Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Hangga't Humihinga May Pag-Asa

Hangga’t Humihinga May Pag-Asa

Ang sarap mabuhay. Ngunit, nanaisin mo pa bang tumagal kung kahit saan ka mapadpad ay umuusbong na ang mga  kakaibang sakit na dala ay kamatayan?Ano ang gagawin mo kung paggising mo unti-unting nagbago ang takbo ng buhay sa buong mundo? Magpapatuloy ka pa ba o susuko ka na agad? Maraming nabawian ng buhay, maraming nagutom at higit sa lahat maraming buhay ay talagang nagbago. Sa palagay ko, kahit sino nanaisin ng matapos ito dahil matinding hirap na rin ang ating natamo. Mistulang gabi ang umaga para sa mga kasalukuyang bayani— ang frontliners para lang gamutin ang mga nangangailangan o ang mga apektado ng COVID-19. Nakakalungkot man ito isipin pero sa kabilang banda, tinuturuan tayo kung paano maging matatag at magpatuloy sa buhay. Aaminin ko, saksi ang pluma ko sa sakit na naranasan ko simula noong dumating itong pandemya, Samo't sari ang mga ito na purong paghihikahos. Subalit ang kagandahan ng mga unos na aking naranasan, sumilay ang mismong ako para magpatuloy.

Hindi naman maiiwasan na makaramdam ng takot o madalas dalawin tayo ng kalungkutan, ngunit huwag natin hayaan na manatili tayo roon. Naalala ko pa nga kung paano ako nakipagkarera sa kadiliman. Mistulang kaawa-awang nilalang ako ng mga panahon at oras na iyon. Subalit, tumindig ako at palaging dumadaing sa Ama. Siya ang naging kaagapay ko noong nakaraang taon sa tuwing bumibista ang mga boses na nagbibigay gambala sa buhay ko. Matinding paglalakbay ang hinarap ko simula ng dumating ang pandemya, subalit napagtanto ko na hindi mo kailangan takasan ito sa halip magpatuloy ka dahil ang kaligayahan at kapayapaan ay magmumula mismo sayo. Ang magandang bûkas ay makikita sa 'yong paralumang pagtugon—pagngiti. Naniniwala ako na kaya ko pang isiwalat ang kagandahan ng aking pagngiti na walang halong huwad na paglilihim ng aking nadarama. Sapagkat kahit ikaw kaya mo ito kung mas pinipili mo ang katotohanan na kaya mo at may magagawa ka. Lahat tayo nahihirapan at nasasaktan, pero may paraan para bumalik ang saya at kasiglahan ng isang tao na kahit maraming pagsubok hindi matutupok. Humakbang ka pa para makita mo ang kagandahang nagaganap, itapon ang kasakiman at takot na nararamdaman at dalhin ang pag-asa kailangan ng karamihan.

Bawat isa sa atin ay kaya pang-ngumiti. Hindi mo kailangan bumase sa mga taong mahal mo, sa bagay o sa kahit anong rason pa iyan. Imulat mo ang mata mo at matatagpuan mo ang mga kiliting matagal mo ng hinahanap. Huwag tayong magpalamon sa dilim, habang ikaw ay nakakabangon at nakakakilos may pag-asa. Lahat ng pangyayari ay may dahilan. Manalig ka lang. Bilang isang kabataan, magpapatuloy ako dahil alam ko na ito'y pagsubok lamang na kailangan pagtagumpayan ko sa tulong ng pagtanggap at pagiging positibo. Huwag kalimutan lumapit sa Panginoon. Kaya kong isulat ang nararamdaman ko at sa paraang ito nagagawa kong ngumiti, dahil alam ko may mahika ang aking pagsulat. Kaya ikaw, magpakatatag ka.Ngumiti ka! Laban tayo.

***

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro