Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 8

Bautista

•••

"Bakit mo naman ginawa 'yon? Paano kapag may dumating na ibang teacher? Guidance ka na naman ulit!" panenermon ko kay sebastian.

Naglalakad na kami pauwi.

Pagkatapos namin sila awatin, pinaglayo muna namin sila ng upuan. Si sebastian nanahimik sa sulok, malapit sa basurahan sa likod, nagkakalabit ng gitara niya. Sinamahan naman siya nila ricky at ismael do'n. Ta's kami ng mga kaibigan ko bumalik sa aming ginagawa ngunit pinag-uusapan na namin ang nangyari na hindi rin naman namin alam ang pinagmulan. Hindi na kasi nagsalita ang mga boys na nandoon sa eksena. Nanahimik silang lahat.

"Hindi naman ako nanguna, eh! Siya ang nanguna!" sabi ni sebastian.

Nauuna sa paglalakad ang tatlo sa akin. Nakabuntot naman ako sakanila. Nasa gitna nila ismael at ricky si sebastian.

"Bobo 'yong hayup na 'yon, eh. Akala mo kung sinong anak ng Diyos..." rinig kong dalamhati ni sebastian.

"Ano ba kasi nangyari, ha? Ang saya saya niyo pa no'n ta's bigla na kayong nagbubugbugan sa likod!"

"Nang-asar kasi si robert." sabi ni ismael.

"Dapat talaga hindi na natin pinanood 'yon kanina, eh. May saltik 'yon sa ulo, eh!" sabi ni ricky.

"Ano ba kasing inasar? Eh, matagal naman na kayo nag-aasaran no'ng mga 'yon? Since first year palang. Atsaka may play pa tayo sa filipino na dapat matapos...'di ba siya 'yong asawa ni donya victorina? Paano na ngayon 'yon kung may alitan kayo?"

"Anong gusto mong gawin ko? Ako mag-sorry? Ano siya, chiks?! Buti naawat kami kung hindi uuwi 'yon na may black eye!" inis na sabi ni sebastian, hindi pa rin ako nililingunan. "Atsaka hindi ako nanguna! Siya nga, eh! Ayos lang naman sa'kin kung ako 'yong aasarin niya pero ang gagu biglang inasar si kuya selvestre! Nanonood lang kami ng tahimik ng ano eh..." hindi na niya tinuloy 'yong huli, napansin ko ang palihim na pagbraso ni ricky sa kaniya.

"Inasar si kuya selve? Ng ano?" tanong ko.

"Bakla raw si kuya! Dapat daw panoorin ko ng gano'n 'yong kuya ko para hindi maging bakla kasi ako raw lalaking lalaki! Tanga 'yon si robert, eh! Utak no'n may ubo! Hindi raw sa langit punta ng kuya ko? Ang banal niya! Galing pa talaga sakaniya? Kitang demonyo siya! Tuwang tuwa pa ang gagu kanina...tinanong ko kung perpekto ba siya, eh! Perpektong tao ka ba? Anak ka ba ng Diyos? Nakainom ka ba ng Holy water? Naligo ka ba sa kubeta ni papa jesus dati? Inanya! Tahimik siya, eh! Wala ng ibang maasar kundi 'yong salitang bakla, eh!"

"Bakla si kuya selvestre?" tanong ko, seryoso. Bigla akong napa-isip doon. At that moment. Mabilis na nagflashback si kuya selve sa utak ko at kung paano siya kumilos.

Alam ko na hindi pareho kung kumilos si kuya selvestre kala sebastian at kuya steven. Malay ko bang gano'n lang siya? Hindi agresibo tulad ng sa bunso at sa panganay. Iyong expression ni kuya selve ay madalas nagtataas kilay at naghahalukipkip na medyo nakapameywang...hindi ko pinagdudahan iyon. Para sa akin normal lang naman. Bagamat kagaya ni oneil minsan ang pananalita niya...ay lalaki pa rin ang pagkakakilanlan ko sakaniya.

"Hindi ko alam! Pero ano naman ngayon kung oo? 'di ba? Buhay niya 'yon, sino ako para pakealamanan 'yon?" tugon ni sebastian.

Patuloy pa rin kami sa paglalakad.

"Sorry ligaya," bigla niyang sabi sa akin. "Nainis lang ako kay robert. Wala naman siyang karapatan na asarin ang kuya ko at sabihin na bakla siya na kahit 'yong kuya ko hindi pa sinasabi sa amin kung gano'n ba talaga siya o hindi? Kasalanan niya pinangungunahan niya kasi! Tapos para sabihin niya na para maging lalaki kagaya ko? Tss, tangina! Mas lalaki pa nga 'yon kaysa mga lalaking nakilala ko, eh! Pota 'yang robert na 'yan. Ilang beses na niya 'yang ginagawang biro. Ilang beses ko na narinig no'ng nagpapractice tayo...palagi niyang bukambibig 'yon. Hindi bingi kuya ko, alam kong naririnig siya no'n, hindi lang kumikibo. Pero ibahin niya 'ko! Nakakarindi na siya, eh! Abangan ko sana kanina sa labas, dayuhin ko 'yon sakanila mamaya..."

Ramdam ko ang galit niya. Alam kong may pagtitimpi ro'n, pero hindi ko alam ang gagawin kundi ang manahimik na lang, makinig sa mga pighati niya, pigilan 'yong gulong nais niyang mangyari.

Walang ibang pumapasok sa isip at puso ko kundi kampihan siya ng buo...gano'n naman palagi.

"Ikaw bahala kung papalitan siya sa play o hindi..." wika ko.

Napakiling siya ng ulo. Napatigil kami sa stoplight. Nakatingin pa rin ako sa likod niya.

"Hindi. Huwag. Galit ako sakaniya pero hindi para masira at mabago ang dula. Gano'n pa rin, ako na bahala." sabi ni sebastian.

May pag-aalala pa rin sa akin, palihim kong kinalabit si ismael, lumingon ito sa akin. Gamit ang aming expression—kilay, mata, at labi, nagkaintindihan kami. Nagkibit balikat siya pero nagthumbs up, tinuro si sebastian, nagthumbs up uli sa akin. Mas kilala niya si sebastian kaysa akin kaya napanatag ako ng kaunti.

Pag-uwi, kapag hindi ko naaabutan si mama na nagtitinda sa harap ng bahay ay alam ko na agad na hindi siya nagbenta. Alam ko na rin ang ulam. Madami namang options, kapag hindi kanin at chichirya pwedeng kanin ta's toyo na may mantika ang hapunan. Kapag walang pasok naman at tanghali, wala si papa, walang benta si mama, ang ulam ay kanin at kape, o kaya kanin at milo, o ang paborito kong kanin ta's gatas na may asukal. Hindi puwede mawala ang kanin sabi ni papa dahil doon lang talaga kami mabubusog. Bumabawi naman kapag sahod ni papa...bumibili siya ng andoks. Doon lang kami nakakatikim ng masarap na ulam.

Pero ngayon, hindi sahod ni papa. At ang nagwaging ulam ngayong gabi ay kanin ta's toyo na may mantika.

"Sorry mga anak, ha? Ito lang ulam natin ngayon. Wala pang pera, eh. Pambaon niyo na lang 'to sa school kaya mag-aral kayo ng mabuti, ha? Para kapag nagkapamilya kayo hindi ganito mapakain ninyo." sabi ni papa bago pa sumubo ng pagkain.

Tinapik tapik naman ni mama ang kamay nito at kumain na rin. Iyong mga kapatid 'ko medyo bata pa para maunawaan ang sinasabi niya...kaya alam kong ang katagang iniwan ni papa ay para sa akin talaga.

"Salamat po sa pagkain, mama at papa." wika ko bago sumubo ng pagkain na nakahain sa harapan ko.

Pagbubutihan ko...para hindi ganitong pagkain ang nakahain sa hapagkainan namin. Sisiguraduhin ko kapag nagkatrabaho na ako masarap na pagkain ang makakain nila mama at papa!

Kumain ako ng gabing iyon na maligaya at may motivation para sa future.

•••

Naging maayos ang practice. May tensyon pa rin sa pagitan nila sebastian at robert pero kapag nasa practice tila nagiging propesyonal ang dalawa. Kasabay ng lumilipas na panahon, ang alitan nila ay unti unti ng nalilimutan ng iba.

Ang practice para sa roleplay ay tuwing sabado na lamang. Kaming grupo ng kababaihan na nasa top ay tuwing umagang nagpapractice para sa ipepresenta namin sa christmas party. Theme ng party ay disco party. Ala una ang start. Lahat ng mga officers at kaming nasa top ang naghanda at nagset up ng lahat. Inayos ang room bandang alas dose, tinakpan ang mga bintana ng biniling manila paper upang madilim tignan sa loob dahil may disco ball na kinabit—sponsor ni arlene. Si sebastian ang nagcalligraphy sa board ng Merry Christmas III-Bautista!

Ang mga upuan ay naayos na at nakahilera na sa bawat sulok. Maluwag na ang gitna para sa mga games at performance. Handa na rin ang sound system na pinahiram nila sebastian. Ang pagkain ay nakaayos na sa harapan kung saan may long table na gawa lamang sa pvc na hiram naman kala juanito. Ang pagkain ay ambagan, nagkolekta ng pera. Ang adviser namin nagdala rin naman ng dalawang bilao—spaghetti at pansit. Ang naatasan sa luto ay sina chrisley at susana na magulang naman nila ang gumawa. Sa tubig naman ay inorder ang mineral at nagdala naman ng ice tube na nasa styrofoam box si prince. Ang ambag ko ay nasa pagkain na. Nag-abot ako ng pera. Tumulong naman ako sa pag-aayos ng room. At ako ang mag MC.

Ang mga porma ng ilan ay simple lang. Bagong t-shirt at pantalon. Ang mga kalalakihan ay nagpaprint ng t-shirt, color black, nakalagay ay Boys Squat. Si sebastian ang nagdesign raw. White color font, square border, may salamin na parang icon sa ibabaw, sa baba no'n ay all caps na BOYS SQUAT, bold, times new roman, font size ay medyo sasakop sa puting border na hindi sasakop sa dibdib. Iyong likod naman ay may nakasulat na BAUTISTA, maliit ang font size, color white ang font, bold, at naka times new roman. Bandang ibaba ng kwelyo ng t-shirt.

Gano'n din kaming mga girls—hindi lahat. Iyong samahan lang namin mga babaeng nasa top. Ambagan ay one hundred fifty pesos. Nag-ipon pa ko no'n mula sa aking baon na thirty pesos. Black t-shirt, red color font, Font style ay mala royal ang lettering. Proud Bautista Ako ang nakasulat sa harap. Sa likod ay malaking number, 01 ang sa akin, at sa ilalim no'n ay nakalagay ang pangalan ko—Ligaya. White color font, font style ay Arial, bold.

Halatang may performance ang mga nakacustomized t-shirt. Binigyan rin namin ang aming adviser no'n.

Nauna ang palaro. Bawat nasa top ang magpapalaro at may pa-prize. By partner iyon at partner ko si zenaida. By partner ay isang pa-game. Naisip namin ay iyong Face the cookie game. Five players, paunahan lang na mapunta sa bibig ang cookie na hindi gumagamit ng kamay kundi mukha lang. Ang cookie ay ipupwesto sa noo ng players at bahala na sila dumiskarte ro'n. Ang mga sumali ay sina Sebastian, Ricky, Oneil, Pamela, at Patricia. Nanalo si sebastian, at kapalit ng pangit na pictures no'n ay dalawang bagong bench 'n bath towel na inambagan pa namin ni zenaida. Si chrisley ang naging camera man namin dahil dala niya iyong digital camera niya na color pink.

Ilang laro ang sinalihan nila sebastian at ricky. At mula sa mga palaro ay naka ilang panalo sila...apat? Lahat ng nasalihan nila? Dahil iyong panlima ay hindi na sila pinayagan sumali. Abusado na raw sabi ni ma'am.

Pagkatapos ng palaro ay nagsimula na ang kainan. Nagsimula na magpatugtog ng mga upbeat songs tulad ng party rock anthem habang naka disco light. No'ng tumugtog ang teach me how to dougie nagsipuntahan sa gitna ang mga dougie masters at nagshowdown. Mukhang tanga si ricky kung sumayaw dahil matigas ang katawan nito, nakikisali dahil sumali si sebastian doon. Tuwang tuwa si ma'am sakanila. Pagkatapos ng kainan at kaunting pahinga, nagsimula na ang performance. Si ma'am daw ang magbibigay hg prize sa mananalo....dalawa lang naman na group ang magtatanghal.

Nagpabunot ng number si ma'am, nakuha namin number 1. Kami unang magtatanghal. Sanay na kami sa audience at sa pagtanghal pero ramdam ko pa rin ang kaba. Kitang kita ang mga cellphone nila na handa na kaming videohan, na mamaya ay nasa gp na namin at doon nila pinost.

Old dance craze song remix ang aming audio. Pina-remix pa namin ito sa halagang one hundred pesos sa isang stall ng muslim sa bayan. Two lines, windows, kanang tuhod ay nasa sahig, alalay ang kabila, nakatango ang ulo, hinihintay namin ang intro. Intro to chorus ng Average Joe ta's puro chorus ng chocolatte choco choco + sumayaw sumunod + footloose+ La macarena + Choopeta + Shalala lala + Chiquita + papaya. Kung ano ang choreo no'n ay gano'n lang din ang tinanghal namin.

No'ng matapos ay nagpalakpakan lahat. Nakahinga ako ng maluwag.

"Oh! Alis na r'yan! Kami naman! Pakitaan namin kayo! DJ music please!" maangas na sabi ni sebastian.

Pagbagsak agad ng kanta—fireworks ni katy perry. Papunta pa lang sa position, umpisa ng kanta ay nakaline up na sila. Anim sila—si prince, sonny, juanito, sebastian, ismael, ricky. Lahat sila naka shades. Alam ko naman na may kinopyahan sila ng performance, iyong Poreotics daw sabi ni ricky. Ang comical nila. Ang funny. Medyo sabay sabay sila pero hindi maikakaila na ilan sakanila ay matigas ang katawan na pinipilit makipagsabayan. Si sebastian palaging gitna...marunong din naman kasi siya...atsaka siya 'yong maliit sakanilang anim. Iyong robotic part tuloy ay parang normal lang tignan sa iba lalo na kay ricky kaya halos tawanan kaming lahat na nanonood, lalo na no'ng binuhat ni ricky si sebastian kasi halatang nabigatan...pansin sa pag nose scrunch niya.

"Go juanito! Ikendeng mo pa 'yan!" bulyaw namin nila oneil habang natatawa.

Hindi namin akalain na mapapasama nila sebastian si juanito sa ganitong performance.

Fireworks intro to chorus, pagkatapos ay pa-pops na paputok effect papunta sa ibang formation sila. Time of my life ng Black eyed peas first verse, solo ni ricky tapos parang tanga na silang naghahampasan. Pa-pops effect ulit papuntang new formation na parang nagkakagulo sila, ta's next song ay Love story ni taylor swift na! Hiyawan kami ng malakas. Tapos ang nakakatawa pa ro'n ay juliet si sebastian at romeo si juanito! Halos maiyak ako sa kakatawa! Tapos may skit pa ni kanye west na ginanap ni ricky tapos gun effect na binaril ni juliet slash sebastian si ricky, parang tanga lang si ricky no'ng binabaril ta's ang laughtrip pa ro'n, lumapit pa si sebastian kay ricky at tinutok ang baril na kamay sa private part nito at doon binaril. Songs fading tas maya maya bagong formation na, lahat kami tumili dahil tumugtog iyong intro sa Growl ng Exo, sikat ang kpop group na ito ngayong taon halos posters nila ang makikitang binebenta sa labas ng school. Sinayaw nila ang intro hanggang chorus. Iyon ang naging performance nila na nakatanggap ng malakas na palakpakan, si ma'am hindi mawala ang ngiti sa labi niya.

Nanalo ang Boys squat, isang libo ang binigay sakanila. Binigyan naman kami ni ma'am ng five hundred.

Bago matapos ang party, kuhanan na ng regalo. Unisex ang theme dahil doon pa lang magbubunutan. By number ang bunutan. Ang iniregalo ko ay iyong medium size na puppy stuff toy na nakadislpay lang sa bahay. One week before ng party no'ng nilabhan ko ito at sinampay ng palihim na tipong hindi makikita nila sebastian. No'ng matuyo ay pinabanguhan ko na rin. Bumili ako ng paper bag na magkakarsya ang teddy bear para maging presentable. Wala kasing budget para makabili ng pangregalo. Pinagbawal kasi ang wall clock at mugs, majority sa klase.

Ang nabunot ko ay isang t-shirt mula sa artwork. Pakiramdam ko ay galing ito kay Arlene dahil mamahalin ang isa nito. Hinanap ko ang kung sino ang nakakuha sa regalo ko, nakita ko iyon kay chrisley. Tuwang tuwa siya at yakap yakap ito agad.

"Hala! Ang bango!" rinig kong sambit nito.

Nakahinga ako ng maluwag doon. Buti na lang nagustuhan niya.

Halos ang nakuha ng lahat ay t-shirt.

Bago umalis ay nagligpit muna kaming lahat, at pagkatapos ay umuwi ng masaya. Kinagabihan, nag open time ako saglit sa computer shop na malapit sa amin. At ayon na nga, napost na nga ang mga video at pictures mula sa christmas party doon sa group page namin.

III-BAUTISTA RAKENROL\m/

"Oh! Bebe loves, nandito ka? Magdodota ka rin?" sambit ni sebastian. Ginulat pa nga ako.

"Hindi, ah. Tumitingin lang ako ng pics mula kanina."

"Dota tayo? Turuan kita!"

"Tigilan mo nga 'ko! Mag rent ka na! Iniistorbo mo ko, eh!"

Inayos ko ang suot kong headphone at nanood na lamang sa youtube ng exo showtime.

"Hinihintay ko pa si ricky. Atsaka gusto ko sa pc number five, eh. Matagal ka pa ba?"

"Maghintay ka! Kitang hindi pa 'ko tapos, eh."

"Magkakamukha lang naman 'yang mga 'yan, eh!"

"Hindi, ah! Bulag ka kasi."

"Luhh?"

Tapos hindi ko na lang siya pinansin. Naramdaman ko rin ang pag-alis niya at paglipat sa katabing pc. Dinaldal iyong naglalaro. Tinapos ko ang recent episode na 'yon ng exo showtime atsaka clinose ang windows.

"Kuya, out na po sa pc number five!" bulyaw ko at isinabit ang headphone sa sabitan nito atsaka tumayo na.

Nagbayad ako sa may counter.

"Kuya von! Pc five akin! Open time!" bulyaw ni sebastian.

Umalis na 'ko pagkabigay sa akin ng sukli.



From: CM8_Oneil

OL ka ba ngaun beh?

To: CM8_Oneil

Di ah. Kanina pa un. Y?

From: CM8_Oneil

Narack yata fb mo!! :O Tignan u!!



Napabukas tuloy ako ng facebook sa cellphone ko gamit ang opera mini app. At pagtingin ko sa timeline ng profile ko, ang daming post na hindi naman ako ang gumawa! Hindi naman kasi ako nagpost ngayong araw!



Maria Ligaya Babon

Longganisa for sale! Message me 4 details! Nakapromo po kami tonight!!!! MAKATI LOCATION ONLY!!! :*


Maria Ligaya Babon

Hi bebe loves ko! :*
-hacker mo na pogi <3


Maria Ligaya Babon

Mahal kta lam mo na kung cno cka :P



Habang binabasa iyon ay may ngiti sa aking labi. Buti na lang at nandito ako sa kwarto at mag-isa lang. Hindi ko nagawang mainis sa ginawa niya. Nagustuhan ko pa nga iyon. Na-screenshot ko pa nga.

Wala na 'kong pag-asa, tangang tanga na talaga ako sakaniya.

•••

TBC.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro