Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 66

|Kabanata 66|


          Ang kwento ni Lolo Alejandro, binaril si Kristina sa araw ng kaniyang kasal. Nakabasa ako ng sulat na galing kay Clara na puno ng pagbabanta. Nanaginip din akong nilason ang basong nakalaan para sa ikakasal at isang baso lamang ang nilagyan, ibig sabihin sa akin iyon. Posible kayang ang lahat ng ito ay kagagawan lamang ni Clara? Hindi ko maintindihan ang kaniyang galit kay Kristina. Ang lala naman yata para lang patayin niya ito. Nang dahil lamang nagkagusto ang lahat ng lalaki na kaniyang napupusuan kay Kristina ay kaya na niyang pumatay ng isang tao. Hindi ko akalaing may gagawa ng bagay na iyan sa kapanahunang ito.

          Habang papalapit na ang araw ng kasalan ay lalo pa akong kinakabahan. Linggo na ngayon, dalawampu't lima ng Mayo, anim na araw na lang at kasalan na. Magagawa ko kayang pigilan ang mga taong kikitil sa buhay ko? May babaril na nga sa akin, may lalason pa. Grabe ka naman, Kristina. Paano mo naman kasi dinala ang buhay mo na ang daming nagplanong patayin ka?

          "Hindi ka pa ba kikilos? Uupo ka na lamang diyan at magpapalipas ng oras? Sa susunod na linggo na ang iyong pag-iisang dibdib."

          Tahimik lamang akong nakatambay sa azotea nang marinig ang boses mula sa taong akala ko'y umalis na ang may-ari. Narinig ko ang kaniyang yabag na papalapit sa akin na nakaupong nakaharap sa hardin.

          "Hindi ba't sinabi kong umalis ka na rito?" wika ko matapos huminga ng malalim, pinipigilang masira ang magandang ang lagay ng kalooban ko ngayong hapon.

          Huminto naman siya sa aking gilid kaya nilingon ko siya at tinaasan ng kilay. Walang isang segundo matapos kong gawin iyon ay pinalo niya ang aking mga paang nakakrus sa may sakong at nakapatong sa balustrada ng balkonahe ng azotea. Hindi niya pa rin maiwan-iwan ang kaniyang patpat na lagi niyang dala. Sinamaan ko siya ng tingin kasabay ng pagtanggal ko sa aking mga kamay na magkahawak sa likod ng aking ulo. Umayos din ako sa pag-upo mula sa nakaprenteng pwesto habang nagpapahangin.

          "Matagal na kitang sinaway sa gawi mong iyan. Hindi mo pa rin ba maipasok sa iyong isipan na hindi iyan gawain ng isang binibini?" pagsawalang-bahala niya sa aking tanong.

          Napahinga na lang ako ng malalim at bumaling na uli sa harapan. Kung makasaway ito parang nanay ko eh hindi ko naman kaano-ano. Hindi ko rin tuloy maintindihan kung bakit kailangan niyang maging strikto porque ba dueña siya ay kailangan talaga iyon? Ngunit base sa mga sulat ni Kristina ay magkasundo naman silang dalawa ah. Dahil ba ako na si Kristina ay ayaw na niya sa akin? Mapanakit ba naman, pwede ba iyon?

          "Anong hinihintay mo? Kailangan ko pa bang sunogin ang iyong mga gamit nang sa gayon ay umalis ka na rito?" turan ko.

          "Kristina, kaysa sa pagtuonan mo ng pansin ang ibang mga bagay isipin mo na lamang ang iyong kasal. Hindi ako narito upang guluhin ka. Narito ako upang turuan ka at tulungan nang sa gayon ay maging maayos ang takbo ng lahat. Ilang taon kitang sinanay upang maging karapat-dapat na binibini, Kristina, kung kaya't narito na tayo malapit sa dulo nag-iiba na ang iyong ugali."

          Duhh, whatever. Mapanakit ka nga eh, tulong ba 'yon?

          "Nagpadala sa akin ng liham ang iyong biyenan. Aniya dadalaw raw siya rito bukas ng umaga nang mapag-usapan ninyo ni Donya Floren ang magaganap sa kasal," patuloy niya. "Batid kong labis na ikinalalabag ito sa iyong puso ngunit hinihiling kong gawin mo ito para sa iyong mga magulang. Alam kong ayaw mo silang mapahiya, kung kaya naman sumang-ayon ka na lamang dito. Iyon ay para sa kapakanan ng lahat, Kristina."

          Hindi ko na siya pinansin at itinuon na lamang ang isipan ko sa tanawing nasa aking harapan. Gusto ko ng mapayapang buhay ngayon. Ang daming gumugulo sa isipan ko at nandito pa siya upang dagdagan iyon. Nakakairita.

          Tsaka, biyenan? Nakakatawa.

          "Paghandaan mo ang natitirang araw ng Mayo. Marami kang gagawin at paroroonan."

          Hindi ko na hinintay ang susunod pa niyang sasabihin at napatayo na ako at naglakad paalis doon. Umakyat na lang ako papunta sa aking silid at doon humilata sa higaan. Wala akong maisip na kahit anong bagay dahil hindi ko na maintindihan ang kaguluhan na nangyayari sa isipan ko. Ang bilis ng mga pangyayari. Naroon ang kaba sa puso ko pati na rin ang takot. Hindi ko alam kung magiging masaya ba ako dahil malapit ko nang magawa ang misyon ko o hindi.


          Hindi mapakali sina Ina at tiya Arcela habang nag-aayos sa aking suot na baro't saya. Kahit pa maayos na iyon at pulido na ay kung kahit saan pa sila nakakahanap ng gusot at tupi. Panay pa ang kanilang ikot at lakad sa aking paligid na ikinahilo ko na na nakatingin sa kanila. Kahit na nga ako ay hindi na naging kalma pa ang puso nang makita silang ganoon. Mas lalo pang pinakaba ang puso ko habang bumabalot sa aking tenga ang tunog ng orkestra na nakatugtog sa baba, sa sala mayor.

          May salu-salong hapunan ang mga Del Veriel at Letreval kasama ang iilang malalapit na mga tao sa dalawang pamilya. Narinig ko si Tiya Arcela na nagsabing cena previa a la boda raw ito. Hindi ko naman maintindihan kung anong ibig sabihin niyon. Ang sabi ay ito raw ang huling hapunan ng dalawang pamilya bago maging ganap na maging kabilang ako sa mga Letreval.

          Sa totoo lang, pinagdarasal ko na nga sanang hindi na ituloy ito dahil ayaw kong makita pa ako ng mga tao o makibilang pa sa kanilang mga ka-echossan sa buhay. Isang araw na lang din naman kasi at Hunyo na kaya hindi ko maintindihan kung bakit hindi na lang nila itinakda ang kaarawan ni Primitivo noon na araw ng salu-salo imbes na ito. Gusto ko nang matulog at magpahinga.

          Napatitig na lang ako sa aking repleksyon sa salamin sa aking harap. Kahit kailan hindi talaga ako nakapagsuot ng hindi magarbong mga damit. Kaya naintindihan ko na ang ibig sabihin ng sinabi ni Ama na ibinigay niya ang lahat kay Kristina dahil kahit na pambahay na damit ay maaari nang isuot para dumalo ng kaarawan. Pinalaki ba naman sa luho pero hindi naman pala mamanahan. Nakakatawa.

          Rosas ang kulay ng suot ko ngayon. Mas makulimlim nga lang ang tapis ko at mapusla naman ang aking panuelo na. Sinamahan pa iyon ng iilang mga alahas na mas pinili kong maliliit na lamang ag susuotin. Ayaw ko naman na magmukhang sobrang naghanda eh ayaw ko naman sa kaganapang ito. Hindi ko na rin tinanggal pa ang aking kwintas pati na rin ang regalo ni Agustin sa akin na pulseras.

          Naalala ko naman tuloy ang araw na nalaman niyang ikakasal na ako. Ang sinabi pa niya noon ay kung sinabi lamang ang tungkol doon sa kaniya ay siya na lang pakakasalan ko. Hindi ko lubos akalaing sa araw ng kasal ko ay wala siya. Pero kahit pa narito pa siya ay hindi ko naman magawang imbitahan siya sa aking kasal gayong alam ko kung anong nararamdaman niya para sa akin. Ayaw kong mas dagdagan pa ang pasakit na ginawa ko sa kaniya. Kung nasaan man siya ngayon, sana ay masaya siya. At sana malaman niyang pinagsisihan kong kay tagal kong hindi nakita kung gaano ko siya kamahal.

          Pumasok naman uli si Isay matapos sinamahan sina Ina palabas ng aking silid. Kahit pa naroon ang kaniyang ngiti ay bakas pa rin kung gaano kapilit iyon para lamang pagaanin ang aking loob. Alam niyang kahit kailan hindi ako masaya sa sitwasyon na ito.

          "Ang ganda mo, Senyorita. Ngunit mas maganda ka kapag nakangiti," aniya na ikinailing ko.

          "Ano pa ang dahilan para gawin ko iyan? Sana matapos na ang gabing ito. Ayaw kong makita silang lahat." Bumuga ako ng hangin kaya nilapitan ako ni Isay at tumango.

          "Naiintindihan kita, Senyorita. Dasal ko na sana magiging maayos lamang ang gabing ito at pati na rin ang iyong pakiramdam. Tawagin mo lamang ako kapag mayroon kang nais, nasa malapit lamang ako."

          Tinanguan ko siya sabay tapik sa kaniyang braso. "Maraming salamat, Isay."

          "Walang anuman, Senyorita. Para sa iyo."

          Ipinatawag na ako ni Ama kaya ito ako ngayon nakatayo sa tuktok ng hagdan habang nakatingin sa baba. Rinig na rinig ko ang tawanan ng mga tao pati ang kantahan. Ang saya ng buong mansiyon pwera na lang sa akin na ako pa ang ikakasal. Huminga na lang ako ng malalim at nagsimula nang humakbang pababa.

          Pababa na ako nang biglang natahimik ang mga tao, kaya nang makita ko na sila sa may gitnang hagdan ay natagpuan kong nakatingin na silang lahat sa aking gawi. Bigla ko namang napnsin si Primitivo na na nasa gitna ng sala mayor at ngayon ay naglalakad na papalapit sa hagdan. May ngiti sa kaniyang labi na hindi ko maintindihan dahil tila pa'y kumislap ang kaniyang mga mata. Tinanguan ko na lang siya ng tipid at tumingin na sa inaapakan ko.

          Tumigil si Primitivo sa baba ng hagdan kasabay ng pag-alok niya sa kaniyang kaliwang palad sa akin. Napatitig ako sa kaniya ng ilang segundo. Naniniwala akong malinis ang hangarin niyang pagmamahal pero hindi ko kayang suklian iyon. Awa ang nararamdaman ko para sa kaniya dahil alam kong mabait siyang tao. Kung sana lamang ay darating ang araw na bigla na lang niyang hindi ako magustuhan ay hihilingin kong darating iyon.

          Hindi ko na isinawalang-bahala ang kaniyang kamay at tinanggap iyon. Mas lalo pang lumaki ang kaniyang ngiti nang gawin ko iyon. Bumaba na lang ako ng tuluyan at tumayo sa may piyano. Magkatabi naman sina Ama at Don Miguel na pumwesto sa gilid namin ni Primitivo at humarap sa mga bisita.

          "Kay ganda nga nilang tignan, hindi ba? Bagay na bagay nga sa isa't-isa," nakangiti na turan ni Don Miguel kaya nagpalakpakan naman ang mga panauhin.

          "Nagagalak kami sa inyong pagdating ngayong gabi. Umaasa kaming darating din kayo sa araw ng kasal, sa linggo," si Ama.

           Halos sabay naman silang nagsipagtugon ng mga positibong pagtauli sa paanyaya. Maya-maya pa ay isa isa namang nagsilapit ang mga bisita sa amin sabay bati sa aming dalawa ni Primitivo. Si Primitivo ang panay ngiti at pasalamat sa kanila habang ako naman ay tumatango lamang sa kanila. Ang dalawang ama naman ang laging bumubukas ng usapan na sinisegundahan naman ni Primitivo. Nakita ko naman si Ina kasama si Dueña na inaasikaso ang ibang mga panauhin kasama rin nila si Donya Amelia. 

          Bigla namang napalingon sa akin si Dueña kasabay ng panlalaki ng kaniyang mga mata at pagtaas ng kaniyang mga hintuturo papunta sa kaniyang pisngi na tila ba'y kaniyang sinasabing ngumiti ako. Inirapan ko naman siya. Hinding-hindi ko gagawin iyan, at mas lalong hindi ko gagawin iyan dahil ikaw ang nag-utos. Ikaw ang may kasalanan ng lahat ng ito. Anong karapatan mong utusan akong ngumiti?

          "Hindi ba, Binibini? Sana ay dumating po kayo sa aming kasal, Don Lazaro."

          Napalingon naman ako kay Primitivo nang kausapin niya ako. Mabilis akong napatingin sa kausap niyang Don Lazaro kasabay ng pagtango ko ng kaunti rito. Sa aking palagay ay kaedad lamang siya nina Ama at kung pagbabasehan ang kaniyang tindig ay masasabi mong marangya siya. Ngumiti naman siya sa akin kasabay ng pakikipagkamay niya kay Primitivo at kina Ama. Umalis din naman siya at nakipag-usap sa ibang mga panauhin. Ilang minuto na rin akong nakatayo kaya nagpaalam ako kina Ama na aalis na muna. Bagaman nakataas ang kaniyang kilay ay pumayag na rin siya dahil pinahintulutan ako ni Don Miguel. Naiwan silang tatlo roon at naglakad naman ako patungo kina Ina na nasa may kainan.

          Papalapit na sana ako sa kanila nang may humigit sa aking palapulsuhan saka ako hinila ng pwersahan. Kaagad akong napalingon upang tignan kung sino iyon. Si Clara pala. Hila-hila niya ako habang naglalakad siya papunta sa gawi ng azotea.

          "Ano ba, Clara? Bitiwan mo nga ako," mahina kong angil habang nagpipigil ng inis at hindi ipahalata sa mga panauhin.

          Buong lakas kong binawi ang braso ko sa kaniyang pagkahawak na batid kong hindi niya inasahan dahil halos matumba siya at mamudmod. Nanlilisik ang kaniyang mga mata na lumingon sa akin. Kaagad din iyong nawalan at napangiti siya nang napatingin siya sa mga taong nasa paligid namin na nakatingin. Lumapit naman siya sa akin at tinabihan ako.

          "Huwag ka nang magaspang ng ugali. Nais lamang kitang kausapin, Binibini," aniya pa sa aking tenga na halata rin naman ang kaniyang irita. Bahagya ko siyang itinulak palayo sa akin at naglakad papunta sa azotea. Pagkapasok ko roon ay mga may tao na nag-uusap doon. Naglakad naman ako sa may bintana nang may grupo ng mga lalaki ang umalis mula roon. Napahinga ako ngn malalim at tumingin sa madilim na kapaligiran sa labas. Nakaalis nga ako roon, may gumagambala naman sa akin ngayon.

          "Ikakasal ka na nga talaga, Kristina." Kahit hindi ako nakatingin sa kaniya ay alam kong nakangisi siya.

          "Anong kailangan mo, Clarita?" nagtitimpi ko usal.

           Naramdaman ko nalang ang isang kamay sa aking braso at sapilitan akong ipinaharap sa kaniya. Magkarugtong ang mga kilay ko at matutulis na tingin ang ibinigay ko sa kaniya. Ang kakapal talaga ng mga mukha ng mga tao rito. Kung anong gusto nilang gawin sa ain ay ginagawa nila. Gusto yata nilang bumawi ako sa kanila.

          "Alam mo, Kristina, hindi kita maintindihan. Noon ay si Joaquin ang inaakit mo at pagkatapos niyang mawala ay basta ka na lamang na magkikipag-isang dibdib kay Ginoong Primitivo. Ang kati mo, Kristina. Ang baba ng tingin ko sa iyo na maihahalintulad sa mga taga-silbi."

          Hindi ko na pinigilan pa ang sarili ko at kusa nang lumipad ang palad ko papunta sa kaniyang pisngi. Siniguro ka namang mabigat at masakit iyon at bakas rin naman sa tunog dahil ang lutong niyon. Nakita ko naman kung gaano nanlaki ang kaniyang mga mata kasabay ng kaniyang paghawak sa kaniyang kaliwang pisngi.

          "Hindi mo alam ang buong pangyayari. Kaya wala kang karapatang sabihin iyan," nagngi-ngitngit na tugon ko. "At wala akong pakialam kung mababa ang tingin mo sa akin, dahil alam kong minsan mo ring hinangad na maging ako. Kung tutuusin, mas mataas ang katayuan ko kumpara sa iyo, ngunit mas mataas ang katayuan ng mga taga-silbi kumpara sa iyo. Makapangyarihan ang pamilya namin, Clarita. Kaya kilalanin mo kung sino ang binabangga mo. Matakot ka dahil iuutos ko lang masisira na ang buhay mo at ng iyong pamilya. Gumalang ka sa mas nakatataas sa iyo at huwag na huwag kang umasta na magkahanay lamang tayo dahil hinding-hindi mangyayari iyon. Ang bulok ng ugali mo!"

           Hindi ko na pinansin ang tingin ng mga tao sa paligid. Naglakad na ako palayo sa Clara na iyon na hindi na nagawa pang makapagsalita. Kung tutuusin kulang pa nga ang sampal na iyon pambawi sa lahat ng ginawa niya sa akin. Kung gugustuhin ko ay nais kong panuorin siyang magdusa sa mga bagay na ginawa niya sa akin. Hindi ko akalaing may mga taong ganoon nga ang ugali. Hindi kapanipaniwala. Clara, Clara na magaspang ang ugali.

          Mabibigat ang mga hakbang ko habang papalapit kina Kuya Lucio, Lucas, at Marco kasama si Carolino at Ate Guada. Nakapwesto sila sa may bintana habang nag-uusap. Napalingon naman sila sa akin nang papalapit ako. Kaagad na ngumiti si Kuya Lucio nang makita niya ako.

          "Ayos ka lamang ba?" usisa niya pa. Napanguso naman ako kasabay ng paghinga ko ng malalim at pag-iling.

           "Pasensya ka na, at kailangan mo pang pagdaanan ang bagay na ito," sabi naman ni Kuya Lucas. Tumango naman ako saka ko itinaas ang aking hintuturo. Bumaling naman ako kay ate Guada at nagdugtong muli ang aking mga kilay. Umarko naman pababa ang kaniyang mga labi kasabay ng kaniyang pag-iling. Mas lalo pang umiba ang aking naramdaman nang matanggap ko ang kaniyang tugon. Wala na, wala na nga si Agustin. Wala ng naging balita sa kaniya. Malungkot ko siyang tinignan at tumango. Kahit gusto ko nang umiyak sa mismong kinatatayuan ko ay hindi ko maaaring gawin iyon. Hindi ko kayang isiping wala na siya.

           "Ikaw lamang yata ang binibining nakita kong hindi masaya na ikasal," biglang komento ni Carolino na ikinatingin ko sa kaniya. Nakita ko naman kung paano siya siniko ni Ate.

            Tumango ako, "Tama ka. Ako rin. Hindi ko talaga inasahan na ganito pala ako ikakasal. Pero tanggap ko naman, dahil para ito sa lahat."

          "Alam mo bang hinahangaan kita, Binibini, dahil nagawa mo ang bagay na iyan. Kaya wala akong ibang hiling kung hindi ang maging masaya ka," nakangiti na aniya.

          "Maraming salamat, Carolino. Sana kapag ikinasal ka na hindi mo pinipilit ang babae ah. At sana rin maabutan ko pa ang panahon na iyan."

          "Ano ka ba naman, Martina? Syempre naman at maabutan mo iyon." Si kuya Lucas na ang tumugon kasama ang kaniyang matamis na ngiti.

           Nagpapasalamat ako sa kanilang lahat dahil alam nila na mabigat ang nararamdaman ko sa mga nakaraang mga araw at linggo at hindi sila nagkulang na pagaanin ang loob ko. Hinding-hindi ko makakalimutan ang lahat ng ito.

           "Oo na. Kung makapagsalita ka naman ay mawawala ka na," singit ni kuya Marco.

          "Sandali nga, puro kayo kasal ko eh. Tiyak ba kayong magpapakasal ako?" pagpigil pa ni Carolino na naging dahilan ng tawanan sa aming grupo. Napailing na lang ako at sumandal sa may bintana habang nakatingin sa buong paligid ngunit nagliliwaliw naman ang isipan. Tahimik akong naghihintay na matapos na ang gabing ito.

          Nakaupo na ako sa may tabi nina Kuya nang mapansin kong umakyat na si Dueña Hilda papunta sa ikatlong palapag. Napasimangot tuloy ako. Mabuti na lang at matutulog ka na dahil kanina pa ako naiinis sa iyo. Ang dami mong satsat, akala niya naman siya ang mama ko. Napanguso ako nang pagmasdan siyang umakyat at mawala sa aking paningin. Bakit naman siya aakyat na hindi pa naman tapos? Bakit siya magpapahinga na dapat ako ang gagawa niyon? Umiling na lang ako at tumingin na kina Ama at Ina na kausap ang iilang mga bisita. Nakita ko rin si Primitivo kasama sina kuya at ilang mga lalaki na hindi ko kilala pero pamilyar sa akin. mabuti na lang at tinantanan na nila akong lahat.

          Gusto ko nang magpahinga pero kapag ginawa ko iyon ay alam kong pagagalitan ako ni Ama o ni Dueña Hilda. Nakakapagod ang buong linggo ko dahil sa dami ng mga bagay na pinaggagagawa nila sa akin. Ang daming pinaghandaan at mga kaganapan. Bili rito, bili roon. Sukat dito, sukat doon. Bisita rito, bisita roon. Pagkatapos ng lakad na isa may susunod naman, tila ba'y walang katapusan. Nakakawala ng loob si Donya Amelia na halos kaladkarin na ako kahit saan dahil sa dami ng kaniyang gusto. Hindi man kami gaanong nagkikita ni Primitvo na ikinatuwa ko, nawala rin iyon dahil pumalit naman sa kaniya ang kaniyang ina. Ni hindi ko na nga namalayan na biyernes na pala ngayon.

           Pipikit na sana ako nang makuha ng atensiyon ko sa isang tao na paakyat na naman ng hagdan. Si Don Miguel iyon na mabilis na umakyat ng hagdan papunta sa itaas. Hindi ko tuloy alam kung ano ang iisipin ko. Ngunit naroon ang pagtataka sa isip ko dahil nagmadali pa siya na baka mayroong makakakita sa kaniya. Bakit? Anong gagawin niya sa itaas?

           Bigla akong napatayo at napalingon sa paligid upang tignan kung may nakatingin ba sa akin o nakapansin kay Don Miguel. Ngunit tila napakaabala ng mga tao habang kausap ang isa't isa. Hinanap ko naman si Isay ngunit hindi ko siya makita kaya hindi na ako nagsayang pa ng oras at mabilis ngunit hindi nagpahalata na umakyat pasunod kay Don Miguel.

          Tahimik akong umapak sa hagdan habang nakatingin sa itaas, nagbabantay at baka nakatingin lamang pala siya sa akin. Napatigil ako sa may tuktok nang makitang walang katao-tao sa buong palapag at tahimik din. Napahilig ang aking ulo at napatingin sa baba upang tignan kung may sumusunod ba sa akin. Nagmadali akong napatakbo sa maliit na sala nang makitang walang tao. Nasaan kaya siya? Ang bilis naman niyang nawala.

          Napatigil naman ako nang makarinig ng boses mula sa mga silid. Napasilip ako sa mga silid na nakahanay sa tapat ng sa amin. Habang inaaninag ko iyon ay mas lalo ko pang narinig ang boses. Kay Dueña Hilda. Nagsalubong ang mga kilay ko. Nasaan si Don Miguel?

          Muli kong hinanap kung nasaan si Dueña at napatingin sa paligid. Binuo ko na lamang ang pasya ko at lumabas na mula sa azotea at tahimik na naglakad papunta sa mga silid. Mga silid iyon na maaaring tuluyan ng mga bisita, at ang silid ni Tiya kapag narito siya. Habang nakayuko ako ay tahimik kong sinusubukang pihitin ang mga busol kasaby ng pagdikit ko ng aking tenga sa pinto. Ngunit, hinuha kong wala sila rito, naroon sila sa likod. O magkasama ba sila?

          Napatigil ako sa suloy ng huling silid, katapat ng silid nina ama at ina, sabay silip doon sa bandang kanan na bahagi. At doon mas lalong nagsalubong ang mga kilay ko nang makita si Dueña at si Don Miguel na magkasamang pumasok sa isang silid na nasa sulok, kahanay ng silid nina ama. And silid na siyang katabi ng maliit na aklatan sa bahay at katapat ng silid ni Dueña na nasa likod lamang ng silid na pinagtakpan ko ng sarili. Isang malaking taong ang bumabagabag sa aking isipan. Bakit sila magkasama?

          Hindi ko na sinayang pa ang ilang segundo at matapos na sinara ni Dueña ang pinto ay napatakbo na ako papunta roon. Kaagad akong napatalungko katabi ng malaking tanim sa ilid ng pinto. Kumakabog pa ang dibdib ko dahil sa kabang baka may makakita pa sa akin dito. Sinubukan ko namang pihitin ang busol at nakahinga ako ng maluwag nang nabuksan ko ang pinto. Mas binuksan ko naman ng kaunti ang pinto at sumilip upang hanapin silang dalawa. Nanlaki ang mga mata ko at napatakip ako ng bibig nang makita silang dalawa na magkaharap sa isa't isa. Naghahalikan! Ano itong nakakagulantang na pangyayari?

           Goodness! Totoo ba itong nakikita ko?

          Naunang bumawi si Dueña at nakita ko ang kaniyang ngiti. Hindi ko naman nakita kung anong naging pagtauli ni Don Miguel dahil nakatalikod siya sa pinto. Pero ano ito? Bakit? Anong... anong namamagitan sa kanilang dalawa? Anong kataksilang nangyayari dito?

          Mas kinakabahan pa akong baka may makakita sa kanila kaysa sa akin nang yakapin ni Dueña si Don Miguel. Ang gulo ng isip ko dahil sa nakikita ko. Bakit? Ang kapal naman ng mukha ni Don Miguel na makipaghalikan kay Dueña kahit nasa baba lamang ng bahay na ito ang kaniyang asawa. Nakakaloka!

          "Kay tagal mo naman, Miguel," sabi pa ni Dueña.

          "Patawad, aking Matilda. Napakaabala ko lamang ng mga nakaraang araw. Unti-unti nang natutupad ang ating mga balak."

          Kanina pa halos magpalit ng aking mga kilay dahil magkarugtong na ang halos kalahati ng mga ito. Mas lalo pa iyong lumala nang marinig ko ang sinabi ni Don Miguel saka siya bumitaw sa yakap. Hindi ko alam kung anong kaba ang naramdaman ko noong narinig ko ang kaniyang sinabi.

           'Ating mga plano'? Anong ibig niyang sabihin? At bakit Matilda? Hindi ba't Hilda ang kaniyang pangalan? May 'aking' pa. Ano bang nangyayari? Sila ba? Lihim na pag-ibig? Kabit? Akala ko...

          "Malapit na nga, Miguel. Isang araw na lang at Hunyo na."

          "Kaya naman, ayaw kong mabulilyaso ang aking binabalak." Naglakad pa si Don Miguel sa paikot kay Dueña. Naistatwa naman ako nang mapagtanto ko ang maaari niyang sabihin. Siya... siya ba ang papatay sa akin?

          Napatigil naman siya sa kaliwa ni Dueña at humarap siya rito. Nakita ko ang kaniyang pag-ngisi na hindi ko kailanman nakita sa kaniya. Ngising may malagim na balak. May binunot naman siya sa kaniyang bulsa sabay hawak sa kamay ni Dueña. Inilagay naman niya ang kaniyang hawak na bagay sa nakabukas na palad nito. Nanlaki ang mga mata ko kasabay ng pagbilis ng tibok ng puso ko nang makita kung ano iyon. Ang bote sa aking panaginip! Si Dueña ang lalason sa akin?!

           "Ito ay kanilang tinatawag na arsenic. Galing sa pinagkakatiwalaan kong mangangalakal mula sa Europa. Ibuhos mo ang lahat ng ito sa kaniyang kopita sa araw ng kaniyang kasal. Hindi na siya aabutan ng isang araw at babawian na siya ng kaniyang buhay."

          Ang bilis ng tibok ng puso ko habang nakikinig kay Don Miguel. Tila pa'y naging blanko ang aking tiyan at para bang nahulog ang puso ko. Hindi ko lubos akalaing sa lahat ng taong pwedeng gumawa niyon sa akin ay siya pa. Akala ko ay mabait siyang tao pero hindi pala. Ngayon, naiinitindihan ko na kung bakit niya pinipilit na ipakasal ako sa anak niya.Upang maging malapit kami sa kaniyang pamilya ta mapadali ang kaniyang plano nang walang nakakaalam. Si Primitivo kaya, alam niya ba ang tungkol dito? At grabe, arsenic! Nakamamatay iyon!

          "Tila ba'y mas lumala pa ang iyong galit, Miguel."

           "Hindi kailamnman iyon maglalaho. Kukunin ko ang lahat ng bagay na nasa kaniyang pamilya, uunahin ko ang kaniyang anak. Hindi siya maaaring magkaroon ng mga bagay na matagal ko nang ninanais. Kukunin ko ang lahat, Matilda, karangyaan, kapangyarihan, at kayamanan. Iisa-isahin ko iyon."

          Halos lumuwa na mula sa aking katawan ang puso kong hindi nagpapapigil. Kung ganoon, hindi pala si Kristina ang kinamumuhian ni Don Miguel kung hindi si Ama, nadamay lang siya. Hindi ko maisip kung bakit ganoon pa ang kaniayng nararamdaman gayong may posisyon naman siya sa gobyerno at mayaman din sila. Kaya bakit? Dahil lang sa inggit ay ginagawa niya ito?

          "Bakit nga hindi mo na lang ipinaubaya sa akin ang lahat at ako na ang bahala sa pagpatay sa kaniya? Narito ako, Miguel, malaya sa loob ng kaniyang pamamahay. Kaya kong gawin ang nais mong gawin ko, sabihin mo lamang."

          "Hindi, Matilda. Nais kong magdusa siya at ipaalala sa kaniyang hindi puro kasiyahan lamang ang kaniyang dapat na maranasan. Napakahambog niya kaya nararapat na pakainin siya ng lupa."

          "Kung ganoon, ako na ang bahala kay Kristina. Nakuha ko na nga sana ang kaniyang loob ngunit bigla na lamang siyang nagbago. Ngunit, huwag kang mag-aalala gagawin ko ito."

          "Masaya akong marinig iyan, Matilda. Ikaw ay maaasahan ko nga. Nagpapasalamat ako sa pagtiis mo sa kaniyang ugali na hindi ko maintindihan kung bakit napakagaspang."

          "Nasanay na rin naman ako. At ito, " aniya sabay taas sa kaniyang boteng hawak, "ang magpapatahimik sa kaniya. Hindi na siya kailanman makakapagtaas ng kilay sa mga taong nasa kaniyang paligid."

          Nakangiti pa siya na tila ba'y bruha. Tama nga talaga ang kutob ko noong una pa lamang, masama siyang tao. Nanlambot ang mga tuhod ko habang nakatingin sa kanilang dalawa lalo na sa bote na kaniyang hawak. Hindi ako makahinga at tila ba'y nanlalabo na ang aking mga mata habang iniisip kong isang araw na lang at haharap na ako sa kamatayan. Napahawak ako sa aking leeg habang iniisip na nainom ko ang lason na kanilang dala. Hindi ko kaya. Baka hindi na ako makabalik sa hinaharap at tuluyan na akong mamamatay habang-buhay.

          Hindi ko lubos akalaing silang dalawa ang magkasabwat upang patayin si Kristina at sirain ang pamilya Del Veriel. Tinuring ni ama si Don Miguel na kaibigan at si Dueña na kabilang sa pamilyang ito pero anong ginagawa nilang dalawa. Ang sasama nila. Hayop silang dalawa!

          Bago pa ako tuluyang mapaupo ay inayos ko na ang tanim na itinakip ko sa aking katawan at tumayo na. Nanginginig pa ang aking mga tuhod kaya napasandal ako sa pinto ng aklatan habang hinahabol ko ang aking hinininga na hindi ko alam kung bakit tila ba'y nawawala.

            Pagkatapos lang ng lahat ng ito ay kumakain pala kami at nagpapatuloy sa mga taong sisira at papatay sa amin. Nasa sariling pamamahay pala namin nakatira at nasa iisang mesa nakikikain. Hindi ko na nakayanan pa ang bigat sa puso at katawan kaya natisod pa ako at natumba. Lumagapak pa iyon at narinig sa buong palapag kaya kaagad akong napalingon sa gawi ng silid na pinanggalingan ko. Ang bilis ng tibok ng puso ko at nagmamadaling tumayo at muling tumakbo papunta sa aking silid.

          Nang makapasok ako ay kaagad akong napaupo sa sahig sabay habol ng aking hininga. Ang gulo ng isip ko at hindi ko ko alam kung ano ang tunay kong nararamdaman. Takot, kaba, gulat, galit, hindi ko alam. Paano nila nagawa iyon sa pamilyang ito? Kaya naman pala hindi nila nalaman noon ang nagpatay dahil inahas lang pala sila. Kaya sinabi ni Lolo Alejandro na umalis sa kapangyarihan at tahimik na lamang na namuhay ang mga ito pagkatapos ng nangyari sa kanilang pamilya.

          Hindi ko akalaing makakasaksi ako ng hindi lang isa kung hindi dalawang pangayayaring ikinayanig ng aking mundo. Tiyak akong kapag nalaman ito ng mga tao ay pati sila'y hindi makapaniwala roon. Grabe, may sekretong relasyon pala si Dueña at Don Miguel. Hindi ko nga alam kung ano nga ang totoo niyang pangalan. Hilda ba o Matilda. Magkasabwat kaya sila noong una pa lamang? Naghintay talaga sila ng ilang taon para rito, hindi kapanipaniwala.

          At kahit gustuhin ko mang sabihin sa kanila ang nangyari ay hindi ko maaaring sabihin. Hindi ko maaaring sabihin kina kuya ang tungkol dito dahil baka mag-iba pa sila ng plano at hindi ko na mapipigilan pa sila sa kanilang balak. At plano, ano nga ba ang aking plano para sa kasal. Paano ko pipigilan ang mga taong nais na pumatay sa akin? Isang araw na lang at kasalan na. Ang bilis ng panahon at mga pangyayari. Magagawa ko ba ang misyon ko?


Grabe, hindi ko maisip ang marahas na kinahinatnan ni Kristina noong narito pa siya.


Nilason ng kaniyang Dueña, taong minsan niya ring naging kaibigan.


Binaril sa araw ng kaniyang kasal.


Pinagbantaan ng babaeng hindi nasuklian ng pag-ibig ng dalawang beses.


Nakakaawa ka pala, Kristina.


Sa Taong 1890

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro