Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 68

|Kabanata 68|


          Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Hindi tuwa, hindi, galit, hindi lungkot, hindi kaba, hindi ko alam. Habang naghihintay na mayroong magssalita ay hindi ko mapigilang isipin na sana ay magawa kong papaniwalain si Ama na masamang tao ang kaniyang naging kaibigan. Hindi ko akalaing sa pagiging strikto niya ay hindi niya napansing iba ang intensiyon ng taong iyon. Kung sana man lang ay nagawa niya iyon ay hindi ako narito ngayon nakatayo at ikinakasal.

          Tumango naman ang lalaki sa aking harapan nang wala kaming narinig na pagtutol kaya nagsalita na siyang muli. Bumuntong-hininga na lang ako at hinintay ang mangyayaring mga milagro. Ang tahimik ng lahat na halos ang paghinga ng mga tao ay naririnig ko na. naroon pa rin ang kaba sa puso ko at malalamig pa rin ang aking mga kamay. Nakakatakot.

          "Sapagkat walang tumutol, ating ipagpatu—,"

          "Hindi sila maaaring ikasal!"

          Kasabay ng malakas na sigaw ay isang malakas na putok ng baril ang namayani sa buong lugar. Sigawan at tilian ng mga panauhin buhat ng gulat at takot ang namayani sa aking tenga. Mistulang natanggal at kumawala ang aking kaluluwa mula sa aking katawan. Nanginginig ang aking mga kamay at tuhod at halos maluha-luhang tinignan ang sarili kung mayroon ba akong tama. Hindi ko na alam kung anong nangyayari dahil nagmanhid na ang aking buong katawan.

          "Senyorita!"

          Halos mahulog ang puso ko nang makitang walang dugo ang lumabas sa akin na magpapula ng aking suot. Muli na naman na nagtilian ang mga panauhin kaya kaagad akong napalingon sa kanila. Natagpuan ko ang isang lalaki na nakatayo sa may bukana ng simbahan. At sa sandali ring iyon ay may isang lalaking nakaitim ang nahulog mula sa balkonahe ng simbahan at bumagsak sa may paanan ng lalaking nakatayo roon.

          Naroon pa ang panginginig at panlalamig ng aking mga kamay nang binitawan ko ang hawak na pumpon ng bulaklak. Mabilis kong hinugot ang kwintas na aking suot at kaagad na binuksan iyon. Mas lalong bumilis ang tibok ng puso ko nang masilayang tumigil na sa pag-ikot ang kamay ng segundo. Tumigil ang oras insaktong alas dose ng tanghali. Hindi na nakayanan pa ng aking mga tuhod na suportahan ang aking katawan at bumagsak na ako sa sahig at hindi ko na napigilan pang mapaiyak.

          Nagawa ko! Nagawa ko, Kristina!

          Napahagulgol na ako sa tuwa habang mahigpit ang naging paghawak sa kwintas. Naroon pa rin ang mabilis na pagtibok ng aking puso. Tumalungko naman si Primitivo sa aking tabi kasabay ng kaniyang paghawak sa aking braso.

          "Ayos ka lamang ba, Binibini?" aniya.

          "Senyorita!"

          Napatingin ako sa aking kaliwa nang marinig ko ang boses ni Isay. Bakas sa kaniyang mukha ang gulat sa pangyayari dahil sa magkarugtong niyang mga kilay, panlalaki ng mga mata, at kunot na noo. Kaagad niya akong dinaluhan sa sahig at niyakap.

          "Ayos lamang ba kayo, Senyorita?" Tumango ako habang kayakap siya.

          "Anong kaguluhan ito, Ginoong Agustino?!"

          Kaagad akong napatingin sa kanila nang marinig ko ang pagbanggit ni Don Miguel sa pangalan ni Agustin. Nagakakgulo na ang buong lugar at ang lahat ay napatingin sa likuran. Maraming mga gwardiya ang nasa loob na. Nagimbal ako nang makita ang lalaking nasa sahig nakahandusay ay naliligo na sa kaniyang sariling dugo.

          "Sa kautusan ng Corregidor ng probinsyang ito, kagalang-galang na Corregidor Andrés Atravencio, ikaw ay darakpin, Teniente de Policia Miguel Letreval, buhat ng patong-patong na kasalanan laban sa pamahalaan."

          Ang bilis ng tibok ng puso ko nang marinig ang boses na iyon. Si Agustin nga! Ang akala ko ay nananaginip lamang ako. Mas lalong bumilis ang tibok ng puso ko nang naging malinaw na ang aking paningin. Siya nga, nakatayo ilang metro ang layo mula sa akin. Maya-maya pa ay lumapit na ang ilang mga lalaking naka-uniporme kay Don Miguel at hinawakan na siya. Kinausap naman ni Agustin ang ilang mga lalaki na kaniyang kasama.

          "Ama! Ama, sandali! Tumigil kayo, walang kasalanan ang aking ama. Ano ito, Agustino?!"

          Nagmamadaling bumaba at lumapit si Primitivo sa kaniyang ama na dinakip na ng mga lalaki. Gulat naman at paiyak na si Donya Amelia na nakasunod sa kaniyang asawa. Napahawak ako kay Isay upang tumayo. Muli akong bumaling kay Agustin kasabay ng pagpatak ng mga luha mula sa aking mga mata. Mas naiyak pa ako nang masilayan siyang tumatakbo papalapit sa akin. Kaagad akong bumaba upang salubungin siya. Hindi na ako nag-atubili pa at mahigpit siyang niyakap nang makalapit kami sa isa't isa habang nakakapit sa kaniyang leeg. Kasabay ng kaniyang pagpulot ng kaniyang mga braso sa aking bewang ay siyang paghagulgol ko.

          "Agustin... akala.. akala ko wala ka na. Paano..."

          "Narito na ako, Biniibini. Huwag ka nang umiyak. Narito na ako," pagpatahan niya.

          Ngunit kahit pa ganoon ay hindi tumigil ang mga luha kong bumuhos habang mahigpit pa rin ang pagkayakap sa kaniya. Ayaw ko nang bumitaw pa sa kaniya dahil natatakot akong baka mawala na naman siya at kunin mula sa akin.

          "Ayos ka lamang ba? Mayroon bang masakit sa iyo?" usisa niya kasabay ng pagbitaw niya sa yakap.

          Mabilis akong tumango, "Wala. Ayos... ayos lamang ako."

          Pinahid naman niya ang mga luha sa aking pisngi kaya napatitig na lamang ako sa kaniya. Magkarugtong ang kaniyang mga kilay at nakakunot din ang kaniyang noo. Naroon din ang kalungkutan at pag-aalala sa kaniyang mga mata. Labis akong nalungkot nang hindi ko na nakita pang muli ang mukhang ito. At ngayon, hindi ko lubos na inasahang makikita ko pa siyang muli.

          "Nangulila ako ng sobra sa iyo," usal ko habang nakatitig pa rin sa kaniya.

          Bumaling naman ang kaniyang mga tingin sa aking mga mata mula sa pagkatingin sa aking kaliwang pisngi. Nasilayan kong muli ang kaniyang mga ngiti na ikinalundag ng aking puso.

          "Labis ang aking pangungulila sa iyo, Martina. Ngayon ay walang masidlan ang aking tuwa't galak nang muli kang makita. Masaya akong napigilan ko pang mapunta ka sa iba."

          Natawa naman ako sa kaniyang sinabi at kaagad siyang niyakap. "Alam mo bang sinambit ko ang iyong pangalan kanina? Hiniling kong sana ay dumating ka at gaya ng nakasanayan ay dumating ka't iniligtas ako."

          "Tumutupad ako sa aking pangako, Martina," aniya at mas humigpit pa ang kaniyang yakap. "Masayang-masaya akong kasama ka nang muli."

          Kayakap ko man siya ay may iilang katanungan naman na sumulpot sa aking isipan. Kung totoo nga ba talaga ang nangyayari ngayon. Kung paano siya nabuhay at nakarating dito. Namatay ba talaga siya?

          Mas lalo ko na lang siyang niyakap at sumiksik sa kaniyang leeg habang iniwala ang mga pag-iisip na iyon. Hindi na iyon mahalaga pa dahil ang importante ay narito na siya, at kayakap ko. Gagawin ko ang lahat nang hindi na siya muling mawala pa.

          "Agustino!"

          Napalingon ako kay kuya Lucio nang marinig ang kaniyang boses. Bumitaw kami sa isa't isa at parehong humarap kay Kuya. Kasama niya sina kuya Lucas at Marco, pati na rin si ate Guada. Kaagad na niyakap nila si Agustin at nakangiti naman si Ate habang nakatingin sa kanila.

          "Maligayang pagbabalik. Kay tagal mo naman. Mabuti na lamang at naabutan mo pa," nakangiti wika ni kuya Marco kaya nagdugtong ang mga kilay ko.

          "Masaya akong makita kang muli, Agustino," ani ate Guada sa aking tabi.

          "Sandali, sandali lamang. Alam... alam ninyong buhay siya?" usisa ko.

          Napalingon naman sila sa akin matapos bumitaw sa pagkayakap sa isa't isa. Nakangisi silang tatlo sabay turo kay Agustin.

          "Oo, batid namin iyon. Ngunit, nakiusap siyang hindi muna sabihin sa iyo upang hindi ka mag-alala at makatunog ang kalaban," tugon ni kuya Lucas kaya sinamaan ko ng tingin si Agustin na ikinangiti niya.

          "Huwag ka nang magalit, Martina. Ayaw ko lamang na ika'y mapahamak. Huwag kang mag-alala sapagkat ikukwento ko ang lahat ng nangyari. Pangako," aniya sabay sundot sa aking braso nang nakangiti.

           Tinaasan ko naman siya ng kilay sabay waksi sa kaniyang kamay. "Alam mo bang halos mabaliw na ako dahil sa pag-aalala sa iyo? Tapos hindi mo pa pinasabi sa kanilang buhay ka pala? Halos mamatay na ako eh," maluha-luha kong tugon.

          "Paumanhin, Martina. Hindi ko sinasadya iyon. Wala akong iba pang pagpipilian kung hindi itago ang aking kalagayan. Para iyon sa ikabubuti mo at ng lahat."

          Sunod-sunod ang aking pagtango dahil sa kaniya sinabi. Tama naman siya. At ginawa ko rin naman iyon kina Ama at kina Kuya dahil ayaw kong baka hindi umayon sa iniisip ko ang mangyayari. Mabuti na lang at naging normal lang ang kanilang paggawi at nagtagumpay ako.

          "Tama ka, aniintindihan o kung bakit mo ginawa. Sadyang hindi ko lang talaga matanggap na isiping wala ka na kung nagkataon."

          Napangiti naman si Agustin kasabay ng paghilig niya sa kaniyang ulo. Naging sunod-sunod din ang mga pag-usisa nina Kuya sa kaniya. Hindi na ako nakapagsalita at tanging pagtitig na lamang kay Agustin ang ginawa ko habang naramdaman ko ang malapad kong mga ngiti. Hindi ko lamang maitago ang aking saya dahil narito na siya. Hindi ako nananaginip, totoo ang lahat ng ito, narito na siya!

          Napalingon naman ako kay Ama sa kanilang inuupuan na kausap ang isang gwardiya sibil. Naroon naman si Ina na katabi niya. Halata ang kaniyang pag-aalala sa mukha dahil sa kaniyang magkarugtong na kilay at nakakunot na noo. Si Ama naman ay bumalik na naman muli ang kaniyang magkarugtong na kilay at matatalas na mga tingin. Maya-maya pa ay naglakad siya paalis kaya mabilis akong bumaba at sinundan siya. Tumigil siya sa harap ng lalaking nakahandusay sa sahig saka ako tumabi sa kaniya habang nakatingin doon.

          "Ano, Ama, hindi ka pa rin po ba maniniwala sa akin? Malinaw na ang lahat."

           Hindi naman siya nagsalita kaya napatingin ako sa kaniya. Nakatingin lamang siya sa lalaking nasa sahig. Alam kong nakikinig lamang siya at alam niyang nasa tabi niya ako pero mas pinili niyang maging tahimik. Alam niya kasing tama ako at maaaring pinagsisisihan niya ang kaniyang mga ginawa dahil sa kaniyang nasaksihan ngayon.

           "Ang taong itinuring mong kaibigan sinaksak ka patalikod, Ama. Balak niya akong patayin at isunod kayo upang kunin ang lahat ng mayroon kayo. Alam mo bang kasabwat niya si Dueña? Siya ang naglason sa baso ko kung saan ako uminom kanina."

          Mabilis siyang napatingin sa akin at nanlilisik ang kaniyang mga mata. Nagulat ako nang makita iyon. Bumalik na namana ng kaniyang mgat tingin sa akin. ang mga tingin na hindi ko maramdamang anak niya ako. Hindi ko naman maintindihan at natatakot akong baka ngayon ay hindi pa rin siya maniwala sa akin. Kaagad naman siya napalingon sa paligid na tila may hinahanap na sinundan ko rin ang kaniyang tingin. Tumigil ang kaniyang mga mata sa kinaroroonan ni Dueña na kausap si Ina at Tiya.

          "Gwardiya sibil! Dakpin ang babaeng iyan!"

          Nanggagalaiti si Ama nang ituro niya si Dueña gamit ang kaniyang tungkod. Napalingon naman ang lahat ng tao sa kaniya at napatingin kay Dueña na ngayon ay nanlalaki na ang kaniyang mga mata habang gulat na gulat na nakatingin kay Ama. Dali-dali naman ang dalawang gwardiya na lumapit sa kaniya at magkabilang braso siyang hinawakan.

           "Sandali! Ano... ano itong nangyayari? Don Agaton? Bakit niyo ito ginagawa?" sunod-sunod niyang tanong habang pilit na tinatanggal ang pagkahawak ng dalawang gwardiya sa kaniyang mga braso.

          Kinaladkad na siya ng mga ito palabas na patuloy pa rin sa pagpalag at pagtawag kay Ama. Kasabay niyon ay ang bulongan ng mga tao sa paligid habang tutok na tutok sa kaniya hanggnag sa mawala na siya sa kanilang mga paningin. Naramdaman ko naman ang presensya ni Ina sa aking tabi kaya napatingin ako sa kaniya.

          "Mahal ko, anong nangyari? Bakit mo siya pinadakip?" nababahalang usisa niya.

          "Kasi, Ina, nilagyan niya ng lason ang baso na ininuman ko kanina," tugon ko.

          Mabilis na nanlaki ang mga mata ni Ina nang marinig iyon. "Ano?! Paano... paano nangyari iyon? Ayos ka lamang ba? Bakit naman niya nilagyan ang iyong baso? May dinaramdam ka ba ngayon? Anong lason ba ang iyong tinutukoy? Paano mo nalaman ang mga bagay na iyan?"

          "Ayos lamang po ako, Ina," paninigurado ko. "Nagawan ko po ng paraan. Hindi ko po nainom ang kaniyang inilagay sa baso. Kasabwat po kasi ni Don Miguel si Dueña upang ipahamak ang ating pamilya. Mayroon nga po silang lihim na relasyon," paliwanag ko at ibinulong ang huli kong sinabi.

          Mas lalo pang nanlaki at namilog ang mga mata ni Ina dahil sa mainit na chismis na kaniyang nalaman. Kaagad naman akong tumango nang tila hindi pa rin siya makapaniwala sa kaniyang narinig. Nang gawin ko iyon ay napatutop siya kasabay ng pagtingin sa kawalan dahil hindi niya lubos na maiproseso ang mga nalaman.

          "At sino... sino iyan? Sino ang lalaking iyan? Bakit siya nahulog mula sa itaas? Sino ang bumaril sa kaniya?" muling pagtatanong ni Ina nang maalala niya pa ang ibang mga bagay kasabay ng pagtingin niya sa lalaking nasa sahig.

          "Inaalam ko pa po, Ina. Pero ang lalaking iyan ay balak akong patayin sa araw ng aking kasal. Hindi ako tiyak kung siya ba ay inutos ni Don Miguel o sa mga taong mayroong galit sa akin." Si Clara.

          At dahil pinag-uusapan si Clara, hindi siya imbitado sa okasyon na ito. Bakit ko naman siya iimbitahin? Binantaan niya ako at maaaring siya ang nasa likod nitong mamamatay-tao kaya bakit ko naman siya bibigyan ng pahintulot na makisawsaw sa araw ko.

          "Bakit may mga taong galit sa iyo, anak? Ano ba ang iyong mga ginawa?"

          Magkasabay naman na napalingon sa akin si Ama at Ina nang tanungin ni Ina ang tungkol doon. Nagkibit-balikat naman ako at napatingin sa buong paligid.

          "Hindi ko po alam, Ina. Sadyang may mga tao talagang hindi sang-ayon sa iyong mga ginagawa kahit hindi naman sila madadamay at wala namang kinalaman sa kanila."

          "Tignan mo ang nangyari, Agaton, magkarugtong na kilay na baling ni Ina kay Ama. "Hayan at dahil sa iyong kagustuhan ay muntik nang mapahamak ang aking anak. Tapos sasabihin mo pa na para ito sa kanilang kabutihan. Anong kabutihan ba, Agaton, ha? Ang mawala siya sa pamilyang ito?"

           Natahimik ako nang biglang taasan ni Ina si Ama ng boses. Hindi ko lubos akalain na mangyayari ito. Ang akala ko lamang ay malulungkot si Ina sa nangyari at mababahala sa akin. Pero itong sisisihin si Ama, hindi. Pinanood ko naman si Ama na nakatingin lamang sa labas, kung saan maraming tao ang nakatayo at nakikiusyoso sa nangyari sa loob. Naramdaman kong malalim ang kaniyang iniisip dahil sa sunod-sunod na paghinga niya ng malalim.

          Bumuntong-hininga naman ako at hinawakan si Ina sa braso. "Huwag na po kayong magalit, Ina. Hindi naman po kasalanan ni Ama ang lahat ng ito. Hindi naman niya po alam na ganoon pala ang balak ni Don Miguel."

          Lumingon si Ina sa akin at naroon pa rin ang kaniyang magkarugtong na kilay. Halata sa kaniyang mukha na hindi siya makapaniwalang ipinagtanggol ko si Ama gayong dahil sa kaniya ay nangyari ang lahat ng ito. Nginitian ko na lamang si Ina ng kaunti kapantay ng kaniyang malulungkot na mga mata sabay tango.

          "Halika na't umuwi na tayo. Baka mayroon pang nakaambang panganib dito at hindi ko kakayaning mayroong mangyaring masama sa inyo," wika na lamang ni Ina matapos niyang tignan muli si Ama. "Tawagin mo na ang iyong mga kapatid pati na rin si Arcela't Custavio."

           Matapos iyong sabihin ni Ina ay naglakad na siya paalis at palabas ng simbahan. Napatingin pa ako kay Ama pagkatapos ay naglakad na pabalik kina Kuya na kausap pa rin si Agustin. Nang bumagsak nga ang aking paningin sa kaniya ay hindi ko naiwasang mapangiti. Narito na nga talaga siya at ligtas na. Hindi na siya mawawala pang muli at hindi ko kakayaning mangyari iyon. Gagawin ko ang lahat hindi lamang mapahamak at mawala si Agustin.

          "Saan na patutungo si Ina, Martina?" kaagad na tanong ni kuya Lucio nang makalapit ako sa kanila. Lahat naman sila ay napalingon sa gawi ng pinto kung saan lumabas si Ina.

          "Ang sabi niya ay umuwi na raw tayo."

          "Ganoon ba? Sya't mauna na kayong umuwi at magpapaiwan na ako rito upang tulungan si Ama. Isama niyo na si Agustino nang makakain naman siya sa mansiyon," tugon ni Kuya.

          "Ay hindi, maaraming salamat. Ngunit, hindi muna ako aalis at kailangan ko pang makipag-usap sa Teniente Mayor at sa Gobernadorcillo. Marapat na iparating ko sa kanila ang mensahe galing sa Corregidor." Napatango naman ako sa kaniyang sinabi.

          "Ano ka ba naman, Martina? Makikita mo naman uli si Agustino ah, huwag ka na riyang bumusangot," biglang singit ni kuya Marco kaya napatingin ako sa kaniya. "Tignan mo nga o, ang sama ng iyong tingin sa akin."

           Nagtawanan naman silang lahat sa akin kaya napasimangot naman ako. Nakangisi si Agustin nang bumaling ako sa kaniya at umiiling pa.

          "Huwag ka nang malungkot, Binibini. Ako'y dadalaw sa inyo mamaya, sasama na ako kay Lucio sa kaniyang pag-uwi."

          Tumango na lang ako pero bigla na namang nagsalita si kuya Marco.

          "Hala siya, namumula-mula pa ang kaniyang mga pisngi o. Siguraduhin mo lang iyan, Kuya Agustino, ah. Huwag mong paasahin iyan at baka hindi na naman iyan kumain."

          Sinimangutan ko tuloy si kuya Marco. "Sobra ka naman, Kuya. At saka kapag sinabi naman ni Agustin ay gagawin naman niya," saka ko nginitian si Agustin.

          Ngumiti siya sa akin at tumango. Nagpaalam na kami ulit at umalis na roon habang naiwan sina Kuya Lucio, Agustin, at Ama para asikasuhin ang nangyari. Habang maglalakad pa ako palabas sa simbahan ay nakatingin pa sa akin ang mga tao sa labas. Puno ng pagtataka, takot, at gulat ang kanilang mga mukha. Mas bakas pa roon ang kanilang lungkot na makita ako habang suot ang aking magarbong baro't saya.

          Kabog sa aking dibdib ang aking naramdaman nang dumaan ako sa lalaking nakahandusay dahil hindi pa rin nila iyon kinuha. Naroon pa rin ang takot ko na baka anumang sandali ngayon ay mawawala na ako kaagad at babalik na sa 2020. Ngunit, naroon din ang saya na sa wakas ay natapos ko rin ang misyon at naitugma ang lahat sa nakatakda. Kung sana man kapag oras ko na na babalik sa aking panahon ay maging handa ako at makapagpaalam man lang ako sa mga tao rito.

          Magkasunod kami ni Ina na pumasok sa aking silid. Kaagad akong napaupo sa higaan dala ang pagod at pagkahapo sa lahat ng nangyari. Naging mahaba pa ang aking pagbuga ng hangin kasabay ng pagpahintulot sa sarili kong matumba at mahiga na. Naramdaman ko naman na umupo si Ina sa aking tabi at hinawakan niya ang aking tuhod.

          "Hindi ko akalaing napakaraming bagay ang mangyayari sa araw na ito. Ang dami mong pinagdaanan, anak. Ginawa ko ang lahat upang ikaw ay manatiling nakatago mula sa kapahamakan ng buhay ngunit ito ka ngayon, lumalaban dito."

          Napaupo naman ako saka siya nginitian. "Ayos lamang po ako, Ina. Salamat sa lahat ng ginawa mo para sa akin. buong buhay ko iyong pasasalamatan. Ngunit, may mga bagay talagang nararapat na mangyari upang isakatuparan ang mga nakatakda at upang bigyan tayo ng mga bagay na ating matututunan. Mabuti na rin at nangyari ito, Ina, nang sa gayon ay makita natin kung ano at sino ba talaga ang mga taong nasa paligid natin."

          "Bakit hindi mo man lang sinabi sa amin ang lahat ng ito at sana pa ay tinulungan ka na namin?"

          "Hindi na, Ina," umiling ako. "Ayaw ko po na pati kayo ay mabahala kay hinayaan ko na lang na kusang mangyari ang lahat ng ito."

          Hinawakan naman niya ang aking pisngi, "Labis akong nagagalak, Kristina, na ikaw ay hindi napahamak. Hindi ko lubos kakayanin kapag nawala ka at kukunin mula sa amin."

          Nakatitig ako sa kaniya habang maluha-luha siyang nakangiti. Naaalala ko naman ang sinabi sa aking tungkol sa nangyari noong namatay si Kristina. Ilang araw rin ay binawian ng buhay ang kaniyang ina sa labis na kalungkutan. Tama nga iyon. Ngayon pa lang, nakikita ko na kung gaano siya nasaktan at nagulat nang mangyari ang lahat ng iyon kanina.

          "Masaya rin po ako nang hindi po kayo nasaktan kanina. Huwag na po kayong malungkot at mag-alala sa nangyayari, Ina. Ginagawa na po nila Ama ang lahat nang sa gayon ay wala na pong kaguluhan na mangyari. Kahit ano man po ang mangyari sa akin ay nais ko po sana na huwag kayong masyadong malungkot. Ayaw ko po kasi na nahihirapan kayo at nasasaktan nang dahil sa akin."

          "Huwag mo nang isipin pa na mayroong mangyayari sa akin dahil hindi ko hahayaan iyon," aniya saka napatingin sa buong itsura ko. "Tignan mo na lamang ang iyong kalagayan. Ikakasal ka sana ngunit ang taong ikakasal pala sa'yo ay mula sa pamilyang nagnais na gumuho ang ating angkan. Isa sana ito sa masayang araw ng isang babae ngunit ano itong nangyari?"

          "Huwag niyo na po masyadong isipin iyan, Ina. Sa una pa lamang ay hindi ko naman ginusto ang kasal na ito, hindi ba? Kaya masaya rin akong hindi ito natuloy. Nakisakay na lamang po ako sa kanila upang kahit papaano ay makuha ang kanilang loob."

           "Tiyak akong nahirapan ka nang sobra sa dami ng iyong pinagdaanan. Sana ay ganiyan din ako, anak, may lakas ng loob na kagaya mo," nakangiti na aniya. "S'ya't hindi na ako magtatagal pa rito. Alam kong kailangan mong magpahinga bago tayo kumain. Magbihis ka na muna at ipapatawag na lamang kita kapag kakain na tayo."

          Hindi na rin nagtagal si Ina at iniwan na ako na nakatulala at nakatingin sa labas ng bintana. Bumukas naman ang pinto kaya napalingon ako roon. Papasok si Isay na nakakunot ang noo habang nakatingin sa akin. Dali-dali naman siyang lumapit sa akin kasabay ng pag-upo niya sa aking tabi.

          "Ang akala ko talaga, Senyorita, ay nabaril ka na kanina," kaagad niyang wika.

          "Akala ko rin," tipid kong tawa. "Kinabahan talaga ako ng sobra dahil akala ko ay mamamatay na ako kanina."

          "Sa iyong palagay, Senyorita, sino ang may pakana niyon? at hindi ko rin talaga maintindihan kung bakit dinakip si Don Miguel. Sinabi mo sa akin na may balak siyang patayin ang pamilya mo pero bakit dinakip siya sa ngalan ng Corregidor? May pagkasala siya sa pamahalaan, sobra naman iyan, Don Miguel."

          "Hindi ko alam kung sino ang nasa likod ng pakana sa pagbaril sa akin. Maaaring si Don Miguel o si Clara. Ang mahalaga ay hindi natuloy ang kanilang maitim na mga balak." Lumingon ako kay Isay at umayos ng pag-upo paharap sa kaniya. "Maraming salamat sa iyong tulong, Isay. Hindi ko alam kung buhay pa ba ako o hindi na kung wala ka sa tabi ko na tumulong sa akin. Kaya maraming salamat talaga ah."

          "Ano ka ba, Senyorita? Wala iyon. Karangalan ko ang tulungan ka at tungkulin ko na alagaan ka at ilayo sa kapahamakan. Ang sabi mo, hindi mo lang ako taga-silbi kung hindi isa rin akong kaibigan. Ako ang kaibigan at taga-silbi na handang gawin ang lahat upang maging ligtas ka lang."

           Niyakap ko naman siya habang nakangiti at may luha na namumuo sa aking mga mata. "Maraming salamat talaga, Isay. Maraming salamat."

          "Walang anuman, Senyorita."

          "Kumusta na pala ang mga bata at ang mga panauhin? Ayos lamang ba ang kanilang kalagayan? Wala bang nasaktan sa kanila? O kaya naman ay baka pati sila ay nilason din nina Dueña?" kaagad kong tanong matapos na bumitaw sa yakap.

          Napangiti naman siya at umiling. "Ayos lamang sila, Senyorita. Labis silang nag-alala sa iyo ngunit sinuguro ko naman na mabatid nilang nasa maayos ka lamang na kalagayan. At matapos niyon ay binantayan namin ng maigi ang mga inihanda sa iyong kasal at tiniyak naming walang iba makakapasok doon. Iniutos po ng Donya Floren na ipadala sa mga panauhin at mga tao roon ang mga iyon nang sa gayon ay mayroon silang makain. Naroon po sina Lola Iluminada."

          "Maraming salamat talaga sa inyong lahat. Mabuti naman at walang suliran na nabuo at baka marami pa tayong iisipin. Tiyak akong laganap na ang pangyayaring ito sa buong bayan."

          "Tama ka riyan, Senyorita. Paglabas ko roon ay kahit saan man ako tumingin ay may kumpol-kumpol na ng mga tao na pinag-uusapan ang nangyari. Hindi rin naman iyon nakapagtataka, Senyorita, sapagkat malalaking pangalan na ang nauugnay sa pangyayaring ito."

          "Tama ka. Hindi nga ito imposible."

           "Pero, eii, masaya na ang senyorita," nakangisi na aniya at bigla pa akong sinundot sa aking tagiliran.

          Nagdugtong naman ang aking kilay at itinago ang ngisi na biglang lumitaw sa aking mukha. "Ha? Hindi kita maintindihan. Ano ba ang sinasabi mo?"

          "Ay naku po. Hindi mo na ako maloloko, Senyorita. Nakita ko naman kung gaano nanumbalik ang tuwa sa iyong mga mata nang makita mong muli si Ginoong Agustino."

          Hindi ko na tuloy mapigilan ang sarili ko sa pagngiti nang marinig ang pangalan ni Agustin. Masayang-masaya lamang talaga ako dahil nakita ko uli siya. Masaya ako na malamang hindi pala siya nawala at namatay.

          "Naku, naku, naku, ayan na naman ang kaniayng ngiti o. Hindi ko talaga iyan nakita simula noon araw na bumalik ka rito sa mansiyon. Kaya naman masaya talaga ako, Senyorita, na narito na si Ginoong Agustino, ang taong tunay na nagpapasaya sa iyong puso."

          Bumaba ang tingin ko papunta sa pulseras na aking suot, ang ibinigay ni Agustin sa akin dati. "Masayang-masaya talaga ako nang muli ko siyang makita, Isay. Natatakot na nga ako na baka mawala na naman siya at kunin mula sa akin."

          "Hay, ano ka ba naman, Senyorita? Huwag mong isipin ang ganiyang mga bagay. Isipin mo na lamang ang kasalukuyan, narito kayong dalawa magkasama nang muli. Alam ko naman na kahit anong pagsubok ay malalampasan ninyo lalo na't magkasama kayong dalawa."

          Bumuntong-hininga naman ako at bumaling uli sa kaniya. "Maraming salamat talaga, Isay. Nariyan ka palagi para pagaanin ang loob ko at magpaalala na magiging maayos lamang ang lahat."

          Napangiti naman siya at tumayo sabay lakad papunta sa bihisan. "Hindi mo kailangan na magpasalamat pa, Senyorita. Ginagawa talaga iyan ng isang tunay na kaibigan."

          Bumalik naman siya na may dalang pambahay na damit sabay abot niyon sa akin. Nagtawanan kaming dalawa nang magpunta sa bihisan dahil nagpabalik-balik pa siya. Tinulungan na lamang niya akong magpalit ng damit at bumaba na uli siya at ako naman ay tumambay sa may bintana at nag-isip-isip sa lahat ng mga nangyayari.

          Tinanggal ko ang suot kong kwintas at binuksan iyon. Tuluyan na nga na tumigil ang relo at pumpatak na ang ilang butil ng buhangin sa kabilang orasan. Nakapaskil sa aking mukha ang isang ngiti habang nakatitig doon. Nagawa ko talagang pigilan ang pagkamatay ni Kristina. Nagawa ko ang aking misyon! Halos limang buwan akong narito para pigilan iyon at ngayon nagawa ko nga talaga. At may dumagdag pa. Bumalik si Agustin na akala ko ay wala na talaga.


          Luha ang pumatak mula sa aking mga mata habang nakatingin sa malayo. Nang isipin ko naman ang pagbabalik ko ay hindi ko maintindihan ang pagkirot sa aking puso. Sa loob ng mahabang panahon na narito ako marami akong naging kaibigan, napamahal na rin ako sa mga tao na narito, at hindi ko alam kung paano ako mamumuhay sa aking panahon dala ang mga alaala nila at mga bagay na naging nakasanayan ko na rin.


           Napapikit ako habang hawak-hawak ko ang palawit na bahagi ng kwintas. Bumabalik sa aking isipan ang lahat ng mga alaala noong nakaraang mga buwan. Naroon ang saya at sakit na aking nararamdaman habang iniisip ko ang mga iyon. Mga bagay na kailanman hindi ko na mababalikan. Ngunit, mga bagay rin naman na hindi ko makalilimutan.


          Sana ay, hinihiling ko, magkaroon pa ako ng sapat na panahon na makasama pa ang mga taong narito na minamahal ko at makapagpaalam din ako ng maayos bilang Kristina. Dahil alam kong labis silang masasaktan at magdadalamhati kapag mawawala na ng tuluyan ang Kristina na kanilang minamahal.




Sa Taong 1890

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro