Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

SIMULA

NOTE: Hello guysss! Panibagong kuwento na naman ang nalikha ng malikot kong imahinasyon. Hindi ako bihasa sa pagsulat ng mga kwentong may hiwaga't katatakutan pero sana suportahan niyo 'ko.

Love lots, my beloved readers.
MissBavarian

***

Maraming tao ang nag-aasam na magkaroon ng abilidad na hindi makakayang gawin ng isang ordinaryong tao lamang.

Namulat si Mikael na bawat taong mapapanaginipan niya ay makikilala niya sa mga susunod na araw. Sa oras na tumapat ang kaniyang mga mata rito, isang kahindik-hindik na pangyayari sa buhay nito ang kaniyang makikita.

KAMATAYAN.

Isang sumpa na babaunin niya hanggang siya ay nabubuhay.

***
SIMULA

Isang tunog ng telepono ang gumising sa aking mahimbing na pagkakatulog. Inabot ko sa aking side table ang telepono habang nakapikit pa rin. Pinilit kong ibukas ang aking mata upang masilayan ang oras sa screen. Napaungol ako sa inis. Alas-dose pa lang ng madaling araw.

"H-Hello?"

"Mikael!" Naulinigan ko ang naghihingalong boses sa kabilang linya. Tila ba naghahabol ito ng hininga. "Mikael! Tulungan mo kami! Hina-" Bago ko pa tuluyang marinig ang sasabihin nito ay namatay ang telepono.

"H-Hello? Kit? Pare, Asan ka?" Hindi ko maiwasang kabahan lalo pa't isa si Kit sa mga napaginipan ko nitong mga nakaraang araw.

Naalarma ako bigla nang magbalik sa aking isipan ang mga detalyeng akala ko'y walang katotohanan. Nakita ko sa aking panaginip si Kit na walang buhay. Ayon sa aninong napansin ko, nakadilat ang mga mata nito at nakaawang ang bibig. Pakiramdam ko ring malapit lang sa kanya ang kumitil sa buhay niya.

Isang palaisipan pa rin sa akin ang lahat.

Paanong ang isang simpleng panaginip ang magdidikta sa kanilang kamatayan?

Nagbalik ako sa ulirat nang makarinig ng tatlong sunud-sunod na katok. Noong unang beses, hindi ko ito pinansin dahil baka mga pusa lang iyon na nag-aaway ngunit nang maulit ito at palakas pa nang palakas, gumapang ang kaba at takot sa aking sistema. Isang butil ng pawis ang naramdaman ko sa gilid ng aking tainga kahit pa sobrang lamig na.

Naglakad ako patungo sa pinto ng aking kuwarto. Isinuot ko ang jacket na nakapatong sa ibabaw ng aparador. Pinihit ko ang hawakan ng pinto kaya nakalikha ito ng kakaibang ingay na lalong nagbigay ng kilabot sa aking pakiramdam.

Agad akong tumungo malapit sa pinto ng bahay upang pindutin ang switch ng ilaw. Matapos kong makita ang kabuuan ng bahay, tumalikod na ako upang bumalik sa pagkakatulog. Iilang hakbang pa lang ang nagagawa 'ko nang makarinig ako ng isa pang yapak na sumusunod sa akin. Nakaramdam ako ng takot, hindi para sa aking buhay kundi para sa kanya.

Bago pa man niya takpan ang aking bibig ay naunahan ko na siya. "Sino ka? Anong ginagawa mo sa pamamahay ko?" Naramdaman ko ang kaniyang mabilis na paghinga at ang pintig ng puso niya. Nanginginig na rin ang mga kamay niya ngunit nanatili siyang tahimik. "Hindi mo ba alam na delikado ang ginagawa mo?" Nakarinig ako ng tawa mula sa kanya nang mapagtantong babae ang kausap ko. "Wala akong pake kung mapahamak man ako ngayon, kailangan ko ng pera para mapagamot ang tatay 'ko," mariin na pagkakasabi niya.

Pumihit ito paharap sa akin na kanina ko pa iniiwasang mangyari. Mabilis ang mga pangyayari. Nakatutok sa noo ko ang baril na hawak niya habang isang anino ang nasilayan ko sa likod ng babae.

Anino ng kamatayan.

Kotse.

Kalsada.

Bubog at

Dugo... na umaagos sa walang buhay niyang katawan.

Mahuhuli siya ng mga pulis ngunit mababangga siya sa sobrang bilis ng kanyang pagpapatakbo.

Kailangan ko 'tong mapigilan sa lalong madaling panahon bago pa mahuli ang lahat.

"Itaas mo ang dalawang kamay mo. 'Wag kang gagawa ng kahit anong ingay dahil hindi ako magdadalawang isip na iputok 'to sa ulo mo."

Kung alam lang ng babaeng ito ang kahihinatnan niya.

Sinunod ko ang sinabi niya. Nakatayo lang ako at hindi lumilikha ng tunog dahil ayokong maging dahilan ito para mamatay siya.

Lumapit siya sa direksyon ko habang nakatutok pa rin ang baril sa akin. "Ituro mo kung saan ang mga pera mo, mga alahas at mga bagay na may malaking halaga. Dali!" Halata sa boses nito ang kaba ngunit naitatago niya ito dahil sa armas na hawak niya.

"Miss. Makinig ka. Hahayaan kitang gawin ang gusto mo pero pakinggan mo ang sasabihin ko. Mababangga ang kotse mo. Mahuhuli ka ng pulis kaya maaaksidente ka at mamamatay." Tumingin ako sa mukha niya at napansing walang nabago sa kaniyang ekspresyon.

"Sira ba ulo mo? Anong klaseng pakulo ba 'yang sinasabi mo? Ako mababangga dahil hinahabol ako ng mga pulis?" Tumatango-tango ako sa tanong niya. "Tanga. 'Wag mo 'kong niloloko!" Tumawa siya nang malakas. "Sa ayaw at sa gusto mo, itutuloy ko 'to!"

Umalis ang babae habang nakatutok pa rin ang baril sa akin. Dala-dala niya ang mga kayamanang nakuha sa akin. "Pero Miss, maniwa-" Naputol ang dapat na sasabihin ko nang isarado na niya ang pinto.

Napabuntung-hininga ako at pabagsak na umupo sa sofa habang malalim pa ring nag-iisip. Hindi ko mapigilang mainis at sisihin ang sarili. Wala na naman akong nagawa para baguhin ang trahedyang mangyayari sa kanila.

Kinaumagahan, isang tawag ang muling sumalubong sa akin. "H-Hello?"

"Kuya Mikael! Wala na si Kuya!" Patuloy ito sa paghagulgol kasabay nang paglabas ng balita sa telebisyon.

Isang lalaki at babae ang duguan malapit sa pinangyarihan ng insidente. Ang lalaki ay natagpuan malapit sa kotse ng babae na pinaniniwalang nasagasaan nito. Ang lalaki ay nagngangalang Kit Montes na sinasabing kasintahan ng babaeng nagngangalang Alyson na nakasagasa rin dito mismo. Ayon sa saksi, namataan nila ang lalaking tumatakbo dahil sabi nito umano'y may humahabol daw sa kanya. Hindi na nito nakita ang daraanan niya dahil sumalpok siya sa kotse na hinahabol naman ng mga pulis dahil sa pagnanakaw na ginawa nito sa tatlong bahay na malapit sa Reale Subdivision.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro