Kabanata 62
|Kabanata 62|
Hindi ko namalayang nakatulog na pala ako. Nagising akong nakaupo pa rin pala ako sa may pinto habang ipinagkrus ang mga braso na nakapatong sa mga tuhod. Mabilis akong napatingin sa buong silid at napansin kong may liwanag nang lumulusot mula sa bintana. Kaagad akong nag-ayos ng sarili at lumabas ng silid saka bumaba papunta sa kainan.
Nadatnan ko roon ang mag-asawa na nag-uusap sa gilid ng bukana, sa kanilang pwesto. May mga tao na rin na kumakain at pansin kong ganoon na lamang ang kanilang pagbubulungan na tila ba'y napakaseryoso ng kanilang mga pinag-uusapan. Kaagad akong lumapit sa mag-asawa na napalingon nang nakalapit ako.
"Ano na po ang nangyari? Nasaan po si Agustin ngayon? Nahanap niyo po ba? Maayos lamang po ba ang kaniyang kalagayan?" sunod-sunod kong tanong.
Napatayo naman ang lalaki. "Kumatok kami kagabi sa iyong pinto ngunit hindi na ka tumugon kaya inisip naming ikaw ay nakatulog nabuhat ng pagod," aniya kaya napailing kaagad ako.
"Si..si Agustin po?"
"Inabot ng hating-gabi ang mga kalalakihan sa paghahanap sa kaniya ngunit walang nakita. Kahit..kahit pa kaniyang bangkay—,"
"Huwag niyo pong sabihin iyan. Huwag po..da-dahil buhay pa siya. Buhay pa si Agustin," kaagad kong pigil.
"Ta-tama ka, Binibini," mabilis niyang tango. "Isa pa pala, Binibini, hindi nakita ang mga lalaking sinasabi mong humahabol sa inyo. Ngunit, may naiwang telang pula sa kagubatan. Marahil iyon ay pagmamay-ari nila."
"Iyon nga marahil. Nakasuot sila ng bandanang madilim ang kulay at iyon nga siguro ang natagpuan ninyo. Ba-bakit po nila kami sinusundan?"
"Hindi namin alam, Binibini. Ngayon pa lamang kami nakasaksi ng ganoon. Marahil ay sa umpisa pa lamang ay nakasunod na ang mga ito sa inyo."
Napailing naman ako. "Wala pong nakaalam na aalis po ako sa amin at tutungo rito."
Biglang kumabog ang puso ko. Paano... paano kung sila ang papatay sa akin? Iyong papatay sa akin sa araw ng aking kasal. Naalala ko pa naman ang sinabi ng isa na ang buhay ko ang kailangan nila.
"Binibini, sa aking palagay ay kailangan mo nang umalis dito at umuwi sa inyo. Malalagay sa peligro ang iyong buhay kung narito ka pa. Tiyak akong maalagaan ka ng iyong pamilya kapag nasa inyong tahanan ka na," wika ng lalaki.
"Tama, Binibini. Isaalang-alang mo ang iyong kaligtasan. Sinabi mo ngang tinaya ng ginoo ang kaniyang buhay para sa iyong kaligtasan. Kaya kailangan mo nang lumayo dito nang sa ganoon ay hindi masayang ang kaniyang pagsakripisyo para sa iyo."
Kumirot muli ang puso ko dahil sa narinig. Tama siya. Kasalanan ko ang nangyari kay Agustin. At ang sabi rin ni Agustin ay umalis na ako dito ngayon. Gustong-gusto ko rin namang umalis na dahil nasagot na ang katanungang matagal ko nang hinihintay pero hindi ko kayang umalis na hindi kasama si Agustin. Ako ang dahilan kung bakit siya nagpunta rito at ako rin ang dahilan kung bakit hindi siya makakauwi sa San Luisiano. Galit na galit ako sa sarili ko.
"Halika na, Binibini. May lalayag na barko ngayong alas otso. Kailangan mong makaalis kaagad dito nang hindi na sila makasunod pa sa iyo," sabi ng babae.
"Sasamahan ka namin papunta sa kabilang bayan. Ihahanda ko na ang kalesa," wika naman ng lalaki saka ngumiti ng kaunti at lumabas na ng panuluyan.
Hinawakan naman ako ng babae saka hinaplos ang aking braso. Tumango siya sa akin saka ako hinawakan sa balikat at dinala papunta sa itaas. Mabigat man ang puso ko ay wala sa sariling ipinasok ko na ang mga damit ko sa aking bolso at isibukbit iyon sa aking balikat.
"Ako na ang magdadala niyan."
"Hindi na. Maaabala pa kita. Isa pa, kaya ko naman."
"Oo, alam ko naman na kaya mo. Hayaan mo na lamang na ako na ang magdala nito. Ayan, mas mainam na. Huwag mo nang dagdagan pa ang mabigat mong nararamdaman."
Bigla ko namang naalala ang eksena namin kahapon. Tila ba'y iyon ay isang pindutan na naging dahilan na naman ng pagkahulog ng mga luha ko mula sa aking mga mata. Ginawa ko ang lahat ng makakaya ko upang hindi na lumuha pa pero sadyang masakit talaga sa puso ang nangyayari. Mas masakit pa kaysa makita kong ikinasal sa iba ang taong nangako sa aking hindi niya ako bibitawan.
Naramdaman ko na lang ang kamay ng babae na humahaplos sa aking likod. Naiyak na lang ako lalo. Ilang sandali pa ay napatikhim ako at iniwala ang bara sa aking lalamunan. Pinahid ko na lang ang mga luha ko saka tumango sa kaniya. Naglakad na kami pababa at palabas ng panuluyan.
"Halika, Binibini." Inalalayan ako ng lalaki pasakay sa kalesa at sumunod naman ang kaniyang asawa. Hindi naman nagtagal ay sumakay na siya sa kaniyang pwesto at umalis na kami.
Hindi ko maipaliwanag ang kalungkutang nararamdaman ko habang binabagtas namin ang kanilang lugar. Ang bigat sa puso. Hindi ko na alam kung iiyak pa ba ako o hindi na dahil alam ko namang hindi ko na maibabalik pa ang nakaraan pero hindi ko lang maiwala ang sakit na nararamdaman ko sa puso ko.
"Nabalitaan mo na ba?"
"Ang alin?"
"May bangkay raw'ng nakita sa ilog kanina lamang."
"Sigurado ka ba?"
"Oo, sigurado ako."
"Iyon nga marahil ay dahil sa putok ng baril na narinig ng iba na mula sa kagubatan."
"Tila nga mayaman ang taong iyon dahil sa kaniyang suot na hindi ko pa nakita ang ganoong tela rito sa ating bayan."
Labis na nagngangalit ang puso ko nang marinig ang mga usapan sa mga taong nadaanan namin. Nanlamig nga ang buo kong katawan kasabay ng pangangatog ng aking mga tuhod. Napahawak ako sa babaeng katabi ko na panay ang paghaplos sa akin at pagpapagaan ng loob.
"Ma-may bangkay sa ilog? Si A-agustin ba ang tinutukoy nila?" may pangambang wika ko.
"Binibini, huwag mo na iyang isipin. Baka naman hindi siya iyon," aniya pa.
"Paano po kung siya iyon? Hindi ko po ka-kayang hindi isipin iyon... dahil mahalaga siya sa akin. Ta-tapos maririnig ko ang bagay na iyon? Paano kung siya nga po iy-iyon? Hindi man lang binigyan ng mga hayop na iyon... ng respeto," lumuluha kong turan. "Nasaan po siya in-inilibing? Kai..kailangan kong makita iyon bago ako umalis."
Humarap ako sa babae habang umiiyak. Naroon man ang awa sa kaniyang mukha ay nangibabaw ang kaniyang madiin na pag-iling. "Hindi maaari, Binibini. Paano..paano kung naroon lamang sa paligid ang mga taong gumawa niyon sa kaniya tapos ikaw naman ang malalagay sa peligro? Babaliwalain mo na lamang ba ang pagbuwis ng buhay niya para sa iyong kaligtasan?" paalala na naman niya.
"Saglit lang naman po," humahagulgol kong wika saka bumaling sa lalaking nagpapatakbo ng kalesa. "Pakiusap po.."
"Pakiusap din, Binibini. Mas mahalaga ang iyong kapakanan sa mga sandaling ito," tugon ng lalaki.
"Magpapaalam lang... po ako sa k-kanya. Gusto kong makita siya sa hu-huling... pagkakataon. Mahal na ma-mahal ko po siya at hindi ko kayang mawala siya. Ka-kasalanan ko ang lahat, kasalanan ko ku-kung bakit nangyari... iyon sa kaniya," pag-iyak ko.
"Shh, tahan na, Binibini. Gawin mo na lang ang iyong ipinangako sa kaniya," wika ng babaeng habang niyayakap ako.
Umiiyak lamang ako sa buong byahe namin. Nadagdagan pa ang kirot ng puso ko nang mapadaan kami sa pinagdarausan ng kasal nina Joaquin. Hindi ko na maipaliwanag pa ang sikip na nararamdaman ko sa puso ko. Halos hindi na ako makahinga at tila ba'y durog na durog na ang puso ko.
Nakarating kami sa daungan na binabaan ko nang dumating ako rito. Binilhan naman ang ng lalaki ng bilyete saka nila ako hinatid sa may barko. Umiiyak ako at walang lakas na yumakap sa kanila. Kung hindi dahil sa kanila ay baka kung nasaan na ako ngayon pupulutin. Hindi ko magawang pasalamatan sila ng lubusan dahil sa ginawa nilang pagtulong sa akin.
"Mag-iingat ka, Binibini. Nawa'y makarating ka sa inyo ng ligtas," wika ng babae habang hinahaplos ang aking likuran.
"Maraming salamat sa inyong tulong. Hinding-hindi ko kayo makakalimutan."
Bumitaw na kami sa yakap at nakangiti sila sa akin. Umiiyak man ay ngumiti ako pabalik. Tinignan ko naman ang buong paligid ng ilang sandali habang patuloy na umaagos ang aking luha. Hindi ko akalaing sa loob ng maikling panahon ay marami ng mangyayari sa akin.
Ito ang lugar na labis na nagbigay sa akin ng hapdi at sakit sa puso. Dito nawala sa akin ang dalawang taong naging laman ng puso ko. Dito ko sila huling makikita at alam kong hindi ko na sila makikita pang muli. Hindi ko akalaing sa paghahanap ko sa isa ay mawawala at makukuha mula sa akin ang dalawa. Ano ba ang nagawa ko upang parusahan at pagdusahin ng ganito?
Pinahid ko na ang mga luha ko at muling ngumiti sa kanila. Pareho silang napatango. Pilit naman akong ngumiti. "Ku-kung mapupuntahan niyo po ang kaniyang libingan... pa-pakisabing mahal na mahal na mahal ko siya. Na hinding-hindi ko siya makalimutan at... patawad." Sinubukan kong hindi na maiyak pa ngunit nabigo ako. Pumiyok pa ako sa dulo at kaagad na nagpahid ng mga luha. Mabilis na lamang akong tumalikod at tuluyan nang sumakay sa barko.
Natagpuan ko ang sarili kong nakaupo sa sulok habang humihikbi. Tinakpan ko na nga lang ang mukha ko ng belong dala-dala ko. Hindi ko na alam kung paano ko dadalhin ang pagsisisi ng nangyari kay Agustin. Paano ko na lamang sasabihin sa kanilang wala na siya dahil sa akin? Wala ring kaibahan ang pagkamatay niya sa kamay ng mga taong iyon at ako bilang dahilan niyon.
Buong paglalayag namin ay nakaupo lang ako sa maliit at matigas na higaan sa loob ng malaking silid para sa mga babae. Parang ang hirap pang iproseso ng lahat ng bagay na nangyari sa loob ng kaunting mga araw na iyon. Hindi kapanipaniwala ang mga iyon. Wala na ring akong lakas at gana pang lumabas at magpahangin dahil kahit ano mang sandali ay tutulo na naman ang mga luhang kong labis kong pinipigilan.
Tumunog ng tatlong beses ang batingaw sa barko hudyat na nakarating na kami sa San Luisiano. Nagpapasalamat ang puso kong sa wakas ay nakarating na kami dahil baka hindi pa ako umabot at nasa kalagitnaan pa kami ng dagat ay bumigay na ako. Parang nais ko na nga lang na matulog na at hindi na muling gumising o kaya naman kaya ay nais ko na lang na gumising dahil baka panaginip lang ang lahat ng ito.
Kahit pa wala na akong gana ay pinilit ko na lamang ang sarili kong tumayo at naglakad na palabas ng barko. Habang naglalakad ako pababa ng tabla ng barko ay tumama sa aking balat ang mainit na araw ng alas-onse ng umaga na kumikislap sa dagat ng bayan. Napangiti ako sa loob-loob ko nang muli kong masilayan ang San Luisiano ngunit kasabay niyon ang kalungkutan na nararamdaman ko nang maisip ko si Agustin.
Naglakad na ako sa daungan, papalayo sa barko na wala sa sarili. Binagtas ko na ang palengke at papunta sa plasa na kung saan naroon ang mga kalesang maaaring sakyan. Hindi ko na nga masyadong iniisip ang kung ano mang gagawin ni Ama sa akin dahil umalis ako, sapagkat wala ng mas sasakit pa sa naranasan at naramdaman ko.
"Sa Casa Del Veriel, Manong," walang gana kong sabi sa isang manong na nakatambay sa tabi ng kaniyang kalesa. Tumango naman siya sabay tulong sa akin paakyat at hindi rin nagtagal ay umalis na kami sa sentro ng bayan.
Nanibago pa ako nang muli kong bigkasin ang lugar na naging tahanan ko sa kapanahunang ito. Gusto ko na tuloy na yakapin sina Ina at Kuya. Sila na lang ang natitirang masasandalan ko rito at ayaw kong pati sila ay mawala pa sa akin.
Dahil sa pagiging bagot ay hindi ko na namalayan pang nakarating na kami sa labas ng tarangkahan. Bumaba na ako at nagbayad sa kutsero saka siya umalis. Hinarap ko naman ang dalawang gwardya na nakabantay na pawang nakakunot ang noo habang nakatingin sa akin. Maya-maya pa ay nanlaki ang kanilang mga mata na tila ba'y nakilala kung sino ako sabay bukas ng tarangkahan. Bumuntong-hininga na lang ako at naglakad na papasok habang tinatanaw ang buong lugar. Walang nagbago, tahimik pa rin.
Napatingin naman ako sa aking silid at nakitang wala na roon ang kumot na itinali ko. Sarado rin iyon kumpara sa mga silid nina kuya na nakabukas ang mga bintana. Pati na nga rin ang despacho ni Ama na nakabukas ang pinto ng kaniyang balkonahe. Nasaan kaya sila?
Naglakad na lang ako paakyat ng mansiyon hanggang sa makarating ako sa sala mayor. Napatigil naman ako sa may pinto nang matagpuan silang nakaupo roon. Nakaupo sina Kuya Lucas, Kuya Marco sa upuang katapat ng pinto habang si Kuya Lucio naman ay nakatalikod sa aking gawi at nakaharap sa hagdan papunta sa ikatlong palapag. Napansin naman ng dalawa ang pagdating ko kaya sabay silang napatingin sa akin.
"Martina?" halos sabay rin na sambit nilang dalawa. Nang marinig iyon ni Kuya Lucio ay mabilis siyang napalingon sa akin kasabay ng panlalaki ng kaniyang mga mata. Walang isang segundo nang malalaking hakbang ang kaniyang binagtas papalapit sa akin at nang malapitan ako ay kaagad niya akong niyakap. Ng mahigpit.
"Martina, saan ka pa nagpunta? Labis kaming nag-alala ng husto sa iyo," aniya pa.
"Ina! Narito na si Martina!" pagtawag naman ni Kuya Marco saka siya sumunod kay Kuya Lucas na papalapit sa akin.
"Saan ka ba nanggaling, Martina? Batid mo bang halos mawala na sa katinuan si Ina nang malaman niyang umalis ka?" magkarugtong ang kilay ni Kuya Lucas nang sabihin niya iyon pagkuwa'y siya naman ang yumakap sa akin matapos bumitaw si Kuya Lucio. "Pinag-alala mo kami ng husto, Martina."
"Ano iyong aking narinig? Narito na si Kristina?"
Sabay kaming napabitaw sa yakap nang marinig ang boses ni Ina na papalabas ng kainan. Nasilayan ko siyang nakatayo sa may pintuan ng kainan na halata ang pagod sa kaniyang mukha. Napatingin pa siya kina Kuya at maya-maya pa ay nahulog ang kaniyang tingin sa akin. Nakita ko kung gaano nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita ako. Mabilis siyang napatakbo papalapit sa akin at kaagad akong niyakap sabay haplos sa likod ng aking ulo.
"Anak, bakit ka umalis at hindi man lang nagpaalam?" Nabakas ko pa sa kaniyang boses ang paglabo na tila ba'y umiiyak siya habang kayakap ako.
Kumirot naman ang puso ko nang marinig iyon. "Paumanhin, Ina. Hindi ko sinasadyang pag-alalahanin kayo."
Bumitaw naman siya sa yakap at doon ko nakita ang pamumula ng kaniyang mga mata at iilang luha ang pumatak mula roon. Kaagad naman niya iyong pinahid sabay tanong, "Saan ka ba nagpunta? At ano na ba itong iyong kalagayan at tila pa ikaw ay namayat kahit na ilang araw ka lang naman na nawala?"
"Sa De Alrazon, tama ba?"
Napalingon kaming lahat nang makarinig ng boses mula sa may pinto ng mansiyon. Ang boses ni Ama. Doon nga ay natagpuan ko si Ama na nakatayo habang nakahawak sa kaniyang tungkod. Sa isang direksyon lamang siya nakatingin at iyon ay sa akin. Ang talas at ang sama ng kaniyang tingin na ipinukol sa akin.
"Tama ako, hindi ba?" tanong niya pa. "Saan ka ba naman kasi maaaring pumunta kung hindi roon lamang sa lugar na iyon."
Hindi na ako umimik. Hindi na ako sumagot. Tama naman siya. Isa pa, ayaw ko na ng gulo. Gusto ko na lang na matapos ag lahat ng ito dahil ayaw kong may inosenteng tao na namang mawawala mula sa akin.
"Tama ang iyong pagdating. Kakain na tayong lahat," singit ni Ina pero hindi tumingin si Ama sa kaniya o pinansin man lang ang kaniyang sinabi.
"Sa iyong silid," turan pa ni Ama. Hindi niya binawi ang kaniyang tingin mula sa akin.
"Hindi. Kakainan na tayo, Agaton. Huwag mo munang pagsabihan at pagalitan ang ating anak. Kailangan niyang kumain at magpahinga," pagpigil ni Ina na ikinatingin ko sa kaniya.
Nginitian ko naman siya, "Ayos lamang, Ina. Doon na lamang ako sa silid kakain." Binigyan naman niya ako ng nababahalang tingin pero matamlay ko na lang siyang nginitian saka tumango na sinasabing ayos lamang ako. Bumuntong-hininga naman ako saka naglakad na papunta sa hagdan. Tinapik ko naman si Kuya Lucio bago ko siya nilagpasan.
Nang makita ko ang silid ko ilang metro mula sa hagdan ay bahagya akong napangiti. Kahit papaano ay nangulila rin ako sa kaalwaan ng silid na ito. Gusto ko na ngang humiga sa kama at matulog ng mahimbing. Pero tiyak naman akong pagagalitan muna ako bago ko magawa iyan. Umiling na lang ako saka pinihit ang busol. Nang buksan ko ang pinto ay nadatnan ko si Isay na nag-aayos sa aking higaan. Bukas na rin ang mga bintana at malinis ang buong silid. Kaagad naman siyang napalingon nang marinig niya ang pagbukas ng pinto.
Nanlaki ang kaniyang mga mata at nabitawan pa ang unan na kaniyang hawak sa kama. "Senyorita?.. Senyorita!" bulalas niya. Napangiti naman ako saka mabilis siyang nilapitan at niyakap. Nagulat pa siya nang yakapin ko siya pero maya-maya ay yumakap na rin siya pabalik.
"Saan ka ba nanggaling, Senyorita?" aniya pa sabay bitaw sa yakap. "Alam mo bang nag-alala talaga ako ng husto nang makita kong wala ka na rito at nakabitin na ang iyong kumot."
"Marami akong ikukwento sa iyo," tugon ko na ikinailing niya at ngumuso pa siya. "Halos mabaliw na kami rito kakahanap sa iyo."
Matapos niyang sabihin iyon ay napatingin naman siya sa aking likuran kaya napalingon din ako roon. Si ama, papasok sa aking silid. Nilingon ko na lang uli si Isay saka hinawakan siya sa magkabilang braso.
"Bumaba ka muna sa kainan. Sigurado akong may iuutos sa iyo si Ina," wika ko. Ngumiti naman siya saka tumango at naglakad paalis sabay sara ng pinto. Napatingin muna ako sa labas ng bintana bago tumingin kay Ama.
"¡Increíble!" nakaismid na aniya sabay iling. "Mabuti naman at naisipan mo pang umuwi rito, Kristina? Ngayon, ano naman ang iyong napala roon? Anong nangyari't tila ba'y pinabagsakan ka ng langit at lupa?" Napatitig pa ako sa kaniya dahil hindi niya ako tinaasan ng boses. Pero marahil ay mamaya pa.
Huminga naman ako ng malalim bago nagsalita. "Alam ko pong galit po kayo sa ginawa ko. Pero ginawa ko lang naman iyon nang malinawan ako."
"At sa tingin mo ba tatanggapin ko ang ganiyang dahilan?" Nagsimula ng tumaas ang kaniyang boses. "Hanggang kailan ka ba titigil? Hanggang kailan mo ba ako susuwayin? Sagad na sagad na ang aking pasensya, Kristina. Kung hindi lang dahil sa iyong ina ay kinaladkad na kita palabas at itinakwil sa pamilyang ito."
Napatitig tuloy ako sa sinabi niya. Sadyang mahal niya nga talaga si Ina kaya hindi niya ako kayang saktan. Dahil alam niyang si Ina ang mas mahihirapan at magdurusa. Ilang segundo muna akong napatigil bago nagsalita.
"Hindi niyo na ako kailangan pang saktan pa at parusahan, Ama," tugon ko saka ako humingang malalim bago nagsalita ulit. "Papayag na ako sa kagustuhan ninyo."
Nang dahil sa akin, nang dahil sa misyon ko ay maraming tao na akong nasaktan, pinahirapan, at dinamay. Hindi ko na kaya pang mawala pa ang mga taong natitira sa akin na silang tanging nagmamahal at umiintindi sa akin. Alam kong ayaw ni Kristina na umayon sa kanilang kagustuhang pagpapakasal at ayaw ko rin naman iyon, pero nang dahil sa pagmamatigas ko ay ang daming naapektuhan. Nang dahil sa mga kilos at ginagawa ko ay kinukuha sa akin ang mga taong mahalaga sa akin.
Naisip ko rin na maaaring iyon ang maging dahilan kung paano ko makikilala kung sino ang nais pumatay sa akin. Naalala kong sinabi ni Lolo Alejandro na binaril si Kristina ng hindi nakikilalang saralin. Ang taong ginawagawa kong suspek ay si Clara, ang taong may matinding galit sa kaniiya. Wala na akong maisip pang iba dahil sa aking palagay ay mahalaga ang parte ko sa kanilang mga plano upang isakatuparan ang mga iyon. Kaya, halos tiyak na akong si Clara talaga ang nais na kumitil sa buhay ni Kristina.
Napatitig naman sa akin si Ama ng ilang sandali. Tiyak akong hindi siya makapaniwala sa narinig niya mula sa akin. Dahan-dahan naman na napataas ang kaniyang kilay. Kaya natawa ako ng lihim saka napalingon saglit sa aking higaan bago nagsalita uli.
"Hindi niyo na po ako kailangan na ikulong sa aking silid o pagbawalan na magkaroon ng panauhin o kausap. Gagawin ko na po ang nais ninyo kaya hindi niyo na ako kailangan pang higpitan upang sumunod."
"Mabuti naman at iyo nang napagtatanto ang tamang bagay na gawin. Malaki ka na, Kristina, at nasa tamang pag-iisip kaya naman ay tandaan mong ang iyong kapakanan lamang ang iniisip namin. Hindi ko lubos akalaing lilipas pa ang maraming panahon upang mapagtanto mo ito."
Nakatitig lamang ako kay Ama habang nagsasalita siya. Ang hindi mo alam, Ama, ay ginagawa ko ito dahil sa mga taong mahal ko. Hindi mo nga alam na nagdurusa ang puso ko ngayon. At iyon ay dahil sa ginawa mong kasunduang ipinangako ko kay Kristina na hinding-hindi ko gagawin. Ngunit, kailangan nang sa gayon ay hindi na ako makasakit ng mga taong mahalaga sa akin.
"Bueno entonces, hindi na kita ikukulong dito at makakatanggap ka na rin ng mga panauhin," aniya. "Ibinigay mo na ang iyong mga salita. At kahit pa bawiin mong muli iyon, mangyayari pa rin ang kasal. Kahit ikaw pa mismo ang tututol."
Nakatingin siya sa aking ng seryoso bago tumalikod at naglakad palabas ng silid. Napabuga naman ako ng hangin at napaupo sa gilid ng kama. Hindi ko na alam kung tama pa ba ang nangyayari, tama pa ba ang ginagawa ko, o naaayon ba ito sa nakatakda. Ang sakit lang dahil para sa kasiyahan ko sa hinaharap ay maasaktan ang mga taong nasa ganitong panahon. Kung sana lang ay hindi ganoon si Ina sa akin, hindi ito mangyayari sa kanila.
Nakarinig ako ng katok ng pinto kaya napalingon ako roon. Bumukas iyon saka pumasok si Isay. Nginitian ko naman siya na may dalang pagkain.
"Saan ka ba nagpunta, Senyorita?" kaagad na tanong ni Isay matapos ilapag ang bandeha ng pagkain sa mesang pang-aral. Natawa naman ako ng kaunti sa kaniyang inasal. Lumipat na ako ng pag-upo sa harap ng pagkain saka nagsimula ng lantakan ang mga iyon.
"Nagpunta ako sa De Alrazon," bunyag ko. Nanlaki naman ang kaniyang mga mata sabay tutop.
"Talaga, Senyorita?" gulantang na aniya. "Naisip ko rin ang bagay na iyan ngunit hindi ko naman inakalang gagawin mo nga talaga iyon. Tapos? Anong nangyari? Nagkita ba kayo ni Ginoong Joaquin?" sunod-sunod niyang tanong.
Malungkot naman akong tumango nang muli kong maalala ang nangyari. "Oo, nakita ko siya. Ngunit sa palagay ko ay hindi naman niya ako nakita dahil umaalis ako kaagad."
"Ha? Bakit naman? Hindi mo siya kinausap? Akala ko ba ay nais mo siyang makausap kaya ka nagpunta roon."
"I-isay... ikinasal na siya sa iba," tugon ko na ikinalaki ng kaniyang mga mata.
"Ano?!" bulalas niya sabay takip na naman ng kaniyang bibig. "Paano niya nagawa iyon sa iyo? Totoo ba talaga, Senyorita? Baka hindi siya ang nakita mo?"
"Hindi, tama ang nakita ko, Isay," umiling ako. "Hindi ako maaaring magkamali. Nakita ko nga sina Donya Victorina at Don Carlos. Pati na rin si Kuya Luis ay abay sa kaniyang kasal. Umalis ako kaagad at hindi kami nagkausap dahil hindi ko kayang makita ang pangyayaring iyon."
Nagpamaywang naman si Isay sabay tingin sa labas ng bintana, halatang hindi makapaniwala sa kaniyang nalaman. Paano na lang kung malaman niyang wala na si Agustin?
"Tanggap ko naman na kaya hindi na ako masyadong nasaktan ngayon," dagdag ko. "Alam ko naman na darating din ang araw na mangyayari ito. Hindi naman kasi maaaring patuloy kaming maging magkasintahan dahil iba na ang sitwasyon ngayon. Malayo na rin kami sa isa't isa at hindi na iyon posible."
"Tama, Senyorita. Tama ka...," usal niya.
"Pero alam mo ba? Nagpunta si Agustin doon."
Mabilis siyang napatingin sa akin at nakakunot na lalo ang kaniyang noo. "Ha? Ano?"
"Nagpunta si Agustin doon dahil sinundan niya ako," ulit ko. "Nakita niya akong umiiyak habang palayo sa kasal ni Joaquin tapos ayon... pinagaan niya ang loob ko."
"Talaga?" bahagyang nakangiting aniya sabay lapit ng kaunti sa akin. "At anong nangyari? Nasaan na siya ngayon? Siya ba ang naghatid sa iyo pauwi rito?" Halata ang kaniyang pananabik nang marinig ang pangalan ni Agustin. Alam ko iyon dahil matagal na nang sabihin niyang gusto niya si Agustin para sa akin.
"Senyorita? Bakit ganiyan ang iyong mukha? Bakit ka malungkot? Te-teka, bakit ka lumuluha?" natataranta niyang sabi.
Napatingala ako sa kaniya at doon ko nakitang malabo na ang aking paningin dahil sa mga luha na namumuo sa aking mga mata. "Kasi... kasi wala na... wala na si A-agustin." Isang luha ang tumulo mula sa aking mga mata.
Ang kaninang nakangiti niyang mukha at napalitan ng pagkalito nang tignan niya ako ng magkarugtong ang mga kilay. "Ano? Anong ibig mong sa-sabihin, Senyorita?"
"I-ibinuwis niya ang kaniyang buhay para protektahan ako," umiiyak kong tugon. "May sumusunod sa aming mga armadong mga lalaki. Pinaalis niya ako para harapin ang mga iyon at hindi na ako sundan ng mga ito pero... pero nabaril siya."
"Ano?!" Napaupo siya sa upuan sa harap ko. "Nasaan na siya ngayon?"
"Na-nabaril siya sa may dibdib tapos... pinaalis na niya ako dahil bumalik ang mga lalaki. Humingi ako ng tulong sa mga taga-roon pero hindi na nila nakita si Agustin. Ta-tapos... kinaumagahan ay nalaman ko... may... may bangkay silang nakita sa ilog. Sinasabi nilang... iyon si Agustin."
Napahawak naman si Isay sa braso ko habang muli na naman akong umiyak. Hinding-hindi ako kailanman maghihilom at makakalimot sa pangyayaring iyon.
"Kasalanan ko, Isay. Ka-kasalanan ko ang lahat. Huli na rin nang mapagtanto kong mahalaga siya sa puso ko. Na-nawala na siya sa akin... wala na si Agustin, Isay."
"Shh, tahan na, Senyorita," tanging nasambit ni Isay.
"Ano na lang ang sasabihin ko kina Kuya tungkol dito?" pagpahid ko sa mga luha ko.
"Senyorita, walang gustong mangyari ang bagay na ito," aniya. "Nakita mo na ang nais kong sabihin sa iyo dati? Mahalaga ka kay Ginoong Agustin kaya niya nagawa ang bagay na iyon. Ganoon ang tunay na pag-ibig, Senyorita. Hindi iyong iniwan ka para magpakasal sa iba. Alam ko naman na mabuting tao si Ginoong Joaquin pero hindi siya ang para sa iyo. At sigurado rin akong kapag nalaman ito ng iyong mga kapatid ay masasaktan din sila ngunit kailangan mong sabihin sa kanila ang nangyari. Nang sa gayon din ay makapagluksa rin sila sa kaniya."
"Kaya nga rin... sumang-ayon na ako kina Amang magpakasal kay Primitivo. Da-dahil ayaw kong may mga taong mahalaga sa akin na masakatan pa. Ayaw ko nang may mawala pa mula sa akin nang dahil lang din naman sa kain. Hindi ko na kakayanin pa, Isay."
Ang sakit lang na isiping kayang ibigay ni Agustin ang buhay niya para niya sa akin hanggang sa huli kahit noon pa man ay sinaktan ko na siya. Nariyan lang siya palagi para sa akin at handa akong tulungan pero noong nasa bingit na siya ng kamatayan ay hindi ko pa siya magawang samahan. Kung alam ko lang na mangyayari iyon sa kaniya, sana sa una pa lang ay hindi ko na lamang siya nilapitan.
Hindi ako nagsisising nakilala ko siya ngunit mas mabuti malayo sana siya sa akin nang sa gayon ay hindi niya sapitin ang pangyayaring iyon. Alam kong kapag hindi niya ako nakilala ay hindi siya magdurusa, hindi siya mawawala.
Paumanhin, Agustin. Hindi ko sinasadyang gawin sa iyo iyon. Paumanhin.
Sa Taong 1890
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro