Sa Isip Ko
Kanina, sinadya kong dumaan sa dati nating eskwelahan. Gaya nang dati, sinalakay ako ng maraming alaala. Karamihan, mga alaala nating dalawa.
Alam mo ba, buhay pa rin 'yong bench sa ilalim ng acacia. Doon tayo unang nagkakilala. Puno ang canteen noon, walang maupuan kaya't doon tayo dinala ng tadhana para magkakilalang dalawa. Simula noon tuwing recess at lunch, doon tayo nagkikita at sabay na kumakain. Madalas doon tayo nagkukwentuhan, nag-aasaran o kaya naman tumitipa ka sa gitara mo habang kumakanta ako tuwing uwian.
Mabagal ang oras kapag tayong dalawa ang magkasama. Kahit na inuumaga tayo sa pagkukwentuhan sa telepono, walang bumibitaw, walang umayaw. Sabi nila, masahol pa tayo sa totoong magkasintahan dahil lagi tayong magkasama. Pakiramdam natin pag-aari nating dalawa ang mundo. At hangga't hawak mo ang kamay ko at nakakapit ako sa 'yo, walang maaring maging mali at hindi sayang ang bawat sandali. Nangako tayo, magkaibigan tayo hanggang sa dulo.
Lumipas ang mga taon, nanatili tayong ganoon. Hanggang sa...magkamali ako.
Isang araw, totoo na, ikaw na nga ang mundo ko. Ang bawat paghinga ko, ikaw na ang naging rason. Sa bawat umaga, paggisng ko, ikaw na ang hinahanap ng mga mata ko. Ang bawat pitik ng puso ko, ikaw na ang binubulong.
Oo, minahal kita, kaya lang... hindi mo alam. At nanatiling hindi mo alam hangga't sa nagkusa ang tadhanang paghiwalayin ang landas nating dalawa. Nangibang bayan kayo ng pamilya mo samantalang ako, nanatiling nandito, patuloy kang minamahal kahit na patago.
Alam mo, gwapo ka pa rin, kahit may mangilan-ngilan ka nang gatla sa noo at puting buhok. Masayahin pa rin ang mga mata mo, kumikislap tuwing kausap mo siya, ang maswerteng babae na inilaan ng tadhana para sa 'yo. Kamukha mo ang panganay mo, siguro mana rin sa 'yo, maraming napapaibig na babae kahit palihim. Maganda ang bunso mo. Bumagay sa kanya ang dimples na minana niya sa 'yo.
"Miss Roselle, shall I serve your dinner now?" pukaw sa akin ng waiter ko sa aking restaurant kung saan kita lihim na pinagmamasdan habang naghahapunan kayo ng pamilya mo.
"Yes please," sagot ko bago muling ibinalik ang tingin ko sa 'yo. Tumingin ka rin sa akin, ngumiti ng tipid bago mo ipinagpatuloy ang iyong pagkain.
Hindi mo na ako kilala. Dalawampung taon na mula nang mabalitaan kong binura ng isang aksidente ang mga alaala mo, kasama ako.
Alam mo Mike, minsan dinadalaw ako ng maraming sana. Sana sinabi ko sa 'yo noon na mahal kita. Sana pinilit ko na makasama ka ng mas matagal pa. At sana, kung papipiliin ako, mas gugustuhin kong nakilala kita isang araw matapos mabura ang iyong mga alaala upang kahit paano, hindi ko man maangkin ang puso mo, kilala mo 'ko, ang pinangako mong magiging kaibigan hanggang dulo. Sapat na 'yon sa akin, Mike. Sapat na 'yon...sana.
Ikaw ang paborito kong sana, Mike. Kaya sa susunod na Linggo, pagbalik niyo ng pamilya mo dito sa restaurant, kakausapin ulit kita sa isip ko habang nagbabalik-tanaw ako at hinihiling sa tadhana ang mga sana ko.
###
500words
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro