Kabanata 63
|Kabanata 63|
Kakalabas ko lang ng bihisan at pabalik na ako sa may higaan nang mapansin ko ang bolso na dala ko papuntang De Alrazon na nakalagay sa sahig malapit sa paanan ng kama. Kaagad ko iyong nilapitan at napahinga ng malalim nang bumabalik na naman sa isipan ang nangayari noong gabing iyon.
Napaupo ako sa sahig at binuksan ko iyon saka inisa-isang tinignan ang mga nasa loob nito. Naroon pa rin ang mga damit ko at lalagyan ng pera. Nakuha naman ng aking atensiyon ang isang pares ng damit ko. Ang pares na sinuot ko noong nagpunta kami sa plasa noong gabing iyon. Kaagad ko naman iyong kinuha at tinignan. Mistulang piniga ang puso ko nang makita ko ang mga dugo ni Agustin na dumikit sa damit noong niyakap ko siya.
Hindi na nagpaawat pa ang mga luha kong muli na namang umagos mula sa aking mga mata. Sumikip pa ang dibdib ko habang yakap ko ang damit at humahagulgol sa gilid ng kama. Kung mas lalo kong itatago ang nararamdaman ko at isiping hindi nga iyon si Agustin ay ipapaalala na naman ng isipan ko kung paano nagdusa si Agustin habang hawak-hawak ko siya. Kahit isipin ko pang buhay siya ay alam kong kasinungalingan lamang iyon. Kasinungalingan lamang ang pag-iisip na buhay pa siya.
"Kristina?"
Napalingon ako nang marinig ang boses ni Ina mula sa aking likuran. Nakita ko siyang nakatayo na sa aking likuran habang nakatingin sa akin na nababahala at nagulat. Kagyat siyang napaupo sa aking tabi sabay hawak sa aking mga balikat.
"Anak, bakit ka tumatangis? Kumatok ako sa iyong pinto ngunit hindi ka sumagot kaya pumasok na ako. Ayos ka lamang ba?" nababahalang aniya. Nang marinig ko iyon ay kaagad akong napasandal sa kaniyang dibdib at doon umiyak pa lalo.
Alam kong naguguluhan siya ngunit hindi na siya nagtanong pa at hinayaan na akong umiyak habang hinahaplos niya ang aking likod at braso. Naiyak pa ako lalo dahil sa nangyayari nang maalala kong namatay ang ina ni Kristina noong siya pa ang narito. Kahit saan, kahit sino sa aming dalawa ni Kristina, may mamamatay at mamamatay talagang mahal namin sa buhay dahil dito. Hinding-hindi iyon maiiwasan. Dahil sa pagkawala ni Agustin ay napagtanto ko nang hindi ko na kayang mawalan pa ng minamahal sa buhay. Dahil hinding-hindi ko kakayanin.
"Iiyak mo lang iyan, anak, hanggang sa maging magaan ang iyong pakiramdam."
Ilang sandali pa ang lumipas hanggang sa tila ba'y wala ng luha pang umagos mula sa aking mga mata ay nagpahid ako ng mga luha saka umayos ng upo at tumingin kay Ina. Ngumiti naman siya ng kaunti sa akin ngunit bakas ang kaniyang pagkalito at pag-aalala.
"Nais mo bang pag-usapan ang dahilan kung bakit ka tumatangis?" mahinahon niyang tanong.
Huminga naman ako ng malalim saka napatingin sa damit na hawak ko na nakapatong sa aking mga hita at mahigpit iyong hinawakan. Kumakabog pa ang puso ko dahil sa nais kong sabihin. Ano na lang kaya ang mararamdaman ni Ina kapag nalaman niya ito?
"Kasi... Ina, si A-agustin...," kinakabahan kong usal.
"Mm-hmm? Ano ang mayroon sa kaniya? Nagkaroon ba kayong ng hindi pagkakaintindihan?" Kung sana, Ina, ay ganiyan na lamang.
Bumuntong-hininga ako at tumingin sa kaniya. "Wa-wala na siya. Ina. Wala na... wala na si Agustin. Nama... namatay siya nang dahil sa akin," hikbi ko.
Nakita ko kung gaano nanlaki ang kaniyang mga mata at dahan-dahan na kumunot ang kaniyang noo. Napaawang din ang kaniyang bibig na tila ba may nais na sabihin ngunit hindi alam kung ano at paano. Napaiyak naman akong muli dahil sa sakit na nararamdaman.
"A-ano? Pa-paano nangyari iyon?" naguguluhan niyang sabi.
"Sumunod siya sa akin... papunta roon. Tapos isang gabi ay nagpunta kami sa plasa... at pa-pag-uwi namin ay may mga taong nais manakit sa akin. Sinigurado niyang li-ligtas ako. May mga dalang... ba-baril ang iba tapos..," huminto ako at napaiyak pa lalo. "Tapos... binaril ni-nila si Agustin. Ina, kasalanan... kasalanan ko ang lahat."
"Hindi, hindi mo kasalanan, Kristina," kaagad niyang wika. "Kasalanan ng mga taong bumaril sa kaniya. Huwag mong sisihin ang iyong sarili."
"Hindi, Ina. Kung hindi ko lang sana siya niyaya na umalis ay hindi kami mahahantong sa ganoon. Kasalanan ko, Ina."
"Hindi, Kristina. Walang may gusto sa nangyari. Huwag mong sabihin iyan," pag-alo niya. "Nasaan na ngayon si Agustin?"
"Ina, hi-hindi ko alam. Umalis kaagad ako at iniwan ko siya... bumalik ako rito nang hindi ko nasilayan muli ang-ang kaniyang kalagayan. Nalaman ko ring may natagpuan bangkay sa ilog malapit sa p-pinangyarihan niyon... pero hindi ko na napuntahan."
Nakatitig lang siya sa akin ng ilang sandali. Alam kong hindi siya makapaniwala sa kaniyang naririnig ngayon. Mabigat na balita ito sa lahat. Kaya nga labis kong hinihiling na kung sana maaari ay maibalik ko pa ang nakaraan.
"Ipapaalam ko ito sa iyong mga kapatid at aasikasuhin namin ang nangyari. Huwag ka nang tumangis, masasagot din ang lahat ng ating mga katanungan. Alam kong masakit ito sa iyo, pero kung iyon nga ay kailangan mong tanggapin ang nangyari. Alam kong mahirap, Kristina, pero para rin ito sa iyong kapakanan. Tiyak akong hindi niya rin nais na tumangis ka at magdusa sa nangyari. Masaya siyang ginawa niya ang lahat upang hindi ka masaktan, ganoon ka niya kamahal, Kristina. At kaya ka nasasaktan at nagdurusa ngayon dahil mahalaga rin siya sa iyong puso."
Nagdugtong ang aking mga kilay nang marinig ang kaniyang sinabi. "Pa-paano niyo po nasabi at nalaman ang mga bagay na iyan?" naguguluhan kong sabi.
Ngumiti naman siya, "Ako ang iyong ina. Alam ko ang lahat at batid ko ang lahat. Matagal ko nang alam, anak."
Napayuko ako at napatitig sa damit ko. Kung ganoon matagal na palang nasa puso ko si Agustin? Bakit hindi ko iyon kaagad napagtanto?
"Ano palang nangyari kina Victorina? Nakausap mo ba sila? Kumusta si Joaquin? Nakausap mo ba?" sunod-sunod naman niyang tanong na ikinatingin ko uli sa kaniya.
Napabuntong-hininga pa ako nang maalala ko naman ang nangyari. Masakit pa rin ang ginawa niya a ang buong pangyayari. "Ina, kasi... ikinasal na si Joaquin sa iba. Nakita ko ang ka-kasal nila. Hi-hindi ko akalaing magagawa niya iyon sa akin. Alam... alam ko naman na malabo na ang aming relasyon pe-pero hindi ko lang inasahan na magagawa niya iyon sa akin gayong nangako kaming... hindi namin bibitawan ang isa't isa."
Sa pagkakataong ito, hindi na ako umiyak. Mabigat man sa puso at masikip man ang dibdib ko ay napigilan ko na ang sarili kong lumuha pa. Masakit din naman ang ginawa niya sa akin pero unti unti ko nang tinanggal iyon sa isipan ko dahil kahit anong gawin ko ay hindi naman na magbabago iyon. Pero anong kaibahan niyon sa pagkamatay ni Agustin na hindi mo rin naman mababalik?
Narinig ko ang paghinga ni ina kasabay ng pagngiti niya ng kaunti. "Hindi mo na iyon mababago pa, anak. Noong araw pa lamang ng kanilang paglisan dito ay puno na rin ng walang kasiguraduhan. At alam mo, kahit pa nangako kayo sa isa't isa ay darating din naman ang panahon na maghihiwalay rin kayo at iibig siya ng iba. Ngunit, napaaga lang iyon at hindi kayo nakapag-usap at tinapos ng maayos ang kung ano mang ugnayan na mayroon kayo."
"Mabuti na nga lang din, Ina, na pumaroon ako at nasaksihan ko mismo iyon at baka kapag hindi ay patuloy pa rin akong umasa. Masakit sa akin ang nangyari kaya umalis kaagad ako roon at hindi na kami nakapag-usap. Pero hiniling ko pa rin na sana ay maging masaya siya. Ma-masaya ako para sa kaniya, sana... sana alam niya iyon. Masaya ako para sa kaniya."
"Kailangan ng sapat na panahon upang maghilom ka mula sa mga sugat at sakit na idinulot ng lahat ng ito sa iyo. Hindi ko alam na ang dami mo palang pinadaanan sa panahong wala ka rito. Ngunit, isa lamang ang bagay na tiyak ako, ang tapang mo, anak. Ang tapang mo na nakayanan mong tiisin at indahin ang lahat ng mga nangyayari sa iyo. Sobrang hanga ako sa katapangan mo, at hinding-hindi ko magagawa o matutumbasan iyon dahil mahina ako."
Hindi ako makapagsalita ng ilang sandali. Hindi ko rin akalaing makakayanan ko ang lahat ng mga nangyayari ngayon sa buhay ko. Marahil ay malaking bagay na rin ang naidulot ng kung ano man ang pinagdaanan ko noon nasa 2020 pa ako. Inida ko ang lahat ng mga pinagdaanan ko at hanggang ngayon ginagawa ko pa rin. Wala rin naman kong ibang pagpipilian pa kung hindi ang tiisin ang lahat. Kasi kung hindi, mawawala ang Chestinell na kilala ko. At hindi ko maisip kung ano ang mangyayari sa akin kapag nagkatotoo iyon.
"Dahil po sa inyo, Ina, at para po sa inyo. Ayaw kong makita kayong malungkot at nasasaktan dahil malungkot at nasasaktan ako. Nagpapakatatag ako para sa inyo."
"Masaya akong marinig iyan," aniya saka ngumiti. "Ngunit, huwag mong gawin iyan para sa akin or para sa amin. Gawin mo iyan para sa iyong sarili, anak. Hindi mo kailangan na alalahanin ang iba dahil mas mahalaga ang nararamdaman mo, at iyon ang unahin mo." Ngumiti ako ng matamlay sa kaniya skaa tumango.
"Sya, hindi na ako magtatagal pa rito. Kailangan mo nang magpahinga, hindi lang sa katawan ngunit pati na rin sa iyon puso. Magpahinga ka, Kristina. At huwag kang mag-isip ng kung ano mang bagay. Ipahinga mo ang iyong sarili."
Tinanguan ko si Ina. Niyakap naman niya ako kaya niyakap ko rin siya pabalik. Nanatili kaming ganoon ng ilang sandali bago siya bumitaw at ngumiti sa akin. Hindi naman nagtagal ay tumayo na rin siya at naglakad na palabas ng silid saka iyon sinara. Bumuntong-hininga naman ako napatitig mula sa damit na aking hawak saka iyon binalik sa loob ng bolso at tumayo, puso ay masakit.
Napaupo ako sa harap ng tukador habang nakatulala sa harap ng salamin. Kahit nakabalik na nga ako sa mansiyon pero ang gulo pa rin ng isipan ko. Parang kahit anong isipin ko ay sasakit ang ulo ko. Hindi ko na nga alam kung ano ang gagawin ko dahil hindi ko na maintindihan kung ano ang nangyayari. Napahilamos na lamang ako sa aking mukha at walang ganang binuksan ang tukador. Mas lalo pa akong nalungkot nang makita roon sa loob nakalagay ang pulseras na ibinigay sa akin ni Agustin dati. Nakaramdam pa ako ng lamig mula rito nang hawakan ko sinyales na hindi ito nahawakan ng mahabang panahon. Itinago ko kasi ito rito dahil ayaw kong masira ko ito o mawala. Napangiti ako at inayos iyon upang suotin ko nang mawala rin ang ngiti sa aking mukha nang makita ko ang pulseras na binili ko rati at ibinigay ko pa ang pares kay Joaquin. Suot ko pa rin sa aking kanang pulsuhan.
Inilagay ko muna sa tabi ang kay Agustin saka ko tinanggal ang suot ko at nakatitig lamang doon habang hawak iyon. Halo-halo at iba't ibang mga ala-ala ang nagsibalik sa aking isipan. Noong mga araw na kasama ko pa siya. Namasyal, kumain, nagpunta sa ibang lugar, sa kagubatan, mga masasayang alaala, pati na rin mga malulungkot. Mga panahong nakalimutan niya ang aming lakad, mga araw na kasama niya si Clara.
Ang tangi ko lamang na nagawa ay titigan ang bagay na naging kasama ko at simbolo na may pinagsamahan kami ni Joaquin kahit maikling panahon lamang. Huminga ako ng malalim saka iyon ipinasok sa loob ng tukador. Panahon na para kalimutan ko siya. Masakit man na nangyari iyon sa amin at wala man lang kaming panahon o oras na nakapag-usap tungkol sa bagay na namagitan sa amin ay kahit papano ay masaya ako para sa kaniya. Alam ko at panatag naman ang aking loob na bukal sa kaniyang puso na magpakasal sa babaeng iyon. Kahit hindi man kami nakapagpaalam sa isa't isa ay masaya akong nasagot na ang aking mga katanungan na matagal ko nang nais na malaman. Kahit nasaktan man ako ng husto nang masaksihan ko ang kaniyang masasayang ngiti kasama ang babaeng pinakasalan niya ay panatag ang puso kong iiiwan siya kapag babalik na ako sa hinaharap.
Isa pa, ito naman ang kaniyang inihiling sa akin bago siya umalis papuntang De Alrazon. Na kalimutan siya at tanggapin na lamang na walang kinabukasan ang aming relasyon. Ramdam ko rin naman na noong mga panahon nawalay kami sa isa't isa habang sulat na lamang ang nag-uugnay sa aming dalawa ay kumakapit na lamang kami sa mga alaala na magkasama kami at sa pangako namin sa isa't isang hindi kami bibitaw. Nangako ako sa kaniya at ginawa ko iyon dahil naniniwala akong magiging maayos pa ang lahat. Pero nauna na siyang bumitaw at wala na akong magagawa pa roon. Hindi ko na maaari pang ipilit ang hindi maaari. May asawa na siya, masaya na sila kasama ang isa't isa at hindi ko kayang sirain iyon. Isa pa, napagtanto ko ring mali ang pinaniniwalaan ko. Mali ang pinaniniwalaan ng isipan ko.
Dinama ko ang hangin na sumasalubong sa aking mukha habang nakaupo sa isang malaking bato at nakaharap sa dagat. Tunog ng hampas ng alon sa baybayin, sigaw ng mga kabataan sa hindi kalayuan na naglalaro, at mga ibon sa kalangitan na tila ba'y umaawit sa dapit-hapon. Habang nakatanaw sa malayo ay nakahawak lamang ang aking kaliwang kamay sa pulseras na suot ko sa kanan. Ang regalo sa akin ni Agustin.
Isang ngiti ang sumilay sa aking labi nang maalala ko ang araw na nagpunta kami rito. Malungkot ako noon dahil hindi sumipot si Joaquin sa aming lakad pero nakita ko siyang kasama si Clara. Aniya ay inutusan siya ng kaniyang Ina at wala na siyang nagawa nang samahan siya ni Clara. Malungkot ako noon at nakita ako ni Agustin pero imbes na ihatid pauwi ay dinala niya ako rito para kahit papaano ay sumaya at gumaan ang loob. Kaya para libangin ang sarili ko ay nanguha ako ng mga kabibe at ibinigay iyon sa kaniya. Hindi ko naman akalaing gagawin nya iyong isang kaakit-akit at magarang tignan na pulseras na tali ba'y binili mula sa mga mamahaling tatak. Noong mga panahong iyon ay napagtanto ko ring masaya ako kapag kasama ko siya, na panatag ako at ligtas ako.
Hindi ko pa alam kung ano ang ibig sabihin nina Ina at Isay nang tanungin nila ako sa tunay kong nararamdaman. Ngayon, alam ko na kung ano ang nais nilang ipahiwatig at alam ko na rin ang kasagutan. Noong una akong napunta rito ay si Joaquin ang lalaking nakakuha ng aking atensyon. May kuryusidad ako sa aking puso at interesado akong malaman kung sino siya. At dahil sa interes ko ay nagkaroon ako ng paghanga sa kaniya at inisip kong siya na ang para sa akin at inisip ko ring mahal ko siya. Ang emosyon ko lang ang pinairal ko at ipinipilit sa sarili kong iyon nga ay pag-ibig. Pinabilis ko ang lahat ng pangyayari at masyado akong makasarili. Ang hindi ko namalayan ay tinalikuran ko pala ang totoong pag-ibig para maniwalang ang nasa harap ko ay iyon na.
Habang humahanga at minamahal ko si Joaquin ay naroon si Agustin para sa akin. Ipinakita niya sa akin na hindi minamadali ang lahat, at hindi rin siya nawala sa tabi ko. Hindi siya nawala o nagbago kahit na tinataboy ko siya palayo. Mas lalo pa nga na nangibabaw ang pagpapahalaga niya sa akin at pagmamahal na kahit pauli-ulit ko siyang pinapatigil upang hindi na siya masaktan ay mas ninais pa niyang masaktan siya at patuloy akong mahalin. Kasiyahan ko lamang ang kaniyang ninais na kahit magdusa siya basta't masaya ako at maayos lamang ang aking kalagayan. Nariyan siya palagi para magbigay at hindi niya pinipilit sa akin ang pagmamahal niya. Hindi niya ako pinilit na mahalin ko siya pabalik at maayos lamang sa kaniyang makita ako na kasama ang iba basta masaya ako.
Pero huli na ako. Huli na ako upang mapagtantong ang pag-ibig at pagmamahal na hinahanap ko buong buhay ko ay binalewala ko lamang para sa isang paghanga. Nabulag ako dahil emosyon at bugso lamang ng damdamin ang pinairal ko. Sa uang pagkakataon ay sasang-ayon ako kay Ama. Sinabi niya dating hindi siya naniniwalang tunay na pag-ibig ay namamagitan sa amin ni Joaquin. Aniya bugso lamang ito ng damdamin at pinagtatakpan nito ang kung ano ang tunay naming nararamdaman. Tama rin si Mang Tomas, pinaniwalaan ko kung ano ang bugso ng aking damdamin. Tama silang lahat. Pero huli na, dahil wala na si Agustin. Hindi ko na mapaparanas sa kaniya kung gaano siya kahalaga sa aking puso. Ako pa mismo ang dahilan ng kaniyang pagkawala.
Hanggang sa huli, ako pa rin ang dahilan kung bakit siya nasasaktan. Hindi ko man lang siya napasaya. Puro kalungkutan at pagdurusa lamang ang naibigay ko sa kaniya.
Kahit pa nangako ako sa sarili kong hindi na ako iiyak ay hindi ko pa rin napigilan ang sarili ko na humagulgol. Ganito pala kasakit mawalan ng taong mahalaga sa puso mo. Ang mas malala pa roon ay huli ko na napagtanto iyon. Napagtanto ko iyon sa panahon wala na akong magawa kung hindi ang pagsisisi na lamang. Tama nga sila, roon mo pa makikita ang tunay na halaga ng isang bagay o tao kung wala na sila sa tabi mo. Pinahalagahan ko man siya bilang kaibigan ay higit pa roon ang kung ano man ang katotohanan. Hindi ko siya kaibigan lamang, iniibig ko siya.
Ang akala ko ay matatapos na ako sa pag-iyak pero kapag ang tungkol kay Agstin ang aking iisipin ay muli na namang bubukas ang sugat sa puso ko na tila ba'y nilagyan ng asin. Ang hapdi, ang sakit, ang pait. Masikip ang dibdib ko habang patuloy na umaagos ang luha mula sa aking mga mata. Hindi ko na nabigyang halaga ang kagandahan ng pag-iba ng kulay ng kalangitan dahil nanlalabo na ang aking mga mata at wala na akong ibang maisip at makita kung hindi ang mukha ni Agustin noong gabi huli ko siyang nasilayan.
Ang nais ko simula pa noong una ay ako lamang ang mamamatay sa misyon ito, ngunit bakit may mga tao nadadamay? Bakit may ibang taong mamamatay? Higit pa roon, hindi lamang tao, kung hindi taong mahalaga sa aking puso.
Nakaramdam ako ng isang kamay na humawak sa aking balikat. Bumilis tuloy ang tibok ng puso ko.
"Martina?" rinig ko pang sabi nito.
Kaagad akong nagpahid ng mga luha gamit ang panyo na unang ibinigay sa akin ni Agustin saka lumingon sa aking likuran. Nakita ko ang taong iyon na nakatingin sa akin at bahagyang nakayuko, bakas ang pagtataka at pagkabahala sa kaniyang mukha. Si Ate Guada. Kahit pa nanlalabo ang mga mata ko na nakatangin sa kaniya at ramdam ko ang mugto ng aking mga mata ay pilit ko siyang nginitian.
"A-ayos ka lamang ba?" usisa niya pa. Kaagad naman akong umiling saka siya niyakap.
"Si... si Agustin...."
Bumitaw naman siya sa yakap saka bahagyang lumuhod sa harap ko. Naroon ang kaniyang kunot sa noo nang tignan niya ako. "Bakit? Anong nangyari kay Agustino?"
"Ate... hindi ko sinasadya."
"Bakit, Martina? Mayroon bang nangyari?"
"Kasi... kasi wala na siya. Wala na siya dahil sa akin. Bi-binaril siya dahil ini... iniligtas niya ako."
Napaawang ang kaniyang bibig dahil sa narinig. "Ano?" Halata sa kaniyang boses ang hindi pagtiwala sa kaniyang narinig.
Pinunasan ko ang aking luha at tumingin sa kaniya. Napatitig pa siya sa akin ng ilang segundo saka umupo sa aking tabi. Basag ang boses kong ikinuwento sa kaniya ang buong nangyari, simula noong umalis ako rito hanggang sa makaalis ako sa De Alrazon. Tahimik lang siyang nakikinig sa akin at sunod-sunod din ang paglaki ng kaniyang mga mata, halatang hindi makapaniwala sa kaniyang narinig. Nakita ko pa ilang sandali ang lumipas ay ang pamumuo ng mga luha sa kaniyang mga mata.
"Hindi-hindi ko akalaing mawawala siya ng tuluyan sa atin," lumuluhang aniya.
"Hindi ko sinasadya, Ate. Pangako, gi-ginawa ko ang lahat upang mailigtas ko siya...," wika ko.
Mabilis naman niyang hinawakan ang mga kamay ko saka tumango. "Alam ko, Martina, alam ko. Nakikita ko rin kung bakit niya ginawa iyon. Mahal na mahal ka ni Agustino. Nakikita ko iyon sa kaniyang mga mata."
"Kasalanan ko ang lahat, Ate. Wala na siya," pag-iyak ko.
"Martina, huminahon... Martina, huminahon ka, pakiusap," aniya nang mas lalo pa akong napahagulgol. "Aalamin ko ang tungkol dito. Huwag mong sisihin ang iyong sarili. Ku-kung wala na talaga si Agustino, masakit man sa puso ay kailangan nating tanggapin iyan," maluha-luhang aniya. "Hindi ko lubos inasahang mawawala at kukunin siya mula sa atin ng maaga. S-susulatan ko sina Tiyo at Tiya tungkol rito. Tiyak... tiyak akong labis silang maghihinagpis ka-kapag nalaman nila ang bagay na ito."
Mabilis akong napatingin sa kaniya nang marinig ang kaniyang sinabi. "Tiyo... at Tiya?"
"Tama. Tiyo at Tiya, Martina. Hi-hindi mo na ba naaalalang magpinsan kami ni Agustino?"
Napaawang ang bibig ko at napapahid ako sa aking mga mata matapos marinig ang kaniyang sinabi. Magpinsan silang dalawa?
Kaya pala malapit sina Agustin at Carolino at minsan din magkasama sina Agustin at Ate Guada. Ngayon malinaw na sa akin ang lahat. Kaya rin pamilyar ang apelyido ni Agustin na tila ba'y nakita o narinig ko na. Iyon pala ay pareho ng apelyido sina Agustin at Gobernadorcillo. Atravencio.
"Ahh, oo... oo nga pala," turan ko. "Ate, ma-maaari mo bang iparating mo sa kanila ang aking pakikiramay? Hindi... hindi ko talaga sinasadya ang nangyari."
Hinaplos naman niya ang aking braso saka ngumiti matapos pahiran ang kaniyang mga luha. "Makakarating iyan, Martina. At huwag mong sisihin ang iyong sarili sa nangyari. At titiyakin kong makakamit ni Agustin ang katarungan sa nangyari sa kaniya. Gagawin iyan ng kaniyang mga magulang."
"Maraming salamat, Ate."
"Martina!"
Pareho kaming napalingon nang marinig ang boses ni Kuya Lucas mula sa hindi kalayuan. Nakatayo siya sa may kalsada bago makarating sa dalampasigan at nakatanaw sa amin. Napapahid naman ako ng aking mukha at tumayo habang nakatingin sa kaniya na dali-daling tumakbo papalapit sa amin. Nang makalapit siya sa amin ay bakas ang kaniyang pagkalito nang magdugtong ang kaniyang mga kilay at nakakunot ang noo.
"Hinanap ka namin sa buong mansiyon, narito ka lamang pala," aniya matapos kaming tignan ni Ate Guada. "Anong nangyari sa iyo at ikaw ay tumangis? Namumula ang iyong mga mata."
Napasinghot naman ako saka bumaling kay Ate Guada saka bumalik sa kaniya. "Ayos lamang ako, Kuya. Uuwi na ako, nais ko nang magpahinga."
Kaagad naman siyang napatango saka ako hinawakan sa braso. "Halika na. Tayo na, sinta ko." Inalalayan naman niya akong maglakad na tila ba'y napilay pa ako.
"Lucas."
Napalingon naman kaming dalawa ni Kuya nang marinig si Ate Guada. "Bakit, sinta ko?"
"Maaari ba kitang makausap?" aniya. Napangiti naman ako kay Ate saka bumaling kay Kuya Lucas.
"Magpaiwan ka na lamang dito, Kuya. Mauuna na akong umuwi, pababalikin ko na lamang ang karwahe."
Nagdadalawang-isip naman si Kuya na tumingin sa akin kaya tinanguan ko siya, pinapahiwatig na ayos lamang ako. Dahan-dahan din naman siyang tumango kaya nginitian ko silang dalawa ulit bago ako tumalikod at maglakad papunta sa kalsada. Mabibigat ang naging yabag ko habang papalayo roon dahil sa nararamdaman kong pagsikip ng dibdib ko. Hinding-hindi na muling babalik pa sa pagiging magaan ang pakiramdam ko buhat ng nangyari kay Agustin.
Nakita ko si Mang Pedring na naghihintay sa karwahe kaya nang makita niya ako ay kaagad niya akong nginitian. Matamlay man ay nginitian ko siya pabalik saka sumakay na at hindi rin nagtagal ay umalis na kami mula roon.
Nadatnan ko sa sala mayor si ina na pabalik-balik na naglalakad mula sa may hagdan patungo sa gitna ng palapag. Nang mapansin niya akong dumating ay kaagad niya akong sinalubong at niyakap.
"Saan ka nanggaling, anak?" aniya pa matapos bumitaw sa yakap at tignan ako sa kabuuan.
"Sa bayan po, Ina, sa dalapasigan."
Tumango naman siya ako hinaplos sa gilid ng aking ulo. "Sana ay kahit papaano ay gumaan ang iyong kalooban," wika niya saka pinahiran ang ibaba ng aking mata. Batid niyang galing ako sa pag-iyak dahil ramdam ko pa ang kaunting pagpamaga ng aking mga kalumata.
Bumuntong-hininga naman ako saka tumango. "Nagpaiwan muna si Kuya dahil kausap niya si Ate Guada."
Tumango naman siya bilang pagtanggap sa aking sinabi. "Sya, umakyat ka muna sa iyong silid at magpahinga. Ipapatawag lamang kita kapag kakain na tayo."
Nginitian ko muna siya bago ako umalis ng sala mayor at umakyat na sa aking silid. Nadatnan ko sa loob si Isay na ang-aayos ng aking mga kumot. Kaagad siyang napalingon sa akin nang marinig niya ang pagbukas ng pinto.
"Senyorita! Mabuti naman at ikaw ay narito na," aniya na mabilis pang lumapit sa akin.
Kumunot naman ng aking noo nang makitang tila ba'y kinakabahan siya o may nais na sabihin. "Bakit, Isay? Anong problema?" tanong ko habang naglakad kami papuntang mesang-pang-aral.
Kinuha naman niya ang iilang mga sobreng nakalagay sa ibabaw ng mesa saka iyon itinaas malapit sa kaniyang mukha at tumingin sa akin.
"Nagpunta ako sa silid ng Dueña at natagpuan ko ang mga ito sa kaniyang aparador," aniya kaya biglang kumabog ang puso ko.
"A-ano ang mga iyan?" halos pabulong ko ng tanong.
"Ito ay mga liham mo at liham ni Ginoong Joaquin, Senyorita."
Mas lalong bumilis ang tibok ng puso ko. Nanlaki pa ang mga mata ko habnag nakatingin sa kaniyang mga hawak. "A-ano? Paano... paano nangyaring nasa kaniya ang mga iyan?" Bahagyang nanginginig ang mga kamay ko habang inaabot ang mga iyon.
"Nakita kong bukas na ang mga iyan, Senyorita. Paumanhin pero tinignan ko ang mga iyan upang makatiyak. Tama nga, ang iyong mga liham ni Ginoong Joaquin ay iilan sa mga iyan at may mga liham din siyang ipinadala sa iyo. Nakatitiyak talaga akong ibinigay ko kay Mang Pedring ang mga iyan upang ipadala ngunit marahil ay pinigilan niya ang matandang ipadala ang mga iyan. Kaya pala ay hindi na kayo nakatanggap pa ng liham mula sa kaniya dahil kinuha naman pala ng Dueña na iyon."
Nakatitig lamang ako sa mga liham na nasa aking mga kamay habang naglilitanya at nagrereklamo si Isay. Tama siya. Kaya pala talaga kahit anong paghihintay ko sa mga liham galing kay Joaquin ay walang dumating sa akin. Napunta na pala sa ibang kamay. At kung ganoon, sinulatan pa rin ako ni Joaquin? Kahit wala na siyang natanggap na liham mula sa akin.
Nanginginig ang mga kamay kong binuksan ang mga sobreng may nakasulat na Mateo Quilario sa likuran. Napaupo ako sa upuan sa tabi ng mesa habang nagsimulang basahin ang laman ng mga iyon. Mas lalo kong naramdaman ang pagsikip ng dibdib ko. Iniisip kong ito na yata ang kasagutan sa lahat ng katanungan na nas ko sanang bitawan sa harap ni Joaquin. Ang gulo na ng isipan ko na kahit ang pagbabasa ay hindi ko na maayos pang nagagawa.
Hindi ko na kaya ang mga pangyayari. Ang dami kong nalalaman sa loob ng linggong ito na ikinadurog ng husto ng puso ko. Ano pa ang laman ng mga liham na ito? Baka maaari ko na itong ikamatay? Hindi ko na kaya ang mga nangyayari.
Sa Taong 1890
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro