Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 18

DAMA ko ang pinaghalong bigla at pag-aalinlangan kay Fumi habang nakayakap ako sa kanya.

"M-Mirai, anong nangyari?! Napaano ka?" nag-aalala niyang tanong pero hikbi lang ang sinagot ko sa kanya.

Hindi ko alam kung gaano kami katagal sa ganoong posisyon. Naramdaman ko na rin ang kamay niya na humagod sa likuran ko kaya humigpit ang pagkakayakap ko sa kanya.

"F-Fumi." Wala akong ibang nagawang sabihin kundi ang pangalan niya.

"Mirai naman! Huwag mo nga akong tinatakot, ano bang nangyari? Shh... Tahan na." Umiiyak din siya base sa nanginginig niyang tinig. Siguro kasama na ro'n ang pagkabigla dahil kailanman ay hindi ko siya niyakap ng ganito dahil sa pangamba.

Napansin ko ang kulay lilang abo sa paligid, at katulad noon ay nanatiling nakatigil ang mga 'yon sa ere at tila hinihintay lang ang pagnanais ko.

Hindi ko alam kung paano ako napakalma ni Fumi, namalayan ko na lang na sumakay kami sa Taxi at hinatid ako pauwi sa amin. Tahimik lang ako habang nakasandal sa balikat niya, hindi na rin siya nagtanong. Hanggang sa bahay namin ay sinamahan ako ni Fumi, sinigurong ligtas akong nakauwi.

"Oh? Ang aga mo namang umuwi—" bago pa matuloy ng nanay ko ang pagsasalita ay sinunggaban ko siya ng yakap. Dama ko ang pagkakabigla niya katulad ni Fumi, pero hindi ako umiyak sa balikat niya. "Fumi? Anong nangyari rito sa kaibigan mo?"

Hindi ko na maalala kung kailan ko huling nayakap ng ganito ang nanay ko.

"H-hindi ko rin po alam, Tita," dinig kong sagot ni Fumi. "Mainam po siguro na magpahinga na muna si Mirai para mahimasmasan."

Bumitaw ako kay Nanay at humarap ako kay Fumi, nagpasalamat ako sa kanya bago ako pumasok sa loob ng kwarto ko.

Sinubukan kong matulog noong gabing 'yon pero nabigo ako. Patuloy akong binabangungot ng mga nangyari sa Lihim ng Hiraya na sariwang sariwa sa aking alaala.

Lahat ba ng iyon... Ay mga sapantaha lang? Ilusyon lang o babala na nakita ko sa hinaharap?

Imposible...

Bakit totoong totoo ang mga naramdaman ko? Ang mga mainit naming tagpo noon ni Boaz sa loob ng laro?

Mababaliw na yata ako kakaisip.

Hindi ko na namalayan na nakatulugan ko na pala ang pag-iisip. Pero bago 'yon ay nagawa ko pang mag-send ng message sa group chat ng Mystic Nails na kailangan ko silang kausapin nang maaga kinabukasan.

*****

"MIRAI?" Napatingin ako sa pintuan at nakita si Fumi na halos kasunuran ko lang dumating. "Okay ka na ba?" Marahan lang ako na tumango.

"Kumain ka na ng almusal?" tanong ko. Umiling siya at sabay kaming nagpunta sa pantry. Walang nagsasalita sa'min habang hinahain ko 'yung mga binili kong pagkain sa nadaanan kong tindahan kanina.

"Hindi ako nakatulog kagabi, alam mo ba," sabi niya, hindi na rin natiis ang katihimikan. "Iniisip ko kung napaano ka ro'n sa party. Ang lala ng pag-o-ovethink ko, 'Mi."

Napatitig lang ako kay Fumi.

Paano ko sasabihin sa kanya ang totoo? Lalo pa't mahirap paniwalaan.

Huminga ako nang malalim at umupo kaharap niya.

"Sorry kung pinag-alala kita ng sobra," sabi ko. "Hindi naman ako napahamak sa party."

Napakunot siya pero nag-aalala pa rin ang itsura.

"Kung gano'n... bakit kung makahagulgol ka para kang kinatay?" 'di ko mapigilang matawa nang kaunti at muntikan na niya 'kong batuhin ng tinapay. "Kainis 'to, huwag mo nga 'kong tawanan."

Muli akong sumeryoso. Masakit sa kalooban ko na hindi ko magawang sabihin sa kanya ang totoo.

"Stress lang, Fumi," pagdadahilan ko.

"May umapi ba sa'yo ro'n sa party? Sabihin mo lang at reresbakan namin," matapang niyang sabi at umiling ako.

"Hindi ko lang muna kayang sabihin ngayon. Please, sana maintindihan mo," pakiusap ko sa kanya. Tumitig siya sa'kin bago tumango at tinanggap ang desisyon ko.

"May kinalamatan ba 'to sa sasabihin mo sa amin ngayong umaga?" tanong niya.

"Mabuti pa't hintayin na muna na natin silang lahat dumating," sabi ko.

Mayamaya'y isa-isang nagsidatingan ang mga empleyado namin. Kumirot na agad ang dibdib ko nang marinig ko ang masigla nilang tinig. Bago ako lumabas ng private studio ay humugot ako nang malalim na hininga.

Sa pantry ko sila naabutan at natigilan sila nang makita ako. Tumikhim si Fumi, senyas na sabihin ko na ang dapat kong sabihin.

"Thank you sa pagpunta nang maaga," panimula ko. Bahagya akong yumuko bago ko ulit sila tingnan. "Hindi na ako magpapaligoy pa. Nalulugi na ang Mystic Nails at... kailangan na naming magbawas ng tao."

Naramdaman ko na nag-iba ang timpla ng ere. Napatingin sa'kin si Fumi at hindi ko inaasahan na siya ang unang aalma.

"Wait, akala ko ba susubukan mong kuhanin si Miss Saoirse bago ka magdesisyon ng ganyan?" tanong niya.

Umiling ako. "Hindi na posible 'yon."

Bigla kong naalala ang nangyari noon... Tinanggap ko ang deal ni Saoirse at sa isang iglap ay nagbago ang takbo ng buhay naming lahat. Wala silang kamukat-mukat sa posibilidad na 'yon dahil ako lang ang nakakita at nakaranas.

Pero hindi... Hindi ko na pipiliing mahulog sa patibong ni Saoirse.

Napaawang lang ang bibig ni Fumi at hindi malaman ang sasabihin.

"May napili na po ba kayong tanggalin sa'min, Boss?" mahinang tanong ni Shammy at tumingin sa mga kasama. "Para naman makapaghanap na kami kung sakali ng bagong trabaho."

"M-meron." Tumingin ako kay Fumi at inabot sa kanya ang folder na binigay niya sa'kin noon.

Bago buksan 'yon ni Fumi ay sabay-sabay kaming napatingin sa pintuan sa reception area nang marinig namin ang tunog ng bell sa pinto.

Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko siyang pumasok sa loob ng salon.

"Uy, nandito na naman si pogi," dinig kong sabi ni Gigi. "Boss, hinahanap ka yata."

"Ikaw na muna ang bahala, saglit lang," paalam ko kay Fumi bago ako pumunta sa kinaroroonan niya. "Mag-usap tayo sa labas," hindi tumitinging sabi ko kay Boaz.

Nauna akong lumabas at sumunod siya sa'kin. Pagkatapos ay galit ko siyang hinarap.

"Si Saoirse ba ang nag-utos sa'yo na pumunta ka rito? Bakit?" pinigilan kong mangilid ang luha ko nang pagmasdan ko ang walang buhay niyang mga mata.

Tinaas niya ang dalawang kamay na para bang sumusuko.

"Chill, para ka namang tigre, kay aga-aga," sabi niya.

"Ano bang kailangan mo?"

Napakamot siya sa batok at napalitan ng pagtataka ang itsura.

"H-hindi ko rin alam kung bakit dinala ako ng sarili ko rito," sabi niya at napakunot-noo ako. Pagkatapos ay tumingin siya nang direkta sa'kin at napalunok ako bigla. "May atraso ka sa'kin!"

"A-ano?"

Humalukipkip siya at parang hindi makapaniwalang ngumiti. "Ang bilis mo namang makalimot, sabi ko na, lasing ka yata o bangag kagabi. Anong tinira mo?" Tumitig lang ako sa kanya kaya lalo siyang naasar. Tapos tinuro niya 'yung labi niya. "Ang lakas mong magnakaw ng kiss. Pero kapag kayong babae 'yung ginanon, katakot-takot na bash ang aabutin ng mga lalaki. Double standards kayo, eh, 'no?"

Hindi ko napaigilang ngumiti. Tinakpan ko 'yung bibig ko at tatalikod sana pero hinawakan niya 'yung braso ko na kaagad kong pinalis. Mabilis na kumabog 'yung dibdib ko dahil naalala ko bigla 'yung mga halik na pinagsaluhan namin noon.

"B-Boaz, pwede ba? Ang dami nang problema sa mundo at iyon lang ang iniisip mo?"

"Problema 'yon, you harassed me," seryosong sabi niya at hindi ko malaman kung nagbibiro ba siya.

"W-wala lang ako sa sarili. Saka parang hindi pa ba normal sa'yo 'yung gano'n?" parang gusto kong pagsisihan 'yung sinabi ko nang makita ko 'yung itsura niya, parang nadismaya na nasaktan.

"Siguro nga trip mo lang. At trip mo lang din na sampalin si Miss Saoirse." Tumango-tango siya saka pumamulsa. "Baka nga lasing ka lang." Akma siyang aalis nang bigla ko siyang hawakan sa braso.

"I-I'm sorry."

"Mirai?" naramdaman ko 'yung palad niya sa pisngi ko dahil hindi ko namalayan ang pagtulo ng luha ko.

Kaagad kong pinalis ang kamay niya pero hinawakan niya 'yon.

"Mirai!" parehas kaming napapitlag ni Boaz nang lumabas si Fumi mula sa loob ng shop. "Sorry to interrupt pero kailangan mo 'tong makita."

Kaagad ko siyang nilapitan at pinakita niya sa'kin ang phone niya. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko ang isang article mula sa isang Showbiz page na nagsasabing ine-endorse ni Saoirse Soraya ang Mystic Nails.

Napakuyom ako. A-ano 'to?

"Akala ko ba hindi mo siya kinuhang endorser?" tanong ni Fumi. "Saktong may mga nag-i-inquire ngayon sa'tin online." Nakita ko si Winona sa reception at abala sa computer.

Hindi ko alam ang isasagot kay Fumi nang biglang tumunog ang phone sa bulsa ko.

Miss Saoirse is calling...

"H-hello?" nanginginig kong sagot.

"You're welcome, Mirai." Para akong binuhusan nang malamig na tubig nang marinig ko ang boses niya, blangko 'yon pero may kung anong karga. "I know you have many questions. Let's meet. I'll send you my address."

"Mirai," tawag sa'kin ni Boaz na hawak ang phone niya. "Pinapasundo ka ni Miss Saoirse sa'kin."

Tumingin ako kay Fumi at tumango siya sa'kin at sinabing, "Kami na muna ang bahala rito, Mi." Tumingin siya kay Boaz. "Ingatan mo ang best friend ko, ha." Sinubukan niya pang mang-asar.

Sumakay ako sa kotse ni Boaz at mabilis niyang pinaandar ang sasakyan papunta sa kinaroroonan ni Saoirse. Dumating kami sa isang lumang condo, nakapasok kami agad at nagtaka ko na nakasunod pa rin siya sa'kin.

"Samahan daw kita hanggang sa unit niya," sabi niya sa'kin at hindi na ako umangal pa nang sumakay kami ng elevator.

Pagdating namin sa tapat ng unit ay kumatok ako. Walang sumagot kaya sinubukan kong pihitin ang door knob at bumukas 'yon.Pumasok ako sa loob kasunod si Boaz.Tahimik na tahimik ang buong silid kaya parehas kaming nakiramdam.

"Hello, love birds," sabi ni Saoirse nang makita namin siyang nasa mezzanine. May hawak siyang wine at walang ano-ano'y naglabas siya ng baril at tinutok 'yon kay Boaz. Napasigaw ako at akmang itutulak siya nang...

"Mirai!" kumurap ako at nakita ko si Fumi. Sorry to interrupt pero kailangan mo 'tong makita."

"A-anong..." tumingin ako sa paligid at muntik na akong matumba nang alalayan nila ako. Napatingin ako kay Boaz at hinawakan ko siya.

Pinakita sa'kin ni Fumi 'yung phone niya at nakita ko ro'n 'yung nakita ko na kanina.

Anong nangyayari?! Gusto kong sumigaw.

Katulad nang inaasahan ay tumawag si Saoirse.

"You're welcome, Mirai." N-na naman? "I know you have many questions. Let's meet. I'll send you my address."

"Mirai," boses 'yon ni Boaz. "Pinapasundo ka ni Miss Saoirse sa'kin."

"Mirai?" niyugyog ako ni Fumi dahil nakatulala lang ako sa kawalan.

Naramdaman ko ang paghila sa'kin ni Boaz papunta sa sasakyan niya. Sa isang iglap ay dumating kami sa lumang condo.

"Ayos ka lang ba?" tanong niya sa'kin nang bumaba kami.

"Dito ka na lang maghintay."

"Samahan daw kita hanggang sa unit niya."

"Hindi nga!" Nagulat siya sa pagtaas ng boses ko.

"Hindi ikaw ang amo ko—" hinila ko 'yung kwelyo ng damit niya at siniil siya ng halik. Napapikit siya at gumanti ng halik pabalik sa'kin pero binitawan ko siya.

"I like you," halos pabulong kong sabi. "I kissed you that night because..." Mamamatay-matay ako sa pag-aalala. "Because I like you." Hindi siya nakapagsalita dahil sa pagkabigla. "Dito ka lang, babalik ako." Hinalikan ko siya sa pisngi bago ako tumakbo palayo.

Hindi na siya sumunod pa sa'kin.

Nang dumating ako sa loob ng unit ni Saoirse ay maingat akong naglakad papasok.

"Where is your lover?" tanong niya nang dumungaw mula sa mezzanine. Hindi ako sumagot at nakita ko siyang dahan-dahang bumaba. Hawak pa rin niya ang wine glass at ang isang kamay ay nakatago sa likuran.

"Hindi ko alam kung anong sinasabi mo," sagot ko at napangiti siya habang naglalakad palapit sa'kin. "Wala tayong usapan na i-e-endorse mo ang Mystic Nails."

"We had a deal, Mirai, don't you remember? We shook our hands," pa-inosenteng sabi niya.

Napalunok ako nang huminto siya malapit sa'kin.

"Hindi na ako mahuhulog sa bitag mo, Saoirse. Tama na ang pagpapanggap," matigas kong sabi.

"Well, that's bad." Nilabas niya ang nakatagong kamay at tinutok sa'kin ang baril.

Weird pero... Wala akong naramdamang takot.

Pumikit ako at hinintay na paputukin niya ang baril pero naramdaman ko ang tumalsik na tubig sa dibdib ko. Tumatawa si Saoirse nang dumilat ako, dahil ang hawak niya pala ay isa lang water gun.

Nanatili akong nakatayo habang siya'y pumunta sa sofa at prenteng umupo roon.

"Boaz... Sinira niya ang plano ko," dinig kong bulong niya nang maglaho ang ngiti niya. "The both of you ruined it." 

"Pumunta ako rito para sabihin na binabawi ko na 'yung pagtanggap sa offer mo bilang personal nail artist mo, hindi ka namin kailangan bilang endorser," pagkasabi ko no'n ay tumalikod ako para layasan siya pero...

"Then you'll let Boaz compete in the game without you?" natigilan ako sa tinanong niya Dahan-dahan ko siyang nilingon at nakita ko siyang muling nakatayo. "You're supposed to either win alone or die. How did you get back?"

"S-sino ka ba talaga?" Humakbang pa siya palapit sa'kin.

Pero imbis na sumagot ay hinigit niya ang braso ko. 

###

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro