PAGLINGAP
Pagmamahal. Kadakilaan. Pangarap. Kabiguan. Tagumpay. Sino ba ako? Bakit ba ako nandito? May puwang ba ako sa mundong ito?
Ilan lamang ito sa mga kataga at katanungan na pilit na lumalamuyot sa siwang ng hindi ko mapakali at matahimik na diwa at paham. Daig pa nito ang batang tuliro. Karaniwan ay ninanakaw nito pati ang aking paghinga at maging ang aking nakaw na kapayapaan. At parating ugat ng aking kalituhan at kalungkutan.
Naranasan mo na bang mawalan ng pag-asa? Na pakiramdam mo'y walang saysay ang lahat-lahat.
Nangarap ako ng matiwasay at matayog, pilit na ikinakampay ang aking mumunting sugatang pakpak habang pilit na niyayakap ang walang katiyakang pag-asa at hungkag na paniniwalang kaya kong abutin ang langit at sungkitin ang mga bituan. Umaasang pagkatapos ng ulan at unos ay mahahawi ang makulimlim na ulap, lilitaw ang bughaw na langit at ngingiti sa akin ang makukulay na bahaghari bilang tanda ng pangako ng bukas.
Ngunit bakit ganito? Bakit imbis na ako ay lumipad bakit ako ngayo'y naliligo at nasasadlak sa lusak ng kawalan at tila walang muwang na naglalakad na nakayapak, habang hawak-hawak ang umaandap-adap na lampara ng pangako ng bukas? Bakit? Saan ba ako nagkulang?
Nabulag ba ako o masyado ba akong mapusok o sadyang pumupurol lang talaga ako? Hindi pa ba sapat ang sakripisyo at pagod ko? Masyado ba akong mareklamo? Kulang pa ba ang aking pagsusumikap? O masyado lamang akong atat o baka hindi pa panahon o napapanahon. Hindi ko alam. Hindi ko na alam! Daig ko pa ang kandilang unti-unting nalulusaw at namamatay.
Imbis na ngiti ng bukas ang aking makamit, bakit hinanakit ang aking nakamit? Dahil ba kakambal ng ligaya ang pait? Dahil ba kawangis ng tagumpay ang kabiguan? Tanging luha't pait lang ba ang kayang isukli sa aking pagpupunyagi? Ito ba ang aking tanikala? Ang maging bigo? Humihinga subalit 'di buhay. Walang kamalayan.
Sabi nila walang katiyakan ang buhay kaya pagsusumikap ang pinakamabisang paraan upang magpatuloy at magtagumpay sa hamon ng buhay. Kung may tiyaga, may nilaga. Kasinungalingan! Bakit puro lang ako tiyaga at walang nilaga? Kailangan ko bang initin ang aking dugo't pawis at ihain pati ang akin kaluluwa makamit ko lamang ang hinahangad na pangarap at tagumpay? Hindi pa ba sapat? Kung hindi pa, kailan ako sasapat?
Maituturing ba akong makasarili at mahina kapag aaminin kong pagod na ako? Kasalanan bang tawagin kung hindi na ako makukunwaring masaya at matapang? Magugustuhan at susuportahan pa ba nila ako kapag tuluyan kong huhubarin ang pabalat anyo kong ligaya? Mamahalin pa ba nila ako kapag tanging suot ko na lamang ay ang tagpi-tagping katotohanan na namantsahan ng mapait na kasinungaling. Buong puso ba nila akong iintindihin kung isusuot ko ang barong yari gamit ang henero ng aking kaluluwa na hinabi mula sa sinulid ng aking lihim na luha? Matataggap ba nila ako kapag tuluyan kong tinanggal ang mahika ng aking pagkukunwari? Na mahina ako at hindi ako matatag? Yayakapin ba nila kapag inamin kong hindi ko na kaya?
Isa lamang ang tiyak na sagot sa lahat ng katanungan ko. Hindi. Hindi nila ako kayang tanggapin. Hindi lahat kayang tanggapin ang aking katotohanan. Isang hungkag na paniniwala ang sinasabi nilang pagpapakatotoo. Dahil sa huli, lahat tayo ay may kanya-kanyang pamantayan ng pagtanggap.
Lahat kayang akitin ng maalindog na kasinungalingan, subalit hindi lahat kayang titigan at yakapin ang hubad at pangit na katotohanan.
Bakit?
Dahil lahat tayo ay payasong mapagkunwari. Mga huwad. Hilig nating linlangin ang ating mga sarili sa ngalan ng kakarampot na simpatya ng madla maikubli lamang ang nakakasugasok at nakakasuklam nating pagkatao. Kawalang-katiyakan. Handa nating ialay at kalimutan lahat sa ngalan ng huwad pagkilala, kahit ang kapalit nito ay ang ating buong kaluluwa, pagkatao at pagkakakilanlan. Hindi tayo maligaya. Hindi tayo malaya. Lahat tayo ay nakakulong sa rehas ng ating pansariling pagkukunwari.
Maihahalintulad tayo sa ating kultura.
Taas-noo at buong pagmamalaki nating isusuot ang henerong gawa at hinabi mula sa panghuhusga at panlilinlang ng mga banyaga't estranghero makakuha lamang ng kakarampot na simpatya at huwad na pansin ng iba. Lapastangan nating minamaliit at inaapi ang sariling atin makilala lang ng iba. Kaya nating sabayan ang indayog ng musika makabagong panahon sa silangan, timog, kanluran, subalit nakakalimutan natin ang sarili nating tunog, ritmo at piyesa. At higit sa lahat, ang ating mga sarili.
Mga dakilang payaso. Mga huwad na anghel.
Pagmamahal. Kadakilaan. Pangarap. Kabiguan. Tagumpay. Ikaw. Sila. Tayong lahat. Lalong-lalo na ako. Sinimulan ko ang aking pakikibaka baon-baon ang mga salitang ito. Nakaukit ang mga katagang ito sa aking puso, paham at kaluluwa kawangis ng obra-maestrang mahika na nakakahalina at nakakahumaling. Ako ay nabato-balani.
PAGMAMAHAL. Kami'y salat sa yaman kaya't pagmamahal ang pinakaunang yaman na ipinamana sa akin ng aking mga magulang. Pagmamahal sa kapwa at higit sa lahat pagmamahal sa sarili. Pagpapahalaga sa sarili.
Tiwala sa sarili. Higit kanino man, ang paulit-ulit nilang pinapaalala at nililok sa aming pagkatao ay ang bagay na ito.
Ani nila, kung patuloy kong mamahalin ang aking sarili sa paraang alam ko at hindi nakasalalay sa pananaw ng iba ay magtatagumpay ako at kaya kong suungin ano mang dagok ng buhay. Pangaral nila, ang pagmamahal sa sarili ang magbibigay buhay sa tiwala sa sarili kawangis ng inang naghehele ng sanggol, at kapag pagtuloy kong pagtitiwalaan ang aking sarili ay kakayanin kong ipagpatuloy ang aking pakikibaka nang taas-noo at may katiyakan. Sabi ng aking magulang, sa mundong walang katiyakan, pagmamahal sa sarili ang dapat pinakamatulis at pinakatiyak na sandatang mayroon ako.
KADAKILAAN. Payo sa akin, kung gusto mong magtagumpay sa hamon at dagok ng buhay, kung gusto mong kamitin ang tugatog ng tagumpay; maliban sa pagmamahal sa sarili kailangan mong maging dakila. Hangarin mong maging dakila. Magkaroon ng impluwensya sa iba dahil ang kadakilaan ang tanging maiiwan mong marka. Ang kadakilaan ay hindi namamatay. Maagnas ang iyong katawan subalit mananatiling buhay ang pangalan o ang kadakilaan na iyong maiiwan. Lahat namamatay at nagtatagumpay subalit hindi lahat nagiging dakila at patuloy na mabubuhay.
PANGARAP. Mangarap ka nang matayog na matayog dahil libre lang ang mangarap. Pangarap. Walong titik, tatlong pantig, isang salita, subalit kaakibat ay ang buo mong pagkatao't kaluluwa. Sa karera ng buhay, hindi lahat ay nakakamit ang kanilang totoong pangarap. Hindi lahat nananalo. Karaniwan, ang pangarap ang unang isinusuko natin para sa mga bagay na kinailangan o pangangailanga. Ang iba ay isinusuko para sa pamilya, ang iba ay sumusuko dahil hindi na kaya at karamihan ay hindi pa batid kong ano ba talaga ang kanilang gusto sa buhay. Subalit may natatanging lipo ng mga tao na handang ibuwis ang kanilang buong pagkatao at kaluluwa maisakatuparan at makamit lamang ang kanilang pangarap. Sa mundong puno ng walang katiyakan, tiyak nila kung ano ang gusto nila. Hamunin man sila ng panahon, tangayin man sila ng sakuna, tatayo at tatayo sila kawangis ng bundok Arayat sa ngalan ng kanilang pangarap.
Subalit ako, ano ba ang pangarap ko? Ano ba ang gusto ko? Hindi ko alam. Walang katiyakan.
KABIGUAN AT TAGUMPAY. Sa kabiguan mayaman ako. Maharlika kung ako'y tawagin sa larangan na ito. Subalit salat ako sa tagumpay. Noong nagsaboy ng swerte ang maykapal, ako'y dugo pa lang at walang muwang sa mundo. Hindi ko alam kung ano ba ang nais kong ipahiwatig, ipakita o ipaalam. Hindi ko alam. Subalit isa lamang ang natitiyak ko. Hangga't hindi ko pa batid kung anong tanikala ang mayroon ako ay magpapatuloy ako.
Pagmamahal. Kadakilaan. Pangarap. Kabiguan. Tagumpay. Salat man ako nito, subalit alam kong kaya ko. Kayayanin ko hindi dahil gusto ko dahil kailangan ko.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro