Kabanata 64
|Kabanata 64|
Lumabas na si Isay ng silid habang naiwan naman akong nakatulala at nakatingin sa papel na nasa harap ng aking mukha. Sunod-sunod ang naging paghinga ko ng malalim kasabay ang pag-iba ng lasa ng aking bibig. Halos masamid nga ako nang pilit kong pinipigilan ang sarili ko.
Ang akala ko ay hindi na ako muli pang iiyak dahil matatanggap ko na ang bagay na ito pero nagkamali ako dahil tumulo na naman ang mga luha kong akala ko'y ubos na mula sa pag-iyak dahil sa nangyari kay Agustin. Kasabay ng panginginig ng mga kamay ko ay ang siyang pagkalabog pa lalo ng aking puso.
· · ─────── ·𖥸· ─────── · ·
Abril 27, 1890
Binibining Martina,
Magandang araw, Binibini. Sana ay maayos lamang ang iyong kalagayan diyan. Alalahanin mong walang araw na hindi kita inisip. Laman ka lamang nito hanggang sa ako ay matulog. Nais ko na sanang makita kang muli ngunit nakatitiyak ako ikakalagay mo lamang iyon sa kapahamakan.
Hinihiling ko ring sana ay magkakaayos na kayo ng iyong ama. Hindi ko akalaing aabot siya sa ganoon upang pigilan lamang ang iyong kagustuhan. Sana ay malaya kang iibig sa taong nais mong ibigin. Kung sana ay maibabalik ko lamang ang panahon ay mas magiging matapang pa ako upang aminin ang nararamdaman ko para sa iyo at haharapin ko ang iyong ama. Ngunit, alam kong huli na ang lahat. Mas pagtutunan ko na lamang ng pansin ang mga bagay na nasa kasalukuyan.
Masaya ko ring ibabalitang gumagaling na si Ama at nakikita ko na rin ang mga ngiti ni Ina. Masaya akong masaksihan ang mga ito dahil bukod sa iyo ay sila rin ang nagpapalakas ng aking loob at nagbibigay sa akin ng pag-asa. Ginagawa naming magkakapatid ang lahat upang kahit papaano ay makabalik kami sa dati naming pamumuhay, ngunit batid kong malayo-layo pa iyon. Ngunit, hindi ako nawawalan ng pag-asa dahil alam kong kahit malayo pa iyon ay darating ang panahong iyon.
Hindi ko rin maaaring sulatan ang iyong mga kapatid dahil alam kong ikakapahamak pa nila kapag mayroong nakaalam. Hinding-hindi ko mapapatawad ang aking sarili kapag nadamay pa sila sa kaguluhang ito. Gagawin ko ang lahat hindi lamang madudungisan ang kanilang mga pangalan. Kung kaya naman ay maaari mo ba akong ikamusta sa kanila? Sana ay maayos lamang ang kanilang mga kalagayan.
Susulatan kitang muli, mahal ko. Mag-iingat ka palagi at huwag kang mabahala. Ipahinga mo ang iyong sarili at damdamin.
Iyong-iyo,
Mateo Quilario
· · ─────── ·𖥸· ─────── · ·
Binuksan ko pa ang ibang mga liham na namumugto ang mga mata. Mas masakit pa pala dahil ngayon ay nalaman ko na ang kalahati ng katotohanan kung bakit siya bumitaw. Mas lalo pa akong nadurog nang mabasa kung paano na lamang siya naghintay at umasang magkaroon ng tugon ng kaniyang mga sulat kasabay ng pagkalito kung bakit hindi ko na ginagawa iyon.
Sa mga sumunod niyang mga liham ay puro pangungumusta at pagkalito ang laman ng mga iyon. Hindi ko masisisi ang kaniyang kalungkutan at pagkawalan ng pag-asa sa kaniyang mga sulat dahil kung ako rin naman ay ganoon din ang aking mararamdaman. Ngunit, ang masakit doon ay hanggang sa dumating ang araw na ito ay hindi ko man lang naipaliwanag sa kaniyang ang nangyari.
· · ─────── ·𖥸· ─────── · ·
Mayo 5, 1890
Binibining Martina,
Magandang araw sa iyo, Binibini.
Hindi ko pa rin mawari kung ano ang naging dahilan kung bakit hindi ka na muling tumutugon sa aking mga liham. Batid ko at tinitiyak kong matatanggap mo ang mga ito kaya malaking palaisipan sa akin kung bakit wala na akong mga liham na natatanggap mula sa iyo. Ikaw ay hindi ko rin masisisi kung pinili mong bitiwan ako at kalimutan na. Iyon din naman ang aking sinabi sa iyo bago ako lumisan, ngunit kahit pa ganoon ay sana mabatid mong labis na nadurog ang aking puso habang iniisip ang bagay na iyan.
Ngunit, batid mo bang kahit papaano ay lumuluwag ang aking puso sapagkat iniisip kong hindi ka na masasaktan pa sa pangyayari na ito. Kung nasa kalagitnaan ka na ng paglimot sa akin ay hindi ko na muling guguluhin pa ang iyong buhay. Paumanhin kung maagal kitang pinagtiis na kumapit sa bagay na ikakasakit mo. Alalahanin mong narito lamang ako para sa iyo at masaya akong pinili mo ang iyong puso kaysa sa akin. alam kong mahabang panahon ang gugugulin hanggang sa makalimot sa isang bagay ngunit sana ay maghilom na ang lahat ng mga sugat mo at makalimutan mo na ang lahat. Karapat-dapat kang maging masaya.
Hindi ko rin alam kung nararapat din akong sumaya matapos ng pangyayaring ito kahit pa mayroong kumakatok sa puso ko. Hindi ko hangad na ikaw ay insultuhin, Binibini, nang sabihin ko ang mga bagay na ito. Esmeralda ang kaniyang pangalan. At kahit sino man siya ay hindi ko magagawang palitan ka sa puso ko. Maghihintay at maghihitay pa rin ako sa iyong mga liham. Kahit ano man ang maaaring maging laman ng mga iyon. At kung hindi man mangyari iyon ay tatanggapin ko na lamang ang bagay na hindi ko kayang paniwalaan, ang bumitaw ka na.
Mag-iingat ka palagi, Binibini. Tanging kasiyahan mo lamang ang aking hangad.
Iyong-iyo,
Mateo Quilario
· · ─────── ·𖥸· ─────── · ·
Habang binubuksan ko ang huling liham na hindi ko pa nababasa, kinalma ko ang sarili ko. Alam kong huli na rin naman ang lahat ang kailangan ko lamang ay malaman ang lahat ng nangyari at ang katotohanan.
· · ─────── ·𖥸· ─────── · ·
Mayo 7, 1890
Binibining Martina,
Batid kong noong isang araw lamang ako huling nagpadala ng liham at narito na naman ito. Sana ay hindi mo ito itatapon bago basahin at kahit pa hindi mo na nais pang makaalam ng mga bagay mula sa akin, kung ikaw man ay galit, pakiusap ko sanang basahin mo ito. Pangako, ito na ang huling liham na iyong matatanggap mula sa akin. Susulat lamang akong muli kung iyong nanaising gawin ko.
Habang sinusulat ko ang liham kong ito ay ramdam ko ang pagkadurog ng aking puso. Hindi ko alam kung ano ang aking uunahing isulat sapagkat napakaraming mga bagay ang nais kong sabihin sa iyo. At ang mga iyon ay labag sa loob kong sasabihin sa iyo sapagkat batid kong ikakasakit iyon ng iyong damdamin. Ngunit, pinapangako ko uling ito ang huling beses na masasaktan kita.
Naaalala mo ba si Esmeralda? Nabanggit ko siya sa aking naunang sulat, at paumanhin dahil muli ko naman siyang binanggit. Maaaring hindi mo nabasa ang aking naunang liham, siya ay si Esmeralda Quando, ang anak ng cabeza de branggay ng De Alrazon. Ang tanging dahilan kung bakit ko siya muling isinama sa liham na ito dahil itinakda kaming ipakasal sa isa't isa, Binibini. Hindi ko hangad na saktan at insultuhin ka nang sabihin ko ang mga bagay na ito. Hindi ko alam kung bakit ko sinasabi ang mga ito gayong alam kong masasaktan lamang kita. Ngunit, nais ko lamang na makatanggap ng isa o dalawang salita mula sa iyo na nagsasabing hindi ko siya pakakasalan dahil buong puso kong gagawin iyon. Sabihin mo lang na hindi ay gagawin ko iyon, aking binibini. Ngunit, kung wala akong matatanggap mula sa iyo ay iisipin kong sang-ayon ka sa kasalang ito. Tiyak din naman akong hindi ka na muli pang susulat sa akin kaya laman ng liham na ito ay ang mga salitang nais ko sanang marinig mo mula sa aking bibig na kailanman ay hindi ko na rin naman magagawa kaya idadaan ko na lamang sa mga tintang ito.
Una sa lahat, nais ko sanang malaman mong hindi ako sang-ayon sa pag-iisang dibdib na ito. Ito ay dahil lamang sa kasunduan nina ama at ng cabeza de baranggay at ang kahilingan ni Esmeralda. Kahit unang pagkikita pa lamang namin ay hindi ko na siya nais, iniisip kong matuturuan din naman ang puso na magmahal at balang araw ay matatanggap ko rin siya. Ngunit, tandaan mong walang makakapantay sa iyo rito sa aking puso. Walang sino mang binibini ang makahihigit pa sa iyo.
Kahit noong mga lumipas na taon, sabay tayong lumaki na malayo ang loob sa isa't isa, hindi ko inisip na magugustuhan kita at magiging kasintahan pa. Ngunit, noong nakilala kita lalo ay hindi ko inasahang magkakaroon ako ng nararamdaman para sa iyo. Hindi na ikaw ang Martina na kilala kong magaspang ang ugali dahil mabait ka pala at nahusgahan lamang kita. Nais kong sabihin sa iyo na hindi ka nawala sa aking isipan. Paumanhin sa lahat ng pagkukulang at maling nagawa ko bilang iyong kasintahan at nalulungkot akong hindi ko na magagawa pang bumawi sa iyo.
Hinding-hindi ko magagawang kalimutan ang lahat ng mga alaalang kasama kita, masasaya man iyon o malulungkot. Minsan din kitang inibig at ang unang babaeng aking naging kasintahan, kaya mahirap na tanggalin ka kaagad sa aking puso. Mananatili sa aking puso at isipan ang mga alaalang iyon kasabay ng paghiling kong sana ay hindi na muli pang magdurusa at masasaktan ang ating mga puso.
Nagpapasalamat ako sa lahat ng nagawa mo para sa akin at para sa ating relasyon. Hindi ka bumitaw noong nasa kalagitnaan na ako ng pagkawalan ng pag-asa. Naroon ka upang patatagin lagi ang aking loob at naroon ka upang patuloy akong mahalin. Napagtanto kong hindi lahat ng pag-ibig ay tumatagal hanggang sa walang katapusan, at kabilang na roon ang sa atin. Paumanhin dahil ako lang din ang naging dahilan ng iyong pagbitiw. Sa tingin ko ay kahit anong gawin natin, kahit anong panahon, o anong pagkakataon, hindi tatagal ang ating pagmamahalan. Hindi tayo para sa isa't isa.
Hindi ko hahadlangan ang iyong kasiyahan at hinihiling kong maging masaya ka kasama ang taong nakatakda para sa iyo, kung sino man siya. Alam ko naman na aalagaan ka niya at pahahalagahan. Sana ay hindi ka niya sasaktan kagaya ng nagawa ko sa iyo.
Tila dinudurog at pinira-piraso ang puso ko habang sinusulat ang mga huling katagang ito. Hindi ko lubos akalaing darating ang panahong tuluyan nang mapuputol ang ating ugnayan. Ngunit, batid kong para na rin ito sa ikabubuti ng lahat. Para sa akin, at lalong lalo na, para sa iyo. Paalam, Binibining Martina.
Iyong-iyo,
Mateo Quilario
· · ─────── ·𖥸· ─────── · ·
Ang akala ko ay hindi na muli pang mabubuksan ang sugat na inasahan kong maghihilom na, ngunit dahil sa mga nalaman kong ito ay tila ba'y mas lalo pa iyong napunit at nagdurugo. Kung ganoon, ay hindi pala bumitaw ng una si Joaquin at naging matiyaga siya sa akin, at patuloy na umasang makarinig muli ng balita mula sa akin. Sa akin din naman pala galing ang problema at hindi sa kaniya. Kasalanan ito ng bruhildang babaeng iyon! Kasalanan niya ang lahat!
Kung hindi lang niya sana pinakialaman ang mga sulat ko ay hindi ako pupunta roon at hindi mamamatay si Agustin. Hinding-hindi ko siya mapapatawad. Nang dahil sa kaniya ay nawala silang dalawa, ang mga taong mahalaga sa puso ko.
Hinayaan ko na lamang puso kong ilabas ang lahat ng nais niyang maramdaman. Ito na yata ang nais na ipahiwatig ng matanda noong sinabi niyang ingatan ko ang aking puso. Ang sama pala nga mga bagay na mararanasan ko sa panahong ito. Nakatulala na lang ako habanag nakatingin sa labas ng bintana habang pinapahiran ang mga luha na bumasa sa aking mga mata. Hindi ko na kaya pa ang mga nangyayari sa aking ngayon. Mababaliw na yata ako.
Bumuntong-hininga ako at nanginig pa ang aking paghinga dahil sa sikip ng dibdib ko. Hindi ko na kaya pang maramdaman ko ang lahat ng mga pagdurusa na ito. Ayaw ko nang umiyak. Ayaw ko nang may mga tao pang mawala mula sa akin. Ayaw ko nang masaktan pa. Ito na ang huli. Kailangan kong magpakatatag para sa kanila, para sa sarili ko, at para sa misyon ko. Bukas ay ikalabing-siyam na ng Mayo at ilang araw na lang din ay maghu-Hunyo na. hindi ko hahayaang hindi ako magtagumpay sa misyon ko. Kaya, Chestinell, pakiusap ay tiisin mo muna ang lahat ng ito.
At kung iisipin, masaya rin ako para kay Joaquin, at walang dahilan kung hindi. Kahit pa nagkaroon ng hindi pagkakainindihan sa pagitan naming dalawa dahil sa nangyari sa mga sulat ay alam kong sasaya rin naman siya sa piling ng kaniyang kabiyak, na ngayon ay dalawang araw na silang kasal. Ayaw ko ng patuloy pang hawakan ang isang tao kung pareho lang naming masasaktan ang isa't isa dahil sa malabong namamagitan sa aming dalawa. Wala akong ibang hangad kung hindi ang kasiyahan nilang dalawa.
Ngayong malinaw na sa akin ang lahat ay alam kung kahit masakit ay kahit papaano ay natanggal na ag tinik sa dibdib ko. Hindi ko na siya masisisi sa nangyari dahil hindi niya kasalanan. At gaya ng sinabi ko ay panatag na ang loob kong iiwan siya dahil masaya na siya. At masaya ako para sa kaniya.
⋅─────────⊱༺ ·𖥸· ♡ ·𖥸·༻⊰─────────⋅
Maririnig ang tunog ng orkestra at ang boses ng mang-aawit sa hindi kalayuan sa aking inuupuan. Isa iyong silid na sakto lamang ang laki. May palamuti pang mga bulaklak at mga putting tela sa buong paligid. Abala ang lahat ng mga tao sa paligid, habang sina Ina at ang tatlong magkuya ay nakatayo sa aking harapan pawang mga nakangiti sa akin. May iilang luha pa si inang tumulo sa kaniyang mga pisngi na agad din niyang pinahiran. Sina kuya naman ay kahit labag sa kanilang loob ang nangyayari ay wala na rin silang magagawa kung hindi tanggapin iyon. Ikakasal na ang kanilang kapatid sa lalaking hindi naman mahal nito kaya hindi nga madaling tanggapin iyon.
"Hindi ko akalaing darating na ang araw na ito," wika ni Ina saka niya at inayos ang palda ng puting traje de mestiza na aking suot. Magarbo iyon at talagang pinagawa sa okasyon na ito. Nakadagdag pa sa aking mamahaling itsura ngayon ang mga alahas na aking suot, hikaw, pulseras, at kwintas.
"Sinabi ko pa rati na hindi ka muna papasok sa ganito pero heto ka ngayon at nakaupo, iilang sandali na lamang ay magsisimula na ang pag-iisang-dibdib ninyo ni Primitivo."
Hindi ko maintindihan at maisip kung bakit ang bilis nga ng pangyayaring ito. Parang kamakailan lang ay ang pagdating ko sa taong ito. Mabagal ngunit mabilis ang lahat. Ang daming nangyari pero tila ba'y walang pag-usad ang bagay na ito.
Magsasalita na sana ako pero hindi ko alam kung bakit hindi ko man lang maibuka ang aking bibig o maglabas man lang ng salita. Nakatitig lamang ako sa kanila. Lahat sila ay nakangiti man ay bakas pa rin ang kalungkutan sa kanilang mga mata. Isang segundo ang lumipas nang makaramdam ako ng sakit sa ulo at may matinis na tunog na namayani sa aking mga tenga. Nakakabingi iyon.
Nabitawan ko ang pumpon ng bulaklak na aking hawak saka napahawak sa aking ulo nang sumakit lalo iyon. Nandilim ang aking paningin na pilit kong winawala habang pumipikit ng maigi. Bigla namang may sumulpot na eksena na kung saan may pares ng mga paa ang naglalakad. Tila ba'y nakasunod ako roon o nanonood ako sa kaniya. Mahaba ang kaniyang palda at rinig na rinig ang kaniyang sapin sa paa na tumatama sa semento na kaniyang nilalakaran. Bumilis ang tibok ng puso ko habang nakatingin lamang. Hindi naman nagtagal ay dumating siya sa isang silid. Malaki iyon at may mga mesa na puno ng mga pagkain. May mga palamuti rin sa silid na iyon kagaya ng sa lugar na kinaroroonan namin.
Sunod-sunod ang naging paghinga ko ng malalim habang pinapanuod ang ang tila pangitain sa na mangyayari sa hinaharap. Hindi ko kita ang mukha ng babae o ang kaniyang katawan man lang kaya hindi ko maisip o makilala kung sino siya. Tila ba kahinahinala ang kaniyang mga kilos. Unti-unti naman siyang naglakad papalapit sa mesa kung saan nakalagay ang mga pagkain. Huminto siya sa harap ng isang kahoy na bandeha na may nakalagay ng dalawang kopita na tila ba'y alak ang laman na umaabot hanggang kalahati. Nakita ko ang kaniyang kanang kamay na may dinukot sa kaniyang bolso. Isang maliit na bote, kagaya ng daliri and laki at haba. May laman iyong likido at dahan-dahan niya binuksan iyon. Napalingon pa siya sa gawing pinto saka mabilis na itinuon uli ang atensiyon sa kaniyang ginagawa. Anong gagawin niya? Lason ba iyan?
Kumakabog ang puso ko at sumakit lalao ang ulo ko habnag unti-unti niyang ibunuhos sa kopita na nasa kanan ang laman ng bote na kaniyang hawak. Inubos niya iyon hanggang sa nahulog ang huling patak. Nakita ko kung paano siya ngumiting paismid habang nakatingin sa kaniyang binuhusan kasabay ng pagsara niya ng kaniyang hawak. Kaunti lamang ang kaniyang kailangang ibuhos kaya tiyak akong nakakalason at nakamamatay iyon.
Tila nakikipagkarera ang puso ko habang nanigas ang buong kong katawan matapos masaksihan ang nangyari. Nakita ko pa ang kaniyang paglabas sa silid na iyon kasabay ng pagpasok ng iilang mga taga-silbi na may dalang mga pagkain. Sinubukan kong sumigaw at tawagin ang kanilang atensyon nang sa gayon ay mahuli ang babaeng iyon ngunit tila ba'y nakadikit ang aking mga labi sa isa't isa. Naging sunod-sunod ang aking paghinga nang muling dumilim ang aking paningin at narinig kong muli ang matinis na tunog na iyon. Naramdaman ko rin ang tagaktak ng aking pawis mula sa aking noo. Tila ba'y ang init ng buong paligid at nawawalan na ako ng hangin na ihihinga.
"Anak, ayos ka lamang ba?" Narinig ko ang boses ni Ina na bakas ang pag-aalala. Ngunit kahit siya ay hindi ko man lang magawang sagutin. "Anak? Naririnig mo ba ako?" aniya pa sabay yugyog sa akin.
Ano ang ginagawa ng babaeng iyon? Bakit niya nilagyan ng kung ano man ang basong iyon? Siya ba... siya ba ang pumatay kay Kristina? Siya ang papatay sa akin sa araw ng aking kasal? Ang akala ko ay babarilin siya? Bakit may babae pang tila lalason sa kaniya? Sino iyon?
"Senyorita? Ayos ka lamang ba? Senyorita, naririnig mo ba ako?"
Napabalikwas ako ng bangon nang marinig ang boses ni Isay kasabay ng tila paglindol niyang pagyugyog sa akin. Sunod-sunod ang aking ginawang paghinga habang nanlalaki ang mga matang nakatingin sa kaniya. Magkarugtong ang kaniyang mga kilay at nalilito ang mga tingin ipinukol sa akin.
"Ayos ka lamang ba, Senyorita? Ano ba ang iyong napanaginipan at sumisigaw ka pa."
Napabuga ako ng hangin nang marinig ang kaniyang sinabi. Panaginip. Panaginip lamang ang lahat. Panaginip lang pala ang lahat ng iyon.
Inabot naman niya sa akin ang baso ng tubig mula sa mesa kaya mabilis kong tinanggap iyon at tinunga. Pinahiran naman niya ang pawis mula sa aking noo gamit ang aking kumot. Huminga ako ng malalim saka napatingin sa paligid. Umaga na pala at nakabukas na ang bintana. Bumaling naman ako kay Isay na kuryuso at naghihintay ng sagot mula sa akin.
"Napanaginipan ko ang araw ng aking kasal. Ang may nakita akong babaeng nilagyan ng lason ang isa sa mga baso roon."
Nanlaki naman ang kaniyang mga mata. "Ano? Bakit ka naman mmagkakaroon ng panaginip na ganiyan tungkol sa iyong pag-iisang-dibdib? Hindi kapanipaniwala."
"Tila ba'y totoo iyong mangyayari dahil malinaw ang lahat. Tila ba binibigyan ako ng pangitain sa kung ano ang mangyayari sa araw na iyon."
"Ngunit bakit naman mayroon magtatangka sa iyong buhay? Lalasunin ka pa."
Napatitig ako sa kaniya na walang alam kung ano ang mangyayari sa kaniyang Senyorita. "Dahil... dahil nakatakdang mangyari iyon, Isay," pagbuga ko ng hangin.
Umiling naman siya. "Senyorita, huwag ka ngang magsalita ng ganiyan. Alam kong hindi mo nais na maikasal kay ginoong Primitivo ngunit huwag kang magbitiw ng mga salita tungkol sa iyong kamatayan dahil hindi mangyayari iyan."
Tumayo siya mula sa pagkaupo sa aking kama saka inilapag ang baso ng tubig sa mesa. "Totoo ang sinasabi ko, Isay."
Napalinya naman ang kaniyang mga labi habang nakatingin ng blanko sa akin. "Sige nga, Senyorita, sino ang nakita mong naglagay ng lason sa baso?"
"Hi-hindi ko alam. Hindi malinaw sa akin ang kaniyang mukha at pigura. Iyon lamang ang hindi malinaw sa aking paningin ngunit ang lahat, ang lahat ay napakalinaw sa aking mga mata, Isay. Hinding-hindi ako magkakamali."
Umupo siya uli sa gilid ng kama at humarap sa akin. "Senyorita, alam kong mahirap ang nangyayari sa iyo ngayon, ngunit sana ay hindi papasok sa iyong isipan ang tungkol sa bagay na iyan. Alalahanin mo na lamng ang mararamdaman ng mga tao na nagmamahal sa iyo na sigurado akong masasaktan kapag nawala ka."
Tama, tama. Hindi naman maniniwala si Isay kapag sinabi ko sa kaniya ang bagay na ito. Alam kong mahirap ang pinagdaanan ko at maging dahilan ito na maiisip nilang nawawalan na ako ng bait. Ngunit alam ko, alam na alam kong mayroong pinapahiwatig ang panaginip na iyon. Iyon ang kasagutan sa isa sa aking mga katanungan. Kung sino ang papatay at ang paraan ng pagpatay kay Kristina. Hindi lamang binaril si Kristina, maaari ring nilason siya. Ang tanong, sino iyon? Ang suspek ko bang si Clara?
"Ang panaginip mo kanina, Senyorita, ay marahil buhat lamang ng pagod at ng pag-iisip mo sa maraming bagay. Sana ay hindi mangyayari ang iyong sinabi," wika niya saka tumayo na at inayos ang mesa. "Maganda ang panahon ngayon, Senyorita. Marahil ay nais mong magpahangin at mamasyal sa labas. Makatutulong din iyon na ikalma ang iyong sarili at mabawasan ang mga mabibigat mong nararamdaman."
Napasandal ako sa ulunan ng higaan at huminga ng malalim bago tumingala sa larawan ni Kristina na nasa tapat ko lamang. Halo-halo na ang nararamdaman ko na halos mabaliw na ako at hindi ko na maintindihan ang mga nangyayari.
Malapit na ako, Kristina. Ilang araw na lamang. Unti-unti na ring lumabas ang lahat ng mga impormasyon tungkol sa pagkamatay mo. Hintayin mo, mababago ko rin ang mga nangyari sa iyo. At pagbabayaran nila ang mga iyon. Hindi ko man nakita ang mukha ng babae sa aking panaginip, gagawin ko ang lahat malaman ko lang kung sino iyon. Dahil tiyak akong mayroong pinapahiwatig ang panaginip na iyon.
Lumingon ako kay Isay na nakatayo sa tabi ng mesa at nakatingin sa akin saka siya nginitian. "Susubukan kong lumabas. Pero hindi ako tiyak kung makatutulong iyon na makalimutan ko ang nangyari kay Agustin o maibsan man lang ang sakit na nasa puso ko."
Suot ang kayumangging damit na nakita ko ay bumaba na ako mula sa aking silid pagkatapos kong kumain ng agahan. Nauna na raw sina Inang kumain at hindi na ako pinagising dahilkailangan ko munang magpahinga. Nakisuyo na lang ako kay Isay na dalhan ako ng pagkain na kinain ko pagkatapos kong maligo.
Nakarating ako sa hardin sa harap ng mansiyon at nakitang naroon si Mang Karding. Nag-aayos siya ng mga halaman at may iabng dinidiligan niya rin at kabilang na roon ang malalaki ng mga mirasol. Kaagad ko siyang nilapitan at tinawag ng kaniyang atensiyon.
"Magandang araw, Mang Kardo."
Mabilis siyang napalingon sa aking nang marinig niya ako. Nakita ko kung gaano nanlaki ang kaniyang mga ngiti.
"Senyorita! Magandang umaga po sa inyo," aniya.
"Magandang umaga rin, Mang Karding. Tila ba'y abala kayo rito."
Agad siyang napailing na hindi nawawala ang kaniyang mga ngiti sa kanyang labi. "Ay, hindi naman po, Senyorita. Ganito naman talaga ang aking ginagawa araw-araw."
Bumaling ako sa mga mirasol na nasa aking tabi matapos tumango sa kaniyang sagot. "Ang gaganda naman ng mga mirasol na ito. Ngayon ko lamang napansing malalaki na pala sila. Ang dami ba naman kasing nangyari sa buhay ko."
Napatigil naman ako nang maalala ko ang araw na nagpunta ako sa plantasyon ng mga mirasol sa hindi kalayuan mula rito kasama si Joaquin. Kahit naghiwalay na kami ng andas ni Joaquin ay masayang alaala pa rin iyon. Nagpapasalamat ako sa kaniyan kahit papaano dahil binigyan niya ako ng mga magagandang alaala.
"Oo, Senyorita. Iilan dito ang ang iyong mga itinanim mismo. Sana kahit papaano ay gumaan ang iyong nararamdaman habang nakatingin sa mga makulay na mga bulaklak na ito."
Hindi rin, Mang Kardo. Dahil naaalala ko na naman siya kapag nakatingin sa mga ito. Noong araw rin naman kasing nagtanim ako ay naroon siya at kasama sina Kuya.
"Ang gaganda nga po nila, Mang Kardo."
"Batid niyo po ba, Senyorita, na labis akong nag-alala nang malaman kong umalis kayo noong nakaraang araw. Nakita ko rin ang iyong kumot na nakabitin mula sa iyong bintana," bigla niyang kwento kaya napataas ang sulok ng aking labi.
"Talaga po, Mang Kardo? Kayo ang nakakita sa aking kumot?" hindi makapaniwalang tanong ko.
"Hindi ako ang nauna na makakita niyon, Senyorita, kung hindi ang mga gwardiya na naglilibot sa mansiyon. Bukang-liwayway na iyon at malapit nang suminag ang araw. Kaagad nilang ipinagbigay alam ang tungkol doon sa iyong ama at nagkakagulo ang lahat."
Dahan-dahan akong tumango. "Kailangan ko rin kasing gawin iyon. Iyon lamang ang tanging paraan upang malaman ko ang sagot sa aking mga katanungan."
"Sana ay nahanap mo ang mga kasagutang iyon, Senyorita."
"Mas higit pa sa kasagutan na kailangan at nasi kong malaman ang natagpuan ko, Mang Kardo. Malinaw na sa akin ang lahat ngayon."
Ngumiti siya sa aking ngunitmalungkot ang mga iyon. "Wala ng mas nakakagaan pa ng loob kung hindi ang malaman ang katotohanan at malinawan sa mga bagay na gumugulo sa ating isipan."
Napatitig ako sa kaniya. Hindi ko mawari kung ano ang kaniyang iniisip at nararzmdaman. Ngunit, kahit pa ganoon ay gumaan ang loob ko nang marinig ang kaniyang sinabi na tila ba'y naiintindihan niya ang nararamdaman ko.
"Tama kayo, Mang Kardo."
Kasabay ng pagtugon ko sa kaniya ay ang sabay naming paglingon nang makarinig ng tunog ng karwahe na papalapit. Naroon ang pagdugtong ng aking mga kilay habang pinapanood iyong umusad hanggang sa huminto sa tapat ng hagdan ng mansiyon. Alam kong kagaya ko ay kuryuso rin si Mang Kardo kung sino ang bagong dating.
Bumukas ang pinto niyon at isang pares ng ng mga paa ang bumaba roon. Pinasadahan ko iyon ng tingin hanggang sa makita ko na ang mukha ng taong iyon. Si Primitivo. Kung wala man akong gana ay mas lalo pa akong nawalan ng gana nag makita siya. Hindi naman masama ang loob ko kay Primitivo ngunit sa tuwing nakikita ko siya ay naaalala ko ang lahat lalo na ang kasunduan sa aming pagitan na siyang dahilan kung bakit nangyayari ang lahat ng ito.
Nakangiti siyang lumapit sa amin sabay tanggal ng kaniyang sombrero. "Magandang umaga, Binibini."
Ilang segundo pa ang lumipas bago ako makasagot sa kaniya. "Magandang umaga, Ginoong Primitivo. Hindi ko alam kung narito pa sina Kuya, itanong mo na lang sa itaas," tugon ko saka na siya tinalukran para kausapin ulit si Mang Kardo.
"Hindi naman sila ang aking sadya rito, Binibini," aniya kaya napatitig ako kay Mang Kardo. Napalinya namana ng kaniyang mga labi habang nakatingin sa akin. "Ikaw ang aking sadya, Binibining Martina."
Napataas ang kilay ko dahil sa narinig at dahan-dahan na lumingon sa kaniya. Naroon ang kaniyang mga ngiti na hindi pa rin nawala. Hindi ko tuloy alam kung maiirita ba ako o maaawa sa kaniya.
"Nais sana kitang yayaing mamasyal, Binibini."
Mas lalong nagdugtong ang aking mga kilay at nakakunot ang aking noo nang muli siyang magsalit. Ano raw? Mamasyal? Kaming dalawa? At saka bait naman tila ba'y ang aga niya, alas otso y medya pa lamang naman ng umaga ah.
Hindi ko nais na kamuhian ka, Primitivo, dahil alam ko naman na mabuti kang tao. Pero sana naman ay huwag mong ipilit ang sarili mo sa akin. hindi ko rin alam kung pinipilit mo ba o hindi. Ngunit, hindi ibig sabihing sumang-ayon na ako sa kagustuhan ni ama, na alam kong sinabi niya sa iyo, ay hindi nangangahulugang papayag na ako sa lahat ng mangyayari.
Hindi, Primitivo, hindi. Dahil kahit anong mangyari, gagawin ko pa rin ang lahat upang hindi tayo maikasal sa isa't isa. Hinding-hindi magiging Maria Graciana Kristina D. Letreval ang pangalan ni Kristina.
Hinding-hindi ko hahayaang mangyari iyon.
Sa Taong 1890
follow my page @xxienc on Facebook for more updates!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro