Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 56

|Kabanata 56|


Pinagpag ko na ang palda ko at inayos ang sarili sa harap ng salamin. Alinlangan at nagdalawang-isip pa si Isay kagabi nang sabihan ko siya sa plano pero aniya buong puso niya raw akong susuportahan dahil para raw ito sa amin ni Joaquin.


"Senyorita, narito na po ang iyong meryenda."


Isang taga-silbi ang pumasok sa aking silid na may dalang mga prutas at tubig. Lihim akong napangiti. Salamat, Isay.


Pinalagay ko naman iyon sa mesang pang-aral. Nakayuko naman siyang naglakad na paalis nang pigilan ko.


"Sandali."


Napatigil naman siya at mas lalo pang nakayuko na tila ba'y natatakot sa akin. Hay naku, hindi na talaga sila nagbago. Umiling na lang ako.


"Po, Se–senyorita?"


"Pakiayos naman ng bihisan ko. May mga kalat doon na kailangan maalis," wika ko matapos tumikhim.


Dahan-dahan naman siyang tumango at mabilis na kumaripas papunta sa bihisan. Nang makapasok siya roon ay dali-dali na akong tumakbo patungo sa pintuan. Sinubukan kong buksan iyon at nang matagpuang bukas iyon ay labis ang ngiti na pumaskil sa aking mukha.


Nagmadali na akong lumabas ng silid at bumaba na papuntang sala mayor. Tama nga si Isay, walang tao kapag ganitong oras. Nakalabas na ako ng mansiyon at doon ko natagpuan ang karwahing naghihintay sa akin. Nakasakay si Mang Pedring sa harap na nginitian ako. Kaagad na akong sumakay bago pa ako makita ng mga tao. Hindi ako umupo sa upuan dahil makikita ako sa labas kaya nagtago na lamang ako sa may baba.


Sana naman ay hindi pa ako mahuhuli. Sana makapasok ako roon.


Mas binilisan naman ni Mang Pedring ang takbo nang makalabas na ang karwahe sa Casa Del Veriel. Salamat naman at maayos na inilatag ni Isay ang lahat.


Habang nasa biyahe ay bumilis na naman ang tibok ng puso ko. Ano kaya ang mangyayari sa mga Varteliego? At saka totoo kaya ang sinasabi nilang nakianib si Don Carlos sa mga rebelde? Hindi ko lubos maisip na magagawa iyan ni Don Carlos. Bakit ba ito nangyayari ngayon? Sadyang sinusubok kami ni Joaquin.


Hindi ko na namalayang nakarating na pala kami sa sentro ng bayan dahil sa dami ng iniisip ko. Kahit may tuwa akong nararamdaman dahil matapos ang maraming araw ng pagkakakulong ko sa silid ko ay nakalabas na ako, hindi pa rin mawala ang kaba at takot na nararamdaman ko. Mas lalo pang pinalala iyon ng mga taong nakikita ko sa paligid. Marami-rami ang mga tao ngayon kumpara dati. At hinuha kong pinag-uusapan nila ang nangyayari ngayon sa pamilya ng Teniente.


Hindi ko alamg kung saan na patutungo si Mang Pedring pero sigurado akong alam niya kung saan magaganap ang paglilitis ngayon. Habang binabagtas namin ang kalye ng bayan ay pinagmamasdan ko ang mga tao na kaniya-kaniyang grupo kung mag-usap. May mga galit pa, nanghihinayang sabay iling nga kanilang mga ulo, at may mga gulat.


"Sa mga rebelde pa talaga siya nakianib na alam naman niyang labis siyang mapaparusahan kapag nalaman ito ng mga espanyol," rinig ko pang wika ng isang lalaki dahil sa lakas ng kaniyang boses.


Hindi nagtagal ay tumigil ang karwahe sa harap ng isang gusali na may katamtamang lali. May karamihan ang mga taong pumapasok at lumalabas mula roon. Nakita ko naman na bumaba si Mang Pedring kaya binuksan ko na ang pinto.


"Senyorita, rito gaganapin ang paglilitis kay Don Varteliego," aniya sabay turo sa loob. "Nais niyo po bang hintayin ko na kayo rito?"


Nagmadali naman akong bumaba. "Maraming salamat sa paghatid sa akin, Mang Pedring. Huwag niyo na lang po akong hintayin. Kailangan hindi sila makaalam na ikaw ang naghatid sa akin dito dahil alam kong paparusahan ka ni Ama kapag ganoon."


Tumango naman siya. "Sige, Senyorita. Mag-iingat po kayo rito. At sa tingin ko ay narito naman ang iyong mga kapatid. Baka ay makita niyo ang isa't isa."


Narito rin sila? Pero hindi nila nagawang ipaalam sa akin na nangyayari ang ganito kina Joaquin.


"Sige po, Mang Pedring. Maraming salamat uli."


Umalis na rin siya kalaunan kaya tinulungan ko na lamang ang sarili kong makapasok doon. Isiniksik ko na lamang ang sarili ko sa mga tao upang kahit sa pinto man lang ay makalusot ako. Bahala na kung hindi na ako makaupo sa loob basta makapasok lang ako.


Tuluyan na akong nakapasok at doon ay sinalubong ako ng napakainit na hangin at kapaligiran. Maraming tao kasi ang nasa loob at kaunting siksikan ang sasalubong sa papasok. Isang malaking silid ito na hukuman. Napatingin naman ako sa may likod ko at doon nakitang may mga taong nakatayo sa pahagdan na porma kay nakisingit na ako at nagpunta sa may tuktok ng apat na baitang. Doon na lang ako tumigil sa ikatlo pumwesto.


Inilibot ko na lang ang tingin ko sa buong paligid. Tila kanina pa nagsimula dahil may isang lalaking nakasuot ng kayumangging kamisa at pantalon na nagsasalita sa harap. Medyo magulo rin ang kaniyang itsura dahil ang kaniyang buhok ay tila pa hindi nasuklay ng ilang araw at may mga kakaunting dumi rin sa kaniyang katawan at mukha. Sino kaya siya?


"Sino po siya?" tanong ko sa may katandaang lalaki na nasa kaliwa ko.


"Ikalawang testigo na iyan. Ang unang testigo ay sinabing ginawa nga talaga nga Teniente ang pakikianib," sagot niya nang hindi man lang lumilingon sa akin.


Tumango na lamang ako at tinignan ang mga taong nasa harap ng testigo. Nakaluhod kasi ang testigo sa gitna ng mga taong nakupo sa mga kahoy na upuan at sa mga kataas-taasan sa bayan. Nakapormang C ang ayos ng mga taong nasa harapan ng lahat. Isa sa kanilang tatlo ay ang Gobyernadorcillo, si Don Timoteo na siyang nakaupo sa gitna. Sa bawat gilid naman niya ay nakaupo ang dalawang Teniente, sina Ama at Don Miguel. Nakaupo sa kaniyang bandang kanang kamay si Ama habang sa kaliwa naman si Don Miguel. Ang iba ay nakaupo na sa kanilang bawat gilid at hindi ko kilala ang mga iyon ngunit tiyak akong may katungkulan din sila sa bayang ito. At may nakita akong isa na nakaharap sa tambak na mga papel at nagsusulat na nakaupo sa may bandang gilid nilang lahat.


Hindi ko mawari kung ano ang iniisip at nararamdaman ni Ama habang nakatitig ako sa kaniya. Nasa kaniyang harap ang kaniyang kaibigan at nililitis. Si Don Miguel naman ay seryoso lamang na nakikinig halatang hindi makapaniwala sa naririnig mula sa testigo.


Naalala ko, natutunan ko mula sa 2020, gaya ng Alcalde ordinario ay kabilang din ang Gobyernadorcillo at Alcalde Mayor ay may katungkulan na maging hukom o maghahatol sa mga kaso at problema sa kanilang bayan.


Sa banda nina ama, nakaupo sa ikalawa mula sa harapan ay ang pamilya Varteliego. Kompleto silang lahat at pinapapatatag ang loob ni Don Carlos na nakaupo sa harap nila katabi ng mga gwardiya sibil at nakagapos ang itaas na braso sa katawan.


Napatingin naman ako kay Donya Victorina na halatang umiiyak ng tahimik dahil sa galaw ng kaniyang katawan. Hinahaplos naman ang kaniyang likod ng kanilang panganay na nakaupo sa kaniyang kaliwa habang si Joaquin naman ay nasa kaniyang kanan. Kasunod naman niya si Gabriel at sa dulo ay si Leon.


Hindi ko kita ang mukha ni Joaquin dahil nakatalikod siya sa akin. Nais kong lumapit sa kaniya pero baka makita ako ni Ama kaya mamaya na lamang. Sa kabila niyon ay ipinagdarasal kong maging matatag lamang siya. Alam kong matatag sila.


Hindi ko lubos akalain na mangyayari ito sa pamilya nila. Iniisip kong dahil may katungkulan si Don Carlos sa bayan ay poprotektahan niya ang kaniyang pangalan at katayuan. Nangyari na kaya ito noong si Kristina pa ang narito?


"Nakita ko ang Don na..mayroon kausap na lalaking may kalakihan ang katawan, ngunit hindi ko nakita ang kaniyang mukha. Sa kabila niyon ay isang lamang ang aking natitiyak. Nakita kong tumanggap ng kwarta ang Don," rinig kong kwento ng testigo.


Mabilis akong umiling nang sabihin niya iyon. "Hindi, hindi ganiyan ang Don Carlos na kilala ko. Mabait siya," bulong ko sa sarili ko.


"Hindi totoo ang kaniyang...sinasabi," rinig kong tutol ni Don Carlos. "Kasinungalingan lamang ang lahat ng iyan."


Hindi ako makapaniwala sa ipinapakitang katatagan ni Don Carlos. Nanatili lamang siyang kalmado sa kabila ng mga ibinabato sa kaniya at sa kabila ng hirap na pinagdaraanan niya. Kailangan din naman niya kasing maging matatag dahil nasa kaniyang likuran lamang ang kaniyang pamilya.


May isang lalaki naman na katabi ng ni Don Carlos ang tumayo. Sa tingin ko ay kaniyang abogado. Maya-maya pa nang pahintulutan ay nagsalita ito. "Paumanhin mahal na Gobernadorcillo, ngunit tapat ang Teniente de Sementeras sa kaniyang tungkulin. Kung kaya naman ay pawang mga kasinungalingan lamang ang mga pahayag na ito. At isa pa, maaaring ikaw lamang ay nagkamali at nagbibintang sa Teniente ng mga bagay na hindi naman talaga nangyari."


"Tunay pong nakita mismo ng aking mga mata ang Teniente na mayroon kausap. Kahinahinala ang kanilang mga kilos at gawi habang naguusap na tila ba'y natatakot na mayroong makakita. Hindi po ako maaaring magkamali, kagalang-galang na Gobernadorcillo, ang Teniente po ang aking nakita."

"Mayroon ka bang kasamang nakakita sa sinasabi mong ang Teniente? At isa pa, kung siya ay nakita mo nga hindi naman maaaring pagtataksil sa bayan na kaagad ang kanilang ginagawa. Kilala mo ang Teniente at isa rin siya negosyante, maaaring pakikipagkalakalan lamang ang kanilang ginagawa."

"Wala akong kasama noong nakita ko ang Teniente ngunit ilang araw matapos niyon ay natagpuan sa imbakan sa tahanan ng Teniente ang mga listahan ng mga naging negosasyon sa mga tao at mangangalakal na kilalang may atraso at utang sa ating bayan. Kasama rin iyon sa mga armas na tiyak galing sa mga rebelde at may kasama rin iyon mga pampasabog."

"Iyan rin ang sinabi ng naunang testigo," bulong ng lalaking katabi ko sa kaniyang sarili. "Alam mo ba, ineng, sa pagsusuri ay mayroon ngang ganoon sa kanilang tahanan. Marami nga raw iyon noong puntahan ng mga taga-siyasat ayon sa aking kapitbahay," baling naman niya sa akin.

Nagsimula uli ang bulong-bulongan at pag-uusap ng mga tao sa loob. Iba't-iba ang kanilang naging pagtauli sa mga naririnig. May mga gulat at hindi makapaniwala, may mga kalma na tila alam na na maririnig ang ganoong mga bagay, at may iba na nagiging emosyonal at napaiyak na lamang matapos sabihin iyon ng testigo.

Laganap nga ang paksa tungkol sa mga rebeldeng grupo at pinag-uusapan pa nga iyon ng G7 ngunit hindi ko lubos akalaing kasama si Don Carlos sa mga rebelde.

Teka nga, ang sabi ni Mang Pedring ay narito sina Kuya. Nasaan kaya sila? Bakit nila ito inilihim sa akin? Ano kaya ang kanilang mga saloobin ukol dito? Tiyak akong labis ang kanilang gulat lalo na't kabilang ang kanilang mga malalapit na kaibigan sa gusot na ito.

"Hindi kailanman naisip ng Teniente ang pagtaksilan ang pamahalaan. Nanatili siyang tapat sa kaniyang mga tungkulin. Hindi niya magagawa ang mga mabibigat sa mga akusasyon at paratang na kanilang sinasambit." madiin na wika ng abogado ng Don. "Wala na akong katanungan pa sa testigo, mahal na Gobernadorcillo."

"Maraming salamat. Ipagpatuloy ang pagdinig," tugon ni Don Timoteo.

Sobrang hanga ako sa kanila. Sa labas ng silid at kanilang mga tanggapan ay pawang magkakaibigan at tumatawa silang kung magkasama at nag-uusap pero kapag nasa kani-kanilang posisyon at tungkulin na sila ay napaka-seryoso nila. Kung hindi ko sila kilala sa labas ay sigurado akong kahit pagsagot at pagtingin lamang sa kanila ay hindi ko magagawa. Nakakatakot sila kapag nakauniporme na — pwera na lamang kay Ama na kahit kailan ay nakakatakot talaga.

Naging patuloy naman ang pagsalaysay ng testigo. May mga tinitignan at inaaral naman na mga ebidensya at mga papeles na galing sa tagausig na ayon sa kaniya ay mga dokumento ng mga transaksyon at mga listahan ng tinanggap ni Don Carlos na mga suhol.

Mas lalo pang naging maingay ang mga tao at kaniya-kaniyang pag-uusap at talakay sila sa mga nangyayari. Hindi makapaniwala ang mga tao dahil raw sa dami ng mga ebidensya at matitibay na dokumento na magpapatunay nga na may sala ang Teniente. Habang nakatanaw sa buong silid ay hindi nawala ang aking pangamba. Ano na ang mangyayari sa kanila?

Kumakabog ang isip ko habang hinihintay na may magsalita uli galing sa mga taong nasa harap. Pinag-uusapan nila ng maigi ang kasong iyon na tumagal iyon ng mahabang sandali. Kita nga sa kanilang mga mukha ang pagiging seryoso na halos magdugtong na nga ang mga kilay at tila ba'y nagkakainitan na nga dahil mukha may mga magkakasalungat pa ng desisyon.

Tinitigan ko so Ama. Tila ba'y galit siya. Hindi nga siya tumigil sa pagsasalita habang nakikipagsagutan sa kaniyang mga kaharap at kausap. Panay pa ang kaniyang turo kay Don Carlos. Hindi ko alam kung ano ang mga sinasabi niya o kung pinagtatanggol pa ba niya ang Don.

Sa bawat pag-usad ng segundo ay ganoon din ang malakas na pagkabog ng puso ko. Natatakot ako para sa mga Varteliego. Mas lumala pa iyon nang biglang pukpukin ni Don Timoteo ang malyete upang patahimikin ang mga tao. Sumabay iyon sa kabog ng aking puso na tila ba'y nahulog na nga iyon at nakuryente. Hindi ko na nga maramdaman ang mga paa ko dahil sa sobrang kaba. Sana naman maging maganda ang resulta.

Tumitig naman si Don Timoteo sa mga tao at kay Don Carlos at nagsalita. "Sa pag-aaral at pagsisiyasat sa mga ebidensya at mga salaysay ng testigo isang pagpapasya ang naging kasagutan."

Pakiusap naman, sana ay hindi totoo ang mga binibintang nila.

"Sa pamamagitan ng kapangyarihang ipinagkaloob sa akin ng Maykapal at ng pamahalaan, ako, Timoteo Atravencio, bilang Gobernadorcillo ng bayang ito, kasama ng mga kagalang-galang na mga opisyal ng bayan na narito, hinahatulan kita, Carlos Varteliego, ng pagkakasala ng pagtataksil sa ating bayang San Luisiano at pamahalaan, pagpuslit at pagtago ng mga armas, patalim, at pampasabog, at pagtanggap ng mga suhol at handog bilang kapalit ng mga tungkuling nararapat na gawin ng libre bilang lingkod-bayan," wika ni Gobernadorcillo Timoteo sabay pukpok ng malyete.

Mas lalo pang bumilis ang tibok ng puso ko. Ibig sabihin ay gui–guilty ang kanilang hatol..?

"Hindi! Hindi maaari iyan! Hindi iyan totoo!"


Napatingin ako sa babaeng tumatangis at sumisigaw. Si Donya Victorina.


"Carlos Varteliego, tatanggalan ka ng katungkulan sa pamahalaan. Ang iyong mga ari-arian at kayamanan ay kukumpiskahin ng pamahalaan at pag-aaralan kung ibibigay sa iyong mga kamag-anak kung mayroon man. At ikaw at ang iyong pamilya ay ituturing na excommunicado sa bayang ito. Hinding-hindi na, kung sino man sa inyo, ang maaari pang makatapak muli sa bayang ito sa oras na kayo ay ipapatapon sa bayan ng De Alrazon, sa probinsya ng Marinduque."


Tila nahulog ang puso ko. Naipon naman ang mga luha sa aking mga mata at ilang sandali pa ay tumulo na ito. E–excommunicado? Hindi na sila makakatapak dito sa San Luisiano? Ipapatapon sila? Bakit?!


"Hindi! Hindi! Carlos.., hindi!"


Iyon na lamang ang tanging nasambit ng Donya matapos ang hatol. Naging maingay ang buong silid dahil sa mga bulongan ng mga tao at mga komentong hindi raw nila akalaing mangyayari ito sa Don. Mayroong mga pagtutol, mayroong mga galit, at mayroong gulat na gulat.


"Wala ng ibang idinulot ang mga rebelde kung hindi sirain ang ating bayan at patayin ang mga walang muwang na mga mamamayan."


"Hindi ko lubos akalaing magagawa iyan ng Teniente. Mabait pa naman siya at may malasakit."


Ilan lamang iyon sa mga narinig ko sa mga taong kasama ko sa baitang sabay iling ng kanilang mga ulo at lakad pababa at palabas ng silid, hindi makapaniwala sa mga nasaksihan. Syempre walang mga negatibong komento ang inilabas at malakas na ipinahayag laban sa naging hatol dahil kapag nangyari iyon ay magiging kaanib kaagad iyon ng mga rebelde. Ang pagtutol ay katumbas ng pakikipaglaban sa pamahalaan. Dahan-dahan nang nagsilabas ang iilang mga nanonood at may mga naiwan upang patuloy na saksihan ang mga susunod na mangyayari.


Habang pilit kong kinakalma ang puso kong halos sumabog na dahil sa halu-halong nararamdaman ay pinanood ko ang pamilya Varteliego na nagtatangis lalo na si Donya Victorina na labis ang kaniyang pag-iyak. Maging si Kuya Luis at Leon ay hindi na naitago ang kanilang lungkot, galit, at gulat na nararamdaman dahil kasabay ng kanilang pagyakap sa kanilang Ina ay ganoon din ang kanilang pag-iyak. Nanatili namang nakayuko ang magkapatid na Joaquin at Gabriel na hindi ko makita kung sila rin ba ay umiiyak. Habang nakatanaw sa kanila ay hindi ko maiwasang maiyak.


Bakit kailangang mangyari sa kanila ito?


"Hindi maaari ito. Hindi," paulit-ulit na sambit ng Donya.


"Dakpin na ang may sala," usal ni Don Miguel sa pinamumunuang mga gwardiya sibil bilang Teniente de Policia.


Naging mabilis naman ang pagkilos at paglapit ng mga ito kay Don Carlos at hinawakan na siya sa magkabilang braso.


"Ang tanging naging hangad ko lang bilang Teniente ng bayang ito ay ang magkaroon ng kapayapaan at kaunlaran ang San Luisiano," biglang wika ni Don Carlos. "Hindi totoo ang mga paratang na ito sa akin at sa aking pamilya!"


Sumigaw si Don Carlos sabay tingin sa mga taong nanonood at sa kina Ama. Halata sa kaniyang awra ang galit na kailanman hindi ko pa nakita sa kaniya. Nakilala ko ang Don bilang mabait at mapagtimpi na tao. Nagpupumiglas siya sa mga gwardiya sibil na nakahawak sa kaniya.


"Hinding-hindi ko hahayaang madudungisan ang pangalan ng aking pamilya. Hinding-hindi ko magagawang gawin ang mga bagay na maaaring ikakasira ng bayang iniingatan ko! Ako ay inosente!"


Naging mabilis ang pangyayari dahil biglang pumalag si Don Carlos sa mga gwardiya sibil at nagkakagulo na ang lahat ng mga gwardiya upang hawakan siya. Bigla naman niyang sinunggaban at kinuha ang baril ng gwardiya sibil na nasa kaniyang tabi at nag-agawan pa sila.


Naging matinis ang mga tili ng lahat ng kababaihan sa loob ng silid nang may baril na pumutok. Naging tahimik ang lahat ng iyon ay kaniya-kaniyang takip sa mga bibig at naroon din ang panlalaki ng mga mata. Naramdaman kong tila nga ay lumabas ang aking kaluluwa mula sa aking katawan.


"AMA!"


"CARLOS!"


Namayani sa buong silid ang mga sigaw ng mag-inang Varteliego nang biglang napahinto si Don Carlos at dahan-dahan na bumagsak sa sahig. Dali-dali naman siyang dinaluhan ng mga gwardiya-sibil at ng kaniyang pamilya. Kabog ng puso ko ang namayani sa buo kong sistema. Binaril nila si Don Carlos? Binaril siya?!


"Bakit niyo binaril ang aking ama?!" galit na sigaw ni Kuya Luis nang tumayo siya matapos tignan ang nakahigang ama. "Wala siyang kasalanan at ngayon papatayin niyo siya sa aming harapan?!" Kaagad niyang sinugod ang nagpaputok ngunit mabilis siyang hinawakan ng mga gwardiya sibil.


"Walang magpapaputok! Hindi iyon sinasadya. Iyon ay upang pigilan ang kaniyang maaaring gawin." tugon ni Don Miguel. "Mayroon bang manggagamot dito?"


Nagkakagulo na ang mga tao dahil sa nasaksihan. Nakita kong nanlaki ang mga mata nina Ama at Don Timoteo. Nanginginig na rin ang aking mga kamay at hindi na ako makagalaw sa kinatatayuan ko. Hindi ko makita kung anong nangyayari sa kanila dahil may mga taong nakaharang at pinagkakaguluhan sila. Hindi ito ang inaasahan kong mapupuntahan ngunit sa kabilang banda naman ay naisip ko ring sa kapanahunang ito halos lahat ay madudugo ang nangyayari. Ngunit bakit kailangan pa itong mangyari kay Don Carlos?


"Ama? Ama.. gising! Gising.., Ama!"


Mas lalo pang kumabog ang puso ko nang sumigaw si Leon. Napatili naman si Donya Victorina matapos niyon. "Carlos! Carlos!" paulit-ulit niyang pagtawag sa kaniyang asawa, puno ng pagtangis sa kaniyang boses.


Ba–bakit? Anong...anong nangyari? Wala na ba si Don Carlos?


Sinubukan kong igalaw ang sarili ko at dahan-dahan na humakbang pababa upang lumapit sa kanila. Gustong-gusto kong yakapin sila at kahit papaano ay pagaanin man lang ang kanilang loob. Oo, alam kong hindi ko mapapagaan ang loob nila dahil sa tindi nilang pinagdadaanan ngayon pero kahit man lang madamayan ko sila ay makakatulong na siguro iyon.


Habang nakatingin sa kanila ay sumasakit ang puso ko. Hinahayaan ko na nga lang na tumulo ang aking mga luha dahil kahit anong pahid ko pa sa mga iyon ay kusa pa ring bumabagsak.


Ni hindi pa nga ako nakakahakbang pababa ng baitang na kinatatayuan ko nang biglang may humawak sa aking palapulsuhan. Sobrang bilis ng kabog ng puso ko na hindi ko na alam kung bakit. Dahil ba sa nangyayari, sa gulat, sa takot, o ano?


"Huwag. Huwag na huwag kang magpapakita sa kanila."


Umiiyak akong lumingon sa taong nasa aking likuran. Ang boses na iyon...


"Agustin..." hagulgol ko nang makita ko siya. Hindi na ako nag-atubili pang yakapin siya at doon na umiyak ng sobra.


"Shhh, tahan na." Pinapakalma niya ako habang yumakap siya sa akin pabalik.


"Agustin...bakit nangyayari 'to? Natatakot na ako," iyak ko.


"Kung sana'y panaginip lamang ito ginising na kita kanina pa. Huwag kang matakot, Martina. Magiging maayos lang ang lahat," pag-alo niya.


Bumitaw naman siya sa pagyakap at may binunot sa kaniyang bulsa. Isang panyo. Inabot niya iyon sa akin saka siya ngumiti.


"Punasan mo iyang mga luha mo. Magpakatatag ka para sa kanila. Kailangan nila ng mga taong masasandalan at kabilang ka na roon," aniya.


Nilingon ko naman sila na ngayon ay tinutulungan na ng mga taong sa tingin ko ay mga manggagamot at mga nagtatrabaho sa tanggapan nina Ama.


"Gusto ko si–silang lapitan. G-gusto ko silang yakapin.." sinok ko saka tumingin uli sa kaniya.


"Hindi maaari, Martina. Baka masaktan ka pa roon. At isa pa, baka makita ka ng iyong Ama. Hindi ka pa naman siguro nagpaalam na pupunta ka rito."


Sasagot na sana ako nang marinig kong nagkakagulo na sila kaya sabay kaming napatingin doon. Kinarga na nila si Don Carlos sa tila higaan na gawa sa matibay na tela at dinala palabas. Duguan si Don Carlos na ipinapakita ng kaniyang suot na ordinaryong camisa na dati ay kulay kayumanggi ngayon ay naging pula na dahil sa dugo na naging madilim ang kulay sa kaniyang tagiliran. Umiiyak naman na nakasunod ang kaniyang pamilya.


Mas lalo akong nanginig nang makitang duguan na ang katawan ni Don Carlos. Sumunod ang tingin ko kay Joaquin. Tila ba'y piniga at nilukot ang aking puso nang masilayan ko siya. Hapong-hapo ang kaniyang itsura at magulo na rin. Nanibago ako habang nakatingin sa kaniya dahil kagaya ng kaniyang mga kapatid ay wala na ang kanilang mga mamahalin at magarbong amerikanong suot.


Kaya pala hindi na siya nakatugon sa aking mga sulat ay dahil nangyayari na pala ito sa kanilang pamilya? Habang nakakulong ako sa aking silid ay nakakulong din siya sa cuartel.


"Kailangan mo nang umuwi, Martina," pagtawag ni Agustin at mabilis ko siyang nilingon.


"Hindi..., nais ko silang makita. Ay–ayos lamang ba si Don Carlos? Hindi naman si–siguro siya na..nawala, hindi ba?" kinakabahan kong sabi.


"Hindi ako sigurado, Martina. Sana ay maililigtas siya sapagkat maraming dugo ang lumabas mula sa kaniya," tugon niya. "At hindi ka maaaring lumapit sa kanila sa ngayon. Baka madamay ka, Martina, at ikapahamak mo pa."


"Pero kasi...,"


"Martina, pakiusap," aniya. "Huwag sa ganitong sitwasyon. Nagkakagulo ang lahat. Kailangan mo na ring umuwi at paniguradong hinahanap ka na ng iyong Dueña."


"Nasaan..nasaan pala sina Kuya? Nakita mo ba?" tanong ko na lamang.


"Magkasama sila nina Guadalupe at Carolino. Naroon sila sa harapan," aniya sabay turo roon sa kaliwa bandang harap.


Naroon nga sila nag-uusap, nakatayo habang nakatingin sa gawing pinto. Halata sa kanilang mga mukha ang gulat at pagkabahala sa nangyari.


"Halika na, Martina, ihahatid na kita sa inyo. Kailangan mong makaalis dito bago pa lumabas ang iyong Ama. Panigurado akong uuwi kaagad siya pagkatapos nito."


Bumuntong-hininga na lamang ako saka tumango kay Agustin. Tama naman siya. Hindi ako pwedeng magpadalos-dalos sa mga kilos ko baka mapatay pa ako rito. Inayos ko na lamang ang sarili ko at pinahiran na ang mga luha ko. Huminahon ka, Chestinell.


Bumaba na siya at ako naman ang tinulungan niyang bumaba. Iginiya naman niya ako papalabas habang maingat na pinrotektahan at tinatakpan ako sa mga taong nagsisiksikan sa may pinto at sa labas. Iginiya niya kaagad ako sa isang karwahe at tinulungan na ipasakay. Kaagad naman siyang sumunod at umupo sa tapat ko. Umandar na ang karwahe paalis doon.


"Hindi ko alam na na–nangyayari na pala ito sa kanila. Kagabi ko lang...nalaman mula kay Isay," tahimik kong kwento habang nakatingin sa mga paa ko.


"Hindi ko rin alam kung bakit hindi ka nila pinaalam. Ngunit nakatitiyak akong ang kapakanan mo lang ang iniisip nila."


"Sa tingin mo ba ginawa talaga iyon ni Don Carlos?" tanong ko saka siya tinignan.


"Mabait si Don Carlos, Martina. Subalit hindi rin iyon ang batayan kung magagawa ba niya ang mga bagay na hindi natin inaasahan. Ang nais ko lamang para sa ating bayan ay magkaroon ng kapayapaan at kaayusan. Kaya kung ginawa nga iyon ni Don Carlos ay sana ay tanggapin niya ang hatol. Kung hindi naman iyon totoo naniniwala akong lalabas ang katotohanan at magkakaroon ng hustisya." Nginitian niya ako ng kaunti matapos niyang sabihin iyon.


Dahan-dahan akong tumango dahil wala na rin naman akong maisip dahil sobrang gulo na ng isipan ko.


"May hustisya kaya sa kapanahunang ito?" bulong ko sa sarili saka tumingin sa labas ng bintana.


Nababahala na talaga ako sa kalagayan ng mga Varteliego. Hindi ko alam kung ano na ang mangyayari sa kanila. Maayos lang kaya ang kalagayan ni Don Carlos?


"Kailan sila aalis?" bigla kong tanong kay Agustin.


Napatingin naman siya sa akin. "Hindi ko alam," kibit-balikat niya.


"Nais ko sanang kausapin si Joaquin bago sila umalis," walang sigla kong turan.


Ano na ang mangyayari sa amin ngayon?


"Sa tingin mo ba ay papayagan ka ng iyong ama? Lalo na ngayon ay mas lalo pa siyang maghihigpit sa iyo."


"Ah basta, gagawin ko ang lahat. Kahit man lang makapagpaalam ako kay Joaquin," usal ko.


Sana kahit ganoon man lang ay payagan ako ni Ama. At kahit hindi niya ako payagan ay gagawin ko naman ang lahat makausap ko lang siya.


Malapit na kami sa Casa Del Veriel ay nilingon ko si Agustin. "Agustin, tulungan mo ako."


Nakangiti naman siyang tumango sa akin. "Walang problema. Ano ba iyon?"


"Hindi kasi nila ako nakitang lumabas, iyon ay sa tingin ko, kaya kapag nakarating na tayo sa loob ay hanapin mo kunwari sina Kuya kay Dueña Hilda. Tapos ipatawag mo si Isay at sabihing nais mo akong makausap at ibigay mo ito ng lihim sa kaniya."


Kaagad kong inabot sa kaniya ang abaniko kong mabilis kong tinanggal. May pagtataka naman niya iyong tinaggap at sa huli ay ngumiti siya.


"Walang problema, Martina. Ikakasaya kong ika'y tulungan."


Kaagad na akong yumuko patagilid para hindi ako makita ng mga nagbabantay sa tarangkahan. Nakapasok na kami sa loob at pumarada ang karwahe sa may hagdan ng mansiyon. Bumaba naman kaagad si Agustin saka niya ako tinanguan bago niya isinara ang pinto ng karwahe. Sinilip ko naman siya na naglalakad na paakyat at papasok ng mansiyon kaya napangiti ako.


"Isa...dalawa...tatlo..," nagsimula akong magbilang habang matiyagang naghihintay.


Sana hindi kami mabuko ngayon. Isa pa, alam naman siguro ng lahat na umalis ako. Pwera na lamang kung nakinig ang taga-silbi kay Isay na hindi magsasalita kanino man na lumabas ako.


Lumipas na ang mahabang mga sandali saka ako muling sumilip sa labas. Walang katao-tao pero naroon pa rin ang kaba ko sa aking dibdib. Baka mayroong makakita sa akin.


"Siyamnapu't pito...siyamnapu't walo...siyamnapu't siyam..." Huminga ako ng malalim habang nakapikit.


"Isang daan."


Maingat kong binuksan ang pinto ng karwahe at napatingin sa labas. Laking pasasalamat ko nang walang ni isang tao ang naroon. Hindi na ako nag-aksaya pa ng panahon at mabilis na bumaba mula roon at tumakbo papunta sa mansiyon. Napatigil ako sa may pinto upang usisahin kung may tao ba. Nang makita kong napakatahimik at walang katao-tao at mabilis na akong tumakbo papunta sa ikatlong palapag. Huminto pa ako sa may tuktok ng hagdan at tinanaw ang silid. Naging malaki ang ngiti ko nang makitang bahagyang nakabukas ang pinto niyon. Kumaripas na ako ng takbo at pumasok na doon saka isinara ang pinto. Napasandal na lamang ako sa pinto habang hinahabol ang aking hininga.


"Senyorita!"


Napamulat ako nang marinig ang boses ni Isay. Nakita ko siyang lumabas mula sa bihisan saka dali-daling lumapit sa akin. Tumayo naman ako na kaagad din niyang inalalayan. Nakangiti siya sa akin na may kakaunting pagkabahala sa kaniyang mga mata. Umupo ako sa may mesang pang-aral saka siya matamlay na nginitian.


"Anong nangyari roon? Bakit magkasama na kayo ni Ginoong Agustin?" usisa niya.


"Ay hala! Si Agustin nga pala. Anong nangyari kanina?"


"Ah nasa sala mayor kami ng iyong Dueña kaya nang dumating siya ay kinausap niya kaagad ito. Saka ibinigay niya sa akin ang iyong abaniko," sabay turo sa abanikong nasa tukador. "Sinabi kasi ng Dueña na hindi ka na tumatanggap muna ng panauhin kaya pinapunta na lamang niya ako rito upang sabihan ka na narito si Ginoong Agustin upang kamustahin ka. Kaya kaagad akong nagpunta rito dahil inisip kong magkasama kayong dalawa."


Tumango naman ako saka kumuha ng papel at pluma saka nagsimulang magsulat. "Mabuti ay hindi nalaman ni Dueña na nakalabas ako."


"Ah oo, Senyorita. Nagbunga yata ang pagbabanta ko kay Linda," aniya pa na natawa ng kaunti na sinabayan ko rin.


Abril 12, 2023

Agustin,

Labis akong nagpapasalamat sa iyong tulong. Hindi ko lubos maisip kung ano ang magiging kahihinatnan ng lahat kung hindi ka dumating. Hinding-hindi ko makakalimutan ang lahat ng tulong na ginawa mo para sa akin. At saka, isasauli ko itong iyong panyo mo ngunit lalabhan ko muna.

Maraming-maraming salamat uli. At mag-ingat ka rin sa iyong pag-uwi (kung binabasa mo ito habang nasa daan) o sana ay nakauwi na ng nasa maayos na kalagayan (kung binabasa mo ito sa iyong tahanan).

Nagmamahal,

Martina


Mabilis kong ibinigay kay Isay ang sulat at ipinaabot kay Agustin. Nagmadali naman siyang lumabas dala ang sulat habang naiwan akong humihinga ng malalim at pilit na iniisip at pinoproseso ang mga nangyayari.


Kinasuhan si Don Carlos at ngayon ay excommunicado na ang kanilang pamilya. Tapos ipapatapon pa sila. Pechay! Ano na ang gagawin ko? Kasalanan ko bang nagyari ang lahat ng ito? Dahil ba ito sa mga pagbabago na ginawa ko?


Habang iniisip ko ang mga iyon ay hindi ko na napigilan pang muling tumulo ng mga luha ko. Sobrang hapdi na hindi ko alam kung gaano ito kasakit sa kanilang pamilya.


Bakit kailangan pang mangyari ito?




Sa Taong 1890

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro