Kabanata 27
Sipag ngunit walang nilaga
•••
Nagpatuloy ang araw na parang nagmamarathon sa bilis. Nahalata na rin siguro nila mama at papa na wala na kami ni sebastian no'ng hindi na ako lumalabas ng bahay bukod sa magtitinda ako, hindi na rin ako sumisilip sa bintana kapag naririnig ko ang boses ni sebastian sa labas, at hindi na rin babad ang mata ko sa aking cellphone sa kakatext. Iyong mga gawain ko dati ay hindi ko na ginagawa ngayon...at alam kong napapansin iyon ng magulang ko pero hindi nila magawang magtanong.
At dahil summer...at kapitbahay ko lang naman siya...hindi ko siya kayang iwasan. Na sa tuwing nagtitinda ako ng ihaw ay nandoon siya at nagpapapampam na para bang wala lang nangyari sa amin. Parang normal lang siya. Nang-aasar at nagpapaasa...walang palya. Hindi man lang nagbago. Hindi man lang makaramdam. Wala naman akong magawa dahil mas namumuo ang damdamin ko kaysa gumagana kong utak. Ilang taon ko siyang mahal...hindi naman siguro gano'n kabilis na mawala iyon kagaya sakaniya. Mas nauunawaan ko na tuloy na totoo nga ang sinabi niya...na baka sa relasyon namin...ako lang talaga ang nagmamahal. Ako lang iyong bumubuo sa kalahating pusong iyon. Pinaniwala niya ako sa mga salita at kilos niya na ginagawa rin naman niya sa iba.
Pero nakakainis lang...na kahit durog durugin niya ang puso ko ay siya pa rin itong kayang bumuo. Boang!
"Bakit malungkot ka ligaya? Hmm?" aniya habang hinihintay ang nilulutong binili niyang isaw.
Tanga ka ba? Sinong hindi malulungkot niyan kung ilang araw palang ang lumilipas pero iyong sandali natin tila tinapon mo na agad sa basurahan! Basura ka! Dapat tinapon mo na rin sarili mo!
"Pake mo ba? Ha?! Pakelaman mo buhay mo!" pagtataray ko.
"Luhh? Nagtataka lang kasi ako...ligaya pangalan mo pero ang lungkot mo."
"Hindi ako malungkot, bakit naman ako magiging malungkot? Tanga ka ba? Ayy, tanga ka nga pala."
"Sakit mo pa rin magsalita, ah? Hindi naman kita inaano r'yan..."
"Pwes, manahimik ka na lang, pwede ba? Naiirita ako sa boses mo. Hindi ko tuloy maseryoso pag iihaw ko!"
"Ihaw lang 'yan! Hindi mo kailangan seryosohin...paypayan mo lang!"
Tinignan ko siya ng masama.
"Sabagay, hindi ka nga pala mahilig magseryoso." sambit ko sabay balik ng aking tingin sa aking iniihaw.
Tila naging bingi at pipe si sebastian dahil hindi siya nakaimik. Hindi siya nagsalita, ni hindi nagreact...parang walang narinig. Kupal talaga ang asal!
Lumipas ang birthday niya, bongga pa rin ang ganap...may mga handa, inuman, rentang videoke, at ilan sa mga kaklase namin ang nandoon...parang naging reunion. Sumaglit lang ako at kumanta. Kumain. Nag-uwi ng pagkain kasi gano'n naman dito sa amin, nakasanayan na. Hindi naman sa ginusto ko pumunta...pinilit ako nila oneal at kinaladkad papunta sa isang table. Hindi nila alam na break na kami kaya panay asar sila na hindi ko kinatutuwa pero tinatawanan ni sebastian. Mas lalo akong nalulungkot at gusto ko ng umuwi...pero nagtagal pa rin ako. Hindi dahil kay sebastian kundi dahil sa mga kaibigan ko.
Si papa naman...hindi ko alam kung anong sakit niya pero lalo siyang lumalala. Naaawa ako sa magulang ko lalo na kay mama na bumubuhay sa amin. Magtitinda tapos magmamakaawa sa ibang tao para tulungan kami sa pagpapagamot ni papa. Tuwing gabi hindi man sabihin ni mama sa amin na napapagod na siya...nahuhuli ko siya sa banyo...naririnig ko ang mahihina niyang paghikbi kapag naaalimpungatan ako at babangon para magbanyo. Kahit bukas ang gripo at malakas nag tunog ng tubig ay naririnig ko pa rin ang oag-iyak niyang pilit nililihim sa amin. Nakakaawa...at bilang panganay parang responsibilidad ko na tulungan siya.
At isa na sa kailangan kong tanggapin ay ang babaan ang pangarap ko. No'ng busy na ang mga kasabayan ko na mag enrol sa isang university, ako sa isang community college na malapit sa amin napadpad...kasabay ko si ismael sa parehong college nag-aral. Sa tulong no'ng congressman na nilapitan ko para makagraduate ng highschool, lumapit muli ako sakaniya kaso sa isang kondisyon...sa community college na sakop ng munisipyo ang papasukan ko. Sagot na ang tuition ko sa buong program na kukunin ko. Nag-aral ako no'n ng college sa program na HRM at certificate lang...iyong pang two years dahil sigurado ako na pagkatapos ko no'n ay pwede na ako magtrabaho, o maglaladerize ako ng fourth year program kung magkataon. Unang sem ay okay naman ang lahat. Nag-aral ako ng mabuti.
Active pa rin ang GC namin nila oneal, susana, at zenaida. Iba iba kaming school at program na kinuha. Hindi ko sakanila sinabi na two years lang ang kinuha ko dahil nakakahiya sakanila na apat na taon ang piniling kurso.
Nakikita ko si ismael sa school, I.T ang kinuha niya, four year course...pareho raw sila ng kinuhang kurso ni sebastian. Si sebastian...tinuloy niya naman ang pag-aaral ng college sa university na inapplyan namin. Kahit siguro ayon ay regalo ko na sakaniya. No'ng malaman niya na hindi ako ro'n mag-aaral ay kinausap niya ako habang nagtitinda no'n ng ihaw-ihaw...kakauwi niya lang galing school...unang araw pa lang no'n...gabi na siya nakauwi samantala ako walking distance lang naman kaya nakakauwi ako agad upang magtinda pa.
"Bakit hindi kita nakita sa university, ligaya? Hindi ka pumasok?" tanong niya agad.
"Boang ka ba? Hindi mo talaga ako makikita ro'n kasi hindi naman ako ro'n nag-enrol!"
"Huh?! Bakit? Dahil ba sa akin kaya hindi mo tinuloy? Dahil ba hindi kita sinabay sa pag-enrol? Nag-enrol ka ba sa ibang school? Saan?"
"Secret! Ang dami mong tanong! Nag-enrol ako sa ibang school!"
Bakas sa mukha niya ang pagkadismaya. Mas lalong nakita ko ang bakas ng pagkadismayang iyon no'ng sinabi sa kaniya ni ismael na mag schoolmate kami.
"Bakit doon ligaya? Hindi ka nararapat doon...masyadong malaki ang pangarap mo para ro'n mo sayangin ng ilang taon. Kung alam ko lang..." aniya, hinarang niya ako sa tindahan ni aling yoli no'n bumibili ako ng asin.
"Kung alam mo...ano namang gagawin mo? Hindi ka na ro'n mag-aaral? Kahit wala ka ro'n, hindi pa rin naman ako makakapasok doon. Wala akong pambayad ng tuition doon sebastian...baon mahihirapan pa ako sa araw-araw at iyong pamasahe pa. Naiintindihan mo na ba?"
Hindi siya naimik pa at nakadaan na ako paalis sa tindahan.
•••
Tuluyan na nga no'n hindi nakalakad si papa. Hindi ko pa rin alam kung anong sakit iyon...hindi pa rin nila sinasabi sa akin. Hindi ko alam kung tumatalab ba iyong mga gamot ni papa sa kaniya dahil habang tumatagal ay lalo siyang nanghihina.
"Ate," aniya no'ng tinabihan ko siya sa sala upang manood ng isang pelikula sa hapon. Wala akong pasok no'n sa school.
"Bakit ho, pa?"
"Sorry ha? Naging ganito si papa mo...hindi tuloy kita maihatid sa school...hindi ka tuloy nakakapag-aral ng maayos dahil sa akin."
"Ano ka ba papa, okay lang 'yon, noh! Nakakapag-aral naman ako sa school...may aircon po 'yong library ro'n! Doon ako palagi tumatambag kasama no'ng mga kaklase ko, ro'n kami pagvacant time."
"Ano 'yong vacant?"
"Kapag ano...libreng oras...kapag wala kaming klase sa oras na 'yon."
Tapos dahan dahan niyang hinalikan ang ulo ko.
"Sorry talaga ate, ha?"
"Okay nga lang 'yon papa...basta magpagaling ka lang, ha?"
"Hindi ko alam hahahaha!"
"Huwag mo ngang sabihin 'yan!"
"Hindi, hindi, ayoko lang na umasa kayo. Sabi nga 'di ba kapag oras mo na, oras mo na."
"Mahaba pa oras niyo, pa!"
"Alam ko...pero huwag mo papabayaan mama mo, ha? Ang swerte niyo at siya ang mama niyo...napakasipag at napakamaunawain. Hindi na kayo makakahanap ng ibang mama na gano'n." may malapad na ngiti sa pagkakasabi niyang iyon.
"Oo naman po papa, hindi ko papabayaan si mama...pati ikaw...pati sila mary at bunso."
Inakbayan niya ako papalapit sa kaniya na parang yakap na rin. Kahit gaano pa katibay ang pagmamahal ko kay sebastian ay tila hindi nito kayang pantayan ang pagmamahal ko sa pamilya ko at lalong lalo na sa papa ko.
Kaya nagsumikap ako.
Lumipas ang ilang taon pero gano'n pa rin ang buhay ko...parang lumang sim card ko na hindi ko kayang palitan at baliin. May mga bagay na hindi rin inaasahang magbago...katulad ng mga kaibigan. No'ng mag second year ako ay tila naputol ang komunikasyon namin nila oneal, susana, at zenaida. Iyong GC namin ay tila sinaputan at tinirhan na ng gagamba at wala ni isa sa amin ang naglinis no'n. Aaminin ko na sa tuwing nakikita ko ang mga facebook post nila o myday nila ay naiinggit ako. Nasa magandang school sila nag-aaral, maipagyayabang din. Maganda ang mga gamit nila at panay gala na rin sila na hindi namin masyado nagagawa ng mga kaklase ko dahil karamihan sakanila ay may trabaho—kasambahay, tindera ng isang karinderya, assisstant sa isang salon, call center, fast food crew. Ang madalas lang namin galaan ay ang malapit na 7-11 at malapit na mall. Ngunit sakanila mas marami akong natutunan sa buhay...nagsimula akong magtrabaho. Nag-apply ako sa isang call center company, Alorica. Unang interview ko no'n kabado pa ako. Buong araw ako naghintay at nilamig sa lobby nila...kaso umuwi akong sawian. Hindi ako tinanggap. Kulang pa siguro ako sa experience kahit wala pa naman akong experience talaga. Sumubok ulit ako, kasi sabi ng isa kong kaibigan malaki ang sahod ng call center...kayang magpaayos ng maliit na bahay. Nag-apply ulit ako. Naghanap ako sa facebook, sumali ng ilang groups. Iyong cellphone ko ay cellphone ko pa rin ng highschool...kaya habang madami ng android phones ang sumisikat ay loyal pa rin ako sa dati ko pang gamit...kaya nagrerent pa rin ako sa computer shop ni kuya von. Hindi ko na nakakasabay si sebastian doon. Bihira ko na rin makita iyong tatlo na magkakasama...kapag linggo lang yata? Kapag walang pasok sila sebastian at ismael doon lang sila nagkakausap usap kapag natsyempuhan na nasa labas ng kanilang mga bahay. Si ricky hindi na nag-aral ng college, nag-aral na lang siya magmaneho ng taxi...kumuha ng lisensya at nagtrabaho.
Si ricky iyong napag-iwanan sakanilang tatlo—sa aming apat pero parang hindi naman big deal sakaniya 'yon.
Dumating 'yong panahon na ibang kaibigan na ang dinadala ni sebastian sa bahay nila. Nakikita ko 'yon sa tuwing nagsasampay ako ng damit sa labas at sumasakto na wala akong pasok. Nagkaroon na rin ako ng matinding pangamba na baka sa makalawa o sa susunod na araw ay babae na ang makita kong kasama niya...hindi ko pa kakayanin. Masyado pang maikli ang panahon para makalimutan ang lahat. Nakatabi pa rin iyong katekesis notebook ko kung saan nakaipit doon ang bulaklak at balat ng coke...iyong bulaklak tuyong tuyo na pero di ko magawang bitawan ang mga 'yon. Kagaya ng hindi ko pa siya kayang bitawan hanggang ngayon.
"Mag-aapply po ulit ako. May referral na 'ko this time kaya baka makapasa na ako ngayon." paalam ko kay papa na nakahiga sa matigas na gawang kahoy na mahabang upuan namin sa sala.
"Goodluck, ate."
Tumango tango ako at hinalikan siya sa ulo. Bumabaliktad na rin ang dating gawain. Pero ramdam na ramdam ko ang panghihina niya. Kaya napag-isipan ko na magtrabaho at mag-aral ay para sakaniya.
Dayuhan sa ortigas, mag-isa akong bumyahe patungo sa address na binigay ng kaibigan ko kung saan doon siya nagtatrabaho. Sa Sterling global call center, mass hiring daw sila kaya siguradong makakapasok ako. At sa pagdasal ko bago ang unang interview, pumasa ako. Sumunod, nagdasal ulit, pumasa ako sa final interview. Dahil bakasyon pa no'ng nag-apply ako ay hindi naging hassle ang trainee days ko...may isa pa ro'n na feeling bossing...hindi ako galit sa mga bakla pero iba siya. Ilang araw pa lang ako no'n sa training ay pinahiya niya na ako at tinawag na tanga. Sayang daw ang pagtuturo sa akin no'ng hindi ko agad nasagot ng maayos ang mock call practice niya dahil sa kaba. Wala akong sinabihan sa naramdaman ko pero umiyak ako no'n sa banyo sa isang cubicle, umiyak ng tahimik doon. Pag-uwi ko kinamusta ako nila papa at mama, hindi naging maganda ang araw na 'yon pero no'ng makita ko si papa parang kailangan kong maging matatag.
No'ng makita ko ang ulam namin no'ng gabing iyon...ihaw-ihaw na naman ay naisip ko na hindi na 'to healthy sa amin lalo na sa mga kapatid ko na kitang kita ang kapayatan. Kaya nagsumikap ako hanggang makapasa sa nesting period. Makuha ang unang sahod ko at binili iyon ng masarap na ulam—andoks! Binilhan ko pa ng maayos na damit iyong dalawa kong kapatid at si mama. Sapatos naman sa akin.
No'ng akala ko nagiging maayos na ang lahat ay siyang hindi pala. Patapos na ko no'n sa college, lumipas ang botohan at natalo sa eleksyon iyong tumutulong sa amin ni ismael kaya natigil din ang pagscholar nito sa'min. Nakatapos naman ako sa dalawang taon kong kurso, si ismael tumigil na lang at nagtrabaho bilang crew sa jollibee ro'n sa kalayaan. Nagpokus na lamang ako sa pagtatrabaho at pag-iipon para sana sari-sari store na lang ang maging hanap-buhay ni mama...
Si sebastian na lamang ang natirang nag-aaral sa aming apat. Iyong mga iba naming kaklase no'ng high school ay tila naging kakilala ko na lang...kasama na ro'n iyong tatlo kong dating kaibigan. Kung kailangan pa rin naman nila ako ay ayon pa rin naman ang number ko pero parang nilimot na ng panahon ang pinagsamahan namin ng apat na taon noon. Hindi ko naman sila sinisisi...sadyang gano'n lang talaga ang buhay. May mga pagkakaibigan na nalulumot sa tagal na hindi dinadalaw at hindi mo 'yon kasalanan...hindi kasalanan ng kahit na sino. Sadyang ibigsabihin lang no'n ay umaabante ang lakad ng bawat isa hanggang sa nakakalimutan ng lumingon. Hindi naman 'yon masama, ibigsabihin no'n lahat kami may kaniya kaniya ng ganap sa buhay na minsan hindi na namin kailangan ang isa't isa. Ito yata 'yong tinatawag nilang Fell out of love? Wala namang mali pero sadyang kailangan mo lang magpatuloy na hindi na sila ang kasama.
Nakakalungkot, oo, pero tinanggap ko na lang dahil ang pag-alis ng tao sa bawat buhay ay siya namang pagpasok ng iba.
No'ng makwento ko 'yon kay papa sinabi niya lang sa akin na, "Lahat ng tao sa buhay mo ay magkakaroon ng huling araw na kasama ka at hindi mo alam kung kailan ito mangyayari...at okay lang 'yon. Aabante pa rin ang buhay mo kahit mawala sila dahil hindi nila hawak ang manibela ng buhay mo, kundi ikaw."
Tama naman siya ro'n. Kaya kahit anong mangyari, ilang tao ang umalis sa buhay ko ay nagpapatuloy ako. Ngayon may trabaho na ako ay nakabili na ako ng mga gamit sa bahay at pati bagong cellphone ngunit nanatili pa rin ang sim card ko. Gumiginhawa ng mabagal ang takbo ng tadhana ko.
Pero sadyang nilalaro nito ang buhay ko. Tipong nagpaulan ng kamalasan ay sinalo ng pamilya ko. Para bang no'ng past life ko ay nagmountain hiking ako sa pinatubo at nagpatama sa kidlat!
Isang text lang ni mama habang nasa trabaho ako ay siyang nagpadistract sa akin sa lahat. Morning shift ako at 12 hours ang trabaho, bawal ang cellphone habang nagtatrabaho kaya kinokolekta 'yon ng TL namin at makukuha lang kapag break time. Ilang oras na no'ng lumipas bago ko pa mabasa ang text message ni mama. Dalawang text lang pero nagiba na no'n ang lakas ng loob ko para sa buong araw.
From: Mama
8:13 AM
Sinugod c papa mo ospital ate...d makahnga...nand2 q ngayon. Hindi kba makakauwi?
From: Mama
11:49PM
Nak...ate...si papa mo...wala na.
Nawalan ako ng gana kumain. Iyong baon kong kanin at 555 calderetta hindi ko nagalaw. Hindi ko pinahalata sa mga kasama ko ang dalamhati ko kaya pumunta ako sa banyo saglit at doon sa isang cubicle ko inayak lahat ng nararamdaman kong mabigat. Masakit, nakakapanlumo, ang bigat ng nararamdaman ko...pero wala akong magawa kundi isantabi ang dalamhati kong ito at magtrabaho...kaya pinunasan ko ang aking luha, naghilamos ng maigi at bumalik sa aking area na parang walang nangyari at nagtrabahong muli. Hinintay ko matapos ang shift ko at umuwi agad na bitbit ang sobrang bigat na kalungkutan.
Siyam na araw na lamay, at sa siyam na araw na iyon ay madaming nangyari. Nagsipuntahan ang mga kamag-anak na hindi ko alam na mayroon pala kami. Sa oras ng kagipitan at pangangailangan ay ni-isa sakanila ay hindi namin mahagilap, pero sa araw ng aming paghihinagpis ay nakiramay sila. Madami pa silang sinasabi pero nananatili kaming tahimik...naglunok laway na lamang. Ang GC na dati'y nilulumot at sinasapot ay muling nalinis, ngunit hindi nito naibalik ang liwanag ng dati. Lahat ng nasa looban ay nakiramay. Malaking tulong si aling lolita sa pag-asikaso at pagsama kay mama sa mga opisyal ng barangay, kahit kay mayor. Nakakagalak lang sa puso na kahit mahabang panahon na no'ng huling makatapak si papa sa labas ay marami pa rin sa looban ang nakakaalala sa kaniya at naging malaking tulong sa amin. Walang palya sila sebastian, ricky, mael, isay at iyong ibang kakilala ko na taga rito sa pakikilamay tuwing gabi. Inaamin ko sa oras na malungkot ako ay napapansin iyon ni sebastian kahit habang naglalaro sila ng baraha...o basta makita niya lang ako.
"Ligaya," aniya no'ng mapansin ako.
Nasa isang table lang kami, nagpahinga ako saglit at naki-usyoso sakanila.
"Oh?"
"Hindi bagay sa'yo maging malungkot, ligaya." seryoso niyang sambit na sinang ayunan ng iba.
Sa mga gabing hindi ko na kaya...madalas kong tanungin sa sarili ko na kung sinong karamay ko? At madalas ko rin itong sinasagot na sarili ko lang. Hindi sumagi sa akin na baka mayroon din? Na baka nandyan lang? Pero mas nangingibabaw ang kalungkutan sa puso ko. Durog na ang puso ko at hindi na iyon maibabalik pa sa dati. Sa paglisan ng papa ko...sinama rin niya ang kalahati ng puso ko kaya alam kong hindi na muli ito mabubuo.
No'ng araw na ililibing si papa ay sinabayan iyon ng ulan. Pati panahon ay nakikisimpatya sa amin. Hindi pumasok no'n si sebastian sa school, at ismael sa trabaho niya. Si ricky tumigil din muna mamasada upang sumama sa amin. Nasa tabi ko lang si sebastian sa buong oras na iyon, tahimik lang siya habang pinipigilan ko ang pagpatak ng aking luha dahil si mama ay grabe kung umiyak na sinasabayan pa ng dalawa kong kapatid, ayokong pati ako ay magpakita ng kahinaan kaya nanatili akong kalmado, tahimik, at hindi umiiyak. Si sebastian parang body guard ko na pinapayungan ako habang naglalakad. Hanggang sa may sementeryo. Hanggang matapos iyon at makauwi kaming lahat.
Ang tanging nais ko lang na maramdaman niya na sa panahong ito, hindi payong ang kailangan ko...kundi mahigpit na yakap.
No'ng matapos ang araw at wala ng bisita sa bahay ro'n ko naramdaman ang lungkot na parang humagkan sa akin bigla. Umiyak ako mag-isa ng tahimik sa banyo habang bukas ang gripo upang walang makarinig. Tinanggap ko na ang pangyayari pero alam kong dadalhin ko ang kalungkutan hanggang kamatayan.
Lumipas ang araw ngunit hindi na kagaya ng dati. Pinagpatuloy ko pa ang trabaho ko bilang isang call center agent hanggang sa nakapundar ako ng pampagawa ng second floor sa bahay namin...gawang kahoy lang pero iyong matibay. Nagkaroon na rin kami ng terrace at doon nagkaroon ng sampayan. Nagkaroon ng tig-iisang kwarto—ako at 'yong pangalawa. Iyong bunso namin katabi matulog ni mama. Kung makikita lang ni papa ang lahat ng ito ay sigurado akong magiging proud siya sa akin. Gano'n kasi siya at iyon ang namimis ko palagi.
Nagpatuloy pa rin si mama sa pagbebenta ng ihaw-ihaw pero hindi na 'yon araw araw...madalas kung kailan lang niya gusto o tatlong araw sa isang linggo. Gusto ko naman siya patigilin pero ayaw niya kaya hindi ko na pinilit. Kung doon siya sasaya at makakalimot sa malulungkot na pangyayari ay mas makakabuti nga 'yong may pagkaabalahan siya. Palagi kong pipiliin kung saan siya masaya.
At dumating 'yong panahon na kinakabahan akong makita. Nakita ko si sebastian na may kasamang babae, naka uniform na kagaya sa university na pinapasukan niya. Nagsasampay ako no'n sa terrace, hindi niya nga ako napansin dahil siguro nakaharang iyong mga damit, pinanood ko ang galaw nila. Pumasok sila sa loob ng bahay at alam kong papatuluyin iyon ng magulang ni sebastian na may malapad na ngiti sa labi. Aaminin ko na nakaramdam ako ng lungkot at kirot sa aking kaloob looban sa katotohanan na nakahanap na siya ng iba at ako, ito, siya pa rin ang mahal. Pero ano naman ang magagawa ko kung hindi niya na ako mahal? At ang pag-iibigan namin ay niluma na ng panahon. Alam kong masakit at hindi ko kaya pero kung sakaling iyon na talaga ang babaeng nakatadhana sakaniya ay wala na akong magagawa. Mahirap kalabanin ang nakatadhana. Ipagdadasal ko na lang na kung sakaling makita o mahanap niya na ang tamang tao para sakaniya ay sana maging tamang tao rin siya para ro'n.
At malinaw naman na hindi na niya ako mahal. Ang problema lang ay hangga't hindi ko kayang pilitin na mahalin niya akong muli, hindi ko rin mapipilit ang sarili ko na tumigil sa pagmamahal sakaniya. Ito yata ang tinatawag nilang first love never dies. Hanggang sa panaginip ay nandoon pa rin siya...napapanaginipan ko siya na mahal niya pa rin ako kagaya ng dati...no'ng high school. Panahong masaya pa ako at nakakaramdam ng pagmamahal...sa panaginip iyon ang aking nakikita. At kung sa panaginip na lang mangyayari na mahal niya pa rin ako, pwes, ayoko nang magising pa.
Makita siyang may kasama...sa totoo lang...hindi ko tanggap. Pero wala naman akong magagawa kundi magmahal ng tahimik na lamang...na master ko naman na iyon dati kaya alam kong madali na lang.
•••
Trabaho, nakakapagod. Papasok ng madilim pa, uuwing madilim na. Parang nabuhay na lamang ako na hindi nararanasan masikatan ng araw. Iyong stress ko, mood swings, at pagod hindi ko na kayang labanan pa. At no'ng hindi ko na talaga kaya ang trabaho at unti unti na nito nilalamon ang kalusugan ko...napagpasyahan kong magresign na at maghanap ng ibang trabaho na hindi ganito kahirap.
Aanhin ang trabahong mahirap kung unti-unti ka no'ng papatayin. Ayoko pa mamatay. May dalawa pa akong kapatid na papatapusin sa pag-aaral at mama na ayokong mahirapan mag-isa ulit. Ayoko mamatay at ipasa ang paghihirap ng buhay namin sa susunod kong kapatid o kay mama. Hindi iyon ang gusto mangyari ni papa, hindi ko rin 'yon gustong mangyari.
Umalis ako ng trabaho at nag-apply sa iba. Hindi na ako nagtangka pang pumasok sa kahit anong BPO company, pagod na 'ko kumausap ng mga irate na tao sa umaga hanggang maghapon. Nabago nila ang ugali ko, nabago rin nila ang kabaitan ko. Nag-apply ako sa nirecommend ng kaibigan ko no'ng college—si kelsi, na tangi at matalik kong kaibigan kagaya ni isay. Dahil sakaniya ay napadpad ako sa SM MOA bilang isang sales clerk sa SM Appliance Center.
Nasaksihan ko ang paggraduate ni sebastian sa college. Nagkaroon ng handaan sakanila at no'ng masaktuhan na pag-uwi ko ay kinaladkad niya ako ro'n upang kumain at kumanta...wala na siyang halos bisita no'n kundi kami-kami na lang taga looban dahil malalim na ang gabi. Hindi ko na rin nakita iyong babaeng dinala niya noon, naghiwalay na raw sila kwento ni ismael sa akin. Hindi rin daw nagtagal. Ang dahilan? Hindi raw sila magkaintindihan. Deep inside, kinatuwa ko ang kwento na iyon ni ismael, dahil alam kong may pag-asa pa.
Hanggang sa hindi nagtagal, may pinanalo na naman siyang iba. At this time, habang nagtake over ako sa ihawan ni mama ang kumag pinakilala pa sa'kin ang bago niya—si daniel.
Wala akong masasabi kay daniel bukod sa maganda siya, malinis, mukhang mayaman, mabango, mahinhin at may class ang dating. Taob na taob ako sakaniya. Wala akong binatbat. Mas lalong bumaba ang tsansa ko, mas lalong bumaba ang tingin ko sa sarili ko...na kahit anong gawin ko ay hindi na ako magugustuhan pa ulit ni sebastian. Paabante ang takbo niya habang ako nanatili sa kinatatayuan ko. Mabilis ang takbo niya na halos hindi ako makahabol...hindi niya marinig 'yong sigaw kong sandali lang naman! Hintayin mo ako!
Parang halos lahat sila...sinisigawan ko ng sandali lang naman...pero lahat sila nagpatuloy sa pagtakbo na halos kinalimutan na nila akong lingunan.
•••
TBC.
AN//: Hi everyone! This chapter has been in my drafts for days now, and ngayon ko lang siya na publish. It's because I couldn't control my time these past few weeks! I was busy with my life, mostly work-related stuff. Anyway, I hope you have an okay day tomorrow! It's already late now, but I hope you sleep well tonight. Or if you read this in the morning, I hope your day will be fine and okay! Don't forget to smile, for good days to come your way! :)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro