Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 24

Huni ng mga ibon ang pumukaw sa diwa ni Gabriella. Halos ayaw pa nga niyang ibuka ang mga mata dahil ramdam na ramdam niya ang malambot na unan na para bang hinihila siya pabalik sa kaniyang pagtulog. Kahit gusto ng utak niyang bumangon para tingnan kung bakit naririnig niya ang huni ng mga ibon.

Paano magkakaroon ng ibon malapit sa kuwarto niya? Ni kapitbahay nga nilang may puno ay tudo social distancing dahil ilang metro pa ang lalakarin niya para lang marating ang bahay na ‘yon.

Hindi siya nagpadaig sa mga katanungan na nasa utak niya ngayon. Napakasarap ng kumot niya kaya mas inuna na lang niyang matulog kaysa sa alamin kung ano ang sagot sa mga tanong niya.

Baka bumili si Daddy ng ibon, bulong ng utak niya.

Pero...

Impossible dahil nasa Manila ang Daddy niya ngayon.

Dagli siyang napabangon at inalis ang kumot sa kaniyang katawan. Pero sa lambot palang ng kumot ay may hinala na siya. Hindi naman niya natandaang nagpalit ng kumot ang maid nila kaya impossible na napalitan ang kumot niya.

Mabilis pa sa alas-kuwatro siyang nagdilat at pinalibot ang mga mata. Daig pa niya ang tumakbo ng ilang kilometro sa paraan ng kaniyang paghabol ng hininga habang palinga-linga. Hindi pamilyar sa kaniya ang bawat sulok ng kuwarto.

“Kaninong kuwarto ‘to?”

Halos hindi na siya naghintay pa ng ilang segundo para tumayo at lapitan ang pinto. Pero imbes na hawakan ang door knob ay tumalikod siya at sumandal sa pintong gawa sa kahoy. Sapo niya ang dibdib at dinama ang kaniyang bawat paglanghap ng hangin na para pang hinahabol niya ang kaniyang sariling hininga.

“Nasaan ako?”

Inilibot niya ang kaniyang paningin at hindi man lang ginalaw ang kaniyang ulo. Tanging mga mata lang ang kaniyang ginamit habang nasa bandang dibdib pa rin ang kaniyang palad at sunod-sunod ang kaniyang paglunok ng laway. Ang mas lalong nagpabilis ng pagpintig ng kaniyang puso ay ang tshirt na sobrang napakapamilyar sa kaniyang paningin na nakasabit sa isang upuan.

Pinilit niyang inihakbang ang kaniyang mga paa at ibinaba ang kaniyang nanginginig na palad. Pilit niyang nilalabanan ang conclusion na baka tama ang kaniyang hinala kung sino ang may-ari ng kuwartong ‘to.

Kalaban niya ang pagpintig ng kaniyang puso at pilit na isinawalang-bahala ang kaniyang kaba ngayon. Bawat hakbang niya ay pinipilit niyang huwag makalikha ng kung anumang ingay. Bakit kasi nandito siya sa kuwartong ‘to? Wala naman siyang maalala na may nakainuman siya kagabi.

Isang hakbang na lang ang gagawin niya at maaabot na niya ang t-shirt. Agad siyang natigilan, kahit hindi na niya hawakan ang t-shirt ay mukhang tama nga ang hinala niya. Ito ang t-shirt na binigay niya kay Rey Jhon noon.

Rey Jhon... Bumuga siya ng hangin at kinuha ang t-shirt. Yumakap sa kaniyang palad ang malambot na tela na wari’y pumasok sa kaniyang katawan ang lahat ng alaala na gusto na niya sanang kalimutan. Hindi siya makapaniwalang hindi man lang tinapon ni Rey Jhon ang t-shirt.

“What does it mean?” tanong niya sa sarili habang hawak-hawak pa rin ang t-shirt.

Napaigtad siya nang makarinig siya ng sunod-sunod na katok mula sa pinto. Kung paanong palinga-linga siya kanina para malaman kung kaninong kuwarto ‘to ay ganoon din ang ginagawa niya ngayon. Palinga-linga siya para makahanap ng pagtataguan.

Agad siyang nagtago sa ilalim ng mesa. Kung si Rey Jhon man ang kumakatok ngayon, ayaw niyang makita muna ang lalaki. Hindi niya alam kung paano niya ito haharapin. Ni hindi nga siya makapaniwala sa ginawa niya rito kagabi. Hindi nga siya makapaniwala na nasampal niya ito ng ilang beses at nagbitaw siya ng mga salitang hindi naman talaga dapat.

“Kuya?”

Ginawa niyang shield ang t-shirt ni Rey Jhon at tinakpan ang mukha niya. Hindi pala si Rey Jhon ang nasa labas ng pinto. Anong gagawin niya kapag pumasok ito sa kuwarto?

“Kuya, kanina pa kaya ako naghihintay. Baka hindi ako makaabot sa last trip ng bus nito, lagot ka talaga kay Mama!” At kasunod niyon ay ang padabog na pagkatok.

Kapatid pala nito ang nasa labas ng pinto.

Baka puwede niya akong tulungan para makauwi.

Nagmadali siyang tumayo at iniwan ang t-shirt sa kama. Agad niyang binuksan ang pinto ng kuwarto pero wala na roon ang kapatid ni Rey Jhon. Nagdadalawang-isip na tuloy siya kung babalik ba siya sa kuwarto o hahanapin ang babae.

Nanaig ang kagustuhan niyang umalis. Huminga siya nang malalim at sinarado ang pinto ng kuwarto. Kahit hindi niya maalala ang totoong dahilan niya kung bakit siya sumama kay Rey Jhon ay lihim niyang pinapagalitan ang sarili. Galit siya sa lahat at galit siya sa sarili niya. Pero ang importante sa kaniya ngayon ay ang hindi niya pagiging marupok, at least walang nangyari sa kanilang dalawa ni Rey Jhon.

Hindi ka pa ba talaga marupok sa lagay na ‘yan? Tanong niya sa sarili at umismid.

Okay! Marupok na siya kung marupok.

Kahit anong gawin niya ay hindi niya maiwasang tanungin ang sarili kahit alam niyang hindi naman siya makakakuha ng matinong sagot. Palagi niyang itinatanong sa sarili kung sino ba talaga ang may kasalanan. ‘Yon nga lang, hindi niya alam kung sino ba talaga.

“Senyorita?”

Agad siyang lumingon sa puwesto kung saan nanggaling ang boses. Kitang-kita niya kung paano umupo ang babae habang nasa tiyan ang isang bowl ng chicharon at kaharap ang nag-iingay na TV. Binitawan nito agad ang cellphone at tumayo. Pero huling-huli niya ang paglunok nito ng laway.

Siya pala ang kapatid ni Rey Jhon, aniya sa sarili at pinasadahan ng tingin ang babae. Palagay niya ay hindi naman malayo ang gap nilang dalawa at familiar para sa kaniya ang mukha nito, hindi lang niya maalala kung saan sila nagkita.

“Good morning po,” pautal-utal nitong bati at marahan na yumuko. “Nandito po pala kayo. Nakita niyo po ba si Kuya?”

Hahanapin ba kita kung nakita ko ang Kuya mo?

Palihim siyang napaismid nang banggitin nito ang salitang ‘kuya’. Naalala na naman niya ang ginawa ni Rey Jhon kagabi. Para ba namang si Superman kung suntukin ang kasama niyang lalaki.

“Hindi nga eh.”

“Nasaan kaya ‘yon? Kanina pa ‘ko nandito eh, hindi yata umuwi kagabi.”

Hindi umuwi kagabi? Eh, bakit ako nandito?

“Chicharon, Senyorita. Baka gusto mo.” Tudo ngiti pa ang babae at muling umupo. “May gusto pa naman sana akong itanong sa inyo.”

“Ano ‘yon—” Hindi pa niya natatapos ang sasabihin pa niya sana nang bumukas ang pinto at iniluwa niyon si Rey Jhon.

Ang kaba niya kanina ay muli na namang nagpakita. Mabilis siyang kumuha ng chicharon at hinatid iyon sa bibig. Bakit ba kasi bigla-bigla na lang sumusulpot ang lalaking ‘to? Hindi yata siya na-inform na may lahi pala itong kabute.

Sabagay, noon nga ay bigla na lang itong dumating sa buhay niya at bigla rin namang nawala. Gusto niya tuloy kumanta ng Isang Linggong Pag-ibig pero naalala niyang wala palang pag-ibig na namamagitan sa kanila.

Edi, leche!

Hindi niya tinapunan ng tingin si Rey Jhon. Nawala tuloy ang pag-asa niyang makaalis dito nang hindi nakikita ang binata.

Dinig na dinig niya ang bawat paglakad nito pero hindi talaga siya lumingon. Magkamatayan na pero may pride pa rin siya.

“Samahan mo si Gabriella na magbihis,” anito sa katabi niya kasabay ng pagbagsak ng dala nitong isang supot. “Mga damit niya ‘yan.”

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro