Kabanata 28
Ibong malaya
•••
"Nakita mo 'yong bago ni sebastian, ligaya?" wika ni ricky na medyo may amats at bumili ng ihaw pang pulutan nila.
"Nakita ko...maganda."
Tumawa siya ng malakas na wari'y nang-aasar sa akin kaya tinignan ko lang siya ng masama hanggang sa tumigil siya.
"Huwag mong sabihin na may gusto ka pa rin kay sebastian? Hahahaha!"
Hindi ako naimik sa sinabi niyang iyon at nag-ihaw na lamang.
"May gusto ka pa rin do'n sa kumag na 'yon? Gagu hahahahaha!"
Napangiwi lang ako sakaniya.
"Bilang magkaibigan tayo ligs, pawang katotohanan ito, ah? Tigilan mo na 'yan pagtingin mo kay sebastian. Hindi 'yon bumabalik sa mga ex no'n! Kilala ko 'yon! Una, ikaw. Sumunod 'yong chixx na dayo sa kabilang kalsada, m.u yata sila no'n? Hindi nagtagal kasi ldr! Iyong pinakilala niya syota niya no'ng college! Ligwak, hindi nagtagal! Unawain mo lahat ng mga 'yon, ni-isa sa mga iyon hindi niya tinangkang balikan!"
Bakit ba kinukwento nito sa akin ang mga 'yon? Atsaka nagkaroon ng summer fling si sebastian pagkatapos sa akin? Gano'n kabilis? Wow!
"Hindi mo man lang tinanong kung gusto ba ng mga ex niya na balikan siya? Na baka siya 'yong problema? Huh?" pagtataray ko sakaniya.
"Hahahaha mukha ka kasing naghihintay sakaniya, ligs! Hahaha!"
Gagu...halata ba ako?
"Pero seryoso dahil mahal kita as a friend..." aniya.
"Kadiri ka."
Natawa siya ng malakas, halata talagang may amats ang mokong.
"Hindi kita maintindihan...kung tratuhin ka niya parang wala lang naman...parang tropa lang...tapos kahit no'ng kayo pa iba ang priority niya...iba 'yong inuuna niya. Bakit gusto mo siya?" may pagtataka sa mukha niya na halatang curious siyang malaman ang sagot.
Simple lang naman ang sagot doon, kahit pa ilang tao ang makausap ko sa isang araw, kahit daan-daan pa ay wala ni isa sa kanila ang maihahambing sa ngiti na binibigay niya sa akin sa isang minutong sandali.
Pero hindi ko tinugunan ang tanong na iyon ni ricky.
"Hays, time is gold and love is blind ba motto mo sa buhay? Hahahaha!" pang-aasar niya pa rin.
"Tumigil ka na! Ito na binili mo! Kunin mo na at lumayas ka na rin bago pa kita saksakin ng stick sa lalamunan!"
Natawa lang siya lalo. Ganiyan silang magkakaibigan palagi na lang nila akong trip!
"Paano ka makakamove on niyan, ligaya?" bigla niyang sambit habang ngumunguya ng betamax.
"Hindi ko hinihingi mga walang kwentang love advice mo."
"Nag-aalala ako sa'yo syempre, paano ka makakausad niyan kung nakahawak ka pa rin sakaniya? Bitawan mo na kasi hmm? Payong kaibigan, syempre...at mahal kita bilang kaibigan."
Mali siya ro'n...hindi ako ang humahawak sakaniya kundi siya ang humahawak sa akin kaya paano ako uusad?
"Whatever, nasobrahan ka na naman sa inom. Umuwi ka na."
Inubos niya muna iyong kinakain niya at bumalik sa kainuman niya na tanaw na tanaw mula sa kinatatayuan ko. Kasama na rin doon sa inuman na 'yon si ismael.
Ilang oras ang lumipas no'ng makita kong lumabas si sebastian sa kanilang bahay. No'ng magtama ang aming tingin ay nginitian niya ako na may kasabay pang paglaro ng kaniyang kilay. Paano hindi aasa kung hindi siya maharot?
Tapos kinabukasan...ang pangyayaring pilit kong iniiwasan ay ang makasalubong ko ulit sila sebastian at 'yong bago niya. Tangina talaga nito ni ricky gustong gusto akong pagtripan!
Dapat naglakad na lang ako ng dirediretso at hindi sila pinansin! O hindi na lang pinatulan ang mga sinabi ni sebastian! Ngayon tuloy ay kasabay ko sila sa taxi ni ricky at hinahatid kami hanggang pasay! Masama pa roon ay katabi ko si daniel na walang malay sa naging relasyon namin ni sebastian! Si sebastian na patay malisya lang na parang wala talaga kaming nakaraan bukod sa magkaibigan! Dapat talaga hindi na lang ako sumabay! Hindi na lang ako pumasok sa kotse na ito at umupo katabi ng bagong babae ng ex ko! Gusto ko tumalon palabas habang nagpapatuloy ang usapan sa loob ng sasakyan dahil sa kadahilanan na nakikita ko na kung bakit siya nagustuhan ni sebastian...
Si daniel...malayo talaga ang agwat namin. Habang kinakausap niya ako sa ingles at rinig na rinig ko ang accent niyang pang mayaman, samantala ako naman ay pang mahirap ang accent ng ingles ko. She's every man's dream. Alam ko na ba't nahulog si sebastian sakaniya bukod sa mayaman at maganda siya...hindi pangit ang ugali niya. Paano ko ba 'to sasabihin? She's softer. Soft spoken. Gentle. Iyong tipong marinig mo lang siya magsalita ay maiinlove ka na agad sakaniya. Hindi kagaya sa akin...panglalaki ang boses. Sumisigaw. Malakas. Maingay. Kasabay ng paglipas ng panahon ay siyang pag-iba ng damdamin ni sebastian.
Dapat pala pinaghandaan ko ang lahat.
•••
"Nabalitaan mo na ligaya?" sambit ni ismael sa akin no'ng makasabay ko siya sa paglalakad papasok ng eskinita, kakauwi ko lang habang siya'y may binili sa labas.
"Iyong ano?"
"Sulat na natanggap ng mga taga looban kaninang umaga." seryoso niyang sambit.
"Anong sulat?"
"Ayy kakauwi mo pa nga lang pala..." aniya sabay singhot na parang may sipon.
"Ano nga 'yon? Sabihin mo na sa'kin!" pangungulit ko sa kaniya na may pag-alog na sakaniyang braso.
"Bad news 'yon ligaya...mas mabuti nang hindi mo malaman!"
"Ano nga 'yon?"
"Ang kulit mo...kapag ikaw nalungkot sa binalita ko, ha! Bahala ka r'yan!"
"Sabihin mo na kasi! Malapit ka na sainyo, oh!"
Lumapit siya sa akin at bumulong sa kanan kong tainga.
"Madedemolish na 'tong looban..." kalmado ang pagkakasabi niyang iyon pero kumabog ang tibok ng puso ko sa takot.
"Hindi nga?" paninigurado ko, tumango tango naman siya at nagsimulang magkwento.
Nakatanggap ng sulat ang lahat sa looban na naglalaman ng warning mula sa nag-aangkin ng lupa rito at may date na binigay kung kailan sisimulan ang demolisyon kung hindi makakapag bayad sa lupa. No'ng marinig ko ang nangyari ay parang nagpanic ang laman loob ko. Para bang ang lahat ng galit ng mundo ay sa akin ibinuhos. Kung ito'y laro lang pwede bang taympers muna? Sandali lang? Bubwelo lang ako, oh? Iilag sa kamalasan na binubuhos sa akin ng mundo! Tokang toka na ako, oh? Baka puwedeng iba naman? Iyong mga may kayang umahon agad sa ganitong baha ng problema?
"Sabi na nga ba at malulungkot ka lang, eh," sambit ni ismael.
"Sino naman hindi malulungkot sa balitang 'yan? Sira ka ba?"
Napabuntong hininga siya at napahawi ng buhok.
"Alam ko...kung anong nararamdaman mo pwes gano'n din naman kami."
"Ano na gagawin natin?"
"Wala naman na tayong ibang magagawa kundi magdasal at umasa sa himala, eh? Mahihirap lang naman tayo. Saan tayo makakakuha ng gano'ng halaga? Wala naman magpapautang sa atin ng gano'ng kalaki? Duda pa nga ako kung madadaan pa 'to sa dasal, eh? Himala na lang talaga."
Kinagat ko ang loob ng aking ibabang labi dahil sa sinabing iyon ni ismael.
"Bakit parang okay lang sainyo na mawala 'yong bahay niyo? Ano, it is what it is na lang? Bahala kayo...hindi tayo pareho ng nararamdaman dito." may pagtatampo no'ng iniwan ko siya ro'n.
Napahinto ako saglit sa tapat ng bahay namin at tinignan ng maigi ang munti naming tahanan na unti-unti ay napaayos ko sa pamamagitan ng pagsusumikap. Kung iisipin ko na lang na walang himalang mangyari at dumating sa punto na uuwi ako na wala na akong mauuwian ay hindi ko alam kung anong mararamdaman ko. Itong bahay na lang ito ang naiwang buhay ni papa sa amin...ayokong pati ito ay mawala rin.
"Dito na ho ako, ma!" bungad kong bati pagkapasok.
Parang normal lang si mama...walang bahid ng pangamba o pagkataranta dahil sa balitang natanggap ng mga taga-rito. Magaling magtago si mama ng problema...sakaniya ko namana iyon.
"Kain ka na rito, ate. Iyong mga kapatid mo tulog na." aniya habang pinaghuhugasan iyong tray ng mga paninda niya.
Inupuan ko ang isang upuan sa hapagkainan, dahan dahan pinatong iyong shoulder bag ko sa katabing upuan. Nagsalin ako ng inumin sa isang plastic cup namin, dahan dahan at mabagal ang pagsalin ko.
"Ma, may nabalitaan pala ako kanina pagkauwi ko...nakasabay ko si ismael sa labas may nakwento..."
"Ahh, nasabi niya na ba sa'yo?"
"Oho...totoo po ba?"
"Oo, ate. Malaking halaga ang kailangan bayaran..."
"Magkano?"
Tumingin lang siya sa akin at sa wakas nakita ko na rin sa mga mata niya ang bakas ng kalungkutan.
"One hundred thousand, ate."
Napatingin ako sa nakahain na ulam sa aking pinggan habang hindi ko namamalayan na kinakagat ko na pala ang hinlalaking kuko sa aking kanang kamay.
"May binitawan na petsa, ate. Kaya kung nag-iisip ka ng paraan kung paano makakaipon ng gano'ng halaga ay...pangungunahan na kita...hindi kakayanin. Hindi aabot. Huwag mo ng patayin ang sarili mo sa pagod para lang doon. May palibreng pabahay naman daw na pwede natin likasan sa may baras...alam kong malayo 'to sa pinapasukan mong trabaho pero ayon na muna ang magandang solusyon, ate. Doon na lang muna tayo tapos tsaka na lang tayo mag-ipon, okay? Huwag mo na bugbugin sarili mo sa trabaho..."
"Pero ma..." napatingin na ako sakaniya na bakas sa mukha ko ang kalungkutan din na hindi ko matago. "Ayoko...itong bahay na 'to lang ang napundar ni papa sa pagsisikap niya sa trabaho! Ito lang 'yong napagmalaki niya sa atin! Pinaghirapan niya 'to!" namumuo na ang luha sa aking mata, hindi ko na rin kayang itago ang dalamhati ko kay mama.
"Pinaghirapan ko rin 'tong ayusin! Pagandahin para maging presentable sa mga kaibigan nila mary at bunso! Pinagpaguran ko rin lahat ng ginastos ko rito tapos biglang mawawala na lang ng gano'n, ma? Parang wala naman palang kwenta lahat ng pinag gagawa ko kung mangyari 'yon! Sana pala hindi na lang ako nagsumikap kung ganito lang din pala mangyayari...parang hindi ko naman matutupad pinangako ko kay papa no'n. Parang mawawala lahat...itong bahay na nga lang ang iniwan ni papa sa'tin, eh!" patuloy ako sa pagsinghot at pagpunas ng aking luha.
Katahimikan ang ingay na naririnig sa amin. Nakakabinging katahimikan bukod sa pagsinghot singhot ko ng sipon dahil sa pag-iyak ko.
"Ate," pagkalas ni mama sa katahimikan ng aking dalamhati. Lumapit siya sa akin at dahan dahan hinaplos ang aking balikat.
"Hindi naman ang bahay ang pinagmamalaki ng papa mo na nagkaroon siya...kundi kayo. Si papa mo hindi man natin siya kapiling ngayon pero buhay siya rito..." at pagturo niya sa aking puso. "Buhay siya sa puso't isip natin, hindi siya mawawala...kaya kung nasaan man tayo mapunta ay nandoon din siya kasama natin. Sabi niya sa akin noon bago tayo tumira rito tumutol ako na rito tumira at makipagsapalaran dahil komportable ako sa munti nating kubo sa probinsya...pero sabi niya ang tahanan ay nagiging tahanan kahit saan man tayo mapadpad basta nandoon 'yong diwa at puso ng isang pamilya, basta ba huwag lang tumira sa isang bahay na bato kung ang nakatira ay kuwago, buti pa ang kubo kung ang nakatira ay tao. At ano ba palaging sinasabi sa'yo ng papa mo? Proud siya sa'yo...totoo 'yon, ate. Proud siya sa'yo sa kahit anong gawin mo basta masaya ka ro'n. Kaya huwag ka na mag-isip ng kung ano-ano, ate, dahil hindi naman lahat ng ginawa mo rito ay masasayang o sayang...sadyang kailangan lang natin tanggapin ang kapalaran natin na minsan may mga araw na hindi sa atin papabor ang lahat kahit gaano pa katindi ang pagdarasal natin...kailangan na lang natin tanggapin ang lahat ng mangyayari at magpatuloy. Kung ano naman ang mawala ay siya rin minsan bumabalik."
Mali ka ro'n, ma. Ang siyang minsan ng umalis ay hindi na bumabalik. Gusto ko sabihin sa iyo 'yon pero ayokong sirain no'n ang pagpapakalma mo sa akin. Pero totoo nga na dapat ko na lang tanggapin kahit na masakit dahil wala naman akong magagawa...mahirap nga naman talagang kalabanin ang nakatadhana. Kahit gaano ka pa kabait sa mundo ay gagaguhin ka pa rin ng buhay. Kahit gaano ka pa malapit sa diyos ay pagtitripan ka pa rin ni satanas. Ang duga lang mabuhay sa ganito...ayos lang naman maging mahirap pero sana 'yong mahirap na kakayanin ko magpatuloy. Nakakapagod...pero wala akong magawa kundi magpatuloy at magpursige lang ng magpursige. Tama rin siguro ang kasabihan na ang batang masipag, paglaki pagod...dahil totoo. Bihira lang ang masipag na yumayaman. Marahil ganito ang tinuro sa akin ng pagod...na puwede kong ikunwari na maging malakas, na puwede akong magpahinga at huminto sa pagpapatuloy sa kung ano mang hinahabol ko—pero hindi ako pwedeng sumuko.
"Salamat, mama. Okay na po ako." wika ko habang dahan dahan tumatango.
Pinilit kong kumain upang magmukhang okay sa harap ni mama kahit na wala talaga akong gana. Pero nakita ko ang ngiti at pagkawala ng pangamba ni mama no'ng makita niya akong kumakain...ayoko lang mapalitan 'yon. Mas okay na tahimik ko na lamang iyon damdamin.
Kinabukasan nagpursige ulit ako. Sa tulong ng isa kong katrabaho na may sideline sa pagbebenta ng Avon at MSE products ay naging agent niya ako. Pinapahiram niya ako ng catalog upang manghikayat sa mga kakilala ko na bumili. Nilihim ko ang sideline na iyon kay mama upang hindi niya isipin na hindi pa ako okay sa mga pangit na balita. Maliit lang ang komisyon ko ngunit malaking tulong na rin 'yon kung tutuusin.
Kaka-out ko pa lang sa trabaho at sakto palabas na nang mall no'ng makita ako ni daniel.
"Hi, ligaya!" pagbati niya sa akin habang lumalapit sa kinatatayuan ko.
Ang aliwalas ng mukha niya gano'n din ang ngiti niyang pinakita sa akin.
"Oh, daniel...hi rin." nahihiya ko pang pagtugon sa bati niya at sa kasama niyang lalaki na hindi ko kilala...na baka kapatid niya dahil pareho silang mukhang mayaman tignan.
"His bryce, a friend." pagpapakilala ni daniel sa kasama niya kahit hindi ko naman tinatanong.
"Ahhh, gano'n ba..."
"Going home?" tanong niya. Siya nagsimula ng casual convo na nakakahiya tanggihan.
"Oo...tapos na shift ko."
"I see..."
At ayon na nga ang awkwardness sa aming dalawa...halatang casual hello and hi lang 'to.
"Osya, una na 'ko. Bye daniel," bahagyang pagkaway ko pa. "...nice to meet you bryce." at doon din sa kasama niya.
Tinalikuran ko na sila no'n, nakatatlo o apat na hakbang na nga ako palayo no'ng biglang sumagi sa isip ko si daniel at ang pagiging mayaman niya. Alam kong hindi kami close at magkakilala lang kami dahil kay sebastian pero para bang siya 'yong kasagutan sa problemang hindi ko kayang lutasan at lusutan. Baka iyong pagkita namin dito at ang pagaliwalas ng ngiti niya ay sign mula sa kalangitan.
"Daniel!" bulyaw ko pagkalingon...hindi pa sila gano'n nakakalayo rin.
Nagmadali akong lumapit sakaniya. Mahigpit kong hinawakan ang strap ng aking shoulder bag dahil sa hiya na aking sinusubukan labanan.
" Ahmm daniel, puwede ka bang makausap? Tayong dalawa lang sana?" tinignan ko siya na para bang nagmamakaawa at seryoso ang sasabihin ko.
"Okay, sure. Bryce, can you wait for me in the car?" aniya, pumayag naman ang kasama niya at umalis.
No'ng kaming dalawa na lang ay lumipat kami ng puwesto kung saan may mauupuan kami. Nagbuntong hininga muna ako bago nagsimulang magkuwento sakaniya tungkol sa nalalapit na demolisyon sa looban.
"What? Is that for real?" bakas sa mukha niya ang pagkagulat sa kwento ko at pag-aalala na rin dahil sa kaunting paglapit nito sa akin at matinding pagtingin sa aking mata.
Tumango tango ako bilang tugon.
"Please daniel, tulungan mo kami..."
Siya na lang talaga ang pag-asa ko na masalba iyong bahay namin.
"But sebastian never mention this to me. I'll talk to him first and I'll do everything to help."
At no'ng sinabi niya iyon ay naniwala ako agad. Naging panatag ang loob ko, nagkaroon ako ng pag-asa na maligtas ang isang bagay na importante sa akin. Alam kong mabilis lang 'to para kay daniel kung makakausap niya si sebastian agad at magkaroon ng kasunduan. Sigurado akong iisipin ni sebastian ang mga tao sa looban...gano'n naman siya. Palagi niyang inuuna ang iba kaysa importante sakaniya. Panatag ang loob ko. Kampante ako.
"Salamat daniel, thank you!" malapad na ngiti ang tanging kaya kong ibayad sa pag-uusap naming iyon.
Umalis ako sa mall na may magaang kalooban.
Ngunit masisira rin pala 'yon na parang nakatadhana na sa akin na hindi sumang-ayon ang lahat ng gusto kong mangyari.
Maulan na gabi no'n, palabas ako ng bahay upang bumili ng katol. Malapit na ako sa tindahan nila aling yoli no'ng makita ko ang nakatalikod na si sebastian at basang basa sa ulan. Tanaw ko ang tinitignan niya sa may bandang labasan...hindi gano'n kalinaw sa paningin ko pero alam kong si daniel iyon dahil sa tindig at pananamit—nakadress pero halatang basang basa rin sa ulan. Agad akong nagtago sa gilid ng bahay nila aling yoli, mahigpit ang pagkakakapit ko sa aking hawak na payong na pilit tinatago upang hindi makaagaw ng pansin sa tensyon na nangyayari sakanilang dalawa.
Malakas ang buhos ng ulan pero rinig ko ang masasakit na salitang binuga ni sebastian. Rinig ko rin ang pagmamakaawa ni daniel. Ito ang isang pangyayaring gusto kong alisan ngunit hindi ko magawa. Nanatili akong tahimik habang nakatingin sa lupa, pinapakinggan ang bulyawan ng dalawa na para akong chismosang naghihintay ng magandang ikukwento sa buong looban...pero alam ko sa sarili ko na hindi ko ito kayang ikuwento kahit kanino.
"Tsss, sebastian siraulo ka talaga kahit kailan. Napaka gago mo. Iyong tanging pag-asa ko ilalayo mo pa...napaka mo talaga. Sumosobra ka na sa pananakit sa'kin...tapos nanakit ka pa ng iba." mahina kong sambit sa aking sarili.
Dahan dahan na akong umalis sa aking tinataguan. Dahan dahan na hindi mahahalata ni sebastian na may nakinig sa pag-uusap nila. Kasabay ng matinding buhos ng ulan ang siyang normal kong paglalakad patungo sana sa bahay...ngunit napag-isipan kong hintayin na lamang si sebastian dahil sa sandaling ito alam ko ang nararamdaman ni daniel. Gusto kong gawin ang isang bagay na hindi ko nagawa kay sebastian noon...kaya hinintay ko siya.
"Anong ginagawa mo r'yan?" tanong niya sa akin no'ng makita niya akong nakatayo sa tapat ng ng bahay ng kapitbahay nila.
Dahan dahan akong lumapit sakaniya. Sinakluban ko pa siya ng kaunti sa aking payong na alam ko'y walang kwenta dahil basang basa na siya. Tinignan ko siya ng seryoso at may bakas ng galit sa aking mata.
"Bakit ganiyan ka makatingin? Bakit ka galit?" tanong niya sa akin na para bang wala siyang alam.
Kagaya lang dati...parang wala na naman siyang kasalanan kahit na kasalanan naman niya talaga ang lahat. Nakakairita ang pagiging patay malisya niya sa lahat ng kagaguhan niya na hindi niya alam ang nagiging epekto!
Sa sobrang inis ko sakaniya ay nasampal ko siya ng malakas sa kaliwang pisngi. Napahawak siya kaagad doon sa pisnging iyon at tila hindi makapaniwala sa ginawa kong pagsampal sakaniya na dapat noon ko pa ginawa.
"Kailan ka ba talaga magseseryoso, sebastian?" may galit sa aking tono no'ng sinabi ko iyon at umalis na rin kaagad sa kaniyang harapan.
Hindi ko namamalayan na naglalakad na ako palabas...papunta kay daniel. Hindi nga ako nagkakamali na nandoon pa rin siya sa pwesto niyang iyon. Nakaupo na sa maduming semento. Lumapit ako sakaniya at pinayungan siya. Nakatayo lang ako sa gilid niya hanggang sa natauhan din siya ng makita ako.
"I'm sorry, daniel, pero umuwi ka na. Kilala ko si sebastian, hindi na niya binabalikan ang mga bagay na binibitawan niya." may kalungkutan no'ng sinabi ko iyon sakaniya dahil ayon ang isang ugali na sigurado ako kay sebastian.
"No, I'll wait."
"Baka magkasakit ka..."
"It's fine."
Bigla akong naawa sakaniya. Hindi ako naging kagaya niya no'ng nakipaghiwalay si sebastian dahil alam ko sa sarili ko na mas importante pa rin ang pride ko. Pero siya? Tila nakalimutan niya na mayroon siya no'n. Nakakaawa pero alam ko ang pakiramdam na masaktan ng lalaking mahal mo. Muntik na ko maging kagaya rin niya...pero kung iisipin dahil lang sa isang lalaki ay magmumukha siyang kaawa awa. Nawala 'yong pagka-elegante niya. Nawala ang pagkayaman niya tignan na halos tingalain ko. Nawala 'yong respeto niya sa sarili niya na mas higit pa siya rito sa ginagawa niya ngayon...na lumuhod sa basang semento at magmakaawa't umasa.
"Daniel, don't allow someone to treat you poorly just because you love them." seryoso kong sambit na nagpatingala sakaniya at tignan ako.
Nilahad ko ang isa kong kamay sakaniya,
"Tumayo ka na r'yan." utos ko na kaniya naman sinunod.
"Napunta na rin ako sa ganiyang sitwasyon dati...na parang may kulang kahit ginawa mo na ang lahat." sambit ko.
Nginitian ko siya at dahan dahan tinapik tapik ang kaniyang kaliwang balikat.
"Sometimes you must forget what you feel and remember what you deserve." pagpapayo ko sakaniya na nakatanggap lang ng katahimikan.
Inalalayan ko siya hanggang sa makasakay sakaniyang kotse. Sumulpot si esperanza na may bitbit na isang towel at extrang payong na kaniyang ibinibigay kay daniel ngunit hindi niya tinanggap at nagpaalam na sa amin.
At sigurado na ako na kasabay ng pag-alis ng kotseng iyon ay ang paglayo ng pag-asang maililigtas ko pa ang bahay namin.
•••
TBC.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro