Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 21

"S-SINASABI mo bang hindi panaginip 'yon?" naguguluhang tanong ni Boaz sa'kin matapos naming matulala parehas sa kawalan.

"Oo—hindi," sabi ko sabay iling. "Hindi ko rin sigurado, pero... pero sa mga sinabi mo iyon ang nangyari."

"At nakikita mo ang hinaharap? Nakabalik ka sa oras? Paano? Posible 'yon?" sunod-sunod niyang tanong na mas lalong kinasakit ng ulo ko.

"Look, alam ko mahirap paniwalaan, pero iyon ang totoo... Kaya kita hinalikan noong gabing 'yon dahil... dahil sa nangyari na parehas tayong..." hindi ko matuloy ang sasabihin nang makita ko siyang nakatitig lang sa'kin.

Huminga ako nang malalim at napatingala. Narinig ko rin na nagpakawala siya ng hininga.

"Hindi lang ako makapaniwala na... na nangyari nga ang panaginip ko," sabi niya habang nakalagay ang isang kamay sa manibela. "Noon pa man... pilit kong binabalewala angmga panaginip dahil akala ko wala lang 'yon."

Napatingin ako sa kanya at tila halos mapigil ko ang aking hininga. 'D-di kaya'y katulad ko...

"Noon pa man?" ulit ko sa sinabi niya. Tumingin siya sa'kin at may bahid ng lungkot ang kanyang mga mata at tumango siya.

Hindi ko napigilang matipid na ngumiti dahil pakiramdam ko'y nakahanap ako ng katulad ko at higit sa lahat... Natatandaan niya.

"Tumatawag si Felix," sabi niya sabay pinakita sa'kin ang cellphone. Bigla akong kinutuban ng hindi maganda kaya kinuha ko 'yon at pinatay ang tawag.

"Nasaan ang nanay at ang kapatid mo?" tanong ko habang inaayos ang seatbelt.

"Nasa ospital sila." Biglang nabahiran ng pag-aalala ang kanyang mukha, katulad ko'y nakaramdam din ng hindi maganda.

Hindi na kami nagsalita parehas nang mabilis niyang paandarin ang sasakyan papunta sa ospital na kinaroroonan ng kanyang ina at kapatid.

Subalit pagdating namin doon ay saktong nadatnan namin na may balisang nurse ang lumabas sa silid kung nasaan ang nanay ni Boaz.

"S-Sir! Mabuti na lang po dumating kayo—" hindi na pinatapos ni Boaz ang sasabihin nito nang buksan niya ang pinto pero walang tao roon.

"Nasaan ang nanay ko?"

"A-ayun nga po... K-kanina pa po namin hinahanap." Nagpaalam ang nurse upang magpatuloy sa paghahanap habang kaming dalawa ni Boaz ay tulalang naiwan sa silid.

Napapitlag kami parehas nang biglang tumunog ang cellphone niya. Sinagot niya ang tawag at alam ko na agad kung sino ang kausap niya.

"May kinalaman ka ba sa pagkawala ng nanay ko, Felix?" galit pero kontrolado pa rin ang boses niya.

"Nilipat ko lang sila sa mas magandang ospital, Boaz, don't worry—"

"Huwag mo 'kong gaguhin, Felix!" biglang dumagundong sa silid ang boses niya. "Nasaan ang nanay at kapatid ko?!"

"I told you, they're fine."

"Kinidnap mo sila dahil tumanggi na akong sumali sa larong sinasabi mo! Hayop ka!"

"Boaz, please, kailangan mo lang maglaro at pagkatapos makikita mo na ulit sila—"

"Ulol! Huwag ako! Nasaan sila?!"

"Ipapadala ko sa'yo 'yung address kung saan may private plane na magsusundo sa'yo—"

"Shit!" akala ko ibabato niya 'yung cellphone na hawak dahil binabaan na niya ng tawag si Felix.

Napaupo siya at napahilamos ng mukha. Mabigat at mabilis ang paghugot niya ng hininga.

Dahan-dahan akong lumapit sa kanya at tinaas ang kamay ko para hawakan siya. Nang dumapo ang palad ko sa kanyang balikat ay mabilis kong naramdaman ang pinaghalo-halong galit, matinding pagkabahala, at pagmamahal para sa kanyang pamilya.

Lumiwanag ang paligid at lumitaw ang lilang abo. Nag-angat bigla ng tingin si Boaz at tumingin sa paligid. Nakita ko ang ningning sa mga mata niya, may halong gulat at pagkamangha. Halos mapanganga ako nang may mapagtanto.

"N-nakikita mo?" tanong ko sa kanya habang patuloy pa ring nakahawak sa kanya.

Tumingin siya sa'kin at tila hindi malaman kung anong isasagot.

Biglang umalingawngaw ang tinig ni Nanay sa aking isip, "May kurdon na nagdudugtong sa mga tulad natin."

Pagkatapos ay saka ko napansin ang tila taling nagdudugtong sa aming mga pusod. Napatingin din doon si Boaz at may kung anong nag-udyok sa'kin na hawakan 'yon.

Mas nagningning ang tali, gamit ang dalawang kamay ko'y hinila ko 'yon dahilan para gumalaw siya palapit sa'kin.

Pinagdikit namin ang aming mga palad at noo, nangibabaw ang tunog ng pagtibok ng aming mga puso.

Mabagal, binalot kami ng kumikinang na abo hanggang sa bumilis nang bumilis ang pag-ikot nito sa amin at saka kami hinigop ng kawalan.

At sa isang iglap natagpuan ko ang aking sarili na kahinang ang kanyang labi, bigla siyang bumitaw at sinabing, "Sabihin mo sa'kin... Hindi 'to panaginip, hindi ba? T-totoo ka, hindi ba?"

Tumingin ako sa paligid at nakitang nasa loob kami ng sasakyan sa parking lot ng condo ni Saoirse.

"Boaz, kailangan nating pumunta sa ospital ngayon din!" nabalot ng pagtataka ang mukha niya pero natauhan siya nang bigla ko siyang hampasin. "Bilis!"

Habang nagmamaneho ay wala kaming kibo parehas. Hindi ko alam kung natatandaan ba niya 'yung nangyari kanina pero ang mahalaga sa'min noong mga sandaling 'yon ay ang kalagayan ng kanyang ina at kapatid.

Pagdating namin sa ospital ay tumakbo kami papunta sa silid na kinaroroonan ng pamilya niya. Tumambad sa'min ang kanyang ina na maputla, payat, at nakahiga sa kama na halatang nanghihina.

"Boaz?"

"Kuya?" halos sabay na reaksyon ng nanay at kapatid niya nang makita kaming pumasok. Napatingin sila sa'kin, nagtataka. Saka ko napagtanto na binatilyo pa lang ang kapatid ni Boaz

Lumingon siya sa'kin, hingal na hingal at tagaktak ng pawis. Naguguluhan man ay tila alam na rin niya kung ano ang mga susunod na mangyayari.

"Kailangan mo silang ilikas sa ligtas na lugar," sabi ko sa kanya. "Kung saan hindi sila mahahanap ni Felix." Nakita ko sa mga mata niya na marami siyang katanungan pero mas nangibabaw ang kapakanan ng kanyang pamilya.

Muling tumingin si Boaz sa kapatid at sinabing, "Billy, dalhin mo na ang dapat na dalhin na gamit. Kailangan na nating umalis dito."

"Ha? Bakit, kuya?"

"Sumunod ka na lang!" bulyaw niya sa kapatid sabay hila sa wheelchair sa gilid at pumunta sa kinaroroonan ng ina.

"A-anak, anong nangyayari?"

"Nay, magtiwala lang kayo sa'kin, hindi na kayo ligtas dito," aniya at dahan-dahang inalalayan ang ina na makabangon at umupo sa wheelchair.

Sumilip ako sa labas at nakita sa malayo ang paparating na dalawang lalaki na naka-scrubs at mask. Biglang kumabog ang dibdib ko.

"Boaz, padating na sila. Ako na ang bahala, magkita na lang tayo sa parking lot," sabi ko at tumango siya.

Lumabas ako ng silid at naglakad papunta sa kinaroroonan ng dalawang lalaki. Yumuko ako at nang madaanan ko ang isang cart ay pasimple ko 'yong sinipa kaya natumba kaya nagkalat ang laman sa sahig. Naalarma ang tao sa loob ng katapat nitong silid kaya may lumabas mula roon.

Napansin kong natigilan ang dalawang lalaki nang may makitang ibang tao sa hallway, pasimple silang tumulong pumulot sa nagkalat na mga gamit.

Lumingon ako at nakitang nakalabas si Boaz, tulak-tulak ang wheelchair, kasunod ang kapatid na si Billy.

Pero nakita sila ng isang lalaki at kinalabit ang kasama. Dali-dali nilang iniwan ang ginagawa at tumakbo sa direksyon nila Boaz. Mabilis akong kumilos dahil nang makasalubong ko sila'y pinatid ko ang isa. Napamura ang lalaki nang matumba. Nahila ko 'yung isa at binalibag sa pader.

Napasigaw 'yung babae nang makitang naglabas ng baril 'yung lalaking natumba nang makatayo. Nakatutok 'yon sa'kin at wala akong ibang nagawa kundi itaas ang dalawang kamay ko dahil halos dumikit 'yon sa dibdib ko.

Muli nilang hahabulin sina Boaz na tuluyan nang nawala sa paningin namin, bigla kong hawakan ang kamay ng lalaking may hawak ng baril. Hindi ko rin alam kung bakit pero biglang yumanig ang paligid at nabalot ito ng kulay lila.

Pagkurap ko'y nakita ko ang lalaki kanina na akmang babangon at itututok ang baril sa'kin pero naunahan ko siyang sipain sa mukha. Tumalsik ang baril sa malayo pero may humawak sa balikat ko. Bumagal ang galaw ng oras nang makita ko ang akma niyang pagsuntok.

Muling yumanig ang paligid at bumalik sa eksenang tumalsik ang baril. Bago ako mahawakan ng lalaki sa likuran ko ay nakaiwas ako at sinalubong ng kamao ko ang mukha niya.

Halos mapanganga ako nang makita ko silang dalawa na nakatumba. Tiningnan ko ang mga palad ko at hindi ko maiwasang mapasigaw sa aking isip. Mirai, anong ginawa mo?!

Nakita kong paparating na ang dalawang gwardiya, tumakbo na rin ako palayo dahil alam kong hindi na sila makakasunod sa'min. Saktong pagdating ko sa parking lot ay huminto sa tapat ko ang sasakyan ni Boaz. Sumakay ako sa unahan at saka niya pinaharurot ang kotse.

"Okay ka lang?" tanong sa'kin ni Boaz nang mapansing habol-habol ko pa rin ang aking hininga.

Napapikit lang ako at sumandal.

"Saan ba kasi tayo pupunta, Kuya?" naiinip na tanong ni Billy sa likuran. "Buksan mo naman 'yung music, ang boring!" dumukwang ito at pinindot ang radyo.

"Teka!" saway ni Boaz sa kapatid nang may marinig kaming pamilyar na pangalan sa isang balita.

Binalik ni Boaz ang radyo sa dumaang istasyon at nilakasan ang volume. Pinakinggan naming maigi ang sinasabi ng DJ at hindi nga kami nagkamali.

"Patuloy pa ring kumakalat sa social media ang video kung saan makikita ang isang sikat na aktres na kausap ang kanyang ghost singer! Sunod-sunod din na nagsilabasan ang alegasyon na pagiging escort nito noon bago sumikat. Sa ngayon ay sinusubukang kuhanin ang pahayag ng kampo ni Saoirse Soraya subalit wala silang nilabas na anumang statement." 

Nagkatinginan kami ni Boaz.

Mukhang sinisingil na rin si Saoirse ng kompanyang nagbigay sa kanya ng kasikatan at karangyaan.

Napasapo ako sa dibdib at dinama ang tibok ng aking puso. Saoirse... I hope you're okay.

*****

MATAPOS ang apat na oras na pagmamaneho mula Maynila ay narating namin ang isang liblib na probinsya. Bago kami tumuloy sa isang lumang bahay ay dinala namin ang nanay ni Boaz sa isang private hospital.

Tinanaw ko si Boaz sa labas at nakita kong kausap pa rin niya ang tiyahin, nakita kong nag-abot siya ng pera, suhol para payagan kaming tumuloy dito pansamantala. Nag-uusap pa rin sila habang tumitingin ako sa social media. Kalat na kalat ang balita tungkol sa narinig namin kanina. As usual ay kabi-kabilang komento at bashing ang mga tao.

Nag-chat din ako kay Fumi at sinabing saka na ako magpapaliwanag. Hindi ko rin siya nasagot nang magtanong siya sa akin tungkol kay Saoirse dahil kakaanunsyo lang nito ng endorsement sa salon namin at pagkatapos ay may issue agad.

"Isipin n'yo na lang na bad publicity is still publicity!" basa ko sa chat ni Fumi sa groupchat namin dahil hindi maiwasang mabahala nina Gigi para sa kapakanan ng Mystic Nails.

Binaba ko 'yung phone ko nang makita kong pumasok si Boaz sa loob ng bahay. Itsura pa lang niya ay parang pang-isang taon na ang pagod. 

"Pasensiya ka na kung nasama pa kita rito," sabi niya nang umupo sa kahoy na upuan. "Hayaan mo, bukas ng umaga ihahatid kita pabalik ng Maynila."

"Magpahinga ka na muna. Marunong naman akong magluto, tapos sasamahan kitang pumunta sa ospital."

Nahihiya siyang ngumiti. "Hindi mo 'to dapat ginagawa kung tutuusin."

Sabagay... Wala namang kami.

Napangiti na lang ako at napakamot sa batok.

"Sa totoo lang, alam ko na marami tayong hiwaga na dapat pag-usapan," sabi ko at umupo kaharap niya. "Hindi ko na rin naiintindihan kung anong nangyayari sa'kin."

Nilahad ko sa kanya 'yung mga nangyari kanina, 'yung naging pag-uusap namin tungkol sa panaginip niya, pagpunta sa ospital, 'yung nakita kong kurdon na nagdudugtong sa'ming dalawa.

"Anong mangyayari kay Felix at Miss Saoirse?" nababahalang tanong niya. "Kahit na ginago ako ni Felix, kaibigan ko pa rin 'yun. Napunta lang siya sa maling landas dahil katulad ko kinailangan din niya ng pera." 

"Marahil katulad nang sa nangyayari kay Saoirse... Baka singilin na rin si Felix." Napabuntong-hininga siya. "Hindi naman natin kasalanan kung bakit sila nasuong sa sitwasyon na 'yon, kung bakit sila sumali sa isang misteryosong laro."

Paano si Saoirse? Hindi ko nakuhang sabihin kay Boaz ang katotohanan tungkol sa pagkatao niya, na ako rin si Saoirse, na galing sa hinaharap.

"Ayos ka lang ba?" bigla niyang tanong sa'kin.

"H-hindi ka ba natatakot sa'kin?" sa wakas ay nagawa ko ring itanong 'yon.

"Dahil?"

"Dahil... kakaiba ako," sagot ko at tiningnan ang dalawa kong palad. "Hindi makamundo."

Hindi ko nga alam kung anong iniisip niya matapos marinig ang mga kakaiba at kakatwang pangyayari.

"Ganyan din ang gusto kong itanong sa'yo sa oras na malaman mo 'yung panaginip ko," sabi niya. "Pero mas napanatag ako nang malaman ko na may Sapantaha ka."

Gusto kong itanong kung bakit. Talaga bang... espesyal na ako sa kanya? 

Pero bago ko pa 'yon magawa ay nakita kong tumatawag si Fumi na kaagad kong sinagot 'yon. 

"Fumi? Bakit?"

"Buksan mo 'yung TV! Nasa balita si Miss Saoirse!" nanginginig 'yung boses niya. Narinig 'yon ni Boaz kaya siya ang nagbukas ng lumang TV sa sala.

Saktong nakita namin ang isang balita at nanlaki ang mga mata ko dahil sa headline.

SHOCK AND TRAGEDY: BELOVED SINGER-ACTRESS, SAOIRSE SORAYA SHOT BY GUNMAN DURING LIVE EXCLUSIVE INTERVIEW

###


Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro