Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 32

Nakatikom lang ang mga labi ni Gabriella kahit pa tudo ngiti ang Daddy niya at kinawayan pa siya nito. Wala siya sa mood na ngumiti kanina pero mas lumala pa ang tupak niya ngayon. Wala na talaga siya sa mood kahit pa ngumiti na lang ng peke. Sinabihan siya ng Daddy niya na lumapit kaya wala siyang nagawa kun’di ang humakbang habang hinihiling na sana namamalikmata lang siya at mawala si Rey Jhon sa paningin niya.

Marami naman sanang puwedeng manligaw sa kaniya, bakit si Rey Jhon pa talaga? Marami pa naman sanang single sa mundo pero bakit parang naubusan yata siya? Okay na sa kaniya kahit isa lang ang mata o hindi kaya isa lang ang ngipin, basta huwag lang si Rey Jhon. Ikamamatay niya ‘yon. Makita nga lang ito ay sumasakit na ang ulo niya.

Hindi kaya nasobrahan ka na sa kaartehan, Gabriella? Tanong ng utak niya.

Hindi siya maarte, sadiyang iyon talaga ang katotohanan. Katotohanan na wala siyang kayang gawin upang baguhin. At kung meron man, hindi siya magsasayang ng panahon para lang baguhin ang katotohanan na ‘yon.

Hinakbang niya ang pagitan nila ng kaniyang Daddy na hindi hinayaang dumapo ang mata niya sa puwesto ni Rey Jhon. Binilisan niya ang paglakad at agad na tumabi sa kaniyang Daddy at pinagalitan ang sarili dahil nakalimutan pa niyang bitbitin ang cellphone niya.

Ang malas mo talaga. Hindi naman siguro halatang excited kang makita si Rey Jhon, ‘no? Tudyo ulit ng utak niya.

Palihim niyang pinaikot ang mga mata. Wala siyang nakikitang dahilan para ma-excite. Minsan talaga hindi nakikiayon ang utak niya sa mga gusto niya.

Ang mga kuko na lang niya sa kamay ang napagdiskitahan niya. Mas gugustuhin na lang niyang masira ang mga kuko, huwag lang makita ang mukha ng mukong na ‘yon. Pero nakadalawang kiskis palang siya sa kuko niya nang biglang dumapo ang palad ng Daddy niya sa kaniyang balikat.

“You know what, Gabriella. Medyo matagal na palang nakabalik itong si Rey Jhon pero hindi man lang naisipang dumalaw sa atin dito. Anong gusto mong gawin natin sa lalaking ‘to?” tumatawang tanong sa kaniya ng kaniyang Daddy.

Balatan ng buhay para hindi na bumalik, lihim niyang bulong sa sarili at pinagpatuloy ang ginagawa.

“At ang mas nakakasakit ng loob, anak. Teacher na pala pero—” Sinapo ng Daddy niya ang sariling noo at napailing. “Hindi man lang talaga tayo sinabihan.”

Kailangan ba na i-inform talaga tayo, Dad? Ni hindi nga tayo na-inform no’ng umalis siya eh, bulong na naman niya sa sarili.

“Alam ko po na teacher na siya, Dad. Instructor ko po siya sa isang subject ko.”

Bumalot ang halakhak ng kaniyang Daddy sa buong sala kaya muli siyang napailing. Ano bang nakatatawa sa balitang ‘yon? Siyempre magiging teacher ang baklang ‘to dahil education naman ang kinuha nito sa college. Hindi na dapat ipagkataka ‘yon. Masiyado lang talagang over-reacting ang Daddy niya.

Muli na lang niyang tinanggal ang nail polish niya sa kuko. Bakit kasi naiwan niya ang cellphone niya, sayang tuloy ang nail polish niya.

“Bakit hindi mo sinabing instructor ka pala nitong anak ko, Rey Jhon?” tanong ng kaniyang Daddy. “Iba talaga maglaro ang tadhana, ano? Hindi mo talaga mahulaan. Dati, babysitter ka lang nitong anak ko, tapos ngayon ay instructor na. Excited tuloy akong malaman kung ano ang susunod.”

Literal na nalaglag ang panga niya sa sentence na ‘yon. Natigil siya sa ginagawa at tahimik na tiningnan si Rey Jhon na nakatingin din pala sa kaniya. Naningkit ang mga mata niya habang pinagmamasdan ang lalaki. Ano kayang pinakain nito sa Daddy niya at masiyado itong nagiging OA. Hindi naman ganito ang nai-imagine niya noon kung sakaling muling magkita ang Daddy niya at si Rey Jhon.

“Iyon nga po ang dahilan kung bakit ako nandito, Don Franco. Gusto ko po sanang—”

Ibinagsak niya ang mga palad sa mesa kasabay ng kaniyang pagtayo. Hindi siya papayag na marinig ng Daddy niya ang rason kung bakit nandito si Rey Jhon. Alam na niya kung ano ang sasabihin nito sa kaniyang Daddy. At hindi talaga siya papayag na mangyari ‘yon.

“Anak?”

Hindi niya pinansin ang kaniyang Daddy at umalis sa kaniyang puwesto. Nag-iinit ang ulo niya at baka kung hindi siya umalis ngayon ay pumutok ang ulo niya sa init.

“Gabriella, where are you going?” tanong ulit ng kaniyang Daddy.

Hindi siya lumingon. Baka kapag lumingon siya ay muling magtagpo ang mga mata nila ni Rey Jhon. Mas lalo lang umiinit ang ulo niya.

“Kukuha lang po ako ng karayom, Dad. May tutusukin kasi ako para mabawasan ang hangin ng hambog na ‘yan,” mahina niyang bulong na sinigurado niyang si Rey Jhon lang ang makaririnig.

“Ano ‘yon, Gab?”

Nakahinga siya nang maluwag sa tanong ng kaniyang Daddy. Hindi pala talaga nito narinig ang binulong niya.

“Sabi ko po, kukunin ko lang ang cellphone ko sa room ko po. Naiwan ko kasi, Dad.”

Mabilis ang mga hakbang niya para makaalis agad siya.

“Pasensiya ka na, Rey Jhon. Alam mo naman ang babae na ‘yon, hindi kayang mabuhay kapag walang cellphone.” Muling tumawa ang kaniyang Daddy. “Ano nga ulit ang reason mo kung bakit ka napadalaw?”

*****

Lumipas ulit ang isang linggo na hindi nakita ni Gabriella si Rey Jhon. Laking pasasalamat niya dahil sa wakas ay nakaramdam ulit siya ng payapa. Walang nangungulit at walang naninira sa araw niya.

On time niya ring natatapos ang mga activities niya dahil na rin sa hindi pangungulit sa kaniya ni Rey Jhon. Kahit saan siya magpunta ay hindi siya nito sinusundan. Formal nga ito kung makipag-usap sa kaniya sa campus na para bang estudyante lang talaga ang turing nito sa kaniya.

“Eh, bakit parang nanghihinayang ka? Diba ‘yon ang gusto mo? Na hindi ka niya binibigyan ng special attention?” tudyo ng utak niya.

Wala sa oras niyang napaikot ang mga mata at isinandig ang likod sa sofa. Hindi siya nanghihinayang, nagpapasalamat pa nga siya dahil hindi na ito parang baliw kasusunod sa kaniya. Hindi kaya nakatutuwa na parang kulang na lang ay tutusukin na siya ng mga kapwa niya estudyante na may gusto kay Rey Jhon.

Iba talaga kapag guwapo, bulong niya sa sarili.

Nag-open na lang siya ng TikTok app at nanonood ng mga videos doon. Mai-stress lang talaga siya kapag si Rey Jhon ang iniisip niya.

Bakit mo rin kasi iniisip? Muling panunukso ng utak niya.

Natigil ang panonood niya sa TikTok nang may biglang kumatok sa pinto. Napakunot agad ang noo niya at tinawag ang isa nilang kasambahay pero mawawala na lang yata ang boses niya pero hindi pa rin siya nito naririnig.

“K-drama na naman, Jona!” sigaw niya at nagpasiyang siya na lang ang magbubukas.

Nang makalapit siya sa pinto ay agad niya iyong binuksan at natigilan sa nakita.

“Hi!” bati nito sa kaniya at tudo ngiti pa.

Napaismid siya at pinaikot ang mga mata. “Bakit ka na naman nandito? Wala si Daddy, umuwi ka na,” matigas niyang sabi at napatingin sa hawak nitong bouquet ng red roses.

“Flowers for you,” anito at ngumiti.

“I don't like red roses.”

Mabilis nitong itinapon ang bulaklak at may kinuha sa bulsa nito.

“Chocolates for you.”

“Hindi ako mahilig sa chocolate.”

Hinihintay niyang itapon din nito ang chocolate pero hindi iyon nangyari. Ibinalik nito sa bulsa ang chocolate at muling humarap sa kaniya.

“Rey Jhon for you. Don't tell me, ayaw mo rin sa’kin.”

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro