Kabanata 5
"OH, pak! Ganda! Pwedeng isali ng Binibining Pilipinas!" palakpak pa ni Gigi pagkatapos akong lagyan ng final touch ng makeup niya.
"Don't forget, hairstyling by yours truly," sinundan 'yon ni Shammy na hawak-hawak pa rin ang blower.
Tinignan ko 'yung salamin at hindi halos hindi ko nakilala ang sarili ko. Tama nga si Gigi, itsurang lalaban ng beaucon. Medyo tinaas ko 'yung tube dahil naiilang ako't masyadong expose 'yung balat ko.
"Bakit naman ganito 'yung ginawa n'yo sa'kin?" reklamo ko. Sinamantala nila 'yung pagkakataong walang customer kaya sila ang nagprisinta na magmakeup sa'kin nang malaman nila na a-attend ako ng birthday ni Miss Saoirse.
"Ano ka ba, alam mo namang party 'yon ng artista. Hindi kami papayag na magmukha kang eme eme ro'n, Mi," sabi naman ni Fumi sa'kin.
"At para mo na ring nire-represent ang Mystic Nails sa pagpunta mo ro'n, Boss," napakunot naman ako sa sinabi ni Winona.
"Mismo!" pag-agree nila.
"Nakakainggit naman, sana all makaka-attend ng party ng artista, pwedeng pa-shout out kami?" natawa lang ako sa sinabi ni Juliet na hinaplos pa ang buhok ko.
Napatayo ako bigla nang mabasa ko 'yung isang message mula sa uknown number.
"Nandiyan na 'yung sundo ko."
"Naka-book ka na sa Grab?" tanong ni Fumi at umiling ako.
"OMG, andiyan ulit si pogi!" dinig naming bulalas ni Shammy na nakasilip sa labas. "Dumadalas yata ang pagpunta niya rito."
Si Boaz kasi 'yung nag-text na nasa labas na raw siya at hinihintay ako. Bago ako umalis ay nagbilin lang ako ng ilang bagay. Huli kong kinausap si Fumi.
"Dapat kasama kita ka, eh," sabi ko. Nasulyapan ko si Boaz na nakasandal sa kotse niya at panay sulyap sa relos. Maghintay siya.
"VIP client ko 'yung naka-book mamayang seven," sagot niya. "Kaya mo na 'yan, Mi," tumingin siya sa mga kasama namin sa salon na abala sa pagkukwentuhan bago muling tumingin sa'kin, "sana lang ay maging successful ang plano mo."
Tumango ako at tinapik siya. Alam kong hindi pa rin siya kumbinsido sa plano ko at naiintindihan ko siya. Bago ako lumabas ng shop ay tiningnan ko muna silang ulit lahat, kumaway sila sa'kin at ngumiti ako. Sapat na 'yon para palakasin ang loob ko.
"'Yung totoo, driver ka ba o bodyguard?" iyon ang sabi ko kay Boaz matapos niya 'kong tingnan mula ulo hanggang paa. Katulad ko'y pang-party din ang outfit niya, medyo pormal nga lang.
"Tch. Sumakay ka na lang," utos niya. Napatingin siya sa gawi ko nang sumakay ako sa passenger seat.
"Hindi ba trabaho mo na masigurong safe ang amo mo?" tanong ko pa sa kanya habang inaayos ang seatbelt ko. Hinila ko 'yung skirt na suot ko, ang iksi pala ng pinahiram ni Fumi sa'kin ni dress.
"Alam mo, ikaw na nga ang VIP na sinusundo ang dami mo pang tanong," reklamo niya saka binuhay ang makina.
"VIP?" ulit ko. "Ako?"
"Coming from Miss Saoirse," komento niya habang minamanIobra ang sasakyan.
"Pinagtitripan mo ba 'ko?" 'di ko mapigilang sabihin.
"Ah, bahala ka kung ayaw mong maniwala. Kung ako rin naman gugustuhin kong bantayan si Miss Saoirse."
"Ganda mong kausap," sarkastiko kong saad.
"Hindi maganda, gwapo," sumulyap siya sa'kin. Halatang nang-aasar. "Kawawa ka naman daw kasi kung dadating kang walang poging date katulad ko."
"Ewan ko sa'yo." Mukhang trip niya lang talaga akong asarin. Kaysa masira pa ang mood ko ay nilabas ko na lang 'yung phone ko para maglaro ng Plants Vs Zombies. Mas may sense pa 'to kesa sa kanya.
*****
MABUTI na lang pala talaga ay nagpaayos ako kina Gigi at binonggahan nila. Tama nga sila dahil may pa-red carpet pa pala 'tong birthday event ni Miss Saoirse.
Nagulat din ako kanina at wala akong nagawa nang bumaba kami ni Boaz sa harapan papuntang entrada ng gusali kung saan ay nagkikislapan ang mga camera.
"Who's that girl?" hindi nakaligtas sa pandinig ko ang ilang bulungan nang makababa ako ng sasakyan.
Sa kaba ay sasakay sana ako pabalik ng kotse nang bigla akong hawakan ni Boaz at hinayaan kong i-angkla niya ang braso ko sa kanya. Dala ng kaba ay naglakad kami parehas sa red carpet habang patuloy na kumukuha ng larawan ang mga photographer.
"B-bakit dito mo 'ko binaba," bulong ko sa kanya habang naglalakad kami. Mukha siguro akong natatae na ewan dahil hindi ko alam kung paano ngingiti.
"Lahat ng nasa guest list ni Miss Saoirse dito raw papasok," sagot naman niya. Sinulyapan ko siya at napansing kalmado at presko lang ang itsura niya. Damang-dama siguro ng mokong ang atensyon.
Naimagine ko tuloy si Fumi at sinasabing, "Seize the day, Mirai!" Inayos ko 'yung posture ko at paglalakad. Pinilit kong sabayan ang confidence ni Boaz hanggang sa marating namin ang loob ng venue.
Kumikinang ang mga ilaw at mistulang mystical paradise ang bumungad sa'ming disenyo. Marami-rami na ring mga tao at nakakita agad ako ng mga pamilyar na mukha na sa TV ko lang nakikita. Hindi rin papahuli ang mga imbitadong influencers na kanya-kanya sa pagkuha ng mga video at pictures.
Ipinakita ko sa usher 'yung invitation ko at iginiya kami nito sa isang table malapit sa harapan. Pinaghila pa 'ko ni Boaz ng upuan. Sus, palibhasa ang daming camera sa paligid, gusto yata talaga sumikat.
Kunsabagay, paniguradong bukod sa mga artista ay may mga bisita ring mga producer, talent managers, at direktor dito sa party.
Nakakunot na tumingin ako kay Boaz nang mapansin kong halos nakadikit na pala siya sa akin at nakaakbay sa upuan ko.
"Anong drama 'to?" naniningkit kong tanong sa kanya.
"Sinabi ko na sa'yo, ako muna ang date mo ngayong gabi." Kumindat pa siya at muntikan ko na siyang masiko dahil biglang nag-echo ang boses ng host, hudyat na simula na ng party.
Focus, self. Hindi ka nagpunta rito para magpa-cute at magsaya. Nandito ka dahil...
Lahat ng atensyon ng tao'y napukol sa tinutukan ng spotlight, at mula sa mabulaklak na arkong entrada ay lumabas siya na tila isang engkantada. Nagpalakpakan ang lahat sa grand entrance ni Miss Saoirse kasabay ng pagtugtog ng DJ ng latest hits. Nilabas ko na rin 'yung phone ko para kumuha ng pictures at video na ise-send ko sa GC namin, tiyak kong matutuwa sila.
As the night progressed, a series of social media-worthy moments unfolded. May pop-up photo booths, may instant tattoo station pa nag-o-offer ng temporary designs, at siyempre hindi mawawala ang dance floor para sa mga gustong sumayaw. Nandoon si Miss Saoirse, suot ang kanyang pang-ilan na nga bang outfit, nagniningning na parang bituin at naaaliw sa pagiging sentro niya.
Nang makita ko siyang hawakan ng isang lalaki ay napatayo ako bigla. Tumingala ako at nakita ang kulay purple na balloon light.
"Saan ka pupunta?" nagulat ako nang hawakan ako bigla ni Boaz.
"M-magsi-CR lang," dahilan ko at mabilis na pinalis ang kamay niya.
Umalis ako roon kahit na hindi ko alam kung saan ang papuntang comfort room. Nanatiling nakatitig ako sa balloon light. Biglang kumabog ang dibdib ko nang pumitik-pitik ang mga ilaw, pero walang nakapansin marahil sa pag-aakalang parte 'yon ng effects.
Sinampal-sampal ko 'yung sarili ko bago ko sinuong ang dance floor. Halos hawiin ko ang mga tao makapunta lang sa gitna.
"Mirai!" bulalas ni Miss Saoirse nang makita ako. Abot-tenga ang ngiti niya pero hindi ko makuhang ibalik ang ngiti na 'yon.
Three . . . two . . . one.
Nawalan ng kuryente at reaksyon ng mga tao ang namayaning ingay. Sa kabila ng kadiliman ay hinila ko siya kasunod ang malakas na sigawan matapos marinig ang malakas na pagbasag.
"Ah!" 'di ko mapiglang mapasigaw nang maramdaman ko ang tumamang bubog sa binti ko.
Pero ang mahalaga ay nahila ko si Miss Saoirse bago siya matamaan ng bumagsak na ilaw.
*****
"THANK you," nahihiya kong sabi matapos niyang lagyan ng first aid ang sugat ko. "Baka hinahanap ka na ng mga bisita mo, Miss Saoirse."
"Saoirse na lang," sabi niya habang nililigpit ang pinagkalatan. Dinala niya ako sa dressing room niya matapos makita na dumudugo 'yung binti ko. Ngumiti siya sa'kin pagkatapos. "That was close."
Tumango lang ako at 'di ko maiwasang kabahan. Kailangan kong mag-isip ng palusot.
"M-mabuti na lang kasi gusto kong makipag-selfie sa'yo, uuwi na kasi ako ng maaga," dahilan ko.
"Great timing," sabi niya at napabuntong-hininga. "Dahil kung hindi ay malamang laman na ako ng headline kinabukasan. I almost got hurt on my birthday party." Napahilot siya sa sentido.
"Sersh! Are you there?" boses 'yon ng lalaki at sunod-sunod na kumatok. "Naligpit na 'yung kalat, lumabas ka na bago pa magka-speculation ang mga tao."
"Leave me alone, Felix," sagot niya, nilakasan ang boses. "I just need to get myself together." Tumingin siya sa'kin. "That's my manager." Napatango lang ako.
"Huwag kang magmukmok magdamag diyan, it's just an accident." Kumatok pa ito ulit pero nang magsawa ay umalis na rin.
"Minsan nakakalimutan nila na tao pa rin ako," sabi niya sabay napayuko saglit bago ulit tumingin sa'kin. "Salamat sa'yo." Umiling ako. "Seriously, I owe you one."
Ito na 'yon.
Ito na 'yong plano ko, Fumi.
"K-kung hindi mo masasamain, Mi—Saoirse."
"Ano 'yon?" she sounded concerned kaya tumitig ako sa kanya saglit.
"W-we're struggling financially, sa salon." Para akong nilalamon ng lupa sa hiya pero kailangan ko 'tong subukan. "P-pwede bang..."
"Pautangin ka?" dugtong niya at sunod-sunod akong umiling.
"Kung pwedeng maging brand ambassador ka namin, para ma-promote 'yung Mystic Nails."
She just stared at me and I honestly don't know what she's thinking. Nawala 'yung ngiti niya kaya mas lalo akong kinabahan kaya parang alam ko na kung anong isasagot niya. Mas mainam ba kung sinabi kong mangungutang ako?
Sunod-sunod akong inatake sa isipan ko. You're the worst, Mirai, matapos mong tulungan 'yung tao gamit ang Sapantaha mo para lang may mahita sa kanya?
Pero... kailangan... baka sakaling dahil dito ay mag-boom ulit ang salon namin.
Loyal client naman kasi siya. 'Yung manager lang naman 'yung may ayaw.
"Okay." I snapped to reality.
"H-ha?"
"Sa isang kundisyon," sabi niya at pumangalumbaba. "You'll work for me as my personal nail artist."
Give and take. Naiintindihan ko na gano'n naman talaga ang sistema ng buhay kadalasan.
Matagal na niyang offer 'yon sa'kin pero ayoko dahil hindi ko gustong iwanan ang tinayo namin ni Fumi.
Pero kung parte 'to ng sakrpisyo para sa mga pinaghirapan namin...
"D-deal."
Nagkamay kaming dalawa bilang tanda ng partnership namin. Pero napansin kong mahigpit ang pagkakahawak niya sa kamay ko at 'di niya binitawan agad.
Kaya sa isang iglap ay napuno ng kulay at abo ang paligid.
Nanigas ang buo kong katawan nang makita ko ang isang sapantaha mula sa hinaharap.
Kung inaakala kong naligtas ko si Miss Saoirse ngayon ay nagkakamali ako.
M-may magtatangka sa kanya.
Saoirse Soraya will die.
###
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro