Kahit Na; Kahit Pa
Panay ang singhot ni Bibi habang binabasa ang text message ng boyfriend niyang si Brandon. Tinatanong nito kung nasaan na siya. Magkikita dapat sila ngayon e, kaya lang...
Inis niyang isinuksok sa ilalim ng unan niya ang cellphone matapos iyong i-off. Tinaob rin niya ang walang malay na picture nilang mag-dyowa na nasa bedside table niya. Pinagsusuntok at pinagmumura rin niya si Popo, ang teddy bear na bigay sa kanya ng nobyo. Galit na galit siya, gusto niyang mag-wala! Nang manawa siya, ishinoot niya sa basurahan ang nasalaulang stuff toy. Humihingal siyang humilata sa kama pagkatapos. Sa kabila ng pagod, ayaw pa ring magtigil ng mga eksenadorang luha niya sa pagpatak.
"Letsugas ka talagang Brandon ka!" inis niyang sambit habang marahas na nagpupunas ng luha. Ngayon niya talaga napagtanto, base sa pag-eemote niya kanina pa, shoot na shoot talaga siya sa banga ng pagsintang tunay para kay Brandon. Ang problema niya ngayon, paano siya makakalabas sa bangang iyon ngayong nalaman niyang-
"Bibi, bumaba ka nga! Nandito si Brandon!" Ang Kuya Frank niya 'yon. Agad siyang napabalikwas sa kama. "Bibi, ano ba? Bumaba ka sabi e!" sigaw ulit ng kuya niya.
Tuliro siyang lumabas ng kwarto, sinilip ang salas mula sa landing ng ikalawang palapag ng bahay. Totoo nga! Naroon si Brandon, may hawak na bouquet at napapalibutan ng mga kuya niya. Sabay-sabay siyang tiningala ng mga ito.
"O, ba't nandiyan ka pa? Baba na, bilis!" utos naman ng Kuya Rico niya bago tumungga sa hawak nitong bote ng alak. Umalon ang nerbyos sa dibdib niya. Tama, Biyernes ngayon. Toma session ng mga kuya niyang tanod. Kapag nag-inarte siya ngayon, delikado talaga si Brandon. Pero 'di pa niya ito handang kausapin. Naiinis tuloy siyang nagkamot ng buhok.
"B-bukas na lang, Brandon," aniya, alanganin.
"Mag-usap tayo, Bibi. Kahit sandali lang. Please," anito, nagsusumamo.
"A-ayoko!" naiiyak na sagot niya.
"Langya naman, Bibi. Panira ka sa siesta e," anang Kuya Rico niya. Bumaling ito kay Brandon. "Pasalamat ka wala sina Nanay at Tatay ngayon, suwerte mong ugok ka. Sige na, akyatin mo na 'yang maarteng si Vivian."
Nagpapadyak siya sa inis nang halos ipagtulakan ng mga kapatid niya si Brandon paakyat ng hagdan. Maya-maya pa, nagkaharap na sila ng lalaki. Papasok sana siya sa kwarto niya nang pinigilan siya nito.
"I'm sorry, Bibi," anito, alanganing inabot sa kanya ang dalang bouquet.
Agad nangilid ang luha niya. "Hindi lahat nadadaan sa sorry!" Galit niyang kinuha ang bouquet at inihampas iyon sa mukha nito. "Walanghiya ka! Ginawa mo 'kong tanga! Sana sinabi mo na lang sa akin noon, na beshie pala ang hanap mo at hindi dyowa. Letsugas ka!" Tinulak niya ito ngunit hinawakan nito nang mahigpit ang mga kamay niya.
"'Yong nakita mo sa kitchen ng resto kanina, hindi ako ang may kasalanan no'n."
"Magde-deny ka pang talaga! Nahuli ko na nga kayong nagtutukaan ng sous chef mong si Romeo!"
"Sabi na Barbie e," ani Kuya Frank. Napalingon silang dalawa ni Brandon sa hagdan. Naroon pala ang mga kapatid niya, nanonood sa kanilang dalawa.
Muli siyang tinitigan ni Brandon. "Bibi, bakla ako."
Humikbi siya. "Gaga ka, knows ko na 'no! May ebidensiya pa!”
"Bibi, makinig ka muna. Oo, bakla ako. Oo naging kami ni Romeo. Pero hindi ganon 'yong nakita mo kanina. He said he wanted one last kiss before he leaves for Dubai. Siya ang humalik sa 'kin, Bibi. Ayoko pero pinilit niya. Ayoko kasi mula nang maging tayo, I want to stay faithful to you kasi mahal na mahal kita, Bibi."
Natigilan siya, pinag-aralan ang mukha ng kausap. "’Di ko gets. B-Bakla ka na tomboy, ganern?"
Napahagulgol na siya sa palad niya. Hindi na niya alam ang mararamdaman niya. Gulong-gulo na siyang talaga. Ang hirap ispelengin ng lovelife niya!
Nang yakapin siya ni Brandon, hindi na siya nagpumiglas. "Ako rin Bibi, naguguluhan ako. Hindi ko akalain na mai-in-love ako sa babae, pero nangyari." Pinakawalan siya nito bago masuyong pinalis ang mga luha sa pisngi niya. "Puwede bang 'wag nating pilit intindihin ang mga bagay na magulo. Do'n na lang tayo sa mga bagay na alam nating sigurado. Mahal kita, Bibi, kahit na ganito 'ko. 'Yon, sure na sure talaga 'ko."
May humaplos na kung ano sa dibdib niya. May epekto sa puso niya ang sinabi nito. Puno rin ng katotohanan ang mga mata nitong nakatitig sa kanya. Walanghiyang banga ng pagsintang tunay talaga!
Napalabi na lang siya bago, "Mahal pa rin naman kita e. Kahit na... kahit pa... bading ka."
Nang ngumiti ito, ngumiti na rin siya. "Salamat, Bibi. Mas mahal kita, ganda! Mula ngayon, para sa 'kin, ikaw na lang ang maganda." Pinagdikit nito ang mga labi bago, "Siyempre ako ang diyosa!" Napahagikgik siya. Ladlad kung ladlad! Nagmumura namang bumalik sa salas ang mga kuya niya. "Joke lang 'yon, ganda," bawi nito maya-maya bago siya hinalikan nang matagal sa labi.###
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro