Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 20

Relasyon

•••

Lumilipas ang panahon, gano'n pa rin ang set up ng relasyon namin ni sebastian. Nagpapatuloy pa rin ako sa pag-iipon dahil tuwing recess ay nabibigyan niya naman ako ng pagkain, minsan hati kami sa isang sandwich. Ang nagiging problema lang ay ang pagkahumaling ni sebastian sa dota. Palagi siyang nasa computer shop after school kasama sila ricky. Pinapaalala ko naman sakaniya minsan ang mga assignments pero inuuna niya pa rin gawin ang paglilibang...kaya minsan pinapakopya ko na lang siya pero minsan pinapapunta ko siya sa tapat ng bahay namin...sa mahabang mesa na ginagamit ni mama kapag nagtitinda sa gabi...doon kami tumatambay at nag-aaral. Gumagawa ng assignments.

"Paano mo nakuha 'yang sagot mo?" tanong ko, math kasi ang ginagawa namin at mali ang kaniyang solution.

"Ano...kutob kutob lang na may halong dasal." seryoso niyang sabi, nakatingin sa akin.

"Mali,"

Tinuro ko ulit ang tamang solution pero hindi naman siya nakikinig, tinitignan niya lang ang galaw ng kamay ko. Sinusundan ito at alam kong doon lang nakatuon ang atensyon niya at hindi sa sinasabi ko.

"Hay nako sebastian! Paano ka niyan matututo? Hindi ka naman nakikinig!" bulyaw ko.

"Nakikinig ako, ah!"

"Oh, ulitin mo nga sinabi ko!"

"Ano nga ulit 'yon bebe loves? Lutang isip ko kanina, eh, hahaha!"

Napabuntong hininga na lamang ako.

"Suko na 'ko sa'yo...wala ka ng pag-asa!"

"Sorry na bebe loves! Natutuwa kasi ako pakinggan boses mo, eh, parang nagbibinata hahahaha!"

Hinampas ko siya ng malakas.

"Akala mo ba nakikipagbiruan ako?"

"Hindi po. Sorry na po."

Para siyang bata na napagsabihan. Napapakagat na lamang ako sa aking ibabang labi dahil sa inis. Minsan ang hirap niya talaga turuan...ginagawa niyang biro ang lahat. Nawala naman agad ang atensyon ko sa pagkainis sakaniya no'ng magring ang cellphone ko—may nagmessage. GM lang naman.

"Ano pala pangalan ko sa contacts mo?" bigla niyang tanong.

"Ahmm, neighbor?"

"Neighbor?"

Tumango tango ako. Kinuha niya iyong cellphone ko at tinignan mismo ang pangalan niya sa contacts ko.

"Luh, samantalang sa akin bebe loves pangalan mo..." aniya nakanguso pa nga.

Hinayaan ko na lang siyang pakealaman ang cellphone ko...wala naman akong itinatago ro'n na dapat niyang ikabahala.

"OA mo naman...ayan na pangalan mo sa'kin simula nakuha ko number mo. Need pa ba palitan 'yon?" wika ko.

"Oo! Call sign natin! Ayan...pinalitan ko na." pag-abot niya sa akin no'ng cellphone ko.

Binasa ko kaagad ang pinalit niyang pangalan...

BEBE LOVES KO

Hindi na lang ako umangal. Pinakita niya rin iyong kaniya...na gano'n din ang style at pangalan ko sa contacts niya. All caps, with spaces.

"Alam na ba ng magulang mo na magsyota na tayo?" tanong niya bigla.

"Ahmm...hindi ko pa sinasabi."

"Talaga?" halata ang pagkabigla sa tono niyang iyon.

"Oo...nakakalimutan ko sabihin." medyo pagsisinungaling ko.

Hindi ko lang alam kung paano ko sasabihin kina mama at papa ang tungkol sa amin. Alam ko naman na hindi nila ako papagalitan dahil napayuhan naman na nila ako dati na okay lang naman pero nakakahiya pa rin sabihin sakanila lalo na't kilala nila si sebastian at kapitbahay lang namin.

"Parang kinakahiya mo ako bebe loves, ha? Hindi naman ako pangit noh!" pagtatampo niya.

"Hindi naman sa gano'n, eh, ang drama mo!"

"Oo kaya...ako nga sinabi ko na kala nanay at tatay. Ako pa nagsabi sa mga tropa ko at tropa mo. Sa classroom 'di naman kita tinanggi. Kahit sa computer shop sa tuwing nagpapareserve ka sinasabi kong tayo na. Hindi naman mahirap, eh? Ewan ko sa'yo ba't nahihirapan kang sabihin? Nakakatampo kaya."

Tapos wala na akong nasabi. Hindi ako nakaimik doon. Ngayon ko lang marinig na magtampo si sebastian dahil madalas naman ay nagbibiro at nang aasar siya sa akin.

"Salamat sa pagtuturo bebe loves, ha? Hayaan mo na magiging score ko...score ko naman iyon, eh. Abalahin mo na lang 'yong iyo. Sige, bukas na lang." tapos kinukuha na niya iyong gamit niya at naglakad na papunta sakanila.

Tinignan ko lang siya 'gang makapasok siya sakanila ta's kinuha ko na rin iyong gamit ko at pumasok sa bahay. Nagkulong sa kwarto kahit kurtina lang naman ang pinto no'n. Parang tangang tingin ng tingin sa cellphone ko. Naka create message pero wala naman tinatype! Paano ba 'to? Paano ba siya suyuin? Hindi naman ako ang nanguna, eh! Tinuturuan ko lang naman siya sa assignment namin sa math ta's kung ano ano na pinag-iisip niya! Kainis!

"Parang sira potek!" dalamhati ko sa aking cellphone.

Windang ako kung ano nga ba gagawin? Magsorry ako? Kasi may point din naman siya...hay nako! Hindi ko talaga alam na ganito siya katampuhin!

Isang oras na pagdedebate sa aking sarili no'ng maisipan kong puntahan na lang si sebastian sa kanila at magsorry. Mas mainam pa rin ang personal kaysa text.

Kumatok ako ng limang beses kasabay sa pagtawag ng pangalan niya. Si tita lolita ang nagbukas ng pinto at may malapad na ngiti no'ng makita ako.

"Si sebastian po, tita lolita?" tanong ko.

"Hay nako! Wala rito, ligaya. Lumabas kanina pagkalapag no'ng notebook niya sa sopa! Nagbasketball yata sa court nagsuot ng sapatos 'yong batang 'yon, eh! Hindi na nagpaalam sa akin!"

"Ahh gano'n ho ba, sige ho, salamat po. Puntahan ko na lang po siya ro'n."

"Kayo ha! Hindi mo man lang sinabi sa akin na nililigawan ka pala no'ng kumag kong anak! Anong nagustuhan mo naman do'n?! Alam na alam mo naman ugali no'n! Lagi akong hina-highblood!"

"Hahahaha hindi ko nga rin po alam tita..."

"Nanay lolita na lang itawag mo sa'kin! Ano ka ba! Huwag ka na mahiya!"

Natawa na lang ako dahil nakakahiya nga.

"Alam na rin naman ng mama mo! Sinabi ko!" may paghampas pa ng mahina sa braso ko. "Bantayan mo ng mabuti si sebastian, ha? Patinuin mo! Jusku po! Hindi ko alam saan nagmana 'yong batang 'yon! Hindi marunong makinig! Buti na lang talaga...ikaw...matalino at masipag! Sana naman magbago na 'yong hayup na 'yon!" aniya na para bang imbis na i-boost ang anak ay ibinababa pa nga niya.

"Opo...nanay lolita hahaha!"

Tapos awkward na tawanan bago ako magpaalam muli na puntahan na nga ang anak niya kaya pinaalis niya na ako

Patuloy pa rin siya sa pagsasalita kaya habang paalis ay nakalingon pa rin ako sakaniya. Nagmana nga yata ang anak niya sakaniya.

Ang daldal talaga ng nanay ni sebastian...pinangunahan pa ako na sabihin ang tungkol sa amin ng anak niya sa magulang ko. Hay nako. Like mother, like son.

Nakita ko si sebastian sa may court...naglalaro sila ng mga tropa niya. May laban din yata dahil namumukaan ko iyong isa na taga kabilang kalsada na kalaro nila.

Sira ulong kupal na 'to...ang tagal kong nag-iisip sa kasalanan ko tapos magbabasketball lang pala! Sana sinabi niya na lang na magbabasketball siya ng gano'ng oras hindi iyong gagawa pa siya ng eksena kagaya kanina! Siraulo talaga! Papayagan ko naman siya. Bwisit!

Pumasok ako sa loob ng court. Umupo sa may gilid. Tahimik na pinanood ang kanilang laro. Hindi naman ito ang first time na panoorin ko ang laban ni sebastian...madalas ko naman panoorin lahat ng laro niya tuwing may liga—walang palya. Jersey number niya palagi ay fourteen dahil birthday niya 'yon. Jimenez Fourteen ang nakalagay. Pangalan pa nga ng team nila ay Boy Squat imbes na pangalan ng baranggay namin. Boy Squat dahil batang squatter daw sila. Madalas na kalaban kasi nila kapag liga ay mga mayayaman na baranggay. Pero ito...mukhang hindi naman ito liga...parang neighborhood basketball fight lang dahil tropa naman nila iyong kalaban nila.

Time out—tawag ng kalaban. Nakaupo pala ako sa side ng kalaban pa yata nila. Nakita ko si ismael na tinuro ako kay sebastian. Napatingin ito sa akin pero inirapan lang ako.

Gagu? Ang lupet naman niya at siya pa may ganang magalit sa amin? Hindi nga siya nagsabi sa akin na magbabasketball siya ngayon at sinabi na pala niya sa nanay  niya ang lahat! Ang kapal talaga! Matalisod ka sana mamaya! Mapahiya ka sana sa mga manonood! Pumalya sana shoot mo!

"Huy neneng!" pagbati ni becca, kalaro namin ni isay no'ng bata pa kami. "Manonood ka rin?" dugtong niya habang paupo sa may tabi ko.

"Becca naman...hindi na kasi neneng ang tawag sa'kin...ligaya na."

Umurong ako ng kaunti para makaupo siya.

"Ayy sorry! Nasanay kasi ako! Gusto mo?" pag alok niya ng isang burger na nabili lang sa kanto.

"Baka para sa iba 'yan, ha?"

"Naku hindi! Akin 'to! Iyo na, beh!" sapilitan niyang pagbigay sa'kin.

Si becca ay chubby, cute, at mayaman na kalaro namin ni isay no'ng mga bata pa kami. Dinadayo pa namin siya sa kabilang kalsada para makalaro lang siya at ang mga laruan niyang luto-lutuan. Papa niya kasi nasa abroad kaya magaganda ang laruan niya.

"Sino sinusuportahan mo rito?" tanong niya habang ngumunguya ng kinain niya.

Kumagat na rin ako sa burger na binigay niya.

"Syempre...as usual...iyong taga sa amin."

"Gaga ka kayo na pala ni sebastian?"

Napaubo ako sa narinig ko. Nabilaukan pa nga yata ako.

"S-sino nagsabi sa'yo?" paubo ubo ko pang tanong.

"Ano ka ba...syempre sila ricky! Mga 'yon madadaldal, eh!" tapos lumapit pa siya sa akin, sobrang lapit dahil may ibubulong. "Bruha ka, broken hearted kuya ko dahil sa'yo no'ng mabalitaan niyang kayo na ni sebastian...crush ka nga no'n, 'di ba? Since mga bata pa tayo!" dugtong niya.

Iyong kuya niya ay matanda sa amin ng dalawang taon. College student na siya ngayon at siya rin ang naging partner ko ng isang beses no'ng sumali akong sagala...pinilit kami ng nanay niya...ayon ang una't huli kong sali ng sagala dahil nalaman ko na crush ako ng kuya ni becca...may itsura naman 'yon sadyang hindi ko lang type...kay sebastian lang kasi noon pa nahuhumaling ang lokaret kong mga mata at nag-iisa kong puso.

"So, ano call sign niyo?" tanong ni becca.

Bigla akong nahiya...kainis naman kasi mga naiisip ni sebastian! Ang korni! Bebe loves? Ang dugyot!

"Ahmm nakakahiya sabihin, eh,"

"Ano naman nakakahiya ro'n, ha?"

Nagsimula na ulit ang laro. Ninanamnam ko pa rin ang burger habang papalit palit ang sulyap sa laro at kay becca.

"Nakakahiya kasi...alam mo naman si sebastian may saltik 'yon sa ulo. Lakas ng trip no'n sa buhay." sabi ko.

"Hahaha ano nga? Sabihin mo na sa'kin dali hahahaha!"

Ako naman ang lumapit sakaniya upang bumulong.

"B-bebe loves..." bulong ko na tinawanan niya ng malakas.

"Okay ka na?" wika ko no'ng nahihimasmasan na siya.

"Ang gagu kasi! Korni beh! Iyong amin kasi ng jowakels ko babe ang call sign. Nakilala mo na ba jowa ko?"

Umiling iling ako.

"Kalaban nila sebastian! Ayon si number nine!" sabay turo niya pa sa gawi no'n.

"Ahh, nine?"

"Oo beh, pinapalitan niya talaga 'yon ng number namin dati kasi five 'yon."

"Pwede ba 'yon?"

"Oo! Kapag nirequest niya. Hindi pa ba pinapalitan ni sebastian kaniya?"

"Okay lang naman...bago pa lang naman kami."

"Kahit na noh! Dapat palitan na niya 'yon ng number niyo!"

Patuloy pa rin sa pagdaldal si becca sa tabi ko habang paubos ko na iyong kinakain kong burger. Napasulyap ako sa laro, nakashoot ng lay-up si sebastian, nakipag apir kala ismael habang tumatakbo sa kabilang side ng court. Kumakain pa rin ako ng burger habang nanonood ng laro, nagsasalita pa rin si becca sa tabi ko, nagtama ang tingin namin ni sebastian, hinihingal siya...kamay niya'y nakapatong sakaniyang tuhod. Tumango ito, tapos dahan dahan iniangat ang ulo at sumulyap sa akin...sumenyas...tinuro ang kaniyang mata at iyong basketball ring gamit ang kaniyang hintuturo.

Nakita ko raw ba 'yon? Iyong ginawa niya kanina? Parang ayon ang nais niyang sabihin.

Nagthumbs up ako at tumango tango sakaniya. Nakita ko ang pagngisi niyang iyon bago umiwas ng tingin sa akin at bumalik ang pokus sa laro.

"Para sa'yo raw 'yong dos kanina ayieee!" wika ni becca na may pagsiko pa nga sa akin.

"Baliw...dos lang? Hina ko naman sakaniya." tangi kong nasabi.

Para sa akin nga ba? Duda pa rin ako pero umaasang sana nga! Tapos next time tres naman ialay niya sa akin!

Nakashoot na naman siya ng dos! Napapatayo ako sa aking pagkakaupo habang pinapalakpakan ang ginawa niyang iyon at sinisigaw ang pangalan ng grupo nila. Kapag naman jowa ni becca ang nakapuntos humihiyaw rin siya ng napakalakas tapos titingin pa sa'kin ng may mapang-asar na ngiti kaya naman gumaganti rin ako kapag si sebastian naman nakapuntos...may friendly fight din pala sa pagitan namin dito sa upuan.

Nanalo ang grupo nila sebastian. Walang premyo na mauuwi kundi yabang lang. Naisipan ko na sumunod sa iilang manonood na aalis na sa court dahil tapos na ang laban...hindi pa man ako nakakalayo ay may sumigaw sa pangalan ko dahilan ng aking paglingon—si sebastian. Sumesenyas pa ito na lumapit ako sakaniya na akin namang ginawa...dahan dahan akong lumapit sa kaniya na may kabog sa dibdib.

"Bakit uuwi ka na agad? Hindi mo ako hihintayin?" aniya sa boses na halatang naghahabol pa rin ng hininga.

"Mukhang magtatagal ka pa, eh? Ayokong maistorbo celebration niyo."

"Gusto mo tokneneng?" bigla niyang alok.

"Nag burger na 'ko. Gusto mo gulaman?"

"Libre mo?"

"Oo ba...panalo naman kayo, eh."

"Best player yata 'to! Hahahaha!" pagbubuhat niya ng sarili niyang bangko.

"Wala naman akong narinig na may pinangalanan na gano'n."

"Kahit wala, obvious naman kasi! Wait lang, paalam lang ako sa teammates, hintayin mo 'ko rito!"

"Dalian mo,"

Tumakbo na siya papunta ro'n. Pagbalik niya kasama na niya iyong dalawa...gusto makisali sa date namin. Siguro kailangan ko na masanay na palaging magiging saksi sa pagmamahalan namin sina ricky at ismael...parang powerpuff girls kasi ang tatlong ito, hindi naghihiwalay. Buti na lang at dinala ko ang maliit kong pitaka dahil apat na gulaman ang binili ko.

•••

Sabay papasok, minsan sabay rin ang pag-uwi. Ayan ang naging ritmo ng relasyon namin ni sebastian. Kasabay ng pagpasok ng panibagong buwan ang pagkahumaling niya sa ibang bagay.

"Bebe loves, hindi ako makakasabay sa'yo mamaya sa pag-uwi." aniya nakaupo na naman sa tabi ko porket may pinapasulat sa notes ang teacher namin.

"Bakit?"

"Si totoy, kilala mo 'yon 'di ba?" tumango tango ako bilang tugon sa tanong niya. "Nagkaayaan kasi kagabi, nagjamming kami ro'n sa studio ng kaibigan niya..."

"Kagabi? Bakit 'di mo sinabi sa'kin ang tungkol diyan?" mahinang wika ko na parang bulong na siya lamang makakarinig.

"Hindi naman kasi importante 'yon para sabihin ko pa sa'yo...atsaka ayon na nga, pagpunta namin do'n may pinanood kaming nagpapractice na banda. Alam mo, napag-isipan namin na bumuo ng banda!" tinignan ko siya, malapad ang ngiti niya halatang masaya sa ibinalita sa akin.

"Banda?"

"Oo, bebe loves! Naangasan kasi ako ro'n, eh! Marunong naman ako mag gitara, gano'n din naman sila ismael at ricky. Pero si ricky gusto niya matutunan mag drums kaya tuturuan siya ro'n. Si ismael, bass. Magrerent lang kami, gano'n. Okay naman 'yon, 'di ba? Kaysa palagi mo akong pinagbabawalan magdota, mag banda na lang ako hahahaha!"

Hindi naman sa pinagbabawalan ko siya magdota...ang sa'kin lang naman ay wala na siyang oras para gumawa ng assignment o kung anong mga activity.

"Bahala ka sa buhay mo, malaki ka na."

"Oh, bakit parang naiinis ka?"

"Hindi..."

"Kasi hindi tayo sabay uuwi?"

"Hindi nga...magsulat ka na r'yan."

"Sige, sabayan kita pag-uwi para makauwi muna rin ako tapos balik na lang ako ro'n pagtapos ko kumain sa bahay. Okay na ba 'yon sa'yo?"

Iyong tono ng pagkakasabi niyang iyon ay hindi ko nagustuhan. Parang iba ang dating sa akin. Para bang ako na naman ang mali?

"Okay nga lang kahit hindi na, eh. May balik din kami mamaya para sa tugsay."

"Bakit parang hindi talaga okay sa'yo?"

Napalingon ako sakaniya agad na may pagkunot ang noo.

"Okay nga lang, eh. Ang kulit mo. Huwag mo 'kong iniinis, sebastian, ha." May pagbabanta sa aking mata.

Tumawa lang siya kaya hindi ko na lang siya pinansin.

"Sorry na po..." paglalambing niya, panay ang pagkalabit sa akin na binubugaw ko naman.

"Sorry na bebe loves...sabay tayo uwi rin after practice? Ha?" aniya, may lambing sa tono ng kaniyang boses.

"Tsss! Magsulat ka na nga lang diyan o umalis ka rito at huwag mo 'kong guluhin."

"Mag sorry ka muna sa'kin..."

Nagpantig ang dalawang tainga ko no'n. Tinignan ko siya lalo ng masama.

"Baka isaksak ko sa'yo 'tong hawak kong ballpen?" pagbabanta ko na kaniya namang tinawanan.

Napakagat na lang ako sa aking ibabang labi upang magtimpi ng inis. No'ng mahimasmasan na siya ay dahan dahan siyang tumayo sa kaniyang pagkakaupo bitbit iyong ballpen at notebook niya. Wala siyang sinabi pero hinawakan lang niya ang ulo ko at umalis na sa aking paningin. Bumalik na siya ro'n sa kaniyang pwesto at nagsimulang manggulo sakaniyang katabi.

Tinupad naman niya ang sinabi niya kanina. Sinabayan niya ako pag-uwi kahit na kasabay ko iyong tatlo. Nakikisali rin siya sa mga asaran nila...tipong hindi kami nagkainisan kanina sa room. Wala naman akong magagawa sa desisyon niya dahil alam ko na kahit pagbawalan ko siya ng may rason naman ay gagawin niya pa rin ang gusto niya...gano'n ang takbo ng utak niya. Banda banda pa? Aysus! Gastos lang 'yon at nagsasayang sila sa oras! Imbis na pag-isipan ang grades nila para kapag nag college magandang school mapuntahan, eh, banda banda pa inatupag!

"Sunduin na lang kita mamaya pagtapos ng practice niyo, ha?" aniya no'ng makarating na kami sa amin.

"Sige,"

Tapos nagmadali na siyang umuwi sakanila. Bwisit. Wala man lang ba-bye? Kainis.

Hindi kami nagsabay ng pag-alis patungo sa aming plano ngayong tanghali. Pumunta ako sa may munispyo kung saan ang tagpuan namin ng aking mga kasama sa practice. Si sebastian nagtext lang na nandoon na siya sa studio ng kaibigan nilang si warner na hindi ko naman kilala.

Nang matapos ang practice umasa ako sa binitiwan na salita ni sebastian. Nagpaiwan ako ro'n para hintayin siya ngunit mag iisang oras na ay wala pa rin siya. Nagsisimula na rin lumubog ang araw at nagiging busy na ang mga sasakyan sa kalsada.



To: BEBE LOVES KO

San ka na? Tapos na practice namin.



Pero wala pa siyang reply. Naghintay pa ako ng ilang minuto ngunit wala pa rin.

"Isang minuto pa! Kapag itong kumag na 'to hindi pa nagreply uuwi na 'ko!" pagkausap ko sa aking sarili habang inaabangan ang pagbago ng oras sa aking cellphone.

No'ng magbago, wala pa rin. Kaya sinabi ko sa sarili ko, "Two minutes! Kapag wala uuwi na talaga ako!"

Lumipas ang two minutes wala pa ring reply kaya sinubukan ko na siyang tawagan. Unang beses, nag-ring lang pero walang sumagot. Sinubukan ko pa ng ikalawa.

[Bebe loves sorry! Nasa upuan kasi 'yong cellphone ko! Nandyan ka pa ba? Hindi pa kami tapos, eh, gusto mo na ba umuwi? May gagawin ka pa bang assignment sa bahay niyo?]

"Ahmm," tanging nasabi at kinagat ang aking ibabang labi dahil sa inis sakaniya. "Dapat nagsabi ka sa'kin kaagad na matatagalan ka. Kanina pa 'ko naghihintay rito. Dapat sumabay na 'ko kala oneil kitang may assignment pa sa science, eh. Iniisip mo na naman kasi sarili mo...palagi kang ganiyan, sebastian."

[Oh, bakit nagagalit ka na naman? Dapat umuwi ka na kanina tapos nagtext ka na lang sa'kin, 'di ba? Mauunawaan ko naman, eh, hindi 'yong sisisihin mo 'ko dahil naghintay ka? May choice ka naman, eh?]

"Sinisi ba kita, ha? Sabi ko dapat nagsabi ka kaagad para nakauwi na 'ko kanina pa!"

[Sorry na, okay? Kung gusto mo na umuwi, mauna ka na lang. Bawi na lang ako bukas, promise.]

"Uuwi na talaga ako timang!"

Tapos binabaan ko na siya ng cellphone. May inis sa kaloob looban ko no'ng umuwi ako mag-isa...binagalan ko pa nga paglalakad ko no'n baka sakaling magtext siya pero wala! Kaya mas lalo akong nainis sakaniya!

Naglalakad ako pauwi na may bitbit na mabigat na bagay sa kaloob looban ko. Hindi naman umuulan pero ramdam ko ang pagbasa ng kaliwa kong pisngi kaya agad ko itong pinunasan. Huminga ng malalim at nagpatuloy sa paglalakad. Bitbit ko na ngayon ang damdamin na dala dala ko bago umalis ng bahay kanina.

•••

TBC.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro