Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 26

Paglipas ng araw ay ikaw rin

•••

"Okay lang ba talaga kayo, pa?" tanong ko no'ng kaming dalawa lang ni papa sa may sala nanonood ng tv.

"Oo naman, ate. Huwag ka mag-alala. Kailan ba ulit graduation mo?"

"March twenty nine ho. Last week ng March."

"Okay lang ba kahit spaghetti handa mo? Magluluto si mama mo ng spaghetti?"

"Nako pa! Huwag na kayo mag-abala! Pambili niyo na lang 'yon ng gamot niyo! Tignan mo ho ang payat mo na!" may pag-aalala na bakas sa tono at tingin ko sakaniya.

Tumawa lang siya sa pag-aalala kong iyon at no'ng matauhan na nag-aalala pa rin ako ay tumigil na siya sa pagtawa at ngumiti na lamang habang dahan dahan na hinahaplos ang ulo ko.

"Gutom ka na ba? May prinito na yata r'yan si mama mo na itlog."

Hindi na lang ako nagsalita at sinamahan na lang siya manood. Kung ayaw niya sabihin sa akin ang totoo ay irerespeto ko iyon.

"Okay ka lang ba?" tanong ni sebastian no'ng makasabay ko siya sa canteen.

Nakapila kami ngayon sa may bilihan ng soup, lilibre niya raw ako ng sopas. Nakapila sila susana, zenaida, at oneal sa may kanin-ulam.

"Okay lang..."

"Sure ka? Parang hindi, eh. Napapansin ko matagal na..."

"Ano ka ba? Okay lang ako. Ayan ka na naman, eh."

"Na naman?" medyo lumapit siya sa akin ng kaunti, ramdam ko ang hininga niya sa likod ng tainga ko. "Kapag ako tinatanong mo nagagalit ka kapag 'di kita nasasagot agad kaya sinasagot ko kaagad, tapos kapag ikaw naman tinatanong ko okay lang kahit 'di mo sagutin...ang duga."

"Gano'n talaga..."

Hindi na lang siya sumagot...pero nilibre niya pa rin ako ng sopas tapos sumama na kala ricky at mael. Bumalik naman kami sa classroom kasama iyong tatlo kong kaibigan at doon kumain.

Hindi kami nagpansinan ni sebastian no'n sa room o kahit sa graduation practice...pero hindi ko mapigilan ang sarili ko na hindi siya i-text ng sorry kahit hindi ko alam kung anong ginawa ko sakaniyang mali.

"Sama ka mamaya ligaya sa bahay?" sambit ni zenaida.

"Bakit? Anong meron?"

"Wala lang...bonding lang tayo kasi sure ako na kapag grumaduate na tayo wala na tayong time magbonding."

"Bakit? Pumasa naman kayo sa university na papasukan ko, ah? Ayaw niyo ba ro'n?"

"Ano ka ba ligaya, okay naman 'yong university na 'yon kaso hindi ka ba nagsasawa na magkikita kita na naman tayo ro'n? Parang hindi tayo grumaduate ng high school niyan!" sabi ni susana.

"Alam ko si oneal dito lang sa makati mag-aaral. Ako, baka sa may manila kagaya sa pinsan ko." sabi ni zenaida.

"Ako...siguro sa manila rin. Nagtry na ako mag apply online, eh. April pa exam." sabi ni susana.

"Gano'n ba? Akala ko pa naman same school pa rin tayo."

"Okay lang 'yon, noh! Hindi naman magbabago no'n ang lahat 'di ba?" sabi ni zenaida na may matamis na ngiti.

Tumango tango na lamang ako ng ulo at sumang ayon sakanila.

"So, hindi ka talaga sasama mamaya? After school?" sabi ni zenaida.

"No...sorry."

"Okay lang...may gagawin ka ba?"

"Oo, eh, balak ko sana tulungan si mama."

"Kung gano'n, okay lang. Pero sa twenty-nine? May plano ka ba no'n? After graduation?" may kinang sa mata ni zenaida no'ng sinabi iyon.

"Hmm...bakit?"

"Sabi kasi ng mama ko pwede ko kayong i-invite at doon na lang sa amin magcelebrate ng after graduation party. Inaya ko naman sila lance, eh! Pumayag naman! Sama ka!"

"Hmm...hindi ko alam, eh? Baka kasi maghanda sila mama no'n."

"Habang maaga pa sabihan mo na sila na huwag na maghanda." sabi ni susana.

Hindi ako sumagot sakanila at pinag-isipan iyon ng mabuti.

"Sabihan mo na lang ako ligaya kapag tutuloy ka, ha? Punta ka na lang do'n. Okay?" may ngiti pa rin sa labi ni zenaida.

"Sige..."

Pero pupunta si sebastian...siguro pumunta na lang din ako. Kaysa maghanda pa sila mama at gumastos.

Sabay kami umuwi ni sebastian no'n...kasabay iyong dalawa. Tila ba parang nakalimutan na ni sebastian ang tampo niya kanina at hindi na rin ulit nagtanong pa.

Pagkauwi, kumain ako ng nakahain na ulam—pritong itlog. Nagpalit ng damit, nag-ayos ng buhok, nagtoothbrush, at inunat ang katawan bago bitbitin ang ilang gamit ng tinitinda ni mamang palamig sa may gilid ng dating elementary school namin. Katulong ko magbitbit ang bunso kong kapatid. Ang set-up namin ni mama ay ako magtitinda sa tanghali habang siya magpapahinga at aalagaan si papa. Tapos pagsapit ng hapon mga bandang alas tres, siya naman ang magbabantay ro'n habang ako naman ang magpeprepare ng ihaw-ihaw. Pag-uwi niya tinutulungan naman siya ng dalawa kong kapatid na magbitbit ng gamit. Sa panahon na hindi makatulong si papa kay mama, nandito kami. Nandito ako.

No'ng sumapit ang tanghali, pauwi na ako galing sa pagtitinda, nasaktuhan ko sila sebastian, ricky, mael, at totoy sa may bungad ng eskinita malapit sa may poste na nakatambay, may iniinom na rc si sebastian at mael, iyong dalawa si ricky at totoy naman ay naninigarilyo. Hindi na masyadong tirik ang araw at ang ihip ng hangin ay malaya. Sigurado akong kakatapos lang nila maglaro ng dota sa computer shop ni kuya von.

"Oh, bebe loves! Sa'n ka galing?" bungad na sambit ni sebastian sa akin, hindi alam kung lalapitan ba ako o hindi—hindi siya lumapit pero iyong isa niyang paa ay umabante.

"Diyan diyan lang...may binili. Bakit nandyan kayo at nakatambay, ha?" pagtataray ko sakanila.

"Wala naman ng assignments, ah? Bawal pa rin tumambay si sebastian? Grabe ka naman! Mas matindi ka pa sa nanay niya, eh!" sabi ni ricky na natatawa pa nga.

Tinignan ko lang siya ng masama. Siya talaga ang matinding B.I kay sebastian, eh!

"Hindi mo ba nakikita sarili mo? Nakakapangit ang pagiging tambay."

"Pfffft! Patawa ka neneng hahahaha!"

"Napaka mo ano? Nakakatawa ka na niyan?"

"Huy! Magandang pang yearbook 'yong kataga na 'yon, ah? Dapat sinabi mo agad sa'min para ayon na lang nilagay namin do'n hahaha!" sabi ni ismael.

Nag make face lang ako sakaniya. Hindi ko alam kung bakit kusang lumalabas ang pagkamataray ko sa kanila.

"Anong nilagay mo sa yearbook? Bebe loves?" tanong ni sebastian tapos sabay higop sa inumin niya.

"It's not a dead end, It's just a plot twist. Nakuha ko lang sa isang book phrase."

"Hmm, ganda no'n, ah? Ano ibigsabihin?" natatawang sabi ni ismael.

"E di google mo!"

Tinawanan lang tuloy siya no'ng mga kaibigan niya.

"Okay!" tugon niya sa akin.

"Ba't ka may bitbit niyan? Mabigat ba?" pagturo ni sebastian sa hindi ko namalayang bitbit kong styro box.

"Ahh...wala naman 'tong laman."

Wala naman talagang laman...pinaglagyan kasi ito ng yelo kanina.

"O siya, maiwan ko na kayo mga tambay! Tambay well!"

At tinalikuran ko na nga silang apat. Hindi naman na ako sinundan ni sebastian o miski tawagin para buhatin ang magaan na styro box ay hindi niya ginawa...pero ramdam ko ang pagtitig niya sa akin habang papalakad palayo. Ang six sense ko ay gumagana lang sakaniya.

No'ng nagtitinda ako ng ihaw ihaw nandoon sila sebastian, hindi ako tinutulungan kundi doon tumatambay sa gilid ko at nag-uusap ng kung ano-ano. Nagkukwento na naman ng kung ano-anong kwento na kinuwento sakaniya nila kuya noy.

"Nasaan pala si papa mario, bebe loves? Hindi ko na siya nakikita, eh? Okay na ba siya? Alam ko nakauwi na siya 'di ba?" tanong ni sebastian.

Napalunok ako no'ng marinig siyang magtanong...unang beses pagkatapos niya mabalitaan ang nangyari kay papa. Ayon ang ayokong marinig sakaniya dahil hindi ko alam ang isasagot ko.

"Ahh...ano bibili ba kayo o tatambay lang kayo rito?" sambit ko, nagbibingi bingihan sa tanong niya.

"Oo nga, sebastian! Bumili ka hahaha! Walang boyfriend boyfriend kay ligaya rito hahahaha!" sabi ni ricky.

"Luhh? Libre mo naman ako bebe loves hahaha! Kahit isang isaw lang, oh?"

"Bawal libre ngayon...hindi pwede...sa birthday mo na lang."

"Sa birthday ko pa? Tapos isang isaw lang?"

"Mahal na pamilihin, noh!"

"Oh! Sebastian, ricky, mael! Ginagawa niyo rito?" bungad na bati ni mama sa tatlo no'ng makauwi.

Bitbit ng dalawa kong kapatid ang ibang gamit at pinasok iyon sa bahay.

"Si sebastian ho ate carol nangungutang ng isaw kay ligaya hahaha!" natatawang sabi ni ismael habang pinagtutulakan si sebastian.

"Huy! Hindi ho tita!" sambit ni sebastian.

"Tita? Ayieee hahaha!" pang-aasar no'ng dalawa sa kaibigan nila.

Napapamake face na lamang ako sa kalokohan nila. Nakakahiya sila talaga minsan! Si mama nakikitawa rin.

"Pasensya na sebastian at hindi ka mapapautang nitong si ligaya ngayon...kailangan kasi namin ng pera..."

"Ma..." mahina kong sabi.

"Bakit, ate?"

"Bakit ho tita?"

"Pambili ng gamot ni kuya mo mario...lumalala kasi 'yong sakit niya...pero okay naman siya. Malakas naman hahaha!"

Nagkatamaan ang tingin namin ni sebastian. May pinta ng pagtataka sa mukha niya.

"Naaawa nga ako rito kay ate," sabay haplos sa akin ni mama sa ulo. Tahimik lang akong nag-iihaw ng binili ni mael na betamax. "Nagtitinda sa tanghali ng palamig doon sa school niyo no'ng elementary kayo pagkauwi niya galing school tapos magtitinda pa ng ihaw-ihaw sa hapon. Minsan siya pa inaasahan kong maglaba. Salamat nga pala ate, ha?"

Nahiya akong sumagot. Hindi ko matignan si sebastian sa mata.

"Ahh...mabait naman po talaga 'yang si ligaya, tita. Hindi ko naman siya magugustuhan kung pangit 'yong ugali niya, hindi po ba? Nagmana ho siya sainyo." seryosong sabi no sebastian.

Rinig ko ang pagsecond the motion no'ng dalawa sakaniya.

"Pasensya na sebastian, ha? Hindi na yata rin kayo nagkaka oras sa isa't isa...hindi na yata kayo nakakapagdate?"

"Ma! Hindi kami gano'n noh..." parang namula ang pisngi ko dahil sa hiya. Tinawanan lang ako ni mama.

"Paano ba 'yan sebastian, mukhang walang pa motmot surprise si ligaya sa'yo this month, ah? Busy siya hahaha!" pagbibiro ni ricky.

"Tangeks, tumapat kasi 'yon ng graduation day natin..." sabi ni sebastian.

"May plano ba dapat kayo no'n? Pagkatapos ng graduation?" tanong ni mama.

"Meron—" sabi ni sebastian,

"Wala, ma!" sabi ko halos sabay.

"Wala ba?" tanong ni mama, mata niya'y pasalit salit ng tingin sa akin at kay sebastian.

"Ahh, ako ho meron. Kaming tatlo ho meron. May kaibigan po kasi kami na nag-aya na ro'n na lang daw sakanila magcelebrate ng graduation party...pagkatapos ho ng graduation."

"Ahh, hindi kayo maghahanda?"

"Hindi ho para makatipid tipid naman sila nanay. Pabor nga raw po kay nanay sabi niya, eh!"

"Hahahaha ikaw nak, hindi ka ba invited do'n?"

Iyong tingin ni mama napaka inosente! Nakakaawa tignan! Tingin niya'y pagod pero malambing!

"H-hindi, ma. Dito lang ako. Tulungan kita magtinda." mahina kong sabi tsaka bumalik na sa iniihaw ko.

Hindi ko na lang tinignan si sebastian pero ramdam ko ang tingin niya sa akin. Alam kong tinitignan niya ako na may tingin na naaawa sa akin.

"Hindi ka talaga sasama, ligaya? Sa twenty-nine?" tanong ni sebastian.

Sumesegway pa iyong dalawa na parang demonyo na pinipilit akong sumama.

"H-hindi nga...magtitinda kami ni mama."

"Okay lang ligaya kahit ako na lang...inimbita ka naman yata? Kayo ng buong klase niyo? Sumama ka na rin. Nandoon naman silang tatlo."

Hindi na lang ako sumagot.

"Hmm, ayaw niya yata? Okay lang naman ligaya...busy ka yata, eh? Tsaka party lang naman 'yon...'di ba mga tol?" rinig kong sabi ni ismael.

"Oo nga naman...small thing lang nga naman 'yon, noh? Buti pa si ligaya praktikal mag-isip!" sabi ni ricky.

"Anong sawsawan nito, mael?" tanong ko kay ismael no'ng maluto na ang binili niya.

Kinuha niya ito sa akin at siya na ang nagsawsaw nito.

"Praktikal nga talaga mag-isip...sige ho, tita, una na kami maglalaro pa po kami ng basketball sa court!" paalam ni sebastian.

"Maglalaro tayo, pre? Hapon na! Baka nandoon na 'yong mga naglalaro ng volleyball?" sabi ni ricky.

"Ayy tama! Guluhin natin! Tara!" magiliw na sabi ni sebastian.

"Gagu, baka nandoon si kuya selvestre mo?" sabi ni mael.

"E di mas makatwiran pangbubulabog natin do'n! Tara!" tapos hinila na niya iyong dalawa na hindi man lang nagpapaalam sa akin.

Hindi man kami nag-usap no'n...nagtext naman siya at nag goodnight sa akin na palagi naman niyang ginagawa.

Lumipas ang araw, ang gawain ko ay mistulang naging routine. Estudyante sa umaga, tindera sa tanghali't hapon. Kapag weekend, sabado ng umaga, kapag si mama ang naglalaba ako naman ang taga sampay. Kapag linggo ng umaga ay kasama ako ni mama mamili sa palengke ng ititinda namin. Hapon, pahinga pero ine-entertain ko si papa sa bahay. Kapag magbabanyo siya tinatawag ko si mama dahil hirap na hirap siya makalakad.

Sa sobrang busy ko sa buhay ko hindi ko namamalayan ang paglamig ng pakikitungo sa akin ni sebastian. Bihira niya na lang ako mapansin...sa school na lang. Sa tuwing paalis ako ng bahay upang magtinda sa dating elementary school namin...hindi ko siya natsatsambahan sa labas. Kahit sa hapon pagbalik ko hindi kami nagkakatugma. Kapag nagtitinda naman ako ng ihaw ihaw ay titingin lang siya sa akin at ngingiti ng pilit kasabay ng pag-angat-baba ng isang beses ng kilay niya ta's bahagyang kakaway. Hindi ko 'yon ginawang big deal dahil inisip ko na baka ayaw lang niya ako istorbohin dahil may bumibili? Pero hindi naman siya gano'n...kailan ba siya hindi nagpapansin sa akin?

Kasabay ng paglipas ng panahon kahit papalapit na ang summer at tag-init ay ramdam ang lamig ng pag-ibig na dala niya...nanlamig na siya sa tag-init. Hindi na siya nag gu-goodnight text sa akin o kumain ka na ba na tanong. Medyo pagod ako para idagdag pa sa problema ko ang inaakto niya!

March 28, nakahanda na ang lahat ng susuotin ko para bukas. Malinis, bagong laba, mabango, maputi, at plantsado na ang aking uniform at toga. Bagong kiwi na rin ang aking sapatos na hindi bago pero nagmukhang bago...parang no'ng unang araw pa lang nagagamit.

Kahapon, pagkatapos ko magtinda ng palamig ay ayon na agad ang inasikaso ko. Ang susuotin ko at ni mama para sa graduation ko. Puting polo at pantalon ang kay mama na hindi naman na bago pero pinagmukhang bago ng laba ko. Excited na ako makagraduate ng high school at kung anong exciting na bagay ang nakaabang para sa akin!



From: BEBE LOVES KO

Ligaya, lbas ka saglit. Kita tau sa tambak ngaun. W8 kita don. May sa2bhin aq.



Bigla akong tinamaan ng kaba...tuwing monthsary lang naman kami nagkikita sa tambak...bukas pa naman iyon. Ano 'to, advance? Pero nag ayos muna ako...nagsuklay ng buhok...nilugay ko na lang at hinayaan ang layered haircut ko na si mama lang din ang nag gupit kanina para bukas. Hiniram ko rin ang orange ribbon clip ng kapatid ko at ginamit iyon upang maiayos ang aking side bangs, sa kanan at kaliwang bahagi ay may orange ribbon clip.

"Saan ka pupunta, ate? Gabi na?" tanong ni papa.

Alas siete pa lang naman...hindi pa naman gano'n kagabi para hindi lumabas.

"May kukunin lang po kay sebastian..."

"Hindi ba pwede ipabukas na 'yan? Maaga ka pa kikilos bukas."

Nasa labas si mama nagtitinda pa rin, si papa at iyong dalawa kong kapatid ang tao sa bahay at nanonood ng telebabad.

"Need kasi 'to bukas, eh," pagsisinungaling ko na hindi halata.

Talent ko iyon minsan...iyong hindi mapahalata na nagsisinungaling ako kahit nagsisinungaling na talaga ako ng bongga.

"Osige...'wag magpagabi, ah?"

"Opo!"

Nagpaalam ako kay mama at kunaripas ng takbo papunta sa tagpuan namin. Wala naman din akong balak magtagal pero kung damhin ng sandali ay bakit naman hindi?

"Kanina ka pa? Nagpaalam pa kasi ako kay papa..." bungad ko kay sebastian na aligaga sa paglalakad...pakanan - kaliwa paulit ulit.

"Bakit? May problema ka ba?" tanong ko.

Napasulyap siya sa akin tapos napabuntong hininga ta's napakamot sa kaniyang batok at napakagat ng ibabang labi ta's sumulyap ulit sa akin tapos napailing iling kasabay ng pagpitik ng dila.

"Kung may gusto kang sabihin sa'kin, sabihin mo na. Malamok dito, oh! Nakashort lang ako." pagtataray ko dahil nagsisimula ng dumugin ang binti ko ng lamok.

Siya rin yata kaya lakad siya ng lakad...

Napatigil siya at nakatayo sa harapan ko. Buntong hininga ng malalim ang ginawa niya, hindi siya makatingin sa mata ko...sa mukha ko...nakayuko ng bahagya ang ulo niya at nakatingin sa paa ko.

"Sebastian ano ba kasi 'to? May sasabihin ka ba?" seryoso kong sambit.

"Ahmmm..." binasa niya pa ang labi at napabuntong hininga muli bago iangat ang ulo ngunit sa ibang direksyon ang tingin.

Bumibilis tuloy ang tibok ng puso ko. Kinakabahan ako. Iyong tibok ng puso ko ramdam na ramdam ko sa aking pulso na ngayon ay hawak hawak ng kanang kong kamay at dinadampihan ng hinlalaki ko upang maramdaman.

"Ligaya..." iyong tono ng pagkakasabi niyang iyon ay ngayon ko lamang narinig sakaniya.

Hindi ako umimik pero napalunok ako ng aking laway.

"A-ano kasi...ahmmm...paano ko ba sasabihin 'to? Hmmm...a-ayoko na...ligaya..."

"Huh?"

Napakamot siya sakaniyang ulo, nagulo nito ang buhok niya kasabay ng pagkamot niya ang iba't ibang reaksyon sa mukha niya. Napapapikit siya sa inis na hindi ko alam kung anong dahilan...kasabay rin no'n ang pagkatuliro ng kaniyang labi...napapakagat siya rito at nagbibitiw ng paghinga na parang naiirita pa nga...hindi ko alam kung anong dahilan ng kaguluhan ng reaksyon niya. Ngayon ko lang siya nakitang gano'n.

  "Ayoko na...ligaya. Tapusin na natin 'to?"

"Huh?" Tinaasan ko na siya ng dalawang kilay.

"Alam mo na...maghiwalay na tayo...ga-graduate na rin naman tayo, eh?"

"Naririnig mo ba sarili mo sebastian?"

"Oo, malinaw."

At sa wakas napatingin na siya sa akin pero parang kinakabahan din...kagaya ko...pero hindi ko pinahalata iyong akin.

"Bakit?" seryoso kong tanong.

"A-anong bakit?"

"Bakit sebastian? May nagawa ba akong ayaw mo? Ano? Gano'n gano'n na lang? Ayaw mo na? Ano 'to naglalaro tayo rito?"

Nilakasan ko ang loob ko kahit na umpisa pa lang na marinig ko ang salitang iyon ay gusto ko na umiyak...magtanong...mag makaawa na huwag niya seryosohin iyon, pero pinilit ko ang sarili ko na hindi 'yon mangyari. Kinagat ko ang loob ng aking bibig upang hindi sumunod sa agos ng nararamdaman ko ngayon.

Ipinasok ni sebastian ang dalawa niyang kamay sa bulsahan ng kaniyang suot na short.

"Seryoso 'ko ligaya...ayoko na...please..."

"Please?"

Bakit parang ako pa ang dahilan? Wala naman akong ginawa, ah? Siya, siya itong wala rin naman masyadong ginawa sa relasyon namin! Bakit parang pinaparamdam niya palagi na ako ang mali?

"Oo, ligaya, please pumayag ka na at huwag na natin gawing madrama ito. Puwede naman tayong maging magkaibigan na lang 'di ba? Ro'n naman tayo nagsimula, eh?"

"Kaibigan?"

"Oo...magkaibigan muna tayo bago kita ligawan. Sorry, ligaya, pero para sa ikabubuti mo ito. Alam ko."

"Anong alam mo? Hindi mo nga alam kung bakit ka nakikipaghiwalay sa akin, eh,"

"Alam ko..."

"Oh, bakit 'di mo masagot tanong ko kanina?"

Napatingin na naman siya sa ibang direksyon, binasa ang labi ng kaniyang dila.

"K-kasi...hindi naman...ahmm..." napasinghot pa siya no'n kahit wala naman siyang sipon. "Hindi naman talaga ako seryoso sa'yo...na c-curious lang ako sa'yo...kung paano ka magmahal? Kung papakopyahin mo ba ako? Kung tutulungan mo ba ako sa school? Trip lang no'ng umpisa..."

Gago.

"Tapos habang tumatagal sa tingin ko nagiging sagabal ako sa'yo...pero nagpapasalamat ako kasi sa totoo lang madami ka natulong sa akin...kaya parang nakokonsensya ako na paglaruan damdamin mo lalo habang tumatagal. Bata pa naman tayo, eh? Hindi pa naman tayo gano'n kaseryoso sa buhay. Naglalaro lang tayo."

Tangina.

"Naglalaro? So, ano 'to? Talo ako sa larong ito gano'n ba?"

"Ahhh, hindi sa gano'n...ang hirap lang kasi ipaliwanag! Pero alam ko maiintindihan mo naman 'tong sinasabi ko, eh! Matalino ka! Hindi ka naman talo kung gusto ko maging kaibigan mo pa rin, 'di ba? Kaibigan na gusto ka makasama sa iisang school sa college? kaibigan na susuportahan ka!"

Hindi kita maintindihan. Wala akong maintindihan...parang iyong lengguwahe niya ay foreign at hindi ako fluent doon.

Napahilamos na siya sa mukha niya dahil sa kaguluhan ng mga sinasabi niya. Patuloy pa rin siya sa pagpapaliwanag ng kung ano-ano sa mga sandaling ito na parang kinakain ako ng lupa dahil hindi ako makaalis sa kinakatayuan ko...at parang ninakaw ng hangin ang boses ko dahil wala akong masabi. Hinayaan ko na lang madurog ang puso ko ng palihim sa harapan niya. Matagal ko siyang minahal pero para sakaniya sandali lang iyon...dahil kung pareho kami ay hindi niya maibibitaw iyon ng gano'n gano'n lang.

"Ayoko lang mahirapan ka habang—"

Bahagyang tinaas ko ang kamay ko, sinenyasan na manahimik siya.

"Huwag ka na magpaliwanag, please lang, naiintindihan ko. Okay, sige, uuwi na 'ko."

At sa sandaling ito ay narealize ko na si sebastian ay parang isang sasakyan lang sa daan...hihinto pero walang balak magtagal.

"Teka—" aniya.

"Please, uuwi na 'ko." hindi ko siya magawang tignan pa kaya naglakad na lang ako palayo.

Bitbit ko pauwi ang sugatan kong puso, ang kalungkutan na bumabalot sa kaloob looban ko, at ang pride kong matibay kong pinanindigan.

Pagkauwi dumiretso agad ako sa banyo at doon palihim na nilabas ang luha kong matindi kong kinimkim at hindi pinahalata. Nagtagal ako sa banyo ng mahigit thirty minutes bago dumiretso sa kwarto at humiga sa kama at niyakap ang isang unan ng mahigpit. Tinulog ko ang lungkot na nararamdaman ko dahil sa pagtulog ko lang hindi mararamdaman iyong sakit ng sinabi niya.

Kinabukasan, naging maayos ang graduation day. Simple lang ang ayos ko dahil wala naman rason para bonggahan ko pa. Binati ko isa isa na may mahigpit na yakap sila oneal, zenaida, at susana. No'ng makita ni mama sina ricky at ismael ay nilapitan namin ito at binati. No'ng tinawag ni aling lolita ang pangalan ko ay para akong binaril sa likuran at patay ang pagkataong lumapit sakanila...binati niya ako sa harap ng magulang namin at binati ko na rin siya pabalik na kaniya namang nginitian. Niyakap niya pa ako at dahan dahan hinaplos ang aking likod at parang tanga na tinanggap ng sarili ko iyon...na niyakap ko rin siya pabalik.

"See you in college?" aniya pagkabitiw sa pagkayakap sa akin na may malapad na ngiti sakaniyang labi, sigurado sa buhay niya.

Hindi ako tumugon...binigyan ko lang siya ng ngiting maliit tapos nagpaalam sa nanay niya upang magcelebrate kasama ng iba sa bahay nila zenaida. Masaya siyang kumaripas ng takbo patungo kala prynce, ricky, mael at iba pa...halos kinalimutan ako.

Gusto ko pang kumapit sa kung ano pang natitirang pagmamahal niya para sa akin pero bumitaw na siya agad...gano'n kabilis. Parang sandali lang tinagal ng relasyon namin para pahalagahan niya ng sobra at magmove on ng matagal. Hindi ko minsan maintindihan ang ikot ng mundo...ang pag-iisip ng Diyos...kaya niyang magbigay ng tamang pag-ibig para sa maling tao, pero nagagawa niyang ibigay ang maling pag-ibig para sa tamang tao.

"Tara na, ligaya?" pag-aaya ni mama.

Sinabay na kami ni aling lolita pauwi. Nauna umuwi si mama dahil inutusan pa nga muna niya ako na bumili ng dalawang itlog at sardinas kala aling yoli...ulam yata namin...tanghalian. Alas nuebe kasi ang simula ng graduation at alas dose na natapos.

"Congrats!" pagkapasok ko sa bahay ay bati agad nila ang bumungad sa akin.

Pinapalapit ako ni papa sa may mesa, nakaupo na siya sa isang upuan doon. Lumapit ako at tinignan ang nakahain sa mesa...spaghetti at biko.

"Sensya na ate, ha? Ayan lang kinaya namin ni mama mo, eh. Si mary nagluto, direksyon ko sinundan niya hahahaha tapos kami ni bunso taga tikim kung ayos ba...masarap 'yan! Si mama mo naman namili kahapon tinago lang niya sa'yo para 'di mo mahalata kasi sabi mo ayaw mo nga...pero minsan lang kasi 'to kaya hayaan mo na kami, ate."

Nagsimula ng tumulo ang luha ko at niyakap ako agad ni papa at mama. Hinalikan ni mama ang ulo ko, hinalikan naman ni papa ang noo ko.

Ang aking mga magulang ay hindi mayaman, ngunit hindi kami natulog nang gutom, hindi kailanman lumakad nang walang sapatos o tsinelas. Kaya wala akong ibang pangarap kundi maging proud sila sa akin. Kaya wala akong ibang hangad at pangarap kundi makatulong at makabawi sakanila...sa lahat ng sakripisyong ginawa nila sa amin ng kapatid ko. Pangarap kong maramdaman nila ang ginhawa ng buhay kagaya ng sa ibang may mga pera. At alam ko, pagkatapos ng araw na ito at dadating ang mga susunod na araw, walang mangangarap para sa akin at walang makakatupad nito kundi ako.

•••

TBC.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro