaya.

"See you later," mahinang bulong niya bago pa man bumukas ang elevator.

Medyo hectic ang maghapon. Nang sumapit ang alas tres ay napapapikit na ako sa table habang gumagawa ng floor plan para sa bakasyunan ni Mrs. Gensolin. Napatalon pa ako sa kinauupuan nang marinig ang pagtunog ng cellphone ko.

"Oh?" Humihikab na sagot ko kay Gerald.

"Coffee?"

Agad akong tumayo. "Tamang tama inaantok na ako!"

Nagtungo na ako sa pantry. Nakasalubong ko pa ito sa pinto.

"Are you ready for tomorrow?" tanong niya matapos ilapag ang tasa ng kape sa harapan ko.
Mabilis kong itinapat iyon sa ilong at inamoy ang mabangong aroma niyon bago pa humigop. Umupo siya sa tabi ko.

"Yeah. Excited na ako, Ge!" Nasilayan ko ang ngiti niya sa kabila ng paglapit ng tasa sa kanyang bibig. "What about you?"

"What about me?" balik tanong niya.

"Baka umiyak ka roon?" panunukso ko. Mataman siyang tintitigan at hinihintay ang magiging reaksyon niya.

Naaalala ko pa noong minsan niyang sabihin na may gusto siya sa pinsan ko. Naisip ko noong mga panahon na 'yon na napakaswerte ng pinsan ko dahil isang Gerald Lopez ang nahulog sa kanya. At hanggang ngayon hindi ko maiwasang isipin pa rin iyon.

Mahina siyang natawa. "Nakakahiya naman kung iiyak ako roon, Samantha. Baka isipin pa nilang may gusto ako sa isa sa ikakasal."

Umangat ang kilay ko. "Naka-move on ka na ba kay Erika?"

Mataman siyang tumitig sa akin. Napailing pa ito.

"Oh, bakit?"

"Iniisip mo talagang nagkagusto ako sa pinsan mo?" seryoso niyang tanong kahit may bahid ng ngiti sa labi.

"Ha?" Tinitigan ko siya at pinoproseso ang sinabi niya sa isip ko. Nang mapagtanto ang ibig niyang sabihin ay malakas ko siyang hinampas sa braso.

"Aray! Ano ba!" natatawang angil niya at hinimas ang braso niya.

"Lintek ka! Ilang taon ang lumipas pero hindi mo man lang sinabi sa'kin na hindi totoo 'yon?" mahina ngunit mariin kong ani.

"Malay ko bang maniniwala ka roon!" natatawa pa ring aniya.

"At bakit hindi ako maniniwala? Gago ka! Ilang taon mo akong pinaniwala! Letse ka!" Muli ko siyang pinaghahampas sa braso at natatawa pa ito habang isinasangga ang mga kamay sa bawat hampas ko.

"Aray! Tama na!"

"Manloloko!" asik ko. Paikot-ikot na kami dahil panay ang paglayo niya at panay naman ang paghabol ko sa kanya. Nahuli niya ang mga kamay ko kaya natatawa akong nagpupumiglas. "Bitawan mo ako! Manloloko ka!"

"Mamaya kayo ang magkatuluyan, ha!"

Pareho kaming natigilan at sabay na napalingon sa pinto ng pantry. Nakahalukipkip doon si Mirra. Nakatutok sa amin ang nanunuksong tingin nito.

Nagkatinginan kami ni Gerald. Sabay kaming tumikhim nang mapagtantong patagilid itong nakayakap sa akin habang hawak ang mga kamay ko. Agad kaming lumayo sa isa't isa at umupong muli sa lamesa. Sumabog ang malakas na halakhak ni Mirra.

"Love moves in mysterious way," pagkanta pa nito kaya muli ko itong nilingon. Naglalakad na ulit ito paalis.

Muli kong nasulyapan si Gerald na hanggang ngayon ay natatawa kaya muli ko siyang hinampas sa braso. Lalo lang naman itong natawa, kaya ang ending natawa na lang din ako.

Hindi nawala sa isip ko ang natuklasan kanina. Hanggang sa pag-uwi, pagkain, at paghiga sa kama ay iyon ang laman ng isip ko. Hindi talaga gusto ni Gerald si Erika. Pero bakit niya sinabi iyon? Dahil ba makulit ako noon? Teka, hindi ko naman siya kinulit noon, ah?

Hindi kaya sinabi niya lang iyon kasi naiisip niyang wala naman siyang pag-asa na? O baka naman nawala na ang nararamdaman niya sa pinsan ko?

Marahas ang naging pagbuga ko ng hangin. Itinaklob ko na ang unan sa aking mukha at pumikit. Pinilit kong burahin ang mga tumatakbo sa isip. Hindi ako pwedeng magpuyat dahil maaga pa kami bukas.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro