Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Sa Pagdalaw Ng Ulan


Umuulan na naman, Mark.

Dito sa paborito nating tagpuan noong tayo'y mga bata pa, sa tabi ng bintana ng aking kwarto, ako ngayon nakaupo. Binibilang ko ang pagpatak ng ulan habang malugod kong niyayakap ang pagdalaw mo sa isip ko.

Naalala mo noong mga bata pa tayo, malimit tayong maglaro sa gitna ng ulanan. Ano na nga ba ang paborito mong laro? Ah, kung hindi tagu-taguan at pagpapaanod ng bangkang papel, sa simpleng habulan kumpleto na ang mundo natin. Kabisado pa rin ng tenga ko ang mga halakhak mo, matunog, totoo, at nakakahawa. Hindi gaya ng akin, tipid at malimit ko lang ipakita.

Alam mo ba ayoko talaga sa ulan. Ginugulo kasi ng ulan ang mundo, dinudumihan, tila sinasaktan pagkatapos sadyang iniiwan.

Ngunit pinilit kong gustuhin ang ulan, dahil tuwing umuulan nagbabago ang mundo mo at tuwing umuulan magkasama tayo. Hanggang sa pagdaan ng panahon tinuruan mo ako kung paano ngumiti nang tama, kung paano damhin ang kaligayahang dulot ng ulan. At hindi ko inakala, sa gitna ng ulan, makilala ko ang pag-ibig. Pag-ibig na tangan ang iyong pangalan.

Kung kailan at paanong naging musika ang mga halakhak mo sa tenga ko, hindi na ako sigurado. Basta ang alam ko, sa gitna nang maulan at madilim na mundo, ang ngiti mo ang liwanag ko. Ang presensya mo ang siyang kanlungan ko. Kahit maulan, hangga't nandy'an ka, ayos ako, kuntento ako...kahit hindi ako sigurado kung kaya mong suklian ang pagmamahal ko sa 'yo.

Naalala mo noong sinabi mong hintayin kita sa ilalim ng puno ng narra malapit sa ating dating eskwelahan? Hindi totoong hindi ako pumunta gaya nang sinabi ko sa 'yo kinabukasan nang magkita tayo. Pumunta ako. Naghintay ako. Nagpabasa ako sa ulan. Kaso nakita kita... na kasama mo siya-- ang babaeng noon ay sinasabi ng iba na iyong kasintahan.

Nasaktan ako, Mark. Nasaktan ako kahit wala akong karapatan. Kung tutuusin, wala ka namang kasalanan. Hindi mo alam. At wala rin akong lakas ng loob para ipalaam. Hanggang sa dumating ang oras na hindi  na kaya ng batang puso ko ang masaktan. Nagpasya akong sukuan ang lahat ng tungkol sa 'yo, pati na rin ang pagiging kaibigan mo.

Nang lumayo ako, hinayaan mo 'ko, kahit pa palagian mo akong tinatanaw mula sa malayo. Gustong-gusto kitang kausapin, kaso natakot ako. Naduduwag ako na kapag kinausap mo 'ko, masabi ko sa 'yo ang totoo, at marinig mula sa 'yo na totoo, hindi ko kailan man maaring ariin ang iyong puso. Sa mga panahong malayo ako sa 'yo, tinuruan ko ang sarili ko, nag-ipon ako ng lakas ng loob upang sa susunod, handa na akong muli na maging kaibigan mo. Umasa ako sa mga susunod pang pagkakataon kaso...naubos ang oras. Naubusan ako ng oras. Tuluyan mo na akong iniwan nang mabangga ka ng sasakyan habang pauwi ka sa inyo isang maulang gabi ng Setyembre.

Umuulan na naman, Mark at hawak ko na naman ang slambook ko na sinagutan at ibinalik mo sa akin noong ikalabing-pitong kaarawan ko. Sabi mo, basahin ko ang sagot mo pagkatapos ng limang taon, kapag tumila na ang ulan, kapag humalik na ang bahaghari sa kalangitan, kapag ang mundo ko, handa na sa kaligayahan. Sinunod ko ang sinabi mo. Kahit wala ka na, tinupad ko ang pangako ko sa 'yo.

'Kung sasabihan kita ng mahal kita... anong isasagot mo?' anang tanong ko sa slambook. Isinulat mo ang sagot sa itim na tinta at malalaking letra. Ang sabi mo, "Mahal din kita, Anna. Noon pa. Sobra-sobra."

Pasensiya ka na Mark, pero umuulan na naman. At sa mga ganitong pagkakataon, ang pagluha ko'y di ko na naman mapigilan. Sampung taon na rin ang nakalilipas mula nang mabasa ko ang sagot mo sa slambook ko. Ngunit nandito pa rin ako, nasasaktan, nanghihinayang at paulit-ulit na binabasa ang patunay na, oo, minahal mo nga ako.

Sa bawat patak ng ulan, ay palagian na lang akong humihiling. Humihiling ako nang isa pang pagkakataon na makasama ka. Gusto kong humingi ng kaunting oras pa sana upang masabi sa 'yo na mas nauna kitang minahal mula nang makasama kita sa gitna ng ulan; na handa na ang mundo ko sa kaligayahang sinasabi mo ; at na hindi ko na hihilingin na tumila ang ulan o makita pati na rin ang bahaghari basta ba't parati kang nandy'an, kapiling ko, kasama ko.

Pinagdamutan tayo ng pagkakataon, Mark. Ngunit gusto kong malaman mo, hanggang sa kabilang mundo, tangan mo ang puso ko. At sa 'sanlibong maaraw na daigdig na maaring nariyan, mas gugustuhin ko ang nag-iisang maulang mundo... na kasama ka.

Papatila na ang ulan, Mark. Malapit nang matapos ang pagbisita mo sa isipan ko. Bukas, sisikat na naman ang araw at tutuyuin ang mundo. Habang ako, patuloy na hihiling ng ulan at sa muling pagdalaw ng mga alaala mo.

###

01192019/780words

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro