Chapter Six
"Allyssa! Bumangon ka na diyan! Alas otso na ng umaga, baka wala na tayong maabutang misa doon!" Muli, nagising ako sa boses ni mama na nanggagaling sa labas ng kwarto ko.
Alam kong kanina pa ko pinapabangon ni mama, ngunit sa tuwing didilat ako maya't maya naman ang pikit ng mga mata ko. Sumasakit pa ang ulo ko dahil kulang pa ang tulog ko, ala una na rin kasi ng madaling araw ako nakatulog. Dagdagan pa ng sumasakit na puson ko.
"Ito na babangon na nga!" Sigaw ko pabalik sa kanya.
"Ilang beses mo na bang sinabi 'yan? Kanina ka pa bumabangon, pinapaligo na kita kanina pa ah!" Sigaw niya ulit sakin. Naka lock kasi ang pinto ko kaya sa labas siya nagsisigaw.
"Ito na ma, promise!" Sabay bangon ko mula sa kama atsaka dumiretso sa pintuan upang buksan ito. "Ayan, happy? Good morning ma." Sabay halik ko sa kanya kahit na nakasalubong pa rin ang dalawang kilay nito.
"Mabuti naman, bilisan mo na dyan at nang makakain ka na tapos ay aalis na tayo." Sabi niya, tumango lang ako sa kanya atsaka na siya umalis sa harap ng kwarto ko.
Napatingin ako sa wall clock na nakasabit sa dingding ng kwarto ko. Dahan dahang napa-iling naman ang ulo ko nang makita kong maga-alas syete pa lang ng umaga.
Sunday kasi ngayon, malamang walang pasok at magsisimba kami. Sarado rin kasi ang coffee shop namin tuwing sunday.
Dumiretso na ko sa banyo atsaka na nagumpisang maligo. Pagkatapos ng 20 minutes, natapos na ko tsaka lumabas mula sa banyo tapos pinatuyo ko muna ang buhok kong basa gamit ang hair dryer.
Nang matuyo na ang buhok ko, nagpalit na ako ng susuotin ko. Nagsuot lang ako ng white dress na hanggang tuhod ang haba tapos pinaresan ko ng brown na flat sandals. Nagbitbit na rin ako ng maliit na leather sling bag, na kulay brown rin.
Pagkatapos ko mag ayos sa sarili ko bumaba na ako mula sa kwarto at nagtungo sa kusina kung nasaan si mama. Nakabihis na rin siya.
"Kumain ka na dyan." Ang sabi niya, umupo lang ako sa tabi niya at nagumpisa nang kumain.
"Tapos ka na, ma?" Tanong ko kay mama na busy sa cellphone niya. Mahinang natawa ako nang makitang naglalaro sya ng candy crush.
"Oo. Bilisan mo na dyan." Sagot niya na abala pa rin sa paglalaro, seryosong seryoso ang mukha niya.
Hindi na ako sumagot sa kanya, tinapos ko na lang ang pagkain ko ng almusal. Pagkatapos ay hinugasan ko ang pinggan na ginamit ko at nagtoothbrush.
"Tara na ma." Aya ko sa kanya, napatigil naman siya sa paglalaro at tumayo na mula sa upuan.
Chineck ko muna lahat ng bintana tapos ay umalis na kami ni mama nang ma-lock niya na ang pinto.
Hindi na kami nag abala pang sumakay ni mama kasi malapit lang ang simbahan dito sa amin. Kumbaga may simbahan na sa loob ng village na 'to.
Pagkarating namin doon, hindi pa nag uumpisa ang misa. Naghahanda pa lang ang mga sakristan at yung paring magmimisa.
Doon kami umupo ni mama sa tabi ng mga kakilala rin niyang mga ginang. Dito rin sila nakatira sa village, kaya mga kumare rin ni mama. Dahil hindi pa nag uumpisa ang misa, nagtsismisan muna sila. 'Yan yata ang minamadali ni mama e.
Binuksan ko ang bag ko, para sana kunin ang cellphone ko pero wala akong may nakapa at tanging wallet at pabango lang ang laman nito.
Napaisip ako kung saan ko nakalagay 'yon nang maalala ko ay automatic na napatampal ako sa noo ko. Naiwan ko pala na nakatungtong sa may side table ko.
"May bagong lilipat yata dito sa village natin mamaya." Napalingon naman ako sa kumare ni mama na si aling Nadya, nang marinig ko 'yun.
Hindi ko naman hilig ang makinig sa storya ng mga matatanda pero no choice ako dahil wala akong cellphone.
"Ay, oo sa pagkaka alam ko ay malapit yun sa inyo, Ana. Yung bagong gawa na malaki at magandang bahay malapit sa bahay niyo." Sabi naman ni aling Esme kay mama.
Napaisip si mama, pati na rin ako sa sinabi niya. May nakita nga ako dati na ginagawang bahay malapit sa amin, tapos na pala 'yung gawin. Hindi ko rin kasi masyadong pinapansin 'yon, pero totoo nga na malaki 'yon. Mayaman siguro ang may ari.
"Ah, oo yung puting bahay na malaki." Sagot ni mama.
"Oo, mare. Mayaman ang lilipat doon, sila nga ang nagsponsor ng misa ngayon e." Komento ulit ni aling Nadya.
Naputol ang pagtsi-tsismisan nila nang biglang tumunog na ang bell, hudyat na mag-uumpisa na ang misa. Nagsitayuan naman na lahat kami.
~•~
Natapos na ang misa. Nagsipaalam na kami sa mga kaibigan ni mama atsaka na kami naglakad pauwi sa bahay.
Nang makarating kami sa tapat ng bahay namin, napatingin ako sa truck na nasa hindi kalayuan. May naglilipat ng mga gamit, doon sa maganda at malaking puting bahay kagaya nung sinabi nila kanina.
"Ay, ayan na yung naglilipat oh." Sabi ni mama na nakatingin rin sa tinitingnan ko.
Maya-maya, pumasok na rin kami ni mama sa loob ng bahay dahil nagmumukha na kaming tsismosa kakatingin sa naglilipat.
Dumiretso muna ako sa kwarto ko atsaka nagpalit ng pambahay na damit. Nagsuot lang ako ng black spaghetti strap na tank top at white short tapos sinuot ko rin yung pink na slide slippers ko.
Kinuha ko ang cellphone ko sa may sidetable at bumaba na rin ako pagkatapos para tumulong kay mama. Magb-bake kasi siya ng cake at cupcakes para bukas sa coffee shop.
Dumiretso ako sa kusina, naabutan ko naman siyang nagbabatik ng itlog habang nakaharap sa cellphone niyang nakatungtong sa lamesa at parang may kinakausap.
Tumabi ako kay mama at nakita kong si ate ang ka-video call niya sa cellphone. Kinuha ko naman ito mula sa tinutungtungan nito atsaka itinapat sa mukha ko.
"Hoy! Ate kong panget! Bakit ngayon ka na lang napatawag, ha?!" Sigaw ko sa kanya, tumawa lang siya, makikita sa video na nakahiga siya at nakapang nurse uniform pa rin.
Ang totoo, maganda naman talaga ang ate ko. Matangos ang ilong, maputi siya at bilugan ang mga mata. Kamukhang kamukha niya ang papa namin. Mas matangkad siya sakin, minsan nga ay napagkakamalan siyang model e.
"Ngayon lang kasi ako nagka day off ulit e." Sagot niya.
Actually, nung nakaraang linggo lang siya tumawag samin, usually kasi ay araw araw siyang tumatawag kung hindi siya masyadong busy. Nag-uusap sila palagi ni mama kahit na nasa shop rin ito at nagbabantay, tumatawag naman ako sa kanya sa tuwing uwi ko sa bahay.
"Nakapagtanghalian ka na ba diyan?" Tanong naman ni mama sa kanya.
"Oo kakatapos ko lang rin kumain." Sagot ulit ni ate.
Apat na oras kasing advance ang New Zealand. Kung alas nuwebe na ng umaga ngayon dito sa Pilipinas, malamang ay maga-alas dos na doon ng tanghali.
Nilapag ko ulit ang cellphone at tinutok ito kay mama na ngayon ay naghahalo na ng harina para sa cake na ib-bake niya. Nagsuot na ako ng sarili kong apron. Light pink ang color nito, regalo sakin ni mama nung 18th birthday ko.
Kinuha ko na ang mga gagamitin ko sa pagb-bake ng mga cupcakes. Tinuruan rin kasi ako ni mama sa pagb-bake, noong high school nga kami ay nakapag benta ako ng sarili kong gawa na mga cupcakes. Yung ibang mga benta sa shop na mga cupcakes at cakes gawa ko rin.
Nilabas ko na rin ang mga ingredients. Binuksan ko ang oven at pina init mo na ito sa 175 degrees celsius. Tapos kumuha ako ng bowl at doon sinala ang flour, baking powder, baking soda, cocoa at asin tapos isinantabi ko muna.
Pinabayaan ko lang si mama na makipag usap muna kay ate sa cellphone. Ako naman, kumuha ulit ng isang malaking bowl, nilagay ko doon ang tatlong kutsarang soft butter at isa't kalahating asukal tsaka ko ito hinalo gamit ang electric mixer.
Nang maging light at fluffy na ang resulta ng dalawang ingredients, isa isa ko namang nilagay ang itlog. Kada lagay ko ng isang itlog sa bowl ay hinahalo ko muna bago magdagdag ulit ng isa pa. Pagkatapos, nilagay ko na ang kaninang hinalo ko na flour mixture na may kasama ng gatas at hinalo nang hinalo ko ulit ito.
Nilagay ko na rin sa mga muffin cups pagkatapos kong haluin nang maayos. Nilagay ko naman ang mga muffin cups sa cupcake tray tsaka ko nilagay sa preheated oven. Sinet ko ang timer sa fifteen minutes.
Mabuti na lang at may ginawa na si mama kagabi na mga iba't ibang klase ng frosting para sa cupcake. Nasa ref na ang mga ito at handa na.
Lumapit ako sa pwesto ni mama at kumuha ng upuan. Tumapat ulit ako sa cellphone na ka-video call pa rin si ate.
"Ate, kailan ka ba uuwi?" Tanong ko sa kanya at nagpahalumbaba, hinihintay ko rin kasi matapos maluto ang mga cupcakes.
"Hmm, secret." Sagot nito at bahagyang ngumisi.
"Ang daya, huwag mo kalimutan yung mga pabango ko ah." Pagpapaalala ko sa kanya, tumawa lang ito at tumango.
Nagkwentuhan lang kaming dalawa habang si mama patuloy pa rin sa pagb-bake ng cake. Nagpaalam na rin si ate na magpapahinga na muna daw siya kaya pinatay na niya ang tawag. Hanggang sa tumunog na ang oven sensyales na tapos na at luto na ito.
Agad naman akon tumayo at kumuha ng oven mitts, sinuot ko ito atsaka binuksan ang oven. Kinuha ko ang cupcake tray at nakitang luto na nga ang mga cupcakes.
Sinantabi ko muna ito at hinintay na lumamig. Kinuha ko naman sa ref ang mga cupcake frosting. May strawberry, chocolate at vanilla.
Nang lumamig na ang mga cupcakes ay tsaka ko inumpisahan lagyan ng mga frosting ito. Nagkatinginan naman kami ni mama nang biglang tumunog ang doorbell.
"Dadating ba dito sila Ricci at Lara?" Tanong ni mama sakin kaagad naman akong umiling habang nakahawak pa rin sa cupcake frosting.
"Ikaw, baka naman nakalimutan mong pinapapunta mo sila ate Joyce at Rina dito?" Balik tanong ko sa kanya, kaagad rin siyang umiling.
Nilapag niya ang rolling pin na hawak niya, tapos naglakad paalis sa kusina para buksan ang pinto. Pinabayaan ko lang siya at nagpatuloy sa ginagawa ko.
"Ayan, mukhang masarap na." Sabi ko sa sarili ko nang matapos malagyan ang lahat ng cupcakes.
Narinig ko si mama na tumatawa papasok sa pintuan at parang may kinakausap sa likod niya "Kayo pala ang bagong lipat doon, halika tuloy ka muna." Sabi niya pa.
"Sino 'yan ma?" Tanong ko sa kanya at binitawan na ang hawak kong cupcake frosting. Kahit na naka apron pa rin ay naglakad na ko papalit kay mama.
Halos mapanganga ako nang makita kung sino ang nasa harap ng pintuan namin. Isang lalaki na nakasuot ng white muscle fit t-shirt, black board shorts at naka slides slippers.
Nakatayo lang siya habang may hawak na tupper ware na may lamang mga cookies. Napatingin rin siya sakin at halata rin sa mukha niya ang pagkagulat.
"Si Flynn, regular customer natin sa coffee shop. Si Yssa nga pala, anak ko."
~•~
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro