Bakit Hindi Ako
Nada. Zilch. Nil. Bokya.
Ganyan na ganyan ang lovelife ko noong nag-aaral pa lamang ako. Habang busy sa pagkerengkeng ang kalahati ng populasyon ng mga kababaihan tuwing Valentine's Day, ako naman mag-isang kumakain ng sitsirya sa loob ng kwarto ko habang nanonood ako ng anime. Habang halos lahat ng mga kaibigan ko nagtitityagang makipila sa mga dating booth/ marriage booth/ kissing booth at kung anu-ano pang booth na hanash ng university namin tuwing Foundation Day, ako, kina-karir ang pamamaril sa shooting booth para maiuwi ko ang malaking pink na teddy bear. At habang abala ang lahat ng mga kaibigan ko sa pagrereto sa 'kin kung kani-kanino para lang masabing may jowa ako, mukhang nago-overtime din ang tadhana sa pangti-trip sa akin, manatili lang akong nagdudumilat na single for life!
May HG sa akin ang nakakaimbyernang tadhana na 'yan. Oo, HG as in hidden galit.
One time sin-et-up ako ng mga kaibigan ko sa pinsan ng brother-in-law ng best friend ko. Aayawan ko sana no'n, kasi ending ng pinapanood kong anime. Kaso pumayag na lang din ako para matapos na ang kahibangan ng mga lukaret kong kaibigan na hanapan ako ng jowa kahit 'di ko naman top priority ang magkaroon ng jowa. So, syempre nag-ayos ako, nag-dress ng kulay pink, nag-sandals at nag-make up nang slight. I was confident that night that I'd impress whoever that guy my friends set me up with. Alam ko naman, average beauty lang ako but I know how to carry myself. In short, kapal lang talaga ng mukha at matinding paniniwala sa taglay kong tunay na kagandahan. Kaso, nalusaw na ang make-up at self-confidence ko, wala pa rin 'yong date ko. Nakauwi na ako sa bahay nang matanggap ko ang txt ng bff ko na nag-LBM daw ang ka-date ko nang gabing 'yon lang. Naimbyerna ako sa echoserong Pinocchio! Hayon, lumabas din ang katotohanan few days after that incident, at sinabi ng guy na I am out of his league daw kaya hindi na lang niya ako sinipot sa date namin. Out of his league? Tambay translation na walang halong pange-echos: hindi niya ako type. Saklap! Tadhana, strike one!
Sunod naman, pinilit ako ng BFF ko na makipag-double date. Isasama raw niya ang bestfriend ng boyfriend niya. Gwapo naman 'yong date ko, magalang din, at panay ang pang-uuto sa akin kesyo pretty daw ako. Kikiligin na sana ako kaso mas malapad ang ngiti niya sa waiter na nagse-serve ng pagkain namin kaysa sa akin. Nang pumilantik ang hinliliit niya habang umiinom siya ng tubig, confirmed, hindi kami talo ni ate este ni kuya. Muli, masaklap! Sumipot nga sa date, sa iba naman nakatingin. Tadhana, strike two!
At ang panghuli, 'yong classmate ko na si Jerome sa advance class ko noong junior college. Gwapo siya, mayaman, matalino rin at higit sa lahat mabango. Ang amoy ng hininga at pawis niya, pwedeng isanla at pagkakitaan. Mabait din siya. Pinagbubukas ako ng pinto, pinaghihila ako ng upuan at hinahatid niya ako sa summer job ko sa cafeteria ng university pagkatapos ng advance class namin. Muntik na nga akong ma-shoot sa banga ng pagsintang tunay kay Jerome buti na lang hindi natuloy. Kasi gagawin lang pala niya akong tulay para mapalapit sa isa sa mga kaibigan ko. Pinakamasaklap! Tadhana, strike three!
Naniniwala ka na, ako ang suking pagtripan ng tadhana. Kumbaga sa test questions, ako 'yong letrang laging walang circle kahit na 2 possible answers sa isang item. Ako rin ang letra o sagot na walang ka-match sa matching type questions.
In short, ako 'yong tira na parang walang significance sa kalakaran ng mundo pagdating sa pag-ibig.
Ang saklap 'di ba?
Minsan sinubukan kong magpa-make over kahit alam ko naman sa sarili ko na hindi ako pangit. Gaya nga nang sabi ko, average beauty ako pero alam kong mag-ayos. Pero nag-push na rin ako sa make-over, masabi ko lang sa sarili ko na may ginawa ako para magustuhan ng ibang tao or lalaki per se. Pero bomalabs pa rin, wa epek! Nabutas lang ang bulsa ko.
Naisip ko rin noon, baka hindi talaga ako para dito sa labas ng mundo. Baka may higher calling ako gano'n, gaya ng pagma-madre kaya pini-preserve ako ng Diyos. Kaso hindi naman kami close ni Bro talaga kaya imposible na tawagin niya ako para pagsilbihan siya. Ni hindi nga ako marunong mag-novena, e. So, wrong ulit, hindi ako pang-kumbento.
Diyan dumalas ang tanong ko na, "Eh para saan ako?" o kaya, "Para kanino ako?"
May mga panahong ginugol ko rin ang oras ko sa pagngawa at pagra-rant dahil unfair ang tadhana. 'Di patas lumaban. May favoritism, at ako ang least favourite niya. Kung tao lang talaga yang tadhana na 'yan, matagal ko nang pinatumba!
Hanggang sa isang araw, nagsawa na rin ako. Nagsawa na akong humanap ng rason kung bakit lagi akong inaayawan. Napagod na rin akong magtanong kung bakit pati grade 7 may jowa tapos ako na mas matanda wala. At tumigil na rin ako sa pagtatanong kung bakit halos lahat laging napipili pero ako hindi.
Kaso, kung kelan naman okay na ako na grumadweyt ako ng college at never nagka-jowa, doon naman dumating ang sagot sa mga tanong ko na hindi ko rin naman hiniling sa tadhana. Dumating si Matthew sa buhay ko.
Matthew is my officemate. Hindi gaya ng iba na aloof lumapit sa akin, Matthew approaches me with honesty and sincerity, like a genuine person should. He loves me despite of my flaws and imperfections. And no matter what I do, good or bad, he'll be with me through the rest of our lives just like what he promised on our wedding day a few years back.
Ngayon, naiintindihan ko na, kung bakit hindi ako napipili noon ng mga jowa prospects ko. Kasi nakalaan ako sa isang lalaki na ako at ako pa rin ang mamahalin at walang sawang pipiliin kahit na ano pa man ang mangyari. At isa lang ang masasabi ko sa pagdating ni Matthew sa buhay ko, sulit na sulit ang paghihintay ko.
###
985words
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro