Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 8

NASA Japan na ba ako? Iyon ang tanong ko sa isip nang magmulat ako ng mga mata.

Bigla tuloy umalingawngaw sa isip ko 'yung mga binili na pasalubong nina Fumi. Tumambad sa paningin ko ang puting kisame, saka ko napagtanto na nakahiga ako at wala sa kinauupuan ko sa eroplano.

Nananaginip ba ako? Nasa bahay pa ba ako? Paano 'yung flight namin papuntang Japan?

Pero napabangon ako nang mapagtanto ko na hindi ito 'yung kwarto ko. Nilibot ko ang tingin sa silid, nasa isang eleganteng kwarto ako na may lumang istilo, 'yung kama ko'y antique na katulad sa mga lumang bahay noong panahon ng mga Kastila.

Ito ba 'yung hotel na tutuluyan namin?

Bakit nagising ako rito? Bakit hindi ko maalala na lumapag kami ng eroplano?

Dali-dali akong tumayo at napansin ko na iba na rin ang suot ko, black silk pajama. Wala akong natatandaan na may baon akong ganitong damit.

'Di kaya ay damit dito sa hotel? Pero sino naman ang nagbihis sa'kin?

Gulong-gulo akong pumasok sa isang silid, malaking banyo 'yon. Naghilamos ako at medyo sinampal-sampal ang sarili ko. Hindi 'to panaginip.

Si Saoirse? Ang huli kong natatandaan ay magkausap kami 'tapos inantok ako bigla... At nagising na lang ako rito.

Lumabas ako at binuksan ang malaking antique na aparador, may mga damit pero hindi 'yon sa akin.

"Shit," 'di ko mapigilang mapamura. "'Yung maleta ko nasaan? Saka 'yung hand carry ko na bag, nandoon 'yung passport ko."

Sa taranta'y walang atubili akong lumabas ng silid pero laking gulat ko nang makita ko ang isang babae.

"Mabuti naman po at gising na kayo, Binibining Mirai," nakangiting sabi nito. Base sa suot ng babae ay hotel staff siguro siya rito.

At teka, kilala niya ako?

"Nasaan ako, Miss?" tanong ko.

"Sumunod po kayo sa'kin, kayo na lang po ang hinihintay na panauhin," sabi ng babae imbis na sagutin ako.

Imbis na magtanong pa'y sumunod na lang ako sa kanya. Akap-akap ko ang sarili habang naglalakad sa likuran niya. Nalibot ko ang tingin ko sa pasilyo, may mga silid din kaya mukhang tama nga ako na nasa isang hotel kami.

"Umm, nakita mo ba si Miss Saoirse?" sinubukan kong tanong sa babae pero hindi siya sumagot. Lumingon lang siya nang huminto kami sa harapan ng isang malaking pinto na yari sa Narra.

"Ilang sandali lamang po'y haharap sa inyo ang Punong Ginoo upang ipaliwanag ang lahat," walang emosyong sabi niya bago ako pagbuksan ng pinto.

Tumambad ang isang silid na animo'y isang sala, malawak 'yon at elegante ang disenyo. Lahat ng mga tao roon ay napatingin sa'kin. Katulad ko'y nakasuot din sila ng itim na silk pajama, at hinala ko'y pare-parehas kaming bagong gising.

'Di ko malaman kung saan ako pupwesto pero tila nabuhayan ako ng loob nang makita ko siyang nakahalukipkip at prenteng nakasandal sa pader katabi ng grand piano. Kulang na lang ay takbuhin ko ang direksyon ni Boaz, pero 'di katulad ko'y kalmado lang siya.

"B-Boaz, nasaan tayo?" kaagad kong tanong. "Bakit tayo nandito? Nasaan si Saoirse at Felix? Nasa Japan na ba tayo?" kulang na lang ay kurutin ko ang sarili dahil baka nananaginip lang ako.

Para akong nagsalita sa pader, ni hindi man lang din niya ako tiningnan dahil nakamasid lang siya sa iba pang mga kasama namin.

Tiningnan ko rin ang iba. Hindi ko sila kilala maliban sa isa...

"S-Si Isla ba 'yon?" pabulong kong tanong sa kanya nang makita ang dati naming kaklase noong high school. Nakaupo lang si Isla at tahimik na nakatingin sa kawalan.

Walang ano-ano'y bumukas ang malaking TV sa gitna at napatingin kaming lahat doon. Napalunok ako nang makita ang isang magandang lalaki roon na nakangiti sa amin.

"Magandang araw sa inyo mga mahal naming panauhin, at maligayang pagdating dito sa aming himpilan. Lahat kayong narito ay mga espesyal na ninominado ng aming mga dating manlalaro, at kayo'y mapalad na magkakaroon ng pagkakataon na magwagi ng aming mga ekslusibong premyo."

"N-nakidnap ba tayo?" tanong ko ulit kay Boaz pero nanatili siyang walang kibo at seryoso. Naguguluhan man ay sinikap ko pa ring makinig.

"Pero bago ang lahat, alam ko na kulang pa ang inyong pahinga at kailangan n'yo ng sapat na lakas, kung kaya't naghanda kami ng isang masaganang piging na inyong pagsasalu-saluhan. Mangyari lamang na sumunod kayo sa aming mga lingkod upang dalhin kayo sa kumedor."

Biglang bumukas ang malaking pinto at naroon ang mga staff na inanyayaan kaming sumunod sa kanila.

"Sa muli nating pagkikita, ako ang inyong Punong Ginoo na si Jose. Magandang gabi," paalam ng lalaki at namatay ang TV.

Nagsitayuan ang mga kasama namin at wala akong choice kundi sumunod sa kanila. Sinitsitan ko si Boaz at sa wakas ay tumingin na siya sa akin.

"Utang na loob, ipaliwanag mo sa akin ang nangyayari," mangiyak-ngiyak kong sabi.

Napabuntong-hininga siya, mukhang naawa sa itsura ko.

"Saoirse nominated you to play here. At si Felix naman ang nag-nominaet sa akin." Halos mapanganga ako nang marinig 'yon.

"Si Saoirse? Papunta tayo ng Japan para sa concert niya—"

"Sa tingin mo ba talagang kailangan ka niya ro'n?" para akong binuhusan ng malamig na tubig nang sabihin niya 'yon. Nangilid ang luha ko kaya muli siyang napabuga ng hangin. "Huwag kang maiyak, maswerte tayo dahil nandito tayo."

"Buang ka ba? Anong maswerte rito?" inis kong sabi at mabilis kong pinahid ang luha ko.

"Dahil may tsansa tayong manalo ng malaking pera. Kaya imbis na magmukmok ka riyan, gamitin mo 'yung utak mo para manalo," sabi niya pa sabay nilayasan ako.

Nanatili akong tuod sa kinatatayuan ko hanggang sa lapitan ako ng isang staff.

"Binibini, naghihintay na po ang hapag-kainan sa inyo."

Tahimik akong sumunod sa kanya habang pakiwari ko'y sinasaksak ang dibdib ko sa isiping... niloko ba ako ni Saoirse? Ito ba ang kapalit nang pagtulong niya sa amin? 

Gusto ko lang ulit magkaroon ng puso para sa ibang tao ulit, iyon ang sabi ko noon kaya tinahak kong buksan ulit ang puso ko sa mga tao.

Kahit na nakikita ko ang mga Sapantaha, pinili kong makinig sa mga kwento nila ng walang panghuhusga at walang pagdidikta kahit na alam ko ang mga mangyayari sa tuwing hinahawakan ko sila... pero...

Pero bakit kung kailan na bukas na bukas na ulit ang puso ko ay sa huli nata-traydor pa rin ako?

### 

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro