Kabanata 29
Sa agos ng buhay ako'y sasabay
•••
Kakauwi ko lang no'n galing trabaho nang masaktuhan ko sila ricky at ismael na nakatambay sa tapat ng bahay nila ricky at nag-iinuman—redhorse, mang juan ang pulutan. Sahod siguro ni mael.
"Sakto ang timing ko at naabutan kita rito, ismael!" bungad kong bati at tumabi agad kay ismael dahil gawa sa mahabang kahoy ang inuupuan nito...tipong gawang kamay lang at may magawang upuan na pang tambay.
"Oh? Bakit?" wika ni mael.
"Bebentahan kita, sumasideline kasi ako sa mse...wait!"
Kinuha ko ang catalog sa aking bag at inabot iyon sakaniya.
"MSE? No'ng nakaraan Avon, ah?" sambit ni ricky na inalukan ko no'ng nakaraan ng pabango sa avon.
"Madami akong sideline ngayon! Diskarte kasi, noh!"
"Bahala kayo r'yan...gusto mo ba ng juice pa, mael? Ako na magtitimpla." sabi ni ricky na inoohan ng kaibigan niya.
Inisa isa ni mael ang catalog na kala ko'y isang komik. Nakatimpla na si ricky pero hindi pa rin nakakapili ang katabi kong 'to.
"Sali ko sa reunion na 'to!" biglang sulpot ni sebastian at tumabi kay ricky.
Nagsimula na agad sa tagayan ang dalawa. Hindi ko mapigilan hindi tignan si sebastian dahil sa ginawa ko sakaniya kagabi.
"Sideline?" biglang tanong ni sebastian sa akin at nakaturo ro'n sa catalog na tinitignan namin ni ismael.
"Kapag sinagot ko ba ang tanong mo, oorder ka?"
"Ewan, titingin ako pagkatapos ni ismael."
Tapos inabutan na ulit siya ng tagay ni ricky. Silang dalawa lang halos ang nagsasalit salitan sa alak. Si sebastian halatang inom na inom dahil sa kadramahan na nangyari sakaniya kagabi at nasabi rin niya na gusto niya makalimot gamit ang alak. Hung-hang talaga...kailan pa naging gamot ang alak sa paglimot ng isang pangyayari? Nagagawa ka lang lalong tanga niyan, eh.
Pinanood ko lamang ang pag-inom ng dalawa. Hindi pa nakuntento ang gung-gong at bumili pa ng dalawang alak at ilang chichiryang pang pulutan. Kinuha ko iyong mang juan at inangkin lang iyon. Patuloy lang sila sa pag-iinom habang ako pinapanood at pinapakinggan ang usapan nila. Halatang tinatamaan na si sebastian ng kaunti at iyong topic nila ay nagiging personal love life na.
"Hahahaha! Grabe pare, iyong tatay no'n harap harapan niyang sinabi sa akin na ayaw niya sa akin kasi mahirap lang ako hahahaha!" sambit ni sebastian.
Bigla kaming napatingin sakaniya ng seryoso, kahit si ricky na medyo may amats na rin ay tinignan ang katabi na may pag-aalala.
"Kumusta ka naman, pare? Kumusta kayo ng syota mo?" tanong ni ricky.
Patuloy pa rin sa pagtagay si sebastian.
"Syota? Hahahaha! Wala na kami kagabi lang! Sayang hindi mo nakita eksena namin sa may bungad ng eskinita...mapagkakamalan mong nagte-taping kami ng isang romance drama tapos ako 'yong walang kuwentang bida hahahaha!"
Napaka gago talaga ng isang 'to. Nagpatuloy pa rin siya sa pagtagay. Isa-dalawa-tatlo hanggang sa bahala na siya sa buhay niya at halatang may amats na ng sobra dahil kung ano-ano na sinasabi.
Napangalumbaba ito sa may mesa at tinignan ako. Nilabanan ko ang tingin niyang iyon.
"Bakit? Anong tinitingin-tingin mo?" tanong ko sakaniya ng may pagtataray.
"Bakit mo ako sinampal?"
"Huh? Pinagsasabi mo?" binalik ko ang tingin ko sa catalog na hawak ni ismael. "May ginawa ka bang masama?" pagsisinungaling ko sakaniya dahil sa pagmamaang maangan ko.
"Lasing ka na sebastian hahahaha!" bulyaw ni ricky.
At halata ngang malakas na ang amats niya dahil no'ng inabot na sakaniya ni ismael ang catalog ay wala siyang kamalay malay na tinitignan na pala niya ay ang mga bra. Pero umorder siya ng pabango at ako na ang pinapili niya dahil alam kong malfunction ang utak niya ngayon.
Naka-ilang tagay si sebastian at maya-maya ay nagsasalita na siya ng ingles at nagiging clingy kay ricky. Isa rin si ricky na may amats na at pinapatulan ang pagiging clingy ni sebastian. Bagay nga sila maging lasinggero.
"Ligaya, pwede pakialalayan si sebastian pauwi sakanila? Ako na kay ricky, mas mabigat ang isang 'yon kaysa kay sebastian, eh." sambit ni ismael.
"Wow ha? Ano naman makukuha ko sa pag-uwi sa isang 'yan?"
"Love ulit hahahaha!"
"Gagu."
Binuhat niya na si ricky na knock-out na sa mesa. Si sebastian gising pa naman at gusto na rin umuwi pero no'ng aalalayan ko siya ay napakabigat niya! Halos lahat ng bigat niya ay binubuhos niya sa akin!
"Kupal ka talaga! Umayos ka nga! Ang bigat mo! Malalaglag 'yong bag ko!" bulyaw ko, hindi pa kami gano'n nakakalayo sa tinambayan namin.
"What...ano tingin mo sa'kin, bebe loves? Dugyot ba 'ko? Mukha ba 'kong walang alam? Mukha ba 'kong magnanakaw? Hmm?"
"Ano bang klaseng tanong 'yan? Oo, mukha kang walang alam minsan. Napaka isip bata mo pa, hindi ka nagseseryoso."
"Ako? Isip bata? Pffft! Childish? Hahahaha! No!"
"Boang ka na. Inom pa! Hayup ka talaga! Tignan mo ginawa mo sa'kin naging taga-uwi mo pa!"
Bigla siyang nanahimik at nagbuntong hininga ng malalim.
"Parehas naman tayong sumuko 'di ba?" aniya sa may amats niyang katayuan.
Nakatingin at nakanguso pa sa akin na nagpapacute na nagpapaawa.
"Huwag ka mag-alala, sebastian. Hindi ako kagaya ng iba, hindi ko sisirain ang imahe mong maganda sa kanila...o sa kahit na sinong babaeng mamahalin mo. Ganito ako katanga sa'yo."
"Hindi ka tanga sa'kin, ligaya, love mo lang talaga ako hahahaha!"
At sinabayan ko naman ang pagtawa niyang iyon. Wala naman nakakatawa pero pakiramdam ko sa sarili ko na ginagawa na lang akong katatawanan nitong lalaking 'to. Na kahit anong gawin niya ay alam niyang siya lang ang mamahalin ko. Bakit nga ba sa dinami-rami ng tahanan ay sakaniya ko pa rin gustong umuwi? Kaya siguro ayoko rin mawala ang bahay at ang looban ay dahil kapag nawala iyon ay gano'n din kami. Dahil sa tagal ng panahon kong binuo ang pagmamahal ko sakaniya ay hahantong din sa pagkagiba.
Kaya rin siguro ako natatawa ay dahil sa sarili ko. Nakakaawa pala ang sarili ko...wala pala kaming pinagkaiba ni daniel. Pareho namin binaba ang pride namin sa iisang lalaki. Nakakatawa nga talaga.
"Bakit ka natatawa, ligaya? Hahahaha!" aniya.
Napailing iling ako habang paunti unting tumitigil sa pagtawa at nakangiti na lamang. Nakatingin na lamang ako sa aming dinadaanan. Mabagal ang aming paglakad dahil sumasabay ako sa hirap niyang paghakbang.
"Wala naman...may nakakatawa lang kasi akong naisip sa sarili ko dahil sa sinabi mo kanina."
"Sinabi ko? Iyong love mo ko? Hahahaha joke lang 'yon! I'm joking!"
Katahimikan ang naging tugon ko sa sinabi niyang 'yon. Iyong ngiti ko kanina ay unti-unting nawala at napalitan ng pagkaseryoso.
"Sebastian...kung tatanungin mo ako ngayon kung ikaw pa rin? Hahahaha boang, oo, palaging ikaw. Araw-araw yata o taon-taon...kahit ni minsan ang duga mo kasi ni hindi mo magawang piliin ako kagaya ng pagpili ko sa'yo."
Alam kong lasing siya at hindi niya maaalala ang sinasabi ko ngayon kaya mas mabuti ng sabihin sakaniya 'to.
"...kaya huwag kang mahiya, saktan mo lang ako ng saktan hanggang magsawa ako." dugtong ko.
No'ng hindi ko narinig ang tugon niya ay napasulyap ako sakaniy, nakapikit ang mga mata niya pero alam kong gising pa ang diwa niya dahil nakakapaglakad pa siya.
"Alam mo ba ba't ako nakipaghiwalay kay daniel? Ha?" aniya sa tonong inaantok.
"Bakit?"
"Kasi ayokong ipamukha sa daddy niya na tama siya sa sinabi niya sa akin...na peperahan ko 'yong anak niya! Alam mo ba na nag-alok si daniel na tulungan tayo rito pero tinanggihan ko? Hahahahaha malaking tulong sana 'yon sa atin lahat dito, noh? Pero tinanggihan ko...ngayon lang ako naging ganito makasarili...inuna ko muna sarili ko kaysa mga tagarito. Sabi ko sa sarili ko...maging makasarili ka rin minsan, hindi dahil gusto mo gumanti...kasi sa puntong ito—gusto mo naman piliin ang sarili mo! Pero habang lumilipas ang oras at araw parang iniisip ko na mali 'yong desisyon ko. Sana tinanggap ko na lang 'yong tulong...kasi parang mahirap na rin mapalayo sainyo, eh! Tangina simula pagkabata...tangina kasalanan ko 'to, eh! Mawawalan na nga ako ng bahay, mga kaibigan at mga tinuring kong pamilya, nawalan din ako ng mahal! Tangina bobo nga talaga ako, noh? Hahahaha!"
"Hindi ka bobo...tanga ka lang."
"Hahahaha correct! Sorry pala pinakilala ko sa'yo si daniel...ang awkward siguro sa'yo no'n, noh? Hahahaha hindi ko alam na ikaw maaabutan ko sa ihawan ni ate carol, eh. Sorry pala ro'n...nasaktan din siguro kita, noh? Tapos sinabay ka pa namin no'n papasok hahahaha si ricky kasi mapilit, eh! Sorry, ha? Hmmm..."
"Okay lang 'yon, boang."
"Hindi ka ba nagselos? Kung ako 'yon magseselos ako hahahahaha! Jelousy jelousy pakening shet!"
Napapangiwi na lamang ako sa kalasingan nitong unggoy na bitbit ko.
"Nagselos ako syempre, maganda pinapalit mo sa'kin, eh. Mga tipo mo talaga...pero kung mahanap mo man sakaniya 'yong wala sa akin, masaya ako para sa'yo. Ayon lang naman ang magagawa ko bilang kaibigan mo ang maging masaya para sa'yo. Ikaw, ako, tayo'y pinagtagpo sa maling panahon...pero at least pinagtagpo, 'di ba?"
Natawa lang siya ng malakas, pahina ng pahina iyon no'ng malapit na kami sa tapat ng bahay nila. Mukhang may tao pa sa baba at hinihintay ang pagdating niya dahil sa bukas na TV.
"Malapit na tayo sainyo...umayos ka na baka mahalata ka pa ng nanay mo at mayari ka na naman niyan. Pasaway ka kasi, hindi ka marunong sumunod." sambit ko.
"Alam mo ba ligaya kung bakit ako nakipagbreak sa'yo noon? Huh?"
Out of nowhere bigla niyang na-open up. Ito ang ayokong marinig na sagot dahil nasabi na niya iyon sa akin dati.
"Dahil hindi mo talaga ako gusto at pinagttripan mo lang ako kasi nacucurious ka sa akin?" sagot ko.
"Pffft! Hindi, noh! Ano akala mo sa'kin? Siraulo? Hahahaha sinabi ko lang 'yon para sumang-ayon ka sa'kin! Nagparaya ako para sa ikabubuti mo!"
"Huh? Alam mo itulog mo na lang 'yang amats mo!"
"Nakipagbreak ako kasi ayokong dumagdag pa sa mga problema mo sa pamilya. Alam kong naghihirap kayo no'n...walang trabaho papa mo kasi may sakit kaya tinutulungan mo mama mo sa pagbebenta. Alam mo ba nakita ka namin nila ricky na nagbebenta ng palamig noon do'n sa school natin no'ng elementary? Pauwi yata kami no'n galing basketball game? Nakita kita hahahaha naawa ako."
"Naawa ka sa'kin kaya nakipaghiwalay ka?"
"Hindi naman sa gano'n pffft! Nakipagbreak ako kasi ayoko nga dumagdag sa mga pasanin mo sa buhay. Highschool pa lang tayo pero grabe na pag-aalala mo sa'kin na baka hindi ako makatungtong ng college, eh? What if kung pareho tayong college no'n? Isasama mo ko sa mga pasanin mo. Pamilya mo, pag-aaral mo, at financial problem niyo...tapos dagdag pa ako? Pakiramdam ko ang bigat no'n para sa'yo kaya binawasan ko na lang."
Nakatayo na kami sa tapat ng bahay nila. Bumitaw na rin siya sa pag-aakbay sa akin at sinubukan ayusin ang sarili kahit na may amats pa rin siya.
"...kaya hindi totoo na hindi kita minahal noon, ligaya. Hindi ako gano'ng klase ng lalaki. Minahal kita pero sadyang mapaglaro ang tadhana at binigyan ako ng exam na sinagot ko lang ng tama pero para sa'yo siguro mali 'yon. Pero tignan mo sarili mo, masyado nang malayo ang nilakad mo para tumakbo pa pabalik sa'kin...gano'n din ako."
Sa mga oras na ito ramdam ko na ang panghihina at pagkapagod ko sa pagmamahal sakaniya. Sabagay, tao lang rin naman ako. Hindi perpekto, hindi palaging malakas, at hindi palaging lumalaban at sumusugal. Talo na kung talo basta hindi maubos. At tama nga naman siya...malayo na ang narating niya para pa bumalik sa akin.
Ako na ang kumatok sa pinto nila at ang lumabas ay ang kaniyang nanay na sinermonan siya ng napakalakas. Nagpaalam na ako sa mag-ina at umuwi na rin bitbit naman ang matamlay na damdamin na pinasalubong sa akin ni sebastian.
At nang dumating na nga ang araw na ikinatatakot ko. Pag-uwi ko ay wala na akong nadatnan na ayos puro sira at giba na ang lahat ng bahay sa looban. Nakita ko si sebastian na walang magawa kundi tumayo at panoorin ang pag-aayos ng ilang kapitbahay sa mga nasira nilang tirahan. Lumapit ako sakaniya...may pagmamadali...hindi dahil sabik akong makita siya pero sa pwesto niya kasi kitang-kita ang lahat. Bahagyang nakabuka ang aking bibig sa aking nakita. Walang salitang lumalabas kundi mainit na hangin lamang.
Tanaw sa kinatatayuan namin ang pwesto ng aming bahay...na dating dalawang palapag ay ngayon nangahalati na lamang. Tanaw na tanaw ko ang giba, wasak, at pinarusahan na aming tahanan sa loob ng mahabang panahon. Wala akong ibang magawa kundi iiyak na lamang ang bagay na hindi ko nagawang iligtas.
"Ligaya..." may pag-aalala sa boses ni sebastian. Marahil pinapanood ang tahimik kong pag-iyak.
"Ligaya..." sambit niya ulit.
Nilapit niya ako sakaniyang bisig at niyakap. Hinaplos haplos niya ng dahan dahan ang aking buhok. Lalo akong naiyak ng tahimik pero alam kong rinig niya ang aking munting paghikbi.
"Tahan na ligaya...tahan na."
"Anong tahan na? Paano ako tatahan kung ilang taon akong nagtrabaho para ipaayos 'yang bahay na tanging alaala ni papa sa'min? Iyong perang pinang-ayos doon bigla na lang nasayang...sana ibinili ko na lang 'yon sa sarili ko kung ganito lang din pala ang mangyayari. Nasayang lang ang lahat ng pinaghirapan ko..."
Patuloy pa rin ako sa paghikbi.
Wala na talaga akong magagawa. Gusto ko lang muna umiyak sa mga sandaling ito dahil ramdam na ramdam ko na ang matinding pagod. Hindi ko alam kung bakit kailangan ko maranasan ang ganitong paghihirap? Masyado pa akong bata para masaktan at mapagod ng ganito.
"Tahan na...ligaya...tahan na..." sambit ni sebastian na patuloy pa rin sa paghaplos haplos sa likuran ko upang pakalmahin ako.
"Tahan na...hindi bagay sa'yo maging malungkot, ligaya." mahina niya pang dugtong.
Natauhan ako ro'n ng kaunti ngunit mahirap kalabanin ang dalamhati ko ngayon. Pakiramdam ko natalo ako ng malala sa sugal na pinusta ko ang lahat.
No'ng gabing iyon habang nag-aayos at nagtatabi ng mga gamit ang lahat sa looban, naitabi rin nila mama ang gamit ko at nakasama roon ang tinatago kong katekesis notebook kung saan nakaipit iyong alaalang binigay ni sebastian sa akin noon...na sana ay nasama na rin sa sinira...pero tinabi ko pa rin iyon sa akin na para bang ayoko iwanan. Nagtreat ng panghapunan si sebastian. Malaking tulong pero nakakalungkot isipin na ito ang magiging huling salo-salo ng tagarito simula ngayon...hindi na magiging kagaya ng dati ang lahat simula bukas. Kahit anong pagmomotivate namin sa isa't isa alam kong hindi na maibabalik pa sa dati ang nagiba na. Lahat ay magiging memorya na lamang. Mga bagyong pinagdaanan ng lahat. Mga tulay na binuo noong lumalagpas sa bahay ang baha. Mga bayanihan sa tuwing may nangangailangan ng tulong. Mga birthday na pinagsasaluhan ng bawat tagarito. Mga iba't ibang events. Lahat iyon ay magiging alaala na lamang ng nakaraan at kasama na ro'n ang huling salo salo na ito. Nakakalungkot, pero wala na kaming magagawa pa kundi tanggapin ang lahat at magpatuloy.
•••
Natapos ang kaganapan sa loob. Halos lahat ay umalis at lumikas. May ibang pumunta at umuwi ng probinsya, may ilan naman na tumira sa mga kamag-anak at anak. Ilan kaming nagpatuloy sa baras. Malayo ang lugar, pawang kabihasnan na wala masyadong tao at kami-kami lang ang magkakapitbahay. Malayo ang bayan pamilihan dadayo pa sa cogeo at isang e-trike at jeep ang sakay bago makarating doon. Ang munting palengke naman na siyang malapit ay kailangan mo bumyahe ng motor o e-trike para makarating doon. Dahil ang trabaho ko ay sa pasay, hindi ko kaya ang uwian pa-rizal at pa-pasay. No'ng makwento ko iyong kay ate angie ay pinatuloy naman niya ako at ang kapatid kong si mary na nag-aaral ng highschool, sa kanilang bahay upang malapit pa rin sa school ni mary at sa trabaho ko. Sila mama at iyong bunso ang tumira sa baras na inuuwian ko tuwing day-off, at inuuwian ni mary tuwing weekends.
Si ismael naghanap ng mauupahan na malapit dito sa makati dahil 'gaya ko hindi rin niya kaya ang byaheng uwian pa-baras at sa trabaho niya. Talo kami sa pamasahe no'n araw-araw. Si ricky nanatili sa baras at bumabyahe pa rin ng taxi roon at kung minsan dumadayo pa rin daw dito sa makati at tumutuloy sa mga kamag-anak.
Iyong libreng pabahay sa baras ay hindi naman talaga libre. Nagbabayad din kami, naghuhulog si mama ng dalawang daan weekly upang mabili iyong lupa't bahay roon. Kapag dadagdagan naman ng second floor ang bahay ay kailangan na ng building permit mula sa munispyo...gano'n kahigpit. At dahil malayo sa pamilihan ay mahirap din maghanap ng pagkakakitaan sa lugar. Si mama ay nagtayo ng munting sari-sari store roon. Wala naman na ro'n si aling yoli, tumira sa anak niyang taga taguig. Kahit papaano ay kumikita pa rin si mama at nagkakaroon ng libangan doon.
Nakakalungkot ang pagbabago at distansya na hindi ako sanay sa pamilya ko pero ito ang simula ng pagbangon namin muli. Ito rin siguro ang isang hamon sa akin ng tadhana na dapat kong ipanalo naman ngayon...o dapat i-enjoy ko habang pinapanalo 'yon. Madami na akong pinaraya sa buhay ko, sabi nga nila kung hindi para sa'yo ay hindi talaga para sa'yo. Pangarap kong makapagtapos ng pag-aaral sa isang unibersidad ay isinantabi ko para sa pamilya ko at makatulong. Ang pagmamahal ay binitawan ko na rin para sa pamilya ko na kailangan ay matulungan at maiahon ko sila sa kahirapan kung magsusumikap ako. Minadali ko ang lahat na parang may hinahabol na oras...ilang taon pa lang ako binubuhay ko na ang pamilya ko. Gusto ko minsan magmadali rin at maging kagaya ng ibang nakikita ko...
Napagtanto ko na baka sa mga oras na ito ang tadhana ko ay hindi paghahanap at paghihintay ng pagdating ng pag-ibig sa'kin, bagkus ay matuto na mag-enjoy sa mga kasama ko ngayon at mga pinaparamdam nilang saya sa buhay ko...mga kaibigan na nanatili sa akin. Marahil oras na rin para itigil ko ang pagmamadali at paghahabol na matamasa ko ang mga pangarap ko, sa halip ay dahan-dahanin ang proseso nito at pag-isipan mabuti kung anong mas worth it na habulin ko sa mga 'yon...dahil hindi lahat ng pangarap ay makukuha ko. Ito marahil ang nais ituro sa akin ng tadhana, na mas makakabuti na habulin ang mga bagay na makapagpapasaya sa akin, pero dapat matuto ako maging masaya kung nasaan man estado ako ng aking buhay.
•••
TBC.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro