Kabanata 74
|Kabanata 74|
Hindi ko alam kung ano ang una kong sasabihin. Babatiin ko ba siya? Tatanungin ko ba kung ano ang ginagawa rito? At una sa lahat, totoo ba siya? Nakatayo talaga siya sa aking harapan? Narito talaga siya sa San Luisiano?
"Joaquin?!" bulalas ko na lamang. Nanlalaki pa ang aking mga mata at kunot na kunot ang aking noo habang nakatingin sa pigura sa aking harapan. Napatigil pa nga ako sa paghinga dahil hindi ko na alam kung ano ang gagawin.
Bigla namang naglakad papalapit sa akin ang taong nasa aking harapan kasabay ng pag-ngiti niya ng kaunti. Nanginig ang tuhod ko at wala sa isip na umatras upang lumayo sa kaniya.
"Magandang araw, Binibining Martina," wika niya na ikinakabog ng puso ko. Narito nga siya sa aking harapan. Hindi ako nananaginip lang.
Nagdugtong pa nga ang kaniyang mga kilay at napatingin sa aking mga paa nang umatras ako. Hindi niya marahil inaasahan ang pag-iwas ko. Hindi ko rin alam kung bakit ko ginawa iyon. Kusang gumalaw ang katawan kong dinidiktahan ng aking isipan.
"Narito... narito ka pala sa San Luisiano," ani ko na halos patanong na.
Tumango siya at bumaling sa paligid. "Ako'y bumisita. Nais ko rin na magpunta rito sa kagubatan."
Kaagad na napaangat ang aking kilay dahil sa narinig. "Bakit? Anong gagawin mo rito sa kagubatan?"
Hindi ko maintindihan kung bakit iyon ang naging tono ng aking pananalita na tila pa'y pinagbabawalan ko pa siyang magpunta rito. Hindi ko naman inaasahan na ganito ang magiging pagtauli ko kapag nakita ko siyang muli.
"Ang aking nabalitaan ay pinapayagan na kaming maparito sa bayan ngunit bakit tila'y ayaw mo akong tumapak dito sa kagubatan?"
Bahagyang umangat ang aking kilay nang marinig ang kaniyang sinabi. Magkarugtong pa rin ang kaniyang mga kilay habang nakatingin sa akin. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko gayong hindi ko labis na inaasahan na makikita ko pang muli si Joaquin.
"Hindi naman iyon ang nais kong ipahiwatig, Ginoo," tugon ko at tumingin sa malayo. "Nagtatanong lamang ako kung bakit sa lawak ng San Luisiano ay narito ka pa nagtungo."
Napalingon ako sa kaniya nang marinig ko ang kaniyang tipid na pagtawa. "Hindi ko rin mabatid ang dahilan tungkol diyan. Dito ako dinala ng aking mga paa at ikinatuwa ko rin naman iyon sapagkat nakita kita rito." Tumingin siya sa akin kasabay ng kaniyang pag-ngiti, "Kumusta ka na, Binibini?"
Umiwas ako ng tingin sa kaniya at bumaling na lamang sa talon. Lumipas din ang mahabang sandali bago ako nakatugon. "Maayos naman ako, Ginoo. Naging masaya rin ang aking buhay matapos ang lahat ng mga nangyaring hindi ko labis na inaasahan."
"Masaya akong marinig iyan, Binibini," rinig kong tugon niya. "Iyon din ang nais kong mangyari sa iyo simula pa lamang."
"Ikaw, Ginoo, kumusta ka na?" pagsawalang-bahala ko sa kaniyang sinabi at napatingin muli sa kaniya.
"Maayos din ang aking kalagayan," aniya. "Naging tahimik ang aming pamumuhay sa De Alrazon at nakibagay na rin kami roon. Masaya kaming lahat at mas lalo pang naging masaya noong nalaman naming nilinis na ang dungis sa aming pangalan. Alam ko – alam naming sa simula pa lamang ay pawang kasinungalingan lamang ang lahat ng mga iyon upang sirain si ama."
"Nais kong humingi ng tawad sa iyo dahil sa nangyari —,"
"Hindi mo naman kailangan na humingi ng tawad, Binibini, sapagkat hindi naman ikaw ang dumungis sa aming pangalan. Wala kang ibang ginawa kung hindi ang tulungan kami sa abot ng iyong makakaya. At labis akong nagpapasalamat sa iyo dahil diyan."
"Wala kang dapat na ipagpasalamat. Mabait kayo at naniniwala din akong kasinungalingan lamang ang lahat ng iyon. At masayang-masaya rin ako noong nalamang kong bintang lamang ang lahat ng iyon. Kaya nababagay lamang kay Don Miguel ang kaniyang parusa."
Napag-alaman kong kagaya ng ginawa nila kay Don Carlos ay ganoon din ang ginawa kay Don Miguel. Kinuha ang lahat ng ari-arian nila at pinalayas sa San Luisiano ang buong pamilya ng Letreval. Pinagsaka rin daw si Don Miguel at pinagsilbi bilang taga-linis ng pampublikong palikuran, na hindi ko naman na mayroon na palang ganoon sa kapanahunang ito. Ngunit sa kabila ng lahat ng iyan, sa kulungan pa rin ang uuwian ni Don Miguel araw-araw. May nagbabantay rin naman kasi sa kaniya at nakagapos din ang kaniyang mga kamay at paa sa bakal sa posas. Nababagay lamang kay Don Miguel ang lahat ng nangyayari sa kaniya. Isa pa, hindi ko rin dapat na tinatawag pa siya ng ganiyan.
Nabalitaan ko nga rin na ang dating Donya Amelia na kasamang pinaalis sa bayan ay nagtitinda sa palengke ng mga isda. Alam kong hindi niya talaga nakasanayan ang mga bagay na yon dahil mulat siya sa karangyaan pero nang dahil sa ginawa ng kaniyang asawa ay nangyari pa iyan sa kaniya. Hindi ko nga rin alam kung nabatid na ba niyang pinagtaksilan din siya ng kaniyang asawa. Nakaramdam ako ng awa sa kaniya nang maalala ko naman ang ginawa ni Dueña Hilda at Miguel noong gabing iyon. Nakakadiri! Mga imoral.
Ngunit, alam ko naman na nariyan palagi ang mga anak ni Donya Amelia para sa kaniya. Tiyak akong hindi nila pababayaan ang kanilang ina. Nakalulungkot lang sapagkat nadamay pa sila sa kagagawan ni Miguel Letreval.
"Hindi... hindi na ako muling nakatanggap ng liham mula sa iyo," rinig kong wika ni Joaquin na naging dahilan ng mabilis kong paglingon sa kaniya. "Maaari ko bang tanungin kung bakit?"
Sa tuwing naaalala ko talaga ang pangyayaring iyan ay hindi ko mapigilang magalit muli kay Dueña Hilda na nasa kulungan ngayon. Ang lugar kung saan siya nababagay. Hindi ko lang naman kasi labis akalaing magagawa niya ang bagay na iyon. Nang dahil sa kaniya ay nasaktan ko pa si Joaquin.
"Joaquin," usal ko saka malungkot na tumingin sa kaniya. "Pagkatapos mong sumulat sa akin sa unang pagkakataon hindi ako tumigil sa pagpadala at pagtugon sa iyong mga liham. Naghintay ako sa lahat ng mga liham na galing sa iyo ngunit wala akong natanggap pang muli. Ang hindi ko alam ay kinuha pala ni Dueña ang lahat ng iyon kabilang na rin ang aking mga liham na akala ko'y nakarating sa iyo."
"Kung ganoon, sapagkat wala tayong natanggap na mga liham sa isa't isa ay dahil kinuha ang mga iyon ng iyong Dueña bago pa man makarating sa ating mga kamay?" hindi makapaniwalang wika niya na ikinatango ko.
"Kung hindi ako nagkakamali... ikaw ba ang babaeng nakita ko sa labas ng simbahan noong... noong araw na iyon?"
Napatitig naman ako sa kaniya nang maalala ko naman ang araw ng kaniyang kasal. "O-oo, ako... ako nga marahil ang iyong nakita. Nagpunta ako roon sapagkat nais kong makatanggap ng kasagutan sa aking mga tanong. Hindi ko labis na inasahang matatagpuan kitang ikakasal na pala. Pagbalik ko rito, roon ko pa nalaman ang katotohanan nang makuha ni Isay ang iyong mga liham mula kay Dueña," paliwanag ko sa kaniya.
Humakbang naman siya ng isang beses papalapit sa akin. Sa pagkakataong iyon hindi na ako umatras kung hindi ay nanatilling nakatitig lamang ako sa kaniya.
"Paumanhin, Binibini, at naranasan mo pa ang pangyayaring iyon bago mo nalaman ang katotohanan. Sinabi ko pa namang hinding-hindi na kita muli pang sasaktan ngunit tiyak akong labis kitang nasaktan nang makita mo ang sandaling iyon." Nagsimulang mabasag ang kaniyang boses habang magkarugtong ang kaniyang mga kilay at nakakunot ang kaniyang noo. "Hindi ko sinasadya iyon, Binibini."
Napailing naman ako at nginitian siya ng kaunti, "Ayos lamang iyon. Kailangan ko rin na makita iyon upang maintindihan ko ang mga bagay-bagay."
"Pangako kong hindi ko talaga hangad na saktan ka at tila'y pag-iwan ko sa iyo sa ere."
"Ginoo," pagpigil ko sa kanya. "Hindi mo kailangan na humingi ng tawad. Naiintindihan ko ang lahat. Kaya rin hindi na ako nagpadala pa ng liham sa iyo noong nabasa ko na ang lahat sapagkat ayaw ko na gambalain pa kayo. Ang tanging hiling ko lamang ay maging masaya kayo."
"Maraming salamat, Binibining Martina," aniya kasabay ng paglitaw ng ngiti sa kaniyang mga labi na minsan ko ring nasilayan noong unang mga panahon.
Noong mga sandaling iyon din ay napatitig ako sa kaniya. Medyo malaki na ang pinagbago ng Joaquin na nasa aking harapan ngayon kumpara sa Joaquin noong una ko siyang nasilayan. Naroon pa rin ang kaniyang kakisigan ngunit kumpara noon ay nangibabaw na ang kaniyang kayumangging kulay ng balat na tiyak akong dahil sa kaniyang paghahanap-buhay roon. Bahagya na rin siyang pumayat ngunit makikita pa rin namang maskulado pa rin siya. Simple na rin ang kaniyang suot na kanluraning damit na hindi kagaya ng dati na magagarbo at matitingkad. Tila hindi na rin nagugupitan ang kaniyang maitim na buhok na ngayon ay kaya nang takpan ang kaniyang mukha sa haba nito na hanggang tenga na. Masasabi kong siya si Joaquin ngunit parang hindi rin.
"Kumusta... kumusta pala ang iyong maybahay?" may pag-aalangan kong tanong. Hindi ko alam kung bakit tila ba mahirap at nakagugulat naman kapag nagtanong ako tungkol doon. Oo nga't may kaniya-kaniya kaming minamahal at sinasabi kong natanggap ko na ang pangyayari sa pagitan namin ni Joaquin, hindi ko lang naisip na magkakaroon ng pagkakataong matatanong ko siya tungkol doon.
Ngumiti siya ang kaunti. "Maayos naman siya. Salamat sa pangungumusta. Mabait siya't maalaga kaya... nagpapasalamat din ako sa kaniya sapagkat isa siya sa naging lakas ko sa gitna ng unos sa aming buhay."
Nakatutuwa naman na kahit papaano ay nakahanap siya ng taong masasandalan niya at magmamahal sa kaniya.
"Kasama mo ba siya na nagpunta rito?"
"Sa kagubatan? Hindi. Ngunit, Kasama ko siya rito sa bayan at ngayon ay nasa bahay panuluyan siya sa sentro ng bayan. Doon muna kami nanuluyan habang inaasikaso ko ang pagpapaayos ng aming mansiyon."
"Ibig sabihin, mahabang panahon kayo rito?" kaagad kong tanong. "Ah! Dito na kayo titira? Kasama niyo rin ba sina Donya Victorina pati na rin ang iyong mga kapatid?"
Gusto ko tuloy makita si Gabriel. Makulit pa naman iyon at mahilig mang-asar.
Natawa naman siya sa aking naging tauli. "Hindi ko sila kasama, ngunit paparating na rin sila. Dala nila ang mga gamit sapagkat babalik na sila rito."
Magkasalubong ang aking mga kilay habang nakatingin sa kaniya, "Sila? Bakit sila lang?"
"Hindi ako kasama," iling niya. "Babalik ako ng De Alrazon kasama si Esmeralda at doon kami maninirahan. Bagaman nais ni Esmeralda rito ay ayaw niyang mawalay sa lugar kung saan siya isinilang at lumaki, at ayaw ko rin naman na ipagkait sa kaniya iyon."
Habang kausap siya ay hindi ko labis maisip na minsan ko ring naging kasintahan ang taong nasa aking harapan. Hindi naman sa muling bumalik ang nararamdaman ko para sa kaniya ngunit hindi ko lang maintindihan na ganito pala ang pakiramdam na makita mo ang taong mula sa iyong nakaraan at mayroong ikinukwentong ibang tao sa mismong harapan mo pa. Tila ba'y masakit na masaya na ewan. Habang nakatingin nga sa kaniyang pinag-uusapan ang kaniyang maybahay ay nakikita ko ang kislap ng kaniyang mga mata na naging dahilan ng pagkatuwa ng aking puso. Walang galit at pagkamuhi sa puso ko para kay Joaquin at tanging saya lamang ang nararamdaman ko habang nagkukwento siya tungkol kay Esmeralda.
"Masaya ako pa ra iyo, Ginoong Joaquin. Para sa iyong buong pamilya," nakangiti kong wika.
"Ikaw, Binibining Martina? Kumusta ka na?" muli niyang tanong. "Maaari ka bang magkwento? Kung iyon ay ayos lamang sa iyo."
Hindi ako nakapagsalita at napatitig lamang sa kaniya. Hindi ko rin alam kung ano ang ikukwento ko. Ang dami naman kasing nangyari sa buhay ko.
"Joaquin?!"
Nahinto ang pag-ikot ng aking isipan kasabay ng pagtalon ng aking puso nang marinig ang boses nina kuya. Kaagad akong napatingin sa paligid at nakita ang tatlo na papalapit na sa amin, hila-hila pa ang kani-kanilang mga kabayo. Nakita ko kung paano nagdugtong ang kanilang mga kilay at nagkunot ang kanilang mga noo habang palipat-lipat ang tingin sa aming dalawa ni Joaquin. Si Joaquin naman ay nakatitig sa kanilang tatlo, hindi makapagsalita.
"Joaquin, ikaw nga!" bulalas ni kuya Lucas kasabay ng pagbitaw niya sa kaniyang kabayo at dali-daling naglakad papalapit kay Joaquin at niyakap siya. Tinapik pa ni kuya ang kaniyang likod habang malalapad ang mga ngiti.
"Kumusta ka na? Kailan ka pa dumating?" tanong pa nito.
"Joaquin! Masaya akong makita kang muli. Ano na ang nangyari sa iyo?" kaagad naman na turan ni kuya Lucio at sumunod sa pagyakap. Masaya naman itong niyakap pabalik ni Joaquin.
"Kaibigan!" nakangising usal ni kuya Marco at nagkamay pa sila sabay hila payakap sa isa't isa. "Aba'y napakatagal naman ninyong bumalik."
Napaatras ako at pinagmasdan silang nagkumustahan doon. Masaya akong makita silang magkasamang muli kahit pa hindi sila kumpleto. Matagal kong hinangad na magkita silang muling magkakaibigan at ngayon ay nangyari na nga. Sana ay maging kumpleto na uli ang G8. Ang saya pa naman nilang kasama, laging bardagulan.
"Kanina pa kayo rito? Hindi ko maintindihan kung bakit nawala na lamang ng bigla si Martina habang kami ay nagkakarera kung kaya't hinanap namin siya," wika ni kuya Lucio kasabay ng paglingon niya sa akin.
"Ilang sandali na rin akong narito bago dumating ang binibini," kaagad na tugon ni Joaquin. "Hindi nga ako makapaniwala na makikita ko siya rito. Kaya nangumusta na lamang ako't nakipag-usap sa kaniya."
"Hindi ko lubos akalaing matatagpuan ko siya rito," lahad ko. "Dinalaw ko lang ang lugar na ito at nakita namin ang isa't isa. Masaya nga ako sa mga kwento niya at tiya akong hindi na kayo makapaghintay na marinig iyon kaya iiwan ko na kayo rito at babalik na ako sa mansiyon."
"Mansiyon!" bulalas ni kuya Lucio. "Halika't dumalaw ka muna sa mansiyon, tiyak akong matutuwa rin si Ina kapag nakita ka. At marami rin tayong pag-uusapan, Joaquin."
"Oo nga, tama si kuya," segunda ni kuya Marco. "Huwag mo naman palampasin ang araw na makakadalaw ka sa bahay ngayong narito ka."
Wala nang nagawa si Joaquin dahil hinatak na siya nina kuya. Natatawa din naman siyang tinanggap ang kanilang paanyaya. Nag-aagawan pa nga ang tatlo kung saan nila papasakayin si Joaquin. Sa huli ay doon na siya kay kuya Marco. Umiiling na lang akong naglakad papunta sa aking kabayo at kaagad naman na lumapit si kuya Lucio saka ako tinulungan pasakay. Magkakasunod kaming lumabas mula doon. Binagtas namin pabalik ang dinaanan namin sa gilid ng mansiyon ng mga Varteliego.
"Ipapaayos niyo ba iyan o magpapatayo na lamang kayo ng bago?" tanong ni kuya Marco.
"Ipapaayos namin, kaya rin nauna na ako rito. Magsisimula na ang pagpapa-ayos niyan bukas nang sa gayon kapag dumating na sina Ama ay matitirhan na iyan."
"Siyang tunay, babalik na sila? Kailan sila darating?" Bakas pa sa boses ni kuya Lucas ang sabik nang marinig na baballik na ang mga Varteliego sa bayan.
"Sa susunod na linggo ang inaasahan kong kanilang pagdating."
"Nais ko na silang makita. Kay tagal na mula noong tayo ay nagkasama-sama."
Hindi ko maiwasang mapangiti sa habang nakasunod sa kanila at pinagmamasdan sila. Wala akong ibang hinihiling kung hindi ang makita silang magkakasamang muli bago pa ko umalis dito. Naging sandalan ko sila at naging kasama sa mga masasayang kaganapan sa buhay ko rito kaya sana maging masaya sila pagdating ng panahon.
Hindi nagtagal ay nakarating na kami sa mansiyon. Mula kanina pa ay abala sila sa pakikipag-kwentuhan kay Joaquin. Hindi na ako nakisali pa sa kanila dahil kanila naman iyon at ayaw ko namang guluhin ang munti nilang pagsasama. Nadatnan naman namin si Ina kasama si Isay at Lola Illuminada na nag-uusap sa sala mayor. Nang makita nga sila nina kuya ay kaagad nilang tinawag ang atensyon, lalo na ang kay Ina.
"Ina, hulaan mo kung sino ang narito," kaagad na wika ni kuya Marco kasabay ang pagtago nila kay Joaquin sa kanilang likuran.
Nang marinig nga ang kanilang boses ay kaagad na napatingin sina Ina sa aming gawi habang malalaki ang ngiti.
"Aba'y hindi ko batid. Sino ba iyan?" magkarugtong na kilay na tugon ni Ina.
Magkabilang braso nilang hinawakan si Joaquin at pinaharap kay Ina. Ganoon na lamang ang panlalaki ng mga mata ni Ina nang makita siya kasabay ng pagtaas ng kaniyang mga braso sa ere.
"Joaquin?" bulalas ni Ina at kaagad niya itong ikinulong sa kaniyang mga braso. "Joaquin, ikaw nga. Nagagalak akong muli kang makita. Kumusta ka na? Kailan ka pa dumating sa bayan? Narito na ba ang iyong buong pamilya?" sunod-sunod niya pang tanong dito at bumitaw sa yakap.
Nag-uusap sila roon habang nakatingin sa kanila. Masaya akong makita si ina na ganiyang ang trato kay Joaquin, na hindi siya galit dito dahil sa nangyari sa aming dalawa. Anak din naman kasi ang turing niya rito at malapit din si ina kay Donya Victorina kaya hindi nakapagtatakang tila anak na ang turing ni ina kay Joaquin.
Tahimik naman na lumapit sa akin si Isay habang nakatingin kina Joaquin. Natawa naman ako sa kaniya at pinagdugtungan siya ng kilay.
"Hindi ko naman aakalaing magkikita kayong muli ngayon," aniya pa habang hindi tinatanggal ang tingin kay Joaquin.
"Ako nga rin. Ngunit, kasiyahan lamang ang narito sa aking puso. Masayang-masaya ako para sa kaniya. At natutuwa rin akong makita silang masaya nang sa wakas ay magkakasama na sila."
Inaya naman sila ni ina na magmeryenda sa azotea kasabay ng pagtungo ni Lola Illuminada sa kusina upang kumuha ng kanilang makakain. Nagpunta naman ako sa aking silid upang magbihis at magpahinga. Nais ko rin na humiga muna dahil medyo masakit ang katawan ko. Pinatulong ko na lang si Isay kay lola na maghanda ng pagkain nang nais niyang sumama at tumulong sa akin sa itaas.
Dumiretso ako sa bihisan at nagpalit na ng damit. Napansin ko naman ang aking kwintas kaya hinubad ko iyon at dinala sa higaan. Hindi nawala ang aking tingin doon lalo na't marami na ang buhangin na nahulog at medyo kaunti na lamang ang mga natira sa itaas. Nitong mga nakaraang araw napapansin ko na talagang paubos na ang oras ko rito pero hindi ko na lamang masyadong pinagtutuunan iyon ng pansin. Mas lalo lamang akong natatakot at malulungkot kapag iniisip ko iyon. Kaya nga pinagpasyahan ko nang hindi ko na muli pang titignan ang relong ito at hahayaan na lamang na kusang maubos iyon. Gagawin ko lamang na masaya at hindi malilimutan ang natitira kong mga panahon dito. Mas pagtutuunan ko ng pansin ang pagbibigay sa natitirang oras ni Kristina sa mga taong mahalaga sa kaniya. Dahil kapag nawala na ako at bumalik na sa hinaharap ay mawawala na rin si Kristina sa kapanahunang ito nang tuluyan. Hindi ko lubos maisip ang sakit na mararamdaman ng mga taong nasa kaniyang paligid kapag nangyari ang bagay na iyon. Tiyak akong guguho ang kanilang mundo, lalo na kay ina.
Patawad, Ina, sapagkat kailangan mo pang masaktan ng ganoon. At patawad, sapagkat hindi ko kayang pigilan ang nakatakdang mangyari. Gustuhin ko mang mabuhay ng matagal ang iyong nag-iisang anak na babae ay hindi iyon maaari. Patawad, Ina. Mahal na mahal kita.
"Senyorita!" napalingon ako nang marinig ang boses ni Isay. Natagpuan ko siya ilang metro ang layo mula sa akin. "Sa banda rito! Nakita ko na ang niyog!"
Mabilis akong naglakad papalapit sa kaniya at doon natagpuan na nahanap na nga niya ang nagtitinda ng niyog. Sinamahan ko kasi siyang mamalengke dahil nababagot na rin ako sa mansiyon. Pinabili siya nina Ina at lola Illuminada ng niyog kasi magluluto sila ng ginataang manok. Hindi na nga ako makapaghintay na umuwi at kumain niyon sapagkat isa rin iyon sa paborito kong ulam, lalo na kung maanghang.
"Nagugutom na nga ako, Isay. Nais ko nang kumain ng ginataan," nguso ko.
Natawa naman siyang umiling, "Hay naku, Senyorita. Pakalmahin mo iyang mga bulate sa iyong tiyan sapagkat mamaya ka pa makakakain. Malayo pa tayo sa mansiyon at may mga bibilhin pa tayong iba."
Tinawanan ko na lamang ang kaniyang sinabi at ngumuso na lamang. Ipinasok na niya sa bayong ang niyog na binili at umalis na kami sa tindahan na iyon. Sinabi ko nga na huwag na lamang bumili ng niyog dahil may mga puno naman sa doon sa hacienda, eh ayos lang daw. Bibili na lamang.
"Aling Pasing, pinapakuha na pala ni Lola Illuminada ang kaniyang pinatabing mga tuyong danggit at pusit."
Nakangiti naman sa aming dalawa si aling Pasing habang nagpaalam saglit upang kunin ang tinutukoy ni Isay. Tiyak akong masayahin si aling Pasing simula pa noong kaniyang kabataan dahil halatang-halata sa kulubot niyang balat sa may bibig at pisngi niya. Napaisip tuloy ako kung bakit narito pa si aling Pasing nagtitinda sa palengke sa halip na nagpapahinga sa kanilang tahanan. Masasabi na rin naman talaga sa isang tingin na may katandaan na siya sapagkat bahagya na siya nakayukod maglakad at mabagal na rin. Idagdag pa rito ang kaniyang buhok na halos puti na kung hindi man kulay abo.
Bumalik na si aling Pasing dala-dala ang mga tuyong pagkain. Malapad pa ang kaniyang ngiti nang iabot sa niya iyon kay Isay. Kaagad kaming nagpasalamat sa kaniya at bago kami umalis ay inabutan ko siya ng salapi.
Magkarugtong ang kaniyang kilay habang nakatingin sa aking mga kamay na nakatakip ng sa kaniya na pilit bina-bawi at ayaw pang tanggapin. "Ano po ito, Binibini?"
"Binibigay ko po ito sa inyo, Aling Pasing," ani ko sabay tanggal sa aking mga kamay na kaagad niya ring sinundan.
"Para sa... saan po, Binibini? Hindi niyo po kailangan na magbigay," iling niya pa.
"Tanggapin niyo po, Aling Pasing. Kaunting tulong ko po ito sa inyo. Pakiusap na po, sige na po. Huwag niyo nang ibalik sa akin." Nagpumilit pa ako sapagkat ayaw niya talagang tanggapin iyon.
"Sige na po, Aling Pasing," pagsali ni Isay. "Tanggapin niyo na lamang po ang bigay ng senyorita. Naku, kapag hindi niyo po iyan tinanggap tiyak akong babalik siya rito para magdala ng mas marami, kukulitin po kayo niyan."
Nang marinig niya ang sinabi ni Isay ay tumigil na siya sa pagbalik sa akin ng pera at payuko-yuko pa siyang tinanggap iyon kasabay ng paulit-ulit na pasasalamat.
Kaagad naman akong umiling. "Huwag na kayong magpasalamat sa akin, Aling Pasing. Ngunit, walang anuman na lang din. Mas mainam din po na sa bahay na lang kayo mamalagi at alagaan ang sarili."
"Maraming salamat talaga, Binibini," ulit niya. "At saka kailangan ko magtinda rito eh, pantustos sa pang-araw-araw at nang mayroon din akong mapagkakaabalahan."
"Aling Pasing, dilis nga po."
Isang babae naman ang biglang dumating at bumili. Nagpaalam na lamang kami kay Aling Pasing. Wala na rin naman kaming magagawa tungkol sa kalagayan niya at hindi naman namin nais na pilitin pa siya.
"Bakit nagtitinda pa siya? Nasaan ba ang kaniyang mga anak?" kaagad kong tanong kay Isay nang makalayo na kami at naglalakad na palabas ng palengke.
"Wala na siyang pamilya, Senyorita. Mag-isa lamang sa buhay si Aling Pasing at siya na lamang din ang nakatira sa kanilang tahanan kaya ayan, nagtitinda pa rin kahit matanda na."
"Nakakaawa naman siya, kung ganoon. Sana man lang ay may mga tumulong sa kaniya o kaya naman ay maging kasama niya sa buhay."
"Mayroon namang mga tumutulong din sa kaniya, mga kapitbahay. Kaya huwag kang mag-alala, Senyorita, wala namang nagpapabaya kay Aling Pasing. Kabilang na riyan si Lola Illuminada."
Kaagad naman akong napangiti nang marinig iyan. Kahit papaano naman pala ay hindi rin nag-iisa si Aling Pasing. Nakatutuwa naman kung ganoon.
Naglakad na kami papunta sa mga kalesa na naghihintay ng mga pasahero nang may mapansin akong pamilyar na pigura sa hindi kalayuan. Doon ko nakitang nakatingin din pala siya sa akin. Napahinto tuloy ako sa paglalakad at tinitigan siya. Si Clara. Nakatingin siya ng diretso sa akin, blanko lamang ang kaniyang mukha.
Si Isay ay napatigil din at sinundan ang aking mga tingin. Naramdaman ko ang kaniyang paghawak sa aking nang makilala ang babaeng nasa aming harapan. Hinila naman niya ako ng kaunti paalis mula roon pero naglakad ako ng dahan-dahan papalapit kay Clara.
"Senyorita," rinig ko pang bulong ni Isay na wala na rin namang nagawa kung hindi ang sumunod sa akin.
Hindi naman gumalaw si Clara sa kaniyang kinatatayuan at nakatingin lamang sa akin. May kasama siyang dalawang gwardya at hindi ko alam kung saan sila paroroon. Nang tumigil ako ilang metro lang ang aming pagitan ay kaagad na nahulog ang aking mga tingin sa kaniyang tiyan. Hindi pa halata na siya ay nagdadalang-tao. Natatabunan din naman iyon ng kaniyang marumi at kulay kayumangging camisa at saya. Hindi na rin nakaayos ang kaniyang itim na buhok kagaya ng dati. Makalat na pusod na iyon at tila ba'y tumigas na dahil sa dumi at alikabok na dumikit doon. May iilang dumi rin sa kaniyang mukha at noo na maaaring palatandaan na hindi siya naligo ngayon o kailan pa. Hindi na siya ang Clara na aking nakilala at nakita noon. Naging totoo nga ang sinabi kong ang mukha niya'y palengke.
Kaagad naman niya akong tinaasan ng kilay at tinakpan ang kaniyang tiyan. "Anong ginagawa mo rito?"
Napakunot naman ang aking noo at bahagyang natawa nang marinig ang kaniyang sinabi. "Ano, bawal na ako ngayon dito sa palengke? Alam mo parang hindi ka naman nagsisisi sa mga ginawa mo eh. Parang tuwang-tuwa ka pa."
"Natutuwa ka bang makita akong ganito ha, Kristina?" taas-kilay at nanlilisik ang kaniyang mga matang nagwika.
Hanggang ngayon, wala talagang pagbabago itong si Clara. Hindi ba naman nagtanda.
"Alam mo, naaawa ako, Clara. Hindi sa'yo kung hindi sa batang dinadala mo. Isipin mo, mamamatay tao ang kaniyang ina," umiiling kong turan.
Mas lalo pang nakakaawa ang batang iyon sapagkat nabuo siya dahil sa makasarili at maitim na balak ng kaniyang ina.
Nanlisik lalo ang kaniyang mga mata at naging sunod-sunod ang kaniyang malalalim na paghinga at kasabay niyon ang kaniyang pagsugod sa akin. Winawagayway pa ang kaniyang mga kamay sa ere at nagsisisigaw. Mabuti na lamang at kaagad siyang nahawakan ng mga gwardiya na kaniyang kasama at ako naman ay nahila ni Isay palayo.
"Mapagmataas ka pa rin hanggang ngayon, Kristina! Kaya hindi rin ako nagsisisi na ginawa ko iyon! Kinasusuklaman kita, buong buhay ko, kinasusuklaman kita!" Pilit pa siyang nagpupumiglas sa mga nakahawak sa kaniya habang panay ang kaniyang mga sigaw sa akin. Namumula na rin ang kaniyang mukha at nasira na rin ang kaniyang buhok na nakapusod na ngayon ay nagkalat na sa kaniyang mukha.
Lahat na ata ng mga tao sa aming paligid at mga napapadaan ay napapalingon sa aming gawi. May babae ba naman sumisigaw na tila ba'y nababaliw na. Hindi ko na talaga maintindihan si Clara. Hindi talaga. Hindi ko rin maintindihan kung saang banda ako mapagmataas.
"Dalhin niyo na nga iyan sa calabozo. Gumagawa lamang iyang ng eksena eh," utos ko sa mga gwardiya.
Kaagad naman na sumunod ang mga ito at hinila na siya palayo sa akin. Huminga na lamang ako ng malalim at pareho naming tinanaw ni Isay si Clara na naghihiyaw habang bitbit ng mga gwardiya habang pinagtitinginan pa rin ng mga tao.
"Hindi ko na maintindihan si Binibining Clara, Senyorita. Ano kaya ang kaniyang nakain?"
Bahagya naman akong natawa sa kaniyang sinabi, "Ako rin, Isay. Tila ba talaga wala man lang pagsisisi sa kaniyang katawan."
"Oo nga, nakakainis," iling niya pa. "Halika na nga, Senyorita, at tiyak akong hinahanap na nila tayo sa mansiyon. At kakain ka pa ng ginataang manok."
Nakangisi na siya sa akin kaya napatango na ako at nagmamadali na kaming umalis doon. Habang nakasakay sa kalesa pauwi ay tahimik lamang akong nakatingin sa malawak na mga hacienda. Hindi ko maiwasan na maisip si Clara at ang kaniyang kalagayan.
Sana, balang araw, Clara, magbago ka na.
Para sa iyo, at para sa anak mo.
Sa Taong 1890
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro