Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

HINAGPIS

Hindi lahat ng nagtitiyaga ay may nalalaga.

Nitong mga nakalipaas na buwan at araw, hindi ko maikakaila na abot-agaw na ang aking tiwala sa sarili. Pakiramdam ko'y walang saysay at pinapatunguhan ang aking buhay. Daig ko pa ang bangkang papel na inianod sa tubig, unti-unting nalulunod, nalulusaw, nakasunod lamang sa agos at hindi alam ang patutunguhan.

Binagtas at tinahak ko ang makipot at masukal na daang ito ng taas-noo, na may paniniwalang kakayanin ko. Subalit, ayoko mang aminin subalit, pagod na ako. Ang alab ng aking mata ngayo'y wala na. Galit at takot na lang ang natira. Galit sa sarili ko at takot sa mukha ng hinaharap na naghihintay sa akin. Ang tiwala ko sa aking sarili ay tuluyan ng naglaho kawangis ng bola na hinihipan ng hangin. Wala na. Naglaho na. Hindi ko na kilala ang sarili ko.

Ang hirap bumangon, kumain, maging pag-iyak ay 'di ko magawa. Marahil pati luha ko ay tuluyan na rin akong itinatwa. Hindi na ako karapat-dapat.  Araw-araw akong ipinagkakanulo ng aking mata. Walang-buhay, sabi nila. Subalit magiging maayos din daw ang lahat. Hindi raw totoo ang lahat. Ang utak ko ang may gawa ng lahat. Umaasa akong tama sila. Sana tama sila.

Hindi ko ugaling magreklamo. Mas pipiliin kong kimkimin ang lahat na pati hangin hindi mapapansin ang hirap ko habang nagsusunog ng kilay o ang hinagpis ko sa bawat dagok ng buhay dahil sa isip ko'y hindi lang ako ang nilalang sa mundo  na hindi pinanganak na may gintong kutsara sa bibig o dugong bughaw. Marami ang taong isang kahig isang tuka at maswerte akong kahit kunti meron ako.

Pagpapakumbaba, kumilala ng utang na loob, manalig, magpasalamat. Subalit minsan, hindi... karaniwan, hindi ko kayang isarang ang malikot at malupit na siwang ng utak ko't kaluluwa na nagsusumigaw kawangis ng paslit na inabanduna na paulit-ulit na magtanong at mag-isip ng mga bagay na walang kabuluhan. Minsan pakiramdam ko maging katahimik gusto na akong isumpa at lisanin sapagkat habang ako ay nagkaka-edad mas gusto ko na siyang kasama, araw-araw, gabi-gabi, ayaw ko siyang pakawalan kawangis ng birhen na naniniwala sa pangako ng isang puta.

Hindi ko alam. Hindi ko na maintindihan. Litong-lito na ako. Daig ko pa ang payasong tuluyang nawala sa tamang katinuan. Naghihinagpis ang kamalayan at 'di alam kung paano aalalayan ang sariling tila hungkag sa bagay na hindi niya alam.

Para sa saan ba ang lahat ng bagay na ito? Bakit ba naging payaso ang payaso? Dahil pinili niya o dahil kailangan niya?

Minsan hindi ko maisawang marimarin sa kalagayan ko at mga bagay na kinahaharap ko. Subalit sino ba ang dapat sisihin sa kalagayan at kinahahantungan ko? Ako? Oo. Tama. Ako. Ako ay may sala dahil hindi kaya ng aking sistema at kamalayan ang bunga ng mga desisyon ko. Naghihinagpis. Nangungulila. Nanaghoy. Naririmarim. Gusto ko ng sumuko. Mas lalong nagiging malupit ang agos ng aking kapalaran. Sa labis nitong lupit ay hindi ko na kayang supilin o patnubapan ang bawat alon na humahampas sa dalampasigan ng aking kamalayan.

Gusto kong huminga at magpahinga. Subalit hindi ko magawa. Wala pang akong karapatan. Hindi pa napapanahon. Hindi pa kaya ng aking sikmura, bulsa at katayuan sa buhay. Kailangan pa nila ako. Kaya hangga't maaari, hindi ako maaaring maging balat-sibuyas, kailangan kong magbanat ng buto, at kung kinakailangan, patuloy kong kikimkimin ang lahat para sa kanila. Kung kailangan kong maging payaso at bihisan ng ngiti ang luhang lihim na nanununghay sa tarangkahan ng aking mga mata ay gagawin ko. Kung kailangan kong maglakad at magpatuloy ng walang buhay, pipilitin ko.

Para sa kanila. Hangga't kakayanin ko. Gagawin ko.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro