Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 69

|Kabanata 69|


          Bahagya kong ginalaw ang duyan na aking inuupuan habang nakatingin sa payneta sa ibinigay ni Primitivo na aniya isuot ko raw sa araw ng aming kasal. Ginawa ko naman iyon kanina. Nang makita nga niya itong suot ko ay nakangiti pa siya at nagpasalamat sa akin nang pabulong. Wala akong iba hangad kung hindi sana ay nasa maayos na kalagayan lamang ang mga taong naging kaibigan ko na rito. Pero hindi ko talaga maiwasan na makasakit ng tao. Naaawa ako kay Primitivo. Sinabi ko naman sa kaniya na huwag na niyang ituloy ang kaniyang nararamdaman para sa aking pero hindi siya nagpapigil. At ngayon, nalulungkot ako dahil alam kong gusto niyang mangyari ang kasal na ito pero hindi naman natuloy dahil din sa kagagawan ng kaniyang ama. Gusto ko lang naman na maging masaya ko pero ang paulit-ulit kong tanong ay kung bakit kapalit ng kasiyahan ko ay pagdurusa ng ibang tao.

          Kaibigan ko si Primitivo at nasasaktan din ako dahil nasira pa ang hinangad niyang kasal sa taong mahal niya pero hindi ko rin naman kayang magpakasal sa kaniya, kahit pa walang binabalak na masama si Don Miguel. Kaibigan lamang talaga ang turing ko sa kaniya. Kaya naman sana ay makakatagpo na siya ng babaeng magiging dahilan ng pag-iba ng tingin niya sa akin at mapagtanto niyang hindi naman talaga ko ang babaeng para sa kaniya.

          Malapit na ang hapunan at hinihintay na lamang sina Ama at kuya Lucio na hanggang ngayon ay naroon pa rin sa bayan. Hindi ko maisip na ganoon ka seryoso ang pangyayaring ito na naabutan sila ng kalahating araw upang asikasuhin iyon. Ngunit gusto ko rin naman talagang maranasan ni Don Miguel ang mga bagay na dapat niyang kaharapin dahil sa ginawa niya sa pamilyang ito. Ang araw na ito pa naman sana ang araw kung saan matutupad na ang kaniyang mga hangarin ngunit gumuho ang lahat ng iyon na hindi niya inaasahan. Sana walang kinalaman dito si Primitivo dahil pati siya ay kamumuhian ko rin kahit naging kaibigan ko siya.

          Hindi ko naman alam kung anong ibig sabihin ni Agustin na mayroong pagkakasala si Don Miguel sa pamahalaan. Hindi ko rin maintindihan kung bakit hindi nila ako kinuhanan ng impormasyon tungkol sa mga nalalaman ko. Maaaring alam nga talaga ni Agustin ang mga nangyayari. Alam ko talagang maasahan ko siya sa lahat ng bagay. Nakakatuwa lamang kasi ang kaniyang kurso ay sa medisina pero nakatuon din ang kanyang pansin sa politika at sa pamahalaan. At magaling siya rito. Marami pa yata akong hindi alam kay Agustin.

          Napasimangot tuloy ako nang maisip kong baka hindi na siya paririto dahil gabi na rin. Hindi ko man lang siya nakasama ng matagal na panahon kanina. Pero maiintindihan ko rin naman kung hindi na muna siya pupunta ngayon dahil alam kong pagod siya dahil sa lahat ng mga nangyari sa araw na ito. Alam kong marami siyang pinagdaanan at pinaghandaan para magawa niyang dakpin ang mga masasamang tao. At hangang-hanga talaga ako kay Agustin, sobra. Isa pa, naniniwala rin naman akong may iba pang mga araw na maaari ko siyang makasama, makausap, o magkwentuhan kung hindi man ngayon.

          Napaangat ang ulo ko nang makarinig ng tunog ng paparating na karwahe. Sa ilalim ng liwanang ng buwan at natitirang makulay na paglubog ng araw at nakita ko ang isang karwahe papalapit sa may hagdan ng mansiyon. Nanatili akong nakaupo habang pinapanood ang mga sakay nito na bumaba. Naunang bumaba si Ama dala ang kaniyang tungkod at suot pa rin ang kaniyang damit na isinuot niya sa kasal. Kasunod naman niya si Kuya Lucio na inayos pa ang kaniyang suot pagkababa at naglakad papalapit kay Ama. Napanguso ako nang makitang wala nang sumunod na bumaba kasabay ng pagyuko at paglaro ko na lamang sa payneta.

          Hayy, hindi na nga talaga siya pupunta rito.

          "Agustino, dalian mo na riyan. Hinihintay na ni Martina sa itaas, panigurado."

          Kaagad na nalaki ang mga mata ko at mabilis na napalingon sa gawi nila nang marinig kong sabihin iyon ni kuya Lucio. Nakaharap ang kaniyang katawan sa mansiyon ngunit bahagya siya napalingon sa pinto ng karwahe na tila ba'y mayroong bababa. Napatingin naman ako roon at hinintay ang taong kaniyang tinawag. Ilang sandali pa ay isang paa ang nakita kong bumaba sa Karwahe at sumunod ang pares nito. Pinasadahan ko iyon ng tingin hanggag sa kaniyang mukha t sa sandaling iyon ay isang malapad na ngiti ang sumilay sa aking mukha at kaagad akong napatayo dahil sa tuwa.

          Andito si Agustin! Dumating talaga siya!

          Nakangiti siya habang lumapit kay kuya Lucio at hindi alam na narito pala ako ilang metro ang layo mula sa kanila at masayang-masaya na makita siyang dumating. Nauna na si Ama sa kanila na umakyat kaya kaagad naman na sumunod ang dalawa. Nakangisi lamang ako habang pinagmasdan si Agustin na kausap si Kuya paakayat ssa mansiyon. Gustong-gusto ko man na tumakbo papunta sa kaniya at yakapin siya ay pinigilan ko na lamang ang aking sarili dahil alam kong hindi rin naman iyon gawain ng isang binibini.

          Hinintay ko na lang na makaakyat sila ng tuluyan bago ko itago ang mga ngiti sa aking mukha at naglakad na papunta sa mansiyon. Ayaw ko naman na makita nila akong nakangisi at baka sabihin nilang nawawalan na ako ng bait. Nakita ko naman si Isay na tumatakbo papunta sa itaas kaya napakunot ang noo ko dahil hindi ko rin maintindihan kung bakit niya ginawa iyon. Isinuot ko na lamang sa may nakapusod kong buhok ang payneta na aking hawak at dumiretso na sa kainan. Tumigil pa ako sa may pinto at nakita sila roon na kausap sin Kuya at Austin na bagong dating. Isa-isa na rin silang nagsiupo. Magkakatabi ang magkakapatid ngunit ang kaibahan lamang ay nasa gitna ni kuya Lucio at kuya Lucas si Agustin. Nasa tapat naman sina Tiya at Tiyo, isang upuan ang kanilang pagitan kay Ina, ang dating ayos ng pagkakaupo noong una pa man. Isang ngiti ang pinakawalan ko bago iyon tinago uli at naglakad na papunta sa aking pwesto, sa tabi ni Ina.

          "O, narito ka na pala, anak." Nakangiti si Ina at kaagad na wika niya nang makita niya akong papalapit sa aking upuan.

          "Opo, Ina. Nagugutom na kasi ako." Umupo na ako kaagad napabaling kay Agustin. Nanlaki ang mga mata ko at mabilis na napangiti sa kaniya.

          "Agustin? Narito ka pala! Mabuti at dumating ka ah." Echos.

          Malaking ngiti naman ang kaniyang ibinagay sa akin kasabay ng kaniyang pagtango. "Bakit ko ba sasayangin ang pagkakataon na ito?" aniya kaya napaipit ako sa aking mga labi at tumango.

          "Donya Floren, wala po ang senyorita sa kaniya—,"

          Magkasabay kaming lahat na napabaling kay Isay na biglang nagsalita sa may pintuan. Napatigil siya sa kaniyan pagsalita nang bumagsak ang kaniyang mga tingin sa aking gawi. Kaagad siyang napangisi ng lihim at umiling. Tumango na lang si Isay kasabay ng kaniyang paglakad papunta sa kusina.

         "Saan ka galing, anak, at hindi ka nakita ni Isay sa iyong silid?" kaagad na usisa ni Ina.

          Napakamot tuloy ako sa aking tenga at napainom pa ng tubig nang ang apat sa aking harapan ay nakatingin sa akin. "Ah, marahil ay hindi nagtugma ang landas namin ni Isay. Narito lang naman ako sa mansiyon, Ina."

         "Bueno, vamos a comer." (Kung ganoon, tayo na't kumain.)

         Napabaling ako kay Ama nang bigla naman siyang nagsalita ng Espanyol, at hindi ko iyon maintindihan. Nakita ko naman si Ina na tumango at nagdasal na siya. Natahimik naman ang buong mesa ng ilang segundo. Ilang sandali pa ay nagsikuha na sila ng mga pagkain at nagsimula ng kumain.

          "Ano pala ang nangyari sa inyong inasikaso? Ano ang nangyari kina Don Miguel?"

          Hindi na ako nagdalawang-isip pa na tanungin sila tungkol niyon. Alam ko naman na bawal talagang mag-usap sa kainan pero gusto ko na rin naman talagang malaman ang nangyari.

          "Dinakip si Don Miguel dahil sa mga kasalanan na ginawa niyang hindi inaasahan ang lahat. Tama ang lahat, inosente ang pamilya Varteliego at walang kinalaman si Don Carlos sa mga rebelde. Gawain lahat ng iyon ni Don Miguel. Ibinaliktad niya ang lahat nang sa gayon ay makuha niya ang mga ari-arian ng pamilyang iyon."

          Napatigil ang aking mga kamay sa pagsubo ng pagkain at napatitig kay Agustin nang marinig ang kaniyang mga sinabi. Bumilis tuloy ang tibok ng puso ko. Hindi lamang pala talaga ang pamilya ko ang nais na sirain ni Don Miguel kung hindi pati na rin kina Joaquin.

          "Ano na ang mangyayari sa kanila?"

          "Sapagkat galing na sa Corregidor ang kautusan ay hindi na siya bibigyan ng paglilitis. Sapat na rin naman ang lahat ng mga katibayan na nakalap laban sa kaniya. Kina Don Carlos naman ay matatanggal ang kanilang pagiging excommunicado. Muli ring bubuksan ang kanilang kaso nang sa gayon ay mabigyang linaw ang lahat ng nangyari at malinis ang kanilang pangalan."

          "Nakakalungkot isipin na ganoon ang nangyari sa kanila. Mabuti na lamang at wala talaga silang ginawang masama. Tiyak akong labis na matutuwa si Victorina kapag nalaman niya ang tungkol dito," wika ni Ina sa aking tabi.

          Masaya ang puso ko na marinig ang mga bagay na iyon ngunit naroon pa rin ang kirot nang maalala ko kung gaano nagdusa ang kanilang pamilya dahil sa mga paratang na ibinigay sa kanila. Kaya naman pala kakaiba ang mga tingin na nakita ko kay Don Miguel noong araw ng paglilitis, siya naman pala ang may gawa ng mga bagay na ito. Hindi ko na mawari ang galit na nararamdaman ko sa puso ko dahil sa ginawa niya. Kaya niyang sirain ang pagkakaibigan nila para lamang makuha ang kaniyang mga nais na hindi naman niya madadala sa hukay. May mga taong gahaman talaga sa kapangyarihan at magagawang tapakan ang ibang tao upang umangat.

          Ano kaya ang nangyari kay Primitivo? Alam niya kaya ang mga bagay na ito bago pa lamang mangyari? Sana ay wala siyang alam dahil kung mayroon man ay mawawala na ang respeto ko para sa kaniya. Tinuring ko siyang kaibigan kaya sana hindi niya ako sinaksak patalikod.

         Matapos ang usapan na iyon ay bumalik na sa pagiging tahimik ang buong kainan. Hindi na lang din ako nagsalita at tumutuloy sa pagkain. Madalas din ang pagsulyap ko kay Agustin na nasa aking harapan kaya hindi ko maitago ang ngiti sa aking labi. Ang saya ng puso ko na tila ba'y nagtatatalon dahil nasa harapan ko siya mismo. Ang taong matagal ko ng hinihintay na akala ko ay wala na. Tila ba'y panaginip lamang ang lahat ng ito, na kung iyon man ay sana hindi na ako magigising pa.

          Nauna nang matapos kumain si Ama na sinabayan ni Ina. Ilang sandali lang din iyon ay natapos na silang lahat pwera na lamang sa akin na ilang kutsara na lang din ang natira sa aking plato. Habang umiinom ako ng tubig ay umalis na silang lahat papunta sa kani-kanilang paroroonan. At tatlo naman ay sinamahan si Agustin sa azotea at mag-uusap daw muna roon. Habang nagliligpit sina Isay at ibang mga taga-silbi ay binilisan ko naman ang pagkain ko.

          Lumapit naman si Isay sa akin kaya kunot-noo akong bumaling sa kaniya. "Senyorita, pagkatapos mo raw kumain ay nais kang kausapin ni Ginoong Agustino," nakangisi na wika ni Isay.

          Kaagad ko naman na ibinaba ang kutsara na hawak ko at mabilis na tinunga ang baso. "Tapos... tapos na ako," turan ko sabay bagsak niyon sa mesa. Natawa naman si Isay kasabay ng kaniyang sunod-sunod na pag-iling.

         "Huminahon ka, Senyorita. Hindi naman nagmamadali si Ginoong Agustino," aniya pa. "Maghintay ka muna riyan ng limang minuto," dagdag niya kasabay ng pagdala ng mga patong-patong na plato sa kusina.

          Nang mawala siya sa paningin ko ay kaagad akong naglakad palabas ng kainan at nagtungo sa azotea habang nakangisi. Nang makarating ako roon ay nakita ko siyang mag-isa at nakatayo sa may bintana at nakatingin sa labas habang magkahawak ang kaniyang mga kamay sa kaniyang likuran. Ikinalma ko naman ng aking sarili kasabay ng pagtanggal ko sa aking mga ngiti at tahimik na naglakad papalapit sa kaniya.

          "Ang akala ko ay hindi ka na pupunta rito ngayon," wika ko habang nakatingin sa labas at bumaling sa kaniya na nakatingin pala sa akin.

          "Hindi naman maaaring mangako ako at hindi ko gagawin," aniya at ngumiti. "Ngunit, ipagpaumanhin mo sapagkat kay tagal kong dumating. Marami lamang talaga kaming inayos at ginawa sa tanggapan ng iyong ama kaya hindi na namin namalayan ang oras."

          "Ano ka ba?" mabilis kong iling. "Hindi mo naman kailangan na humingi ng tawad dahil naiintindihan ko naman na napakahalaga ng mga bagay na inyong ginawa. Ang hindi ko lamang mawari ay kung bakit tila ba ang dami mong alam sa mga... sa pulitika. Ang akala ko ay pagiging manggagamot ang pinagtutuunan mo ng iyong pansin?"

          "Nagkaroon ako ng kaalaman sa mga bagay na iyan dahil sa aking ama. Nais niyang pumasok ako sa política pagkatapos kong mag-aral ng medisina," kwento niya sabay tingin sa malayo.

          Dahan-dahan naman akong tumango. Hindi naman kasi imposible iyon dahil ang kaniyang tiyuhin nga ay gobernadorcillo ng bayan na ito kaya maiintindihan kong nais ng kaniyang ama na pumasok siya sa pulitika. Mayaman din sila at mataas ang antas sa bayan na ito kaya hindi rin nakakapagtataka iyon.

           "Ganoon ba? Ang iyong ama ba ay naroon din sa pulitika gaya ni Gobernadorcillo? Madalas kasi na ganoon, mag-aama o magkapamilya."

          Narinig ko ang kaniyang kaunting pagtawa at umiiling siyang bumaling sa akin. "Marahil ay nakalimutan mo na rin o hindi mo lamang binibigyan ng pansin ang mga bagay na ganoon."

          Magkarugtong ang aking kilay habang nakatingin sa kaniya. "Ang alin ba? Hindi naman kita maintindihan."

          "Si Andrés Atravencio, ang Corregidor ng ating probinsiya. Siya ang aking ama."

          "Ha?!" Mabilis na nanlaki ang aking mga mata kasabay ng pagtakip ko sa aking bibig. "Talaga?"

          Hindi ko alam na ganoon pala kabigatin ang mga tao sa paligid ko. Halos lahat sila ay mayroong kapit sa gobyerno. Hindi nga lamang mayaman, may katungkulan pa sa pamahalaan. Naroon pa rin ang panlalaki sa aking mga mata habang nakatingin kay Agustin. Hindi ko lamang lubos na maisip na ganoon ang katayuan ng pamilya ng lalaking nasa aking tabi. Isang ginoo lamang siya dati na sinabing taga-tabi-tabi lamang siya ngunit anak pala ng isang Corregidor. Akala ko nga ay anak lamang siya ng isang negosyante pero hindi pala basta-basta ang lalaking ito. Anak na nga ng isang Corregidor, pamangkin pa ng isang Gobernadorcillo.

          Dahan-dahan naman siyang tumango kasabay ng kaniyang mga tawa na hindi makapaniwala. "Oo, humingi ako ng tulong sa kaniya dahil alam kong may hindi tama sa mga nangyayari. At noong gabing tumakas ka mula rito ay pupuntahan na sana kita upang ipaalam sa iyo ang lahat. At dahil nakita kitang umalis mula rito ay sinundan na kita kaagad."

          Mas lalo tuloy na nagdugtong ang ma kilay ko dahil sa mga narinig. Ni hindi ko na nga nagawa pang makapagsalita. Kaya pala nagulat na lamang ako dahil bigla siyang dumating at sumulpot sa aking harapan.

          "Mabuti na rin at sinundan kita dahil sinusundan ka rin ng mga masasamang tao. Ang mga taong bumaril sa akin, mga tauhan sila ni Don Miguel. Binayaran niya ang mga iyon upang ika'y takutin at bantaan na patayin, iyon ay upang pumayag kang maikasal kay Primitivo. Ang mga taong iyon din ay mga kaanib ng mga taong gustong sumira sa pamamahala ng ating bayan. Kasabwat din sila ni Don Miguel sa pagsira sa pangalan ng mga Varteliego at kapalit niyon ay ang pagkakaroon ng kapit sa pamahalaan sa oras na magkaroon ng mas mabigat na katungkulan si Don Miguel."

          Hindi ko na alam kung ano ang sasabihin ko. Ang daming rebelasyon sa loob ng araw na ito. Ang daming nangyayari na hindi ko alam kung nasa tamang katinuan pa ako. Ang lahat pala ng mga nangyayari sa aking paligid ay konektado sa isa't isa. Ang bulag ko lamang pala na hindi ko man lang iyon nakita at nabatid. At ang lahat ng iyon ay nagawan ng kasagutan dahil sa tulong at mga ginagawa ni Agustin.

          "Ang hindi ko lang lubos na maunawaan kung bakit nagawang makipagsabwatan ng iyong Dueña kay Don Miguel upang kitilin ang iyong buhay. Mabuti na lamang at nalaman mo ang tungkol doon at nakaligtas ka mula sa kanilang mga kamay. Hindi ko matatanggap na sa kabila ng mga ginawa kong pag-alaga at pagtago ko sa iyo mula sa mga kapahamakan at sa mga nais manakit sa iyo ay makakaligtaan ko ang bagay na iyon na magiging dahilan ng pagkawala mo."

          Hindi na ako nag-atubili pa at kaagad na siyang niyakap. Isang mahigpit na yakap. Hindi ko na rin inisip na nasa iisang silid lamang kami ni Isay na nagbabantay sa amin. Mas lalo ko pa siyang niyakap dahil doon. Tiyak akong nagulat siya sa aking ginawa dahil ilang segundo pa ang lumipas nang maramdaman kong itinaas niya ang kaniyang mga kamay at sinuklian ang aking pagyakap. Naramdaman ko rin ang kaniyang paghaplos sa likuran ng aking ulo na ikinasiksik ko pa lalo sa kaniya. Wala na akong pakialam kung bawal itong gawin, mas mahalaga ang nararamdaman ko.

          "Maraming salamat, Agustin. Maraming-maraming salamat sa lahat ng pagtitiis, sa lahat ng ginawa mo, pati na rin sa pagbuwis mo ng buhay para sa akin. Hindi ko alam kung karapat-dapat ba ako dahil sa lahat ng sakit na naidulot ko sa iyo. Hindi ko lubos maisip na kaya mong gawin ang mga bagay na ito kaya maraming-maraming salamat talaga, Agustin."

           Lumipas ang limang segundo bago siya tumugon sa akin habang kayakap pa rin niya ako. "Hindi mo kailangan na magpasalamat, Martina. Ginagawa ko ang lahat ng ito dahil gusto ko. Ayaw kong makita kang nahihirapan, nasasaktan, at lumuluha kaya gagawin ko ang lahat para sa iyo." Bumitaw naman siya sa yakap at hinawakan ako sa magkabilang braso. "Narito lamang ako palagi para sa iyo, Martina, kagaya ng pangako ko sa iyo. Darating ako kapag kailangan mo man ako o hindi."

          Dahan-dahan akong tumango at ngumiti sa kaniya. "Oo nga pala. Tungkol sa lalaking nahulog sa simbahan at namatay, mayroon ka bang nalalaman tungkol sa kaniya?"

          Nauna siyang binaril at ang akala niya ay makakapatay siya ngunit siya naman pala ang mamamatay. Si Clara pa rin ang taong pinagdududahan ko dahil siya lang bukod kina Don Miguel ang may balak na patayin ako upang hindi ako sumaya kahit kailan.

           "May alam ka ba kung sino ang nagpapatay sa lalaking iyon?" tanong niya sa akin kaya huminga ako ng malalim.

          "Nalaman ko ang tungkol sa bagay na iyon dahil...," dahil misyon ko na pigilan ang lalaking iyon na paslangin ako. "Dahil nakatanggap ako ng sulat ng pagbabanta sa buhay ko. Humingi ako ng tulong kay Isay kung mayroon ba siyang kilalang makagawa ng bagay na iyon. Sinabi kong... sinabi ko na mayroong nais na pumatay sa akin at kailangan niyang maunahan o mapigilan ang balak na iyon. Hindi... hindi naman ako makukulong dahil doon, hindi ba? Makukulong ba ako?"

          Naramdaman ko ang pagbilis ng tibok ng puso ko dahil sa inisip ko. Hindi ko rin naman naisip na ang kapalit ng buhay ko ay ang pagkawala ng kalayaan ko. Nabuhay nga ako pero ikukulong din naman ako dahil pinapatay ko ang isang tao.

          "Huwag kang mag-alala sapagkat hindi ka makukulong. Ang lalaking inutusan mo ay tauhan ng ating pamahalaan at ang kaniyang lalaking pinaslang ay matagal na rin na hinahanap upang bitayin dahil sa dami ng pamamaslang na kaniyang ginawa. Malakas ang kaniyang kapit sa taong nagtago sa kaniya kaya naman naging mailap siya sa mga mata ng gobyerno."

          Lumuwag naman ang dibdib ko nang marinig ang kaniyang tugon. "Ngunit, paanong nagkakilala sila ni Isay?" tanong ko kasabay ng paglingon ko kay Isay na nakatayo sa may pintuan ng azotea.

          "Nagkakilala raw sila dati ani Isay sapagkat minsan siyang tinulungan nito. Kaya naman siya na ang ibinigay ni Isay sa iyon na tumulong. At kung si Clara man ang iniisip mong nasa likod ng muntikang pagpatay sa iyo, tama ka. Ang lalaking iyon ay malaking pagkakagusto sa kaniya na pinangakuan niya ng pagmamahal kapag ginawa niya ang nais ni Clara," paglalahad niya na ikinatalon ng puso ko. "Natagpuan sa pinagtataguan niyang bahay ang iilang mga sulat na galing kay Clara. Pinatawag din namin si Clara patungo sa tanggapan upang magbigay ng salaysay at doon siya nagkwento dahil na rin sa pamimilit ng kaniyang ama."

          Tama, tama ng ako. Sa pagkakataong ito, tama nga ako. Si Clara nga ang may kakagawan niyon. ngunit, naging malaki ang tiwala at pag-asa kong mali ang pagbintangan siya dahil hindi ko lubos inisip na kaya niyang magawa ang bagay na iyon. Ngunit, sobra pa pala ang nangyari na hindi ko alam kung paniniwalaan ko.

          "At batid mo bang apat na linggo nang nagdadalang-tao si Clara?"

          "Ha?!" nanlalaking-matang bulalas ko.

          "Palagay ko ay hindi pa," aniya. "Tama ang narinig mo. Ang ama ng kaniyang dinadala ay ang lalaking papatay sana sa iyo."

          Napaawang ang bibig ko sa mga narinig. Ang akala ko ay malala na iyon pero labis na nakagugulat ang kakarinig ko lamang na rebelasyon. Paanong... paano nangyari iyon? Mayroong nangyari sa kanila kahit hindi sila kasal at higit sa lahat kriminal ang lalaking iyon. Mamamatay-tao.

          "Ano... ano na ang nangyari kay Clara? Nalaman ba ng kaniyang mga magulang ang tungkol doon? Anong... anong... hindi ko maintindihan. Bakit nangyari iyon?"

          "Iyon na nga, sapagkat nasa tamang gulang na si Clara ay haharapin niya ang parusang pagkakabilanggo. Dahil din sa kaniyang pagtago sa lalaking iyon ay itinakwil na siya ng kaniyang ama. Pagpapasyahan pa kung siya ay tuluyang paparusahan ng ganoon dahil na rin sa kaniyang kalagayan."

          Dahil sa narinig ay nakaramdam ako ng kirot sa puso. Hindi ko alam ngunit sa kabila ng lahat ng ginawa ni Clara sa akin ay nakaramdam pa rin ako ng awa sa kaniya. Hindi ko akalaing magagawa niya ang lahat ng bagay na iyon. Kaya nakakalungkot na mangyayari ang lahat ng ito sa kaniya. Nawala na ang kaniyang mga magulang sa kaniya, nawala pa ang ama ng kaniyang magiging anak. Sana ay nasa maayos lamang silang kalagayan.

          "Patawad at binagsakan pa kita ng ganitong mga bagay na ikaw ay magpapahinga na sana buhat ng pagod sa nangyari ngayong araw."

          Mabilis akong umiling, "Hindi. Ayos lamang. Mas mabuti na nga ito nang magkaroon ako ng kapanatagan sa loob dahil alam ko na ang nangyari. Mahirap tanggapin ang mga bagay na ito ngunit sa kabila niyon ay nagpapasalamat akong nalaman na kung sino ang mga taong nasa likod ng lahat ng mga pangyayari sa buhay ko."

          At masaya rin akong nagawa ko na ang aking misyon, nalampasan ko na iyon. Ligtas na tayo, Kristina. Magbabayad na ang mga taong pumaslang sa iyo at sumira sa ating pamilya.

           "Hindi pa ba kayo tapos na mag-usap diyan?"

          Pareho kaming napatingin nang marinig ang boses ni Ama sa may pintuan. Naroon nga siya habang nasa kaniyang gilid si Isay na tahimik at nakayuko lamang, tiyak na natakot dahil sa biglang pagdating ni Ama. Magkarugtong ng bahagya ang kaniyang mga kilay ngunit wala roon ang kaniyang galit o naiirita na nakapaskil sa kaniyang mukha.

          "Magpapaalam na po ako kay Binibining Martina, Don Agaton," sagot ni Agustin kaya napatingin ako sa kaniya. Narinig ko pa ang mahiang tikhim ni Ama at umalis na siya roon.

          Bumaling naman siya sa akin at ngumiti, "Hindi na ako magtatagal pa rito, Martina. Gabi na at kailangan niyo nang magpahinga kay magpapaalam na ako. Mag-iingat ka at sana nawa'y mahimbing ang iyong tulog ngayon gabi."

          Kahit bahagyang nalungkot ang puso ko nang magpaalam siya ay tumango ako. "Maraming salamat sa pagdalaw. Mag-iingat ka rin sa iyong pag-uwi. Sana ay makausap kita sa susunod na pagkakataon."

          "Maraming salamat at walang anuman. At sabihan mo lamang ako kapag nais mo akong kausapin o ako'y paririto upang yayayain kang lumabas."

          Nakangiti akong tumango sa kaniya. Hindi rin naman nagtagal ay lumakad na siya palabas at hinatid siya ni Isay patungo sa labas ng mansiyon. Pinanood ko naman siyang sumakay at umalis na ang kaniyang karwaheng sinasakyan habang naiwan ako sa azotea at kumakaway sa paalis nang Agustin. Umakyat na rin ako patungo sa aking silid at baka mapagalitan pa ako ni Ama na nakatambay pa rin at hindi pa natutulog.

          Ngunit kahit anong pilit kong makatulog ay nabagabag pa rin ako dahil sa lahat ng mga nangyari at mga nalaman ko ngayong araw na ito. Ang dami naman palang kaganapan sa araw ng kasal na ito. Nakakagulat nga na may alam ako sa mangyayari sa araw na ito kaya tiyak akong labis na gulat ang naramdaman ng lahat ng mga tao sa paligid ko noong si Kristina pa ang nasa kapanahunang ito. Ngunit sa kabila ng mga nangyari, tinitiyak ko ang sarili ko na magiging maayos lang ang lahat. Nagawa ko na ang misyon ko kaya hindi na masyadong nakakatakot.


⋅─────────⊱༺ ·𖥸· ♡⁠ ·𖥸·༻⊰─────────⋅

          Nakangiti ako habang nakatanaw sa labas ng bintana ng karwahe na aking sinasakyan at mahigpit ang hawak sa aking lilang saya. Hindi ko alam kung bakit ako paroroon na kailan lang naman kami nagkita, at tiyak naman ako na hindi niya ako mapapansin sa dami ng kaniyang ginagawa ngayon.

          Hindi ko alam kung saan matatagpuan ang kanilang bahay pero ang alam ko ay mayroon silang bahay rito sa San Luisiano. Hindi ko talaga alam na mayroon pala silang ganoon dito na lagi naman siyang umaalis at umuuwi raw sa kanila. Sa kabila niyon ay hindi mawala sa aking mukha ang malaking ngiti na kanina pa nakapaskil mula noong umalis kami ng mansiyon. Nasasabik na akong makita siyang muli.

          Bigla naman na tumigil ang karwahe sa harap ng isang bakod. Sa loob niyon ay isang malawak na lugar na nakatanimang maliliit na mga damo at iilang mga bulaklak. Naroon din sa loob ang isang malaking dalawang palapag na mansiyon na gawa sa bato at matitibay na mga kahoy. Ang kanilang mansiyon ay matatagpuan sa may paburol na bahagi ng sentro ng bayan kaya naman makikita sa mula sa baba ang dalampasigan at saktong lugar din ito upang manood ng paglubog ng araw. Naalala ko ang sinabi ni Isay na nakatira siya sa parte ng bayan na para lamang sa mga matataas na ang antas sa lipunan ang kinatatayuan. Syempre, anak ba naman ng Corregidor, mayaman talaga iyon at nasa magandang kalagayan.

          Umalis naman na ang karwahe na aking sinakyan kaya lumapit na ako ng kaunti sa may tarangkahan upang humanap ng tao mula sa loob. Naagaw naman ng aking atensiyon ang isang babaeng tumatawa na tumatakbo papunta sa hagdan ng mansiyon. Doon ko naman nasilayan ang isang lalaking nakangiti habang nagmamadaling bumaba mula roon at sinalubong ang babae. Nang makalapit sila sa isa't isa ay kaagad naman na niyakap ng babae ang lalaki na tinugunan naman nito. Hindi ko tuloy maintindihan kung bakit kaagad na nagdugtong ang aking mga kilay at kumirot ang aking puso nang makita silang nakangiti na yakap ang isa't isa.

           Hindi ko maisip na mayroong ngang posibilidad na ang babaeng ito ay nakilala ni Agustin habang papauwi siya rito mula sa De Alrazon. Maaaring siya ang tumulong sa kaniya na umuwi rito at maaaring sa kalagitnaan niyon ay minahal niya ito. Maaari rin naman na matagal nang mayroong namamagitan sa kanila bago pa man kami nagkakilala ni Agustin o kaya naman ay ipinagkasundo sila sa isa't isa.

          Bumitaw naman ang babae sa yakap kaya nginitian siya ng malapad ni Agustin saka bahagyang tinapik ang kaniyang ulo. Habang nakatingin sa kanila ay napasimangot ako. Maling pagkakataon pala ang napili ko para pumunta rito. At saka sana ay hindi na lang pala ako bumisita sa kaniya. Huminga naman ako ng malalim bago tumalikod at umalis mula roon.

          Alam ko naman na alam ni Agustin ang nararamdaman ko para sa kaniya, pero hindi ko naman iniwala ang posibilidad na magkakaroon siya ng ibang taong magugustuhan dahil huli na nang sabihin ko kung anong nararamdaman ko para sa kaniya. At kahit pa iniibig ka ng isang tao, hindi naman ibig sabihin niyon na sa lahat ng panahon ay nariyan siya para hintayin na masusuklian mo ang pagmamahal niya. Darating din ang panahon na mapagtanto niya na hindi ikaw ang taong karapat-dapat na ibigin niya. Ang tanging magagawa ko lamang kapag dumating na ang panahon na iyon ay tumalikod, umalis mula roon, at lumayo. Iyon din naman talaga ang nararapat kong gawin dahil alam ko naman na hindi ako mananatili at magtatagal dito.

          "Martina?"

          Isang malakas na boses ang aking narinig mula sa aking likuran na tumawag sa aking pangalan. Napayuko ako habang patuloy na naglalakad. Hindi ako maaaring tumigil at tumingin sa kaniya dahil hindi maaari. Hindi ko rin maaaring pakinggan ang kaniyang boses at bumalik sa kaniya dahil alam kong kapag ginawa ko iyon ay hindi na ako makakalakad pang muli papalayo sa kaniya.

          "Martina!"

          Muli kong narinig ang boses na iyon kaya mas lalo kong binilisan ang aking paglalakad. Hindi ko naman namalayan na tumatakbo na pala siya papalapit sa akin kaya nanlaki ang aking mga mata nang hawakan niya ang aking palapulsuhan at maingat niya akong iniharap sa kaniya.

          "Martina. Bakit ka umalis?" magkarugtong na kilay na tanong ni Agustin. Nakita ko sa kaniyang mga mata ang bahid na gulat, pagkalito, at kalungkutan, kasabay pa ng pagdugtong ng kaniyang mga kilay.

          Huminga ako ng malalim bago ako nagsalita. "Ayaw ko naman na makaabala pa sa iyo, sa inyo. Sa aking palagay ay ngayon lamang kayo nagkitang muli kaya hindi ko na isiniksik pa ang aking sarili," sagot ko kaya napangiti naman siya. Hindi ko naman iyon pinansin at inusisa siya. "Bakit ka narito? Hindi ba siya magagalit na mayroon kang kausap na ibang binibini? Mas mainam na bigyan mo siya ng oras kaysa sa akin, Agustin. Paniguradong malulungkot iyon na ako pa ang kausap mo imbes na siya."

          Bigla naman na nagdugtong ang kaniyang mga kilay, "Anong ibig mong sabihin? Ano ba ang sinasabi mo?"

          "Kako, hindi ba magagalit ang binibining iyon na mayroon kang kausap na iba?"

          Lumabas ang isang kaunting tawa mula sa kaniyang bibig kaya nagdugtong ang aking mga kilay. Napatingin siya sa gawi ng dagat at mas lalong natawa kaya mas nagdugtong lalo ang aking mga kilay. "Ikaw ba ay naninibugho, Martina?"

          "Ha?" nanlalaking mga mata na turan ko. Hindi ko tuloy alam kung ano ang maisasagot ko sa kaniya. Tila ba'y nawala na ang lahat ng mga salita na nalalaman ko sa aking utak.

          "Ganiyan pala manibugho ang isang Martina Del Veriel. Nakatuwa ka namang pagmasdan," halos pabulong na aniya.

          Lumobo ang aking ilong saka siya sinamaan ng tingin, "Alam mo, wala na nga akong ibang inisip kung hindi ang kapakanan mo nang sa gayon ay hindi magalit sa iyo ang babaeng iyon ay tinatawanan mo pa ako. Makaalis na nga." Umirap ako bago ako tumalikod at nagmartsa palayo sa kaniya.

          "Kapatid ko iyon, kung hindi mo nababatid."

          Tumigil sa ere ang aking paa nang marinig ko ang kaniyang sinabi. Napapikit pa ako ng maigi at kinurot ng pasimple ang aking hita. Napatayo ako ng maayos at hindi gumagalaw habang tahimik na pinapagalitan ang sarili dahil sa kahihiyan buhat ng inasta. Tama ba ang narinig ko? Kapatid niya iyon? Kainis ka naman pala, Chestinell. Ang dami mo naman kasing drama sa buhay.

           Narinig ko naman ang kaniyang mga yabag na papalapit at natagpuan ko na lamang siya sa aking harapan. Napayuko naman ako habang pilit na inaalis ang kahihiyan na naramdaman ko. Ayaw ko tuloy na tumingin sa kaniya dahil sa mga sinabi ko. Nagseselos ba ang dating ko kanina? Kakahiya naman.

          Bigla namang may kamay na lumitaw sa aking harapan at napunta iyon sa aking baba. Bahagya at mahina nyang iniangat ang aking mukha at paningin patungo sa kaniya gamit ang kaniyang hintuturo. Hindi ko tuloy mapigilan ang mabilis na pagtibok ng puso ko. Mas lalo pa iyong bumilis nang magtama ang aming mga mata at nakangiti siya sa akin. Bumaba na ang kaniyang kamay habang nakatitig pa rin kami sa isa't isa. Wala akong masidlan sa aking tuwa na nararamdaman habang unti-unti kong naalala ang kaniyang sinabi. Kapatid niya pala ang babaeng iyon.

          "Huwag mo nang pagdugtungin pa ang iyong mga kilay. Kapatid ko iyon kaya huwag ka nang magalit riyan," nakangiti na aniya.

          Ngingiti na sana ako nag maunahan ako ng pagtaas ng aking kilay. "Bakit naman ako magagalit? Ano ba ang dahilan? Hindi naman ako galit, at anong naninibugho? Bakit din naman ako maninibugho?"

          Imbes na sagutin niya ako ay natawa pa siya kasabay ng kaniyang sunod-sunod na pag-iling.

          "Bakit hindi kayo pumasok? Hanggang dito lamang ba sa labas ang iyong panauhin?"

          Pareho kaming napatingin sa taong nagsalita sa aking likuran. Doon ko nasilayan ang marikit at mahinhin na binibini na aking nasilayan sa aking buong buhay. Pareho sila ni Ate Guada. Hindi na rin iyon nakakapagtataka pa dahil magpinsan naman sila. Ang ganda niya at may iilang pagkakahalintulad sila ni Agustin na mga katangian.

          "Kinakausap ko pa siya, Franceska. Mayroon lamang hindi pagkakaintindihan sapagkat akala niya ay –,"

          Hindi ko na pinatapos pa si Agustin na magsalita at kaagad na siyang siniko sa gilid na bahagya niyang ikinadaing. Tinakpan ko naman iyon ng pag-ngiti ng malapad sa kaniyang kapatid na bahagya pang nagsalubong ang mga kilay.

          "Masaya akong makilala ka sa wakas, Binibining Franceska. Martina nga pala," wika ko saka iniabot ang aking palad upang makipagkamay. Ang akala ko pa ang susungitan niya ako at tataasan ng kilay ngunit mas malapad pa na ngiti ang aking natanggap.

          "Tila ba naman tayo ay hindi pa nagkita dati," natatawang aniya. "Ngunit, maaaring tama ka naman sapagkat hindi pa naman tayo ganoon na nag-uusap at nagkalapit sa isa't isa. Batid mo bang ako ay nagagalak na ikaw ay makita? Ako ay naririndi na sa aking kapatid na paulit-ulit na ibinibigkas ang iyong pangalan."

          Kaagad naman akong napatingin kay Agustin at doon natagpuan siyang nakangisi sabay kamot sa kaniyang batok. Napailing na lang ako at bumaling kay Franceska.

          "Bawat sandali na kami ay magkasama o magkasalubong ay hindi niya talaga nakalilimutang sabihin ang iyong pangalan. Inisip ko na lamang na ganoon ka niya kamahal na inihalintulad na sa paghinga ang pagbigkas niya sa iyong pangalan," kwento pa nito na ikinaramdam ko ng labis na tuwa mula sa kinailaliman ng aking puso.

          Sasagot na sana ako nang mayroong humigit sa braso ni Franceska na nakapatong sa aking balikat. Si Agustin. Inihiwalay niya kaming dalawa mula sa isa't isa at tinakpan niya nag bibig ng kaniyang kapatid na ginagawa naman ang lahat upang kumawala sa pagkahawak nito.

          "Manahimik ka na at baka kung ano pang mga masabi mo at dadagdagan mo pa ng mga kasinungalingan," awat ni Agustin.

          Natawa naman ng mahina si Franceska. "S'ya, iiwan ko na muna kayo sapagkat alam kong kailangan niyong makausap ang isa't isa. At, Agustino, patuluyin mo naman siya sa mansiyon."

          "Oo nga. Huwag mo akong utusan, Franceska."

          Muli naman na bumaling si Franceska sa akin at binalewala ang sinabi ng kaniyang kapatid. "Sana makausap kita ng mas matagal sa susunod na pagkakataon. Dumalaw ka rito ng madalas, Binibining Martina."

          Sinuklian ko naman ang kaniyang mga matamis na mga ngiti, "Masaya akong makita ka, Binibining Franceska. Sana ay makadalaw pa nga ako rito sa susunod nang magkaroon tayo ng mas matagal na panahon na makapag-usap."

          Nagpaalam na si Franceska at pumasok na siya sa kanilang tarangkahan. Bumaling naman ako ay Agustin na tumingin na muli sa akin matapos na sundan ng tingin ang kaniyang kapatid. "Kakambal ko, si Franceska. Makulit din iyon," aniya kaya bahagya akong natawa.

          Kaya pala mayroong pagkakapareho ang kanilang mga mukha ay magkambal pala sila. Ngayon pa lamang ako nakasalubong ng magkambal sa kapanahunang ito. Hindi ko naman kasi lubos maisip na may magkambal pala sa ganitong panahon.

          "Ang ganda ng kapatid mo. Marahil ay maraming ginoong nanliligaw sa kaniya," tanging nawika ko na lamang nang muli kong maalalang pinagkamalan ko pa silang magkasintahan.

          "Hindi naman iyon nagpapaligaw. Ganoon lamang iyon ngunit malaki ang pagka-disgusto niya sa mga lalaki," lahad niya na ikinadugtong ng mga kilay ko. Hindi naman kasi iyon ang iniisip kong ugali ng kaniyang kakambal.

          "Halika, pumasok na tayo," biglang aya naman niya kaya kaagad akong napailing.

          "Hindi na. Sa susunod na lamang ako papasok," tugon ko at napatingin sa paligid. Napatigil naman ang aking mga mata sa isang kahoy na nasa may bandang gilid ng katapat ng kanilang mansiyon. "Dito na lamang tayo sa may puno manood ng paglubog ng araw."

          Hindi ko na hinintay pa na tumugon siya at kaagad na akong naglakad papunta roon at napaupo sa damuhan sa ilalim ng puno. Alam kong hindi masyadong maganda na tumanggi sa paanyaya na pumasok sa isang tahanan bagkus ay manatili sa labas ngunit nakakahiya naman kasi na nagpunta akong walang dala. Isa pa, baka naroon ang kanilang mga magulang at hindi ko man lang nagawang mag-ayos at maghanda sa sarili para makita at makilala sila. Hindi naman sa naghahanda ako dahil may kung anong namamagitan sa amin ni Agustin ngunit para na rin kahit papaano ay may magandang pananaw naman ang kanilang magulang sa akin, isang Del Veriel.

          Tumabi naman siya sa akin at napatingin sa gawi ng dalampasigan na nasa aming harapan. Naroon na rin ang unti-unting pag-iiba ng kulay ng kalangitan dahil sa papalubog na araw, lila at rosas. Naging tahimik ang paligid at nakatingin lamang kami sa magandang tanawin sa aming harapan habang dinadama ang may kalamigang simoy ng hangin. Habang katabi siya sa ilalim ng paborito kong kulay na pumipinta sa kalangitan ay nadama ko ang pagkapanatag sa aking loob at kaginhawaan sa aking puso. Ang pakiramdam na laging kong nadarama kapag kasama siya.

          "Ako'y paroroon na sana sa inyong tahanan."

          "Masaya akong makita ka."

          Magkasabay kaming napatingin sa isa't isa at nagtawanan. Hindi ko naman sinasadyang magkasabay kami na magsalita. Napatitig tuloy ako sa kaniya. Nililipad pa ang kaniyang iilang hibla ng buhok sa hangin. Hindi ako makapaniwala na nasa kaniya na ang lahat. Mabait, maunawain, maalalahanin, mabuti ang kalooban, gwapo, may alam sa lahat ng mga bagay, at pahabol na rin ang pagiging mayaman.

          Ang bilis ng tibok ng puso ko habang nakatingin sa kaniya. Ngunit naroon ang saya at kapanatagan sa puso ko. Masaya akong makasama siyang muli. Hindi ko kakayanin pang mawala na naman siya.


          Pero paano na lamang kung...


          Paano na lamang kung aalis na ako?



Sa Taong 1890

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro