Kabanata 60
|Kabanata 60|
Naalimpungatan ako nang naramdaman kong may yumuyogyog na sa braso ko. Kaagad akong napadilat at nakita ang isang babaeng sa tabi ko na hawak ang aking braso. Kunot-noo lamang ang naibigay ko sa kaniya at napatingin sa buong paligid. Nasa barko pa ako.
"May naghahanap sa iyo sa labas. Iyon yata ay iyong Lolo?" aniya pa kaya mabilis akong napabangon at lumabas mula roon. Napatingin naman ako sa aking kaliwa nang may nakatayo at nakita ko si Mang Tomas na may hawak na lalagyan ng tubig at isang telang may umbok. Napalingon naman siya sa akin at ngumiti.
"Magandang hapon, Binibini," bati niya kaya nalaki ang mga mata ko. Pechay, hapon na?! "Napasarap ang inyong tulog at alas dos na kayo nagising ah. May dala akong tubig at tinapay. Kainin mo ito," aniya saka inabot ang kaniyang mga hawak. Nginitian ko naman siya saka tinanggap ang mga iyon. Napailing na lang ako sa sarili ko dahil hindi ko inakalang magigising ako ng hapon. Itinuro naman niya ang gilid ng barko kaya nagtungo kami roon. "Ilang minuto pa ay dadaong na itong bapor sa isla ng Maniuaya. Doon na ako baba at aalis din kaagad ang barko patungong Santa Cruz. Naroon ang bayan ng De Alrazon."
"Malayo po ba rito ang Santa Cruz?" tanong ko saka kumain uli ng tinapay.
"Ilang minuto pa ang lalayagin ninyo ngunit malapit naman iyon dito," tugon niya. "Pasensya ka na, Binibini, at hindi kita masasamahang hanapin si Joaquin. Ngunit, ipagdarasal kong mahanap mo siya."
"Huwag kayong humingi ng tawag, Mang Tomas. Naiintindihan ko po kayo at alam kong mahalaga rin ang inyong lakad. Huwag po kayong mag-alala, gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para mahanap siya at ikukumusta ko kayo sa kaniya."
"Maraming salamat, Binibini. Mag-iingat ka roon ha."
"Opo, Mang Tomas." Inubos ko na ang tinapay pati na rin ang tubig. Binigay ko naman uli sa kaniyang ang lalagyan ng tubig saka nagpasalamat.
Hindi rin nagtagal ay dumaong na kami sa isla na sinasabi ni Mang Tomas. Inayos na niya ang kaniyang mga gamit at nagpaalam na ako sa kaniya.
"Maraming salamat po sa pagtulong niyo sa akin, Mang Tomas. Hindi ko ito malilimutan."
"Walang anuman, Binibini. Mag-iingat ka sa iyong lakad at huwag kang magpapaloko sa mga tao sa paligid. Sana rin ay makauwi ka sa San Luisiano na nasa maayos na kalagayan," aniya kaya kaagad akong napatango.
Isa-isa nag nagsibaba at alis ang iilang mga pasahero na kagaya ni Mang Tomas na titigil na rin dito. Nagpaalam ng muli si Mang Tomas at umalis na rin siya. Tinanaw ko na lang siya at kinawayan ang kaniyang papalayong pigura. Nang makatapak siya sa daungan ay lumingon siyang muli sa akin na nakatayo sa dulo ng barko saka nakangiting tumango. Tumango rin ako sa kaniyang habang nakangiti at ilang sandali pa ay tuluyan nang naglakad muli si Mang Tomas papalayo sa barko at daungan.
Kalahating oras yata ang hinintay bago muli lumayag ang barko dahil nagpasakay pa ng ilang pasahero. Muli na lang akong bumalik sa aking tinulugan at inayos at inihanda ang sarili para sa lakbay ko. Nagpalit na rin ako ng damit na ikatlo sa pares ng damit na aking dala. Tatlong pares ng damit ang aking dinala para kahit papaano ay maging malinis at maaliwalas ang aking pakiramdam. Parehong terno ng camisa at saya lang ang mga iyon kaya hindi malaki ang bolso na aking dala.
Lumabas na uli ako at nagpahangin sa may dulo ng barko. Hindi ko naman maiwasang kabahan sa anumang posibleng mangyari sa lakad ko. Hindi ko rin maintindihan ang nararamdaman ko ngunit naroon ang kislap ng saya sa puso ko nang isiping muli ko nang makikita at makakausap ng personal si Joaquin. Ang daming tanong ang nagsisulputan sa aking isipan na nais kong maitanong sa kaniya. Kumusta na kaya siya? Magiging masaya kaya siya kapag nakita ako? Ano kaya ang ginagawa niya ngayon? Ano kaya ang kalagayan ng kanilang pamilya? Bakit hindi na niya ako pinadalhan ng liham?
Habang dinarama ko ang hangin ay hindi ko naiwasan nang sumagi sa aking isipan si Agustin. Kumusta na kaya siya? Hindi ko na rin siya nakausap nitong nakaraang mga araw. Naitanong ko siya kay kuya Lucas at ang sabi ni Kuya ay umuwi raw siya sa kanila at may inasikaso. Hindi ko tuloy maintindihan kung saang bahay ang kaniyang tinutukoy dahil ang alam ko lang na bahay ni Agustin ay nasa San Luisiano. Ngunit kahit ganoon pa man ay nais ko siyang makita at makausap. Marami akong gustong sabihin at ikwento sa kaniya. Kasi kapag ginawa ko iyon ay gumagaan ang loob ko. Napapanatag kasi talaga ako kapag kasama at kausap ko siya.
Napabalik ang aking diwa nang muli tumunog ang batingaw na naghuhudyat na malapit na kaming dumaong. Inayos ko na lamang ang aking suot habang tinatanaw ang lugar kung saan ko hahanapin si Joaquin. Hindi ko alam kung saan ako magsisimulang maghahanap sa kaniya. Naroon ang pangamba sa aking puso na baka hindi ko siya makita bago ako mahanap ni ama. Inayos ko na lang muli ang aking damit bunga ng kaba na hindi ko maintindihan. Maya-maya pa ay bumaba na kami ng barko alas-kwatro na ng hapon. Isang hingang malalim ang ginawa ko saka itinapak ang aking paa sa lugar kung saan hindi ko pa napuntahan sa buong buhay ko.
Pagkarating ako sa kanilang daungan ay may mga lalaking nakasakay ng mga kalesa ang sumasalubong sa amin. Naghahanap yata sila ng pasahero. Nagkibit-balikat na lamang ako at inilibot ang paningin sa paligid. May pagkahalintulad ang kanilang daungan sa San Luisiano dahil naroon din ang kanilang palengke. Naghanap ako ng maaaring maging tulong ko sa paghahanap kay Joaquin. Wala man lang ako makita mga nakasulat sa mga kahoy o arko man lang na nakalagay ang pangalan ng kanilang lugar. Nilapitan ko na lang ang isang babaeng sa palagay ko ay nasa kaniyang singkwenta na.
"Magandang hapon po," pagkuha ko sa kaniyang atensiyon dahil nag-aayos siya ng kaniyang mga gulay na paninda.
Napatingala naman siya sa akin at magkarugtong na kilay na nagtanong, "Anong bibilhin mo, Binibini?" Napailing naman ako kaagad kasabay ng pagwasiwas ko sa aking mga palad. "Ah, hindi po ako bibili. Magtatanong lang sana ako kung ito na ba ang De Alrazon?"
Napatitig naman siya sa akin ng ilang sandali at ngumuso pakaliwa. "Hmm, sa kabilang bayan iyan, Binibini. Mga labin-limang minuto kapag sasakay ng kalesa. Nariyan ang sakayan," turo naman niya sa isang kales ana nakatambay ilang metro ang layo mula sa amin.
Nginitian ko naman siya kaagad at tumango. "Maraming salamat po!" Mabilis na akong lumapit sa lalaking nakatayo sa tabi ng kalesa. Naalala ko naman sa kaniya si kuya Lucio dahil magkasintangkad lamang sila. Sa tingin ko nga rin ay magkaedad lamang sila.
Napangiti naman siya kaagad nang makita ako na sinuklian ko naman. "Magandang hapon, Ginoo. Magpapahatid sana ako sa De Alrazon," wika ko. Mas lalo naman siyang napangiti nang marinig iyon saka siya tumango. "Sya, kung ganoon ay halika na."
Sumakay na kaagad ako sa kalesa at siya naman sa kaniyang pwesto at umalis na kami roon. Papalayo na kami sa daungan at dumadaan na kami sa mga bahay at mga tindahan. Mahaba-haba iyon kaya hinuha kong malaki ang bayan na ito. Ilang minuto ang lumipas ay nakalabas na kami sa bayan na iyon dahil puro puno at malawak na taniman na ang aming nadadaanan. Dumaan pa kami sa isang maliit na tulay na gawa sa kahoy at naroon ang malinaw at malinis na tubig na may iilan pa akong nakitang mga batang naliligo. Napangiti na lang ako nang masilayan ko ang mga iyon. Bihira ko nang makita ang ganitong mga bagay sa 2020 kaya paniguradong hinding-hindi ko ito makakalimutan.
Naging tahimik lang din ako sa likuran at dinadama ang preskong hangin at maaliwalas na panahon. Mabuti na nga lang at hindi umulan at hindi na rin tirik na tirik ang araw. Maginhawa na rin ang pakiramdam ko dahil hindi na ako kinakabahan. Papalapit na ako sa kinaroroonan ni Joaquin kaya kinakalma ko ang aking sarili. Hindi na ako makapaghintay pang makita siya.
"Hindi ka taga-rito, Binibini, tama ba ako?"
Napalingon naman ako sa lalaki nang bigla siyang magsalita sa kalagitnaan ng byahe. Ilang segundo pa ay bahagya siyang napalingon sa akin. Dahan-dahan naman akong tumango saka siya bumalik ng tingin sa harap. "Paano mo naman nasabi iyan?"
"Wala naman,"natatawang aniya. "Maaari ko bang itanong kung ano ang iyong sadya sa De Alrazon?"
Nakangisi naman akong ipinalobo ang aking pisngi habang nakatingin sa kaniya. Madaldal din ang isang ito. "Kasi...mayroon akong bibisitahin doon."
"Hmmm," tumatangong tugon niya. "Bakit ikaw lang mag-isa? Nasaan ang iyong mga magulang, kapatid, o kaibigan? Wala ka bang kasama?"
Mas natawa naman ako sa kaniyang mga tanong. May pagsisiyasat palang magaganap bago makarating sa De Alrazon. "Ako lang mag-isa. Mabilis lang din naman ang lakad ko at uuwi na rin ako kaagad pagkatapos. Kailangan ko lang malaman ang kanilang kalagayan."
"Kung ganoon, ihanda mo na ang iyong sarili sapagkat papasok na tayo sa kanilang bayan," aniya kaya napaayos ako ng upo at napatingin sa harap. May arko doon na nakalagay ang pangalan ng kanilang bayan. "May kalakihan din ang bayan na ito dahil napapalibutan ng kagubatan. Mag-iingat ka rito ha at baka ikaw ay maligaw. Naaalala ko pa naman sa iyo ang kapatid ko kahit saan na lamang napapadpad dahil laging naliligaw," dagdag niya pa kaya natawa naman ako.
Nakapasok na kami sa kanilang baya at una kong napansin ang tila masayang kaganapan. Marami ring tao ang nakikita ko kahit saan. Bumalik naman ang kaba sa aking puso nang makita ko na ang lugar na naging pangalawang bayan ni Joaquin. Nasaan na kaya siya? Paano ko ba siya hahanapin?
"Diyan na lamang ako sa may tindahan," sabi ko sa kaniya kaya tumigil naman siya sa gilid saka ako bumaba. Nagbayad na ako sa kaniya ahabang siya ay nakangiti lang. "Maraming salamat ha."
"Wala iyon, Binibini. Mag-iingat ka at sana makita mo ang iyong sadya rito," aniya kaya nakangiti akong tumango. Kinawayan ko naman siya na paalis na at tuluyan nang nakalayo. Inilibot ko na lamang ang tingin ko sa mga taong masasayang nag-uusap at nagtatawanan. Napansin ko ang mga bandiritas at mga bulaklak na nakasabit sa paligid kay mas lalo kong nahinuhang nagdiriwang nga sila rito. Maaaring may kaarawan o may kinalaman sa bulaklak. Hindi ko alam.
Napailing na lang ako nang nawalan ako ng ideya kung saan ako pupunta upang makita si Joaquin. Hindi ko alam kung saan ako magsisimula. Bumuntong-hininga na lang ako at umiling. Narito na ako sa lugar kung saan nakatira ang mga Varteliego kaya imposibleng hindi ko sila makita.
May isang matandang babae naman akong nakita na naglalakad patungo sa aking direksyon kaya agad ko siyang nilapitan sabay ngiti. "Magandang araw po. Magtatanong lang sana ako kung may —,"
"Hala, Ineng, saan ka ba nanggaling at ikaw ay kanina ko pa hinahanap," putol niya kaya nanlaki ang mga mata ko. Ha? Ano raw?
"Ay, hindi po akong ang hinahanap niyo po. Baka ay nagka—,"
"Halika na at nagsisimula na roon. Ano ba iyan at nahuli na tayo," reklamo niya pa. Hindi na ako nakapalag pa dahil hinawakan niya na ako sa aking kaliwang braso at hinila na paalis na halos kaladkarin na nga niya ako para lang maging mabilis ang paglalakad namin.
Hala hoy, saan ba ako dadalhin ng matandang ito? Wala na akong panahon para magliwaliw dahil may hahanapin pa akong tao. Bumuga na lamang ako ng hangin at hinayaan na lang ang matanda na tangayin ako sa kung saan man kami pupunta. Makakalimutin na yata ang matandang ito at ako pa, ako pa sa lahat ng taong narito ang napagkamalan niyang kakilala niya.
Maya-maya pa ay papalapit na kami sa isang bahay ba ito o tanggapan – hindi ko alam. Mula sa labas ay maraming tao ang nakatambay o may tinitignan sa loob. Marami ring palamuti at disenyo ang buong lugar. Hindi ko maintindihan kung anong mayroon at kung ano ang nangyayari. Ang nakikita ko lang ay may marami ring tao sa loob. Kitang-kita kasi mula sa labas dahil wala namang pader ang gusaling iyon at tanging bubong at mga haligi lamang ang nakatayo. Ano naman ang gagawin namin dito? May nagdiriwang ba ng kanilang kaarawan?
"Halika, bilisan mo, Paulita," usal naman ng matanda saka ako muling hinila. "Doon tayo sa gilid. Makakakita tayo mula roon." Hay naku, nasaan ba naman kasi ang Paulita na iyan? Dinamay pa ako eh Martina naman ang pnagalan ko.
Nakidaan naman siya sa mga tabi sa gilid ng gusali habang hawak pa rin ang braso ko kaya wala na akong nagawa kung hindi ang sumama sa kaniya. Tumawa naman siya nang makapwesto kami sa may harapan na at walang masyadong tao roon. Hindi ko na lang pinansin ang mabilis na tibok ng puso ko at tinignan na lang ang nangyayari. Maraming mga tao sa loob at nakaupo sila maliban sa mga tao sa harapan. Mayroon yatang kasal?
"Kasal po ito? Sino po ang kinakasal?" kuryoso kong tanong saka napatingin sa mga bisita. Halatang mayaman ang mga iyon dahil sa mga pormahan.
"Hay naku, Paulita, nakalimutan mo na ba? Si Esmeralda, ang anak ng cabeza de baranggay,"tugon niya. Dahan-dahan naman akong napatango. Tama nga ang hinala ko dahil sa kaniyang mga bisita.
Nakuha naman ng atensyon ko ang isang babaeng naglalakad mula sa may bukana ng gusali. Naglalakad siya sa gitna papunta sa harap suot ang puting magarbong baro't saya. Maganda siya at marikit at bagay sa kaniya ang suot niya. Pinagmasdan ko naman siyang naglakad at doon ay naaalala kong ilang buwan na lang ang lilipas at magagaya rin ako sa kaniya. Habang nakatitig ako sa kaniya ay napangiti ako sabay hiling na sana maging masaya siya sa kaniyang buhay bilang asawa at sana ay aalagaan siya ng kaniyang kabiyak.
Napatingin naman ako sa mga bisita na pawang nakatingin sa kaniya. Bakas sa kanilang mukha ang saya. Habang inisa-isa ko silang pinagmasdan ay may nakita akong pamilyar na pigura. Napaisip tuloy ako kung tama ba ang nakikita ko. Si Gabriel? Nakaupo siya sa harapang bahagi kaya napatingin kaagad ako sa kaniyang katabi. Tuwa ang naramdaman ko nang makita ko si Leon na kaniyang kasama. Pati na rin si Donya Victorina! ...at Don Carlos? Narito silang lahat? Ngunit nasaan sina Joaquin at kuya Luis?
Napansin ko namang papalapit na ang babae sa harap. Hindi ko naman makita kung sino ang lalaking ikakasal sa kaniya dahil natakpan iyon ng haligi. Kunot-noo naman akong lumipat sa kaliwa ng matanda upang tignan iyon kasabay ng pagtanong ko sa kaniya.
"Sino po ang ikakasal sa kaniya?"
Nang sandaling nakalipat ako at nasilayan ko ang taong iyon ay nahulog ang puso ko. Kasabay niyon ang pagsagot ng matanda ng mga salitang ikinadurog ng puso ko.
"Mateo...Mateo Qui-quilario. Kakalipat lamang nila ilang linggo na ang nakalipas at mabilis siyang napusuan ni Esmeralda. At hayan ikinasal na nga silang dalawa."
Isang luha ang kumawala sa aking mata at nasundan pa iyon ng marami pang iba. Hindi ko alam kung anong kirot ang nararamdaman ko habang nakatanaw kay Joaquin. Nakatayo siya na nakaharap ang kaniyang katawan sa aking gawi ngunit nakatingin siya sa babaeng papalapit sa kaniya. Ang bigat sa pakiramdam habang nakatingin sa kanilang dalawa na nakangiti sa isa't-isa.
Naningas ako sa kinatatayuan ko at tila ba'y tumigil ang oras. Ang tanging nakikita ko na lamang ay ang sarili kong nakatayo sa gilid, si Joaquin na nakangiting nakatingin sa kaniyang mapapangasawa, at ang bababeng naglalakad papalapit sa kaniya. Napakasikip sa dibdib ko nang pinagmamasdan silang nakangiti sa isa't isa. Tila ba'y eksena ito sa isang pelikula. Matagal akong naghintay sa kaniya pero ito ang madadatnan ko.
Hindi ko akalaing magagawa ito ni Joaquin sa akin. Ilang linggo akong naghintay sa kaniya. Ilang linggo akong naghintay sa mga sulat at mga tugon niya. May mga gabing hindi ako makatulog dahil iniisip ko siya at may mga gabing umiiyak ako dahil sa pag-aalala at pangungulila sa kaniya. Tiniis ko ang lahat ng iyon, lahat ng sakit, parusa, at mga salita galing kay ama dahil kumakapit ako sa pangakong hindi kami bibitaw. Hinding-hindi namin bibitawan ang isa' isa.
Naniwala ako sa kaniya at kumapit ako sa mga pangako niya. Pero ngayon masasaksihan ko na lang mismo sa aking harapan na ikinakasal na ang aking kasintahan sa ibang babae pagkatapos ng lahat ng sakripisyo at pagdurusang ginawa ko. Tila ba'y piniga at dinurog ang aking puso nang masilayang magkahawak kamay silang dalawa. Tila ba'y ang saya pa ni Joaquin habang hindi niya alam na narito ako nasasaktan at nadudurog ang puso habang pinagmamasdan sila.
Sobrang sikip ng dibdib ko habang umaagos na ang mga luha ko. Kay tagal kong pinigilan ang sarili ko na hindi na iiyak pa dahil makikita ko rin namang muli si Joaquin ngunit nagkamali ako. Mas lalo pa pala akong masasaktan sa muli naming pagkikita. Napatakip na lang ako sa aking bibig nang hindi ko na napigilan pang mapahagulgol dahil sa mga nasilayan. Nanlabo na rin ang aking mga mata dahil sa mga luhang hindi na nagpaawat pang lumabas. Sobrang bigat na ng nararamdaman ko kaya mabilis na akong umalis mula roon.
"Paulita...Paulita, hindi pa tapos..,"pagtawag pa ng matanda pero hindi ko na pinakinggan.
Tumakbo na ako papalayo roon habang umiiyak. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko o iisipin ko. Ang gulo na ng puso ko. Ang sakit-sakit lang. Ang sakit. Sobra. Hindi ko inaasahang lolokohin ako ng ganito. Kung hindi pa ako pumunta rito ay baka umasa ako ng tuluyan na hindi nga bumitaw si Joaquin pero may anak na pala siya.
Hindi ko na alam kung nasaan na ako pero hindi ito ang dinaanan namin kanina. Tila papunta na ako ng norte. Pero wala na akong pakialam. Ang sakit ng puso ko. Parang inapak-apakan pa iyon ni Joaquin at dinurog ng maraming beses. Hindi ko na nakayanan pa at tuluyan nang bumigay ng mga tuhod ko kaya napasalampak na ako sa damuhan sa gilid ng maalikabok na daan at doon umiyak ng lubusan. Hindi ko na pinansin ang iilang mga taong napapadaanan at napapatingin at tuluyan na akong humagulgol. Hindi ko na alam kung bakit ako umiiyak dahil ang gulo na ng isipan ko.
Hindi ko na rin pinakialaman pang punasan ang mga luha kong binasa ang mukha ko dahil wala na akong lakas pa upang gawin iyon. Hindi ko na inalintana ang panlalabo ng aking mga mata. Hinayaan ko na lang ang mga luha kong lumabas dahil sa sakit na nararamdaman ko ngayon. Hindi ko rin namalayang may nakatayo na pala sa harap ko dahil hindi ko na siya nakikita ng malinaw. Hindi ko na rin iyon pinansin dahil ang sakit ng nararamdaman ko.
"Panyo, Binibini," usal pa ng lalaki. Nang marinig ko ang boses na iyon ay kumabog ang dibdib ko. Tumalungko naman siya upang lumebel sa akin at doon ko nasilayan ang kaniyang mukha. "Bakit ba lagi na lang kitang inaabutan ng panyo?" malungkot na aniya pa.
Nang marinig ko ang mga salitang iyon ay mas lalo pa akong napaiyak at hindi ko na napigilan ang sarili kong yakapin siya ng mahigpit at iniwan ang panyo sa ere. "Agustin...," hagulgol ko. Doon ako sa kaniyang balikat mas lalo umiyak. Doon ko inilabas ang lahat ng sakit na nararamdaman ko. Habang kayakap ko siya, unti-unti kong naramdaman ang kahit papaanong paggaan ng puso ko. Ilang minuto pa ang naging pag-iyak ko sa kaniyang balikat na hinayaan niya lang din. Inaalo niya pa ako at tinutulungang kumalma.
Nang kahit papaano ay kumalma na ako ay bumitaw na ako sa yakap at pinahid ang mga luha ko gamit ang likod ng aking mga palad. Itinaas naman niya uli ang panyong hawak niya saka ako tinulungang pahiran ang mga luha ko. Tinanggap ko naman ang panyo nang inabot niya sa akin at nakatingin lang ako sa lupa habang nakatulala.
"Anong nararamdaman mo? Nais mo pa bang umiyak at ilabas ang lahat ng nararamdaman mo?" tanong niya. Tahimik naman ako at tipid lang na umiling habang pinaglalaruan ang panyo sa mga kamay. Tumabi naman siya sa akin na umupo sa damuhan sa aking kaliwa. Hindi na siya muling nagsalita o kumibo man lang at sa halip ay tumingala na lang sa langit. Ilang minuto kaming nanatiling tahimik, na siya ay minamasdan ang papalapit na pag-iba ng kulay ng kalangitan at ako naman ay nakatitig lang sa panyong hawak ko.
"Hindi ko akalaing magagawa niya ang bagay na ito," pagbasag ko sa katahimikan. "Nangako kasi siya sa akin kaya naniwala ako. Kaya...Baka..baka kung hindi ako nagpunta rito ang laki ko ng tanga na na-naniniwala pa rin sa kaniya." Pumipiyok pa at bumabasag pa ang boses ko pero pingilan ko na ang sarili kong umiyak. Hindi na ako dapat pang umiyak dahil wala na rin naman akong magagawa.
"Pinaglaban ko pa kahit ipapakasal na ako sa iba, pero siya pala itong bibitaw at magpapakasal sa iba," naluluhang dagdag ko. Pinahid ko na lang ang luha kong nagbabadyang tumulo saka bumaling sa kaniya. "Anong ginagawa mo pala rito?"
Lumingon siya sa akin saka may kaunting ngiti ang sumilay sa kaniyang labi. "Kailangan kong tiyaking maayos lamang ang iyong kalagayan." Nagdugtong ang mga kilay ko. "Sinundan mo ako? Alam mong pupunta ako rito?"
"Kailangan ko lang na alamin ang iyong kalagayan at siguraduhing ligtas ka," tugon niya. Napatulala ako habang nakatingin sa kaniya. Paano niya nagawang sundan ako kahit saan at iligtas ako sa lahat ng mga kapahamakan? Paano niya ginagawang maging sandalan ko palagi? Kumakabog ang dibdib ko habang nakatingin sa kaniya. Alam ng puso ko ang sagot sa mga katanungang iyon.
"Halika na, Binibini. Kailangan na nating humanap ng matutuluyan," biglang sabi niya saka tumayo.
Napakurap naman ako ng ilang beses at bumaling sa panyong hawak ko. Mahigpit ang naging paghawak ko niyon. Napaangat din ang tingin ko nang makita ang kaniyang palad na nakalahad sa aking harap. Tumingala ako sa kaniya at natagpuan siyang nakangiti sa akin. Malungkot na ngiti ang naibigay ko sa kaniya saka tinanggap ang kaniyang kamay at tumayo na. Pinagpagan ko na ang aking sarili at inayos ang aking damit.
"Ako na ang magdadala niyan." Itinuro naman niya ang dala kong bolso. Tumango siya at nilahad uli ang kaniyang palad sa harap ko at nakangiting ngumuso.
"Hindi na. Maaabala pa kita. Isa pa, kaya ko naman," tugon ko na ikinaseryoso niya.
"Oo, alam ko naman na kaya mo. Hayaan mo na lamang na ako na ang magdala nito." Lumapit naman siya ng kaunti saka hinawakan ang bolso at tinanggal iyon sa akin ng maingat. Wala na akong nagawa at napatitig na lang sa kaniyang isinabit iyon sa kaniyang balikat.
Nagkibit-balikat naman siya saka ngumiti na uli sa akin. "Ayan, mas mainam na. Huwag mo nang dagdagan pa ang mabigat mong nararamdaman."
Natawa naman akong umiling. Nagsimula na siyang maglakad papalayo roon at papunta sa lugar na hindi ko alam ngunit hindi na ako nakaramdam pa ng pagkabahala dahil nasa tabi ko naman siya. Tahimik lamang kaming naglalakad dahil wala kaming nakitang mga karwahe o kahit ano mang masasakyan na dumaan. Ilang bahay na lang din ang nadadaanan namin at puro mga kakahoyan at damuhan na lang.
Ilang minuto pa ang lumipas nang matanaw ko na ang iilang mga bahay. May mga bata pang naglalaro at naghahabulan. Hindi ko na alam kung nasaang lugar na kami ngunit marahil ay kabilang baranggay na. Tumuloy na lang kami sa kanilang lugar at si Agustin na ang nagtanong sa mga residente roon tungkol sa maaaring matuluyan namin. May isa namang sinuhestiyon ang isang lalaki kaya agad din namin iyong pinuntahan.
"Ito na yata ang sinasabi niya," wika ni Agustin habang nakatayo kami sa dalawag palapag na bahay. Nakangiti naman akong tumango sa kaniya at pumasok na kami. Ang sabi ng lalaki kanina ay sa babang parte ay kainan at sa itaas naman ay iilang mga silid na maaaring matuluyan.
Sinalubong naman kami sa may pinto ng isang lalaking nasa kaniyang kwarenta yata. Nakangiti siya sa amin kaya tinugunan namin iyon ni Agustin. Giniya naman niya kami sa loob na siya rin namang sinundan namin.
"Ano po ang maipaglilingkod ko sa inyo?"
"Naghahanap po kami ng matutuluyan. May silid ba kayong maaaring matuluyan? Dalawa po sana," tugon ni Agustin. Tahimik lang ako habang nakikinig sa kanila. Mabuti na lang at may bakante pa kaya nagbayad na si Agustin at sinamahan kami ng lalaki na sa tingin ko ay ang may-ari nito sa taas.
Malawak ang lugar sa itaas at maraming mga silid. Sa gitna niyon na malapit sa hagdan ay may maliit na sala at may mga taong nakatambay roon. Giniya naman kami ng lalaki patungo sa mga silid. Dalawang silid iyon na magkatabi. Nagpaalam na ang lalaki at bumaba na siya. Naiwan naman kami ni Agustin na nakatayo sa labas ng mga silid.
"Magpahinga ka muna. Kakatok lang ako mamaya kapag kakain na tayo," aniya kaya tumango ako. Inabot naman niya sa akin ang bolso saka ako nakangiting nagpasalamat.
Pumasok na ako sa silid at siya ang nagsara niyon. Malinis, maluwag, at maaliwalas ang silid kahit maliit lamang siya. May saktong laki ng higaan ngunit isang tao lamang ang kasya. May maliit ding mesa na maliit sa bintana at isang lampara. Inilagay ko na lang ang dala kong bolso sa upuan sa paanan ng higaan saka ako napaupo sa sahid.
Natulala ako ng ilang minuto bago nagsihulog ang mga luha ko. Kahit anong gawin kong paglimot sa pangyayaring iyon ay hindi ko kaya. Ang sakit-sakit lang dahil hindi ko inaasahang magagawa niya iyon sa akin. Ilang beses kong paulit-ulit na inisip kung paano niya nagawang magpakasal sa iba. Hindi man lang niya ako sinulatan o kahit pinaalam man lang na magpapakasal na siya. Bakit niya nagawa sa akin iyon? May ginawa ba akong mali? May ginawa ba akong hindi sapat? Sobrang sakit. Ni hindi ko na maintidihan ang nararamdaman ko habang ilang minuto akong umiiyak.
Ilang sandali pa ang lumipas ay kinalma ko na ang sarili ko. Kahit gustuhin ko mang magmukmok at magtangis ay wala rin namang mababago sa mga nangyari. Kinasal na sila at sigurado akong masayang kumakain na sila ngayon o kung nasaan pa man sila. Tumayo na lang ako at dinala ang aking bolso sa palikuran at doon naligo. Wala na akong magagawa pa at wala na akong pagpipilian pa kung hindi ang tanggapin ang nangyari at magpatuloy sa buhay. Wala na akong mahihiling pa kung hindi ang kasiyahan nilang dalawa.
Para rin ito sa kabutihan ng lahat. Hindi na siya masasaktan kapag wala na ako at bumalik na ako sa 2020 dahil may mahal na siyang iba.
Paalam, Joaquin. Sana ay maging masaya ka.
Sa Taong 1890
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro