Kabanata 2
First day High
•••
"My name is Maria Ligaya Babon, and I'm twelve years old. I live in Makati. My talent is singing. My achievement of which I am proud is graduating elementary school as the top nine in class. That's all. Thank you!" taas noo kong pagpapakilala sa harapan.
Bumalik ako sa aking pansamantalang upuan—row three sa kaliwa. Katabi ko ang tatlo, nasa bungad ako ng aisle.
"Next!" bulyaw ni ma'am grace.
Tumayo ang katabi ko. Siga itong naglakad patungong harapan. Bukas ang dalawang butones ng kaniyang uniporme na medyo may kalakihan sa kaniyang katawan, kita rito ang panloob niyang puting sando. Sakto lang at mukhang komportable tignan ang kaniyang pants. Black shoes na halatang bagong bili at bagong kiwi.
"Good afternoon everyone! Ako nga pala si Lance Sebastian Alejandres Jimenez, Labing-dalawang taong gulang. Nakatira sa isang squatters area sa makati. My talent is singing din tapos marunong akong mag gitara. My achievement of which...ano ulit 'yon?" sabay pagkamot niya sa kaniyang batok. Tumingin sa black board kung saan isinulat ni ma'am ang format ng introduction. "My achievement of...which...I am proud...is...ahm...graduating in elementary bilang may perfect attendance! Never absent, sometimes late pa hahaha!"
Madaming natawa sa kalokohan niyang iyon. Napailing lang si ma'am. Siraulo.
"At proud ka pa, ha? Nakakahiya." wika ko pagbalik niya sa kaniyang upuan.
Natawa lang siya at nagbehlat sa akin.
Wala akong ibang choice kundi tumabi sa kanila hanggat wala pa akong nakikilalang iba. Atsaka sanay naman na ako kay ismael, naging kaklase ko siya no'ng grade six. Itong dalawa—sebastian at ricky, napaka kulit, napaka ingay! Ang galaw! Parang bubuyog bulong ng bulong! Palaging my side comment sa mga nagpapakilala sa harap!
"Pffft! Kamukha no'ng anak ni aling yoli, lamang lang sa paligo 'tong isang 'to hahahahaha!" pabulong na sabi ni sebastian sa amin habang nagpapakilala iyong si Juanito Perez.
Si Juanito na nagpakilalang top one sa klase nila no'ng elementary siya. Moreno, payat, matangkad, naka army cut. Sa pananalita pa lamang niya alam ko na agad na matalino ang isang 'yon at respetado bilang estudyante.
"Luh, kamukha ng mama mo, ricky!" pabulong na sabi ni sebastian.
Tinutukoy naman niya si Chrisley Orbin. Nagpapakilala sa harap. May top din sa klase no'ng elementary. Sinundan ni Jobani Santa Cruz, may top din no'ng elementary...may side comment na naman 'yong katabi ko—parang tita raw. Conservative masyado ang damitan, masyadong below the knee ang palda...hindi tulad ng karamihan na kaunti lang ang agwat sa tuhod. Iyong uniporme niya medyo malaki sa payat niyang pangangatawan...hindi katulad ng sa akin na hindi naman fit pero kita pa rin ang hubog ng katawan ko. Medyo nakakuba ang tayo niya, halatang may sakit sa buto na hindi namin alam. Sinabi rin niya ang kaniyang edad, dalawang taon ang agwat sa amin...bumalik ng taon dahil tumigil daw—may sakit nga.
"Hindi ko inexpect na halos nandito sa room may mga top din pala? Sayang, gusto ko pa naman nasa top five ako..." wika ko.
Sabagay, sa lugar namin na ito ang kilalang public highschool na kahit paano ay maganda ang reputasyon. Hindi na ako magtataka na baka may mga outsider na rito rin nag enrol.
"Luh, ako nga hindi ko inexpect na sa section five may mga matatalino, eh." sabi ni sebastian.
At dahil siguro hanggang section four lang ang meron no'ng elementary kami.
"Timang, nandito ako, matalino." sabi ko.
"Pffft! Ikaw? Hindi ako naniniwala kasi bakit pareho tayong nasa section five kung matalino ka?"
"Baka kasi iba ang basis nila sa paglagay ng estudyante sa sections. Huwag mo nga akong kausapin. Nakakairita ka." pagtataray ko at binaling na lang sa harap ang atensyon ko.
"Ako pa? Taray mo neneng, ah? Init ulo agad." patuloy niyang pang-aasar. "Hindi ka siguro naligo hahahaha!"
"Sorry ka naligo ako. Naglagay pa ako ng pabango, lewis & pearl."
"Ang yabang no'n, ah? Ako nga walang pabango, eh." sabi ni ricky.
"Nagpulbo lang ako. Johnsons powder." sabi ni ismael.
"Ako nga alagang downy lang, eh. Pogi kasi 'ko." sabi ni sebastian.
Hindi naman siya pogi, may itsura lang. Siya pa nga yata pinaka maliit sa mga boys dito, eh? Atsaka makulit. Hindi ko rin maipagkakaila na dahil sa pagtulong niya sa akin no'ng grade five ay nag-iba ang tingin ko sa kaniya. Kaunting crush lang naman iyon 'gang grade six na sa tuwing nakikita ko siya sa amin sa tapat nakikipaglaro ng teks o jolen o goma. Kapag kalaro ko naman siya ay nakakalimutan ko ang pagkakaroon ko ng crush sakaniya dahil minsan pareho kaming competitive, ayaw magpatalo. Mas naninibabaw ang inis kaysa pagkahumaling. Pero one time sa agawan base naging magkakampi kami ta's pareho kaming nataya...ang tagal namin magkahawak kamay no'n. Iyon ang summer to remember ko. Tapos kinabukasan bigla akong nagkaroon ng una kong period, hindi ako lumabas ng bahay, nahiya ako. Kinatuwa ko naman ang paghahanap sa akin ni sebastian upang maglaro.
Nakakatawa pa dahil buti na lang nasa bahay ako no'ng bigla akong maging isang ganap na dalaga. Hindi ko alam ang gagawin ko no'n, hindi ako lumabas ng bahay kahit inaaya ako nila isay. Hinintay kong makauwi si mama galing palengke, namili ng paninda. Pinakita ko pa sa kaniya iyong short ko na may dugo. Agad naman niya akong pinapasok sa cr, bumili siya ng thosedays, tapos inexplain kung ano ang dapat kong gawin. Hugasan ng mabuti ang kweba. Idikit 'yong napkin sa panty. Sa unang araw huwag maligo, maglinis lang ng katawan dahil kapag naligo ka raw mababaliw ka—Pamahiin. Tapos iyong paglagay ng unang tagos sa mukha para hindi tigyawatin—eeeww! Hindi naman pinagawa iyon ni mama sa akin, sinabi lang niya, hindi raw totoo 'yon, kadiri lang.
Ito na 'yong stage ng puberty namin. Nasaksihan ko na rin ang pagbinata nila sebastian. Last summer, kasama sina ricky at ismael, sabay sabay silang nagpatuli sa may barangay...may libreng tuli kasi no'n. Tatlo silang nakasuot ng palda ng mga nanay nila. Ayon 'yong panahon na inasar asar ko sila at inis na inis sila. Nakabawi ako no'n. Nagsisimula na rin magbago ang mga boses nila, nagkakaroon na ng adams apple. Ako naman parang namamaos ang boses ko...kapag nagtagal baka asarin ako nila sebastian nito na nagbibinata rin ako.
"Okay, magbotohan naman tayo ng para sa class officer niyo. May gusto bang mag volunteer?" wika ni ma'am habang nagsusulat sa board ng mga position for class officer.
"Ma'am! Ako po!" bulyaw ni sebastian. Napatingin lang ako sa kaniya. Masaya niyang winawagayway ang kaniyang kaliwang kamay.
"Okay, lance? Tama ba?" naghand gesture si ma'am na pinapatayo si sebastian sa kaniyang upuan.
"Opo, ma'am, Ako po! Tumatakbong presidente rito sa classroom!" confident na sabi ni sebastian.
"Okay! Sige, lapit ka sa harap."
Pumunta sa harap si sebastian. Tawang tawa naman ang dalawa niyang kaibigan. Pinalaki pa ni ma'am ang ulo niya dahil pinuri ito sa klase sa pagkukusa. Mayabang ang ngiting pinapakita ni sebastian sa harap...nagpapanggap na good boy. Iyong dalawang butones na bukas kanina ay sarado na pareho. Iyong ballpen niyang panda nakasabit sa bulsa ng uniform niya...akala mo talaga mabuting mag-aaral.
"Sino ang gusto pa?" sabi ni ma'am.
Nagtaas ng kamay si Juanito.
"I nominate myself for the position of president." aniya.
"Wow..." palihim kong pagkamangha sa confidence level niya na sana ay mayroon din ako dahil gusto ko rin tumakbo.
Napasulyap ako kay sebastian na nagside eye lang at palihim na ngumiwi. Ayaw niya siguro kay Juanito dahil alam niyang lamang sa kaniya ng sobra sa talino.
"Sino pa?" wika ni ma'am.
May nagnominate kay chrisley. May iboboto na agad ako. Hindi ko iboboto si sebastian, kilala ko ang kupal na 'yon. Hindi siya pinanganak para maging leader...mukhang leader, oo. Ang boto ko ay sa kapwa ko babae.
"Kay sebastian tayo, ha?" sabi ni ismael sa akin.
"Ayoko nga. Magyayabang lang 'yon sa klase, eh." tugon ko.
Bago magbotohan pinagtalumpati muna sila sa harap. Ano ang gagawin nila at plano nila para mapaganda itong classroom namin, iyon ang tanong ni ma'am.
Maganda ang sagot ni Juanito at Chrisley...makatwiran. Electricfan na wall fan at stand fan. Bulletin board for news and accomplishments. Shelves para sa mga school supplies para hindi na bumili sa labas. Actually bagay silang magtandem sa desisyon na iyon.
Itong huling magsasalita ewan ko lang...baka puro salita lang 'to. Knowing him...hindi naman seryoso sa buhay 'to.
"Kapag ako ang binoto niyo bilang presidente ng classroom na ito, hindi lang sa pagpapaganda ang bibigyan kong atensyon. Iyong pagpapaganda, pagdedesign ng kung ano-ano, madali lang 'yan! Ambagan lang 'yan, eh! Pero ang pananatili ng kapayapaan sa loob at labas ng classroom, hindi 'yon madali—ayon ang bibigyan kong importansya rito. Pati ang kaligtasan ninyo sa classroom. Ang kalinisan. Sisiguraduhin kong mananatiling maayos at maganda ang kwarto pagpasok at paglabas ninyong lahat!"
Pffft! Salita lang 'to.
Hiningi na ni ma'am ang boto namin. Kinse kay Juanito, Sampu kay Chrisley, Iyong kay sebastian naman ay nakakuha ng walo. Thirty-three lang kasi kami sa klase. Si Juanito ang naging president, si chrisley ang vice, si Sebastian bumalik na sa kaniyang upuan.
"Mga timang tao rito. Hindi marunong kumilatis ng isang leader tsk!" aniya, palihim na nagdadalamhati sa pagkatalo.
Inayos na rin ang seating arrangement. Alphabetical arrange ang ginawa. Naging close ko sila Susana Abueva, Zenaida Benites, Oniel Blanco, at Khisha Cruz. Unang row sa bandang kaliwa kami nakapwesto. Napalayo ako sa tatlo na sa bandang dulo nakapwesto...nahiwahiwalay sila.
Sinabi ni ma'am na ang highschool ang pinakamagandang phase ng buhay namin. Nasa teenager phase na kami. May alam na kahit papaano. Sinabi niya ang classroom rules niya—ayaw niya ng maduming classroom. Makalat. Maingay. Pagtapos no'n sinabi niya ang mga schedule. Panghapon kami kaya ang oras ng pasok ay alas dose ng tanghali hanggang alas syete ng gabi. Kinabukasan nakilala na namin ang ibang mga teacher sa walong subjects namin. Ibinigay na ang mga kulay ng notebooks, mga supplies na kailangan nila...na sa mapeh notebook ay kailangan makapal ang notebook kung saan magkakarsya ang Music, Art, P.E, at Health. Kailangan pa namin ng big notebook para sa summative test. Kumpleto naman na ang gamit ko, dahil June 1 ang birthday ko, malapit sa araw ng pasukan iyon. Hindi ako nagcecelebrate o naghahanda dahil pinaunawa sa akin nila papa na imbis ipanghanda ang pera, bakit hindi na lang ipambili ng gamit namin sa school—naming magkakapatid. Mas maganda nga naman iyon. Bilang panganay, pumayag ako. Kahit na sa iba kong kapatid may handa at sa akin ay wala, ayos lang.
Maayos ang naging takbo ng first year high school namin. Badtrip lang minsan si Juanito na napaka strict maging president ng classroom. Minsan, kapag walang teacher, maglilista siya ng noisy. Hihinga ka palang nakalista na agad pangalan mo. Suking suki sa listahan si sebastian at ricky. Palaging galit at nagsisigaw si sebastian kay juanito kapag nangyayari iyon, si juanito hindi siya pinapatulan. Kaya naman inaasar palagi nila sebastian siya na Presidente ng buong mundo, mukhang tatay na. Parang hindi na tuloy maiboboto next school year si juanito dahil sa pagiging seryoso't mahigpit niya. Sila sebastian naman—jusku po! Ang samahan nilang tatlo ay tila naging popular...sa kalokohan at guidance. Ewan ko sa tatlong iyon. Madalas sila sebastian at ricky ang napapadipa sa labas ng room, napipingot apatse, nakakatawa pa no'n no'ng mahuli si sebastian na natutulog sa klase namin sa english kaya binato ng pambura ng blackboard ta's pina squat sa likod ng classroom no'ng terror na teacher namin. Sila rin nagpasimuno ng pag gawa ng clan sa room ta's magpapaplug sa ibang section. Quotes na puro kalokohan naman ang sinesend. Mga cellphone pa namin ay de-keypad. Akin ay Samsung Gt-E1200 na nabenta kay papa ng isang katrabaho niya sa murang halaga. Ang ilan naman ay mga Nokia 2610, iyong may mga camera't mp3 na, pero may ilan pa rin na gumagamit ng Nokia 1110. Karamihan ay mga Nokia na de-tiklop o iyong may camera't mp3 at bluetooth. Kay sebastian Nokia 6300, madalas ang pagstolen shot niya sa klase at ipopost sa group namin sa facebook na siya rin ang gumawa. Nakikibasa pa nga ako kay susana at zenaida ng Ebook sa cellphone nila dahil iyong kanila ay kagaya ng karamihan na de-bluetooth at camera na rin.
Naiinggit ako sa kanila pero wala akong karapatan para magreklamo sa magulang ko dahil mahirap lang naman kami. Hindi pa nila afford iyon. May mga kapatid din ako na dapat iniisip ko rin, hindi iyong pangsarili ko lamang. Okay na sa akin ang ganito basta ba nagagamit ko pa rin.
Natapos ang school year na iyon na nakapasok ako sa top 4 ng klase. Bawat grading may top naman pero hindi ko inaasahan ang final rank ko sa klase ay pang-apat. Si Juanito nag top 2 lang. Si Chrisley top 3. Nag top 1 sa klase ay si ate Jobani...hindi namin ineexpect kahit na salit-salitan sila ni juanito sa spot ng 1 at 2. Talented din naman kasi si ate jobani, magaling siya sa poster making. Marunong siya gumamit ng oil pastel. Si sebastian nagpapakitang gilas din sa poster making, silang dalawa ni ate jobani ang palaging nilalaban. Si ate jobani, mas lamang nga. Mabait pa.
"Duga, sabi ni daddy unfair daw sa'tin na si ate jobani top one." sabi ni susana, top five.
"Bakit?" tanong ko na parang wala lang interes.
"Kasi lamang siya sa atin. Dalawang taon agwat niya. Balik siya sa first year 'di ba? Ibigsabihin no'n may alam na siya."
Sumang ayon naman ako sa katwiran na iyon. Lugi nga kami, pero mabait si ate jobani...ayos lang naman sa akin. Kung tutuusin si susana itong dikit ng dikit sa amin, kay ate jobani, at sa mga teacher. Confident naman siya, may alam din, mahangin pero magaling. Pero siya 'yong tipo na nambaback stab...pansin ko lang. Pero close pa rin kami kahit gano'n ugali niya. Si Oniel talaga ang naging close ko—bakla at proud siya ro'n. Hindi na isang sikreto sa kahit na sino ang kasarian niyang half-half. Madalas kaming nagsusulatan ng notes sa likod ng summative notebook ko. Lettering ng pangalan namin o kaya drawing ng mata at puno. Siya ang madalas kong partner sa p.e dahil magkasing tangkad kami. Naging close rin namin si Zenaida, medyo may kaya pero madalas nangongopya sa akin. Nakakaawa kasi, madalas pang asarin nila sebastian dahil sa malaki niyang ngipin sa harap. Medyo may kaliitan sa akin at patpatin ang katawan. Pormahan ay medyo jologs tignan dahil iyong uniform niya ay may kalakihan sa kaniyang katawan. Ako madalas ang pomoprotekta sa kaniya kala sebastian.
"Kapitbahay mo lang ba talaga sila lance?" sabi ni zenaida.
"Oo, kababata ko rin, pati sila ismael at ricky."
"Grabe! Close kayo?" sabi ni susana.
"Oo? Parang gano'n?"
"Alam mo, crush ng kaibigan ko na taga kabilang section si lance!" sabi ni Oneil.
Napangiwi ako.
"Crush niya 'yon?" wika ko na parang di makapaniwala. "Paano niya naging crush 'yon?"
"Hindi ba sumali si lance no'ng SSC bilang first year rep?"
Naalala ko na naman ang pagtakbo niyang iyon dahil lang kasali si juanito. Ayaw palamang. Natalo naman siya sa huli kasi joke time lang ginawa niya...siya naging clown sa group nila.
"Wala ngang kwenta sagutan ni sebastian sa campaign. What are you willing to do? sagot ba naman—wala, kasi representative lang naman siya ng first year. Anong nakakahanga ro'n?" sabi ko habang tinatapos ang pag fill up ng forms para sa enrollment.
"Nakakatawa kasi siya, girl!" sabi ni susana na may mahinang paghampas sa aking braso.
"Nakakaakit na ang pagiging nakakatawa ngayon? Ang baba naman ng gusto ng mga babae ngayon. Kakaawa."
"Ikaw? Hindi mo ba siya crush?" tanong ni oneil.
"Pffft!" sabay malakas kong pagtawa at pagturo pa sa akin. "Ako? Magkaka-crush do'n? No way, beh! Parang imposible!"
Pero alam ko sa sarili ko na hindi iyon imposible. Dahil mayroon na akong crush sa kaniya noon pa man. Pipigilan ko na lang na lumala pa.
•••
TBC.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro