Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 72

|Kabanata 72|


            "Magandang umaga sa inyong lahat," masigla kong bati nang makarating ako sa kainan.

            "Magandang umaga, Martina," pagbalik na bati nina kuya. Napangiti naman ako nang marinig ko ang tugon ni Ama.

            "Magandang umaga, Kristina," aniya pa na may bahagyang ngiti sa kaniyang labi.

             Lahat ay napatingin sa kaniya sapagkat tiyak akong hindi inasahan ng lahat na sumagot siya sa akin. Napangiti ako lalo at nilapitan siya sabay yakap pagilid.

            "Magandang umaga po, Ama. Sana'y maayos lamang ang iyong tulog."

            "Maayos naman ang aking tulog," aniya sabay bitaw sa yakap. "Umupo ka na at tayo ay kakain na. Mayroon din tayong panauhin ngayong umaga."

            Napatingin naman ako sa paligid nang sabihin niya iyon. Doon ko napansing naroon pala si Antonio nakaupo sa upuan ni kuya Marco at si kuya Marco ay nakaupo na sa tabi ng aking upuan. Kaagad ko naman nginitian si Antonio na nakatingin sa akin.

          "Magandang umaga, Ginoong Antonio. Hindi ko naman inasahan na ngayong umaga ka dadalaw," wika ko at naglakad na papunta sa aking upuan.

          "Magandang umaga rin sa iyo, Binibini," tugon niya. "Ako ay dumalaw na at baka mawalan pa ako ng pagkakataon na gawin iyon habang narito pa ako sa bayan."

           "Bueno, magdasal muna tayo bago mag-usap habang kumakain. Sa aking palagay ay magandang tayo ay nagkukumustahan dito."

           Lahat ay napatingin kay ama nang magsalita siya. Napatango naman sila at nagdasal na si Ina. Pinagmasdan ko tuloy ang buong paligid habang may ngiti sa labi. Nagugustuhan ko na ang nangyayari sa aming kainan. Sana ay hindi na ito mawala pang muli.

            "Amen," sabay-sabay na usal ng lahat at pagkuwa'y nagsikuha na sila ng mga pagkain.

            "Kumusta ang buhay may asawa, Ginoong Antonio?" biglang tanong ni kuya Marco.

          Napatingin naman ako kay Antonio na kasusubo lang ng kanin. Napangiti si Antonio pagkuwa'y uminom ng tubig.

         "Masaya, Ginoong Marco na nais ko na sanang ikaw rin ay pumasok doon."

           Natawa si kuya dahil sagot niya sabay iling, "Ano ka ba naman? Nagtatanong lamang ako at ako pa ay iyo nang idadamay. Wala pa nga akong pakakasalan."

           "Hindi rin naman paunahan iyon, Marco. Humanap ka na muna ng iyong pakakasalan," singit naman ni kuya Lucas.

            Umismid naman si kuya Marco, "Palibhasa may Guadalupe ka na."

           "Ilan na ba ang iyong supling, Ginoong Antonio?" tanong naman ni kuya Lucio.

           "Isa, lalaki. Ang kaniyang pangalan ay Alvaro. Pangalan ng kaniyang lolo," tugon ni Antonio.

           "Tiyak akong kasing kisig mo ang batang iyon," turan naman ni Ina sa aking tabi na ikinatawa ni Antonio.

           "Ay, maraming salamat po, Donya Florentina. Ako ay nakatitiyak din po riyan." Natawa naman ang lahat sa naging pahayag ni Antonio.

           "Ilang taon na ba siya?" Si ina.

           "Isang taong gulang na po."

             "Sana ay makita ko naman siya. Matagal-tagal na rin mula noong nakakita ako ng bata rito sa mansiyon."

             Dahil sa sinabi ni Ina ay napansin ko ang pagyuko ng tatlo at pag-ipit ng kanilang mga labi. Ito na ba? Naghahanap na ba si Ina ng apo?

            "Dadalaw po ako rito uli at isasama ko po sila."

            "Hihintayin ko ang araw na iyan, Ginoong Antonio." Malapad ang mga ngiti ni Ina habang winiwika iyon.

           "Ilang araw ka na ba rito, hijo?" biglang tanong ni Ama.

            Napangiti tuloy ako nang marinig na magsalita siya. Kung dati ay siya pa itong nagagalit kapag may nagsasalita tuwing kainan pero kanina ay siya pa mismo ang nagsabing magkumustahan daw habang kumakain.

            "Kararating ko lamang po kahapon at nakasalubong ko po ang binibini. Siya na rin ang umaya sa akin na dumalaw rito."

            "Matagal ko na rin na hindi nakikita ang iyong ama. Mabuti na lamang at ikaw ay naparito upang siya'y aking kumustahin."

           "Salamat po sa pangungumusta. Nasa mabuting kalagayan naman po siya, sila ni Ina. Pinagkakaabalahan pa rin ang taniman niya. Nais na nga rin po nilang makita si Alvaro ngunit sa susunod na lang din po na pagkakataon."

           "Ako'y iyong ikumusta sa kaniya. Sabihin mong magkape rin kami minsan."

           "Opo, Don Agaton. Makararating po iyan kay Ama."

           "Ano naman ang pinagkakaabalahan mo, Ginoong Antonio?" tanong naman ni kuya Lucas.

           "May nabili naman akong lupain sa tabi ng lupain na pagmamay-ari ng pamilya ng aking may-bahay kung kaya naman pinamamahalaan ko ang mga iyon. Iyon din ang pangunahing pinagkukunan namin ng salapi sa pang araw-araw na pangangailangan."

           Habang nakikinig sa kanila may kung anong hindi ko maipaliwanag na nararamdaman sa aking puso. Kung iisipin ko, ilang taon lang din ang agwat ko kina kuya pero para sa akin ang bigat na ng mga responsibilidad nila sa buhay. Mamahala ng ekta-ektaryang mga lupain at mga daan-daang mga tauhan na nagtatrabaho roon. Wow, ang gagaling. Matataas pa ang mga inaasahang maabot nila ng kanilang mga magulang sa kanila. At kung iisipin, murang edad pa lamang ay pinapasunod na sila ng kanilang mga magulang sa ganitong buhay. Tapos maaga pa silang nag-aasawa. Ang dami na nilang mga responsibilidad. Sa edad nga na ito ni Kristina ay inaasahan na mayroon ng isang supling o kaya naman ay nagdadalang-tao. Pero kung iisipin ko parang hindi ko pa kaya.

             Lihim na lang akong huminga ng malalim at umiling. Kung ano-ano na lamang ang iniisip ko. Napainom tuloy ako ng tubig dahil pakiramdam ko ay ano mang sandali ay mahihimatay ako. Hindi ko alam kung bakit. Mabuti na lang din at ginawa ko iyon dahil naramdaman kong tila ba'y gumaan ang aking kalagayan. Hindi na lang ako masyadong nakinig sa kanila na ang daming pinag-usapan. Itinuon ko na lang ang aking pansin sa pagkain.

            Hindi rin nagtagal ay sabay ang lahat na natapos sa agahan. Nauna nang umalis si Ama papunta sa kaniyang tanggapan. Naiwan naman sina kuya na nakikipag-usap kay Antonio. Matapos kong ubusin ang tsokolate ay tumayo na ako at naglakad palabas ng kainan.

          "Binibining Kristina? Maaari ba kitang makausap?"

          Napalingon naman ako nang marinig ang boses ni Antonio sa aking gilid. Bagaman nagsalubong ang aking mga kilay ay kaagad akong napatango.

          "Walang problema. Doon na lang tayo sa azotea."

          Tumango din naman siya at nagpaalam muna kina kuya na aalis muna. Naglakad na ako papunta sa azotea na kasunod naman siya. Nagpunta ako sa may bintana at nilingon siya na papalapit sa akin.

          "Ano ang nais mong sabihin?" kaagad kong tanong nang makarating siya sa aking tabi.

          Nginitian niya ako at humarap ng maayos. "Nais ko lang sanang magpasalamat sa iyo."

          "Pasalamat saan?" kunot-noo kong tanong.

           Napaharap naman siya sa labas at tumingin sa kawalan habang ako ay nakatitig pa rin sa kaniya. Hindi ko maintindihan kung ano ang ibig niyang sabihin. Ngunit tiyak naman akong si Kristina pa ang narito at gumawa sa kung ano mang pinagpapasalamat niya.

           "Nagpapasalamat ako sapagkat ikaw ay naging totoo sa kung ano man ang iyong tunay na nararamdaman para sa akin. At sa pamamagitan niyon ay natagpuan ko ang binibining nagmahal sa akin na hindi ko ipinilit ang nararamdaman ko. Kusa niya akong minahal, Binibining Kristina."

           "Masaya ako para sa iyo. Masayang-masaya ako," nakangiti kong wika. "Nais ko rin humingi ng paumanhin sa iyo. Nasaktan man kita dati o hindi ko man naibalik sa iyo ang pagmamahal na ibinigay mo, nais ko lang sabihin na hindi ko layunin na saktan ka."

           "Binibini, hindi mo na kailangan pa na humingi ng tawad. Lahat ng iyon ay ginawa kong aral at ipinagpapasalamat ko nga iyon sa iyo."

           "Huwag ka nga magpasalamat na sinaktan kita. Nahihiya ako sa iyo, ano ka ba?"

           "Kapag nagmahal ang isang tao nararapat naman na siya ay handa na masaktan. Inibig kita at naging handa ako sa maaari mong maging tauli niyon. Naging malinaw sa akin na hindi mo ako magugustuhan at kaya mo nga ako tinulungan kay Binibining Clara. Kaya lang, mahal kita at kaibigan lang ang turing ko sa kaniya."

          Natawa naman ako kaunti nang maalala ko ang sulat na ibinigay ni Clara kay Kristina. "Oo nga. Labis din ang galit ni Clara sa akin nang malaman niyang hindi mo siya kayang mahalin."

          "Tunay? Nasaan na pala si Binibining Clara ngayon? Pagkatapos ng nangyari sa bayan ay wala na ang naging balita sa kaniya."

         "Hindi ko rin alam kung nasaan siya. Ang alam ko ay humaharap siya sa kaniyang parusa ngayon."

         "Tama," aniya. "Kung anuman ang parusang kaniyang hinaharap ngayon ay dulot iyon ng kaniyang kasamaan."

         "Hindi ko nga akalaing magagawa niya ang bagay na iyon. Marahil ay labis lamang talaga ang kaniyang galit sa akin na kaya niyang gawin ang ganoong bagay."

          "Kahit na. Hindi pa rin iyon sapat na dahilan upang manakit ng isang tao, lalo na ipapaslang. Nakakikilabot naman ang kaniyang ugali. Mabuti na lamang at ikaw ay hindi napuruhan."

          "Hindi dapat," mapait akong ngumiti nang maalala ko ang aking misyon. "Kaya masaya rin akong hindi ako namatay noong araw na iyon sapagkat magkikita pa pala tayong muli at mababalitaan kong nasa mabuti ka ng mga kamay. Mahalin mo ang iyong may-bahay ha. Tiyak akong napakabuti niyang tao at may mala-gintong puso."

           "Mahal na mahal ko siya, Binibining Kristina. At tiyak akong magiging magkaibigan kayo kapag nagkita kayo sapagkat pareho kayong mababait."

           "Ano ka ba? Huwag mo na akong idamay. Hindi naman ako mabait, may mga ugali pa rin akong hindi magugustuhan ng mga tao."

            Umiling siya. "Ngunit, maraming salamat talaga, Binibining Kristina."

            "Walang anuman, Ginoong Antonio."

           Nagkwentuhan pa kami tungkol sa buhay niya at sa mga nangyari sa kanilang mag-asawa bago nagpaalam si Antonio. Masaya kong makilala siya at masaya rin ako sa takbo ng kaniyang buhay ngayon. Alam ko naman na nasaktan siya ni Kristina kaya walang masidlan ang ngiti ko nang malamang ikinasal na siya at may anak na rin. Nakatutuwa lang.

          Nagpunta naman ako sa likod-bahay upang hanapin ang mga bata. Hindi naman ako nabigo nang makita sila roon na nag-aaral kasama si Isay. Malapad ang aking mga ngiti habang nakatingin sa kanila. Hindi ko tuloy alam kung paano magpapaalam sa kanila. Nakita ko kanina pagkagising ko na halos magkakalahati na ang bumagsak na mga buhangin sa oras ng natitira kong panahon dito. Hindi ko talaga alam kung kailan iyon. At may patayan na naman. Lahat na lang patayan.

          "Senyorita!"

          Bumalik ako sa aking huwisyo nang marinig ko ang boses ni Benoy na tumawag sa akin. Isang ngiti ang pumaskil sa aking mga labi kasabay nang pagtalungko ko habang hinhintay siyang makalapit na tumatakbo papalapit sa akin. kaagad niya akong niyakap ng mahigpit na sinuklian ko rin.

          "Senyorita, masaya akong makita ka ngayon," aniya pagkuwa'y bumitaw sa yakap.

          "Masayang-masaya rin akong makita ka ngayon, Benoy," nakangiti kong tugon. "Halika, puntahan natin sila."

            Kinarga ko naman siya at naglakad kami papalapit sa kanila. Nakangiti pa silang lahat at tumigil pa sa kanilang pagsusulat. Umupo naman ako sa upuan na inialok ni Sandro habang nakakandong pa rin si Benoy.

           "Anong ginagawa ninyo?"

           "Nag-aaral po, Senyorita," tugon ni Doray. "Nagsusulat kami ngayon. Mamaya ay tuturuan na naman kami ni ate Isay na magbasa."

          "Nakatutuwa naman kayo. Tiyak akong marami na kayong natutunan, tama ba?"

          "Marami-rami na rin po, Senyorita. Maraming-maraming salamat po talaga sa pagtuturo niyo kay ate Isay na siya ring nagtuturo sa amin. Napakalaking-bagay po nito," wika naman ni Tinong kaya napangiti ako na may bahid din ng kalungkutan. Hindi ko alam kung bakit.

          "Karangalan ko ang turuan kayo, Tinong. Alam kong kakailanganin niyo ito paglaki ninyo. At ito lang ang kaya kong maihahabilin sa inyo, kaya turuan niyo rin ang iba na nangangailangan ha."

          "Opo, Senyorita. Kagaya ng pagturo ninyo sa amin ay gagawin rin namin."

          "Ano po ang ibig ninyong sabihin sa maihahabilin, Senyorita? Kayo po ba ay aalis?" biglang tanong ni Isko kaya lahat kami ay napatingin sa kaniya.

           Nginitian ko naman siya. Oo, Isko, at hindi ko alam kung kailan iyon.

           "Ang ibig kong sabihin ay iyan lamang ang kayamanan na maibibigay ko na hindi makukuha nino man. At nasaan man kayo o magkalayo man tayo magagamit niyo iyan."

            "Tama ang Senyorita, Isko," ani Isay. "At saka hindi naman aalis ang Senyorita. Narito lamang siya palagi. Baka ikaw nga itong aalis eh."

            "Hindi naman ako aalis. Andito lang ako upang alagaan at tulungan ang Senyorita."

           "Ako rin po, Senyorita. Hindi ako aalis. Dito lang din po ako," singit ni Benoy.

           "Ano ba kayo? Mga bata pa kayo at tiyak akong malayo ang inyong mararating. Huwag kayong manatili rito sa loob ng Casa Del Veriel. Lumabas kayo at magliwaliw kung saan. Abutin niyo rin ang mga pangarap ninyo. Matutuwa ako ng husto kapag ginawa niyo iyon."

          "Tama ang senyorita. Maaari pa nga na kayo ay magpunta sa ibang bansa. Balita ko ay magaganda roon. Tiyak akong magugustuhan niyo rin."

          "Oo nga. Kaya huwag niyong sabihin dito lamang kayo ha. Kailangan ko man ng tulong niyo ay mas kailangan niyong abutin ang mga pangarap niyo. Magiging maayos lamang ako rito kasama ang aking mga magulang at mga kapatid."

          "Kung ganoon po, gagawin po namin ang lahat maabot po namin ang aming mga pangarap at maipagmamalaki niyo po kami," masiglang wika ni Sandro.

          "Tama, ganiyan nga." Kinurot ko ang kaniyang pisngi at ginulo ko naman ang buhok ni Tinong. "Sige na, bumalik na kayo sa pagsusulat. Panonoorin ko at tuturuan ko na rin kayo."

           Ilang oras kaming nag-aral doon at pagkatapos niyon ay naglaro rin kami ng habol-habulan. Ang saya lang sa pakiramdam sapagkat medyo matagal-tagal na rin mula noong ako ay tumakbo na masaya at nakangiti. Sobrang gaan sa pakiramdam lalo pa't kasama ko ang mga bata. Habang hinahabol sila ay napaisip tuloy ako na ang saya maging bata. Iyong wala kang suliranin, wala kang iisipin, at nakadepende ka lamang sa mga tao sa iyong paligid. Na tila ba'y kasiyahan lamang ang iniisip mo. Masaya naman ako noong bata pa ako, masayang-masaya. Na hiniling ko nga minsan na sana hindi na lang ako lumaki, dahil mararanasan ko lamang ang lahat ng sakit na naramdaman ko.

            Ngunit ngayon, kung iisipin ko rin mas mainam na rin iyon upang maranasan ko rin ito at makilala ko ang lahat ng mga taong ito. Mga taong nagmahal sa akin at nagbigay halaga. Masayang-masaya talaga akong napunta ako rito. Kung sana lang ay madadagdagan pa ang aking panahon dito.


⋅─────────⊱༺ ·𖥸· ♡⁠ ·𖥸·༻⊰─────────⋅

          Sabado, Hunyo dalawapu't walo. Wala akong magawa sa buhay kaya natagpuan ko na lamang ang aking sarili na kumakatok na pinto ng despacho ni ama. Hindi kagaya ng dati ay wala na ang pagkabog ng aking dibdib sa tuwing nagpupunta ako rito. Sa mga araw na lumipas natutuwa talaga ako dahil lagi ko nang naririnig si ama na nagkukwento sa kainan at kasama ang tatlo na bumisita sa hacienda. Matagal na rin mula noong sila ay nagkabati ni ina at madalas din silang lumalabas at nagpupunta sa bayan. Nakatutuwa lang na masaksihan ang mga pagbabago rito sa mansiyon.

          "Pasok."

          Pinihit ko na ang busol at pumasok na sa despacho. Natagpuan ko si Ama na mayroong sinusulat kaya hindi siya nag-angat ng tingin sa akin. Tahimik ko na lang siyang pinagmasdan. Bagaman natatakot pa rin ako sa kaniya ay may kung ano mang kalma na awra na siya sa aking paningin.

          "Ilapag mo na lamang dito. Dumating na ba si Ernesto?" biglang tanong niya kaya napalinya ang aking mga labi.

          "Ako po ito, Ama," pag-amin ko kaya napatingin siya sa akin.

          "Kristina? Ano ang iyong ginaggawa rito?" tanong niya at bumalik na uli ang tingin sa kaniyang ginagawa.

          Humakbang naman ako ng tatlong beses. "Kasi...nais po sana kitang kausapin."

          "Tungkol saan ba iyon?"

          "Ano po ang sinusulat ninyo?"

          "Inihahanda ko na ang aking mga habilin."

          "Talaga po?" may bahid pa ng pagkasabik ang aking boses na kaagad din nawala nang napatingin siya sa akin. "Ah eh, hindi naman po sa pag-aano ngunit tila po ba'y napakaaga pa po niyan?"

          "Ito ba ang iyong nais na pag-usapan? Kung nais mong malaman ang tungkol sa laman nito, binigyan ko na kayong lahat ng pantay na bahagi ng aking mga ari-arian. Napag-isip isip ko rin naman na magkakapatid kayo at hindi makatarungan na ang panganay lamang ang magkakaroon ng mana."

           Bagaman hindi niya pinansin ang aking tanong ay naroon ang ngiti sa aking labi nang marinig siya. "Nakatutuwa po na malaman po iyan. Ngunit, hindi po iyan ang dahil kung bakit ako narito."

          "Ano ba iyon?" Ipinatong niya ang kaniyang mga siko sa mesa at pinaghawak ang mga kamay sa harap ng kaniyang mukha kasabay ng pagtitig niya ng seryoso sa akin.

          "Sandali po, bibigyan niyo rin po ako ng mana?" pag-klaro ko.

           Napailing naman siya at bumalik na sa dati niyang ayos kanina. "Sinasabi mong hindi tungkol dito ang iyong nais na pag-usapan ngunit ang iyong mga katanungan naman ay tungkol doon."

          Natawa naman ako sa kaniyang sinabi at napa-upo sa upuan na nasa harap ng kaniyang mesa.

          "Gusto ko lang naman po kasing linawin," wika ko. "Mamanahan niyo po talaga ako?" Tumango siya habang patuloy na nagsusulat. Napangiti naman ako pero kaagad din na ngumuso. "Huwag niyo na po akong bigyan ng mana, Ama."

         Nakita ko naman ang pagdugtong ng kaniyang mga kilay nang marinig ang aking sinabi. "Ano ang ibig mong sabihin?" naguguluhan na aniya at napatingin sa akin kasabay ng pigbitaw niya sa kaniyang pluma. "Dati lamang ay nais mong magkaroon kayong apat ng mana at ngayon ay iyo nang sasabihin na huwag ka na lamang bigyan."

          "Kasi...kasi po, ang ibig kong sabihin, baka kasi hindi ko lamang po iyan magagamit."

          "Nang dahil ba ang iyong mapapangasawa ay anak ng corregidor kung kaya't hindi mo na kailangan ang pamana ng iyong ama?"

            Nagdugtong naman ang aking kilay nang sabihin niya iyon at napatong ko pa ang aking mukha sa aking palad habang nakasandal sa mesa ni Ama at nakatingin sa malayo. Ilang segundo pa ang lumipas bago ko maintindihan ang nais niyang sabihin. Ang akala ko naman kasi ay ipinagkasundo na naman niya ako.

          Napangisi tuloy ako at hinampas ang hangin sa aking harapan sabay hagikhik. "Kayo naman po, Ama, napakamabiro po ninyo," tawa ko pa at napatingin sa kaniya. Nawala naman ang aking ngisi nang makita siyang tinaasan na ako ng kilay. "Ay, hindi naman po sa ganoon, Ama. Wala naman akong sinabi. Ikaw naman itong nagbukas nga sa paksang iyan," umiiling kong wika. "Ang nais ko lang naman pong sabihin na baka ay hindi ko magagamit iyan dahil, alam mo na, hindi naman natin alam ang takbo ng panahon. Kaya po mas mainam na ibigay niyo na lang po iyan sa tatlo o sa kung saan man na mas nangangailangan."

           Tinitigan naman niya ako kaya biglang kumabog ang dibdib ko. Lagot na, magagalit na naman ba siya sa akin?

         "Kristina."

         "Po?"

         "Sino ba ang ama rito?"

          "Kayo...kayo po."

         "Kung ganoon, ako ang masusunod dito."

          Nginisihan ko naman siya para kahit papaano ay hindi ako matadyakan palabas. "Sige po, ama. Salamat po sa mana."

         "Ngayon, ano ang iyong nais na sabihin?" muling pag-ungkat niya sa dahilan kung bakit ako narito.

          Kahit na nga ako ay nakalimutan ko na rin ang bagay na iyon. Mabuti na lamang at pinaalala niya. "Ah, nais ko lang po sana na magpasalamat." Dahil pa sa sinabi ko ay nagdugtong ang kaniyang mga kilay nang nakatingin sa akin.

           Napalingon naman kami sa gawi ng pinto nang marinig na bumukas iyon. Si Ina pala pumasok habang may dala na bandeha at may nakapatong na baso. Ito marahil ang tinutukoy ni ama kanina.

           "Kristina, anak," nakangiti na turan niya nang makita ako. "Ano ang iyong ginagawa rito? Mayroon ka bang kailangan sa iyon ama?"

            Lumapit siya sa amin kasabay ng paglapag niya sa baso sa harap ni ama. Nagpunta naman siya sa gilid ng mesa ni ama hawak-hawak ang bandeha habang tinignan kaming dalawa ni ama.

            "Opo. Nais ko lang po na magpasalamat sa inyo," ulit ko.

           "Pasalamat? Pasalamat saan?" naguguluhang usal ni Ina.

           "Sa lahat po." Ngumiti ako sa kanilang dalawa na nakatitig lang sa akin. "Sa pagpapalaki niyo sa akin, at sa pagbigay sa akin sa lahat ng kailangan ko. Hindi ko po lubos maisip kung ano ang buhay ko kung hindi kayo ang mga magulang ko. Kaya maraming salamat po talaga, Ina, Ama."

          Sa aking palagay ito ang tamang panahon upang sabihin ko sa kanila ang mga bagay na ito. Nakikita ko na nagiging masaya na ang aming pamilya kaya hindi na ako magsasayang pa ng oras. Alam kong anumang panahon ngayon ay maaari na akong bumalik sa 2020 at mawawala na nang tuluyan si Kristina sa kapanahunang ito. Baka mawalan na ako ng pagkakataon na sabihin sa kanila ang mga ito.

           "Humihingi rin po ako ng paumanhin dahil alam ko rin pong nasaktan ko kayo. Alam ko pong hindi ako naging mabuting anak sa inyo pero pinili niyo pa rin na bigyan ako ng magandang buhay at hindi niyo po ako pinabayaan."

          "Anak, hindi mo kailangan na magpasalamat. Ikaw ay aming anak kaya aming tungkulin na gawin ang mga iyon sa iyo – sa inyo," pag-iling ni Ina. "At may mga pagkakataon din nagkakamali kami kaya humihingi rin kami ng tawad."

          Dali-dali naman si ina na naglakad papalapit sa akin kasabay ng pagyakap niya sa akin. Kaagad ko naman iyon tinugunan at niyakap siya ng mahigpit.

           "Kristina," pagtawag ni ama sa aking atensiyon. Bahagya naman kaming napabitaw ni ina sa isa't isa at napabaling kay ama. Magkahawak na ang kaniyang mga kamay na nakapatong sa kaniyang sinusulat.

          "Alam kong labis mong ikinagalit ang nangyaring kasunduan sa pagitan ninyo ni Primitivo. Ginawa ko iyon alang-alang sa iyong kapakanan. Nais ko lamang na magkaroon ka ng magandang kinabukasan kapag nangyari iyon. At lahat ng iyon ay akala ko lamang. Hindi ko isinaalang-alang ang iyong nararamdaman at pakiwari sa bagay na iyon."

           Kaagad ko siyang nginitian at umiling. "Ayos lang po iyon. Alam ko po na ginawa niyo lang po iyon para sa kapakanan ko. Dahil din naman po doon ay nalaman natin kung anong klase ng mga tao ang nasa paligid natin."

           Bumuntong-hininga naman siya sabay tayo at tingin sa kaniyang malaking litrato na nakasabit sa kaniyang likuran. Doon sa malaking litratong iyon, na tiyak akong ipininta ng lalaking nagpinta rin sa amin dati, ay nakasuot siya sa kaniyang itim na amerikano at sa ilalim niyon ay puting polo na may mahabang manggas. Nakatayo siya at bahagyang nakaharap ang kaniyang katawan sa may bandang kaliwa niya habang nakatingin siya ng diretso sa harapan. Ilang sandali pa niya iyong tinitigan habang kami naman ni ina ay napatingin sa isa't isa dahil hindi namin alam kung ano ang ginagawa niya.

          "Malaking bagay nga talaga kapag ikaw ay nasa katungkulan. Hindi mo mababatid na may mga taong sasaksak pala sa iyo patalikod at minsan ay kaibigan mo lamang pala ang mga iyon," biglang wika ni ama kasabay ng paglingon niya sa akin. "Paumanhin, Martina, iyong buhay pa ang nakasalalay nang malaman ko kung ano ang kanilang tinatago. Hindi ko lubos akalain na magagawa iyon ng Dueña sa pag-uutos ni Miguel. Nakapopoot."

           Bakas sa boses ni ama ang galit at pagkamuhi sa mga taong gumawa niyon sa aming pamilya. Tila na nga ay nais niyang idura ang mga pangalan at pagkakakilanlan ng mga iyon. Hindi ko rin naman siya masisi dahil hindi niya lubos na akalaing magagawa iyon ng mga taong itinuring niyang kaibigan.

         "Ayos lamang po ako, Ama," paninigurado ko sa kaniya. "Ika nga nila may mga bagay talagang dapat na mangyari kahit pa labag iyon sa ating kalooban para lang malaman kung ano nga ba ang tunay nilang hangarin."

         Naglakad naman si ama papalapit sa amin at ikinalaki ng mga mata ko nang bigla niya akong yakapin. Nanigas pa ako sa kinatatayuan ko nang haplusin niya ang aking buhok. Masaya naman ako na nakikita ko na ang pagbabago ni ama pero hindi ko lang lubos maisip na yayakapin niya ako. Sobrang bago nito.

         "Paumanhin, Kristina," ulit niya pang humingi ng tawad.

         "Ayos...ayos lang po iyon, Ama. Ang mahalaga po ay naparusahan na sila at hindi na sila makagugulo sa atin."

          Hindi naman sumagot si ama at nakayakap pa rin sa akin. napangiti na lang ako at dinama ang sandaling iyon. Alam kong nais itong maranasan ni Kristina kaya nakalulungkot lang dahil wala na siya. Nilingon ko naman si Ina na nakangiting nakatingin sa amin kaya hinila ko naman sa para sumali sa pagyakap. Natawa naman kaming dalawa ni Ina ang yakapin kami ni Ama. Natigil lamang iyon nang marinig namin ang katok sa pinto kaya napasilip kami mula sa balikat ni ama. Bumukas ang pinto at pumasok si kuya Marco na magkarugtong pa ang kilay nang makita kami.

         "Nasa sala mayor na po ang abogado na inyong inanyayahan, Ama," pagpapaalam niya pa. "Anong nangyayari rito?" naguguluhan na aniya na nakatingin sa akin.

          Nakangisi naman akong sinenyasan siyang lumapit, "Halika, kuya, bilis!"

          Kahit naguguluhan man ay kaagad siyang napalakad-takbo at nang makalapit sa amin ay hinila ko na para masali sa amin. Sabay naman kaming nagtawanan at mahigpit na niyakap ang isa't isa.

          "Nakatutuwa naman ito," komento ni Ina bago bumitaw sa yakap.

          "S'ya pupuntahan ko na si Ernesto," turan naman ni Ama kaya bumitaw na kaming lahat. Tumango pa ako habang nakangiti kay ama. Nilingon ko naman si kuya at nginisihan siya kasabay ng pagyakap ko sa kaniya pagilid.

          Naglakad na si ama palabas at sumunod naman kami ni kuya nang sabihin ni Ina na maiiwan muna siya roon dahil mag-aayos.

         "Anong nangyari kanina at may yakapan pa na nangyari?" kaagad na tanong ni kuya Marco nang maisara niya ang pinto sa despacho ni Ama.

         "Nagpasalamat kasi ako sa kanila ni Ina tapos ayon humingi rin siya ng tawad sa lahat."

         "Si ama, humingi ng tawad?" hindi makapaniwalang aniya kaya natatawa akong tumango.

        "Oo, hindi nga ako makapaniwala na gagawin niya iyon," tugon ko.

        "Matapos ang pangyayaring iyon ay natutuwa na ako sa mga nangyayari sa ating bahay. Bumabalik na rin ang dating ama na hinangaan ko mula noong mga bata pa tayo. Unti-unti ko nang nakikita ang dati nating pamilya."

        "Ako rin, kuya, ako rin." Hindi ko maitago ang ngiti sa aking mga labi. "At hinihiling ko na sana tuluyan nang bumalik sa dati at hindi na magbabago pa."

        Ngumiti naman siya at tinapik ako sa aking kanang balikat. "Tiyak ako riyan, Martina. Maraming salamat din sa lahat ng ginawa mo na naging dahilan ng lahat ng ito."

         Tumigil ako sa harap ng aking silid at tumingin sa kaniya, "Huwag kang magpasalamat, kuya. At saka isa pa, nais ko rin naman na bumalik na tayo sa dati, isang masayang pamilya."

          Tinitigan naman niya ako at tila ba mayroon pa siyang sasabihin nang ibuka niya ang kaniyang bibig pero napatingin na lamang sa sahig. Ngumiti naman siya kaagad sa akin at ginulo ang buhok ko.

          "Ah talaga lang ah?" nakanguso kong turan at kaagad na sinundan ng pag-ayos ang aking buhok.

            Mahina siyang natawa at umiling, "Bababa na ako. Diyan ka na sa iyong silid."

            Bago pa man ako makapagsalita ay nauna na siyang naglakad paalis. Umiling na lang ako habang tinanaw siya at kaagad din na pumasok sa aking silid. Sumalampak na lang ako sa kama at humilata roon. Napaisip tuloy ako sa hinihigaan ko. Nasanay na rin ako na gamit ito pagtulog at alam ko na sa hinaharap hindi na ito ang kama na hihigaan ko. Nakalulungkot lang, parang prinsesa na nga ako sa itsura nito eh. Sana payagan ako ni Lolo Alejandro na hingin ko ito sa kaniya.

             Pipikit na sana ako nang may napansin akong ibang kulay sa mga tela na nakatakip sa aking higaan. Bahagya itong nakatago at tila ba'y sa mga nangyayaring pagkilos sa higaan ay nakita na ito ng kaunti dahil hindi ko naman ito nakita dati sa tuwing napapatingala ako sa aking higaan. Hindi ko alam kung ano ang bagay na iyon. Tila ba'y papel.

             Kaagad akong tumayo at tumingkayad upang abutin ang nakaipit na bagay na iyon sa mga tela. Napakapit pa ako sa poste ng higaan dahil medyo hindi ko abot iyon. Sinubukan ko naman na tumalon upang kahit papaano ay maabot ka na iyon. Hindi naman ako nabigo nang mahawakan iyon ng aking mga daliri at kusang nahulog iyon sa higaan kasabay ng paglundag ko sa higaan. Kaagad ko naman iyon pinulot pagkatapos ay umupo. Tama nga, isa iyong papel. Isang mapusyaw na kayumangging sobre.

             Ang dami namang nakatago na mga sulat ni Kristina. Mahilig yata siya sa taguan ah. May mga sulat pa kayang nakatago rito sa loob ng kaniyang silid na hindi ko pa nababasa? Hindi ko rin naman naisip na may itatago siya sa itaas ng kaniyang higaan.

            Habang tinitigan ang bagay na iyon ay naroon ang kaunting pagkabog ng puso ko. Natatakot ako ng kaunti sa kung ano mang ang nakasulat doon na aking mababasa. Napahinga naman ako ng malalim at binuksan na ang sobre. Isang papel ang nasa loob niyon. Kaagad ko ring binuklat mula sa pagkatupi at pinasadahan ng tingin. Sulat kamay nga iyon ni Kristina.

           Disyembre 31, 1887. Iyon ang petsa na nakasulat sa kanang bahagi sa itaas ng papel. Hindi na ako nagdalawang-isip pa at binasa na ang nakasulat. Habang ginagawa iyon ay hindi ko maiwasan ang pagkunot ng aking noo. Hindi ko rin labis maintindihan ang aking nararamdaman habang binabasa iyon.


           Ano ang ibig sabihin nito?



Sa Taong 1890

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro