Kabanata 67
|Kabanata 67|
"Magandang araw po, Don Agaton, Donya Florentina," nakangiting bati ng isang lalaking may edad kina ama at ina nang makarating kami sa harap ng isang gusali, isang simbahan.
Napasimangot ako nang marinig iyon. Totoo nga na maganda ang araw na ito ngunit para sa akin ay wala ng mas ikakapangit pa kaysa sa nangyayari ngayon.
"Magandang araw rin, Mang Topasyo. Kumusta ang inyong paghahanda?" tugon ni Ama sabay tukoy sa kanilang inaayos na lugar na pagdarausan ng kasal. Bukas na iyon kaya naman ay abala ang lahat sa paghahanda.
"Ayos po, Don Agaton. Umaayon ang lahat sa nais. Sinigurado na naming mga kakaunti na lang na mga pag-aayos ang ginagawa ngayon para matapos na ito ngayong hapon. Hali po kayo," aniya sabay lahad sa kaniyang palad sa buong lugar.
Masasabi kong matayog ang gusaling ito na gawa sa mga bato. Mataas ito at sa tingin ko ay katumbas na ito ng dalawang palapag na bahay, mas higit pa nga ng kaunti. Mula rito sa labas ay makikita at masasabi na kaagad kung ano ang kanilang pinaghahandaan. Lahat kasi ng mga nakasabit na tela at bulaklak ay pawang mga puti.
Sumunod naman ako kina Ina na pumasok sa loob. Ang lawak ng espasyo sa loob at maaliwalas dahil walang pader kung hindi ay pawang mga haligi lamang ang naroon sa magkabilang-gilid ng estraktura. Isang dipa lamang yata ang pagitan ng mga haligi sa isa't isa. Mas lalo pang dumami ang mga puting palamuti sa loob. Pati ang mga gilid na bahagi ng mga kahoy na upuan ay mga mga telang nakatabon at mga bulaklak na nakadikit. Hindi ko tuloy mawari kung kasal ba ito o lamay. Kung sabagay, araw rin ito ng kamatayan ni Kristina.
"Sayang at hindi po kayo umabot kina Don Miguel. Nagpunta rin sila rito kanina para tignan ang kalagayan dito."
Kaagad na nagdugtong ang mga kilay ko nang marinig ang pangalang iyon. Ang taong nasa likod ng lahat ng ito. Balang araw lalabas din ang katotohanan at gagawin ko ang lahat upang maranasan niya ang mga bagay na dapt niya maranasan, kabayaran sa laht ng mga ginawa niya kay Kristina at sa pamilyang ito.
"Ayos lamang iyon. Batid ko naman na magugustuhan nila ang lugar na ito at naaayon din sa aming mga nais ang nangyayari."
Sa inaasahan ay walng kaalam-alam si Am na nakangiti pa nang bahagya sa lalaki. Naiinis din ako sa lalaking ito eh. Hindi magawang pakinggan ang anak pero ang kaibigan niyang ahas ay pinaniniwalaan. Kung sa bagay, nabulag siya sa akala niyang kabaitan at sa salitang pagkakaibigan. Sana hindi maging huli ang lahat bago niya mapagtantong tama nga ang kaniyang anak.
"Maligayang bati po sa inyo, Don at Donya. At sa inyong unica hija rin na sa wakas ay ikakasal na. Sana nawa'y tatagal silang magkasama hanggang sa kanilang pagtanda."
Natigil tuloy ang pagtingin ko sa buong paligid nang marinig ang sinabi ng lalaki. Lihim ko na lang siya na tinignan at umiwas na ng tingin. Hindi ko na lang na pinansin ang kaniyang sinabi at bumalik na sa pagtingin sa lugar. Sinagot naman siya nina Ina at Ama na hindi ko na lang din pinakinggan.
"Salamat, Mang Topasyo. Sana ay iyon nga. Iyon din ang aming hinihiling para sa kanila," si Ama.
Habang nagmamasid sa buong lugar ay hindi ko maiwasang maisip ang isang pangyayaring labis na hindi inaasahan ng lahat. Dito namatay si Kristina na walang kalaban-laban. Dito nagsimula ang pagdurusa ng pamilyang ito. May isang silid sa likod ng lugar na ito kung saan nakaupo ako sa panaginip ko at katabi ng silid na iyon ay ang silid kung saaan naroon ang mga inihandang pagkain. At kung saan nangyari ang paglagay ng lason sa aking baso. Si Dueña, alam ko na talaga na may kung ano mang nakapalibot na awra sa kaniya unang araw ko pa lang siyang nakita. Hindi nga ako nagkamali, siya pala ang papatay sa akin. Pagkatapos ng lahat ng mga pagtuturo at pangaral niya sa akin papatayin lang pala ako. Parang hayop, aalagaan muna at ihahanda upang pagdating ng okasyon kakatayin na. Ang galing.
Naglakad naman ako papunta sa harap, doon sa lugar na kung saan ako tatayo bukas, sa harap ng altar at sa lahat ng mga panauhin. Nang itapak ko ang aking mga paa ay hindi ko maintindihan kung bakit biglang bumilis ang tibok ng puso ko. Ang daming nagsisulputang mga katanungan at pagdududa sa aking isipan. Huminga na lamang ako ng malalim ngunit kahit pa iyon ay hindi nakatulong sa pagkalma ng aking puso.
Nagdugtong ang mga kilay ko nang mapansin ko ang tila ba'y ikalawang palapag ng gusali. Kaso ay sa gilid lamang iyon at tila balkonahe iyon na sa loob ng simbahan nakaharap. Paikot iyon na nakaporma ng baliktad na C. Hindi na iyon sumakop pa sa buong simbahan. Gawa sa bakal at kahoy ang mga balustrade niyon ngunit halos hindi makikita kapag mayroong tao roon sa itaas. Paano kung riyan nakapwesto ang babaril sa akin?
Hindi rin imposible iyon ngunit maaaring nasa baba lamang din siya nakaabang sa akin. habang iniisip ko ang sandali na babarilin na ako ay hindi ko maiwasan na maramdaman ang tila pagkahulog ng puso ko. Sino naman kaya ang babaril sa akin?
"Anak?"
Bumalik ang aking diwa nang tawagin ako ni Ina. Lahat sila ay napatingin na sa akin. doon ko napagtanto na naninigas na pala ako sa kinatatayuan ko habang nakatingala. Kaagad akong napalunok at mabilis na sinulyapan muli ang katapat na banda at mabilis na naglakad papalapit kina Ina.
"Ayos ka lamang ba, anak? Tila ba'y mayroon kang dinaramdam," nababahalang tanong ni Ina nang makalapit ako.
Mabilis akong umiling. "Wala po, Ina. Ayos lamang po ako."
"Aalis na kami, Mang Topasyo. Kayo na ang bahala rito."
Nagpaalam na si Ama sa mga nagtatrabaho roon. Kaagad naman sila napatango sabay pangakong matatapos na nila ito na hindi pa natatapos ang araw. Hindi na rin kami nagtagal pa roon at umalis na kami at umuwi ng mansiyon. Nang makarating kami ay umakyat na agad ako patungo sa aking silid upang humiga. Kanina pa hindi mapakali ang puso ko sa kakakalabog nito. Gustuhin ko man na matapos kaagad ang araw ng kasal ay natatakot pa rin talaga ako.
Napabalikwas akong bumangon na ikinaigtad ni Isay na may dalang meryenda na inilapag sa mesa. Kunot-noo naman siyang bumaling sa akin kaya pinagkrus ko ang aking mga braso sa harap ng aking dibdib. "Anong gagawin ko, Isay?" Nagdugtong naman lalo ang kaniyang mga kilay nang marinig ako. Kahit hindi niya alam kung ano ang tinutukoy ko ay napauppo naman siya sa upuan na nasa harap ko at nakinig.
Kahit katahimikan ang nais ko kaya ako tumamabay sa duyan sa harap ng mansiyon ay hindi ko pa rin iyon nakuha dahil sa ingay ng mga kuliglig na bumabalot sa aking tenga. Tumambay ako kanina sa may bintana ng aking silid pero tila ba'y napakainit ng buong silid na ginusto ko na lang na lumabas ng mansiyon. Alam ko naman na ligtas pa rin ako kahit malalim na ang gabi dahil may mga gwardiya naman na nagbabantay sa may tarangkahan.
Hindi ko lang maintindihan ang nararamdaman ko. Alam kong normal ito sa mga taong ikakasal na kabahan at matakot para sa araw na iyon pero kahit alam kong hindi naman totoo ito ay natatakot at kinakabahan pa rin ako. Marahil ay hindi ito tungkol sa kasal kung hindi dahil sa misyon ko. Kailangan kong mabuhay bukas. At hindi ko alam kung magagawa ko iyon dahil sa daming banta sa buhay ko rito hindi ko alam kung may nakaambang panganib ba sa lugar na iyon o sa oras na iyon. Hindi ko alam kung kailan ako babarilin. Hindi ko alam kung may iba pa ba silang lalasunin na pagkain o tao, inumin o pati susuotin ko ay mas lason. Hindi ko alam. Nakakatakot. Maling hakbang ko lang ay maaari ko nang ikamatay.
Matapos ang nangyari kagabi ay hindi ko na nagawa pang humarap kay Dueña. Nakakatakot siya. Ang ahas niya. Hindi ako umiiwas dahil naduduwag ako sa kaniya pero umiiwas ako sa kaniya dahil ayaw kong magkamali ako at masira ko ang mga planong alam ko na. Alam kong may iba pa silang plano bukod sa lagyan ng lason ang iinumin ko kapag hindi iyon nangyari. Kaya ayaw kong ilagay sa peligro ang mga bagay na alam ko at maaari kong iwasan dahil lamang sa galit ko sa kaniya. Ayaw kong may madamay pang mga tao.
Nanatiling lihim ang lahat ng mga nakita ko at ayaw kong sabihin sa iba iyon dahil ayaw kong magkaroon siya ng pakiramdam na mayroong nagbago. Gusto kong kagaya lamang sa nakasanayan ang lahat. Gusto kong isipin nila walang may-alam sa kanilang mga ginagawa. Kung sana lang ay narito si Agustin, sasabihin ko sa kaniya ang lahat dahil alam kong matutulungan niya ako rito. Matalino siya at alam niya ang lahat ng mangyayari sa alinmang bagay at kung ano ang maaari niyang gawin para pigilan ang mga iyon.
"Martina?"
Nanigas ako sa kinauupuan ko nang marinig ko ang isang boses mula sa aking likuran. Hindi ko tuloy alam kung lilingon ba ako, tatakbo palayo, magtatago, o lalapitan ang taong iyon. Huminga ako ng malalim at kasabay niyon ang pagkaramdam ko sa kaniyang presensya na papalapit sa akin. Umupo naman siya sa kabilang duyan kaya nilingon ko siya.
"Akala ko ay tulog ka na," aniya sabay taas ng kilay sa akin.
Napailing ako at mahinang ginalaw ang duyan. "Hindi pa. Hindi ako makatulog. Ang gulo ng isip ko, Kuya."
"Alam kong iniisip mo ang mangyayari bukas. Pero huwag kang mabahala, magiging maayos lamang ang lahat."
"Sana nga, Kuya," tugon ko at bumuga ng hangin kasabay ng pagtingala ko sa langit.
Dati, naalala ko pa ang sinabi ni Ina na hindi niya pa kami nais na ipakasal dahil nais niya pa kaming makasama ng matagal. Pero ngayon ikakasal na ang kaniyang bunsong anak. Hindi ko alam kung tuluyan na ba ni ina na natanggap ang bagay na iyon. Sa mga nakikita ko sa mga nakaraang mga araw ay nagpapansinan na sila ni ama at sa tingin ko ay maayos na silang dalawa sa isa't isa. Iyon din naman ang gusto kong makita kaya sana hindi na sila mag-away. Sana ay bati na talaga sila.
Pero paano kung mamamatay ako bukas?
"Martina? Kanina ka pa bumubuntong-hininga. Ayos lamang ba ang iyong kalagayan?"
Kagyat na napalingon ako sa kinauupuan ni Kuya Lucio nang marinig ko ang kaniyang sinabi. Matamlay ko siyang tinanguan at alam kong hindi siya naninwala sa sinagot ko dahil tinaasan niya ako ng kilay.
"Sabihin mo, nais mo bang umatras sa kasalang ito? Nais mong tumakas? Gusto mong umalis sa bayan na ito? Sabihin mo lamang ako, tutulungan kita."
Napailing naman ako. "Hm," hilaw na tawa ko. "Hindi, Kuya. Kailangan kong gawin ang bagay na ito. Para sa ating lahat. Para sa akin."
"Wala na akong nais pa kung hindi makita kayong masaya. Sana ay maging masaya ka, Martina. Alam ko, alam ng lahat na hindi mo nais na maikasal kay Primitivo, pero hindi ko maintindihan kung bakit ito ginagawa ni ama. Ngunit, alalahanin mo lamang palagi na narito lamang ako para sa iyo. Hindi kita pababayaan, at kung ano man ang kailangan sabihan mo lamang kaagad ako. Kahit ano pa iyan, gagawin ko."
Nang pinakikinggan ko siya ay nagsimula ng mamuo ang mga luha sa aking mga mata. Kaya ko ginagawa ang mga bagay na ito dahil para sa kaniya, sa kanila, sa mga taong nariyan palagi sa akin at tinutulungan ako. Hindi ko kayang makita silang nahihirapan. Hinding-hindi ko hahayaang manaig ang mga plano ng mga taong nasa likod ng kamatayan ni Kristina at sa pagkaluray ng pamilya ng mga taong ito.
"Maraming salamat, Kuya. Hinding-hindi ko makakalimutan ang lahat ng mga bagay na ginawa mo para sa akin. Pinapangako kong magiging masaya ako, si Martina, ang kapatid mo," tugon ko at mabilis na pinahid ang mga luha na nagsimula ng tumulo.
Napangiti naman siya at hiwakan ang balikat ko sabay tango. "Alam ko. Alam ko, Martina, dahil kahit anong gusto mo nakukuha mo at ibinibigay sa iyo."
"Maliban na lang sa pagpapakasal," mapait kong turan na ikinatawa niya. "Kuya, may balita ka ba kay Agustin?"
Napatigil naman siya nang tanungin ko iyon. Ang kaninang nakangiti niyang mukha ay biglang napalitan ng pagkaseryoso. Mababa ang kaniyang mga balikat nang bumaling siya sa akin kasabay ng kaniyang pag-iling pagkatapos na tumingin sa malayo.
"Wala, Martina. Wala na kaming naging balita kay Agustino. Masakit man na isipin ngunit kinuha na siya mula sa atin. Hayaan na lamang natin siyang magpahinga ng mapayapa."
Tama, tama sila. Ayaw ko nang guluhin pa si Agustin. Tama na ang pagpapasakit mo sa kaniya, Chestinell. Hayaan mo na siyang manahimik. Magpasalamat ka na lang sa kaniya at tanggapin ang katotohanan na wala na siya.
"Hindi man lang ako nakapagpasalamat sa kaniya ng maayos," malungkot kong saad.
"Alam naman niya kung gaano ka nagpapasalamat sa kaniya. Batid iyon ni Agustino, Martina."
Pareho kaming napalingon nang marinig ang boses ni kuya Lucas mula sa aming likuran. Doon namin nakitang papalapit siya kasama si kuya Marco. Nakangiti silang dalawa na may dala pang mga baso ng kanilang mga iniinom.
"Bakit... bakit kayo narito?" kunot-noo kong usisa. "Akala ko ay tulog na kayo."
Natawa naman silang dalawa sabay upo sa damuhan sa harap namin. "Nais sana kitang kumustahin kaya nagpunta ako sa iyong silid, ngunit hindi ka naman sumagot kaya hinanap kita sa kusina nagbabakasakaling naroon ka. Si Marco naman ang nakita ko roon."
Inabot naman ni kuya Marco ang isang baso na kaniyang dala. "Tsokolate."
"Salamat," usal ko saka mabilis iyong tinanggap. "Marahil ay kailangan ko lamang na uminom nito upang makatulog."
"Bigay iyan ni kuya Agustino. Para raw sa iyo iyan, alam niya kasing gustong-gusto mo ng tsokolate," lahad ni kuya Marco.
Napatigil ako sa pag-inom saka tinitigan siya. "Kailan pa? Hindi ko alam iyan."
"Noong nakaraang mga buwan. Napansin niya kasing malungkot ka na lamang lagi kaya binigyan ka niya, hinihiling na sana kahit iyan ay makakapagpangiti sa iyo. Hindi ka kasi madalas na kumain at nakatulala na lang buhat ng balitang ikakasal ka na at dahil na rin sa nangyari kina Don Carlos kaya... Hala, Martina, naku naman. Naku po, bakit ka umiiyak? Hindi... hindi ko sinasadya... Ano ba ang sinabi ko? May mali ba akong sinabi? Ayos... ayos ka lamang ba? Mapait ba siya?"
Kaagad akong napailing kasabay ng pagbuhos ng mga luha ko. "Hindi... hindi mapait. Masakit... masakit ang puso ko."
"Huwag ka nang umiyak, Martina. Malulungkot si Agustino niyan at kami pa ang sisisihin," alo ni kuya Lucas.
"Ikaw kasi, Marco."
"Pasensya na nga. Hindi ko naman sinasadya, Kuya."
"Ayos... ayos lang. Hindi ko lang maiwasan na maiyak kapag naaalala ko siya," paliwanag ko sabay pahid ng mga luha.
"Naiintindihan ko iyon," pagtitiyak ni kuya Lucas. "Alam kong mahal mo siya kaya nasasaktan ka. Pero para sa kapakanan mo, sana ay huwag kang masyadong manatili sa nangyari sa nakaraan. Kahit si Agustino mismo ay alam kong ayaw niya ring nagiging ganiyan ka."
"Alam namin na ang daming nangyayaring hindi inaasahan at sunod-sunod pa ang mga iyon kaya sobrang hanga namin sa katatagan mo, Martina. Kaya tatagan mo pa pero alalahanin mong maaari kang sumandal sa amin at humingi ng tulong. Hindi ka namin pababayaan." Tumango ako kay kuya Lucio.
Bigla namang natawa si kuya Marco dahilan para mapalingon kami sa kaniya. "Ano? Mag-iiyakan na lamang ba tayo rito? Ikakasal na ang kapatid natin o."
"Hindi ko akalaing mas mauuna pa siya sa akin eh," komento naman ni kuya Lucas.
"Mas lalo na ako," tawa ni kuya Lucio.
Napailing na lang ako sa mga sinasabi nila. "Sana may nahanap ka ng kasintahan, Kuya," turan ko matapos uminom.
"Naku, hindi lamang iyan nagsasabi pero siya pala ay ikakasal na sa susunod na buwan," biro ni kuya Marco.
"Sobra ka naman, Marco. Hindi naman ako nagmamadali."
"Tignan mo, mayroon nga."
"Hindi ko rin naman sinabing mayroon. Sinabi ko lang na hindi ako nagmamadali. Ang hirap mong kausap."
"Ang ingay niyo. Makita nga tayo ni ama rito, baka rito na tayo matulog magdamag," saway na lang ni kuya Lucas.
"Ah, mas mauuna pa pala si Lucas kaysa sa iyo, Kuya. Ang bagal mo naman kasi."
"Ngunit mas mauuna naman ako sa iyo. Marahil nga ay hindi ka na makakapag-asawa. Tila ba kasi ay nahawa ka na ni Gabriel sa pagiging palikero."
"Hay, naalala ko naman tuloy sina Gabriel," buntong-hininga ni kuya Marco. "Sana ay maayos lamang ang kanilang pamumuhay roon."
"Tiyak naman ako riyan. At sana nga talaga ay muli na natin silang makikita."
Bakas sa mukha ni kuya Lucio ang pangungulila sa kaniyang mga kaibigan. Ganoon naman kasi sila kalapit sa isa't isa, lalo na kay kuya Luis. Naalala ko pa noon, kaarawan iyon ni Ama at una ko silang nakilala. Kahit saan ba naman magpunta ang isa ay magkakasama silang lahat. Madalas silang magliwaliw at magpunta sa ibang mga lugar, at palaging nagsasaya. Tapos sa isang iglap lang ay maghihiwalay sila. Kabilang sa mga paborito kong mga alaala ay sa tuwing kasama ko sila. Kahit pa mga kalokohan ang mga ginagawa nila ay nasisiyahan pa rin ako kasi ang saya nila kasama.
"Sana nga talaga. Kapag nangyari iyon ay gagawin natin ang mga nakasanayan nating libangan," nakangiting wika ni kuya Lucas.
"Hindi na ako makapaghintay na mangyari iyon," saad ni kuya Marco.
Ilang sandali rin kaming natahimik at pinagmasdan ang kalangitan at dinamdam ang malamig na simoy ng hangin. Sa loob ng sandaling iyon kumalma ang puso ko at pumanatag ako. Naging blanko na rin ang isip ko at wala na akong naisip kung hindi ang kagandahan ng gabi. Nilingon ko rin ang tatlo na tila ba'y ang lalalim ng kanilang mga iniisip na nakatingin lamang sa kawalan. May kung anong tuwa nsa puso ko habang nakikita ang sarili na kasama sila, tila ba'y nag-uusap subali't katahimikan lamang ang namamayani at namamagitan.
Tumagal iyon ng ilang minuto bago sila nagyaya na pumasok na dahil hating gabi na rin at may gaganapin pa bukas. Tahimik lang kaming bumalik sa loob ng mansiyon at nauna na akong pinapasok ng tatlo sa silid bago sila bumalik sa kani-kanila ring mga silid. Inutusan na rin nila akong matulog na upang hindi sasakit ang ulo kinabukasan pero heto ako ngayon nakahiga sa kama habang nakatingin sa larawan ni Kristina na nasa tapat.
Ito na, Kristina, bukas na mangyayari ang pinakahihintay nating dalawa. Sana ay magawa ko. Tulungan mo ako ah.
Natagpuan ko na lamang ang aking sarili na nakaupo sa harap ng salamin habang suot ang baro't saya na halintulad sa aking panaginip. Kulay puti ang aking baro, at kulay krema naman ang aking saya at alampay. Kahit ang garbo ng suot ko dahil sa mga disenyo nito ay hindi ko man lang magawang maging masaya. Narito ang labis na kaba sa puso ko. Ngayon ang araw ng kasal, at ngayon ang araw na isasakatuparan ko ang aking misyon. Ika-isa ng Hunyo, taong 1890. Sana ay magtagumpay ako.
Ikinabit na ng babae ang aking alampay kaya inabot ko sa kaniya ang brotse na bulaklak at paru-paru. Tugma iyon sa kulay ng aking damit na may kaunting asul at pula. Inabot ko na rin sa kaniya ang payneta na binigay ni Primitivo. Ginamit niya iyon upang ihawak sa mantilla sa aking ulo. Kulay puti iyon at tumigil hanggang sa aking bewang.
Lumabas na ang babae pagkatapos niyang isuot sa akin ang mamahaling kwintas ni Ina. Hinawakan ko naman ang pulseras na ibinigay ni Agustin sa akin na aking suot. At bago pa man ako maiyak ay kinuha ko na ang laket at sinuot iyon. Nakita kong umiikot pa ang segundo nito at saktong alas onse na ng umaga.
Napatitig ako sa aking sarili sa repleksyon ng salamin. Ang tanging nararamdaman ko ay kaba at tila pagkawalang-laman ng aking tiyan. Ang gaan nga ng aking ulo na tila ba'y mahihilo na ako. Isang malalim na paghinga ang aking ginawa bago naglakad palabas ng aking silid. Bumaba na ako at nadatnan doon sa sala mayor na nakahilera ang mga taga-silbi. Nakangiti pa sila sa akin habang bahagyang nakayuko. Tanging pagtango na lang ang aking tinugon at nagtuloy-tuloy sa paglalakad. Nakarating naman ako sa may pinto ng mansiyon at naroon si Isay na malapad ang ngiti sa akin.
"Napakarikit mo naman, Senyorita. Bagay na bagay sa iyo ang iyong suot. Sobra."
"Maraming salamat, Isay."
Isang ngiti na nagpapahiwatig ng kalungkutan ang kaniyang pinakawalan kasabay ng kaniyang pagtango. "Wala akong ibang hinihiling kung hindi ang kasiyahan mo lamang, Senyorita. Sana ay maging payapa at maayos ang araw na ito."
Hinawakan ko naman siya kasabay ng kaunting pagpisil ko sa kaniyang braso. Napasinghot pa siya na ikinarugtong ng aking mga kilay. "Halika na't bumaba, Senyorita. Oras na upang magtungo sa simbahan." Inabot naman niya sa akin ang pumpon ng mga bulalak, puting rosas at sampaguita.
Sabay na kaming bumaba at nadatnan namin si kuya Lucio at kuya Marco sa may kalesa. Nang makalapit kami ay kaagad na napangiti ang dalawa sa akin.
"Aba naman. Napakaganda!" bulalas ni kuya Lucio.
"Oo nga. Labis na napakanda. Ikaw na ang novia del siglo."
Nagtawanan ang tatlo sa sinabi ni kuya Marco na hindi ko rin naman maintindihan kaya napailing ako. "Tayo na't umalis at baka mawalan na sila ang pasensya sa paghihintay sa iyo," biro pa niya. Sumang-ayon naman si kuya Lucio at kaagad nila akong tinulungan na sumakay sa kalesa. Tumabi naman sa akin si kuya Lucio pagkatapos, at magkasama sa kabila sina kuya Marco at Isay. Naroon na sina Ina at Ama sa simbahan pati sina Tiya, Tiyo, kuya Lucas at ate Guada. Parehong abay sina kuya at ate pati na rin ang dalawa pa, at si Isay. Hindi ko na alam kung sino pa dahil sina ina at Donya Amelia ang umasikaso niyon, pero sariling desisyon ko si Isay. Ang ganda nga niya sa kaniyang suot na baro't saya.
Umalis na ang karwahe at tahimik lamang ako habang binabagtas namin ang daan patungo sa sentro ng bayan. Pagdating nga namin doon ay maraming tao ang nasa gilid ng kalsada na nakaabang sa amin. Halos lahat ay napapalingon at napapatingin, mayroon pang kumakaway. Hindi ko akalaing mayroon pang ganito na mangyayari.
"Narito sila upang batiin ka, Martina. Hindi na naging lingid sa kaalaman ng lahat ang iyong kasal," rinig kong sabi ni Kuya mula sa aking tabi. Tumango ako at kumaway pabalik sa kanila. Nakarating na kami sa harap ng simbahan at doon ay mas maraming tao ang nasa labas. Hindi naman sila nagtagal dahil pinaalis na rin sila ng mga gwardiya sibil sa paligid.
Bumaba na ako ng kalesa na inaalalayan ni Kuya. Muli na naman na bumilis ang tibok ng aking puso nang nasilayan kong muli ang simbahan. Naroon ang takot sa aking puso. Ngunit sa kabila niyon ay kinakalma ko pa rin ang sarili ko at iniisip ang tamng ihahakbang. Alam kong kapag nagpadala ako sa emosyon ko ay hindi ko na magagawa pa ng tama ang misyon ko.
Nadatnan ko naman sina Ina, Ama, Kuya, at ang mga abay at mga padrinos y madrinas na kanilang itinalaga. Kaagad silang lumapit sa akin nang nakalapit ako sa kanila, lalo na si Ina na ang lapad ng kaniyang ngiti. Sunod-sunod din ang pagbati ng iilang mga tao na kanilang kasama na hindi ko naman kilala. Kaagad akong niyakap ni kuya Lucas habang nakangiti.
"Andito ka na, Martina. Ikakasal ka na nga talaga."
"Ang bilis ng pangyayari, Kuya. Tila ba'y hindi man lamang ako nakahinga," parinig ko kay Ama na nakatingin lang sa akin. At alam ko naman na hindi uobra sa kaniya ang pagpaparinig kaya napailing na lang ako.
Hinawakan naman ako ni kuya Lucas sa balikat at tumango siya. "Magiging maayos lamang ang lahat." Bumuntong-hininga ako saka siya tinanguan pabalik.
"Binabati kita, Martina." Bumaling naman ako kay ate Guada na nagsalita sa kaniyang tabi.
"Salamat, Ate. Sana kayo na ang susunod."
Magkasabay naman na tumawa ang magkasintahan at nagtinginan. Maya-maya pa ay magkasabay rin silang tumango kasabay ng muli nilang pagbaling sa akn. "Sa tamang panahon, Martina," sabi ni ate Guada.
"Tama, tama. Sa tamang panahon," mahina kong pag-ulit.
"Napakaganda mo, anak," ani Ina sa aking tabi.
"Maraming salamat, Ina. Mana po sa'yo."
"Ikaw talaga," natatawang aniya. "Maglibang ka lang sa oras na ito, anak. Huwag kang malungkot o mag-isip ng ibang mga bagay. Hiling ko'y masiyahan ka man lang sa araw ng iyong pag-iisang dibdib."
Tumango ako sa kaniya saka siya niyakap. "Susubukan ko po, Ina."
Ngumiti siya ng malapad sa akin saka ako hinalikan sa noo. Ilang sandali naman kaming naghintay sa labas ng simbahan bago naging maayos na raw ang lahat sa loob at handa nang magsimula. Isa-isa na silang nagsipasok at tumabi na muna ako. Nag maiwan akong mag0isa sa labas ay naglakad na ako patungo sa aking pwesto.
Habang inaayos ko ang aking sarili na nakatayo sa harap ng malaking pinto na nakasara hindi ko kinalimutang paalalahanan ang sarili na mag-ingat at magmasid. Sana nawa'y umayon sa aking plano ang lahat, dahil kung hindi patay ako. Literal.
Nanumbalik naman ang kaba sa aking puso nang unti-unting bumubukas ang pinto. Tila ba'y huminto ang oras. Gusto kong tumakbo at umalis mula sa lugar na ito pero hindi maaari. Nararapat kong harapin ang kasal na ito.
Nang itinaas ko na ang aking tingin tungo sa loob ay ganoon na lamang ang panginginig ng aking mga tuhod. Isang babae ang sumenyas sa akin na pumasok na raw ako. Tumayo ang aking mga balahibo sa braso nang inihakbang ko ang aking paa sa batong apakan papasok sa loob ng lugar na iyon. Tumunog na rin ang orkestra na ikinasayaw ng aking puso. Dahan-dahan akong naglakad papasok at huminto sa may pinakahuling mga upuan. Nakita ko naman si Ama na nakatayo pala gilid. Suot niya'y gaya ng kaniyang nakasanayan, itim na pantalon, at mahabang tunikang umabot sa kaniyang binti na pinailaliman ang puti kamisa de chino at tsaleko. Nasa kaniyang kanang kamay naman ang kaniyang palaging dala na baston.
Tumabi naman siya sa akin at itinaas ang kaniyang siko. Napatitig ako sa kaniya ng ilang segundo bago kumapit doon. Blanko lamang ang kaniyang tingin sa akin ay walang magkarugtong na mga kilay, nakakunot na noo, o umaapoy na mga mata na lagi kong nakikita. Hindi man galit ang bakas sa kaniyang mukha ay hindi ko pa rin makita ang kaniyang pagkatuwa. Marahil ay tinatago niya lamang ngunit batid kong nasasabik na siyang maikasal ako nang tuluyan.
Tinanggal na niya ang kaniyang tingin sa akin at bumaling na sa harap, kung saan naroon si Primitivo na nakatayo suot ang kaniyang kremang barong. Bahagya na akong hinila ni Ama kaya bumuntong-hininga ako bago siya sinabayan sa kaniyang paglalakad.
"Kasal ito, Kristina, hindi burol. Ngumiti ka," utos niya.
"Masaya ka na ba, Ama? Masaya ka nang sa wakas ay narito na tayo?" pagsawalang-bahala ko sa kaniyang sinabi. Parehong seryoso ang aming mga mukha na nakatingin sa aming harapan. "Pinapangako ko, Ama, mali ang kasal na ito. Mali ang kinaibigan mong tao."
"Kahit hindi ka sang-ayon sa kasalan na ito, huwag mong pagsalitaan ng hindi maganda ang ibang mga tao. Balang araw maiiintindihan mo rin."
Napabuga ako ng hangin dahil sa narinig. "Balang araw rin, Ama, maiiintindihan mo," pagbalik ko sa kaniya sa kaniyang sinabi.
Hindi ko na rin namalayan na nakarating na pala kami sa harap ni Primitivo. Malapad ang kaniyang mga ngiti nang nagmano siya kay Ama. Nagkamay rin sila bago ibinigay ni Ama ang malamig kong kamay kay Primitivo. Umalis na si Ama at naiwan kaming dalawa asa harap. Ilang sandaling napatitig si Primitivo sa akin habang nakapaskil sa kaniyang mukha ang kaniyang mga ngiti. Gusto ko sanang paniwalaan ang mga ngiti niya ngunit iniisip ko ring baka alam niya ang ginagawa ng kaniyang ama o kasabwat siya nito.
"Napakaganda mo, Binibini," aniya.
Tipid akong nagkibit-balikat. "Sabi nga nila."
Natawa naman siya pagkatapos ay iginiya na ako sa aming pwesto sa harap. Ngumiti sa amin ang lalaking magkakasal sa amin na binati ni Primitivo. Isang mahina at matagal na paghinga ng malalim ang ginawa ko at inihanda ang sarili sa pagsisimula ng kasal. Napatingin na akong muli sa harap at magsasalita na sana ang lalaki nang may lumapit sa amin na isang binata na may dalang kahoy na bandahe at naroon nakapatong ang dalawang kopita.
"Para saan iyan, Andoy?"
"Para raw po sa kanila. Uminom raw po muna, pampatid-uhaw."
Tumango naman ang lalaki saka sinenyasan niyang iabot sa amin ang mga iyon. Naramdaman ko na naman muli ang pagkalabog ng aking puso. Kinuha na ni Primitivo ang dalawang baso at ibinigay sa akin ang isa. Malamig ang kamay ko nang tanggapin iyon. Kaagad akong napatingin sa laman niyon at nakitang kulay lila na mapula-pula pa ito. Alak? Pampatid-uhaw? At saka, tila ba'y napakaaga pa uang uminom ng alak.
"Sa aking palagay ay nararapat na humarap tayo sa kanila habang iniinom ito."
Napabaling ako kay Primitivo nang magsalita siya mula sa aking kanan. Kaagad na nagdugtong ang aking mga kilay nang marinig ang kaniyang sinabi. Ngumiti siya sa akin bago humarap sa mga panauhin kaya wala na akong nagawa kung hindi ang gumaya sa kaniya. Itinaas naman niya ang kaniyang hawak na kopita at ngumiti sa akin bago niya tunggain iyon. Nag-atubili akong itinaas din iyon at inilapit na sa bibig upang inumin. Napatingin ako pagilid kay Primitivo at nakitang inubos na niya ang laman niyon. Bumuntong-hininga ako at binaba ang tingin at hinanap si Don Miguel sa mga nakaupo. Nang makita ko siya ay napatitig ako ng diretso sa kaniyang mga mata. Ito ang unang pagkakataon na nakita ko siya ngayong araw na ito. Nakita ko ang kaniyang singkit na mga tingin at ang kaunting ismid sa kaniyang labi habang nakatingin din ng diretso sa akin. Ginantihan ko siya ng mga madidilim at nanunusok na mga tingin kasabay ng pag-inom ko ng lahat ng laman ng kopitang aking hawak.
Nasa kamay mo, Don Miguel, ang lahat ng dugong pagmamay-ari ng mga Del Veriel. Hindi ako titigil hangga't hindi ko maibabalik sa iyo ang lahat ng mga bagay na ginawa mo sa pamilya ko.
Magkasabay na nagpalakpakan ang mga tao nang tapusin ko ang pag-inom. Kinuha na ni Primitivo ang kopita at ibinalik sa binata. Humarap na uli kami at napatingin sa lalaki. Nakangiti siya at tumikhim muna bago nagsalita.
Pinapanatag ko man ang sarili ko ay hindi pa rin ako maaaring magpakampante. Narito lamang ang lahat ng mga taong papatay sa kin. At anumang sandali, baka magtagumpay silang lahat sa kanilang mga balak. Napapikit na lang ako at pilit na tinatanggal ang lahat ng mga kaguluhan sa isip ko.
"Mga minamahal na mga panauhin, narito tayo't nagtitipon upang saksihan ang pag-iisa nina Ginoong Primitivo Letreval at Binibining Maria Graciana Kristina Del Veriel sa banal na pag-aasawa," pagsisimula ng lalaking nasa aming harapan. "Ang pag-iisang dibdib ay isang banal na...."
Wala na akong halos maisip na matinong bagay. Hindi ko rin alam ang takbo at kaganapan ng seremonyang ito dahil sa dami ng pangyayaring hindi ko lubos na masundan.
"Sa harap ng presensya ng pamilya at mg kaibigan, nais kong itanong sa kung sinong mayroon mang narito na may dahilan at nalalaman upang ang dalawang ito ay hindi maaaring pagsamahin ang dalawang ito sa banal na kasalan."
"Kung mayroong anumang pagtutol, hayaan itong ipahayag ngayon, o manahimik na lamang magpakailaman man."
Napakatahimik ng buong paligid habang hinihintay kung mayroon magsasalita. Mula pa kanina ay hindi pa rin naging panatag ang puso ko. Sunod-sunod ang naging pahinga ko ng malalim at si Primitivo ay nakita kong nakatingala lamang sa harap at nakapikit.
"Sapagkat walang tumutol, ating ipagpatu—,"
"Hindi sila maaaring ikasal!"
Isang boses and namayani sa buong lugar at iyon ay ikinatibok ng puso ko ng mabilis. Isang boses na pamilyar sa akin, kinikilala ng puso ko. Boses na matagal ko nang hinihintay na marinig. Nanigas ako sa kinatatayuan ko na hindi ko na kaya pang lumingon sa pinanggalingan ng boses. Naramdaman ko pa ang panlalamig ng aking likod at mga paa. Hindi ko rin alam kung totoo nga iyon o guni-guni ko lamang ang boses na iyon dahil lagi ko siyang iniisip. Totoo... totoo ba ang narinig ko?
Malakas na sigawan ang muling namayani sa aking mga tenga nang makarinig ako ng malakas na pagputok ng isang baril na umalingaw-ngaw sa buong lugar. Napagitla ako at nanginginig aking ang mga kamay at tuhod habang malalalim na paghinga ang aking ginawa. Hindi ko na nakayanan pa at napahawak na ako kay Primitivo nang nawawalan na ng balanse ang aking buong katawan buhat ng takot, gulat, at pagkabigla.
"Binibini?" gulantang na kaniyang wika.
"Senyorita!"
Isang sigaw na tiyak akong kay Isay ang namayani sa aking tenga nang tila bay isang matinis na tunog na lang ang aking narinig. Mas lalo pang bumilis ang ibok ng aking puso. Mamamatay na ba ako?
Sa Taong 1890
Follow xxienc on Facebook for updates!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro