Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 13

PARANG mas gusto ko na lang isipin na naakisdente ang eroplanong sinasakyan namin noon papuntang Japan at patay na kami ngayon kaya kami nandito sa mala-impyernong laro na 'to.

Hindi rin ako nakatulog nang iwanan ako ni Boaz at matapos kong sabihin sa kanya ang lihim kong kakayahan.

Pero laking gulat ko nang mayamaya'y kinatok din ako ng staff at pinaghanda para sa susunod na laro. Saka ko unti-unting napagtanto, ilusyon lamang ang sense of time sa lugar na 'to. Kaya ang hinala ko'y baka nasa impyerno na talaga kami o kaya'y nasa purgatoryo't nag-aagaw buhay para makaakyat ng langit.

Katulad noon ay parang magic na lumitaw na lang 'yung damit na isusuot ko sa aparador. Isang kaswal na panlakad na pinarisan ng makapal na tsinelas. Pagdating ko sa bulwagan ay doon naghihintay ang mga kasama ko.

Hinintay namin ang Punong Ginoo pero hindi ito nagpakita. Muling bumukas ang higanteng pintuan sa entablado papunta sa kung saang dimension. Naalala ko 'yung sinabi ni Marc na may pagkakahalintulad ang sitwasyon namin sa kwentong Alice in Wonderland.

Tiningnan ko si Boaz pero hindi ko alam kung sinasadya ba niyang lumayo sa akin. Nang maalala ko kung paano niya ako pinagtawanan nang sabihin ko sa kanya ang totoo ay nainis lang ako kaya hindi ko na rin siya tinangkang lapitan muna.

Pagpasok namin sa loob ng pinto'y sumalubong sa'min ang isang arena. Napatingala kami sa dome na kisame dahil punum puno 'yon ng mga bituin at animo'y nasa isang planetarium kami.

Paglingon ko'y parang magic na naglaho ang bulwagan at pintuan. Pagkatapos ay sabay-sabay kaming tumingala nang napalitan ang mga bituin ng imahe ng Punong Ginoo.

"Maligayang pagdating, mga mahal naming kalahok, sa ikalawang pagsubok ng Lihim ng Hiraya, ang Bulkan ni Magayon. Sa pagsubok na ito ay nararapat na maghanap kayo ng inyong mga kapareha upang inyong maging katuwang sa ikalawang laro."

Kaagad hinanap ng mga mata ko si Boaz pero laking gulat ko nang makita kong magkadikit sila ni Isla at nag-uusap! Saka ko napansin na magkakatabi na pala 'yung mga magkakapartner at ako na lang ang nag-iisa.

Saktong tumingin sa direksyon ko sina Boaz at Isla nang biglang humarang sa paningin ko si Alvin, parang nahihiya.

"Ma'am? Mukhang tayong dalawa na lang ang mag-partner," sabi niya at hindi ako nakasagot agad.

"Simpleng-simple lang naman ang ikalawang pagsubok dahil kailangan n'yo lang ulit matagumpay na makatawid sa kabila. Subalit..." pagkasabi ng Punong Ginoo'y biglang lumiwanag ang gitna ng arena, may mga tiles na animo'y chessboard ang naroon. Walang ano-ano'y sa ilalim ng tiles ay may nahati sa gitna at nanlaki ang mga mata namin nang tumambad sa amin ang tila bunganga ng bulkan at kumukulo-kulo pa.

Narinig ko ang pagmumura ng mga kasama ko.

"Upang makatawid ay bibigyan namin kayo ng isang oras upang makabisado ang tamang pattern upang makatawid sa kabila," dinig naming sabi ng Punong Ginoo sabay umilaw ng kulay berde ang mga tiles at nakita namin ang pattern papunta sa kabila. "Pagkatapos ng isang oras ay mawawala na ang pattern at sa tulong ng magkapareha ay kailangan n'yong makatawid gamit ang inyong memorya. Mangyari lamang na bumunot kayo ng numero ukol sa pagkakasunod-sunod ng mga pares na tatawid."

Mula sa kung saan ay lumitaw ang staff na may hawak na fish bowl at wala kaming nagawa kundi bumunot doon ng numero.

Si Alvin ang bumunot at nang buksan namin ang mga papel ay kanya-kanya sila ng reaksyon.

"S-sorry, Ma'am!" sabi ni Alvin sa'kin nang ipakitang number one ang nakalagay sa card.

"At kapag handa na kayo, pindutin n'yo lamang ang pindutan sa starting point. Enjoy!" pagkatapos ay naglaho na ang Punong Ginoo at muling bumalik ang mga bituin.

Napakurap lang ako at natulala sa kawalan.

Hindi ko alam kung anong mas masaklap, 'yung maaaring malaglag ka sa bunganga ng bulkan o 'yung mas pinili ni Boaz si Isla.

*****

"SIGURO patay na tayo, ano?" napatingin ako nang sabihin niya 'yon bigla kaya napatingin ako sa kanya. Parehas kaming nakaupo habang pinagmamasdan ang mga kasama namin na kanya-kanya sa pagme-memorize.

"Naisip ko na rin 'yan," sagot ko kay Alvin. "Baka nga nasa impyerno na talaga tayo, eh." Hindi ko pa rin mapigilang sumulyap sa kanilang dalawa 'di kalayuan.

Kaming dalawa lang yata ni Alvin ang hindi pa nagtatangkang sumilip sa pattern para kabisaduhin 'yon. Kalahating oras na ang nakalilipas simula nang tumakbo ang timer.

"Pasensiya ka na, Ma'am, kung ako ang naging partner mo, 'tapos number one pa 'yung nabunot ko," nahihiyang sabi niya. "Si Ma'am Isla kasi sinabi na mas mainam daw kung tayong dalawa ang magpares."

Napakunot ako. Kung gano'n si Isla talaga ang sumulot kay Boaz. Kahit kailan talaga ay ayaw patalo ng babaeng 'yon. At ito namang si Boaz ay pumayag din! Magsama sila.

"Huwag mo na 'kong i-Ma'am, hindi mo naman ako amo," sabi ko. "Mirai na lang."

Saglit kaming napatingin sa kawalan bago ulit siya nagsalita, "Wala ka bang asawa, Mirai?" tanong niya bigla at umiling ako. "Pamilya na uuwian?"

"Nanay ko, best friend ko at mga kaibigan," sagot ko. "Ikaw? Paano ang pamilya mo? Pinangako rin ba sa'yo ng Ninong mong foreman na magiging maginhawa ang buhay nila bago ka pumunta rito?"

Mapait siyang ngumiti. "Binigyan ako ng singkwenta mil ng Ninong ko bilang advance, akala ko nagmamagandang loob siya sa'kin. Actually, matagal na kaming hiwalay ng asawa ko dahil nalulong ako noon sa sugal," kwento niya at nakinig akong maigi. "Nang ibigay ko sa kanya 'yung singkwenta mil, nagulat siya, sabi ko bilang pambawi sa kanilang mag-ina ko. Gusto kong bumalik sa buhay nila, gusto kong magpaka-tatay para sa anak namin."

"At pumayag siya?" tanong ko.

"Hindi," mapakla siyang natawa. "Akala niya nagsusugal ulit ako. Pero pinangako ko na babalik akong may maayos na pampuhunan para makapgsimula kami. Excited akong pumunta sumama sa kanila para dalhin dito dahil akala ko—" bigla siyang natigilan at napatakip ng bibig. Base sa kanyang itsura'y parang napagtanto niya ang katotohanan na maaaring hindi na kami makalabas dito ng buhay. "Siguro nga patay na tayo," ulit niya sa sinabi kanina. "O baka ito na ang karma ko sa mga nagawa kong kasalanan noon."

Saglit akong napaisip at tumingin sa kumukulong bukana ng bulkan sa malayo. "Lahat naman tayo makasalanan," sabi ko at natigilan siya. "Lahat tayo may mga nakaraan na gustong takasan, o kaya may mga gustong baguhin sa nakaraan. Pero wala, eh, nandito na tayo sa kung nasaan tayo ngayon, hinaharap 'yung mga bunga nang naging desisyon natin noon."

Tumayo ako at pinagpagan 'yung likuran ko. Tumingin ako sa kanya at nilahad ko 'yung palad ko sa kanya.

"Pero gaano man kabigat ang mga naging pagkakamali natin noon, lahat tayo ay may ikalawang pagkakataon para muling bumangon at magpatuloy." Nang dumapo ang kamay ni Alvin sa palad ko'y lumitaw ang 'di malinaw na Sapantaha sa aking mga mata. May buhay ang larawan subalit kulang pa ang detalye, kulang pa ang koneksyon namin.

Sinamantala ko ang pagkakataon habang nasa harapan ko pa ang mga abong binubuo ng aking Sapantaha. Magsasalita pa sana si Alvin nang talikuran ko siya at diri-diretso akong pumunta sa kinaroroonan nila.

Nang malapitan ko si Isla ay sinampal ko siya, mas luminaw ang Sapantaha at nagkaroon ng porma. Natigilan ang mga kasama namin at bago pa maka-alma si Isla ay kinabig ko si Boaz at hinalikan siya sa labi.

Nanlaki lang ang mga mata niya pero tinagalan ko ang paghalik sa kanya, napapikit din siya't naramdaman ko ang paghapit niya sa aking bewang. Dumilat ako nang maramdaman kong sapat na ang pwersa sa paligid ko.

Mas malinaw at klaro na sa paningin ko ang pattern. Hindi ko inaksaya ang oras at tumakbo ako kay Alvin para hilahin siya papuntang starting point.

"Hey!" sigaw nilang lahat nang hampasin ko 'yung pindutan. Naglaho sa tiles ang kulay berdeng pattern.

"Magpapakamatay ba kayo?!" sigaw 'yon ni Rhian.

Napalunok ako nang makita ko ang maaari naming bagsakan sa oras na mali ang matapakan. Saka ko lang napagmasdan nang malapitan ang mga tiles, nakalutang 'yon sa ere, at bahagyang magkakalayo kaya kailangang maingat na humakbang.

Lumingon ako kay Alvin. "Akong bahala, sumunod ka lang sa'kin, okay?" kampante pero mariin kong saad.

Nag-aalinlangan siyang tumango.

"Mirai!" dinig kong sigaw ni Boaz nang humakbang ako sa unang tiles at pagkatapos ay mabilis akong humakbang sa kanan at muli silang napasigaw.

Sumunod sa paghakbang si Alvin. Naramdaman ko ang hindi makapigil hininga nilang panonood sa'min at napanganga sila dahil sunod-sunod kong natawid ng tama ang bawat tiles.

Sinundan ko lang ang nakikita ko hanggang sa matagumpay naming natawid ang kabila. Narinig ko ang sigawan nila dahil sa nagawa namin. Hindi sila makapaniwala dahil nagawa naming makatawid ng gano'n lang.

"N-nagawa natin?" dinig kong sabi ni Alvin. "P-paano mo nagawa 'yon? P-paano mo nakabisado 'yon ng gano'n kadali?" hindi ko siya masagot dahil tiyak kong hindi rin naman niya maiintindihan.

Tumingin ako sa mga kasama namin. Saka ko napagtanto ang ginawa ko.

"Mirai, saan ka pupunta?" tanong ni Alvin nang makita akong pabalik.

Hindi ko siya pinansin at muling napasinghap ang mga kasama ko nang makita nila akong tumatawid pabalik sa kinaroroonan nila.

"Are you out of your mind?! Bakit ka bumalik dito?!" sigaw sa'kin ni Marc na nakahawak pa ang dalawang kamay sa ulo.

"Sundan n'yo ko, dali!" utos ko sa kanila.

"Paano mo 'yon nagawa?" tanong pa ni Jasmine.

"Sumunod na lang kayo!" sigaw ko.

"Come on, guys!" boses 'yon ni Boaz at pinaayos niya ang order ng pagkakasunod-sunod ng mga tatawid.

Wala namang binaggit sa rule na kailangang dala-dalawa o sabay-sabay kaya sa tingin ko makakatawid kaming lahat.

"W-what the? Paano kung nakalimutan na niya 'yung pattern?!" sigaw ni Gabe.

"Just trust her!" sigaw pabalik ni Boaz at nagtama ang paningin namin.

Muli akong humarap sa starting line at maingat na tumalon sa bawat tiles. Lumingon ako at nakita si Boaz ang nakasunod sa'kin.

Naniniwala ka na ba ngayon? Gusto ko sanang sabihin sa kanya. Saglit akong na-distract ng kumukulong lava sa ibaba at napalunok ako. Saka ko napagtanto kung nasaan kami ngayon. Hindi pwede 'to, hindi pwedeng mawala 'yung adrenaline rush sa katawan ko.

"Mirai," tawag ni Boaz sa'kin. "I trust you." Nang marinig ko 'yon ay parang nabuhayan ako ng loob.

Maingat akong humakbang sa mga sumunod na tiles. Nanatiling kampante si Boaz sa'kin at bawat lingon ko sa kanya'y tumatango siya na para bang sinasabing magpatuloy lang ako.

Hanggang sa unti-unti matiwasay kaming nakatawid sa kabila. Tinulungan kami ni Alvin isa-isa, pagkatapos ay bigla akong niyakap ni Boaz pero para akong nakuryente't naitulak ko siya, si Isla ay inismiran lang ako, si Marc ay napamura nang makatungtong sa safety.

Pero nang iaabot na ni Rhian ang kamay niya kay Alvin ay natigilan siya nang marinig namin ang sigaw ni Gabe sa likuran niya.

"Gabe!" sigaw ni Rhian at lahat kami'y nagimbal nang makitang nahulog si Gabe sa lava. "What the fuck—" umalingawngaw sa buong paligid ang sigaw nito hanggang sa unti-unting naglaho.

"Rhian!" sigaw namin nang makitang siya naman ang natumba.

"Help me!" pero bago pa siya mahila ni Alvin ay mabilis na nabasag ang tiles.

Natulala kaming lahat at namalayan na lang namin na ligtas na nakatawid ang tumulak sa kanila, na walang iba kundi si Jasmine. 

###

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro