Kabanata 2
Halea
MALAKAS ang buhos ng ulan sa labas pero hindi ko alintana 'yon. Lumabas ako sa terasa ng bahay at sandali pa ay basang-basa na ang suot kong mahabang puting pantulog. Iyak lang ako nang iyak. Sobra-sobra ang lungkot na nararamdaman ko nang mga oras na 'yon. Hindi ko maipaliwanag. Siguro nga ganoon din ang naramdaman ni Lola Yasmin bago niya kinitil ang sariling buhay.
'Yong pakiramdam na gugustuhin mo na lamang mamatay kaysa ang patulay na makita ang mga taong nagmamahal sa'yo na nahihirapan dahil sa'yo. 'Yong pakiramdam na wala ka na talagang makapitan. 'Yong gusto mo na lang tapusin ang lahat... kasi ikaw mismo... pagod na pagod na.
Napahagulhol ako ng iyak.
Sumampa ako sa barandilya at tumayo roon. Nanginginig na naibaba ko ang tingin. Mataas din ang kahuhulugan ko kung sakali. Biglang gumuhit ang malakas na kulog kasabay nun ang panginginig ng buong katawan ko dahil na rin sa matinding takot at lamig.
Iyak pa rin ako nang iyak.
Naramdaman ko ang sobrang paninikip ng dibdib ko at pananakit ng lalamunan dahil sa pag-iyak. Naipikit ko ang mga mata. I'm sorry for not being brave enough. I tried. Pero ang hirap pala. Pagod na pagod na akong maging matapang. I just want this to end.
Humugot muna ako nang malalim na hininga.
"I-I'm s-sorry," I sobbed. "Sorry."
Akmang tatalon na ako nang biglang may yumakap sa akin mula sa likod. Lalo akong napaiyak nang marinig ko ang boses ng kuya ko. Mabilis na naibaba niya ako mula sa barandilya. Nanginginig pa rin ang buo kong katawan. Iyak pa rin ako nang iyak. Niyakap ako ni kuya.
"Halea," takot na takot na sambit niya sa pangalan ko.
"Pagod na ako kuya."
Halos bulong na lamang 'yong lumabas sa bibig ko.
"Don't say that," humigpit ang pagkakayakap niya sa'kin. "Please don't give up. Huwag mo muna kaming iwanan."
Kumalas siya sa pagkakayakap sa'kin at hinawakan ang magkabilang balikat ko. Pilit niyang hinuli ang mga mata ko.
"Do it for Mama. Do it for Papa. Do it for yourself. Huwag mong sukuan ang sarili mo dahil lang sa pisteng sumpa na 'yan. Lumaban ka Halea." Niyakap niya ulit ako. "Live for us."
Iyak lang ang tanging nasagot ko sa kanya.
"It'll be alright." Masuyong hinagod niya ang buhok ko. "Kuya will make sure you live."
NAKATULALA lamang ako habang nasa sariling silid.
Hindi na namin sinabi sa mga magulang namin ang nangyari sa'kin kagabi at baka mag-alala lang sila. Ayaw ko na ring dagdagan ang mga alalahanin nila. Pinakititigan ko ang lumang diary ng kapatid ni Papa na si Tita Regina. Kaninang umaga ay ipinagtapat na nila mama kung bakit kailangan nilang makumbinsi na pakasalan ako ni Psalmuel.
Ibinuklat ko ang ilang huling pahina ng lumang diary.
Mahaleah, mahal kong pamangkin. Patawad at ikaw ay nasama sa malungkot at mapait na sumpa na bunga ng pagkakamaling nagawa ng ating abuelo. Kahit ako noon ay hindi ko maintindihan kung bakit hinayaan ng Dios na danasin natin ang ganitong paghihirap pero inisip ko na lamang na may dahilan ang lahat. Hindi ko man nalabanan ang sumpa pero hayaan mong tulungan kita.
Kailan lang daw ay nadiskubre ng mother superior ang lumang diary ni Tita Regina na nakatago sa isa sa mga libro sa lumang library ng kumbento. Sabi ni Papa, hindi rin daw alam ng madre kung bakit doon itinago ni Tita Regina ang diary niya. Sa unang pahina nakasulat ang huling habilin niya na ibigay raw 'yong diary sa akin.
Kahit noon ay hindi malinaw ang sumpa. Kung paano 'yon mapuputol at kung anong dahilan kung bakit hindi nagkakaroon ng anak ang mga babaeng Salvatierre. Tanging si Lolo Jaime lang ang nakakaalam ng lahat. Pero wala naman kaming nakita ni isang sulat o bilin kay Lolo Jaime. Noong una ay wala namang naniwala sa pamilya tungkol doon sa sumpa at kahit doon sa pagkamatay ni Lola Kristina ay baliwala lamang.
Pero nang mamatay sila Lola Yasmin, Lola Rossita at Tita Regina ay doon na naniwala sila Lolo Fredericko tungkol sa sumpa. Masyadong misteryoso ang pagkamatay nila Lola Rossita at Tita Regina dahil pareho namang malulusog at walang sakit ang dalawa. Si Lola Yasmin naman ay nagpakamatay at tanging isang sulat lamang ang ibinilin na nagsasabing totoo ang sumpa.
Sinimulan nila Lolo at Papa na balikan ang mga nangyari sa nakaraan para lubos na maunawaan ang lahat. Ang hindi nila alam ay matagal na rin palang alam ni Tita Regina ang lahat at pinili na maging tahimik habang naghahanap din daw ito ng sariling sagot tungkol sa misteryosong sumpa na bumabalot sa angkan ng Salvatierre.
Ika-Nobyemre 28 ng 1995
MALAKAS ang buhos ng ulan sa labas na may kasamang kulog at kidlat. Binilisan ni Regina ang pagsusulat.
Dalawang angkan na magkaaway ay dapat matuldukan. Isang panibagong buhay ang kailangang maisilang para tuluyang maputol ang sumpa. Dugong napuno ng puot at galit ay dapat mapag-isa sa dugo ng nagkasala. Isang binata mula sa angkan ng Fidalgo ang dapat ikasal sa babaeng Salvatierre na isinumpa.
Isang malakas na kalabog ang nagpatigil kay Regina. Bumukas na pala ang bintana sa kanyang silid dahil sa malakas na hangin na paulit-ulit na tumatama sa hamba ng bintana. Tumayo siya para isara ang bintana nang biglang marinig niya ang paggalaw ng mga gamit sa kanyang mesa.
Napalingon siya pero wala namang tao. Kinabahan siya at mabilis na hinanap ang kanyang rosaryo. Nagkalat ang mga gamit niya sa mesa at tila may kung sinong nangialam sa kanyang isinusulat. Pagtingin niya ay nagkalat ang tinta ng mga litra niyang isinulat sa papel na tila ba nabasa 'yon ng tubig.
Naigala niya ang tingin sa madilim niyang silid na tanging isang lamp shade lang ang naiwang nakasindi. Naramdaman niya ang pag-ihip ng isang napakalamig na hangin dahilan para maiyakap niya ang mga braso sa katawan. Kasabay nun ang pagpa-patay-sindi ng ilaw.
Natagpuan niya ang sarili na nakatingin sa salamin at ganoon na lamang ang gulat niya nang ibang babae ang makita niya. Hindi niya alam kung sino. Iba ang damit nito sa kanya. Hindi niya makita ang mukha nito dahil sa mahabang buhok nitong nakatabing sa mukha nito. Nakasuot ito ng mahabang puting pantulog na masasabi niyang karaniwang suot sa panahon pa ng mga Kastila.
Nakatitig lang ito sa kanya. Alam niya dahil nakasilip ang isang mata nito mula sa buhok nito. Humigpit ang pagkakahawak niya sa rosaryo nang gumuhit ulit ang malakas na kulog at kidlat. Ipinikit niya na lamang ang mga mata at taimtim na nagdasal.
Ilang sandali pa ay naramdaman niyang tila kumalma ang lahat ng mga nasa paligid niya. Pagmulat niya ng kanyang mga mata ay sarili na niyang mukha ang nakita niya sa salamin. Tila nawala lahat ng kanyang lakas at siya ay napaupo sa kanyang silya.
Dios ko! Sana'y hindi mahuli ang lahat.
INIHATID ko ang ipinangako kong painting ng bulaklak kay Alyana sa flower shop nila.
"Alyana!" tawag ko sa kanya habang inaalis ang tali sa buong painting sa likod ng bisiklita. "Dala ko na 'yong painting na pangako ko."
Lumabas naman si Alyana mula sa flower shop at bigla akong niyakap. Natawa ako kasi pinanggigilan niya akong yakapin. "Halea!" tili niya.
Hinawakan ko siya sa magkabilang balikat saka hinuli ang tingin niya. "Hoy! Kalma. Ano ba kasing ganap at ang saya natin ngayon?"
Itinaas niya sa harap ko ang kamay niya. I immediately noticed a diamond ring on her ring finger. Naiangat kong muli ang mukha sa kanya.
"I'm getting married!" tuwang-tuwang sabi niya sa'kin. Ako naman, para yatang dinamba ng malaking truck ang puso ko at hindi ako makakilos. Ikakasal na sila ni Psalmuel? Kumalas siya sa pagkakayakap sa'kin. "Hindi ka ba natutuwa Halea?"
"H-Ha?" napalunok ako. "A-Ano ka ba. Nagulat lang ako." Pilit akong ngumiti pero takte 'di naman yata umabot sa puso ko. "Masaya ako! Masaya ako para sa inyo." Niyakap ko ulit siya. Nawala naman ang ngiti ko. "Natutuwa ako para sa inyo ni Psalmuel."
"Salamat Halea." Gumanti siya ng yakap. "Ikaw ang maid of honor ko sa kasal, ha?"
Kumalas ako sa pagkakayakap sa kanya. "Aba'y dapat lang."
Pero sa totoo lang gusto ko nang maglaho sa mga oras na 'yon. Bumalik sa hacienda at magpakalunod sa sariling luha. Pero naisip ko masyado 'yong OA. Ay ano ba! Bakit ba kasi masakit ang magmahal? Mamamatay na nga lang ako nauna pa ang puso ko. Hindi pa ako sinama. Traydor!
"Muel!"
Natigilan naman ako nang marinig ang pangalan ni Psalmuel. Naramdaman ko ang presensiya niya sa likod ko. Nandoon na naman ang pamilyar na malakas na tibok ng puso ko sa tuwing nasa malapit siya.
"Hon," yumakap si Psalmuel kay Alyana at hinalikan pa siya sa noo. Hayon, durog na naman ang puso ko. Pero sabi nga nila kahit na masakit ang ngipin. Ngiti ka pa rin kahit na sobrang nag-ngi-ngit-ngit ang sakit sa loob. Wala talaga sa option ang dentista, noh? Nagtitiis sa sakit? "Nandiyan ba sila Nanay Belen?"
Tumango si Alyana. "Oo, kanina ka pa nga hinihintay ni nanay."
Iba talaga kung makatitig si Psalmuel kay Alyana. Para bang isang babae lang ang gusto niyang laging tignan. Ni hindi nga ako napapansin ni Psalmuel. Umalis na lang kaya ako? Hindi mo na dapat 'yan itinatanong pa Halea. Lumayas ka na!
Pati ba naman isip ko, isinasampal mo na rin sa'kin ang kamalasan ko sa buhay? Masakit ba? Oo masakit! Huwag munang i-push pa. Please lang, my heart just betrayed me. RIP heart.
"Mukhang may lakad kayo." Basag ko na lang. "Mauuna na ako. Naalala kong may bibilhin pa ako." Inayos ko na ulit ang bisiklita at sumakay roon.
"Teka lang Halea," pigil sa'kin ni Alyana. "May pinabibigay si Nanay sa'yo."
"Hmm?"
Ngumiti si Alyana. "Hintayin mo ako rito. Kukunin ko lang." Pumasok ulit siya sa loob.
Now it was only me and Psalmuel. Walang imikan. Walang tinginan. Serbisyong - este wala talaga. Ang awkward lang talaga. Ibinaling ko na lang ang atensyon ko sa bisiklita. Pinaparamdam ko kay Sunny (pangalan ng bisiklita ko) na mahal na mahal ko siya at thankful ako na nandito siya sa panahon na mga ganito at mukha akong kawawa. Haplos doon. Haplos dito. Parang tanga lang din Halea, noh?
"Kumusta ka na?"
Natigilan ako nang magsalita si Psalmuel. Totoo ba 'yon? 'Di ba ako niloloko ng pandinig ko?
"Ha?" naingat ko ang mukha sa kanya.
At sa kauna-unahang beses ngayon lang ako nakatitig sa mga mata niya nang mas matagal. Ang kaninang malakas na tibok ng puso ay mas lalo pang dumagundong. Tila lalabas na yata ang puso ko sa rib cage nun. Dios ko, puso ko. Huwag ka munang lumabas. Masakit ang reyalidad. Trust me!
Bago paman ako makasagot kay Psalmuel ay bumalik na si Alyana.
Dala-dala niya ang isang bugkos ng mga sunflowers. Napangiti naman ako nang iabot niya sa'kin 'yon. My favorite flower. Makakita lang ako ng sunflowers ay nawawala na lahat ng mga alalahanin ko. Kumbaga, sila ang source of comfort ko.
"Thank you," malaki ang ngiti na pasasalamat ko sa kanya. Niyakap ko ang mga bulaklak. "Ang ganda."
"Itinabi talaga 'yan ni Nanay para sa'yo kasi favorite mo 'yan." Lumapit siya sa'kin para bahagyang bumulong. "Mas fresh ang mga 'yan kumpara sa mga naka display ngayon." Humagikhik siya pagkatapos. Umayos na rin siya ng tayo katabi ni Psalmuel. "Secret lang natin 'yon kaya huwag mong ipagsabi sa iba."
Natawa lang ako saka maayos na inilagay sa basket ng bike ko ang mga bulaklak. "Salamat ulit dito. Alis na ako." Itinaas ko ang kamay para kumaway sa kanila. "Mag-ingat kayo." Saka nagpedal paalis.
YAKAP-YAKAP ko pa rin ang mga bulaklak nang pumasok ako sa bahay. Natigilan lang ako nang mapansin kong may mga bisita pala sila Mama at Papa sa sala. Kasama rin nila si Kuya Mak. Hindi ko makilala 'yong isa dahil nakatalikod 'yon sa akin. Hindi naman nila ako napansin dahil nagtago ako sa isang tabi.
"Hindi ko mapapayag si Psalmuel pero may magagawa naman ako. 'Yon nga lang ay kung papayag kayo sa kondisyon ko." Sabi ng kasama nila. Si Don Pancho?
"Ano 'yon?" seryosong tanong ng ama ko.
"Kalahati lang ng lupain ang napag-usapan natin na kapalit. Naisip ko lang naman na masyadong maliit 'yon para ipakasal ko sa inyo ang anak ko." Tama nga ako.
"Malaki na 'yong lupain -" tumaas ang boses ni Kuya Mak pero mabilis na hinawakan ni Mama ang kamay niya. "Pero Ma," baling ni kuya kay mama pero umiling lang ito.
"Anong ibig mong sabihin Pancho?" tanong ulit ni Papa.
"Sisiguraduhin kong maikakasal sila Mahaleah at Psalmuel kung ang buong lupain ninyo ang ibibigay n'yo sa akin."
"Hindi pwede –" tumayo si Kuya Mak.
Kahit ako ay natigilan din. Hindi pwedeng ibigay ni Papa ang buong lupain namin. 'Yon na lang ang meron sa amin at mahalaga 'yon kay Lolo Fredericko dahil malaki ang naging hirap ni lolo para matubos 'yon nang isanla 'yon ni Lolo Jaime sa mga pinagkakautangan niya.
"Pumapayag kami."
Nabitawan ko ang mga bulaklak.
"Papa!"
Lahat sila ay napalingon sa direksyon ko.
"Halea,"
"Papa huwag n'yong ibigay ang lupain natin." Nilapitan ako ni Mama at niyakap. "Mama, pigilan n'yo si Papa. Hindi pwedeng mawala sa atin ang hacienda."
"Anak," alo sa akin ni Mama. "Kailangan nating gawin ito."
"Hindi Mama," iling ko sa kanya bago ibinaling ang tingin sa lahat. "Hindi n'yo kailangang gawin 'yon. Hayaan n'yo na lang ako. Okay lang naman ako. Huwag n'yong ibigay ang lupain natin. Mas magagalit ako kapag gagawin n'yo 'yon."
"Anak," lumapit si Papa sa akin.
"Hindi ako papayag!"
"Anak, para rin 'to sa'yo."
"Mama, mali 'to. Pinaghirapan ni lolo na makuha ulit ang hacienda. Ikakasal na sila Alyana at Psalm. Kaibigan ko si Alyana, Ma. Hindi ko magagawa 'yon sa kanila." Hindi ko napigilan ang mga luha. "Huwag n'yo namang gawin 'to."
"Halea, kami ang mga magulang mo. Mas importante sa amin ang kaligtasan at buhay mo. Kaya makinig ka sa amin."
"Bakit ba kasi hindi n'yo na lang ako hayaang mamatay?!" sigaw ko. "Naghihirap pa kayo sa'kin e mamatay lang din naman ako."
"Halea!"
Bumakas sa mukha ng aking ama ang galit. Lumapit naman si Kuya Mak kay Mama at inalalayan siya. Wala naman akong mabasang emosyon sa mukha ni Don Pancho. Umiling ako. Hinding-hindi ko magagawa 'yon kina Psalm at Alyana. Hindi rin pwedeng mawala sa amin ang hacienda.
"Hindi ako papayag."
Marahas na tinalikuran ko na sila at dire-diretsong naglakad sa direksyon ng pinto.
"Mama!"
"Cattleya!"
Natigilan ako at napalingon sa likod. Nanlaki ang mga mata ko nang makitang hinimatay si Mama. Tila tumigil yata ang pagtibok ng puso ko. "Mama!"
ISINUGOD namin si Mama sa ospital dahil inatake siya sa puso. Nagkasya na lamang ako sa pagtingin sa aking natutulog na ina mula sa labas ng ICU. Niyakap naman ako ni kuya.
"Kuya," iyak ko sa dibdib niya.
"Tahan na," alo niya sa akin. "Matapang si Mama. She will be alright."
"Kung pumayag na lang sana ako hindi sana magkakaganito ang lahat. Sarili ko lang ang iniisip ko. Hindi ko inisip ang mararamdaman ni Mama."
"Huwag mong sisihin ang sarili mo Halea. Walang may gusto ng lahat ng ito. Huwag ka nang umiyak. Magiging okay rin ang lahat."
Hindi ko mapigilan na tignan si Papa. Nakatulala lang siya. Kanina pa siya walang imik. Lalo lang bumigat ang nararamdaman ko. Tinignan ko muli si Mama na nakahiga sa loob ng ICU.
Mama, please magpagaling ka. Gagawin ko ang lahat ng gusto mo gumaling ka lang. Lalaban ako kung 'yan ang gusto n'yo.
INILIHIM ko ang pagpunta ko sa bahay ng mga Fidalgo. Sinadya kong wala rin si Psalmuel dahil itinanong ko kay Alyana kung magkasama ba sila. Sabi niya naman ay gagabihin daw sila ng uwi dahil may lakad sila.
Kaharap ko na ngayon ang ama ni Psalmuel, si Don Pancho Fidalgo.
Kilala siya sa bayan dahil minsang naging mayor siya ng San Antonio. Mabait at matulungin ang pagkakakilanlan ng mga taga San Antonio kay Don Pancho. Hindi mo rin gugustuhing kalabanin ang isang Don Pancho dahil kayang-kaya ka niyang baliktarin at sirain ang buhay mo. Hindi na bago sa amin ang kagustuhan ni Don Pancho na makuha ang buong hacienda ng mga Salvatierre. Idagdag pang mortal na magkaaway ang pamilya namin.
At sino namang Fidalgo ang gugustuhing maikasal sa isang Salvatierre?
"Anong gusto mong inumin, hija?" basag ng Don. May lambing sa boses nito. Hindi niya alam kung bakit. "Huwag kang mahiya sa akin."
"Talaga po bang magagawa n'yong pilitin si Psalmuel na pakasalan ako? Alam n'yo po bang ikakasal na sila ni Alyana?" sunod-sunod na tanong ko sa kanya.
"Alam mo, hija, matagal ko nang alam ang tungkol sa sumpa na ipinataw ng pamilya namin sa pamilya n'yo. Kaya nga kami bumalik sa bayan ng San Antonio ay dahil alam kong dadating ang araw na lalapit ang pamilya n'yo sa amin para humingi ng tulong."
Naikuyom ko ang mga kamay sa itaas ng mga hita ko.
"Kaya maniwala ka sa akin na kailangan mo ang anak ko para mabuhay ka." Dagdag pa niya. "Kung mahal mo ang mga magulang mo gagawin mo ang gusto nila. Ang pamilya namin ang nagpataw sa inyo ng sumpa kaya higit na alam namin kung ano ang dapat at hindi dapat para maputol ang sumpa."
"Kahit na," mariin niyang kontra. "Imposibleng mapilit mo si Psalmuel. Kilala ko -"
"Believe me hija, there is nothing I can't do when I want something."
"H-Hindi mo ba gusto si Alyana?"
"Wala naman akong problema kung sino ang pakakasalan ng anak ko. And besides, you only need my son for you to bear a Fidalgo's child. Pagkatapos nun, both of you can file an annnulment. It's a win-win situation. You get to live longer at magiging akin ang buo n'yong lupain. Ganoon lang ka simple."
I knew it, he was only after our land.
Tumayo na ako. "Papayag lang ako kapag napapilit n'yo si Psalmuel."
Lumapad ang ngiti ng Don. "Consider it done, hija."
"Aalis na po ako," tinalikuran ko na ang Don at lumabas ng opisina niya.
Nagmadali na akong lumabas ng mansion ng mga Fidalgo at baka maabutan pa ako ni Psalmuel. Pero mukhang huli na ang lahat dahil nakasalubong ko si Psalmuel sa sala. Napaatras ako nang magtama ang mga mata namin.
"Psalmuel?"
"Anong ginagawa mo rito?" seryosong tanong niya sa'kin.
Kinabahan naman ako. Ang sabi ay gagabihin ang mga ito? Bakit siya napaaga? Sandali akong nag-isip ng sasabihin. Ngumiti ako at sinubukang pasiglahin ang boses.
"May pinadala kasi si Papa para kay Don Pancho. Inihatid ko lang. Sige mauna na ako."
Lalagpasan ko na sana siya nang mabilis na mahawakan niya ang isang braso ko. Pero hindi ko siya nilingon. Mas lalo akong kinabahan. Sobrang lakas ng tibok ng puso ko.
"Kung ano man ang pinaplano n'yo ng pamilya mo at ng ama ko huwag mo nang ituloy." Mariing sabi niya sa'kin. "At kung malaki ang respeto mo sa pagkakaibigan n'yo ni Alyana sana isipin mo rin kung gaano mo siya masasaktan kung sakali."
Binawi ko ang braso ko sa pagkakahawak niya sa'kin. Pilit pa rin akong ngumiti kay Psalmuel. "Ano bang pinagsasabi mo? Wala naman silang kasunduan? Sige, aalis na ako." Tinalikuran ko na siya at walang lingon na naglakad palayo.
Nasapo ko ang dibdib sa sobrang lakas ng kabog ng puso ko. Nagsimula na ring manikip ang dibdib ko. Naramdaman ko ang pangingilid ng mga luha ko sa mga mata.
Sorry Psalmuel. Patawarin mo rin sana ako Alyana. Hindi ko lang talaga kayang mawala ang Mama ko. Hindi ko kayang makitang naghihirap ang mga magulang ko.
Tuluyan na nga akong naiyak.
Sana nga lang ay hindi ko pagsisihan ang desisyon kong ito.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro