
80
80 #stcon3ras
Napasinghap ako bigla na siyang ikinalingon sa akin ni Kajina. Kaagad siyang nagpaalam sa manager niya na kausap sa tawag at nagmadali siyang lumapit sa amin dito sa kama.
"Why? What's happening?" alarma niyang tanong. Halatang nag-aalala rin.
Nag-angat ako ng tingin sa kaniya. Bahagyang nanginig ang mga labi ko, hindi malaman kung paano ikukuwento ang nangyari.
Binaba ko muli ang tingin sa dalawang buwang gulang na anak ko. Nakahiga ito sa gitna ng kama. Medyo nakanganga pa at nakatutok ang mga mata sa kawalan. Nasa ere ang naglilikot niyang mga kamay at paa.
Ang liit-liit pa talaga ng mga galamay niya. Galamay din ba ang tawag diyan? Ah, basta... mga braso at binti.
"Tinitigan ako... Nginitian ako... tapos parang... kumikinang 'yung mga mata niya habang nakatingin sa'kin," mabagal na kwento ko dahil sa pagkamangha. Pagkatapos kong magsalita ay saka ko lang naalis ang mga mata sa anak para tingnan si Kajina.
Hinampas niya ako sa braso. "Silly! I thought it's something bad!"
Napakagat ako sa ilalim kong labi. Hindi nga naman ito ang unang beses na nginitian ako ng anak ko. Pero kasalanan ko bang espesyal ang bawat pagkakataon na palaging matindi ang epekto sa akin? Palaging nahihigit ng mga titig at ngiti niya ang hininga ko.
Wala pa siyang ngipin kaya mukha siyang bungal kung ngumiti. Ganyan kung ilarawan ni Rael. Nakakatawa nga rin.
"Sorry..." mahinang sabi ko.
Bumuntong hininga si Kajina. "It's okay. I'll just finish talking to my manager and then I will feed our baby na, okay? I'll make this quick..." Ngumuso siya nang tiningnan ang anak namin.
Tumango ako. Bumalik na siya sa tapat ng sliding door ng kuwarto namin na patungo sa veranda. Ilang segundo lang ay kausap na ulit ang manager.
Wala muna sana siyang tatanggapin na kahit anong offer dahil nga sa anak namin. Pero mayroong gusto talaga siyang kunin. Kaya ang pinagbibigyan niya ngayon ay ang mga advertisement lang na may kinalaman sa pagiging ina.
Gumapang ako at tila nag-plank position sa ibabaw ng anak ko. Gago! Nginitian na nanaman ako. Napangiti rin tuloy ako.
Hindi ko napigilan at pinatakan ko ng halik ang nakabukas niyang bibig. Hindi ko rin alam bakit laging nakanganga, e.
Basa tuloy ng laway niya ang nguso ko. Tapos sobrang amoy baby. Ang bango.
Parang napahawak ang magkabilaan niyang maliliit na kamay sa magkabilaang gilid ng ulo ko. Hinawakan ko rin ang mga iyon at hinalikan ang maliliit niyang palad.
Sabi nina Mama, Papa, at mga magulang ni Kajina... mas kamukha ko raw itong anak namin. Lalo at lalaki rin. Kwento pa nga ni Mama, parang ibinalik siya sa oras na ipinanganak niya ako.
Marahan akong huminga nang malalim. Gusto ko lang naman si Kajina dati, e. Tapos ngayon... dala-dala niya na ang apelyido ko? At may anak na rin kami?
Iyong pakiramdam, tila pangarap nga na natupad. Walang katumbas. Hindi pa rin talaga ako lubos na makapaniwala.
* * *
"Leal..." tawag sa akin ni Tito Alfred isang araw noon habang bakasyon.
Tinigil ko ang mahinang pagkaskas sa lumang gitara. "Po?"
"Pwede ka bang mamalengke, 'nak? Dadating kasi anak ko mamaya galing Makati..."
Hindi naman nilihim sa akin kung anong nagawa ni Mama. Bata pa ako noon at walang muwang. Kung ngayong edad sana, kakausapin ko si Mama. Kasi kahit saang anggulo, mali 'yon, e. Kaso lang, nandito na kami.
Kapag gumagala kami nina Rael, may mga pagkakataong nakakasalamuha ko iyong mga asawa o girlfriend ng mga naging lalaki ni Mama noon.
Sa akin nila naibubuhos minsan kahit matagal nang tapos ang mga asawa nila at si Mama. Ang sasakit nila magsalita tungkol sa Mama ko kaso totoo naman kasi lahat iyon kaya iniintindi ko na lang sila.
Hindi rin naman nilihim sa akin na may anak na dati si Tito Alfred. Pero ito yata ang unang beses na magagawi rito sa La Union iyong anak niya.
"Yzlrey! Uwi na!" sigaw ko sa kapatid ko na kasama ang mga kalaro sa labas. "'Di ka pa kumakain, anong oras na!"
Napakamot sa batok ang kapatid ko. Bubwit. Ang cute. Pinigilan kong matawa dahil dapat galit ako. Totoo naman kasing ala una na tapos hindi pa nagtatanghalian.
Papadyak-padyak ang lakad niya pauwi sa bahay namin. Napailing na lang ako bago ko nakita si Rael na kumakanta habang papalapit sa akin.
"Saan lakad mo?" tanong ni Rael sa pagitan ng liriko ng kinakanta.
"Oh, bagong compose mo?" puna ko, sa halip na sagutin siya.
Tumango siya, patuloy sa pagkanta. Ang ingay-ingay niya habang naglalakad kami. Sanay naman ako. Kami ni Keen.
Maayos rin naman ang liriko. Kaso hindi bagay ang tono. Binibirit niya kahit hindi bagay. Pero ibig sabihin no'n, hindi pa niya talaga nalalapatan ng tono. Trip niya lang ang tono ngayon. Mukha siyang tanga, e.
Sinamahan ako ni Rael sa Public Market. Nagbi-beats na siya bigla kada madadaanan naming nagtitinda. Naiiling na lang ako habang namimili ng isda.
Kinagabihan ng araw na iyon, alam kong masarap ang ulam namin. Nakatulog ako bandang hapon at masarap na aroma agad sa bahay ang gumising sa akin.
Gabi na pala. Nasa hapag na silang lahat nang papalapit ako at nag-uunat.
"Anak! Hindi na kita ginising at ang sarap ng tulog mo! Tara na rito!" si Mama at agad akong pinaghanda sa plato.
Ang mga mata ko naman ay nakatutok doon sa babaeng nakaupo sa madalas kong upuan. Likod lang niya ang kita ko. Iyan na yata ang anak ni Tito Alfred.
Ano nga ulit pangalan nito? Parang... Kajina yata?
Hindi na nila napansin na wala akong upuan sa hapag dahil abala sila na tanong-tanungin si Kajina na puro kibit balikat o tango lang naman ang sagot.
Pumwesto na lang ako sa may lababo at kumain ng nakatayo. Kitang-kita ko na ang itsura ni Kajina. Saglit pa akong natigilan sa pagsubo muli ng pagkain.
Parang nanghihila ng kaluluwa ang mga mata niyang kakaiba ang kulay. Sa pagkakaalam ko, purong ibang lahi ang mama niya pero rito ipinanganak at lumaki sa bansa. Maganda pala 'tong anak ni Tito Alfred. Napagtanto ko lang at muling sumubo.
Nasamid ako nang tumama ang mga mata niya sa akin. Nagbara talaga iyong kanin sa lalamunan ko. Parang may umakyat din sa taas... pa-ilong. Tanginang 'yan.
Napaubo pa ako pero pinilit ko iyong hinaan habang kumukuha ng tubig. Nahuli akong nakatingin! Nakakatitig! Gago!
Hindi naman ako napansin nina Mama na halos mamatay-matay na rito sa may lababo gawa ng kanin na 'to at niyang kinakausap nila!
Pero nakaligtas naman ako at buhay pa rin. Ipinagpatuloy ko ang pagkain at ipinagpatuloy naman noong si Kajina ang prangkang pag-ignora kina Mama sa hapag.
Napakasungit ni Kajina kasama sa bahay. Kahit anong kilos ko, umiirap siya. Kahit ultimo paghinga ko nga yata, iniirapan niya, e.
Kaya madalas akong nasa labas na lang kasama sina Keen at Rael. Uupo lang kami doon sa may semento ng landscape nina Jhazmin tapos kakanta. Hindi naman nagrereklamo sina Jhazmin. Nanonood pa nga sila, e.
"Hoy, Leal!" saway ni Rael nang mabitawan ko ang mga kuwerdas sa fretboard.
Paano kasi, lumabas si Kajina sa bahay tapos kami agad nagkatinginan.
Siyempre iyong tingin niya, ang talim na naman. Umupo siya sa may bato roon sa tabi. Nakahalukipkip siya at parang iritang-irita sa lahat.
Peke akong umubo at inayos na ulit ang mga daliri. "G-Game na ulit."
Tumango lang si Rael at hinintay kami ni Keen na magsimula ulit sa gitara bago siya kumanta. Kaso tumigil ulit siya dahil sa akin. Maging si Keen na tahimik at mukhang naiirita na sa pag-uulit-ulit namin ay tumigil.
"Ano na?" si Keen, iritado.
"Ano na?" si Rael sa akin. Lakas ng boses! Kaunti na lang ipapasak ko na talaga kamay ko sa bibig niya nang maalis na iyang lintik na megaphone sa lalamunan niya.
Umiling ako at pekeng umubo. "Ikaw na lang..." mahinang sabi ko.
"Leal, weh, ang duga!" si Jhazmin na nag-iisa naming audience ngayong tanghali. "Dalawa kayo ni Rael kumakanta, e! 'Wag ka ngang madamot sa boses mo, dali na!"
"Ayoko na, Jas. Kati na pala ng lalamunan ko." Umubo-ubo pa ako.
"Dali na, ang duga. Mas maganda pa boses mo kay Rael, e."
Napasinghap si Rael. "Aba, hoy, Jhazmin!" Nagpameywang pa ito kahit nakaupo.
Nailing lang ako. Hindi naman totoo 'yon. Sabi nga namin, kung bubuo talaga kami ng banda, si Rael sa vocals. Marunong din ako kung sa boses. Pero si Rael 'yung pang-bokalista talaga.
Si Keen, hindi ko alam. Hindi ko pa naririnig kumanta.
Kahit anong pilit nila na sumabay ulit ako kay Rael, 'di na talaga ako kumanta. Ewan ko rin. Si Kajina kasi. Ba't ba siya nanonood? Naiilang ako, e.
Bumalik na lang kaya siya sa bahay, tutal ayaw niya naman sa amin. Halata naman iyon. Sa sama pa lang ng tingin segu-segundo, e.
Sa kalagitnaan ng panibagong kanta... Kahit 'di naman ako nakatingin, naaninag ko na tumayo si Kajina. Napaangat agad ako ng tingin at napatigil sa pagkalabit ng kuwerdas nang lumakad siya tungo sa may kalsada.
"Leal!" tawag nina Rael nang walang pag-aatubili akong tumayo at sumunod kay Kajina.
"Saglit! Diyan lang kayo!" sabi ko sa kanila nang lingunin. "Si..." Kumunot ang noo ko. "Kasi... 'yung kapatid ko, e."
"Huh? 'Yung si Kajina? 'Di mo naman 'yun kapatid!" si Rael.
"Kapatid niya 'yon!" si Jhazmin.
"Hindi nga!"
Natuon sila sa pagtatalo kaya nakatakas na ako. Sinundan ko na rin si Kajina. Saan ba siya pupunta? 'Di naman siya maalam dito sa lugar namin.
'Di ko pala nabitawan ang gitara kaya kasama ko pabuntot kay Kajina. Hindi ko na siya tinawag noong napansin kong may katawagan pala siya.
"I don't know, Sands! Ewan ko sa kanila!" Hinihinaan niya ang boses ngunit diin na diin kaya alam mong inis na inis. "'Di naman kasi nila alam, e! Akala nila ang dali?"
Napatigil ako kasi parang nakuha ko agad ang ibig niyang sabihin. Mas napatigagal ako lalo na noong nakarinig ako ng isang hikbi.
"Ayaw ko rito..." nanginginig na ang boses ni Kajina. "Please, Sandra. Please help me. Sunduin niyo ako rito tapos kahit diyan na lang muna ako sa inyo, please..."
Kaso mukhang humindi ang hinihingan niya ng tulong dahil bumagsak ang mga balikat niya. Parang nalungkot ako para sa kaniya.
"Huy."
Napalundag din ang mga balikat ko nang may bubwit na tumusok sa tagiliran ko. Sinamaan ko ng tingin ang kapatid ko.
Tumawa siya nang walang tunog, takot din na marinig ni Kajina. "Kain na raw, Kuya." Itinuro niya naman si Kajina. "Tawagin mo na si Ate," bulong nito.
"Ikaw na."
Mabilis niyang iniling ang ulo. "'Yoko. Katakot."
Mahina akong natawa. Totoo.
Tinanguan ko na lang si Yzl. "Una ka na."
"Sige."
Kumunot ang noo ko. "Umuwi ka na, ah? Baka sa ibang bahay ka na naman diretso?"
"Tapos na kaming maglaro, Kuya! Gutom na rin kaya uuwi na ako. Saka nakita na ako ni Papa, 'no. Inutusan na nga akong tawagin kayo, e."
Nang umalis si Yzl ay hindi pa rin tapos si Kajina sa pakikipag-usap. Nakatalikod pa rin siya sa kung nasaan ako. Nakatingin lang siya roon sa may kalsada habang nakatayo.
Naisipan ko munang umupo sa may sementong nakausli sa bahay ng Tita ni Jhazmin. Niyakap ko lang ang gitara ko habang pinanonood si Kajina.
Ang tagal naman. Nagugutom na rin ako. Sino ba 'yang kausap niyan?
Nang halong inip at gutom na ang naramdaman ko, sinubukan kong magpapansin sa pamamagitan ng pagkalabit sa kuwerdas.
Napatuwid ako ng likod sa gulat dahil sa unang kalabit pa lang ay marahas na ang paglingon ni Kajina rito. Matic din agad iyong talim sa mga mata nito.
"What are you doing there?"
Tumungo ang kamay ko sa likod ng ulo at bahagyang ginulo ang buhok ko roon. "Ah... Kakain na raw sabi ni Tito."
Wala siyang kahit anong sinabi at bumalik sa katawagan. Nag-usap pa rin sila sandali at naghintay pa rin ako.
Nang sa tingin ko ay tapos na ang linya, dire-diretso akong nilagpasan ni Kajina. Sinundan ko na lang. Noong napadaan kina Rael, tumigil muna ako at hinatid na lang siya ng tingin.
"Sama ng mukha ng kapatid mo, ah?" puna ni Jhazmin.
Kumibit balikat ako. "Paborito niya ang pag-irap." Hindi ko napigilang sabihin.
Humalakhak si Rael. "Halata naman. Ingat kamo siya, baka hindi na makabalik sa harap 'yung itim ng mga mata niya!"
"Gago," napakomento si Keen.
Napailing na lang ako. "Kakain na kami. Kayo? Uwi ba kayo?" tanong ko sa mga pinsan ko.
Mabilis ang pagtayo ni Rael. "Pakain!"
Tumango na lang ako dahil nakagawian na rin naman iyon. Si Jhazmin naman ay pumasok na sa bahay nila nang umalis kaming tatlo.
"Ba't ba irap 'yan ng irap sa'kin?" napatanong ako nang mahina noong nakasalubong naming tatlo si Kajina sa loob ng bahay.
"Hala, baka may kung ano na 'yan sa mata. Sabihin mo kay Tito, ipatingin na sa doktor," suhestiyon ni Rael, walang halong pagbibiro at tunog nag-aalala pa nga.
"Naiirita siya," sabi naman ni Keen.
"Bakit nga? Nananahimik naman ako."
Kumibit balikat na lang ang dalawa. Bumuntong hininga ako at nagsimula kaming kumain. Sa sala kaming tatlo nakapuwesto habang kumakain. Malapit lang din naman ang hapag kaya parang sama-sama pa rin.
Panay ang kausap nina Tito Alfred kay Kajina na puro tango, iling, kibit balikat, at isang salita lang ang sagot. Buti nandiyan si Rael.
"Grabe, sakit ng likod ko. Binuhat ko ba naman buong usapan," bulong ni Rael, na katabi ko, matapos dumighay.
"Wala namang kuwenta pinagsasabi mo," asar ni Keen, nasa kabilang tabi ko.
Lumabi ng mura si Rael sa pinsan namin saka tumayo at dumiretso sa lababo para ilapag ang plato. "Tita, tapos na 'ko. Uwi na 'ko. Salamat po."
"Hep, hep, hep! Maghugas ng pinagkainan, Israel!" pigil ni Mama.
Napakamot sa batok si Rael. "Tita Lira naman, e..."
Tinawanan ko si Rael. Buti at siya ang nakita ni Mama, hindi ako. Pero ayos lang naman dahil sanay naman akong maghugas. Natutuwa lang ako na si Rael ang inuutusan ngayon.
"Tabi nga." Si Keen na ginitgit si Rael. "Ako na, Tita."
Si Rael talaga ang pinakatamad sa aming tatlo.
Nakipaglaro muna si Rael kay Yzl ng sawsaw suka sa sala habang hinihintay si Keen. Sa sala rin kami pumwesto nina Mama at Tito Alfred upang manood sa TV.
si Kajina, nakita ko siyang tumungo na sa nag-iisang kuwarto. Mula noong nagpunta siya rito, sila ni Yzl ang natutulog doon. Kaming tatlo nina Mama ay sa sala.
"Tito..." tawag ko kay Tito Alfred habang nanonood kami. Nang lingunin niya ako ay nagpatuloy na ako. "Pauwiin na natin si Kajina sa kanila."
Napalingon silang lahat sa akin. Maging si Yzl at Rael ay nahinto sa paglalaro.
"Hala, si Leal ang sama ng ugali!" singhap ni Rael.
"Ano ka, Kuya, 'yung stepsisters ni Cinderella?" si Yzl naman.
Doon ko lang napagtanto ang naging dating ng sinabi ko. Nanlaki pa ang mga mata ko nang nakita ang masamang tingin ni Tito Alfred sa akin.
"Ano 'yan, Leal? Huwag mong sabihin na hindi mo tinatrato nang maganda ang anak ko? Bakit gusto mong paalisin dito? Anak ko 'yun, Leal."
Napagalitan pa ako!
"H-Hindi sa gano'n, Tito. Baka lang po kasi ayaw niya rito?" sabi ko kahit siguradong ayaw nga ni Kajina rito. Pero ayoko namang sabihin sa kanila ang mga narinig at nakita ko kanina dahil baka ayaw niyon ni Kajina.
Umiling-iling si Tito Alfred. "Kaya nga siya nandito dahil sinusuyo ko... Importante sa akin 'yang anak ko na 'yan kahit nagkamali ako sa nanay niya. Mahal ko 'yan si Kajina kahit ayaw sa'kin."
Bumuntong hininga na lang ako.
Saktong lumabas si Kajina sa maliit na silid at napatingin dito. Ako lang ata ang naabutan niyang nakatingin. Ayun, nairapan na naman bago siya pumunta sa banyo.
Napabuntong hininga na lang ulit ako.
Kalaunan naman ay... nahuli ko na lang ang sarili na nahuhumaling sa bawat pag-irap ni Kajina. Imbis mainis, natutuwa pa ang lintik kong sarili.
Sobrang taray. Pero... dalang-dala yata ako, ah.
Pabor naman ako nang umuwi siya matapos lang ang isang linggo dahil iyon naman ang gusto niya, 'di ba? Hindi ko lang alam kung bakit parang ang bigat sa dibdib niyon.
Nalimutan ko rin naman iyon. Kaso kada dating ng mga bakasyon? Parang hindi na lang yata si Tito Alfred ang umaasa na may darating na bisitang mahilig mang-irap o tumingin nang masama.
Mukha namang masaya si Kajina sa Maynila dahil doon ang buhay niya. Hindi niya lang alam, laging may naghihintay sa kanya rito sa La Union. Ang Papa niya. Saka... ako.
Talagang talo si The Flash nitong damdamin ko.
* * *
"Hoy, Leal! Tagal mo namang bumalik sa baba!"
Parehas kaming nagulat ng anak ko. Sinamaan ko ng tingin si Rael na dire-diretso lang na pumasok sa kuwarto namin. Si Keen naman ay humalukipkip at sumandal lang sa hamba ng pintuan.
Nandito sila sa bahay namin ni Kajina para lang mambuwisit. Si Rael lang talaga iyon... alam kong nakaladkad lang si Keen.
Mabilis na umupo si Rael sa kama. "KFC!" galak na galak niyang tawag sa anak ko.
"Isa pang KFC mo," banta ko.
Iyon kasi ang tawag niya riyan sa pamangkin niya kaya naiinis ang asawa ko. Siyempre, pinag-isipan namin ang pangalan tapos KFC ang itatawag. Kung hindi ba naman gago.
"KFC," aniya, iniinis ako.
Masama ko siyang tinitigan na ikinatawa niya lalo. Buti na lang at abala pa sa kausap si Kajina, hindi siya napapansin.
"Oh, bakit?" Nagtaas ng kilay si Rael. "Kajan Fidelis Contreras. KFC naman talaga!"
"Kajan," giit ko. Hindi KFC."
"KFC! Yum!" Dinakma niya ang malaman na binti ng anak ko at kinagat.
"Israel!" saway ko nang pati ang braso ng anak ko ay nilantakan. Kung kaya na niyang magsalita, siguradong mandidiri 'yan sa laway ng Tito niya.
"Hoy, Keen! Tara rito, kumuha ka ng gravy!"
"Ewan ko sa'yo," dinig kong tinig ni Keen kasama ang tunog ng pagtapak ng boots nito. Kinuha niya ang gitara ko sa may stand at doon tinuon ang atensyon.
"Tigilan mo na nga," saway ko at binuhat na ang anak palayo sa kaniya.
"Napakadamot mo, Leal. Ayaw mong i-share 'yang luto niyo ni Kajina."
Umiling-iling lang ako at nilapag na ulit si Kajan nang maayos sa kama, medyo nilayo kay Rael. Lagot kami sa Mommy nito kapag umiyak.
"Paano ba 'yan lutuin?"
"Magpakasal ka, malalaman mo," ismid ko, naiirita na sa pinsan.
Suminghap siya. "Hay, ang sarap ni KFC. Ang sarap niyong magluto ni Dorajina."
Kaunti na lang at matatadyakan ko na talaga si Rael palabas ng bahay namin. Kung bakit kasi nito naisip na dito tumambay bago ang commercial shoot nila para sa isang facial cleanser.
Bukod pa roon, pinaalalahanan din nila kami tungkol sa kasal ni Jhazmin na imbitado kaming lahat, maging si Kajina.
Hindi naging malapit na magkaibigan si Kajina at ang kababata namin na iyon. Pero kusa na iyong humingi ng tawad sa asawa ko kaya wala na akong problema roon. Isa pa, masaya na rin si Jas. Masaya ako para sa kaniya.
"Leal..."
Napaangat ako ng tingin at nakita si Kajina na nakatayo na sa gilid ko. Naintindihan ko na agad ang tingin niya sa akin.
Lumingon agad ako sa mga pinsan ko. "Lumayas na kayo ni Keen, Israel. Gutom na anak ko."
"Ah, breastfeed na ba? Tara na nga, Keen. Puputok na ugat ni Leal sa sobrang inis sa atin, e." Humalakhak si Rael. 'Di naman ako natuwa. "Baka ma-late na rin ako."
Tahimik na ibinalik ni Keen sa stand ang isang gitara ko at sumunod kay Rael. Kumaway pa si Rael dito sa amin nang nasa hamba na sila.
"Bye, KFC! Mahal ka ni Tito slash Ninong Rael, tandaan mo 'yan!"
"It's Kajan Fidelis, Israel!" sigaw ni Kajina. Ayan na.
"It's KFC, Dorajina!" balik ni Rael at sinarado na ang pinto. Pagtawa niya pa ang huli naming narinig.
Nakasimangot na tuloy si Kajina nang umupo sa kama. Umiiling-iling pa siya nang binuhat si Kajan at sumandal siya sa headboard.
Gumapang ako sa kama at tumabi sa kanya. Inakbayan ko siya at sa dibdib ko pinasandal. Pinanood ko siyang ilabas ang isang dibdib para kay Kajan.
Ganito lang kami madalas. Sa tuwing magb-breastfeed si Kajan, gusto ko katabi nila ako. Ang payapa nilang panoorin na dalawa.
"Kumusta 'yung mga nakausap mo?"
"Hmm... I cancelled one project. Matatamaan ang May 8. You know, I want to celebrate it because it's my first birthday as a mother," kwento niya, nakatunghay lang kay Kajan.
Tumango lang ako. Naalala ko rin tuloy kung paanong habang birthday ko at ni Jesus Christ, isinisilang ni Kajina ang anak namin nitong nakaraang taon.
Hindi ko alam kung sinadya niya ba pero parehas kami ng kaarawan ng anak namin. Parang regalo niya na rin tuloy sa akin ang anak namin. Hmm.. Nasasadya ba ang due date? Parang hindi naman.
Maduga lang din dahil iyong doktor na nagpaanak kay Kajina ang nagbukas ng regalo niya sa akin. Anong karapatan no'n, ha?
Biro lang. Saka na lang kapag marunong na akong magpaanak.
"Leal?" biglang tawag ni Kajina.
"Hmm?"
"Thank you. For everything... For the things you've done, and even for the things you haven't done yet."
Hinalikan ko ang lantad na balikat nito dahil sleeveless ang suot. Pinulupot ko ang aking braso sa baywang niya at idinantay ang pisngi sa gilid ng ulo niya.
"Basta ikaw, Kajina. Basta kayong dalawa ni Kajan."
Pinagmasdan ko ang anak sa may dibdib ni Kajina. Nagb-breastfeed lang naman siya pero ang cute niya talaga sa paningin ko. Natatawa si Kajina na para akong laging nanggigigil.
Kung ang Mommy niya ang pinakamaganda, siya naman ang pinaka-cute. Parehas ko silang pinakamamahal. Silang dalawa ang pinaka sa lahat ng pinaka.
Habang buhay. At kahit hanggang sa kabila o sa susunod na buhay pa.
finished
Thank you for reading this!
See you again soon. ◡̈
tinyurl.com/KajinaPlaylist
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro