Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 73

|Kabanata 73|


          Kumakabog ang aking puso. Hindi ko rin alam kung itutuloy ko ba ang pagbabasa nito dahil sa kung ano man ang malaman ko rito maaaring may maidulot iyon sa akin. Mas mainam na nga kung mabuti. Paano naman kung hindi?

          Napapikit na lamang ako ng mariin ang bumuga ng hangin bago nagsimulang basahin iyon. Mula pa nga iyon sa 1887, tatlong taon bago ako napunta rito.


Disyembre 31, 1887

          Isang taon pagkatapos kong masilayan siya sa unang pagkakataon. At kahit matagal nang panahon iyon ay hindi ko pa makalilimutan ang gabing iyon. Sa tahanan ng gobyernadorcillo ko siya unang nakita. Aking dama ang malamig na simoy ng hangin mula sa bintana ng kanilang azotea habang ang lahat ay nasa kanilang sala nagkakasiyahan. Tanaw na tanaw ko rin ang mga nagkikislapang mga bituin na hindi ko magawang bilangin dahil tila buhangin ang mga iyon sa kalangitan. Habang nakatingin sa magandang tanawin sa itaas ay hindi ko lubos akalaing masisilayan ko rin ang isang magandang tanawin sa lupa. Tila ba'y sagot sa mga dalangin, naglakad siya sa baba ng mansiyon na mistulang anghel galing sa mga bituin na katitingin ko lamang. Habang dumaraan ay tila pa'y bumagal ang buong pangyayari pati na rin ang aking paghinga ay halos hindi ko na magawa dahil mistulang nawawalan na ng hangin ang buong paligid. Nawala na rin ang ingay sa buong mansiyon buhat ng kanilang tawanan at pag-uusap at ang tangi ko na lamang naririnig ay ang mabilis na pagtibok ng aking puso na tila ba'y bumabalot sa buong lugar. Naramdaman ko na lamang ang hindi ko maipaliwanag na pag-init ng aking mga pisngi dala ang pangamba na baka ay iyong marinig, Ginoo, ang tibok ng aking puso na maaaring maging dahilan ng iyong paglayo mula sa akin.

          Hindi ko na nabatid kung anong tagal kitang sinundan ng tingin habang ikaw ay papaakyat ng mansiyon. Puso ko'y kumakabog sa loob ng aking katawan at ang kaluluwa ko'y tila sumasayaw sa tuwa nang mapagtanto kong papaakyat ka't sasalo sa kasiyahan na nagaganap. Nangangahulugang masisilayan pa kita ng matagal. Makikita pa kita. Dahil doon, ang aking kabagutan at pagkainip ay napalitan ng labis na kagalakan sa aking buong puso. Ipinagdarasal ko pa nga noong mga sandaling iyon na sana ay tumagal pa ang oras.

          Buong akala ko ay isa ka lamang panauhin na pinaanyayahan ng gobyernadorcillo at ikaw ay dumaraan lamang sa aming bayan kung kaya't tila pa'y namamatay-matay ang pag-asa sa aking puso pagkat iniisip kong ikaw ay hindi ko na muli pang masisilayan. Ngunit nang masaksihan kong kasama mo ang aking mga kapatid at kayo pa ay magkausap na tila ba'y malapit sa isa't isa, nanumbalik ang aking lakas at galak sa puso. Maaari pa akong makakuha ng kaalaman tungkol sa iyo mula sa kanila. Noon ding sandaling iyon ay nais kitang makilala at makausap ngunit na ng ikaw ay papalapit na sa akin kasama ang aking mga kapatid ay hiniling ko na sana ay ako'y lamunin na ng lupa. Ako'y nahihiyang lumapit sa iyo sapagkat hindi ako ganoong karikit at kabighani upang masilayan ng iyong mga mata. Kaagad akong umalis subali't ilang hakbang pa lamang papalayo sa iyo ay kaagad ko nang pinagsisihan. Ngunit, hindi ako maaaring bumalik. Isa akong binibining mayroong paninindigan. Sapagkat pinili kong umalis, hindi ako lilingon. Oo, batid kong nakapanghihinayang sapagkat maaaring iyon na ang simula ng lahat ngunit naniniwala naman akong magkakaroon at magkakaroon ng pagkakataon at sandaling magtatagpo ang ating mga landas. Hindi pilit at hindi pinag-isipan.

          Noong gabing iyon, naging baon ko ang galak at labis na kasiyahan sa aking puso habang ako'y papauwi habang sinasalubong ang bagong taon na hinihiniling na sana ay makasama na kita roon. Ilang mga araw ang lumipas at napag-alaman kong isa ka palang pamilyar na ginoo. Napagtanto kong tayo ay nagkita na pala dati noong ako ay labin-apat pa lamang ang gulang. Nabatid ko rin mula sa aking mga kapatid kung gaano ka kamaginoo at kabait. Mas lalo ko pang napatunayan iyon nang mismo sa aking mga mata ay nasilayan kita. Habang tumutulong ka sa mga taong kapos-palad at nagiging matulungin sa mga nangangailangan kahit walang kapalit ay hindi ko maitago ang saya sa aking puso. Nang sandaling iyon, mas lalo kitang hinangaan at hinirang sa aking puso. Oo, Ginoo, ikaw ay iniibig ko. Habang nakikinig ako sa mga kwento ng aking mga kapatid tungkol sa iyo ay hinangaan kita at hinangad kong mas lalo pa kitang makilala. Minahal kita sapagkat ginintuan ang iyong puso't malinis ang iyong kalooban, idagdag mo pa ang iyong kakisigan. Tila pa nga ay ako'y matutunaw at mawawalan ng malay-tao sa tuwing tatama ang iyong mga tingin sa aking gawi. Iba ka sa mga ginoong aking nakikita. Ibang-iba ka. Ibig kong malaman mong hindi ko batid kung ano ang dahilan ng aking pagmamahal sa iyo. Ngunit, ang tiyak ko lamang ay mahal na mahal kita.

           Lumipas ang maraming mga buwan, ang tanging nagagawa ko lamang ay tanawin ka mula sa malayo at mahalin ka ng palihim. Hindi ako naging matapang na ilahad ang aking nararamdaman para sa iyo. Alam kong malaki ang mangyayari at magbabago ang lahat kapag humingi ako ng tulong mula sa aking mga kapatid ukol dito. Ngunit hindi iyon ang aking hangarin. Kahit batid kong sila ay makatutulong sa akin, hindi ako hihingi ng tulong. Nais kong kusa lamang itong mangyayari. Ako'y natatakot na kapag pinangunahan ko ang lahat ay baka maging dahilan iyon ng iyong paglayo sa akin.

          At ngayon, sinusulat ko ang liham na ito upang iparating sa iyo kung gaano kita hinihirang. Bagaman narito ang pagdadalawang-isip at pangamba sa aking puso, sana ay magkaroon na ako ng lakas ng loob upang ipaalam sa iyo na ikaw ay aking iniibig, Ginoo. Oo, batid ko kababanggit kong ayaw kong pangunahan ang lahat ngunit ginagawa ko lamang ito upang ipaalam sa iyo ang aking nararamdaman na hindi ko na kayang itago pa. Naroon man ang takot sa aking puso na baka ikaw ay mayroong iniibig na binibini, sana ay pawang kathang-isip ko lamang ang mga iyon. Sana ay pawang katotohanan ang mga salitang galing sa bibig ng aking mga kapatid na wala kang binibining pinahahalagahan sa iyong puso.

          Ginoong Agustino Atravencio, nais kong mabatid mong ikaw ay aking iniibig simula noong sandaling nasilayan kita sa gabi ng ika-tatlumpo't isa ng Disyembre taong 1886. Napakabusilak ng iyong kalooban at ginintuan ang iyong puso. Ang iyong mga ngiti na natatanaw ko mula sa malayo ang siyang naging lunas sa aking kalungkutan at nagbibigay kasiyahan sa aking buhay. Sa tuwing nasisilayan kita ay nawawala ang mga suliran sa aking puso at isipan. Ilang beses na akong nagtangkang lapitan ka upang kahit papaano ay makausap man lamang kita ay hindi ko ginawa sapagkat ayaw kong gambalain ka at ayaw kong bigyan ka ng suliran na iisipin. Ngunit ngayon, ako'y iyong patawarin sapagkat binigyan na nga kita. Patawad, ginoo.

          Oo, iniibig kita ngunit ang pag-ibig kong ito ay hindi magiging dahilan upang ikaw ay pilitin kong magkaroon ng nararamdaman para sa akin na labag sa isinisigaw ng iyong damdamin. Nais ko pa ring ikaw ay masilayang masaya sa piling ng taong tinitibok ng iyong puso, kahit pa'y ikakasakit at ikakadurog iyon ng aking damdamin. Kasabay ng pag-iisip ko sa bagay na iyan ay ang nais kong kalimutan ko na lamang ang aking nararamdaman para sa iyo. Ilang beses ko nang sinasabi iyan sa aking sarili ngunit natatagpuan ko na lamang ang aking sarili na nakatitig na naman sa iyong gawi. Hindi ko kayang kalimutan ka, ginoo.

          Habang sinusulat ko ang liham na ito, ipinagdarasal ko rin na sana ay ako'y iyong maiibigan o iniibig. Ngunit, kung salungat man sa mga ito ang tunay mong nararamdaman ay huwag kang mabahala at isiping iyong sinasaksaktan ang aking damdamin. Ayos lang ako, at magiging maayos lamang. Kagaya ng aking winari ay hindi ko hangad na pilitin ka na maramdaman ang hindi isinisigaw ng iyong puso. Kung kaya naman, kung ano man ang iyong nararamdaman ay nais ko sanang hingiin ang iyong tulong. Maaari mo bang tugunan ang liham na ito patungkol sa kung ano ang iyong nararamdaman para sa akin? Nang sa ganoon ay magawa ko ang nararapat kong gawing sa kung ano man ang nararapat ukol sa aking nararamdaman. Sana ay malakas ang aking loob na ibigay sa iyo ang liham na ito. Sana ay iyo itong mabasa. At kapag nangyari nga ang mga bagay na iyon ay wala na ito rito sa aking silid at nasa iyo nang mga kamay.

          Nais kong mabatid mong wala akong ibang hinihiling kung hindi ang kasiyahan mo lamang. At kung saan nagagalak ang iyong puso ay narito ako upang maging masaya para sa iyo at ipagdarasal ang kabutihan ng lahat para sa iyo.

Nagmamahal,

Maria Graciana Kristina Del Veriel


          Ilang pagpigil ng paghinga at pagkunot ng noo ang aking nagawa matapos kong mabasa ang liham. Hindi ko alam kung paano ko ipapasok sa aking isipan o tanggapin ang sulat na ito. Hindi dahil sa pagseselos na si Agustin pala ang iniibig ni Kritina ngunit dahil ngayon ko lamang napagtanto ang tungkol sa bagay na iyon. Oo, tama. Hindi pala imposibleng magkagusto si Kristina kay Agustin kung kaya naman bakit napahina ko naman upang hindi maisip ang bagay na iyon. sa buong panahong ito, ang lalaking hinahanap ko ay nasa harap ko lamang pala. Ang lalaking iniibig ng babaeng bibigyan ko ng katauhan ang siyang iniibig ko rin at ang kasintahan ko. Akalain mo iyon, Chestinell. Dalawang kahilingan pala ni Kristina ang itinupad mo. Ang hindi siya mamatay sa araw na iyon at ibigin siya pabalik ng lalaking kaniyang minamahal. Nang maisip ko ang bagay na iyon ay nakaramdam ako ng pagbigat sa aking puso.

           Ngunit, napakagaling naman ng lahat, magkakaugnay lamang sa isa't isa. Hindi ko lamang maintindihan kung bakit narito pa ito sa silid niya at nakatago pa. Ibig sabihin ba niyon ay hindi niya naibigay ang liham na ito? Mukhang iyon nga talaga rin ang nangyari sapagkat sa mga naunang liham niya na aking nabasa dati ay puno lamang ng panghihinayang, kalungkutan, at pagtangkang paglimot ang mga iyon tungkol sa lalaking iniibig niya. Tila wala nga at hindi siya naglakas ng loob upang ibigay ito kay Agustin. Tiyak akong kapag ginawa niya ang bagay na iyon ay magbabago ang lahat kabilang na rin ang hindi ko pagpunta sa kapanahunang ito.

          Naisip ko tuloy si Agustin. Ano kaya ang nararamdaman niya para kay Kristina? Sabi pa naman niya dati ay mahalaga na si Kristina bago ko pa siya nakita noong araw na iyon. Marahil ay mahal niya ang isa't isa hindi lang nila alam na iyon pala. Wala sa sarili kong inihulog ang aking kamay sa aking gilid at itinumba ang sarili sa higaan. Hindi ko naman kasi alam kung ano ang mararamdaman ko. Matutuwa ba ako o malulungkot. Hay ewan.


⋅─────────⊱༺ ·𖥸· ♡⁠ ·𖥸·༻⊰─────────⋅

          "Isay, halika na."

          Kalalabas lang ni Isay mula sa bihisan nang lingunin ko siya. Kaagad naman siyang ngumiti kasabay ng kaniyang pagtango.

          "Naku, ang senyorita hindi na makapaghintay sa kanilang pamamasyal kasama ang kasintahan," nakangisi pa na aniya.

          Hindi ko tuloy maitago ang ngiti sa aking mukha nang sabihin niya iyon. Umiling na lang ako at umirap upang kahit papaano ay hindi naman masyadong halata na nasasabik na akong makitang muli si Agustin.

          "Hali na kayo, Senyorita. Tiyak akong nangangati na iyang mga paa mo na umalis dito sa mansiyon."

          Kaagad na lang akong kumapit kay Isay at pareho kaming nakangiting lumabas ng silid. Nakasalubong naman namin si Ina sa may azotea kaya nagpaalam na rin kami.

          "Mag-iingat kayo roon at alagaan niyo ang isa't isa," bilin niya.

            Hindi na kami nagtagal at nagpunta na kami sa bayan. Dumiretso na kami sa bahay nina Agustin. Doon kasi ang sabi niyang puntahan ko. Pagdating namin doon ay nakita ko si Franceska na nakaupo sa kanilang hardin sa tapat ng mansiyon. Nang mapansin niya ang aming pagdating ay kaagad siyang tumayo at nakangiti kaming sinalubong.

          "Binibining Martina!" nasasabik niya pang turan at ako ay biglang binalot ng kaniyang mga braso. Napatigil tuloy ako na hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Sinulyapan ko naman si Isay na nakatingin sa aming dalawa habang nakangiti.

          Niyakap ko pabalik si Franceska habang malapad ang ngiti sa aking mga labi. Bumitaw naman siya at napatingin sa akin. Hindi mawala sa kaniyang mukha ang kaniyang matatamis na mga ngiti.

          "Binibining Martina, masaya akong makita ka. Ayon kay Agustino ay ika'y dadalaw kung kaya naman ay hinintay kita rito sa labas. Nais ko sana na makipagkwentuhan sa iyo kaya lang sabi niya ay mayroon kayong lakad." Ngumuso naman siya pagkatapos niyang sabihin iyon.

           Bahagya akong natawa sa kaniyang inasal at pagkuwa'y tumango bilang pagsang-ayon sa kaniyang sinabi. "Martina na lamang ang itawag mo sa akin. Saka oo eh, aalis kami ni Agustin."

          Habang nakatingin sa kaniya ay hindi pa rin maalis ang mga ngiti ko, lalo na ang saya sa aking puso. Hindi ko naman kasi masyadong inisip at inasahan na may taong ganito ang magiging pagtauli nang makita ako. Nakatutuwa lang.

          "Huwag ka na lang kaya sumama kay Agustino. Dito ka na lang sa akin sumama, nais ko naman kasi na mag-usap tayo. Ang daming kong nais na sabihin sa iyo."

           "Sinasabi ko na nga ba."

          Sabay kaming napatingin sa likuran ni Franceska nang marinig ang boses ni Agustin. Galing siya sa kanilang mansiyon at nakasuot ng kulay cremang damit at nakaayos pa ang kaniyang buhok at may kasing kulay ng kaniyang damit na sumbrero ang nakapatong sa kaniyang ulo. Naroon man ang bahagyang pang-iismid niyang mukha sa kaniyang kapatid ay hindi pa rin maitago ang kaniyang kakisigan. Tila nga ba'y kumislap siya sa aming harapan. Napakakisig niya!

          "Kung ano-ano na lamang ang iyong sinasabi sa aking kasintahan, Franceska. Hayan pa't balak mo pang pigilan ang aming lakad," nakangiwing paninipat ni Agustin sa kaniyang kambal.

          Nang marinig ko nga ang salitang kasintahan mula sa kaniyang bibig ay nais ko nang mahimatay dahil sa labis na tuwa na aking nararamdaman. Nagiging haleya na nga ang aking mga tuhod at nais ko nang tumili.

          '..aking kasintahan..." Ah, pechay! Pakiulit nga po, pakiusap!

          "Ipinagdaramot mo na sa akin si Martina ah," nguso ni Franceska. "Nais ko lamang makasama ang aking hipag."

           Masyado namang napakaaga upang matawag ako ng ganiyan, Franceska.

          "Oo, maaari naman iyon. Ngunit, huwag naman ngayon sapagkat alam mo namang kami ay lakad."

          "Oo na, oo na. Kayo na ay lumayas na sa aking harapan at baka hindi ko pa papaalisin iyang si Martina," pagtataboy niya kay Agustin habang nakangisi naman sa akin.

           Natawa naman si Agustin kaya ginulo niya ang buhok ng kaniyang kapatid. Sinapak naman siya nito kay natawa na lang din ako habang nakatingin sa kanila. Parang sina kuya lang din sa akin. Laging makukulit pero maalaga rin naman sila.

          "Halika na, mahal kong kasintahan, mayroon nang nagpapalayas sa atin," nakailing na wika ni Agustin saka bumaling sa akin.

           "Aalis na kami, Binibining Franceska. Sa susunod na lamang tayo mag-usap. Susulatan kita," nakangiti kong wika at niyakap siya nang yakapin na naman niya ako.

          "Nais ko iyan, Martina," aniya pagkuwa'y bumitaw na. "Mag-iingat kayo."

          Hindi na kami nagtagal doon at nagpunta na kami sa may burol sa harapan ng mansiyon ng mga Atravencio. Malawak doon ang damuhan at may mga puno ring maaaring pagsilungan mula sa init. Maaliwas, mahangin, at mapayapa roon at gaya ng tinambayan namin dati ay tanaw rin ang dagat sa harap ng San Luisiano.

          Inilatag na ni Agustin ang kaniyang dalang kumot at inilagay doon ang buslo na may lamang mga pagkain. Tinulungan naman niya akong umupo sa kabilang dulo habang siya naman ay sa aking tapat at nasa gitna namin ang mga pagkain. Pawang nakatingin kami sa dagat na nasa aming tapat. Ilang sandali ang lumipas bago ako tumingin sa kaniya ng may ngiti sa aking mga labi.

           Pilit kong sinasaulo ang lahat ng kaniyang katangian at porma ng kaniyang makisig na mukha rito sa aking isipan. Nais kong tumatak iyon doon pati na rin sa aking puso dahil kapag dumating na ang araw na hindi ko na muli pang masisilayan ang kaniyang mukha at makikita ag kaniyang mga ngiti ay nasa aking isipan na ang mga iyon. Nakabaon na sa aking mga alaala.

           "Bakit ganiyan na lamang ang iyong mga tingin? Masyado ba akong hindi kapani-paniwalang nasa iyong harapan?" natatawa niyang wika saka bumaling sa akin habang nakangisi.

          Marahan akong tumawa at umiling dahil sa kaniyang sinabi. "Wala. Naalala ko lamang ang iyong sinabi sa akin dati?"

          "Marami akong mga binitawang salita, Martina," nakakunot ang noo niyang tumugon. "Alin doon?"

           "Ang sabi mo kasi sa akin noong tayo ay nasa lugar kung saan ikaw ay muntik nang nakawan ng mga masasamang-loob ay ako'y matagal mo nang iniibig. Bago pa tayo magkatagpo noong araw na iyo ay matagal na akong pinahahalagahan ng iyong puso."

          Sa tuwing naiisip ko iyon ay hindi ko maiwasang bahagyang maging malungkot. Naiisip ko kasing dahil nga ganoon ay hindi pala ako bilang Chestinell ang inibig niya kung hindi si Kristina. Si Kristina ang tunay niyang minamahal at hindi ako. Dahil bago ang araw na iyon ay nagkita na sila ni Kristina. At kagaya rin ng sa sulat ni Kristina, noong 1996 pa sila unang nagkita kung kaya naman sa loob ng mga taong wala pa ako ay iniibig na nga nila ang isa't isa na hindi alam ng bawat isa. At ako, sumabit lang ako at nakisakay sa kanilang pag-iibigan.

          "Ah, iyon ba?" Napatingala naman siya sa kalangitan at isang marahang ngiti ang kaniyang pinakawalan. "Bago pa man mangyari ang bagay na iyon, kilala na kita. Mas lalo pang lumalim ang aking nais na kilalanin ka sapagkat kapatid ka pala ng aking mga kaibigan. Hinahangaan kita, Martina, ngunit hindi ko iyon matatawag na labis na pag-ibig."

          Naroon ang pangungunot ng aking noo nang marinig iyon. "Anong ibig mong sabihin?"

           "Noon, ako'y hindi pa tiyak sa aking nararamdaman sapagkat isang dahilan na roon ay hindi pa kita nakakausap at nakilala ng husto. Ngunit, noong sandaling sinuong mo ang panganib upang iligtas ako sa mga taong iyon, napagtanto kong ikaw na nga ang binibining iibigin ko sa aking buong buhay. Hindi pa ako nakatagpo ng isang katulad mong kayang itakwil ang kaligtasan ng sarili alang-alang sa ibang tao. Nang sandaling iyon, naniwala akong napakabuti nga ng iyong puso."

          "Ibig mong sabihin, ang binibining nakilala mo noong araw na iyon ang siyang iniibig mo?"

          Bumaling naman siya sa akin na hindi natatanggal ang kaniyang mga ngiti. "Ang binibining iyon ang nagbukas sa aking puso at isipan na siya ang binibining gagawin ko ang lahat upang maging akin sapagkat hindi ko kakayaning wala siya sa aking buhay. Noong sandaling iyon, napakabilis ng tibok ng aking puso dahil sa galak. Labis kong iniibig ang binibining Martina na aking nakilala at nakasama na nagkaroon ng maraming alaala."

           Hindi ko na napigilan pang lumapad ang aking mga ngiti na naging dahilan ng pagsakit ng aking pisngi. Ibig sabihin, ako ang Martina na kaniyang minahal at hindi ang tunay na Martina. Oo, nagkaroon siya ng pagtingin kay Kristina pero ako ang minahal niya. Ah, pechay! Kinikilig ako, goodness!

          Napatitig ako sa kaniya bago ko binitawan ang mga salitang nagpakirot sa aking puso sa tuwing iniisip ko ang mga iyon. "Lagi mong tatandaan, Agustin, kahit ano man ang mangyari narito ka lamang sa aking puso. Iniibig kita ng lubusan, Agustin. At hinding-hindi magbabago iyon, kahit pa magbago ang mga taon at lumipas ang mahabang panahon."

          Pakiusap, wag niyo pong gawing masakit ang pamamaalam ko kay Agustin kapag uuwi na ako.

          Umusog naman si Agustin at yumuko patungo sa'kin. Umayos naman ako ng pag-upo upang yakapin siya nang pareho kaming napatigil dalawa nang marinig ang malakas na pag-ubo ni Isay ilang metro ang layo mula sa amin.

          "Napakakati ng aking lalamunan," aniya habang nakatingin sa malayo at tumitikhim ng paulit-ulit. "Kailangan ko yata ng tubig, ang kati talaga."

Sabay na lamang kaming natawa ni Agustin habang ako ay umiiling, nakatitiyak na hindi ang pangangati ng lalamunan ni Isaya ng tunay na dahilan.

          "Nais na sana kitang yakapin ngunit baka ako pa'y mabato ni Isay," aniya sabay tawa. "Ngunit, lagi mo ring tatandaang narito ka lang palagi sa aking puso't isipan. Mahal na mahal kita, Martina, higit pa sa aking buhay. Gagawin ko ang lahat para sa iyo."

           At ayon na naman, wala akong mahanap na salita upang bigkasin dahil ang say alamang ng akin gpuso ag siyang tanging nangingibabaw. Nanatili lamang akong nakatitig sa kaniya habang nakangiti. Paano ko kakayaning saktan ang taong ito?

           "Ay naku po. Ang daming langgam!"

           Sabay kaming napalingon kay Isay n abiglang napahiyaw na ngayon ay pinapagpagan ang sarili dahil sa umano'y langgam. Natawa na lamang si Agustin at napakamot sa kaniyang kilay.

           "Ang dami talagang alam nitong si Isay eh," usal ko at sinabayan siya sa pagtawa.

           "Batid kong labis mong nais ang biko kung kaya naman ay tiniyak kong magdala nito," wika niya pa habang inabot sa akin ang isang platito niyon.

          Malapad ang aking mga ngiti habang tinanggap iyon kasabay ng marahas kong pagtango. Gustong-gusto kong kumain nito, lalo na ngayong masayang-masaya ako. Hay, biko, labis kitang minamahal. Ngunit, mas mahal ko naman si Agustin.


⋅─────────⊱༺ ·𖥸· ♡⁠ ·𖥸·༻⊰─────────⋅

            "Martina, handa ka na ba? Aalis na tayo!"

            Mula sa pinto ng aking silid ay narinig ko ang sigaw ni kuya Lucio mula sa sala mayor. Napailing na lang ako kasabay ng tuluyan kong pagsara niyon at naglakad na pababa. Inayos ko ang suot kong kayumangging baro't saya ko na sabi ni kuya Lucio ang susuotin ko upang hindi raw magkadumi ng halata at hindi gaanong mahalaga kapag nasira. Hindi ko naman alam kung ano ang nais niyang sabihin o kung saan kami pupunta dahil ang sabi niya ay may lakad kaming apat.

            Nadatnan ko sila sa baba na pawang nakaitim na pantalon, iyong ginagamit nila kapag nasa hacienda tumutulong na kahalintulad ng sa mga magsasaka roon. Kayumangging braso de chino naman ang kanilang pantaas na nakatupi sa may siko at nakasabit sa kanilang leeg ang kanilang mga sombrero sa rancho. Napaangat tuloy ang aking kilay dahil sa kanilang mga suot.

           "Saan tayo paroroon?" kaagad kong tanong.

          Napailing naman si kuya Marco at mabilis na lumapit sa'kin kasabay ng pag-akbay niya. "Huwag nang maraming tanong, Martina. Halika na't maganda ang panahon ngayon, hindi tirik ang araw at mahangin din."

           Hinatak niya ako kaya wala na akong nagawa kung hindi ang sumabay sa kaniya sa paglalakad. Napalingon naman ako kina kuya Lucio at kuya Lucas na nakangiti lang na nakatingin sa amin. Tinaasan ko sila ng kilay pero ang tanging ginawa lamang nila ay tumango sabay kindat ng kanilang mga kilay.

          Nakalabas at nakababa na kami ng mansiyon at doon sa baba ng hagdan ay may apat na kabayong kasama ng dalawang tauhan ni ama. Napaawang ang bibig ko habang nakatingin sa apat na hayop. May isang puti, isang makulimlim na pula na may iilang kulay ng puti sa kaniyang katawan, may makulimlim na kayumanggi, at isang kulay abo.

          "Sandali...sandali lamang. Gagawin ba nating ang kung anong nasa isipan ko?" may pagduda at halong pananabik na tanong ko.

          "Tama ka riyan, Martina," nakangiting tugon ni kuya Lucas habang nakangiti sa akin at hinahaplos ang sa tingin ko'y kaniyang kabayo, ang kulay abo. "Hindi ba't sinabi mong nais mong mangabayo? Matagal-tagal na rin mula noong tayo ay nangabayo."

         Napatili naman ako at kaagad na niyakap si kuya Lucio, kaagad na sumunod kay kuya Marco na nakita ko pang nagdugtong ang mga kilay, at si kuya Lucas na nakabukas ang mga braso at hinihintay ang kaniyang pagkakataon na ako'y yakapin.

          "Hala! Matagal ko nang gustong gawin ito, mga kuya. Naku naman, nasasabik na talaga ako," patalon-talon ko pa habang nakangiti sa kanilang tatlo.

          "Sinungaling," ngiwi ni kuya Marco habang sumasakay sa kayumangging kabayo. "Nasasabik daw, puro naman salita. Kailan ka ba sasakay riyan? Tatakbo na ang kabayo mo hindi ka pa sakay."

           Nagtawanan naman ang tatlo kaya napakamot na lang ako sa aking batok. Oo nga naman. Hindi ko lang kasi talaga maitago ang pananabik at tuwa ko. Matagal na rin mula noong ako'y nakasakay ng kabayo. May binisita kaming farm kasama sina papa dati kaya nakasubok na ako magpatakbo.

            Tumango naman si kuya Lucio at pinalapit na ako sa kaniya na katabi ng puting kabayo. Woah, talaga? Puti ang kabayo ni Kristina?

           "Halika, Martina. Tulungan na kita," aniya pa.

           Naroon pa rin ang panlalaki at paghanga ko sa mga nangyayari habang naglalakad ako papalapit sa kaniya. Sumakay naman si kuya Lucas sa kaniyang kabayo. Nakangisi akong humawak kay kuya Lucio at kaagad na isinakay ang sarili. Mahina kong tinapik ang kabayo habang hindi mapigilan ang mga ngiti. Nasasabik na talaga ako!

          Kaagad naman na sumakay si kuya Lucio sa kaniyang kabayo, ang makulimlim na pula. Mas lalo tuloy akong napangiti habang nakatingin sa aming apat. Kung sana lang ay makukunan ko ng litrato ang sandaling ito, napakaganda lang. Mas maganda pa iyon lalo na't nag-uusap at nagtatawanan ang tatlo sa hindi ko na marinig na paksa.

          "O ano, dating gawi?" biglang tanong ni kuya Lucio kaya mabilis na nawala ang mga ngiti ko at pumalit ang pangungunot ng aking noo.

          "Oo naman. Iyon naman talaga ang ating gagawin ngayon," tugon ni kuya Lucas.

          "Aba, syempre! Matagal kong pinaghandaan ang araw na ito," sabi pa ni kuya Marco.

          "Teka...teka, sandali lamang." Hindi ko na mapigilan ang sarili kong sumingit. "Anong...anong ibig niyong sabihin sa dating gawi?"

          Napangisi naman si kuya Marco, "Nakalimutan mo na yata. Lagi ka namang nauuna roon ah."

           "Saan?" taas-kilay kong wika.

            "Ganiyan talaga, Marco, kapag laging nananalo, nagmamaang-maangan," natatawang wika ni kuya Lucio. "Martina, ang karera nating patungo sa dulo ng kagubatan ng walang hanggan," pagpapaalala niya sa akin sa bagay na gawain nila kasama ang tunay na Martina.

            Napatitig tuloy ako sa kanila. Tama nga ako, alam nila ang tungkol sa kagubatan ng walang hanggan. Syempre, nauna sila sa akin dito eh. Pero, may dulo ang kagubatang iyon?

           "Ah, akala ko kung ano —,"

           "Hali na kayo!"

          Hindi ko na natapos ang nais kong sabihin nang sumigaw na si kuya Lucas at kaagad na nilang pinatakbo ang kani-kanilang mga kabayo habang nag-uunahan. Ako naman ay napatulala pa ng ilang segundo bago ko pinatakbo ang akin. mabilis naman na nakausad ang sinasakyan kong kabayo na humahabol sa kaniyang mga kasama. Mas lalo ko pang binilisan nang malapit na silang makalabas ng Casa de Del Veriel.

            "Sandali! Ang daya niyo ah! Hindi man lang ako sinabihang magsisimula na pala!" sigaw ko sa kanila na halos magkakatabi nang tumatakbo.

           Hindi naman sila tumugon at sa halip ay tinawanan lamang ako. Nauna namang nakalabas si kuya Marco na sinundan ni kuya Lucas. Kaagad naman na nakasunod si kuya Lucio at syempre nahuli ako. Patungo na kaming timog, at malawak na ang daan kaya mas lalo ko pang binilisan ang sa akin. Ang bibilis nila magpatakbo na tila ba'y sumasali sa karera at may malaking papremyo. Halos hindi ko na nga makita ang daan dahil sa alikabok na nagsiliparan dahil sa kanilang mga takbo.

           "Tabi, tabi! Dadaan ang prinsesa!" hiyaw ko nang malampasan ko silang tatlo.

          Kaagad akong lumiko sa daanan na minsan ko na ring dinadaanan kapag nagpupunta ako sa kagubatan. Ang gilid ng bahay ng mga Varteliego. Habang nakasakay sa kabayo ay hindi ko napigilang mapalingon doon. Kumpara dati ay tahimik na ito ngayon at masasabing wala na talagang nakatira roon sapagkat matataas na ang mga damong tumutubo sa kanilang hardin sa harap. May mga sirang bagay pang nakabalandra lamang sa lupa. Hindi rin nakabukas ang mga bintana at pintuan.

          Kahit masaya ako sa sandaling ito ay may umapaw pa ring kalungkutan sa puso ko habang nakatingin doon. Minsan ko ring naging pangalawang tahanan ang mansiyon na iyan at marami rin akong alaalang nabuo sa loob niyan. Mga alaalang hindi ko na madadagdagan pa.

          "Bumabagal ka na, Martina!"

           Narinig ko naman ang sigaw ni kuya Lucio sa aking tabi at sa isang iglap ay nauna na siya sa akin. Natawa naman ako at napairap. Oo nga pala, may karera pa palang nangyayari.

          Papasok na kami ng kagubatan nang bigla akong maunahan ng dalawa na sabay pang nagpatakbo palayo sa akin. Nagtawanan pa sila habang ginagawa ang lahat upang mauna kay kuya Lucio.

          "Bilisan mo riyan, Martina. Hindi na ikaw iyan!" sigaw pa ni kuya Marco.

           Ngumuso ako at mas lalo ko pang binilisan ang pagpapatakbo ko. Pasensya naman, Kristina. Hindi naman ako kasing galing mo sa bagay na ito eh. Mas sanay magpatakbo ang mga ito sapagkat madalas silang mangabayo, lalo na si kuya Lucio na nasa hacienda.

           Habang nakatingin sa kanila na ilang metro ang pagitan namin ay malapad ang aking mga ngiti. Dama ko pa ang malamig na hangin sa kagubatan pati ang lakas ng tibok ng puso ko dahil sa pananabik. Kasama ko na naman sina kuya na nagsasaya, isang ginintuang alaala. Nakapasaya ko talagang magkaroon ng pagkakataong maging kapatid sila. Kahit pa ang nais ng paligid ay mag-away sila't magpataasan ay hindi makikita iyon. Masaya silang kasama ang isa't isa at magkasundong-magkasundo talaga. Kaya ang taas talaga ng tingin ko kay ina na nagawang palakihin ng ganito sina kuya.

            "Bilisan mo naman, Martina!"

           Kasasabi pa lamang ni kuya Marco ay magkakatabi na kaming apat. Mabilis silang napalingon sa aking nang mapansin nila ako sa kanilang tabi. Natawa tuloy ako dahil kaagad silang napayuko upang bilisan pa ang takbo nila.

            "Natatakot naman kayo kaagad kapag tinatabihan ko kayo eh," pagbibiro ko.

            "Naku, ikaw yata itong natatakot, Martina," umiiling pang sabi ni kuya Lucio.

            Tinawanan ko na lang sila at itinuon ang pansin sa pagpapatakbo upang mauna na ako. Napakunot tuloy ang aking noo nang maalala kong hindi ko pala alam kung saan ang dulo nito. Saan nga ba?

           "Adios, mi amigos!"

          Nagtawanan ang tatlo nang sabay nilang sabihin iyon pagkat akala nila'y mas mauuna pa sila sa isa't isa ngunit nagkasabay pa rin naman pala. Ako lang ang iniwan nila. Nakakahiya naman ito sa reputasyon ni Kristina. Umiling na lang ako at inihanda ang sarili upang mas bilisan ang takbo.

          Unti-unting bumagal ang pagpapatakbo ko nang makita ko ang pamilyar na lugar sa hindi kalayuan. Habang nakatingin doon ay unti-unti ring bumabalik ang mga alaala ko sa lugar na iyon. Dahan-dahan ko na lang na pinalakad ang kabayo habang tinatanaw sina kuya na malayo na at naghahagalpakan ng tawa. Kagyat akong napatingin sa lagusan na lagi kong dinadaanan dati. Isang malalim na paghinga ang ginawa ko bago ko pinaliko ang kabayo at pumasok kami roon.

          Bukod sa nagtataasang mga damo ay wala namang pinagbago ang lugar. Ganoon pa rin katulad ng itsura nito na aking nakasanayan sa tuwing nagpupunta ako rito. Hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ko. Saya ba o kalungkutan. Ang dami kong alaalang nagawa sa lugar na ito na kahit pa paulit-ulit na akong bumibisita rito bago ang araw na ito ay tila ba'y napakapresko pa ng lahat. Hindi ko alam. Parang kahapon lamang nangyari ang mga bagay-bagay ngunit parang matagal na panahon na rin ang lumipas.

           Kaagad kong bumaba sa kabayo at sabay kaming naglakad papunta sa puno ng balite, patungo sa dulo ng bangin. Isang malalim na paghinga ang ginawa ko. Hindi dahil sa bigat ng nararamdaman kung hindi dahil sa saya habang nakatingin sa buong lugar. Sa tuwing naririto talaga ako ay nawawala ang lahat ng mga problema at pangambang iniisip ko.

          Habang papalapit ako sa bangin ay mas lalo pang lumalakas ang tunog ng bulusok ng tubig mula sa talon. Iniwan ko sa may tabi ng puno ang kabayo habang nakangiting naglakad papunta sa dulo ng bangin. Gusto ko tuloy matulog dito ngayon. Napakatahimik at maaliwalas.

            Hindi ko tuloy maiwasang maisip si Joaquin, ang taong minsan ko ring nakasama rito. Kumusta na kaya siya? Sila ng kaniyang may-bahay. Hindi ko man lang kasi siya nakausap noong nagpunta ako roon. Pero para na rin iyon sa ikabubuti ng lahat. Dahil din sa mga nangyari at sa kaniya ay marami akong mga bagay na napagtanto. Kaya kahit papaano ay nagpapasalamat pa rin ako sa kaniya. At wala akong ibang hinihiling kung hindi ang kasiyahan niya.

            Muli akong huminga ng malalim bago tumalikod upang umalis na roon pagkatapos ng ilang sandaling katahimikan at pagmamasid sa magandang tanawin sa aking harapan. Alam kong hinahanap na ako nina kuya at baka nga ay nakarating na sila sa dulo. Tiyak din akong mag-aalala ang mga iyon kapag napansin nilang hindi na ako nakasunod. Baka magalit na naman sila at hindi na ako isasama sa mga gala.

           Mabilis pa sa alas cuatro ang paglingon ko sa aking kaliwa nang mapansin ko sa aking gilid na may kung anong itim na nakatayo ilang metro ang pagitan namin. Hindi ko maipaliwanag ang bilis ng tibok ng puso ko dahil sa nakita. Nanginig pa ang aking mga tuhod at nagsitayuan ang balahibo sa aking batok. Tila na nga'y lalabas na sa aking katawan ang aking puso sa labis na pagkagulat.

          Isang tao ang nakatayo sa aking tapat na nakatingin sa akin. May kung anong bahid ng gulat, lungkot, at saya ang nakatatak sa kaniyang mga mata. Hindi siya nagsalita o gumalaw man lang. Habang nakatitig sa kaniya pabalik ay ang daming mga salitang hindi ko maintindihan ang nagsisulputan sa aking isipan.

          Kanina'y... ngunit... bakit...

           "Joaquin?!" 





Sa Taong 1890

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro