Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Palagi


“Goodmorning,” masayang bati ni Aries sa asawa niyang si Melanie. Umupo siya sa gilid ng kama at marahang hinaplos ang mukha ng natutulog na asawa. Nagmulat ng mga mata si Melanie bago pilit na ngumiti.

Inabot nito ang pisngi niya, sandali siyang pinakatitigan bago, “Have you stopped loving me yet?”

Napangiti si Aries, mabilis na kinintalan ng halik ang noo ng asawa bago umiling. “In fact, may sorpresa ako sa ‘yo.” Kinuha ni Aries ang palumpon ng bulaklak sa bedside table.

Napasinghap si Melanie, bahagyang nagliwanag ang mukha. “Edelweiss,” bulong nito bago hinaplos nang buong ingat ang talulot ng puting bulaklak. “You did not go hiking, did you?” tanong nito maya-maya sa kanya.

“I did!”

“Really?” Tumaas ang kilay nito, hindi kumbinsido sa sagot niya.

“No, I didn’t. Inutusan ko si Luca na  akyatin ang cliff sa malapit at ikuha ka niyan.” Ang Luca na tinutukoy niya  ay ang houseboy na kasakasama nilang mag-asawa mula pa nang lumipat sila sa  Switzerland anim na buwan na ang nakalilipas.

Bahagyang natawa si Melanie. Ibinaling nito ang tingin sa makapal na kurtina na tumatakip sa veranda ng cabin. “Anong oras na?”

SInilip ni Aries ang kanyang relong pambisig. “It’s 6:30 am.”

Nagbuga ng hininga si Melanie. “Can you help me up?” anito bago pilit na ngumiti.

Agad niyang ipinailalim sa impis nang katawan ng asawa ng kanyang mga kamay bago buong ingat itong ibinangon sa higaan. Pinigil ni Aries ang mapahikbi kahit pa naninikip ang kanyang lalamunan. Sa tantiya niya, nabawasan na naman ang timbang ni Melanie.

“I want to see the sunrise,” bulong nito.

Tumango siya. Humakbang siya sa  kurtina at hinawi iyon. Basa ang glass panel door na daanan patungo sa mismong veranda. “I guess you need to bundle up. Mahamog pa sa labas.”

Marahang tumango si Melanie. Inabot nito ang bonnet at isinuot iyon. Umiwas ng tingin si Aries. Wala na ang dating mahaba at malagong buhok ng asawa. Maging iyon ay kinain na rin ng kanser.

Tinulungan niya itong mag-jacket. Pagkatapos niyon,  binuhat niya ito at idineposito sa wheelchair na nasa malapit. Ilang sandali pa, nasa veranda na sila at inaabangan ang pagbangon ng haring araw sa pagitan ng luntiang bulubundukin ng Grindelwald, isa sa pinakamatatandang bayan sa Switzerland.

“Naiinip na ‘ko,” bulong nito maya-maya. “Matagal maghintay.”

Lumuhod siya sa tabi nito at masuyong hinalikan ang kamay nito. “Sisikat rin ang araw, Melanie. Kaunti na  lang.”

Bumaling ito sa kanya, nangingilid ang luha.”What should I do for you to stop loving me?”

Nanikip ang dibdib niya. Makailang beses na nga ba nitong hiniling iyon sa kanya? A, Hindi na niya mabilang. Mula nang malaman ng asawa na may kanser ito dalawang taon na ang nakalilipas, ilang beses na nitong hiniling sa kanya na kalimutan na niya ito at ‘wag nang mahalin pa. Natatakot ito sa sakit na maaring idulot ng kamatayan nito sa kanya.
Ngunit paano niya iyon gagawin? Paano niya tuturuan ang puso niyang kalimutan ang rason kung bakit siya nabubuhay? Paano niya sasabihin sa isip niya na ‘wag nang alalahanin pa ang babaeng pinangakuan niya ng pagmamahal na pang-habambuhay?

“Nothing. You can do just nothing and I’d still love you,” garalgal ang tinig niyang sagot.

Lumuha ito. “Y-you promised me you’d unlove me w-when you found me here. Kaya ako sumama sa ‘yo, Aries. Pinangako mong titigilan mo na ‘kong mahalin.”

Mapait siyang umiling bago nagyuko. Umalis si Melanie ng Pilipinas nang hindi niya pirmahan ang annulment na gusto nitong mangyari isang taon na ang nakararaan. Nagtago ito.  Hanggang sa anim na buwan na ang nakaraan, nahanap ito ng mga inupahan niyang imbestigador sa Dignitas, isang organisasyon sa Switzerland na gumagawa ng assited suicide. Nang malaman niya iyon, iniwan niya ang lahat sa Pilipinas- ang kompanyang itinatag nilang mag-asawa, mga kaibigan at iba pang ari-arian. Kinumbinsi niya si Melanie na sumama sa kanya sa pangakong unti-unti na niya itong titigalang mahalin. Ngunit bigo siya, hindi niya kaya. Kahit na kalian, hindi niya ito maaring kalimutan.

“I-I’m sorry. I can’t unlove you. I can’t.” Tuluyan na siyang napaluha.

Marahang hinaplos ni Melanie ang buhok niya. Nag-angat siya ng ulo. Dumako ang daliri nito sa katagang ‘palagi’ na nakamarka sa kanyang palasingsingan. Kapagkuwan’y hinaplos din nito ang palasingsingan nitong may kaparehas na marka.

“Thank you for loving me this much.” Dinala nito sa bibig nito ang kamay niya. “I love you, Aries. Palagi.”

Marahan niyang niyakap ang asawa. “Thank you for allowing me to love you even up until this time. I love you, Melanie. Palagi.”

Humigpit ang yakap nito sa kanya. “Finally, sunrise,” bulong nito.

Kumalas siya ng yakap at nilingon ang pagsibol ng araw sa pagitan ng  mga luntiang bundok. Isa na namang bagong umaga ang nasaksihan niya kasama ang mahal niya. Subalit nang muli niyang lingunin ang asawa, nakapikit na ito, may ngiti sa mga labi subalit wala ng buhay.

Mapait siyang humagulgol habang yakap si Melanie. Kapagkuwan’y inilabas niya sa kanyang bulsa ang cellphone niya at tinawagan ang numero ng Dignitas. Nang umangat ang kabilang linya, nagbuga siya ng hininga bago, “Come now. I’m ready.”###

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro