Kabanata 4
"NALULUGI na tayo."
"Prank ba 'to?" lumingon pa ko sa paligid at nagbabaka sakaling nagtatago lang sila Shammy, kunwari mga nagsi-uwian na pero baka nagbi-video sa'min dito sa salon.
Napabuntong-hininga si Fumi at bumagsak ang balikat.
"Hindi 'to prank, Mi," sabi niya at mula sa bag niya ay nilabas ang isang folder. "Pababa ng pababa ang revenue natin, dumadalas ang pagka-cancel ng mga clients, unti-unting nawawala ang mga regulars."
Binuklat ko 'yung folder pero hindi ko rin inintidi 'yung mga graph na nakita ko. Binalik ko 'yon sa kanya.
"Masakit pa rin ang ulo ko, Mi," sabi ko pero hindi niya kinuha 'yung folder. "Bukas na lang natin pag-usapan—"
"Alam kong alam mo 'tong sitwasyon ng business natin, Mirai. Ayaw mo lang harapin," sabi niya at pumanewang sa'kin. "Kailangan natin 'tong solusyunan kung ayaw mo na mawala lahat ng pinaghirapan natin."
Nagtitigan kaming dalawa saka ko naalala 'yung mga panahong nag-aaral kami sa PUP, 'yung mga panahong parehas kaming nangangarap na magtayo ng sarili naming business. Hindi naging madali, pero kinaya, at akala ko okay na 'yun. Hindi pala.
Hindi pala sapat 'yung talent lang ang meron ka. Sa'ming dalawa, si Fumi ang mas business minded at analytical. Ako ang idealist at minsan out of touch sa realidad.
Napakibit-balikat ako. "Dahil ba sa bagong tayo na aesthetic clinic malapit dito? Sabi ng isa kong client mas maganda pa rin ang gawa ng kuko rito sa'tin."
"Mabuti sana kung kasing galing ka namin, Mi, wala pa kami sa kalahati ng talent mo." Hindi ko alam kung compliment ba 'yon kaya hinayaan ko siyang magpatuloy. "Saka mabuti sana kung may expansion ng services 'tong salon natin kaya nahahatak ng competitor 'yung potential clients natin."
"Ikaw ang nagsabi na hindi pa natin afford maglagay ng bagong services," sabi ko. "Sa totoo lang, Fumi, hindi ko alam kung anong gagawin." Umupo ako.
"Kaya nga makinig ka sa'kin," sabi niya. "It's time to face the reality. Kailangan nating magbawas muna ng tauhan at ilaan 'yung budget para sa social media ads."
Napamaang ako. "Mawawalan sila ng trabaho kung gano'n."
"Hindi na natin problema 'yon." Halos mapanganga ako sa narinig ko. "Kaya kailangan na nating mamili."
"Fumi, hindi ka ba naaawa sa kanila?"
"Malaki ang mundo, Mirai, makakahanap din sila ng trabaho." Napabuntong-hininga ulit siya. "Alam ko nanghihinayang ka dahil na-train natin sila, nakasama nang matagal, at napagkatiwalaan. Pero isipin mo rin naman 'yung kapakanan natin."
"Hindi ko maintindihan, gano'n ba talaga kalaki ang gastos sa ads na 'yan?"
"Oo, Mi, 'yon ang katotohanan. Kaya nga pinakikiusap ko sa'yo na baka pwede mong makumbinsi si Miss Saoirse."
Umiling ako. "Alam mo naman na mainit yata 'yung dugo sa'kin ng manager niya," sabi ko.
"Kung gano'n ito na lang ang option natin, we need to save ourselves or else we will lose this." Umupo siya sa tabi ko. "Dream natin 'to, 'di ba?"
Marahan akong tumango at napayuko.
"Pag-iisipan ko ngayong gabi."
*****
"MUKHANG problemado ka, anak." Natigilan ako sa pagsubo nang sabihin 'yon ni Nanay at napatingin sa kanya. "Bulag man ako pero malakas pa rin ang pakiramdam ko."
Minsan nakakalimutan ko na sa lahi niya nga pala nanggaling ang 'sumpa' na meron ako kaya hindi na ako nagulat.
"Sige nga, 'Nay, hulaan n'yo nga," panghahamon ko sa kanya. Kinuha ko 'yung remote para hinaan 'yung TV.
"May lalaki ka, ano?" muntik ko nang mabuga 'yung kanin sa bibig ko nang marinig ko 'yon.
"Engk! Mali! Lalaki? Saan n'yo nakuha 'yon." Akala ko pa naman. Kapag talaga bulag, bulag na nga.
"Amoy pabango ka ng lalaki, hindi mo ba alam na mas matalas pang-amoy ng mga bulag," sabi niya at inamoy ko 'yung sarili ko. "Kaya hindi mo 'ko maloloko. Kailan ako magkakaapo?"
Ah. Sa tapang ng amoy ng pabango ni Boaz, kumapit siguro sa'kin mula sa loob ng kotse kaninang hinatid at sundo niya ako mula kina Miss Saoirse.
"Wala akong lalaki. Mabuti sana kung iyon nga talaga ang pinoproblema ko."
"Eh, ano?" Napabuntong-hininga ulit ako at sinabi sa kanya 'yung sitwasyon ng nail salon namin ni Fumi. At pagkatapos ay tinawanan ba naman niya ako.
"Nanay ba talaga kita?" 'di ko mapigilang sabihin dahil ang lakas mang-asar ng tawa niya. Lord, pwede bang magpalit ng magulang? Joke lang, baka bumangon sa hukay ang Tatay.
"Na sa'yo na ang solusyon pero ayaw mong gamitin."
"Huh?"
Tinuro niya ang kanyang mata pagkatapos sumeryoso. "Wala man akong pera na maipapamana sa'yo, pero ito lang ang tanging maipagmamalaki kong maibigay sa'yo, Mirai."
Sinasabi ba niyang gamitin ko ang sumpa na 'to para masolusyunan 'yung pagkakalugi namin? Paano?
"Hindi ako magsusugal, 'Nay," sagot ko sa kanya. "Hindi sugal ang solusyon dito." Sugal lang naman ang naiisip niya panigurado para makakuha ng pera.
At kung malalaman nga rin ni Nanay na nagkita kami ni Aling Katrina ngayong araw at kung paano ko binigyan ng pagkakataon ang ale na makatama sa Lotto ay baka itakwil niya ako.
Napasulyap ako sa TV at saktong nakita roon ang commercial ng shampoo na pinagmo-modelan ni Miss Saoirse.
"Na sa'yo na ang solusyon pero ayaw mong gamitin." Umalingawngaw ulit sa isip ko ang sinabi ni Nanay. Tama rin naman siya kung tutuusin.
Nilabas ko 'yung phone ko para mag-send ng DM kay Fumi.
'Nakapagdecide na 'ko, Mi. Wala tayong tatanggaling employee.'
Nagreply din siya kaagad.
'Hindi mo ba narinig 'yung mga sinabi ko kanina? We need a budget for the ads!'
'I know. Pero gusto kong subukan na kunin si Miss Saoirse na maging endorser natin.'
'What? Akala ko ba imposible dahil sa manager niya?'
'Susubukan ko ulit na kausapin siya.'
'Paano ka nakakasiguro na papayag siya?'
'Akong bahala.'
Binaba ko 'yung phone ko at tumingin ako kay Nanay nang magsalita siya.
"Hindi mo mapipigilan ang kapalaran mo, Mirai."
"Nangako ako kay Tatay na hindi ako tutulad sa mga ginawa mo noon," sabi ko sabay tayo. "Pero hindi naman niya sinabing huwag ko 'tong gamitin para sa kapakanan ng ibang tao."
Kailangan kong subukan.
Hindi lang naman 'to para sa pangarap ko, kundi para rin sa pangarap namin ni Fumi at ng mga taong naging bahagi ng pagsisimula namin.
Tiyak kong walang ideya si Fumi kung paano ko mapapapayag si Miss Saoirse.
Pero nakita ko ang isang posibilidad.
###
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro